You are on page 1of 8

Modyul 6

Lumang Simbahan
Florentino Collantes

Sa Kabataang Pilipino
Dr. Jose P. Rizal

Introduksyon
Isa ang Pilipinas sa mga bansa na kilala sa pagkakaroon ng hindi
mabilang na simbahan --- mga simbahan na naging malaking bahagi ng
ating kasaysayan kumbaga. Palibhasa’y mga kilalang relihiyoso kung
kaya sa bawat gawain, hindi mawawala ang papel nitong simbahan. Sa
kabilang banda, naging makahulugan naman itong simbahan sa ilan dahil
sa mga pangyayari na naging malapit sa kanilang buhay.

Naging makatotohanan din ang mga bagay na ito sa mga kilalang


pigura na nag–iwan ng malaking impluwensya sa buhay ng mga Pilipino
mula noon hanggang ngayon. Isa na rito ang ating pambansang bayani
na si Dr. Jose Rizal na bagama’t sinuman sa ati’y hindi nabigyan ng
pagkaka- taon na makilala ang kanyang katauhan, nasaksihan natin ang
maalab na pagmamahal sa bayan at ang pagnanais na maitampok ang
minamahal niyang kababayan partikular ang kabataan na tinitingnan niya
bilang pag– asa ng bayan.

Sa modyul na ito, tatalakayin ang dalawa sa mga klasikong tula


mula sa panulat ng mga kilalang makata sa kanilang panahon. Sa
pamamagitan ng mga ito, malalaman natin ang pangkalahatang
mensahe ng tula pati na rin ang istilo at pamamaraang ginamit ng
parehong manlilikha.

Layunin

 Nakikilala ang katauhan ng bawat manunulat; istilo at pamamaraan


ng paglalahad
 Napagtutuunan ng pansin ang mga piling saknong ng bawat tula
 Nailalarawan ang taglay na kasiningan ng mga tula na tinatalakay
 Naiuugnay sa kasalukuyang kaganapan ang mensahe ng tula

Nilalaman

LUMANG SIMBAHAN
Florentino Collantes

Sa isang maliit at ulilang bayan,


Pinagtampuhan na ng kaligayahan,
Ay may isang munti at lumang simbahang
Balot na ng lumot ng kapanahunan;
Sa gawing kaliwa, may lupang tiwangwang
Ginubat ng damo't makahiyang-parang,
Sa dami ng kurus doong nagbabantay
Makikilala mong yaon ay libingan.

Sa gawing silangan ng simbahang luma,


May isang simboryong hagdanan ma'y wala,
Dito ibinitin yata ng tadhana
Ang isang malaki't basag na kampana;
Ito raw'y nabasag anang matatanda,
Noong panahon pa ng mga Kastila,
Nang ito'y tugtugin dahilan sa digma,
Sa lakas ng tugtog bumagsak sa lupa.

Sa lumang simbaha't sa kampanang basag,


Ay may natatagong matandang alamat,
May isang matanda akong nakausap,
Na sa lihim niyo'y siyang nagsiwalat;
Ang Lumang Simbaha'y nilimot ng lahat,
Pinagkatakutan, kay daming nasindak,
Umano,kung gabi ay may namamalas,
Na isang matandang doo'y naglalakad.
Ang suot ay puti may apoy sa bibig,
Sa buong magdamag ay di matahimik,
Ngunit ang hiwagang di sukat malirip,
Kung bakit sa gabi lamang na mamasid?
Kung araw, ang tao, kahit magsaliksik
Ang matandang ito’y hindi raw masilip.
Ngunit pagdilim na't ang gabi'y masungit,
Ano't ang simbahan ay lumalangitngit?

Magmula na noo'y pinagkatakutan,


Ayaw nang pasukin ang Lumang Simbahan;
Saka ang isa pang sa baya'y gumimbal,
Ang kampanang basag na bahaw na bahaw,
Kung ano't tumunog sa madaling araw,
At ang tinutugtog agunyas ng patay;
Saka nang dumating ang kinabukasan,
May puntod ng libing sa harap ng altar.

