You are on page 1of 35

(Modyul 4) PANITIKAN SA PASULAT NA TRADISYON

1.1 Sa Tula
* Katuturan
* Elemento
* Pagkakaunlad at Sulyap sa Nilalaman
1.2 Mga Halimbawa
* Isang Dipang Langit ni Amado V. Hernandez
* Maynila ni Bienvenido A. Ramos
* Pigurin, Tao, Diyos (Ilokano) ni Reynaldo A. Duque
* Ang Maging Babae ni Ruth Elynia S. Mabanglo
Inaasahang Pagkatuto:
• Naipaliliwanag ang elemento ng tula
• Nasusuri ang mga antolohiya o kalipunang akda (Tula) batay sa mga elementong
pampanitikan

ARALIN:

KAPALIWANAGAN SA MGA KATHANG NILALAMAN NG ANTOLOHIYA AT

KALIGIRAN NG BAWAT GENRE

Kay raming mahuhusay na mga manunulat ng panitikan sa Tagalog o sa

ibang katutubong wika. At kay rami ring magagaling na kathang kung tutuusin

ng mga nakababatid ay maaaring nakahihigit pa sa nilalamang karunungan,

kasiningan, kaalaman atbp. na mapupulot dito.

Isa sa pangunahing suliraning kinahaharap ng mga editor ng antolohiya

na ang isang akda ay hindi basta-basta makukuha at maipalilimbag nang

walang kapahintulutan mula sa tunay na may-akda. Kaya’t kung inaakala ang

isang akda ng isang manunulat ang dapat na isama’t hindi ang napabilang sa

antolohiya, iyan ay may kadahilanan.


Sadyang binibigyang-diin o emphasis sa paghahanda ng mga materyal o

akda sa antolohiya ay ang kabagayan nito sa mga mag-aaral na gagamit. Dito

nakasalalay ang oryentasyong tinatawag. Ito’y mga paksain o pinapaksa ng mga

kathang mapapansing magpapaigting sa kawilihin ng mga guro at mga mag-

aaral, sapagkat iba-iba ang tinatalakay nitong kalagayan – politikal, sosyal,

pilosopikal, sikolohokal, historikal atbp.

TULA

Larawan ng kasaysayan ng bayan, ng pagtulak ng panahon tungo sa pag-

unlad ng daigdig at ng lahat. Ayon kina Epifania G. Angeles, et al. (1972) mula

pa noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin tumitigil

ang mga makata sa pagbuo ng isang malinaw at ganap na katuturan ng kanilang

pangarap. Hanggang ngayon sila ay nagtatangka, nangangarap at naghahanap

ng mga sangkap na mahaaga sa pagbuo nito sa daigdig ng mga makatang

puspos ng imahinasyon, matayog na damdamin at kaisipan.

Narito ang ilang katuturan ng tula ayon sa ilang mga makata:

Ang tula ayisang kamalayang napasigasig (heightened consciousness) –

Alejandro Abadilla

Ang tula ay isang paggagagad. Katulad daw ito ng paggagagad ng pinto ng

manlililok at ng artista sa dulaan – Fernando Monleon

Ang tula ay kagandahan, diwa, katas, larawan at kabuoan ng tanang

kariktan nakikita sa silong ng alin mang langit – Regalado

Ang tula ay isang kaisipang naglalarawan ng kagandahan, kariktan,

kadakilaan: tatlong bagay na kailangang magkatipon-tipon sa isang kaisipan

upang mag-angkin ng karapatang matatawag na tula – Julian C. Balmaceda


ELEMENTO

Tugma

Sinasabing may tugma ang tula kapag ang huling pantig ng huling salita

ng bawat taludtod ay magkakasintunog. Lubha itong nakagaganda sa pagbigkas

ng tula. Ito ang nagbibigay sa tula ng angkin nitong himig o indayog.

Sukat

Ito ay tumutukoy sa bilang ng pantig ng bawat taludtod na bumubuo sa

isang saknong. Ang pantig ay tumutukoy sa paraan ng pagbasa.

Saknong

Ang saknong ay isang grupo sa loob ng isang tula na may dalawa o

maraming linya (taludtod).

Ang saknong ay maaaring:

2 taludtod sa 1 saknong=couplet

3 taludtod sa 1 saknong=tercet

4 taludtod sa 1 saknong=quatrain

5 taludtod sa 1 saknong=quinter

6 taludtod sa 1 saknong=sestet

7 taludtod sa 1 saknong=seplet

8 taludtod sa 1 saknong=octave

Persona

Tumutukoy sa nagsasalita sa tula; una, ikalawa o ikatlong panauhan.

Larawang Diwa

Ito ay mga salitang binabanggit sa tula na nagkikintal ng tiyak na larawan

sa isipan ng mambabasa.

Simbolismo

Ito ang mga sagisag o simbolong ginamit sa tula na kumakatawan sa isang kahulugan.
Talinghaga

Tumutukoy ito sa paggamit ng matatalinhagang salita at tayutay.

SULYAP SA NILALAMAN

Ang buong kasaysayan ng Pilipinas ay kasaysayan ng pagtanggap ng mga

banyagang impluwensiya, pagsunod sa kadakilaan ng Diyos, pagkilala sa

kapangyarihan ng pamahalaan at batas at pakikibaka sa mga dayuhang

mapang-api. Dahil dito tatlong mahalagang damdamin ang napukaw at

natutuhan ng mga Pilipino at lahat ng ito’y sa tawag ng pag-ibig.

Una, ang pag-ibig sa Diyos. Nananalig ang tao sa relihiyon dahil sa mga

pilosopiyang teolohikal. Halimbawa nito ay ang ilang saknong na matatagpuan

sa Koridong Ibong Adarna na ang pambungad ay isang panalangin sa mahal na

Birhen bilang tanda na noon pa man ang panitikan ay kasangkapan sa

pagpapalaganap ng relihiyong Katoliko.

Pangalawa, ang pag-ibig sa Bayan. Dala ng pagmamalabis ng mga

namumuno, dayuhan man o kapuwa Pilipino, sa pamahalaan at pang-aapi ng

mga maykapangyarihan at malakas sa pamahalaan, ang karaniwang mahihina

at naaaping mamamayang Pilipino ay natutong magalit, maghimagsik at

lumaban. Nahubog ang puso sa pagkamakabayan upang ipagtanggol ang

karapatan ng sariling bayan at kapuwa mamamayan.

Pangatlo, ang pag-ibig sa Sarili. Nagkaroon ng pagbabago ang anyo ng

buhay-Pilipino. Kasabay nito, nagbago ang kaisipan at kaugalian ng mga

makata ayon sa takbo ng lipunang naaapektuhan ng industriya at teknolohiya.

Naging marahas ang paghahangad ng katarungan, kaginhawaan at katahimikan

sa kapaligiran. Natutong tumingin sa sarilng pagkatao o humanidad hanggang

mabuhay sa dibdib ng makata ang paghahanap sa kaniyang sarili, sa sariling

identidad bilang tao.


MGA HALIMBAWA

ISANG DIPANG LANGIT (ni Amado V. Hernandez)

Isang Dipang Langit

Ako’y ipiniit ng linsil na puno

hangad palibhasang diwa ko’y piitin,

katawang marupok, aniya’y pagsuko,

damdami’y supil na’t mithiin ay supil.

Ikinulong ako sa kutang malupit:

bato, bakal, punlo, balasik ng bantay;

lubos na tiwalag sa buong daigdig

at inaring kahit buhay man ay patay.

