You are on page 1of 6

Ipinasa Ni: Carrie Ann Shane E.

Orine BSED 2A Filipino

MODYUL 9:
AKDANG TULUYAN

Sa susunod na gawain, tatayahin natin kung ano ang alam mo tungkol sa mga akdang
tuluyan.

TAYAHIN NATIN:
Ang mga akdang tuluyan ay yaong mga nasusulat sa karaniwang takbo ng
pangungusap katulad na laman ng:
1. Alamat - ito'y mga salaysaying hubad sa katotohanan. Tungkol sa pinagmulan ng bagay ang
karaniwang paksa rito.
2. Anekdota - ito ay isang mahabang salaysaying nahahati sa mga kabanata. Ginagalawan ito ng
maraming tauhan.
3. Nobela - Ang nobela o kathambuhay ay isang mahabang kuwentong piksyon na binubuo ng iba't
ibang kabanata.
4. Pabula - Ang pabula ay isang uri ng kathang-isip na panitikan kung saan mga hayop o kaya mga
bagay na walang-buhay ang gumaganap na mga tauhan.
5. Parabula - isang maikling kuwentong may aral na kalimitang hinahango mula sa Bibliya.
6. Maikling kwento - ito'y salaysaying may isa o ilang tauhan,may isang pangyayari sa kakintalan.
7. Dula- ito'y itinatanghal sa ibabaw ng entablado o tanghalan. Nahahati ito sa ilang yugto, at bawat
yugto ay maraming tagpo.
8. Sanaysay - isang maiksing komposisyon na kalimitang naglalaman ng personal na kuru-kuro ng
may-akda.
9. Talambuhay - isang anyo ng panitikan na nagsasaad ng kasaysayan ng buhay ng isang tao hango
sa mga tunay na tala, pangyayari o impormasyon.
10. Talumpati - isang buod ng kaisipan o opinyon ng isang tao na pinababatid sa pamamagitan ng
pagsalita sa entablado.
11. Balita - ay ang komunikasyon ng mga kasalukuyang kaganapan sa labas at/o loob ng isang bansa
na nakatutulong sa pagbibigay-alam sa mga mamamayan.
12. Kwentong bayan - ay mga salaysay hinggil sa mga likhang-isip na mga tauhan na kumakatawan
sa mga uri ng mamamayan, katulad ng matandang hari, isang marunong na lalaki, o kaya sa isang
hangal na babae.
13. Salawikain - ay mga maiiksing pangungusap na lubhang makahulugan at naglalayong magbigay
patnubay sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.
14. Kasabihan - kawikaang nagsasaad ng ating karanasan.

ISAGAWA
A.Bumuo ng isang akdang tuluyan. Maaring ito ay dula, Maikling Kwento o Nobela.
-Maikling Kwento:
"Ang Munting Lihim ni kuya"

