You are on page 1of 50

KALANTIAW

Kagila-gilalas na Kasinungalingan Tungkol sa Isang Kayumangging Bayan


Ni Rene O. Villanueva

* Kinomisyon ng Cultural Center of the Philippines, para sa Philippine Festival of Arts and
Culture sa Paris, France, 1994.
* Nagwagi ng unang gantimpala sa Filipino Division, Full-length Play Category ng Carlos
Palanca Memorial Awards for Literature, 1994.
* Unang itinanghal sa CCP Tanghalang Francisco Balagtas (Folk Arts Theater), February 17-20,
1994. Direksiyon ni ROBERT CANTARELLA.
* Itinanghal din sa Theatre Renaud-Barrault, Le Rond Point, Paris, France noong May 25-28,
1995.

Mga Nagsiganap:
JONAS SEBASTIAN - Matandang Lalaki, Marco, Kalantiaw, Matandang Marco
HERBIE GO - Batang Historyador, Parker, Miller
IRMA ADLAWAN - Babaeng Guro, Asawa, Katutubong Babae 1-8
ONY DE LEON - Matandang Historyador, Kusinero, Ama ni Marco, Estudyanteng Filipino
ALAN PAULE - Giya, Doktor Robertson, Rizal
MARISA TINSAY - Babae, Tagasalin sa French

Assistant to the Director:


JEAN FRANCOIS TOUCHARD

Production Design:
SALVADOR BERNAL

Lighting Design:
JAY ARANDA
K a l a nt i a w ni Re ne O. Vi l l a nue va |2

Mga Tauhan:
BATANG HISTORYADOR
JOSE E. MARCO/MATANDANG LALAKI
BABAE
MATANDANG HISTORYADOR
JOSE RIZAL
BABAENG GURO
ASAWA NI MARCO
LUTHER PARKER
MERTON MILLER
DR. JAMES A. ROBERTSON
GIYA
ESTUDYANTENG PILIPINO
KAWAL
KALANTIAW
KATUTUBONG BABAE 1, 2, 3, 4, 5, 6, 7, 8
KUSINERO
AMA NI MARCO
K a l a nt i a w ni Re ne O. Vi l l a nue va |3

1.

Papasok ang isang MATANDANG LALAKI. Halos hukluban at balot ng sapot at alikabok. Nasa
harap siya ng telon.

MATANDANG LALAKI:
‘Wag na ninyong hulaan kung sino ako. Hindi posibleng kilala n’yo ako. Tiniyak ko ‘yon
noong ako’y nabubuhay pa. Nasa harapan ninyo ako ngayon para sagutin ang mga paratang
tungkol sa akin.

Nagtagumpay akong ikubli ang aking pangalan sa loob ng mahabang panahon. Ngayo’y
kinakaladkad ito sa putikan. Maligaya na sana akong nananahimik sa aking kasalukuyang
kalagayan, dito sa tinatawag nilang kabilang-buhay. Pero kailangan kong mag-balik. Ako, na
mula sa nakaraan, ay kailangang muling magbangon at magbalik tulad ng aking pinakaiibig
na kasaysayan.

Sa kabilang bahagi, papasok ang BATANG HISTORYADOR.

BATANG HISTORYADOR:
Nagsimula ang interes ko sa kasaysayan ilang taon pagkaraan ng Ikalawang Digmaang
Pandaigdig. Namalas ko ang guho ng mga gusali, ang lungsod na pinatag ng paglalabanan at
itinanong ko sa aking sarili: paano makababangon ang bansang ginutay-gutay ng digmaan?
Nakapaglakbay na ako noon sa maraming panig ng daigdig. Sa aking paglalakbay,
natuklasan kong ang mga bansang matatatag at malalakas ay yaong mga bansang may
malinaw na pagkagagap sa kanilang nakaraan. Nang mga araw na iyon, may kung anong
puwersang humalina sa akin para harapin ang tanong: Sino ang Pilipino? Ano ang mga
Pilipino? Nasa tanong na ito, sa palagay ko, ang susi sa muling pagbangon ng bansa. Ang
paghahanap ng sagot sa tanong na ito ang nagtulak sa aking pag-aralan ang kasaysayan ng
Pilipinas.
K a l a nt i a w ni Re ne O. Vi l l a nue va |4

MATANDANG LALAKI:
Kasaysayan ang aking musang pinakaiibig. Ang pagkahumaling ko sa kasaysayan ay tulad
ng pagkagiliw ng isang tagasindi ng mga lampara sa daan kung gabi noong panahong wala
pang koryente. Isang nilikhang pantakipsilim. Kumikilos ako sa sandaling unti-unting
lumulutang sa mga daan ang anino ng gabi. Kapag nilalambungan na ng tahimik na belong
itim ang mga bahay na bato, mga gusali, mga pabrika at iba pang tanawin sa lungsod,
habang unti-unting tumatahimik ang halakhakan sa mga parke at ang mga yabag ng paa o
gulong ng tiburin at kalesa ay humahangos papauwi. Nagsisimula akong maglakad, isang
balabal na itim, sa mga eskinitang wala nang mga batang naglalaro. Binabaybay ko ang mga
daan habang tumitiklop ang mga dahon ng akasya at naglalakas-loob na magtungayawan
ang mga kuliglig, habang naaamoy kong lumulutang sa hangin ang samyo ng dama de
noche. Tagasindi ako ng mga ilawan sa daang magsisilbing pananda sa mga kaluluwang
manlalakbay kung gabi.

Sa isa pang bahagi sa harap ng telon, papasok ang BABAE. Naka-damit Filipina.

BABAE:
Ang kasaysayan ay nakaraan. Ang nakaraan ay gunita. Ang gunita ay mapanlinlang.

Lalapitan siya ng BATANG HISTORYADOR.

BABAE:
Ang kasaysayan ay batay sa tala ng nakaraan. Ang nakapag-iwan lamang ng tala ang
siyang may tinig sa kasaysayan. Ang may tinig lamang ay yaong mga may kapangyarihan,
yaong malalakas, yaong nakapangingibabaw. Ang bawat kasaysayan ay kasaysayan ng
makapangyarihan, ng malalakas, ng nakapangingibabaw.

Ang mga walang kapangyarihan, ang mahihina, ang mga napapailalim ay mga walang tinig.
Mga walang kasaysayan. Nanatiling nakasadlak sa dilim. Tapunan kami ng liwanag! Iligtas
kami sa kadiliman!
K a l a nt i a w ni Re ne O. Vi l l a nue va |5

Tahimik na aakayin ng BATANG HISTORYADOR ang BABAE palabas ng tanghalan.

MATANDANG LALAKI:
Mahal ko ang kadiliman. Ito ang nagbigay sa akin ng pagkakataong makapagsilbi.Sa bawat
posteng madaanan ko’y taimtim kong isusugba sa ningas ang bakal na may balot na
basahang basa ng gaas ang dulo. Tahimik itong magniningas, dilaw at asul na liwanag.
Taimtim kong itataas ang munting sulo, tiyak at may tiwala, saka patingkayad na isusugba sa
mitsa ng lampara sa tuktok ng poste. Sa isang iglap, isang bilog na liwanag ang malilikha sa
ilalim nito. Isang maliit na pulo ng liwanag. Mahinahon akong lalakad sa susunod na poste
upang ulitin ang naunang ritwal. Sa bawat pag-usad ng aking mga paa, ang maiiwan ko’y
isang kahabaan ng mga pulo ng liwanag. Hanggang sa ang anino ko’y tuluyang lamunin ng
dilim. Ganoon din ang aking debosyon sa kasaysayan. Ang mga pagsisikap ko’y paglikha
ng mga pulo ng liwanag sa mahabang-mahabang dilim.

Mula sa labas ng tanghalan, maririnig ang tinig ng BABAE.

BABAE: (Sa likod ng telon.)


Iligtas kami mula sa kadiliman. Isiwalat ang aming kasaysayan!

BATANG HISTORYADOR: (Sa likod ng telon.)


Sssh...

MATANDANG LALAKI:
Isisiwalat ko ang lahat sa inyo. Ngunit kailangan ko ng katahimikan.

