Ang buhay mo’y walang patid na hibla ng pagtataksil
Sa sarili, lipi’t angkan, sa bayan mong dumaraing!
Kalayaan! Republika! Ang bayani’y dinudusta.
Kalayaan pala itong mamatay nang abang-aba!
Kasarinlan pala itong ni hindi mo masarili
Ang dangal ng tahanan mong ibo’t pugad ng pagkasi.
Malaya ka, bakit hindi? Sa bitayan ikaw’y manhik,
At magbigting mahinahon sa sarili na ring lubid!
Kalayaan – ito pala’y mayro’n na ring tinutubo
Sa puhunang dila’t laway, at hindi sa luha’t dugo!
Humimbing kang mapayapa, mabuhay kang nangangarap,
Sa ganyan lang mauulol ang sarili sa magdamag.
Lumakad ka, hilain mo ang kadenang may kalansing,
Na sa taynga ng busabos ay musikang naglalambing!
Limutin mo ang nagdaan, ang sarili ay taglayin,
Subalit ang iniisip ay huwag mong bibigkasin!
Magsanay ka sa pagpukpok, sa pagpala at paghukay,
Pagkat ikaw ang gagawa ng kabaong kung mamatay. Purihin mo ang bayaning may dalisay na adhika, Ngunit huwag paparisan ang kanilang gawi’t gawa.
Republika na nga itong ang sa inyo’y hindi iyo,
Timawa ka at dayuhan sa lupain at bayan mo!
Kalayaan! Malaya ka, oo na nga, bakit hindi?
Sa patak ng iyong luha’y malaya kang mamighati!
Sa simoy ng mga hangin sa parang at mga bundok,
Palipasin mo ang sukal ng loob mong kumikirot.
Kasarinlan! Republika! Kayo baga’y nauulol,
Sa ang inyong kalayaa’y tabla na rin ng kabaong?
Republika! Kasarinlan! Mandi’y hindi nadarama,
Ang paglaya’y sa matapang at sa kanyon bumubuga!
Bawat hakbang na gawin mo sa Templo ng Kalayaan
Ay hakbang na papalapit sa bunganga ng libingan!
Ang paglaya’y nakukuha sa tulis ng isang sibat,
Ang tabak ay tumatalim sa pingki ng kapwa tabak.
Ang paglaya’y isang tining ng nagsamang dugo’t luha,
Sa saro ng kagitinga’y bayani lang ang tutungga.
Bawat sinag ng paglayang sa karimlan ay habulin,
Isang punyal sa dibdib mo, isang kislap ng patalim! REPUBLIKANG TRAPO (2015) ni Gregorio V. Bituin Jr.
Republika baga itong busabos tayo ng trapo?
Ang tingin sa tanikala’y uliran ng pagbabago?
Kasarinlan baga itong ang trapo ang naghahari
Habang inaapi naman ang hindi nila kauri
Ang buhay ng dukha’y laging naroroon sa hilahil
Mga ibinotong trapo sa bayan ay nagtataksil.
Kalayaan! Republika! Naghahari’y dinastiya!
Kalayaan lamang ito sa naghaharing burgesya
Pagmasdan mo’t dinastiya’y naglipana sa gobyerno
Bayan ba’y may napapala sa paghahari ng trapo
Namamahala sa tao’y bakit iisang pamilya
Ganito ang nangyayari sa iba’t ibang probinsya
Ang tatay ay kongresista, ang anak niya’y senador
Asawa’y siyang alkalde, kapatid ay gobernador
Kada eleksyon na lamang ay wala nang pagbabago
Kilalang apelyido lang ang lagi nang nananalo
Wala kasing pagpilian pag dumatal ang halalan
Pulos kasi mayayaman ang nagsisipagtakbuhan
Ang dukha ba dahil dukha’y di maaaring tumakbo
May puso sa paglilingkod, wala ba silang talino
Ang mga trapong may pera, dahil ba nakapag-aral
Dadalhin na tayo nito sa kaunlarang pedestal
Ngunit hindi, dukha pa rin iyang mga mahihirap
Pangarap nilang pag-ahon, nananatiling pangarap
Subalit laging pangako ng trapo pag kampanyahan
Iboto sila’y aahon ang dukha sa kahirapan
Pag-ahon na ba sa hirap kung di binayarang tama
Ang pinagpagurang sahod nitong mga manggagawa
Pag-ahon na ba sa hirap kung ang dukha’y tinataboy
Winawasak ang tahanan, dukha’y nagiging palaboy
Pag-ahon na ba sa hirap kung pamasahe’t bilihin
Ay patuloy sa pagtaas, lalo’t presyo ng pagkain
Pag-ahon na ba sa hirap ang mahal na edukasyon
Bata pa’y manggagawa na, walang aral, walang baon
Ngunit trapo’y naroroon, sa masa’y ngingiti-ngiti
Lalo’t apelyido nila’t pamilya’y nabotong muli
Kung trapo ang pinagpala, tao ba’y may napapala
Ang trapo’y tusong kuhila, serbisyo’y di ginagawa
Ngunit tao’y malaya daw, depensa ng mga trapo
Paglayang iyan ay iyo, bahala ka sa buhay mo
Ngunit paglaya ba yaong wala kang pagpipilian
Iboboto’y mga hangal, kandidatong mayayaman
Sa kasaysayan ng bansa, ang masa’y anong napala
Karukhaan ba’y naibsan, ano’t kayrami pang dukha Pagdating ng kampanyahan, trapo’y kayraming pangako Sa hirap, ang mga dukha’y kanila raw mahahango
Parating ganito na lang, ganito bawat eleksyon
Pangako’y pinako’t dukha’y sa dusa ibinabaon Pag-aralan ang lipunan, bakit trapo’y nahahalal Dukha’y naghihirap pa rin, at naghahari’y kapital
Kunwari tayo’y malaya sa halalan ng burgesya
Pinipili’y ang papalit, bagong magsasamantala
Kung ganito ang sistema, masa’y walang pakinabang
Republikang trapo’y bulok kaya’t dapat nang palitan
Kaya manggagawa, kayong sa lipunan bumubuhay
Magkaisa pagkat kayo’y may lakas na tinataglay
Ang maso’y inyong hawakan, doon sa trapo’y ipukpok
Durugin ang tanikala, lalo ang sistemang bulok
Halina’t ating wakasan itong republikang trapo
At sama-samang itayo ang lipunang makatao.