Lumaki ang ahas sa mga balita'y


Lalong di pinasok ang Simbahang Luma,
Kung kaya ang hindi makurong hiwaga'y
Nagkasalin-salin sa maraming dila,
Hanggang may nagsabing sa gabing payapa,
May mga hinaing doon nagmumula,
Tagho’y ng maysakit na napaka-lubha.
Himutok ng isang papanaw sa lupa.

Ngunit isang gabi ay may nagmatapang,


Mag-isang pumasok sa lumang Simbahan;
Datapwa't hindi pa siya nagtatagal,
Karimot ng takbong nagbalik sa bahay,
Saka namalitang nagkakandahingal:
"Ako po'y mayroong multong natagpuan,
Ang suot ay puti at nakabalabal,
Gayong binaril ko'y ano't di tinablan."
Lalo nang nag-ugat sa bayan ang lagim;
Ang Lumang Simbaha'y ayaw nang pasukin;
Taong naglalakad sa gabing madilim,
Ni ayaw lumapit, ni ayaw tumingin.
Pati nang naroong sakdal gandang Birhen,
Wala ni sinumang pusong manalangin.
Kaya't sa simbaha'y wala nang pumansin
Tulad ng ulila't tiwangwang na libing.

Ngunit isang gabing kadilima'y sakdal,


Ang simbahang Luma'y ano't nagkailaw
May isang binata't isang paraluman
Na nangakaluhod sa harap ng altar.
Ang dalawang ito ay magkasintahang
Sa galit ng ama ay ayaw ipakasal,
Kaya't ang dalawa'y dito nagtipanang
Sa harap ng Birhen ay magpatiwakal.

Ang ama raw nitong magandang dalaga,


Kung sa kayamana'y walang pangalawa.
Ang binata nama'y isang magsasaka,
Mahirap, kung kaya aayaw ng ama.
Ngunit sa babaing tapat ang pagsinta,
Ang yaman sa mundo ay walang halaga,
Kaya't nagkasundong magpatiwakal na,
Sa langit pakasal, doon na magsama.

Sa harap ng birhen ang magkasing-liyag,


Ay nagsisidaling luha'y nalalaglag;
Matapos ang dasal, dalawa'y nagkayakap,
Sa pagmamahala'y parang pahimakas.
Dalawang sandatang kapwa kumikislap
Ang sa dibdib nila'y kapwa itatarak;
Yayamang sa lupa'y api ang mahirap,
Sa langit na sila magiisang palad.
Ngunit ang binata ay may naisipan,
Bago nagkasundong dibdib ay tarakan,
Ay humukay muna sa harap ng altar,
Saka sa gagawing malalim na hukay,
Ay doon na sila magsamang mamatay;
Kung mamatay silang wala sa libingan,
Baka kung ibaon ay magkahiwalay.

Humanap ng palang panghukay sa lupa,


Itong sawing-palad na aping binata;
Habang humuhukay ang kaawa-awa,
Sa habag sa sinta'y nanatak ang luha.
Ngunit ano ito? Kaylaking hiwaga!
Ang nadukal-dukal mga gusing luma,
Saka nang iahon, oh! Laking himala!
Puno sa salapi at gintong Kastila!

Ang magkasinggiliw ay nagitlahanan,


At nalimot tuloy ang magpatiwakal;
Ang mutyang dalaga ang siyang nagbilang.
Oh, daming salapi! laking kayamanan,
Libo’t laksa-laksa itong natagpuan,
Kaya’t sa malaki nilang kagalakan,
Lumuhod sa Birhen at nagsipagdasal.

At sila’y umuwi pasan ng binata,


Nagkakayang-uyad sa malaking tuwa …
Ang Lumang Simbahan ay ipinagawa,
At ipinabuo ang kampanang sira;
At saka nagdaos ng pistang dakila,
Tugtog ng musiko’y sampung araw yata;
Inalis ang takot sa puso ng madla,
Ang inihalili’y sayang di-kawasa.