Babalik sa tanghalan ang BATANG HISTORYADOR.

BATANG HISTORYADOR:
Nagtuon ako ng pansin sa kasaysayan ng Pilipinas bago dumating ang mga mananakop mula
sa kanluran, ang mga Espanyol at Amerikano. Pinag-aralan ko ang mga aklat na binabasa ng
mga estudyante sa kolehiyo at pinanlumuan ko ang napakaikling impormasyong aking
K a l a nt i a w ni Re ne O. Vi l l a nue va |6

natuklasan.

BABAE: (Tinig lamang, mula sa likod ng telon.)


Ang mga mamamayang walang kasaysayan ay mga mamamayang walang kaluluwa.
Kailangan nating tuklasin ang ating kaluluwa at bigyan ng tinig ang nakaraan.

MATANDANG LALAKI:
Nauulinigan ko ang mga bulong-bulungan, mga sabi-sabing tinig ng panghihimasok na sa
aki’y mga panawagan. Tatlong dekada na akong patay ngunit ang mga salita ay tila
salamangka, ang mga tanong at pag-uusisa ay parang mahiyang may birtud na
nakapagpapabangon sa patay.

Magdidilim sa bahagi ng MATANDANG LALAKI.

BATANG HISTORYADOR:
Dekada sisenta noon, sa tulong ng isang matandang historyador, unti-unting nagkahugis sa
aking isip ang mga tanong at pagdududa.

2.

Darating ang MATANDANG HISTORYADOR. Kukuha siya ng mga libro mula sa likod ng telon.
Ibibigay sa BATANG HISTORYADOR.

MATANDANG HISTORYADOR:
Ano pa ang gusto mong matuklasan?

BATANG HISTORYADOR:
Matagal ko nang pinag-iisipan ang kasaysayang itinuturo sa mga paaralan natin, ang
kasaysayan bago ang panahon ng kolonisasyon.

Papasok ang BABAENG GURO, na nagbibigay ng lektyur sa manonood.


K a l a nt i a w ni Re ne O. Vi l l a nue va |7

BABAENG GURO: (Sa manonood.)


Sinasabing sa simula, walang tao sa Pilipinas. Ang mga ninuno natin, ang mga Negrito, ay
nakarating sa ating kapuluan sa pamamagitan ng mga lupaing-tulay na noo’y nakalitaw dahil
sa pagbaba ng tubig sa karagatan. Dahil sa mga lupaing tulay na ito, ang ilang bahagi ng
kapuluan ay konektado sa Asia. Nang unti-unting tumaas ang tubig sa karagatan, lumubog
ang mga lupaing tulay.

Ang mga sumunod na migrasyon ay sa pamamagitan ng pagtawid sa dagat. Bago dumating


ang mga Espanyol, tatlong uri pa ng mga tao ang nandayuhan dito sa atin.

Magdidilim sa bahagi ng BABAENG GURO.

BATANG HISTORYADOR: (Sa MATANDANG HISTORYADOR.)


Bawat pandarayuhan, mas mataas ang uri ng pamumuhay ng mga bagong dating kaysa
dinatnan. Kaya umuurong sa kabundukan ang mga nauna. Ang mga bagong dayuhan ang
naiiwan sa mga dalampasigan. Ang mga sinaunang Negrito ay nahalinhan ng mga
Indonesian, ang Indonesian A at B. Tapos, ng mga Malay.

MATANDANG HISTORYADOR:
At hindi ka naniniwala?

BATANG HISTORYADOR:
Kailangang pag-aralan nang mas malalim. Halimbawa, anong ebidensya ang magpapatunay
na ang mga naunang tao sa Pilipinas ay kulot ang buhok at maiitim ang balat, gaya ng mga
Negrito na tinatawag nating “aborigines of the Philippines?” Kapag inilarawan ang
sinaunang pamumuhay, punong-puno ito ng makukulay na ritwal at seremonya na para bang
napaka-organisado ng ating matandang lipunan. Paano nabuo konklusyon na mas mataas ang
uri ng sibilisasyon ng mga Pilipino bago dumating ang mga Espanyol.

MATANDANG HISTORYADOR:
Kapwa tayo guro ng kasaysayan. Alam natin ang disiplina ng larangang ito. Hindi basta
K a l a nt i a w ni Re ne O. Vi l l a nue va |8

nasusulat at nagiging popular ang mga bagay na ito. Itong sinasabi mo -- kahit napakasimple
o napakaikling paglalarawan ng pamumuhay ng mga Pilipino bago dumating ang mga
Espanyol -- e hindi ganoon-ganoon lang. Sinaliksik ‘yan. Pinag-aralan. Sinuri ng mga
iskolar, ng mga historian. Hindi lang ng mga Pilipino. Hindi lang dito sa Pilipinas. Mga
awtoridad ang bumuo sa mga bagay na ito na pinaniniwalaan natin ngayon.

BATANG HISTORYADOR:
At dahil mga awtoridad ay dapat na nating dasalan, luhuran, ituring na parang mga banal na
salita ng diyos, ganoon ba?

MATANDANG HISTORYADOR:
Hindi ganyan ang gusto kong sabihin.

BATANG HISTORYADOR:
Dapat nating patuloy na sinisiyasat at tinatanong ang lahat.

MATANDANG HISTORYADOR:
‘Wag mo na akong sermonan.

BATANG HISTORYADOR:
Kung gayo’y bakit hindi tayo magkakampi?

MATANDANG HISTORYADOR:
Malaking gulo ang gagawin mo.

BATANG HISTORYADOR:
Alam ko.

(Pabiro)

Kailangang mag-imprenta ng libo-libong textbooks at mangutang na muli sa World Bank


K a l a nt i a w ni Re ne O. Vi l l a nue va |9

para palitan ang lahat ng pinag-aaralan natin ngayon.

MATANDANG HISTORYADOR:
Walang pasubali. Pero mas seryoso ang gusto kong sabihin. Handa ka bang palitan ang mga
pinaniniwalaan natin ngayon tungkol sa nakaraan natin?

BATANG HISTORYADOR:
Kung kailangan. Sa ngalan ng katotohanan, kailangang tuklasin natin ang lahat.

MATANDANG HISTORYADOR:
Matagal ka na kamong binabagabag ng paksang ito. Bakit hindi mo subukan? Gawin mong
disertasyon. O kaya’y personal na misyon.

BATANG HISTORYADOR:
May kahirapan. Nag-aalala ako. Kapag iniisip ko ang dami ng trabaho, parang nasisindak
ako. Pero may kung anong nagbubulong sa akin na pangatawanan ang pag-aaral tungkol
dito.

MATANDANG HISTORYADOR:
Tingnan mo. Walang ibang interesado sa problemang sinasabi mo. Kung ako ang tatanungin
mo, ang kapayakan mismo ng kasaysayan ng ating nakaraan ang pinakamalaking hamon
para siyasatin ito. Maaaring makatuklas ka ng mga bagong detalye na makadaragdag sa
kaalaman natin. Makakatulong iyon upang higit na maging masalimuot ang malabong
nakaraan. Handa akong tumulong. Lahat kaming kasama mo sa faculty ay tutulong. Pero
dapat mong tiyaking seryoso ka sa gagawin mo.

BATANG HISTORYADOR:
Matagal ko nang pinag-iisipan kung paano ito gagawin. Magsisimula ako sa pamamagitan
ng pagsisiyasat sa dokumentong pinagmulan ng mga datos tungkol sa ating kasaysayan bago
dumating ang mga mananakop. Susuyurin kong isa-isa. Hanggang sa pinakadulo, sa
pinagmulan ng lahat. Tutuklasin ko kung paano nagsimula ang lahat ng ating pinaniniwalaan
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 10

tungkol sa ating nakaraan.

MATANDANG HISTORYADOR:
Hindi ka ba natatakot sa posibleng matuklasan mo?

BATANG HISTORYADOR:
Hindi. Pag-aaralan ko ang aking kasaysayan. Iimbestigahan. Sasaliksikin. Susuriin. Ang
kadiliman nito’y tatanglawan ko nang pinakamaliwanag na lente hanggang matanghal ang
kanyang kahubaran.