Sa munting dungawan, tanging abot-malas

ay sandipang langit na puno ng luha,

maramot na birang ng pusong may sugat,

watawat ng aking pagkapariwara.

Sintalim ng kidlat ang mata ng tanod,

sa pintong may susi’t walang makalapit;

sigaw ng bilanggo sa katabing moog,

anaki’y atungal ng hayop sa yungib.


Ang maghapo’y tila isang tanikala

na kala-kaladkad ng paang madugo

ang buong magdamag ay kulambong luksa

ng kabaong waring lungga ng bilanggo.

Kung minsa’y magdaan ang payak na yabag,

kawil ng kadena ang kumakalanding;

sa maputlang araw saglit ibibilad,

sanlibong aninong iniluwa ng dilim.

Kung minsan, ang gabi’y biglang magulantang

sa hudyat – may takas! – at asod ng punlo;

kung minsa’y tumangis ang lumang batingaw,

sa bitayang moog, may naghihingalo.

At ito ang tanging daigdig ko ngayon –

bilangguang mandi’y libingan ng buhay;

sampu, dalawampu, at lahat ng taon

ng buong buhay ko’y dito mapipigtal.

Nguni’t yaring diwa’y walang takot-hirap

at batis pa rin itong aking puso:

piita’y bahagi ng pakikilamas,

mapiit ay tanda ng di pagsuko.

Ang tao’t Bathala ay di natutulog


at di habang araw ang api ay api,

tanang paniniil ay may pagtutuos,

habang may Bastilya’y may bayang gaganti.

At bukas, diyan din, aking matatanaw

sa sandipang langit na wala nang luha,

sisikat ang gintong araw ng tagumpay...

layang sasalubong ako sa paglaya!


MAYNILA (ni Bienvenido A. Ramos)

sa pagkakaluhod, ang iyong bangketa

ay nanakluhod sa iyong eskolta;

kayrikit ng ilaw

sa iyong libingan ng mga bulaklak na nangakatawa

habang nilalagas ng hayok na pita!

ang nagmamadaling sala mong maharot

ay dumadapurak sa banal na loob;

sa iyong simbahan

buwitreng naglisaw

ang abalang nasang kahit nakaluhod

ay nangagpipiging sa bangkay ng diyos!

nagpapaubaya ang kandungang-lagim

sa kawalang-muwang na nangaglalasing;

ang iyong pagtawa

isang libo’t isang hiwaga sa dilim

ang isinisilang at inililibing!

nag-aanyaya kang bagong paraiso,

may ngiting salubong sa singki at dayo;

kung mayakap ka na saka mapupuna

na ang kariktan mong akala’y kung sino

may ikinukubling maruming estero.


ANG MAGING BABAE (ni Ruth E.S. Mabanglo)

Kasumpa-sumpa

ang maging babae sa panahong ito:

Depinisyong pamana

ng nakaraa't kasalukuyan.

Anyong hinulma

ng pag-asam at pangangailangan.

Ibukod pa ang basal na kalikasan.

Ang tungkulin at kapaligiran.

Isaalang-alang bilang halimbawa,

ang maiambil sa babasaging krsital.

Mulang pagsilang

Nagumon ang isip sa karupukan.

Guwardiya ang bawat ama

mg pagkabirhe't kahihiyan.

Bawat kapatid na lalaki'y espiya,

asawa naman ang kandadong ikinawit sa pinto.

Tunguhin ka't dahilan

ng di mabilang na bagay.

Kanin at pamulat

ng hangari't paglingap.

Anong pag-ibig o pagpapakasakit?

Anong paglilingkod o pagtitiis?

Ikaw ang pundiya ng karsonsilyo,

ang kurbata, maging ang burda sa panyo't kamiseta.

Susukatin ang ganda mo sa kama,


ang talino sa pagkita ng pera.

Kumikita ang beer at sine,

Nagdidildil ka ng pills.

Tunay, ang maging babae sa panahong ito'y

magiging kasumpa-sumpa lalo

Kung di babalikwas ang lahat,

matiim na magmumuni't magsusuri

Kahit masugat-sugatan ang sarili,

upang ang dugong

sa kabahagi lamang dumadaloy,

maglandas din sa isip at guni-guni.


(MODYUL 5)

PANITIKAN SA PASULAT NA TRADISYON

Kapaliwanagan sa mga Kathang Nilalaman ng Antolohiya at Kaligiran ng Genre

1.1 Sa Maikling Kuwento

* Katuturan

* Uri

* Mga Bahagi

* Mga Sangkap

* Mga Salik

* Pagkakaunlad at Sulyap sa Nilalaman

1.2 Mga Halimbawa

* Walang Panginoon ni Deogracias A. Rosario

* Suyuan sa Tubigan ni Macario Pineda

* Ang Yungib sa Bundok Gidday (Ilokano) ni Reynaldo A. Duque

* Ang Laing Langob ni Brigido Alba (Cebuano) ni Tiburcio Baguio

* Usok ng Mapupusok na Araw ni Elynia S. Mabanglo

Inaasahang Pagkatuto:

• Nakapagbibigay ng impormasyon sa katuturan, uri, bahagi, sangkap at

salik ng maikling kuwento

• Nasusuri ang mga antolohiya o kalipunang akda (Maikling Kuwento)

batay sa mga katangiang pampanitikan


Aralin:

MAIKLING KUWENTO

Sa mga sangay ng panitikan, ang maituturing na pinakaanak-isip ng

pagsasamang Pilipino at Amerikano ay ang maikling kuwento. Ang Amerika

nang sakupin nila ang Pilipinas, ang nagdala ng sining na ito rito. Gawa ng

sadyang makilitiin ang Pilipino sa anumang bago sa kanyang panlasa, ang

maikling katha noon ay parang McDonald Hamburger ngayon na minsan niyang

matikman at magustuhan ay pinakyaw, tinangkilik hanggang tuluyang

makahiligan at lubusang makasanayan.

Sa Amerika, ang kauna-unahang lumikha at nagpakilala sa anyong ito ng

pagsusulat sa panitikan ay si Edgar Allan Poe na ngayon ay kinikilala nilang

“ama ng maikling kuwento.” Dito naman sa Pilipinas ipinagkapuri kay

Deogracias A. Rosario, ang taguring ito, hindi dahil sa siya ang unang nakasulat

ng masasabing may sangkap ng tunay na maikling kuwento bukod pa sa

kahusayan niya sa sining ng pagsulat nito.

KATUTURAN

Ang maikling kuwento ay isang masining na anyo ng panitikan. Tulad ng

nobela at dula, ito’y isang paggagad ng realidad. Datapwat ang paglalarawan at

paglalahad na ginagawa sa realidad ay sa madali, maikli at masining na paraan

lamang, sa gayon, sa isang upuan lamang sa sandaling panahon agad itong

matutunghayan, mababasa at kapupulutan ng pananabik at aliw ng mga taong

laging nagmamadali ng halos wala nang panahon para magpahinga at magbasa

nang matagalan.

Hindi nga naman kaiinipan ang ganitong akda. Hindi tulad ng nobela na

mahaba ang pagsasalaysay ng napakaraming pangyayari sa buhay ng iisang


pangunahing tauhan kundi pati na ng mga tauhang nakapaligid sa kanya. Sa

maikling kuwento, ang ginagagad ay iyong isang momento lamang o iyong isang

madulang pangyayaring naganap sa buhay ng pangunahing tauhan.

Halimbawa, kung ang simulan sa mga pangyayari nang siya’y isilang at tapusin

sa mga naganap nang siya’y mamatay. Napakahaba ng banghay at mga tauhang

nasasangkot ay kay rami.

