You are on page 1of 4

"Mula Tinoko Hanggang Tagumpay"

Sa Tinoko Park, doon kita nakilala


Nabighani sa iyong angking kahali-halina
Binago mo ang mundong aking nakagisnan
Na bago ang sarili, mahalin muna natin ang bayan

Habang lumalalim ang ating pagsinta


Lumalawak din ang ating pakikibaka
Hindi nagsawa o napagod na magmulat at mag-organisa
Sa hirap at ginhawa, magkasama tayong dalawa

Ang pagbuo natin ng pamilya ang lalo pang nagpatibay


Upang tayo'y lalong maghangad ng isang tiyak na buhay
Buhay na malaya sa isang kinabukasan
Dahil ang ating mga anak ay mga anak din ng ating bayan

Hindi tayo naghanap ng mga bagay na wala sa atin


Ang mahalaga ay kung ano ang meron tayo at ang panata natin
Panatang magkasamang makikibaka ano man ang maging hadlang
Kahit ngayong piitan ang ating pansamantalang tahanan

Maikukulong nila ang ating katawan


Ngunit hindi ang ating dalisay na pag-iibigan
Maikukulong nila ang ating katawan
Subalit hindi ang ganap na kalayaan ng bayan

Pansamantala lamang ang lahat ng ito, mahal


Maging ang pasismo ng estado ay hindi rin magtatagal
Hindi kailanman tumigil ang sambayanan upang lumaban
At masaya akong tayo ay bahagi nitong kasaysayan

Malayang Salin ng "On Children" ni Khalil Gibran

Ang iyong mga anak ay hindi mo mga anak.


Sila ang mga anak ng Buhay
na naghahangad para sa kanyang sarili.
Sila ay nagdaan sa 'yo ngunit hindi nagmula sa 'yo,
At kahit na sila'y kapiling mo ay hindi mo sila pag-aari.

Maibibigay mo sa kanila ang iyong pag-ibig ngunit hindi ang iyong pag-iisip,
Sapagkat ang kanilang pag-iisip ay tanging sa kanila lamang.
Maaari mong ibigay ang pagkalinga sa kanilang katawan
ngunit hindi ang para sa kanilang kaluluwa,
Sapagkat ang kanilang kaluluwa'y nananahan sa tahanan ng bukas,
Na hindi mo mabibisita, maging sa iyong mga panaginip.
Maaari kang maging katulad nila,
Ngunit hindi mo maipipilit na sila'y maging katulad mo,
Sapagkat ang buhay ay hindi maibabalik o mananatili sa kahapon.
Ikaw ang pana na pinagmulan ng iyong mga anak
bilang mga buhay na palaso.
Tiyak ng mamamana ang tanda tungo sa walang hanggan,
At hihilahin ka niya nang ubod lakas
Upang mapakawalan ang kanyang mga palaso nang mabilis at malayo.
Hayaang ang iyong pagkakahila sa kamay ng mamamana'y maging kaligayahan
Bagama't iniibig niya ang palasong pinakawalan,
Iniibig niya rin ang panang nanatiling matatag.

POL DET*

Sa loob nitong masikip na bilangguan


Binibilang ang mga araw na pinagkaitan ng kalayaan
Isa, dalawa, tatlo, apat, lima
Mahigit limang taon na rin pala
Limang taong pangungulila sa matagal na pagkawalay
Sa pamilyang nais makapiling muli sa mga araw ng aking buhay

Hinahanap-hanap pa rin ang yakap ng aking sinta


Maging ang tinig na araw-araw nagsasabing "mahal kita"
Ang anak ko, kumusta na kaya siya?
Halos di na masubaybayan ang kanyang pagdadalaga
Baka nag-aalala na rin si Nanay
Wala rin ako nang ilibing si Tatay

Kamusta na rin kaya ang mga kasama?