Isang ordinaryong araw ng aming buhay, tanaw ko ang madilim na paligid mula sa
mga butas ng tabla at yero ng dingding ng aming higaan. Katulad ng aking araw-araw
na panggising, naalimpungatan muli ako sa pagdampi ng labi ni kuya sa aking noo.
Naaninag ko ang usok na mala hamog sa aming kalan. Naroon muli ang kuya,
nagluluto ng aming almusal.
"Oh Bryan, napakaaga pa't bakit gising ka na?"
"Kuya naman, wari ko kagabi'y gisingin mo ako sa oras ng iyong paggising upang
matulungan man lang kita sa paghahanda ng ating makakain."
"Mas mahalaga ang sapat na tulog mo bunso, kakailanganin mo ang iyong lakas
papunta sa iyong paaralan."
Nakapikit pa ang aking mga mata ay napangisi ako at sabay yakap kay kuya. Alam
kong hindi niya ako gigisingin dahil mahalaga sa kanya ang aking kalusugan.
Napakabait talaga ng aking kuya, siya ang nagsisilbing pangalawa kong magulang mula
noon pumanaw ang aming itay dahil sa isang malubhang karamdaman. Kapiling pa
namin ang inay noon ngunit nagsawa sa ugali ng itay na inuuna ang tagay kaysa sa
aming buhay. Pitong taong gulang pa lamang ako nang nagkaroon ng bagong pamilya
ang inay. Dalawang taon na palang mahigit ang nakalipas nang kami-kami na lamang
nina kuya at lolo Teryong ang magkakasama sa bahay.
Araw-araw umaalis si kuya ng madaling araw upang maghanapbuhay. Naroon siya
sa palengke ng aming bayang San Diego. Doon ay nagbubuhat siya ng sako-sakong
gulay mula sa truck at kanya itong idedeliber sa mga munting pwesto ng tindahan sa
palengke. Madilim na ay tsaka lamang ito makakauwi. Naiiwan naman si lolo sa bahay
kasama ng kanyang alagang kuting. Malabo na ang kanyang paningin gawa ng
kanyang edad. Isang kahig isang tuka ang naging araw-araw naming
pakikipagsapalaran. Kung hindi magtatrabaho si kuya ay wala kaming kakainin.
Ako nama'y tila walang kapaguran sa paglakad papuntang paaralan. Ilang
kilometro na rin ang aking nadaanan ngunit tila'y hindi ko na nararating ang mababang
paaralan ng San Diego. Bitbit lamang ang malasakong bag at baunang tubig ng
mineral.
Isang araw habang ako'y patungo sa paaralan ay may mga batang sumasabay sa
aking paglakad. Sila'y marahil nasa mas mataas na baitang kaysa sa akin. Kanilang
kinukutya ang aking luma at pudpod na tsinelas gawa ng malayuang paglalakad araw-
araw. Hindi ko na ito pinansin at iniwasan ko na lamang sila. Ngunit nagbaga ang aking
kamao nang marinig kong kinukukutya nila ang kuya dahil sa kanyang trabaho at
kasuotan.
Nang araw na iyon ay nadatnan ako ni kuya na umiiyak sa bahay. Nakita niya ang
maga sa aking bibig, kalmot sa aking mukha at ang gusot-gusot kong damit.
Nagsumbong ako kay kuya ngunit sa halip ako'y kaniyang pinagsabihan.
"sana'y hindi mo na lamang sila pinatulan Bryan, pabayaan mo sila kahit anong
sabihin nila sa atin. Marangal ang aking hanapbuhay at pinagpapaguran ko ito", tinig ni
kuya habang nakayakap siya sa akin. Tumatak sa aking damdamin ang kanyang mga
sinabi, kaya't hinayaan ko na lamang sila sa halos walang humpay na pangungutya nila
sa akin. Bagkus ay ginawa ko itong inspirasyon upang pagbutihin ang aking pag-aaral.
Minsan sa pag-uwi ni kuya galing sa trabaho ay iniuuwian niya ako ng pasalubong
na pansit o kaya'y tinapay at sa tuwing nakalukuwag naman si kuya ay binibilhan niya
ako ng donut. Masaya namin itong pinagsasaluhan kasama si lolo Teryong. Minsan
kapag may oras ay lumalabas kami ni kuya at naglalakad-lakad sa parke. Doon ay
masaya niya akong inilalaro at pagkatapos ay nagmemeryenda kami sa gotohan
malapit sa parke. Bihira lamang mangyari ito sapagkat bihira lang din na makaluwag si
kuya dahil sa hindi naman kalakihan ang kanyang sweldo dagdag pa ang mga bayarin
sa bahay at bayarin sa aking pag-aaral. Kadalasan ay de lata o di kaya'y itlog ang
aming pinagsasaluhan. Gayunpaman ay nananatili kaming matatag para sa aking
pangarap at sa pangarap ni kuya na mapagtapos niya ako ng pag-aaral.
Naaalala ko habang kami'y nasa parke isang araw ay natulala at namangha ako sa
mga bisikleta ng mga bata malapit sa aming kinaroroonan. Batid kong kailanman ay