Yayakapin ng MATANDANG HISTORYADOR ang BATANG HISTORYADOR. Lalabas ang


MATANDANG HISTORYADOR. Magliliwanag din sa bahagi ng MATANDANG LALAKI. Sabay
sila ng BATANG HISTORYADOR sa huling linya.

BATANG HISTORYADOR/MATANDANG LALAKI:


Aalisin ko ang mga sapot at alikabok ng maraming mga taon upang matambad ang
katotohanan.

3.

Huhubarin ng MATANDANG LALAKI ang kanyang suot.

BATANG HISTORYADOR:
Ang imbestigasyon ko’y humantong sa akin sa isang di-kilalang tagapasa ng mga
dokumento na nagpapalagay sa sariling isang historyador mula sa Negros. Si Jose E. Marco.

MATANDANG LALAKI: (Habang naghuhubad)


Ipinakikiusap kong huwag muna ninyong paniwalaan ang lahat ng kanyang sasabihin
hanggang hindi natatapos ang dulang ito. Ipagpaliban ninyo ang paghatol sa akin hanggang
sa wakas ng pagtatanghal. Pansamantala’y ayaan ninyong anyayahan ko kayo sa aking
panahon.
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 11

Isang makisig na ilustrado ang tatambad sa manonood, matapos hubarin ang masapot at
maalikabok na kasuotan. Ang MATANDANG LALAKI ay magiging si JOSE E. MARCO.

BATANG HISTORYADOR:
Ikalawang dekada ng kasalukuyang siglo. Katatapos lamang ng matagumpay na
kampanyang pangmilitar ng mga Amerikano para tuluyang pilitin ang mga katutubong
kayumanggi ang balat na tanggapin sila bilang bagong mananakop at tagapagligtas.

Magliliwanag sa bahagi ng BABAENG GURO. Maririnig ang anthem ng Estados Unidos.

BABAENG GURO:
O Dewey at Manila
That fateful first of May,
When you sank the Spanish squadron
In almost bloodless fray,
And gave your name to deathless fame;
O glorious Dewey say,
Why didn’t you weigh anchor
And softly sail away?

Magdidilim sa bahagi ng BABAENG GURO.

MARCO:
Panahon iyon na lubhang masigasig ang mga nananaliksik na Amerikano na tuklasin ang
nakaraang kasaysayan ng mga kayumangging minana nila mula sa pananakop ng mga
Espanyol.

(Papasok sa telon.)

BATANG HISTORYADOR:
Ikinalulungkot kong lubhang kaunti ang mga datos tungkol sa kanyang personal na buhay
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 12

kaya ako, na isang mananalaysay, ay sasandal ngayon sa bisa ng kathang-isip upang


maisadula ang lahat ng ito.

Tataas ang telon.

Sa Tahanan ni MARCO. Panonoorin ng BATANG HISTORYADOR ang magaganap na


tagpo sa pagitan ni MARCO at sa kanyang ASAWA.

ASAWA: (Habang nagliligpit.)


Napakadilim naman sa silid na ito. Maaari ko bang buksan ang bintana?

MARCO:
Pabayaan mo na ang mga iyan. Halika, may ipapakita ako sa iyo.

ASAWA:
Mga sulat na naman.

(Aayusin ang suot ni MARCO.)

Pepe, kailan ka ba magkakapanahon sa ibang bagay? Halos hindi ka na lumalabas. Kahit


linggo’y nalilimutan mong mangilin. Maawa ka sa kaluluwa mo.

MARCO:
Ang ginagawa ko’y para sa kaluluwa nating lahat.

ASAWA:
Ayokong magtalo tayo. Pero hindi kita talaga lubos na maunawaan.

(Susuklayan si MARCO.)
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 13

MARCO:
Ang inililigtas ko’y ang kaluluwa nating lahat. Ang tinutuklas ko’y ang kaluluwa ng
bansa.

ASAWA:
Ililigpit ko na ba itong mga damit mo?

MARCO:
Tingnan mo ang mga sulat na ito. Mga correspondencia na kailangan kong sagutin lahat.
Minimithi ko’ng sana’y may labinlima o kahit man lamang sampung araw ang bawat linggo
o kaya’y lubhang lumawig ang mga oras sa bawat araw upang maasikaso ko ang lahat ng
gawaing ito.

ASAWA:
Ang gusto ko lang naman ay mamuhay tayo nang karaniwan. Ang makasabay ka sa
pagkain. Makasama sa pamamasyal. Magpahinga ka naman.

MARCO:
Nilalagnat ang isip ko. Umiikot ang aking diwa. Ni hindi dapat sumagi sa aking utak ang
salitang iyan.

(May hahanapin sa mga nakakalat na aklat.)

Naitabi mo na ba ang mga sipi ng Renacimiento Filipino?

Iaabot ng ASAWA.

MARCO:
Marami ang humihingi ng kopya ng aking artikulo.

BATANG HISTORYADOR: (Sa manonood.)


K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 14

Ang tinutukoy niya ay ang Resena historia de las islas de Negros desde los tiempos mas
remotos hasta nuestros Dias. Unang kontribusyon ni Marco sa historiyograpiyang Pilipino.
Nalathala noong 1912.

MARCO:
Binasa mo?

Tatango ang ASAWA.

MARCO: (Aakbayan ang ASAWA.)


Sabihin mo sa akin ang iyong palagay.

ASAWA:
Ano’ng masasabi ko? Ikaw ang maraming nalalaman tungkol sa mga bagay na iyan.

MARCO:
‘Wag kang mag-aatubili!

ASAWA:
Pepe, marami kang pinagkakaabalahan na hindi ko lubusang mawatasan. Tingnan mo ang
bahay natin, hindi malinis ng mga muchacho dahil bawat sulok ay may mga dokumento.
Kayraming nagkalat na papeles, manuskrito, burador. Kahit saan ka tumingin, may kontrata,
kasulatan ng binyag, pag-aari ng lupain, sertipiko ng kamatayan. Ang gusto ko’y--

MARCO: (Ilalapat sa labi ng ASAWA ang daliri.)


Ang gusto ko’y sabihin mo sa akin ang iyong opinyon tungkol sa aking akda.

ASAWA: Talaga bang gusto mong malaman ang palagay ko?

(Tatango si MARCO.)
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 15

Hindi ko maubos-maisip kung paano mo nalaman ang mga bagay na pinagsusulat mo! Mga
tungkol sa nakalipas. Mga tungkol sa pangyayaring kay tagal-tagal nang naganap.

MARCO:
Concepcion, ang lahat ay nasa masusing pananaliksik.

ASAWA:
Wala ka nang ginawa kundi magbasa.

MARCO:
Kailangan kong saliksikin ang mga aklat na bihira na lamang matagpuan ngayon. Gaya ng
Mis Viajes por el Pais de los Negritos y de su Isla de Negros na sinulat ni Jorge Guzman de
Setien noong 1779.

BATANG HISTORYADOR: (Sa manonood.)


Walang ganoong aklat.

MARCO:
A Short Account of the Islands of Panay and Negros ni John Bowring.

BATANG HISTORYADOR: (Sa manonood.)


Wala pang nakikitang kopya nito.

MARCO:
Apuntes sobre Negros ni Nicholas Loney.

BATANG HISTORYADOR: (Sa manonood.)


Siya pa lamang ang bumabanggit sa ganitong akda.

MARCO: (Lalapit sa BATANG HISTORYADOR.)


Kaya kong isalaysay ang sarili kong kasaysayan. Hindi ko kailangan ang iyong anotasyon.
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 16

BATANG HISTORYADOR:
Pasensiya, Ginoo. Labis akong nadadala ng aking pagkamuhi.

MARCO: (Sa BATANG HISTORYADOR.)


A, walang dapat na kilingan ang isang historyador. Hindi dapat makulayan ng kanyang
damdamin at prehuwisyo ang ginagawang pag-aaral. Makapagsasalita ang nakaraan sa sarili
nitong tinig.

BATANG HISTORYADOR: (Yuyukod.)