Sa maikling kuwento ay hindi. Maaaring sulyapan lamang dito ang mga

saglit na sadyang madula nang makilala niya si Josephine Bracken. Ang dahilan

nito ay upang mag-iwan sa isip ng bumabasa ng iisang kakintalan o impresyon

na mahirap makalimutan. Ngunit paano nga ba nagsimula ang maikling

kuwento sa Pilipinas.

URI

1. Kuwento ng tauhan - kung ang mga inilalarawan ay mga pangyayaring

pangkaugalian ng mga tauhang nagsisiganap upang mabigyan ng kabuuan ang

pag-unawa sa kanila ng mambabasa. Halimbawa nito ay ang “ALOHA” ni

Deogracias Rosario.

2. Kuwento ng tagpuan - kung ang tagpuan ay ginagawang pangunahing

salik at pag-iikutan ng mga pangyayari sa kuwento. Ito’y parang isang tauhang

saksi sa mga pangyayari. Halimbawa nito’y ang “Kinagisnang Balon” ni Andres

Cristobal Cruz.

3. Kuwento ng banghay - dito’y binibigyang-diin ang pagpapakita sa

madulang pangyayari. Halimbawa nito’y “Ang Pusa Sa aking Hapag” ni Jesus

Arceo.

4. Kuwento ng isipan - kung ang kuwento ay inilalahad sa pamamagitan

ng pagpapakita kung ano ang nangyayari sa isipan ng isang tauhan. Ito rin ay

tekniko sa pagsusulat ng dula o nobela. Halimbawa nito ay ang “Apat na


Kandila” ni Ludivina C. Martin.

5. Kuwento ng katutubong kulay - ito’y naglalarawan ng mga bagay-bagay

hinggil sa mga pangyayaring nagaganap sa isang lugar, sa nayon o sa lalawigan.

Ang mga salitang ginagamit sa paglalarawan ay naaayon sa masasaksihan sa

sinasabing pook ng may-akda. Halimbawa nito’y “Ang Yungib Sa Bundok

Gidday” ni Reynaldo A. Duque.

MGA BAHAGI

1. Pasimula - dito matatagpuan ang tauhan, tagpuan kasama na rito ang

panahon at ang suliranin, kung saan iikot ang kasaysayan ng kuwento. Ang

panimula ay maaaring naglalarawan, usapan,patumbalik, pagsasalaysay o

makatangpansing kilos.

2. Paunlad na Pangyayari - mga kawing-kawing na pangyayari patungong

kasukdulan.

3. Kasukdulan - ang bahaging ito ang pinakamasidhing kinapapanabikan

ng mga mambabasa dahil dito nila malalaman ayon na rin sa pinakamaselang

pangyayaring inilalarwan sa kuwento, ang tututnguhin ng mga tauhan, kung

tagumpay o kabiguan.

4. Kakintalan - ito ang impresyong naiiwan sa isipan at damdamin ng

mambabasa. Ang bahagi o pangyayari sa buhay ng pangunahing tauhan o isa

sa mahahalagang tauhan na iniidentipikahan ng mambabasa sa kuwento.

5. Wakas -ang nagpapahiwatig na bahagi hinggil sa damdamin at

kahatulang igagawad ng mambabasa, kung masaya malungkot, makatarungan,

di-inaasahan o ipinauubaya na lamng sa mambabasa ang maaaring kahinatna

ng pangunahing tauhan.
MGA SANGKAP

1. Tagpuan - ang pinangyayarihan ng kuwento. Kabilang dito ang

kalagayan ng panahon sa loob at labas ng sarili ng tauhan.

2. Tauhan - ang mga taong may kaugnayan sa isa’t isa, ang ang

pangunahing tauhan at iba pa na nasasangkot sa mga pangyayari sa kuwento.

3. Banghay - ang mga pangyayaring nagaganap o magaganap sa kuwento

umpisa sa simula hanggang wakas.

4. Pananalita - ang buhay at diwa ng tauhan at ng mga pangyayari.

5. Tema - ang kausapang hangad na ibahagi sa mambabasa ng

manunulat.

6. Damdamin - ang kulay sa kuwento na nagbibigay-kintal at nag-aantig-

loob ng mambabasa.

7. Pananaw - ang pamamaraang ginagamit ng may-akda ayon sa

panauhing tinitingnan.

8. Simbolo - ang mga bagay na di-lantarang pumupukaw- kintal ng

mambabasa.

MGA SALIK

1. Kapanauhan - iilan lamng at ang mga pangunahing tauhan ang siyang

ang pinakaugat ng maselang pangyayaring inilalahad.

2. Kaganyakan - ito ang salik na tinatawag ding isang saglit na kasiglahan

sapagkat ito ang nagpapasidhi sa damdamin at pagnanasa ng mambabasa

upang ipagpatuloy ang pagtunghay.

3. Kabanghayan - ang pagkakasunod-sunod ng mga naayong pangyayari

na mabilis ang kaganapan at makanya ang pagkakalahad ayon sa isyilo ng

manunulat. Ang kabangyahan ay maaaring banghayin ayon sa tauhan, tagpuan,


banghay, daloy, ng isipan at katutubong kulay.

4. Tunggalian - o gusto o buhol na tinatawag, ang bsalik na naglalarawan

kung ano ang sagabal na haharapin o kakabakahin ng pangunahingtauhan sa

ikapupunyagi ng kanyang layunin. Ito ang nagsisilbing hadlang sa

ikatatagumpay ng layunin ng pangunahing tauhan na matatagpuan, maaaring

sa sarili, sa kapwa o sa kapaligiran.

5. Kasukdulan - isang bahagi ngunit salik ding matatawag, at tulad ng

nabanggit na, ito ang pinakamasidhing bahagi dahil dito nakasalalay ang

kaalaman ng mambabasa sa sasapitin ng mga tauhan sa bandang hulihan.

6. Kakanyahan - Istilo ng awtor

7. Kahimigan - ang damdaming ginagamit upang mapukaw ang kintal sa

isip ng mambabasa.

PAGKAKAUNLAD

Tulad din ng lahat, ang maikling kuwento ay nagsimula sa pagsubok.

Sinubukang mangatha ng Pilipino ng maikling kuwento sa kaanyuang tinawag

na dagli, isang salaysay na lantaran at walang timping nangangaral,

namumuna, nanunudyo kaya’y nagpapasaring. (Tunghan ang ilang halimbawa

nito sa Panitikan at Kritisismo. Bahagi III ni Rosario Yu ph. 697-706). Namalasak

ito noong unang magkasunod na dekada ng kasalukuyang siglo. Ngunit nang

sumapit ang 1920, nagkaroon ng pagbabago. Nagkaroon ng banghay. Ang

nilalamang animo’y nagsesermon ay nabawasan. Namayani ng sentimentalismo.

Namulaklak ang mga dila ng manunulat. Ang kaiklian ng dagli na parang isang

lagom lamang ay humaba. At ang mga pinapaksa nito na mga luma o dati nang

naisulat na tema tulad ng karanasan sa pag-ibig, halimbawa’y ang Pag-ibig ni

Hernandez Peña; ng tuwirang pagnunuligsa, halimbawa’y ang Sumpain Nawa


Ang Mga Ngiping Ginto ni Lope K. Santos; ng lantarang pangangaral,

halimbawa’y Ang Sugal; at ang mga pasingaw na isang pagkatha na idinudulot

sa mga paraluman, halimbawa’y ang Concha ni Lope K. Santos; bagamat sa

makabago nang pagtalakay ay umunlad pa.