hindi ako magkakaroon ng bisikleta dahil sa hirap ng aming buhay. Doon ay napansin
ko si kuyang nakatitig din sa akin at tila may lungkot sa kanyang nga mata.
Sa bawat pag-uwi ko ng bahay galing sa paaralan ay nadaratnan ko ang kuya na
inaasikaso si lolo sa kanyang higaan. Kahit pagod ang katawan ay hindi pa rin niya
kami pinapabayaan ni lolo. Mayroon ding mga araw na hindi na siya nakakakain dahil
sa pagod at nauuna na lamang ito sa sahig na aming higaan. Musmos pa ako noon ay
pinagmamasdan ko ang kuya, bakas sa kanyang mukha ang hirap na kanyang
natatamasa ngunit patuloy pa rin sa pagbangon upang kami'y gabayan. Natatandaan
ko ang sinabi niyang kapag siya'y mabigyan ng pagkakataong muling mag-aral ay
abogasya ang nais niyang tapusin. Katulad ko ay hindi rin siya nawawalan ng
kagawaran at medalya sa kanilang paaralan. Sayang lang at natigil siya sa 4th year
high school dahil sa mga kinaharap na problema ng aming pamilya. Pinili niya ang
paghahanapbuhay kaysa sa kanyang pangarap.
Lumipas pa ang mga taon, naging ganoon pa rin ang uri ng aming pamumuhay.
Bukod sa maintenance ni lolo ay dumarami na rin ang gastusin sa bahay. Lumalaki na
rin ang tuition fee sa aking pag-aaral. Isang taon na lamang ay makapagtatapos na rin
ako ng Sekundarya sa mataas na paaralan ng San Diego. Naroon pa rin si kuya
nananariling kargador at kung minsan ay boy sa isang maliit na karinderya malapit sa
aming paaralan. Nadagdagan ang mga taon, nadagdagan ang nga gastusin sa bahay,
kaya nadagdagan din ang hirap ni kuya sa paghahanapbuhay. 28 na si kuya ngunit
hindi pa nakapag-aasawa marahil na rin siguro sa kanyang pagkaabala. Pagod na rin
ang kuya, palagi nang sumasakit at nangangalay ang kanyang likuran at balikat. Maitim
na ang balat at tila puno na ng kalmot ang buong katawan. Gayunpaman ay hindi ko
siya nakikitaan ng panghihina o pagsisisi sa kanyang buhay.
Minsan sa aming pagpapahinga sa labas ng aming munting tahanan ay napansin
ni kuya ang aking talampakan na puno ng kalyo. Hindi umimik si kuya ngunit nakita ko
ang lungkot at pagkaawa sa kanyang mukha. Bigla itong umiwas ng tingin, kanyang
ikinubli at pinunasan ang namuong luha sa kanyang mata. Hindi na namin ito pinag-
usapan pa marahil alam namin ang dahilan kung bakit may mga sugat at kalyo sa aking
mga paa. Ito ay dahil sa araw-araw na paglalakad papunta sa aming paaralan mula
elementarya hanggang sa sekundarya.
Mula noon ay halos hindi na kami nagkakasama dahil madalang na rin itong
umuwi sa bahay. Sabi niya ay nadagdagan daw ang kanyang trabaho. Minsan ay
umuuwi na lamang siya upang iabot ang bayarin ko sa paaralan. Nagtataka ako kay
kuya dahil bigla-bigla itong hindi magkandaugaga sa katratrabaho at sa tingin ko ay
sapat naman ang kanyang kinikita para sa amin.
Isang araw pagkauwi ko ay mayroong magarang sasakyan sa tapat ng aming
bahay. Nadatnan ko ang aming inay at ng bago niyang pamilya na kinakausap si kuya.
Nagprepresenta itong tulungan kami sa pinansyal na estado. Nais niya akong tulungan
sa aking pag-aaral kapalit ng paninirahan ko sa kanila. Nagdesisyon si kuya, at tulad ng
aking ekspektasyon ay hindi ito pumayag.
"kaya kong buhayin ang iniwan mong pamilya, hindi namin kailangan ang iyong
tulong. Nakaya na naming mabuhay nang wala ka. Hindi ka na namin kailangan!"
Doon ay niyakap ko si kuya. Umalis ang inay ng mayroong kirot sa dibdib.
Lumipas ang mga araw, nagdududa na ako kay kuya kasabay ng perang
natuklasan ko sa kanyang kabinet. Tila may inililihim siya sa akin. Mahirap sa amin ang
makapag-ipon kahit singkong duling dahil sa aming pangangailangan ngunit bakit tila'y
libo-libo ang perang ito. Hindi ko na ito tinanong sa kanya.
Malimit na kaming mag-usap ni kuya dahil sa tulog na ako sa bawat pag-uwi niya.
Si lolo ang nakakausap nito dahil madalas itong maghintay sa kanyang pag-uwi. Isang
gabi ay naalimpungatan ako dahil sa pag-uusap nila ni lolo. Tila may inililihim sila sa
akin.
Lumipas ang mga araw at buwan, palapit na nang palapit ang aking pagtatapos sa
sekundarya. Hinintay kong makauwi si kuya upang kausapin at sabihing siya ang