Sa ginawang bago na Lumang Simabahan,


Ang magkasing ito ang unang nakasal;
Nang sila’y lumuhod sa harap ng altar,
Ang lahat ng tao ay nagsipagdiwang;
Dito na nabatid ng takot na bayan,
Ang simbahan pala ay pinagtaguan,
Ng isang matandang puno ng Tulisan,
Na may ibinaon doong kayamanan.

Ngayo’y di na takot kundi saya’t tuwa,


Ang madudulang mo sa Simabahang luma,
At sa Birhen doong kay-amo ng mukha, Oh!
Kayrami ngayong nagmamakaawa.
Ito’y katunayan: Na ano mang gawa,
Dapat isangguni muna kay Bathala,
Sa awa ng Diyos nagtatamong pala.

ISANG DIPANG LANGIT


Amado V. Hernandez

Ako'y ipiniit ng linsil na puno


hangad palibhasang diwa ko'y piitin,
katawang marupok, aniya'y pagsuko,
damdami'y supil na’t mithiin ay supil.

Ikinulong ako sa kutang malupit:


bato, bakal, punlo, balasik ng bantay;
lubos na tiwalag sa buong daigdig
at inaring kahit buhay man ay patay.

Sa munting dungawan, tanging abot-malas


ay sandipang langit na puno ng luha,
maramot na birang ng pusong may sugat,
watawat ng aking pagkapariwara.

Sintalim ng kidlat ang mata ng tanod,


sa pintong may susi’t walang makalapit;
sigaw ng bilanggo sa katabing moog,
anaki'y atungal ng hayop sa yungib.

Ang maghapo'y tila isang tanikala


na kala-kaladkad ng paang madugo
ang buong magdamag ay kulambong luksa
ng kabaong waring lungga ng bilanggo.

Kung minsa'y magdaan ang payak na yabag,


kawil ng kadena ang kumakalanding;
sa maputlang araw saglit ibibilad,
sanlibong aninong iniluwa ng dilim.

Kung minsan, ang gabi'y biglang magulantang


sa hudyat - may takas! - at asod ng punlo;
kung minsa'y tumangis ang lumang batingaw,
sa bitayang moog, may naghihingalo.

At ito ang tanging daigdig ko ngayon -


bilangguang mandi'y libingan ng buhay;
sampu, dalawampu, at lahat ng taon
ng buong buhay ko'y dito mapipigtal.

Nguni’t yaring diwa'y walang takot-hirap


at batis pa rin itong aking puso:
piita'y bahagi ng pakikilamas,
mapiit ay tanda ng di pagsuko.

Ang tao’t Bathala ay di natutulog


at di habang araw ang api ay api,
tanang paniniil ay may pagtutuos,
habang may Bastilya'y may bayang gaganti.

At bukas, diyan din, aking matatanaw


sa sandipang langit na wala nang luha,
sisikat ang gintong araw ng tagumpay…
layang sasalubong ako sa paglaya!

Gabay sa Pag–unawa ng Tula

1. Paano inilahad ng bawat makata ang bawat akda?


2. Tungkol saan ang kabuuan ng sumusunod na tula?
3. Sa kasalukuyan, paano mo ito iuugnay? Panindigan.
Pagtataya/Ebalwasyon
Takdang Aralin

A. Paano ipinakita ng manunulat ang taglay na orihinalidad ng


bawat isa?

B. Basahin at unawain ang nilalaman at mensahe ng sumusunod


na tula.
1. Sa Kabataang Pilipino ni Jose Rizal
2. Republikang Basahan ni Teodoro Agoncillo

Sanggunian
Macaraig, Milagros B. (2005). Sulyap sa Panulaang Filipino. REX Bookstore.
Sampaloc, Maynila.

Prepared: Checked: Approved:

Mrs. MARY ANN R. ANDAL Dr. AIDA A. CASAS Dr. RANDY M. BAJA
Instructor Department Head Dean

You might also like