Natatag ang Liwayway noong 1922. Lumaganap at naging popular sa

mambabasa ang maikling kwento hanggang 1934. Ito ang mga panahong

tinawag na Ilaw At Panitik sapagkat ganap nang nahasa ang mga manunulat sa

sining ng maikling katha. Nagkaroon ng mga pagsusuri. Napuna nag mga

kakulangan at kalabisan sa mga akda. Nabatid ang mga kinakailangang taglayin

ng isang mahusay at masining na maikling katha. Itinuo ang diin sa “tumpak

na pamamaraan lamang sa pagsulat na higit na kaugnay ng kaanyuan kaysa sa

nilalaman ng isang akda.” (Abadilla, 1954). At sa pamamagitan ng Parolang Ginto

(1927) ni Clodualdo del Mundo at ng Talaang Bughaw (1932) ni Alejandro

Abadilla natutuhang piliin ang inaakalang pinakamahuhusay na maikling

katha.

Mga Gintong Dahon Ng Panitikan ang panahon ng Ilaw at Panitik, (1929-

1934) dahil ang kaanyuan nga ang binigyan ng hugis bukod sa pagbabago ng

kalamnan. Bago dumating ang mga Hapon karaniwang buhay-lungsod ang

paksa, ngunit sa pagkukubli marahil sa mga mananakop, nahalina ang mga

manunulat sa mga paksang ayon sa buhay-lalawigan nang malupig na ang

bansa. Ang mga lantad na pangyayari sa banghay na wika ngay’y “pag nabasa

ang simula’y alam na ang wakas” ay nabago. Nagkaroon ito ng katimping

nagbibigay ng kapanabikan sa mga mambabasa.

Nagtuloy-tuloy ang pagsusulat ng maikling kuwento. Ngunit nagkaroon

din ng mga sagabal sa pag-unlad. Isa sa mga ito ay ang pagtatagisan ng

paniniwala ng lupon ng mga purista o sakdalista at ng tinatawag na mga


pangahas. Nagtagumpay ang mga purista. Ang mga pangahas ay nabigong

parang suliranin ay ang kakulangan o kadahupan sa pananagalog ng ibang

manunulat.

Sa pagsapit ng pananakop ng mga Hapon, na kabilang sa panahon ng

Panitikan, ay lalong gumanda ang maiikling kuwentong Pilipino, tulad ng

nabanggit na ang mga dating nagsulat hinggil sa buhay-lungsod ay tumalakay

ng mga tinatawag, na kuwento ng katutubong kulay, bukodsa kuwento ng

isipan, banghay, tagpuan at tauhan, dahil nagsilikas na sa lalawigan ang mga

manunulat. Sa karagdagang karanasang dinanas sa kamy ng mga Hapon, lalong

naging makulay ang lamn ng paglalahad. At sa tulong na rin ng mga Hapon, ang

impluwensya na mga Amerikano ay nabawasan sapagkat pumayag silang

gamitin ng mga Pilipino ang sariling wika.

Sa kasalukuyan tinatamasa na ng mga Pilipino ang kaganapan ng sining

sa pagsususlat ng maikling kuwento na sa tulong ng Carlos Palanca Memorial

Award at iba pang mga babasahing tumataguyod sa ganitong mga uri ng akda,

ito’y lalong dumagsa at kinalugdang basahin ng karamihan.

SULYAP SA MGA NILALAMAN

Sinasabing “Utang kina Del Mundo at Abadilla ng Panitikan, at ng sangay

ng maikling katha lalo na, ang maagang ikinasapit nito sa kahinugan ng

kasalukuyan.” (Abadilla, 1954) Samakatuwid, masasabi ring sa panahong ito

nagsimula ang maksining at makabagong anyo ng maikling kuwento na sa

kasalukuyan ay nananatiling ginagagad ang “sining at pamamaraan sa pag-

aaral,” bagamat siyempre’y naging maunlad pa.

At upang ang panahon ngang ito ay mapahalagahan ng husto, minabuting


sinimulan dito ang antolohiya.

At bilang pagpapahalaga at paggalang sa mataas na katayuan ni

Deogracias A. Rosario bilang “ama ng maikling kwento,” marapat lamang na

iukol sa kanya ang unang mga pahina sa hanay ng mga akda at manunulat na

nabibiling dito sa antolohiya.

Nagdaan pa muna sa pagdadalawang-isip sa kanyang akdang isasama

rito. Kung alin sa dalawa ang Aloha, ang pinakauna niyang kathang napili sa

Talaang Bughaw noong 1932 o ang Walang Panginoon na kinatha niya noong

1933. Nanaig itong huli sa dahilang may pagsusuri nang ginawa rito

(Sangguniin: Maikling kathang Tagalog. Abadilla, et. Al. 1954, pp.84-103) na

makatutulong sa mga estudyante sa kanilang pag-aaral nito. Makulay ang

kuwentong ito. May pag-iibigan ng isang mahirap at mayaman, may

pangangamkam ng lupa ng isang makapangyarihan sa isang magbubukid, may

pagsisikap ng isang mangmang na gustong makapag-aral, may paghihiganti ng

isang naaapi, atbp. na tinatalakay dito. Bukod sa romansang nababalot sa

suliraning pangkabuhayan panlipunan at pansikolohikal, kinukulayan din ito

ng katutubong kapligiran at kaugalian na kapupulutang tiyak ng aliw at aral ng

mga kabataan.

Ang Suyuan Sa Tubigan, (1934) naman ni Macario Pineda ay pinili sa

gayunding dahilang isinaalang-alang sa katha ni D. A. Rosario (Sangguniin:

Makabagong Pananaw sa Wika At Panitikan nina Arenas, et. al. 1976 pp.259-

261). Ang paghihirap sa lungsod noong panahon ng Hapon ay nagtulak sa mga

tao, kabilang na ang mga manunulat, na lumikas sa kani-kanilang lalawigan.

Tulad ng isinasaad ng pamagat na Suyuan, na ang kahulugan ay pagliligawan o

pag-iibigan; Sa Tubigan, na ang ibig tukuyin ay ang pataniman ng palay na may

tubig, ito’y isang kuwento ng iba’t-ibang uri ng pag-ibig. Tipikal ding katutubong
kulay ang kuwentong ito sapagkat inilalarawan ng may-akda ang mga tanawin,

gawain at kaugalian sa kabukiran. Sa ibang pananaw, maaari ring ituring na

simbolikal ang kathang ito sapagkat makahulugan ang ilang ginamit na

pangalan at pagkakalarawan ng pagkatao ng mga nagsisiganap sa kuwento.

Siyempre ito’y dapat iayon sa isinasaad na kapanahunan ng akda.

Ang Yungib Sa Bundok Gidday (1974), ay orihinal na sinulat ni Reynaldo

A. Duque sa wikang Ilokano. Isinalin niya ito sa Tagalog at ibinilang sa

kalipunan ng kuwentong pinamagatang Baggani Ubbog At Iba Pang Kuwento na

inilahok niya sa patimpalak ng Cultural Center of the Philippines noong 1974.