Ipagpaumanhin. Nakahanda akong makinig. Ulitin ninyo ang tagpo.

Uupo at tahimik na manonood ang BATANG HISTORYADOR. Uulitin nina MARCO at ASAWA
ang naputol na tagpo.

ASAWA:
Wala ka nang ginawa kundi magbasa.

MARCO:
Kailangan kong saliksikin ang mga aklat na bihira na lamang matagpuan ngayon. Gaya ng
Mis viajes por el pais de los Negritos y de su isla de Negros ni Jorge Guzman de Setien
noong 1779. A Short Account of the Islands of Panay and Negros ni John Bowring. Apuntes
sobre Negros ni Nicholas Loney.

ASAWA:
Saan mo ba natuklasan ang lahat ng iyan?

MARCO:
Koleksiyon ko, kasama ng mga inirereklamo mong tambak ng mga papeles at manuskrito.

ASAWA: (Kukunin mula sa mesa ang isang liham.)


K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 17

Hindi mo pa binabasa ang liham ni Dr. James A. Robertson.

Bubuksan ng ASAWA ang sobre.

MARCO:
Alam ko na ang nilalaman niyan. Tiyak na nagtatanong siya tungkol sa mga ipinangako
kong manuskrito para sa Aklatan at Museo ng Pilipinas.

Mabilis na babasahin ni MARCO ang sulat.

MARCO:
Ganoon nga. Ipapadala ko sa kanya ang mga dokumentong ito.

(Kukuha ng tatlong dokumentong nasa balat ng kahoy mula sa bunton ng mga papeles.)

Tingnan mo, sa balat ng kahoy pa nakasulat. Alam mo ba kung ano ang mga ito? Mga
pambihira, antigo, ngunit napakahalagang dokumento.

ASAWA:
Bakit ganyan ang pagkakasulat?

MARCO:
Ganyan ang sinaunang paraan ng pagsulat ng mga Pilipino. Tila tinta ng pusit ang ginamit.

ASAWA: (Ngingiti sa narinig.)


Nababasa mo.

MARCO:
Pinaghihirapan.

ASAWA:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 18

Ano bang nilalaman?

MARCO:
Ito’ng pinakamaikli ay tila panawagan. Parang dasal. Gusto mong basahin ko sa iyo?

Tatango ang ASAWA.

MARCO:
“Bathala... ikaw na ibong adarna, na nasa napakatayog mong kinadarapuan, manaog ka...
manaog kasama ng maraming kulay na plumahe ng iyong buntot...

ASAWA:
Dasal na ba ‘yon?

MARCO:
Siguro. Noong araw.

ASAWA:
Tungkol naman saan ‘yang isa?

MARCO:
May inilalarawang sayaw, isang matandang sayaw na tila “Lulay.” Isinayaw na ito ng mga
Pilipino noon pa man. Marahil ay bahagi ng isang ritwal.

ASAWA:
Sa panliligaw tulad ng pagsasayaw ng “Lulay” ngayon?

MARCO:
Siguro.

(Bubuklatin ang pangatlo.)


K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 19

Ito nama’y mga pangalan ng sinaunang diyos.

(Babasahin.)

Bathala, pinagmulan ng mga unang nilikha, nananahanan sa matataas na bundok... sa palad


niya’y nakatira ang nunong si Manliw, isang manggagaway na kasingtaas ng katawan ng
punong niyog, matipunong tulad ng bato, matakaw tulad ng araw at mas mabagsik kaysa
nababaliw na aso.

ASAWA:
Tama na, nakakatakot!

MARCO: (Itatabi ang mga dokumento. Yayakapin ang ASAWA.)


Talagang ganyan ang pananaliksik sa kasaysayan. Kung minsa’y nakakabigla ang mga bagay
na ating matutuklasan.

ASAWA: (Lalayo.)
Kailan mo ipapadala ang mga iyan kay Dr. Robertson?

MARCO:
Kailangang sa lalong madaling panahon. Kundi’y baka muling dumating ang kartero na may
dalang panibagong sulat mula sa kanya.

Magtatawanan ang dalawa.

ASAWA: (Malambing.)
Talaga bang ayaw mong kumain? Nag-aalala ako. Baka lipasan ka ng gutom. Ayokong
magkasakit ka.

MARCO:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 20

Concepcion, kapag nakikita ko ang malamlam mong mata, hindi ko kayang ikubli ang
nararamdaman kong matinding gutom...

Kakabigin ang ASAWA at sisiilin ng halik.

BATANG HISTORYADOR: (Haharang sa harap nina MARCO at ASAWA.)


Ipagpaumanhin ninyo. Kailangang putulin ang tagpong ito dahil dapat nating malaman kung
paano napasakamay niya ang mga “pambihira, antigo at napakahalagang dokumento.”

Maghihiwalay ang dalawa. Mag-aatubili ang ASAWA.

4.

BATANG HISTORYADOR: (Sa manonood.)


Kinapanayam si Marco tungkol sa mga dokumento ni Luther Parker, isang guro at mag-aaral
ng kultura ng mga Bisaya. Ang paliwanag ni Marco’y iniliham ni Parker kay Doktor
Robertson.

Hindi titinag ang ASAWA.

BATANG HISTORYADOR:
Bayaan ninyo’ng gampanan ko ang papel ni Ginoong Parker.

Lalapit ang BATANG HISTORYADOR bilang LUTHER PARKER kay MARCO.

PARKER:
Labis akong humahanga sa inyong sigasig, Ginoong Marco. Subalit kung inyong
mamamarapatin, labis kong pinagtatakhan kung paanong napasakamay ninyo ang mga
dokumentong ito?

MARCO:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 21

Hindi kayo maniniwala at tiyak na sasabihin ninyong gawa-gawa ko lamang ang


kuwentong ito.

PARKER:
Talaga pong kagila-gilalas ang mga ito, sa paano mang paraan matuklasan.

MARCO:
Nagpasama ako sa isang taga-La Castellana, Negros Occidental, sa isang kuweba na kung
tawagi’y Camesana. Alam ba ninyo kung ano ang natagpuan namin ng aking giya sa loob ng
kuweba?

PARKER:
Sinasabik ninyo ako.

MARCO:
Doo’y may inukit na kalabaw na may anim na paa. Isang antigong diyos-diyosan marahil
noong panahong limot na ng lahat. Natitiyak kong naroon pa ‘yon hanggang ngayon.

PARKER:
Ano ho ang ginawa niyo?

MARCO:
Inabot kami ng gutom ng aking giya. Nakahanda akong lipasan ng gutom sa mga gayong
pagkakataon o sa labis na pananabik ay hindi ko naramdaman ang pagkalam ng aking
sikmura. Ngunit hindi ang aking kasamang giya. Talastas ng mga taong tulad niya ang
paghilab ng bituka. Kaya handa siya sa gayong pagkakataon. Nagluto siya sa loob ng
kuweba at alam ba ninyo kung ano ang ginamit niyang panggatong?

PARKER:
‘Wag ninyong sabihing--
MARCO:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 22

Ang sungay ng diyos-diyosan!

PARKER:
Hindi ako makapaniwala!

MARCO:
Ganyan din ang nasambit ko nang nakita kong nagdiringas na ang isang sungay. Halos huli
na nang makita ko ang ginagawa niya. Kaagad ko itong binawi sa apoy. Ngunit labis akong
nanggilalas nang matuklasan kong may nakasaksak na kung ano sa loob ng sungay. ‘Yon
pala ang dahilan kung bakit kay bilis nitong nagdingas.

PARKER:
Ang mga dokumentong ito?

MARCO:
Ang mga dokumentong ito na nakabalot pa sa pagkit.

PARKER:
Kagila-gilalas!

MARCO:
Sadyang hindi inaasahan.

Lalapit ang ASAWA kay MARCO. Magbabalik sa dating katauhan ang BATANG
HISTORYADOR.

ASAWA: (Sa BATANG HISTORYADOR.)


Marahil ay nasiyahan na kayo sa kanyang sagot.

BATANG HISTORYADOR:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 23

Napakagandang salaysay!