Iginigisa Ako Tuwing Umaga Ni Eugene Y. Evasco
Hindi pa man nakapagsusuklay,
Kakaripas na agad ako ng takbo Upang mahagip at sumabit sa masasakyan. Isang oras bago ang pasukan, Inip na inip na lahat sa paghihintay.
May mga sekretaryang naaagnas ang kolorete,
May empleyadong lukot na ang uniporme. Tuwing umaga, sardinas akong makikisiksik Sa bus, inihahanay ng kundoktor Upang masulit ang puwang ng latang parihaba.
Bagong paligo pa naman ako
At ang katabi ko’y bawang ang kilikili, Ang isa’y sibuyas na ang hininga; Kumakalat ito sa aking kabuuan.
Kawaling ibinibiling sa tungko
Ang paggaling ng bus na pilit umiiwas Sa trapik; para na rin kaming sangkap Na inihahalo – nagmamantika sa pawis; Nililigas ng gitgitan at siksikan.
Lalo pa akong nagmamantika
Habang nangangarap maibala sa pana. Tumitilamsik na mantika ang nagmumula Sa tumatalak na pulis sa suwail na tsuper.
Pinapakulo pa sa tila karitelang takbo
Ng sasakyan; lalong pinagliliyab Ang sugba ng sakuna, kagyat na ulan, at baha. Ilang minuto na lamang, kami’y hahanguin na At ibubuhos sa sulyawan. Dali-daling ihahatag Upang higupin at namnamin ng amo ng pinapasukan Iginigisa ako tuwing umaga, Paano kaya ako isasalang sa darating na hapunan? Ang Lumang Simbahan ni Florentino T. Collantes
Sa isang malit at ulilang bayan
Pinagtampuhan na ng kaligayahan Ay may isang munti at lumang simbahang Balot na ng lumot ng kapanahunan; Sa gawing kaliwa, may lupang tiwangwang Ginubat ng damo’t makahiyang-para ng, Sa dami ng kurus doong nagbabantay Makilala mong yaon ay libingan.
Sa gawing silangan ng simbahang luma
May isang simboryong hagdanan man’y wala. Dito ibinilin yata ng tadhana
Ang isang malaki’t basag na kampana;
Ito raw’y nabasag nang matatanda Noon panahin pa ng mga kastila, Nang ito’y tugtugin dahilan sa digma Sa lakas ng tugtog bumagsak sa lupa
Sa lumang simbaha’t sa kampanang basag
Ay ma natatagong matandang alamat, May isang matanda akong nakausap Na sa lihim niyo’y siyang nagsiwalat; Ang Lumang Simbahan’y nilimot ng lahat, Pinagkatakutan, ka daming nasindak Umano, kung gabi ay may namamalas, Na isang matandang doon’y naglalakad.
Ang suot ay puti may apoy sa bibig,
Sa buong magdamag ay ‘di matahimik, Ngunit pagdilim na’t ang gabi’y masungit Ano’t ang simbahan ay lumalangitngit? Magmula na noon’y pinagkatakutan, Ayaw nang pasukin ang Lumang Simbahan; Saka ang isa pang bayan’y gumimbal, Ang kampanang basag na bahaw na bahaw Kung ano’t tumunog sa madaling araw, At ang tinutugtog agunyas ng patay; Saka nang dumating ang kinabukasan May puntod ng libing sa harap ng altar.
Lumaki ang ahas sa mga balita’y
Lalong ‘di pinasok ang Simbahang Luma, Kung kaya ang hindi makurong hiwaga’y Nagkasalin-salin sa maraming dila, Hanggang may nagsabing sa gabing payapa May mga hinaing doon nagmumula Tagpo’y ng maysakit na napalubha. Himutok ng isang pananaw sa lupa.
