Professional Documents
Culture Documents
Mykel Andrada
Tulad nang dati, tatlong bagay lamang ang puwedeng ipalalang sa mga kamay tuwing pumipili
ng taya: bato, papel at gunting.
Bato, papel at gunting, sabihin ninyo sa akin, sino sa inyo ang dapat kong piliin? Nilamukos ng
papel ang bato.
Bato, papel at gunting, sabihin ninyo sa akin, sino sa inyo ang hinirang ng aking kalaban at
kaibigan? Pinaduwal ng bato ang gunting.
Bato, papel at gunting, sabihin ninyo sa akin, bakit ngayong malaki na kami, ako’y balagong pa
rin? Pinilasan ng gunting ang papel.
Sa bawat lukso mo, dumodoble ang bigat at sakop ng lapat ng mga palad mo sa aking likuran.
Namememorya na ng aking likuran ang haba ng iyong mga daliri, ang pitik ng pulso sa iyong
pagdantay-lipad, ang pagpapakawala mo ng hininga sa tuwing magsasanga ang iyong mga
binti upang laktawan akong balagong-talo.
Unti-unti namang umigkas ang aking murang buntot, nanigas ang aking gulugod, nangalisag
ang mga balahibo, nanuko ang balikat. Nag-unahan ang mga pakiwari sa lahat ng lagusan ng
mga braso, kamay, hita, binti, at paa. Nagkarera ang mga hinuha sa mga lansangan sa
magkabilang gilid ng aking gulugod, paakyat sa batok, nanahan sa dulo ng mga balahibo,
hanggang sa naging pulahan ang aking mga tainga.
Sa mga pakiwari’t hinuhang ipinailandang ng paglapat ng iyong mga palad sa aking likod,
nayanig ang aking mga tuhod, tumuping parang eroplanong papel, nagpalaot sa dagat ng
hangin.
Nabuwal ako’t sumadsad ka sa akin. Ang mga braso’t binti mo’y parang katawan ng paborito
kong damit na lumatag sa akin. Lihim akong nagpadungaw ng ngiti habang inaalala na sa
luksong baka nga pala, kailangan ring matibay ang tuhod.
Pero habang tumatagal, lumilikha ng napakaraming mukha mo ang salaming nasa harap ko, na
nakatapat sa salamin sa harap mo. Parang magkakasunod na bintana ng nagmamadaling tren
ang magkakasunod na mukha mong lumalagos at nauulit sa nagtititigang magkaharap na
salamin.
Pakiramdam ko’y nahuli mo akong pinagmamasdan ka. Biglang nanliit pang lalo ang singkit
mong mga mata, waring sinisita’t sinisingil ako sa pananampalasan. Ganiyang titig ang itinuturo
sa inyong paaralan: titig ng tigre: ang titig na dadamba sa sinumang kaaway ng inyong
pamantasan at ng inyong pamahalaan. Umuulan ng mga higad ng buhok sa puting tapetang
nakalambong sa iyong mga balikat, nakayakap sa iyong leeg, nakadantay sa iyong mga hita.
Binawi ko ang aking tingin, pinalamlam ang mga mata, at nagpanggap na ako’y hinahaltak ng
panaginip. Sa pagkakapikit, mas malinaw kong naririnig ang nangangaligkig na pantabas ng
buhok. Para akong pusang ipinaghehele ng pautay-utay na pagdapo at pagsayad ng likod ng
kaliwang palad ng barbero. Nalango ako habang lumalabo sa aking pagkakapikit ang patapos
mo nang tabas na 4x6.
Maya-maya’y idinilat ko na ang aking mga mata. Naabutan kong pinaiidlip ng iyong barbero ang
ipinangkaingin sa gubat ng mga higad sa iyong ulo. Tumayo ka mula sa pagkakapako ng iyong
tumbong sa panandaliang trono. Pinagpag mo ang mga kumapit na higad sa iyong sentido,
tenga, leeg at damit. Pinakanti mo sa iyong kanang hinlalato ang kuntil sa kaliwang tainga mo.
May kumapit na higad na hibla sa dulo ng iyong hinlalato. Tumalikod ka sa iyong salamin,
mabilis na naglakad papalapit sa aking salamin.
Tinabig mo ang aking barbero. Gumulong na mga itlog ang aking mga mata. Ang kanang
hinlalato mo, ginawa mong nguso ng baril. Idinildil mo ito sa aking kaliwang sentido. Binuhawing
palayan ang iyong nagsangang ngisi. Nanuklaw ang iyong dila: “Huli ka! Wag kang kikilos!”
Nakaupo na ako't binibilang ang mga nunal sa aking mga kamay at braso nang biglang
ngumuyngoy ang pinto ng banyo. Narinig ko ang basang paghalik ng kaniyang mga talampakan
sa sahig. Humapon sa magkabilang bunganga ng aking ilong ang mababangong labi ng
kaniyang ipinangsabon. Palapit nang palapit sa akin ang basang mga yabag, hanggang sa
naramdaman ng aking hinlalato at hintuturo sa kaliwang paa ang nangungulit na hinlalaki ng
kaniyang kaliwang paa. Namangka ang kaniyang kakulitan sa mga sanga-sanga ngunit
magkakarugtong na mga ilog ng dugo. Dumaong ang kaniyang kakulitan sa pagitan ng aking
mga hita.
Paghapon natin sa may liwasan, yumuko ka’t ipinangsapin mo sa sahig ang pulang bandila.
Naging talon ng tubig ang mga hibla ng iyong buhok, dumaloy patungo sa lambak na iyong noo,
sa talampas na iyong ilong, sa mga ilog na iyong mga mata, sa mga pampang na iyong
magkapisang labi.
Inupuan mo ang malaking puting numerong 43. Tagibang ang iyong pagkakaupo dahil sa kapal
ng mga mumurahing papel na tigib ng mga letra, salita, pangungusap, tandang padamdam, at
iba pang inianak na mga titik at guhit ng panahon.
Tiklado ang iyong tagiliran: tinipa ko ito at agad kang kumislot na parang pusang pinitikan ng
buntot. Inginuso ko ang iyong likuran. Umupo kang parang nadudumi, tumingkayad ka at
sumilip ang puting telang nakakubli; ang puting nagkukubli; ang puting telang nagkubli; ang
puting telang tagakubli. Agarang sinaklot ng iyong kaliwang palad ang mga papel.
Hindi ka na nag-atubiling tumayo nang tuluyan, itinuwid mo ang nakahukot na balikat. Naging
talon ng tela ang iyong saplot na may mukha ni Che Guevarra, ikinubli ang sumusungaw na
mga hibla sa likod ng puting telang nakakubli, nagkukubli, nagkubli, tagakubli. Ikinubli ang
mahaba’t makapal na ahas na nakapulupot sa balakang ng iyong pantalon.
Lumakad ka’t huminto’t lumakad at nakipagdaupan ng palad at ipinamahagi ang mga papel.
Nakakuyom na ang kaliwang kamay mo pagbalik mo sa hinimpilang bandila. Tinuhuran mo ang
malaking puting 43. Napayuko ka na parang hahagkan ang mukha ng bandila. At doon ko lang
napansin na mayroong kang kambal na alimpuyo sa iyong bumbunan, hinahawan ang landas at
direksyon ng mga hibla ng iyong buhok: hinihigit-pinawawalan, binibitiwan-kinakabig at
dinadakip-pinalalaya ako tungo sa mga sentro de grabedad nitong naghihilahang mga puwersa
ng tinatsulok na mundo.