You are on page 1of 5

RETORIKA

AT IBA PANG MGA TULA

Mykel Andrada
Retorika

Uumpisahan nila tayo sa pangako


ng pagkakaisa. Dahil, tama,
tama nga naman, sino bang may gusto
ng pagkakawatak-watak.

Lalo na ngayong ang mga tao


ay sapilitang pinaghihiwalay
ng pandemya. Totoo, talagang totoo,
na kailangan nating magsama-sama.

Susundan nila tayo ng pangako


ng pagbabago. Dahil, tama,
tama nga naman, walang may gusto
ng kahirapan at kawalang-katiyakan.

Lalo na ngayong ang mga apo


ng mga apo ng mga apo natin
ay silang magmamana at sasalo
ng utang ng mga berdugo.

Wala namang ibang gumugupo


sa pagbabago at pagkakaisa
kundi silang matagal nang pasimuno
ng pandarambong at pandarahas.

Silang nakaluklok at nakabalik sa puwesto


ay kasingtagal na ng problema ng bayan,
kasingtumal ng mga pangakong napako,
kasingtanda ng kanilang kasinungalingan.

Lulunduhin nila tayo sa pagkastigo


sa tinatawag nilang terorista,
sa mga makabayan at progresibo,
sa mga laman ng lansangan.

Lalo na ngayong ang mga apo


ng kanilang winala at pinaslang
ay silang nagmana ng karit, kamao,
alab at alimpuyo ng paninindigan.
Laang Leav

Ganun-ganun laang.
Di ko namalayang
Tag-init ay lumisan.
Ipinaalala laang
ng ulan.

Ganun-ganun laang.
Nakabalik sa Malakanyang.
Binago ang kasaysayan.
Hindi laang sa aklatan
ang panlilinlang.
Mga Lumang Tanong

Anong pangalan mo?


Bakit wala kang apelyido?
Saan ka nakatira?
NPA ka?
A, no permanent address.
Bakit?
Di ba binigyan kayo ng pabahay?
Ibinenta mo siguro.
Bakit di ka sumagot?
Magkano mo ibinenta?
Kung di ka sasagot,
Magdamag ka diyan sa sulok.
Sinong sumunog?
Kalilipat n’yo lang dun, di ba?
Baka may ginantso ka!
Ilang bahay lahat?
Bakit di agad naapula ang apoy?
Bakit walang tubig?
Di kayo siguro nagbayad.
Wala talagang tubig?
Wala rin kayong kuryente?
Wala ring pambili ng kandila?
Saan nanggaling ang apoy?
Lima silang lahat, pero ni isa
Wala kang namukhaan?
Kasalanan ng face mask?
Dapat binidyo n’yo!
Dapat hinabol n’yo!
Bakit hindi ka bumalik dun?
Bakit bawal?
Ilang taon ka na nga ulit?
May trabaho?
Tatamad-tamad ka kasi.
Ilang taon nang problema mo?
Sige, bawal mang-onse!
Dun ang istasyon mo.
Bilang ko lahat ng dyip.
Oo, bawat ikot.
Bawat balik, singilin mo.
Bawat balik, isa sa ‘yo.
Yung siyam, ibigay mo sa ‘kin.
Sinong boss mo?
Sinong boss ko?
Huwag ka nang magtanong.
Basta nakabalik na sila.
Mga Lumang Sagot

Hindi ko po gustong magnakaw.


Iyong tiyan ko po,
Ilang araw nang hindi
Nasasayaran
Maliban sa tubig
Mula sa gripong sira
Sa panulukan
Ng Kalayaan
At Katipunan.

Hindi ko po gustong magnakaw.


Iyon pong umampon sa akin,
Kapag wala akong naiuwi,
Ako’y palalayasin.

You might also like