magsasabit ng medalya sa aking pagtatapos. May halong pakundangan si kuya sa
pagdalo dahil sa kanyang trabaho ngunit sinabi niya na...
"hindi man ako makadadalo sa iyong pagtatapos bunso, ay ipinapangako kong
magiging masaya ka sa araw na iyon" kasabay ng pagyakap sa akin ni kuya at
pagpunas ng luha sa aking mga mata.
Bukas na ang araw ng aking gradwasyon, maaga akong natulog upang maging
masigla kinabukasan. Ngunit sa kalagitnaan ng aking pagtulog ay nasulyapan ko si lolo
at si kuya na nag-uusap sa tabi at bahagyang itinitigil ang usapan kapag batid nilang
nakikinig ako sa kanila. Hindi ko na lamang ito pinansin at nagpatuloy na ako sa
pagtulog.
Dumating na nga ang araw na aming pinakahihintay, sumapit na ang pagtatapos
ko sa sekundarya. Habang iginagawad sa akin ang aking mga parangal bilang
valedectorian ng klase ay nasulyapan ko si kuya sa tabi. Tila'y nakangisi na matamlay
ang mukha. Nakaramdam ako ng tuwa dahil nakita ko si kuya ngunit nabanaag ako
nang hindi ko na siya naaninag pang muli. Pagkatapos ng seremonya ay dali-dali ko
siyang hinanap ngunit hindi ko siya matagpuan sa kabila ng pag-iikot ko sa buong
gymnasuim. Agad akong umuwi ngunit nagulat ako sa naratnan ko sa bahay. Isang
malaki at magarang bisikleta ang bumungad sa akin. Ito 'yung pangarap kong bisikleta
mula pa noong aking pagkabata. Naiyak ako at napatalon sa tuwa dahil hindi ko inakala
magkakaroon ako ng isang magandang bisikleta.
Hinanap ko si kuya sa bahay ngunit wala raw ito at nasa trabaho ang tinuran ni
lolo. Pagkaraan ng ilang sandali ay may inabot sa akin si lolo, isang sulat mula kay
kuya.
"maligayang pagtatapos mahal kong kapatid. Sana ay nagustuhan mo ang munti
kong regalo para sa iyo. Nag-ipon ako para mabili ko iyan. Sana'y mas pagbubutihin mo
pa ang iyong pag-aara...!!"
Nabitawan ko ang sulat dahil sa sigaw ng lalakeng kumaripas ng takbo sa bahay.
Mangiyak-iyak ito at sa pagod ay hindi siya makapagsalita. Kasamahan ito ni kuya sa
trabaho. Puno ng kaba ang aking dibdib. Nangatog ang aking mga tuhod dahil sa
natanggap kong balita. Tila'y tumigil ang mundo ko nang sabihing wala na si kuya.
Nabundol siya ng sasakyan habang nagbubuhat ng gulay upang itawid sana sa
kabilang kalsada. Napahandusay ito at wari'y naligo sa sariling dugo. Tunay ngang ang
bawat kasiyahan na madamara ay may kapalit na kalungkutan.
Sa tulong ng aming ina ay naiburol namin ng maayos si kuya. Nasa likod na rin ng
rehas ang nakasagasa sa kanya. Tinanggap ko na rin ang alok ng inay na pera upang
magamit ko sa aking pag-aaral. Nanatili ako sa bahay kasama ang lolo, naikwento ko
sa kanya ang perang nakita ko sa kabinet ni kuya. Gayundin ang palihim nilang pag-
uusap at doon ay nalaman kong bahagi pala ito ng surpresa para sa akin. Hindi naglaon
ay yumao na rin si lolo Teryong at katulad ng burol ni kuya, ang pagpapalibing ay sagot
muli ng aking ina.
Mag-isa akong nanirahan sa bahay. Ramdam ko ang lungkot ng nag-iisa ngunit sa
kabila nito ay nagsikap ako at pinagpatuloy ang aking pag-aaral. Hindi na ako
naglalakad papuntang paaralan, gamit ko ang bisikletang regalo ni kuya. Napakalaking
tulong ito lalo na't ang aming unibersidad ay nasa kabilang bayan pa. Hindi naglaon ay
nakapagtapos ako ng kolehiyo sa tulong na rin ng suportang pinansyal mula sa aking
ina.
Pinahalagahan ko ang bisikletang bigay ni kuya bilang isang alaala sa kanyang
paglisan. Mas ginagamit ko pa ang bisikletang ito kaysa sa aking mga iba't ibang
sasakyan. Kumapit lang tayo sa ating mga pangarap. Magsumikap at huwag hayaang
lamunin ka ng pagsubok sa buhay.
"tinatapos ko ang aking talumpati sa ngalan ng ating amang nasa langit".
"Let's give a big round of applause to our guest speaker for today's graduation
ceremony, Attorney Bryan Castillo".
Maayos na ang aking pamumuhay kasama ng aking pamilya. Kami'y naninirahan
muna pansamantala sa aking condo unit sa lungsod ng Maynila dahil tinatapos pa ang
aming bahay sa bayan ng San Vicente. Ang alaala ni kuya ay hindi kailanman
mabubura. Isinunod ko sa kanyang pangalan ang isa sa pangalan ng aking mga anak,
at siya ay si Gabriel.

You might also like