Ngunit isang gabi ay may nagmatapan
Nag-isang pumasok sa lumang Simbahan; Datapwat hindi pa siya nagtatagal Saka namalitang nagkakandahingal; “Ako po’y mayroong multong natagpuan, Ang suot ay puti at nakabalabal, Gayong binaril ko’y ano’t ‘di tinablan”.
Lalo nang nag-ugat sa bayan ang lagim;
Ang Lumang Simbahan’y ayaw nang pasukin; Taong naglalakad sa gabing madilim. Ni ayaw sumagi, ni ayaw tumingin Pati nang naroong sakdal gandang Birhen, Wala ni sinumang pusong manalangin; Kaya’t sa simbahan’y wala nang pumansin Tulad ng ulila’t tiwangwang na libing. Ngunit isang gabing kadiliman’y sakdal, Ang simbahang Luma’y ano’t nakailaw May isang binata’t isang paraluman Na ngakalunod sa harap ng altar, Ang dalawang ito ay magkasintahan Sa galit ng ama ay ayaw ipakasal, Kaya’t ang dalawa’y dito naglipanang Sa harap ng Birhen ay magpakatiwakal.
Ang ama raw nitong magandang dalaga
Kung sa kayamana’y walang pangalawa. Ang binate naman’y isang magsasaka, Mahirap, kung kaya ayaw ng ama. Ngunit sa babaeng tapa tang pagsinta Ang yaman sa mundo ay walang halaga, Kaya’t nagkasundong magpatiwakal na Sa langit pakasal, doon na magsama.
Sa harap ng birhen ang magkasing-liyag
Ay nagsidaling luha’y nalalaglag; Matapos ang dasal, dalawa’y magkayakap Sa pagmamahalan’y parang pahimakas. Dawalang sandatang kapwa itatarak;
Ngunit ang binata ay may naisipan
Bago magkasundong dibdib ay tarakan, Ay humukay muna sa hara ng altar, Saka sa gagawing malalim na hukay Ay doon na sila magsamang mamamatay; Kung mamamatay silang wala sa libingan Baka kung ibaon ay magkahiwalay.
Humanap ng palang panghukay sa lupa
Itong sawing-palad na aping binata; Habang humuhukay ang kaawa-awa Sa habag sa sinta’y nanatak ang luha. Ngunit ano ito? Kay laking hiwaga! Ang nadukal-dukal mga gusing luma, Saka nang iahon, oh! Laking himala Puno sa salapi at gintong Kastila! Karimot ng takbong nagbalik sa bahay, Ang magkasinggiliw ay nagitlahan At nakalimot tuloy ang pagpatiwakal; Ang mutyang dalaga ang siyang nagbilang. Oh, daming salapi! Laking kayaman, Libo’t laksa-laksa itong natagpuan, Kaya’t sa Malaki nilang kagalakan Lumuhod sa Birhen at nagsipagdasal. At sila’y umuwi pasan ng binate, Nagkakayang-uuyad sa malaking tuwa
Ang Lumang Simbahan ay ipinagawa,
At ipinabuo ang kampanang sira; At saka nagdaos ng pistang dakila, Tugtog ng musiko’y sampung araw yata Inalis ang takot sa puso ng madla Ang inihalili’y saying di-kawasa.
Sa ginawang bago na Lumang Simbahan
Ang magkasintahan ito ang unang nakasal; Nang sila’y lumuhod sa harap ng altar Ang lahat ng tao’y nagsipagdiwang; Dito na nabatid ng takot sa bayan Ang simbahan pala ay pinagtaguan Ng isang matandang puno ng Tulisan Na may ibinaon doong kayaman.
Ngayon’y ‘di na takot kundi saya’t tuwa
Ang madudulang mo sa Simbahang luma. At sa Birhen doong kay-amo ng mukha, Oh! Kayrami ngayong nagmamakaawa. Ito’y katunayan; Ano-ano mang gawa, Dapat isangguni muna kay Bathala, Sa awa ng Diyos nagtatamong pala. Ang Aking mga Kabata
Kapagka ang baya’y sadyang umiibig
Sa kanyang salitang kaloob ng langit, Sanlang kalayaan nasa ring masapit Katulad ng ibong nasa himpapawid.
Pagka’t ang salita’y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo’t mga kaharian, At ang isang tao’y katulad, kabagay Ng alin mang likha noong kalayaan.
Ang hindi magmahal sa kanyang salita
Mahigit sa hayop at malansang isda, Kaya ang marapat pagyamaning kusa Na tulad sa inang tunay na nagpala.
Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin
Sa Ingles, Kastila at salitang anghel, Sapagka’t ang Poong maalam tumingin Ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.
Ang salita nati’y huwad din sa iba
Na may alfabeto at sariling letra, Na kaya nawala’y dinatnan ng sigwa Ang lunday sa lawa noong dakong una.