Ang kalipunan ay nagwagi ng Dakilang Gantimpala. Isa ring kuwento ng

katutubong-kulay ito. Inilalarawan dito ang kaugalian ng mga Ilokano sa

paglilibing ng isang namatay. Ayon kay Prof. Marcelino A. Foronda, Jr., propesor

ng De La Salle, ang kuwentong ito ay “halos-mala-Bibliya rin ang allegoriya at

simbulismong ginamit.” (Baganni Ubbog, 1982, p.XI)

Kay Tiburcio Baguio, higit na mahalagang bigyang-diin ang sikolohiya

ngbtauhan at ang kamalayan nito sa lipunang kanyang kinalalagyan sa maikling

kuwento. Ito nga si Brigido Alba ang nilikha niyang tauhang pinag-angkin niya

ng matatag na paninindigan sa buhayna hindi kayang mabili ng salapi o magupo

ng anumang lakas maliban sa kamatayan. Ito ang Langob na pinamamayaniha

ng materyalismo, na ang mga kapitalista lamang ang ang may puwang umunlad

sa lipunan, at ang anumang pagpuprotesta o pagwewelga ng mga lalong

nabubusabos na mahihirap sa kanilang paghingi ng kaunting ginhawa sa buhay

aynauuwi lamang, kung hindi man sa kasawian, sa walang katuturan. Ito Ang

Laing Langob Ni Brigido Alba (Ang Ibang yungib ni Brigido Alba) na inilalarawan

ng may-akda.

Usok Ng Mapupusok Na Araw (1983) ni Ruth E. S. Mabanglo. Bukod sa


panlipunan, sikolohikal din ang oryentasyon ng kuwentongito. Dala ng mga

kahiligat at kaisipang Kolonyal ng mga Pilipino na pilit iniaangkop sa kanilang

likas na silanganing buhay - napapasok tuloy sila sa mga sitwasyong mahirap

lusutan. Ang tinging kapag dayo, lalo’t puti, ay masalapi, ay sadya yatang

nakatatak na sa mga mata ng karamihansa ating mga kababayan, ma-babae,

ma-lalaki. Kung hindi man pang-ekonomihiya ang dahilan, ito’y pang-

adbentura. Ang makakuha ng isang Kano o Iranianna mapapangasawa ay

pagkakaroon ng pasaporte para makapangibang-bayan. Ngunit kaiba nag

sikolohiyang inilarawan dito ni Ruth E. S. Mabanglo. Ibig ni Lucing na

mapabilang sa “Women’s Liberation Movement,” na ang karaniwang

tumataguyod na kababaihan sa Pilipinas, lalo na iyong mga taga-Maynila, ay

iyong mga nagtatrabaho sa malalaking opisina at may pinanghahawakang

matataas na puwesto. Nais nilang ipakilala na kaya nilangpantayan ang

anumang magagawa ng isang lalaki. Kaya nga ba? At kung ang pagkamalaya

ang pag-uusapan, hanggang sila maaaring umabot? Ito ay masasagot ng Usok

Ng Mapupusok Na Araw.
(MODYUL 6)

PANITIKAN SA PASULAT NA TRADISYON

Kapaliwanagan sa mga Kathang Nilalaman ng Antolohiya at Kaligiran ng Genre

1.1 Sa Nobela

* Katuturan

* Layunin

* Uri

* Pagkakaunlad at Sulyap sa Nilalaman

1.2 Mga Halimbawa

* Luha ng Buwaya

* Titser ni Liwayway Arceo

ARALIN:

NOBELA

Totoong makulay ang takbo ng pang-araw-araw na pamumuhay at

pakikipamuhay ng tao. Sa bawat pahbabago ng panahon, mga bagong dugo ang

masiglang bumubuhay sa iba’t-ibang uri ng akdang pampanitikan sa anyong

tuluyan. Naririyan ang maikling kuwento, dula, sanaysay at nobela. Sa mga ito,

ang nobela, ang masasabing tunay na salamin ng buhay pagka’t ito ang

nagtatampok ng mga karanasang malaki ang pagkakatulad sa pang-araw-araw

na buhay ng karaniwang mambabasa.

Ayon kay Soleda Reyes:

Sa nobela, mababasa ang mga pangyayari sa buhay ng isang kagawad ng

unyon, ng isang mamamahayag ng Taliba, ng isang modista sa Pasay, ng isang

mananayaw sa Kabaret, ng isang tindera ng mani sa Bulakan. Alalaong baga,

namamalas ng madla ang mga hinabing pangyayari na ginagampanan ng mga


tauhang maaaring bahagi ng kanilang aktuwal na kapaligiran (s. Reyes, 1982).

KATUTURAN

Sa makatuwid, ang nobela ay isang akdang pampanitikan na nagtataglay

ng maraming ligaw na tagpo. Maraming tauhan at nangangailangan ng

mahabang kawing ng panahon. Higit na kinawiwilihan ang nobela kung ito’y

itinuturing bilang sa maraming posibilidad na napapaloob sa malawak na

tradisyon ng pagkukuwento. Dumadaloy din sa mga nobela ang mga sangkap

ng didikatisismo o ang paniniwala na ang mga katha ay mapagkukuhanan ng

mga aral na maiuugnay sa buhay ng mga mamamayan.

AYON NAMAN KAY ROMAN REYES:

Ang mga nobela’y kinalalarawan naman ng sariling pag-uugali, mga

kilos at damdaming katutubo ng bayang pinaghanguan ng matiyagang

sumulat; at hindi lamang ganyan kundi gumagamot din naman sa

maraming sakit na pag-uugali, maling paniniwala at masasagawang kilos,

na nagpapapusyaw sa dapat na magningning na kapurihan ng tao kung

kaya nabubuhay (Reyes, 1908)

WINIKA NAMAN NI SERVANDO DE LOS ANGELES:

Ang nobela (salitang galing sa Latin Novelus) ay masasabing supling

o kaugnay ng kasaysayan o istorya pagka’t dito nagmula. Noong una na

hindi pa madali ang magpalimbag ng mga bunga ng panitikan, ang mga

pangyayari ay ipinababatid sa pamamagitan sa pagsasalaysay ng tao. Ang

nakasaksi ay siyang hinihiling na mag-sulat ng kanyang nakita. Mayroong

nagsasalaysay o nagbabalita na buung-buong inililipat sa kaalaman ng

mga nakikinig ang kanyang nakita at nasaksihan ng walang labis ni

kulang. Mayroon namang nagsasalaysay na pinahahaba ang mga

pangyayari, dinaragdagan o binabawasan, pinatitingkad ang mga tagpo,


pinalulungkot o pinasasaya (Angeles, 1974).

LAYUNIN

Nang sumilang ang nobelabilang akdang pampanitikan nagkaroon ng iba’t

ibang layunin ang mga nobelista sa pakikipagtalastasan sa mga mambabasa.

Sabi nga ni Iñigo Ed. Regalado, ang layunin ng mga unang nobela ay:

magbinhi ng mga simulain, o aral na hangad na pagbungahin ng

sumulat o magdulot ng aliw sa mga mambabasa sa pamamagitan ng magandang

paglalarawan ng mga gawi at galaw sa pamumuhay, o maglahad kaya ng isang

panganib o sama na makakalasan sa kadakilang-asal upang maiwasan at

malayuan (Regalado, 1939)

Kay Valeriano Hernadez Peña naman, ito ang nagbibigay-aral hingil sa

“Kagandahang-asal na magiging puhunan - sa pamumuhay sa

bayang kahapis-hapis” (Peña, 1920)

Samantala, ipinahayag naman ni Fausto Galauran ang ganito:

Ang nobela’y may sariling aral na tinatalakay, aral na maaaring

panuntunan ng buhay. May mga nobelang nakapagtuturo ng kabutihang-

asal, nakapagpapaalab ng damdamin ng isanang naaapi. Lumulutas ng

malulubhang suliraning pambayanat panlipunan, at higit sa lahat, may

aral sa mga naliligaw sa landas ng mabuting kabuhayan (Galauran, 1971).