(Sa manonood.)

At hindi kataka-taka kahit kagila-gilalas dahil ang kasaysayan ay puno ng mga kagila-gilalas
na pagtuklas. Mga pagtuklas na hindi produkto ng metodikal na paraan upang madiskubre
ang katotohanan kundi bunga ng suwerte o aksidente.

ASAWA: (Pasigaw.)
Kung gayo’y walang dahilan para tapunan ang aking tao ng titig na puno ng pagmamaliit at
pag-uyam.

MARCO:
Sion...

BATANG HISTORYADOR:
Kung sadyang historyador ang inyong tao, gaya ng ipinalalagay niya, mauunawaan niya
ang pangangailangan ng iba pang pahayag o sangguniang magpapatibay sa kanyang
salaysay.

ASAWA:
Kanino ‘yon magmumula?

5.

Lalayo ang BATANG HISTORYADOR. Panonoorin nila, kasama si MARCO at ASAWA ang
eksena.

BATANG HISTORYADOR:
Nang taon ding ‘yon, 1912, kapaskuhan, dinalaw ni Merton L. Miller, hepe ng sangay ng
Etnolohiya, ang La Castellana para mag-imbestiga. Nakatagpo niya ang sinasabing giya ni
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 24

Ginoong Marco. Muli, kailangan kong gagampanan ang papel ni Merton L. Miller.

Papasok ang GIYA na may dalang lente. Ang BATANG HISTORYADOR ay magiging si
MERTON L. MILLER.

GIYA:
Dito po, Ginoong Miller. Dito po.

MILLER: (Sa manonood.)


Wala ni bakas ang inukit na hayop na may anim na paa.

GIYA:
May nakakuha po siguro. Hindi po naman kataka-taka dahil di naman napakaliblib ng pook
na ito. May mga mangangahoy o magsasakang nagagawi dito. O kaya’y namamaril ng ibon.

MILLER:
Sabi ninyo’y napakabigat ng rebulto.

GIYA:
Baka ho pinagtulong-tulungang buhatin.

MILLER:
Saan kayo nagluto?

GIYA: (Lilipat ng lugar.)


A, dito po yata. Sa pagkakatanda ko.

MILLER: (Sa manonood.)


Kataka-takang kailangan pa nilang magluto gayong isang oras lamang na paglalakad ay
mararating na nila ang pinakamalapit na bahay.
(Sa GIYA.)
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 25

Maraming salamat.

(Sa manonood.)

Sa palagay ko’y walang inukit na hayop tulad ng sinasabi nila.

GIYA:
Aba, hindi po! Hindi po rito. Palagay ko’y namali tayo ng pasok. Sa kabilang bahagi ng
kuweba. Tandang-tanda ko. Nayuyungyungan ng malaking pako ang bunganga ng kuweba
na pinasok namin. Palagay ko’y doon, sa gawi roon. Sumunod po kayo sa akin, baka naroon.
Dali po!

Aalis sa tanghalan ang GIYA.

BATANG HISTORYADOR:
Ayon kay Ginoong Miller, mas pinaniniwalaan niyang ang mga dokumento ay napasakamay
ng taong nagpadala nito sa Maynila sa isang paraang ayaw niyang ipagtapat. Kaya
inimbento niya ang kuwento tungkol sa sungay ng hayop ng diyos-diyosang nasa kuweba.

ASAWA: (Susugurin ang BATANG HISTORYADOR.)


Nagpaparatang kayo!

MARCO: (Sa ASAWA.)


Sion, huminahon ka.

BATANG HISTORYADOR: (Sa manonood.)


Maraming pagkakamali ang mga dokumento kahit sa paggamit ng sinaunang titik o alibata.
Halimbawa, ang mga dokumento’y hindi gumagamit ng kudlit, gaya ng nakagawian upang
tukuyin ang patinig na katambal ng katinig. Wala ring titik dito na katumbas ay “ng.”
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 26

(Kay MARCO.)

Paano ninyo ipaliliwanag ang pagkakabanggit sa ibong adarna? Ang ibong adarna’y bahagi
ng isang koridong Espanyol na isinalin lamang sa Tagalog. Nangangahulugang hindi isinulat
ang mga dokumento bago dumating ang mga Espanyol.

ASAWA:
Sa makatuwid, ano ang gusto ninyong palabasin?

BATANG HISTORYADOR: (Sa manonood.)


Ang lahat ng dokumentong ito’y huwad at walang saysay.

ASAWA:
Pepe, may katotohanan ba ang kanyang mga sinasabi?

MARCO: (Sa ASAWA.)


Panatagin mo ang iyong loob. Halinang magpahinga.

Iaalis ni MARCO ang ASAWA sa tanghalan.

6.

Maiiwan ang BATANG HISTORYADOR.

BATANG HISTORYADOR: (Sa manonood.)


Marami pang manuskritong ipinasa si Jose E. Marco sa Aklatan at Museo ng Pilipinas.
Kabilang dito ang mga lumang kalendaryo, antigong mapa, mga koleksiyon ng alamat, mga
manuskritong pangkasaysayan.

Papasok ang MATANDANG HISTORYADOR.


MATANDANG HISTORYADOR:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 27

Lumalalim ang iyong pananaliksik. Marami ka nang natutuklasan. May ikukuwento ako sa
‘yo.

BATANG HISTORYADOR:
Handa akong makinig.

MATANDANG HISTORYADOR:
May isang binate. Idolo niya ang ama niya na mabait, matalino. Pinagmamalaki niya ito.
Kaso, sinamang palad na namatay. Sa burol, natuklasan niyang may ibang pamilya ang ama
niya. Hindi siya makapaniwala. Ayaw niyang pumayag na pumunta sa burol ‘yong isang
pamilya. Nagbanta siya na may gulong mangyayari oras na dumating sa punerarya ‘yong
kabilang pamilya. Hindi nga nakadalaw sa burol ‘yong isang asawa at mga anak nito sa tatay
niya. Nagtagal ang burol. Hindi agad natuloy ang libing. Nang ililibing na, kinausap siya ng
ina niya. Hindi sila pwedeng sumama sa libing. Nagulat siya. Pero sabi ng ina niya, ang ama
niya’y kailangang ilibing ng tunay na pamilya nito

Mahabang katahimikan.

MATANDANG HISTORYADOR:
Ang kasaysaya’y hindi parang damit na madaling hubarin at palitan.

BATANG HISTORYADOR:
Di ba mas mabuti pang mawalan ng saplot, kaysa magdamit nang maringal nga’y hiram
naman?

MATANDANG HISTORYADOR:
Hindi mo pa nararanasan ang mabuhay na nakahubad. ‘Wag kang padalos-dalos. ‘Wag kang
padadala sa iyong damdamin.

BATANG HISTORYADOR:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 28

Ang bata sa kuwento mo: mas mabuti bang habambuhay na siyang naniwala na siya ay
lehitimong anak?

MATANDANG HISTORYADOR:
Mahirap sagutin.

BATANG HISTORYADOR:
Kung ako ang batang gaya ng sa kuwento mo, magiging malaki ang pagdaramdam ko. Hindi
dahil natuklasan ko ang katotohanan, kundi dahil kay tagal kong naniwala sa
kasinungalingan.

MATANDANG HISTORYADOR:
Ano’ng magiging palagay mo sa iyong ama?

BATANG HISTORYADOR:
Kailangan ko siyang kilalanin muli. Wala nang piring ang aking mga mata. Matitingnan ko
siya nang buong-buo. Sa gitna ng liwanag, makikita ko ang lahat-lahat. Pati mga guhit sa
kanyang mukha, mga pilat, ang mantsa sa balat, ang tunay niyang hugis na maaring noon,
noong hindi sapat ang liwanag na nakatutok sa kanyang anyo, ay hindi ko gaanong
napagmasdan. Maaari ding pangarapin ko siya at sino’ng makapagsasabi, baka sa kabila ng
mga natuklasan ko’y lalo ko siyang mahalin, higit na igalang at ipagmalaki.