Sila Randy, Hector, Arvin, at Estella
Sana'y masikhay pa rin silang nakikibaka
At patuloy pa rin sana ang kanilang pagpukaw ng damdamin ng masa
Alam kong nariyan lang silang patuloy na mananawagan
Upang ang paglaya ng isang katulad ko'y mabigyan ng katuparan

Yung ibang bilanggong politikal, inaabutan na lang ng kamatayan


Katulad ni Kasamang Bernabe na hindi na umabot ng kapaskuhan
Na-stroke at na-coma, animnapu't anim na taong gulang
Sa Jose Reyes, hindi na natikman pang muli ang kalayaan

Hinihintay ba nila na magkasakit din kaming lahat upang makalaya?


Ilang taon na kami dito, wala ba kayong bayag para bigyan kami ng amnestiya?
Walang ginawang masama kun'di ang makibaka para sa bayan
Hangga't narito kami, hindi uusad ang usapang pangkapayapaan

Marami na rin nawalang araw sa buhay ko


Magmula nang pagkasyahin ang sarili sa piitang ito
Ginawan ng patong-patong na mga kasong 'di naman ginawa
Hinainan ng sandamakmak na kasinungalingan nila

Kung akala ng estadong ito na patuloy kaming mapoposasan


Nagkakamali sila, tuloy lang ang laban
Hindi mahahadlangan ng rehas ang patuloy na paglahok sa pakikidigma
Para sa tunay na demokrasya at para sa isang bagong umaga

Ang pagkakakulong ng isang katulad ko'y maliit na sakripisyo lamang


Kumpara sa pagiging api at kahirapang dinaranas ng sambayanan
Malinaw ang makatarungang kapayapaan at isang tunay na pambansang kalayaan
Hindi habang buhay na detenido ang katotohanan

IGALANG N'YO ANG PATAY

Charlie del Rosario, ang unang desaparecido


Hindi na muling natagpuan mula noong panahon ni Apo
Isang Kabataang Makabayan
Hindi alam kung muli pang masisilayan

Liliosa Hilao, unang bilanggong politikal


Tinortyur at pinalabas na nagpatiwakal
Sunog ang lalamunan at ang mga baga
Labis na naghirap at pinaniniwalaang ginahasa

Eman Lacaba, isang manunulat at makata


Inialay ang panulat para sa hanay ng masa
Pinatahimik, isang putok ng baril sa kaniyang bunganga
Wala na si Eman, imortal ang kanyang mga obra

Macli-ing Dulag, ang bayani ng Cordillera


Sa lupang ninuno, matapang na nakibaka
Isang gabi ay nagambala, tahana'y pinaulanan ng bala
May dugo ang dam ng Chico at ang kanilang katutubong lupa

Boyet Mijares, labing anim na taong gulang lamang


Siya ang naging pambayad sa kasalanan daw ng magulang
Luwa ang mata, puno ng saksak, ang ulo ay duguan
Luray ang kamay, paa, at ang ari nang siya'y matagpuan

Juan Escandor, isang batang doktor na pinaslang


Tinanggal ang utak, inilagay sa t'yan
Bungo ay pinuno ng basura
Hinding-hindi mo ito masisikmura

Ilan lamang sila sa libu-libong martir ng kasaysayan


Hanggang ngayon ay wala pa rin hustisya sa kanilang kamatayan
Igalang nyo ang patay, pakiusap lamang
Marcos sa Libingan ng mga Bayani, muli natin 'yang huhukayin isang araw sa
kasaysayan

Sandali lang, ang kabaong ay wag munang isasara


Ang mukha ng diktador, tanggalan ng maskara
Wag natin hayaang mahimlay ang malaking kalapastanganan
Igalang nyo ang patay, pinatay na mga anak ng bayan
Itawid muna ang mga bata sa labi ng kahapon
Huwag hayaang ang hustisya'y tuluyang sa lupa'y itabon
Huwag hayaang pasista, berdugo at diktador ang maparangalan
Ang tunay na bayani ay ang sambayanan.

You might also like