Ang mga nobela sa panahong 1960-70 ay tumatalakay rin sa mga hilaw na

katayuan ng buhay. Naroroon pa rin ang maririkit na daigdig ng mayayaman at

karahasan ng mga makapangyarihan. Ngunit naroon din ang katotohanang

panimbang rito: ang trahedya ng karukhaan. At nasa huli ang diin. Wala ang

pagsuko ng mgs spi msnsps’y ipinagsisigawan ang pagpupuyos tanda ng

pakikihamok at pakikibaka (Pineda, 1979).


URI

Bagama’t hinahangad ng nobela ang magbigay-kasiyahan, mapapansin pa

rin na kapag ang nobela ay itinuturing na nobelang historikal, ang layunin ng

nobalista ay hindi lamang mag-ulat tungkol sa naganap na pangyayari kundi

ang magturo sa mga mambabasa ng mabubuting kaugalian na

makapagpapaunlad ng isipan. Samantala, kapag mga nobela ng pag-ibi at

buhay-pamilya ang binabas , mapapansing ang tinatalakay ay ang baha-

bahaging karanasan sa buhay ng iilang tauhan. Samakatuwid malinaw dito ang

intensiyong magkuwento ng buhay-buhay na mauunawaan ng isang

komunidad. Sumapit naman ang panahong ang nobela ay nagkaroon ng

pagbabago. Bumalikwas ito sa kinaugaliang materyal at anyo. Yumabong ang

mga nobelang domestiko at mga temang popular. Ang dalwang mahahalagang

tema ay ang pag-ibig sa bayan na may impluwensiyang realismong sosyal, at

ang pag-ibig sa babae na pinaksa sa mga akdaingpinainog sa mga ugnayang

pampamilya.

Kung ang pinagbabatayan naman ay yaong binibigyang-diin sa isang

nobela, masasabing ang nobela ay nauuri sa mga sumusunod: nobela ng

tauhan, nobelang makabanghay, nobela ng kasaysayan, nobela ng romansa,

nobelang masining at nobela ng layunin (Sauco, 1978). Sa unang uri, ng

nangingibabaw ay ang mga pangangailangan, kalagayan at hangarin ng mga

tauhan. Samantala, sa ikalawang uri ang pagkakabalangkas ng mga pangyayari

ang siyang pinalulutang sa nobela. Tinatawag na nobela ng kasaysayan ang

isang nobela na ang bigat ng kuwento’y nasa kasaysayan. Pag tumutukoy

naman sa pag-iibigan, masasabing nobela ng romansa. Sa nobelang masining


ang binibigyang-diin ay ang mahusay na pagkakahanay ng mga pangyayari at

paglalarawan ng pagkatao ng mga tauhan gayundin ito’y umaantig sa damdamin

ng mga mambabasa. Ang nobela ng layunin ay madaling maturol pagka’t ang

bigat ay nasa mga layunin at simulaing mahahalaga sa buhay ng tao.

PAGKAKAUNLAD

Ayon kay Iñigo Ed. Regalado:

Ang nobela ay isang akdang pampanitikan na likha ng guniguni na

naglalarawan ng buhay na pinaganda ng tunay o maaaring tunay na

pangyayari, na ang layunin ay magbigay-aliw sa mga mambabasa sa

pamamagitan ng kanais-nais na pagganap ng mga kaugalian at gawi ng

pamumuhay o dili kaya’y paglalantad ng panganib o salungat sa kbutihan

upang upang ito’y maiwasan (Mejares, 1983).

Winika naman ni Lope K. Santos:

Nang ako’y pumasok sa larangan ng panulat, wala akong nalalaman

sa sining ng pagsusulat ng nobela. Ni hindi ko maaninaw o mawari ang

kaibahan ng nobela sa kwento tungkol sa tao at sa buhay nito. Ang

nalalaman ko lamang noon, lahat ito’y tinatawag na kasaysayan. Inuuri

noon ang kathambuhay ayon sa haba ng kuwento. Pag maikli at payak

ang kuwento, ito’y “Maikling Kuwento” at pag mahaba ang kuwento,

tinatawag na “Mahabang kuwento.” Ganito ang pagkakaunawa namin

noon sa tinatawag na nobela ngayon. Ang nobela noon ay yaong

“kathambuhay” pagka’t ito’y isang katha lamang at hindi salaysay ng

tunay o maaaring tunay na pangyayari (Mejares, 1983).

Karagdagan pa sa mga pahayag ni Regalado, ayon sa kanya ang mga


katangian ng nobela ay tugmang-tugma sa mga katangian ng isang awit. Ang

kaibhan nga lamang ay sa patula isinulat ang mga awit samantala sa tuluyang

anyo ang nobela. Samakatuwid, masasabing ang nobela ay isinilang na noong

panahon ng mga awit.

Ang ganitong pahayag tungkol sa nobela ay hindi lamang buhat sa mga

manunulat ng Nobelang Tagalog. Ganito rin ang pahayag ng mga manunulat sa

iba’t-ibang wikain. Tulad ng pahayag ni Edna Manlapaz, isang manunulat ng

kapampangan. Wala silang tiyak na katawagan sa mga akdang pampanitikan

na nasa tuluyang anyo. Nobela man o maikling kuwento ay tinatawag nilang

lapay (Tale). Maging ang “Cebuano Periodicals,” walang tiyak na katawagan para

sa nobela. Nagkakapalit-palit sa gamit ang mga salitang suliganon (kuwento),

kaasyoan (pagsasalaysay, kasaysayan), nobela o novela, sugilanong seryal o

sugilanong sumpay-sumpay (serialized stories) at sugilambong (nobela sa

ngayon) para sa mga mahahabang kuwento (Mojares, 1983).

Batay sa mga pahayag at pansing nabanggit sa simula, masasabing ang

nobela ay matagal nang naisilang - noon pang panahon ng mga awit tulad ng

“Florante st Laura” ni Balagtas. Nagbinhi rin sa palitan ng salita sa “Urbana at

Felisa” ni Modesto de Castro at ng salin sa Tagalog mula sa Greyego ng “Barlaan

at Josaphat.” Kaya lamang, nagsimulang umusad at mabuhay ang nobela nang

sumapit na ang panahon ni Rizal. Ang unang nobela ay ang “Ninay” ni Pedro A.

Paterno. Nagsimulang namulaklak ang landas ng nobela noong

ikadalawampung dantaon. Ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal,

ang waring nagbukas ng landas upang maisakatuparan ang layuning pagbabago

para sa lipunan ng Pilipinas sa pamamagitan ng panitik. Bagamat matatagpuan

din ang ganitong hangarin sa mga likha ni Balagtas ngunit sa panahon ni Rizal

naging mainit at masigla ang pagpapahayag ng layuning pagbabago. Ang Noli at


El Fili ni Rizal, ang nagbigay-sigla sa kamalayang-Pilipino na hanggang ngayon

ay hindi maaaring ipagwalambahala. Alalaong baga, masasabing si Dr. Jose

Rizal, ang karapat-dapat na tawaging “Ama ng Nobelang Pilipino” bagamat hindi

sa sariling wika ang mga ito.

Samakatuwid, ang pagsulong ng Nobelang Pilipino ay hindi matatawag na

bilaan pagkat ipinagbigay-alam nito ang kanyang pagdating. Ang nakakabigla

ay ang mabilis na pagbugso ng mga malikhaing gawain. Sunod-sunod ang

paglilimbag ng mga nobelang Tagalog. Inilathala ni Gabriel Beato Francisco sa

pahayagang Ang Kapatid ng Bayan (Agosto 12-Setyembre 8, 1899) ang kanyang

Cababalaghan ni P. Bravo. Sinundan ito ng mga dugtung-dugtong na nobela

tulad ng: Salawahang Pag-ibig ni Lope k. Santos (1900); Unang Bulaklak (1900)

at Rosa at Valerio (1901) ni Valeriano Hernandez Peña.