MATANDANG HISTORYADOR:
Sana’y hindi ka magkamali. Pagpalain k asana ng ano mang mabuting lakas na gumagabay
sa ‘yo upang lubos mong matuklasan ang katotohanan.

Lalabas ang MATANDANG HISTORYADOR.

BATANG HISTORYADOR:
Itinuon ko ang pagsisiyasat sa Kodigo ng Kalantiaw. Saan nanggaling ang dokumentong
pinagmulan ng kanyang mga batas? Natuklasan kong ito’y kabilang sa mga dokumentong
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 29

ipinasa ni Jose E. Marco sa isang kagalang-galang na iskolar at mananaliksik ng kasaysayan


ng Pilipinas. Ang Amerikanong kapatnugot sa limampu’t limang bolyum ng mga dokumento
tungkol sa tatlong daang taong kasaysayan ng Pilipinas sa ilalim ng mga Espanyol. Ang
dating Direktor ng Aklatan at Museo ng Pilipinas, si Dr. James A. Robertson.

7.

Papasok si DOKTOR ROBERTSON, may binabasang sulat.

DOKTOR ROBERTSON:
Naging madalas ang pagsusulatan naming ni Ginoong Marco sapul nang banggitin niyang
nasa pag-iingat niya ang ilang mahalagang dokumento. Lubhang malaki ang interes ko sa
kahit anong dokumento na makapagpapatibay sa kasaysayan ng Pilipinas.

BATANG HISTORYADOR:
Iginagalang kayong iskolar. Kahit anong dokumento’y tatanggapin ninyo?

DOKTOR ROBERTSON:
Dapat ninyong unawaing sa loob ng 300 taon, ang bansang ito’y sinakop ng mga Espanyol.
Ang kamalayan nila’y hinubaran. Ang kaluluwa nila’y sinikil. Ang nakaraan nila’y binura.

BATANG HISTORYADOR:
Ngunit may mga pasubali at pagdududa sa mga dokumentong ibinibigay nila sa inyo. Bakit
hindi ninyo ito kinilatis?

DOKTOR ROBERTSON:
Ang layunin ko’y tipuning lahat ang kasulatan o impormasyong matatagpuan.

BATANG HISTORYADOR:
Tipunin? ‘Yan ba ang gawain ng isang kagalang-galang na historyador?
DOKTOR ROBERTSON:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 30

Ang baying ito ay nasa bingit ng pag-unlad at ang mga ganitong dokumento’y madaling
wasakin ng panahon. Ang pagtitipon sa kanila sa lalong madaling panahon ay gawaing di
makapaghihintay.

BATANG HISTORYADOR:
Maraming salamat sa inyong kontribusyon.

(Aalis si DOKTOR ROBERTSON. Sa manonood.)

Kataka-taka na ipinagwalang-bahala ni Doktor Robertson, isang ginagalang na iskolar, ang


mga pagdududa ng mga eksperto sa mga kontribusyong ito ni Jose E. Marco.

8.

BATANG HISTORYADOR:
Noong 1917, inilathala ni Doktor Robertsonn ang isang artikulo tungkol sa “istrukturang
panlipunan ng mga sinaunang Pilipino.” Ito ang siyang naging batayan ng mga historyador
sa maraming mito tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas bago dumating ang mga Espanyol.

Sa tahanan ni MARCO.

Papasok si MARCO at ASAWA, dala ang kopya ng isang libro.

MARCO:
Halika, Concepcion, tingan mo itong ipinadala ni Doktor Robertson sa akin.

ASAWA:
Panibagong libro na naman. Kundi sulat ay libro ang natatanggap mo mula sa kanya. Sabi
nga ng kartero, kundi raw marahil sa iyo, matagal na siyang nawalan ng trabaho dahil ikaw
lamang halos ang hinahatiran niya ng sulat dito. Ano bang libro ‘yan?
MARCO:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 31

Hindi basta-bastang libro.

ASAWA:
Kaya ba kagabi’y nanatili na namang bukas ang ilawan dito? Madaling araw na nang silipin
kita. Hindi na ako pumasok dahil subsob ka sa pagbabasa.

MARCO:
Ito nga ang binabasa ko. Bashain mo.

ASAWA:
The Pacific Ocean in History.

MARCO:
Ni H. Morse Stephens and Herbert E. Bolton. New York, 1917!

ASAWA:
Hindi naman pala kay Doktor Robertson e. Akala ko pa nama’y-

MARCO:
Hindi nga Doktor Robertson ang libro, pero may isinulat siyang artikulo dito. Heto.

(Bubuklatin ang aklat.)

ASAWA:
Tungkol naman saan?

MARCO:
Sa kaayusan ng lipunan at ideya tungkol sa batas ng mga sinaunang Pilipino. Isinalin din
niya rito ang matandang kodigo penal ni Kalantiaw. Alam mo ba kung saan niya ibinatay
ang mga impormasyong ito? Sa mga manuskritong ibinigay ko sa kanya. Sa Las antiguas
Leyendas de la Isla Negros ni Padre Jose Maria Pavon.
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 32

ASAWA:
Mga matatandang kasulatan katulad ng ipinakita mo noon sa akin?

MARCO:
Oo, kabilang iyon sa mga kasultang ipinagkaloob ko kay Doktor Robertson para sa
pambansang aklatan. Kaya naman pinapurihan ni Doktor Robertson ang pagiging masigasig
ko. Malaki ang pasasalamat niya sa akin.

ASAWA:
Kaya ka pala tuwang-tuwa.

MARCO:
Hindi. Higit pa ronn. Maiisip mo ba ang nararamdaman ng isang taong may idolo? Alam mo
ba ang damdamin kapag nahigitan mo ang nagawa ng iyong idolo?

ASAWA:
Pepe, kung minsa’y napakahirap mong kausap. Napakabilis ng tumakbo ng isip mo. Linawin
mo nga ang gusto mong sabihin.

MARCO:
Kilala mo ba ang idolo ko?

ASAWA:
Si Rizal?

MARCO:
Si Jose Rizal!

ASAWA:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 33

Pinasok na ba ng hangin ang tuktok mo? Paano mo namang malalampasan si Rizal?

MARCO:
Nagawa ko na! At ang artikulong ito ni Doktor Robertson ang patunay. Noong araw kasi,
tinangka ni Rizal na magsulat tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas bago dumating ang mga
Espanyol. Pero ang nagawa niya’y anotasyon lang ng isang lumang libro na sinulat ng isang
historyador na Espanyol.

ASAWA:
Bakit hindi siya nakasulat ng sarili niyang kasaysayan?

MARCO:
Dahil wala siyang mga dokumento na gaya ng mga natuklasan ko. Gaya ng kodigo ni
Kalantiaw na kasama sa manuskrito ni Pavon.

ASAWA:
Paano mo ba nakuha ang manuskritong sinasabi mo?

BATANG HISTORYADOR: (Papalakpak. Sa manonood.)


Kaygandang tanong! Makinig tayong mabuti, mga kaibigan.

MARCO:
Ibinigay sa akin ng isang matandang kusinero sa simbahan ng Himamylan.

BATANG HISTORYADOR: (Sa manonood.)


Kapana-panabik na kuwento naman ito.

MARCO:
Nakuha raw niya sa pagkakagulo noon sa Himamaylan. Taong 1899, sa pagkakatanda ko.

9.
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 34

Magpapalit ng ilaw sa tanghalan. Maingay na tila may sunog. Magkakaroon ng putukan.


Papasok ang KUSINERO, yakap ang isang baul

KUSINERO: (Kay MARCO.)


Nilusob ng mga tao ang simbahan. Nagtatakbuhan ang lahat. Nakitakbo na rin ako. Lahat ng
mahalagang bagay sa simbahan ay pinagkukuha. Napuna ko ang baul sa isa sa mga silid.
Binuhat ko. Mabigat. Tumakbo na ko.

MARCO: (Sa manonood.)


Inialok niya sa akin ang mga kasulatan

Hahalughugin nila ang baul. Puro papeles ang laman nito.

KUSINERO:
Kung gusto ninyo’y inyo nang lahat iyan. ‘Yan lang pala ang laman. Sambunton ng papel na
ni hindi ko maintindihan ang pagkakasulat.