Di nagtagal, lumaganap na din ang nobela sa ibang wikain ng Pilipinas.

Noong 1907, ang una at pinakatanyag na nobelang kapampangan - Lidia ni Juan

Crisostomo Soto - ay inilathala. Pagkatapos, noong 1909, inilathal rin ang

nobelang Ilokano Biag Ti Maysa A Lakay Wenno Nakaamames A Bales ni

Mariano N. Gaerlan. Ang Unang nobelang Bisaya naman ay ang mga

sumusunod: Cebuano- Wala’y Igsoon (1912) at Hiligaynon: Benjamen ni Angel

M. Magahum (1907).

Malaking tulong ang nagaw a ng pagpapatayo ng sariling palimbagan at

katutubong periodikal sa mabilis na pagsulong ng nobela. Lumaganap na rin

ang katutubong pamamahayag pagkat naglabasan na ang mga pahayagang: Ang

Kapatid ng Bayan ni P. H. Poblete (1899); Ang Kaliwanagan (1900) at Muling

Pagsilang (1901), kapwa pinamatnugutan ni Lope K. Santos. Lumabas din ang

mga pahayagang nasa ibang wikain gaya ng: Ang suga (1901) at Ang Camatuoran

(1902) ng Cebu; Ang Kagubut (1900) at Kadapig sang Banwa (1905) ng Iloilo; La
Lucha (1909) ng Vigan; at iba pa. Ang kawing ng ugnayan ng nobela at

pamamahayag ay malinaw pagka’t karamihan sa mga unang nobelista ay mga

mamamahayag din tulad nilna G.B. Francisco, I.Ed. Regalado, Juan Abad, L. k.

Santos at Jose N. Sevilla.

Sa pagsulong ng Nobelang Pilipino, higit ang unlad ng Nobelang Tagalog.

Maraming manunulat ang nahikayat na pasukin ang pagsusulat ng noobela.

Isinulat ni Lope K. Santos ang Banaag at Sikat, Nena at Neneng ni V. H. Peña,

Luha at Pag-ibig ni Roman Reyes, Ang Bunga ng Nalantang Bulaklak ni Patricio

Mariano at marami pang iba.

Sa paggaygay ng kasaysayan nobelang Talagalog, masasabing ang

Salawahang Pag-ibig ni L. K. Santos, Pagsintang Naluoy ni Modesto Santiago at

ang Unang Bulaklak ni V. H. Peña ang mga naunang nobelang kakikitaan ng

mga ugat ng tradisyon. Sa tatlong nabanggit, sinabi ni Regalado na ang

Salawahang Pag-ibig ni L. K. Santos ang unang nobelang nalathala. Datapwat

may nagpapatunay naman na ang Nena at Neneng ni V. H. Peña ang unang

nobelang isinaaklat. Nang sumapit ang panahon ng mga Amerikano, ang mga

nobelistang nakilala ay kinabibilangan nina V. H. Peña, Roman Reyes, G. B.

Francisco Lacsamana, Lope K. Santos, Faustino Aguilar, Iñigo Ed. Regalado,

Juan Maceda, Gerardo Chanco, Rosauro Almario, Juan Lazaro Rivera at marami

pa. Nang magsilitaw ang mga nobelang tumatalakay sa tradisyonal na pamilya

at lipunan nakilala sina Faustino Aguilar, Lope K. Santos, Juan Arsciwals,

Ismael Amado, Iñigo Ed. Regalado, Patricio Mariano pagkat namayani ang

realismo sosyal sa kanilang nobela. Noong 1921-1944, lumitaw sa katutubong

panitikan ang mga akdang nasusulat sa wikang Ingles. Gayunpaman, hindi

nagpamalas ng malaking interes ang mga manunulat sa Tagalog na gayahin ang


bagong litaw. Nanatili pa rin ito sa paghanga sa lumang panitikan at sa

paglinang sa Wikang Tagalog. Itinatag sa panahong ito ang Aklatang Bayan

(1910) at Ilaw at Panitikan (1913) sa pamumuno Fausto Galauran, Teo Gene,

Deogracias Rosario, Jose Corazon de Jesus, at Ildefonso Santos. Sa panahong

ding ito, lumabas ang mga nobelang: Ang Monghita, Ang Ganid, Dasalang Perlas,

Nanay Ko! Lagrimas, Bulaklak ng Kabaret, Bulaklak ng Luha. Naging katulong

din ang Liwayway sa pagbabago ng landas ng Nobelang Tagalog. Isa mga

nobelang nagpamalas ng pagbabago ay ang Bulaklak ng Bagong Panahon ni

Deogracias A. Rosario. Nang sumiklab ang Ikalawang Pandaigdigang Digmaan,

ginamit ng mga manunulat ang pahayagan at magasin sa pagpapamulat sa mga

Pilipino ng tungkulin sa dahan-dahang paglalaho ng kamalayang panlipunan.

Nabuhay muli ang mga babasahing tulad ng Liwayway, Sinag-Tala, Daigdig,

Ilang-Ilang, Malaya, Silahis, Aliwan at Bituin. Maliban sa Liwayway, tanging

Bulaklak, Aliwan at Tagumpay ang tumagal. Ang mga nobelistang nagsisisulat

sa panahong ito ay sina Fausto Galauran, Nemesio Caravana, Susana de

Guzman, Jose Esperanza Cruz, Teofilo Sauco at Hilaria Labog. Pagkaraan ng

digmaan, isang pangkat ng mga kabataang manunulat at kritiko ang nagtatag

ng isang kapisanan - Panitikan. Datapwat ang kapisanan ay tinawag na

“Sakdalista at Aristokrata” pagkat bumalikwas sila sa dating kaugalian ng mga

naunang nobelista. Ang mga kabataang manunulat ay kinabibilangan nina

Teodoro A. Agoncillo, Brigido Batungbakal, Salvador Barros, Alejandro G.

Abadadilla, Clodualdo del Mundo, Jesus Arceo, Macario Pineda, Agapito

Joaquin, Liwayway Arco at Agustin Fabian. Lahat sila ‘y produkto ng

makabagong panahon pagkat lahat ipinanganak, lumaki at nagkaisip sa

panahon ng Amerikano (Reyes, 1982)

Sa panahong ito, ang modernismo ay yaong paggamit ng mga makabagong


pamamaraan o teknik sa pagkatha. Ang mga elemento ng modernismo sa

kathambuhay ay unang nasilayan noong panahon ng Hapon sa mga kuwentong

nalathala sa Liwayway. Datapwat ang modernismo para sa ilang nobelista ay

hindi lamang sa teknik o paraan sa pagsulat kundi sa pagpaksa nila sa tema ng

indibidwalismo na nagtatampo sa kaisipan, na ang kahalagahan ng indibidwal

ay nagmumula sa sarili niyang lakas at kapangyarihan at hindi sa iginagawad

na komunidad. Ang pinakaradikal na manunulat na gumagamit ng ganitong

tema ay sina Alejandro G. Abadilla at Elpidio Kapulong sa kanilang Pagkamulat

ni Magdalena. Samantala, si Alberto Segismundo Cruz ay gumawa ng mga

nobelang nagpapakita ng pagsasanib ng tradisyonal na tema ng protesta at ilang

elemento ng modernismo. Magandang halimbawa nag kanyang Halimuyak at

Lakandula. Sa mga nobela naman ni Macario Pineda tulad ng Ang Mutyang

Taga-Ilog at Magat ay gumigitaw ang isang malalim na kamalayang panlipunan.