MARCO:
Mayroon pa bang ibang kasulatan na tulad nito?

KUSINERO:
Hindi ko po alam. Napakarami pang papeles sa simbahan. Pero wala pa akong nakikitang
tulad nito. Parang kinahig ng manok ang pagkakasulat.

Lalapit si MARCO at sisiyasatin ang mga papeles.

MARCO: (Sa ASAWA.)


Wala raw itong halaga para sa kanya. Naisip niyang dalhin ito sa akin dahil narinig daw
niyang mahilig akong mag-ipon ng kung ano-anong papeles.
KUSINERO:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 35

Aanhin ko naman ho iyan? Ni hindi ako maaliw dahil hindi ko mabasa ang sulat. Sa inyo na
ang mga papel. Itong baul na lang ang sa akin. Paalam po.

(Aalis.)

ASAWA:
Hindi niya batid kung ano ang mga nakasulat?

MARCO:
Hindi niya maunawaan. Ngunit nang ipakita niya sa akin agad kong nakilala ang matandang
titik ng pagkakasulat dito.

BATANG HISTORYADOR:
Isa na namang napakagandang kuwento. Pero taliwas ito sa kuwentong pinaniniwalaan ng
mga historyador. Ayon na rin sa bulong-bulungan sa Negros, kasama raw ang ama ni Marco
sa mga lumusob sa simbahan ng Himamaylan sa gitna ng kaguluhan noong 1899.

10.

Muling magkakaroon ng ingay na parang may sunog. Putukan. Papasok ang AMA NI MARCO
dala ang baul. Tatawid sa ilog.

AMA NI MARCO:
Bilisan n’yo. Dito tayo dumaan. Sa may ilog. Tiyakin ninyong ligtas ang lahat ng dala niyo.
Bilis!

ASAWA:
Isang baul ang naitakas nila. Akala nila’y mahalagang hiyas at salapi ang laman nito.

AMA NI MARCO:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 36

Tulungan n’yo akong buhatin itong baul! Dahan-dahan sa tubig! Baka tayo madulas!

(Babagsak ang baul.)

Ang baul!

ASAWA:
Nang lumubog sa ilog ang baul at mabasa ng tubig, bigla itong bumigat.

Hihilahin ng AMA NI MARCO ang baul.

AMA NI MARCO:
Bakit biglang bumigat? Hindi yata hiyas ang mga laman nito. Hindi rin salapi.

Dadalo si MARCO at bubuksan ang bual.

MARCO:
Buksan natin.

AMA NI MARCO:
Abaw! Mga papeles lang pala.

MARCO:
Mga lumang kasulatan!

AMA NI MARCO:
Ipinain ko ang buhay ko sa mga walang silbing papeles! Halikayo, tulungan n’yo akong
iligpit ito! Sayang ang pagod ko.

Ilalabas ng ASAWA at AMA NI MARCO ang baul.


MARCO:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 37

Kabilang sa mga kasulatang iyon ang Las Antiguas Leyendas de la isla de Negros ni Jose
Maria Pavon.

BATANG HISTORYADOR:
Wala ring taong nagngangalang Jose Maria Pavon na sinasabing siyang sumulat ng mga
dokumento. Sa kasamaang palad, ang akdang ito lamang ang pinagmulan ng Kodigo ng
Kalantiaw. Na kalauna’y natiyak ding palsipikado.
Sino si Kalantiaw, itatanong ninyo marahil.

11.

Maghuhubad si MARCO. Sa pamamagitan ng tato at pang-ilalim na kasuotan niya’y


makikilalang siya’y si KALANTIAW.

BATANG HISTORYADOR:
Matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, kilala ng bawat estudyanteng Pilipino si
Kalantiaw. Ipinagmamalaki ng lahat ang kanyang kodigo ng mga batas. Na sinasabing
umiral noon sa pulo ng Panay mula 1150 mula 1433.

Tunog ng tambol. Papasok ang KATUTUBONG BABAE 1, ang bihis ay tulad ng kasuotan noong
sinaunang panahon. Magpapalit-palit ng katauhan ang BABAE, batay sa kanyang mga linya.

KATUTUBONG BABAE 1: (Nagmamakaawa.)


Maawa na po kayo sa aking tao. Siya’y napagbintangan po lamang. Hindi siya nagnakaw.

KALANTIAW:
Ilubog ang kamay niya sa kumukulong tubig nang tatlong ulit upang matiyak kung siya’y
nagsasabi ng totoo.

Tunog ng tambol.
KATUTUBONG BABAE 2: (Magpapalit ng katauhan.)
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 38

Kitang-kita ko po siya. Walang pahintulot na pumasok sa tahanan ng ating datu.

KALANTIAW:
Kulatain ninyo ang taong iyan hanggang sa mamatay.

Tunog ng tambol.

KATUTUBONG BABAE 3: (Magpapalit ng katauhan.)


Inaamin ko. Umiibig ako sa kanya. Nalito ako. Pumayag akong makpagtanan sa kanya.
Patawarin ninyo ang pagtataksil ko sa ating datu.

KALANTIAW:
Gawing alipin ang babaeng iyan sa loob ng labin-dalawang pagbilog ng buwan.

Tunog ng tambol.

KATUTUBONG BABAE 4: (Magpapalit ng katauhan.)


Wala siyang pakundungan kung magsalita. Malulupit na paratang ang sinabi niya sa akin.
Ako’y nawalan ng hiya sa harap ng aking mga apo. Wala siyang pag-galang sa tulad naming
nasa katanghalian ng buhay.

KALANTIAW:
Ngayon din, siya’y itali sa malaking puno at ipakagat sa mga langgam.

Tunog ng tambol.

KATUTUBONG BABAE 5: (Magpapalit ng katauhan.)


Nagsisinungaling siya. Sinabi niya ang mga bagay na iyan upang pagtakpan ang kanyang
pagkakamali. Pahihintulutan ba sa bayang ito ang pagsisinungaling?

KALANTIAW:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 39

Ilubog siya sa kumukulong tubig.

Tunog ng tambol.

KATUTUBONG BABAE 6: (Magpapalit ng katauhan.)


Mapag-imbot ang taong iyan. Kailangan niyang ibalik ang palay na kanyang inutang.

KALANTIAW:
Itapon ang taong iyan sa mga buwaya.

Tunog ng tambol.

KATUTUBONG BABAE 7: (Magpapalit ng katauhan.)


‘Wag po, mahal na Datu! Tapat po ako sa aking tao. Hindi po ako nakikiapid. Hindi totoo
ang ibinibintang nila sa akin.

KALANTIAW:
Batuhin siya hanggang sa mapatiran ng hininga.

KATUTUBONG BABAE 8: (Kay KALANTIAW.)


Malupit kayo. Malupit ang iyong batas.

(Aalis.)

KALANTIAW:
Ang kalupitan ay likas lamang sa mga sinaunang pamahalaan sa alinmang panig ng mundo.

12.
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 40

Papasok ang MATANDANG HISTORYADOR. Kasama ang BABAENG GURO. Kakausapin nila
ang BATANG HISTORYADOR.

BATANG HISTORYADOR:
Si Jose E. Marco lamang ang nagpapalagay na likas na malupit ang batas noong unang
panahon.

MATANDANG HISTORYADOR:
Kung susuriing mabuti, lubhang kataka-taka ang labis na kalupitan ng mga batas ni
Kalantiaw. Parang taliwas ito sa katangian ng mga katutubong Pilipino. Ayon sa kaugalian
ng mga Pilipino, kahit ang pinakamabigat na kasalanan ay nalulutas sa pamamagitan ng
pagbabayad ng butaw o paglilingkod sa pinagkasalahan.

BABAENG GURO:
Hindi ang bigat ng parusa ang kataka-taka sa mga batas na ito kundi ang walang
patumanggang kalupitan.

BATANG HISTORYADOR:
Katalogo ito ng mga parusa na parang talaan ng pantasya ng isang sadista. Alam n’yo bang
dahil dito’y ilang henerasyon ng mga Pilipino na naniwala na ang mga ninuno nila ay
napailalim sa isang malupit na sistema ng batas.