Isa sa pinakamatagumpay na nobelista sa kasalukuyan ay si Liwayway

Arceo. Ang kanyang nobelang Teacher ang naging hagdan upang siya’y

magtrabaho sa Liwayway noong 1952. Nang mga sumunod pang mga taon,

nakasulat na siya ng mahigit na limampung nobela na halos lahat ay

nagtatampok ng babaengprotagonista. Ang Nasaan ang Ligaya ni Arceo ay

nagpamalas ng ugnayang pampamilya. Nagsilbi namang tagapag-ugnay ng

henerasyon nina A. V. Hernandez at Lazaro Francisco (gumamit ng tradisyon ng

protesta) at nina M. Pineda A. Fabian, L. Arceo at si Andres Cristobal Cruz

(gumamit ng mga elemento ng modernismo).

Sa pagpasok ng taong 1965-1975, panahon ito kontemporasyon Nobela.

Nakilala rito sina B. Batungbakal, L. Francisco, A. V. Hernandez, F. Galauran,

S. de Guzman, N. Caravana at iba pa. Sa mga akda ni Nemesio Caravana,

makikita ang ugat ng tradisyon ng awit at korido. Ang mga nilikha niyang nobela
ay ang mga sumusunod: Pitong Espada ng Castilla, Prinsesa Naranja, Sandalyas

ni Zafira, Mahiwagang Trumpeta at Banga ni Zimadar. Pinatunayan ni Caravana

na totoo ang pahayag ni Regalado na hindi talaga naiiba ang nobela sa awit at

korido sa pamamagitan ng kanyang nobelang Palasyo sa Ulap. Dito nagsimula

nang maghimagsik ang mga kabataang manunulat sa mga matatandang

manunulat. Binubuo nina Efren Abueg, EdgardoReyes, Dominador Mirasol, Ave

Perez Jacob, Levy Balgos dela Cruz, Rogelio Sikat at Rogelio Ordoñez.

Nakatulong sa paglulunsad ng makabagong Nobelang Tagalog ang pagbubukas

ng pitak na Bagong Dugo sa Liwayway. Isa pang kabataang manunulat ay si

Mercedes Jose. Ang kanyang Tatsulok ay may tradisyonal na tema samantalang

Ina... Ina ay isang makabagong katha. Ang huli ay maaaring ituring na isa sa

mga pinakamakabuluhang akda ng ikawalong dekada pagka’t napagsanib nito

ang sosyal at sikolohikal na aspekto ng realistikong pananaw. Sa kabuuan, sa

kamay ng mga kabataang nobelista ay napalalim ang tradisyong modernismo sa

nobela. Iniangkap nila nag makabagong pamamaraan hindi sa tema ng

paghahanap sa sarili kundi karima-rimarim na mga realidad ng lipunan.

At sapagkat namalaging hangarin ng nobela ang magdulot ng kaligayahan

at aral, sa maraming paraan at maraming anyo, nakatitiyak tayo sa isang bagay

na bagamat dumating man at bumalik ang “panlalamig at panlulupaypay” ng

nobela, ito’y magpapatuloy pa rin sa pakikibaka sa mga daluyong na darating

sa buhay nito bilang isang akdang pampanitikan. Sa kasalukuyan, may bagong

sigla ang nobelang nasasangkapan ng dula. Sa pamamagitan ng radyo,

telebisyon at pelikula, patuloy na pumapaimbulog ang nobela sa larangan ng

panitik.
Sulyap sa Nilalaman

Ang Ano Ang Laman Ng Lupa? Ay isang nobelang nasulat sa makabagong

panahon ngunit tumatalakay sa isang matandang paniniwala o pamahiin ng

mga Pilipino lalo na ang mga lalawiganin. Ito’y isang kwento ng kahiwagaan na

ibig isalaysay sa mga masasabing iminulat na ng siyensiya. Sa panahon nga

namang ito na nakarating na sa buwan ang tao, sino pa ang maniniwala sa mga

hindi nakikitang kapangyarihang pinaniniwalaan ng mga matatanda? Ito’y isang

pantasya na lamang para sa mga bata bago sila matulog, at isang katawa-

tawang kuwento para sa mga gradwuado na. Ngunit para sa mga naniniwala pa

sa ganitong mga bagay, ito’y isang katotohanang maaari nilang pamarisan ng

kanilang mga naging kakaibang karanasang may kinalaman dito.

Makaalamang-bayan (Folkloric) samakatuwid ang materyal ma ito.

Naglalarawan ng isang tradisyong tunay na Pilipino. Pinagsisilbi itong isang

pagtapik sa balikat ng kasalukuyanupang linguning-likod ang nakalipas na

panahon, sa gayon, pamula pa nilang tanawing-isip ang mga bakas ng kulturang

pinagmulan na unti-unti nang binubura ng kabihasnan. Ngunit hindi lamang

ito ang dapat pansinin. May kahulugan ang dalawang pook na pinangyarihan

ng kuwento: ang lalawigan at ang lungsod, kaya masasabing masimbolo rin ito.

Ang katahimikan at kamangmangan ng lalawigan (ng punso) na walang

pakundangang ginulo ng nagkamuwang-lungsod, at ang kataasan at

pagkasinikal ng lungsod na binabakuran ng siyensiya at teknolohiya ay maaari

pa rin palang magupo ng maliit na kahiwagaan at kapangyarihan ng isang

duwende.

Ang nobelang ito ay pinili upang mabasa ng mga guro at mag-aaral nang

maipakita sa kanila ang makabagong kinahihiligan ng ilang kasalukuyang


manunulat ng panitikan, ang pagsasaalang-alang sa matatanda at katutubong

paksain at pagbibigay rito ng makabagong kaanyuan upang lubos na malinang

ang kulturang Pilipino, tuloy matagpuan at maunawaang lubos ang ugat ng

pagkalahi.

TALAAN NG ILANG NOBELA

NA MATATAGPUAN PA RIN SA MGA AKLATAN AT PAMILIHAN

Taon ng Pagkalimbag pamagat May-Akda

1906 Banaag at Sikat Lope K. Santos

1907 Pinaglahuan Faustino Aguilar

1909 Madaling Araw Iñigo Ed. Regalado

1923 Ang Magmamani Teofilo E. Sauco

1927 A ng Lihim Ng Isang Pulo Faustino Aguilar

1955 Maganda Pa Ang Daigdig Lazaro Francisco

1958 Ang Pagkamulat ni Magdalena Alejandro G. Abadilla

1959 Tundo Man May Langit Din Andres Cristobal Cruz

1959 Mga Ibong Mandaragit Amado V. Hernandez

1962 Luha Ng Buwaya Amado V. Hernandez

1962 Daluyong Lazaro Francisco

1967 Sa Mga Kuko Ng Liwanag Edgardo M. Reyes

1971 Satanas Sa Lupa Celso Al. Carunungan

1972 Canal de la Reina Liwayway Arceo

1976 Ginto Ang Kayumangging Lupa Dominador Mirasol

1979 Gapo Lualhati Bautista

1981 Tutubi, Tutubi, Wag Juan Cruz Reyes


Kang Magpahuli Sa Mamang Salbahe
1982 Dekada Lualhati Bautista

1983 Bata... Bata... Paano Ka Ginawa? Lualhati Bautista

1983 Isang Haliging Asin Joey A. Arrogante

1989 Hangga’t Alat ang Dagat Joey A. Arrogante

You might also like