KALANTIAW: (Sisigaw.)
Iwanan ninyo ako! ‘Wag ninyo akong libakin.

13.
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 41

Lalabas ang BATANG HISTORYADOR, BABAENG GURO, at MATANDANG HISTORYADOR.


Maiiwan si KALANTIAW sa kanyang monologo na halos pasayaw ang kilos.

KALANTIAW:
Nilikha ako sa isang kasulatang
Nakalutang sa isang panahong
Kasabay ng kodigong salamisim ng kalupitan
Binigyan ako ng pangalan
Noong mil nuwebe siyentos trese
Noon ako isinilang, isang kababalaghan
Bagong-antigo ang buto’t laman.
Nagpasalin-salin ako
Sa panulat at bukambibig
Binihisan ako ng talambuhay at buong pangalan
Datu Bendahara Kalantiaw
Isnilang daw noong mil kuwatro siyento diyes
Ang ama’y si Rajah Behendra Gulah
Pangatlong pinunong Muslim ng Panay
Namumuno sa gulang na labing-anim.
Sabi ng iba’y Lakan Tiaw
Ang tunay kong pangalan.
At huwag ninyong pagtakhan,
Ako’y may naiwang kaisipang
Mula sa sariling dila at salita:
“Nakapangingibabaw ang batas sa lahat ng tao.”
Nagpatuloy ang buhay kong hiram
Naggawad ang Pangulo ng Republika
Ng Orden ng Kalantiyaw sa mga hukom
Bilang papuri sa aking alaala at pangalan
Ginawan ako ng selyo at doon,
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 42

Sa sinasabi nilang bayan ko sa Aklan


Isinulat nila sa tanso ang aking kodigo
Ako’y pinuring “kasintalino ni Solomon.
Kasintapang ni Genghis Khan,
Kasinghusay mamuno ni Asoka.”
Ay, bakit ngayo’y wala akong anino?
Kapag dumudukwang ako sa tubig,
Hindi ko makita itong aking ulo.
Unti-unting naglalahi ang aking katawan
Pati kaluluwa at pangalan.
Ay, bakit pa ako nilikha? Ay!

Lalabas si KALANTIAW.

14.

Papasok ang BATANG HISTORYADOR. Magsasalita sa harap ng kumperensiya ng mga


historyado.

BATANG HISTORYADOR:
Ang mga dokumentong ispinasa ni Jose E. Marco sa pambansang aklatan ay sinadya upang
manlalang. Wala silang anumang halaga sa kasaysayan. Walang kahit na anong ebidensiya
na minsa’y may nabuhay na isang pinunong Pilipino na nagngangalang Kalantiaw at ang
sinabing kodigo ni Kalantiaw ay noon lamang mil nuwebe siyentos katorse ginawa.

Papasok ang BABAENG GURO. May dalang tropeo at sertipiko. Iaabot sa BATANG
HISTORYADOR. Maririnig ang isang maugong na palak-pakan.

15.
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 43

Muling bababa ang telon. Kipkip ang tropeo at sertipiko, lalakad sa harap ng telon ang
BATANG HISTORYADOR.

BATANG HISTORYADOR:
Bakit nagawa ni Marco ang gayon? Matagal ko itong pinag-isipan. Tiyak na hindi dahil sa
salapi. Walang anumang record na nagsasabing pinagkitaan niya nang Malaki ang mga
dokumentong ito. Hindi rin niya ginamit ang kanyang pangalan sa mga dokumento. Kung
gayo’y hindi rin personal na katanyagan ang nagtulak sa kanya para gawin ito. Kung gayo’y
ano?

Papasok ang MATANDANG MARCO.

MATANDANG MARCO: (Sa manonood.)


May paggalang ako sa nakaraan at sa mga bayani nito. Ayoko na sanang banggitin pa ang
kuwentong ito dahil natitiyak kong ang iba sa inyo’y mapapangiti. O kaya’y manghihilakbot
at saka sasabihing “Igalang mo naman ang kanyang alaala at pangalan.”
Ngunit kailangang banggitin ko siya. Dahil sa kanya nagsimula ang lahat. Siya ang
nagbunsod sa akin upang pumalaot sa larangan ng kasaysayan.
Kilala ninyong lahat ang tinutukoy ko. Si Jose Rizal. Ang aking tukayo.

Papasok si RIZAL, nagsasanay mag-eskrima nang nag-iisa.

Si Rizal, an gating pambansang bayani, ang aking unang idolo. Masasabing siya rin ang
nagtulak sa akin upang gawin ang lahat ng ito.

Papasok ang ESTUDYANTENG PILIPINO. Magsasanay mag-eskrima.

Kalagitnaan noon ng ikalawang hati ng siglo disinuwebe. Dumarami ang mga Pilipinong
dumarayo sa Espanya para mag-aral. Labis itong ikinabalisa ng mga prayle. Alam nilang sa
Espanya, maaring mamatay ang pananampalataya ng mga kabataang ito. Maaari din silang
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 44

matukso sa mga ideyang liberal na palasak noon sa Espanya ngunit mapanganib para sa
patuloy na pananakop nito sa Pilipinas.

Makikipag-eskrimahan kay RIZAL. Mapapabagsak ni RIZAL ang ESTUDYANTENG PILIPINO.


Nakatapat sa puso ng huli ang eskrima ni RIZAL.

ESTUDYANTENG PILIPINO:
Pepe naman! ‘Wag mong totohanin.

Tatayo ang ESTDUYANTENG PILIPINO.

Bakit ba parang nagpupuyos ka sag alit? Hindi pa siguro dumarating ang pero mo, ano?
Kinakapos ka na naman?

RIZAL:
Hindi. Nag-iinit lamang ang ulo ko sa tuwing maiisip na padalas ang panlilibak sa atin ng
mga prayle. Panay ang lathala nila sa mga diyaryo dito sa Madrid ng tungkol sa malahayop
na kultura nating mga Pilipino bago dumating ang mga Kastila.

ESTUDYANTENG PILIPINO:
‘Yan naman ang lagi nilang sinasabi. Na ang mga Indio raw noong araw, noong bago sila
dumating sa ating bayan, ay mga di-sibilisado. Kinukutya nila ang ating mga kotsumbre at
paniniwala. Mga hayop kung tayo’y ituring nila.

RIZAL:
Kaya nga naisip ko, kailangang isulat natin ang ating kasaysayan noong panahong bago nila
tayo sakupin. Kailangang maipakita natin kung ano’ng uri ng sibilisasyon mayroon tayo.

ESTUDYANTENG PILIPINO:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 45

Napakalaking gawain niyang iniisip mo, Pepe. Sino naman ang mag-uukol ng panahon para
diyan?

RIZAL:
Tayo! Walang ibang gagawa nito kundi tayo. Mapapatunayan lang natin na pawing
kasinungalingan ang mga pag-aaglahing ginagawa nila sa atin kung maipapakita nating
tayo’y hindi mga barbaro bago sila dumating, gaya ng ipinapalagay nila.

ESTUDYANTENG PILIPINO:
Ituloy natin ang eskrima.

RIZAL: (Pabiro.)
Wala talagang mangyayari kung lahat ng Pilipino’y katulad mo! Magsama kayo ng mga
prayle!

Susugurin ni RIZAL ng eskrima ang ESTUDYANTENG PILIPINO. Nag-eeskrimahan silang


lalabas.

MATANDANG MARCO:
Dalawampu’t dalawang taon ako noong simulant ni Rizal ang kanyang balak. Ang tinutukoy
ko ay ang anotasyon niya noong 1888 sa aklat ni Dr. Antonio de Morga, ang Sucesos de las
Islas Filipinas. Maraming taon pa mula noon nang mabasa ko ang akadang iyon ni Rizal.
Doo’y tinangka niyang sulatin ang kasaysayan ng mga Pilipino bago dumating ang mga
mananakop.
Ipinagtanggol niya ang mga sinuanang Pilipino. Idiniin niya ang pagkakaroon ng mataas na
pagpapahalaga ng mga katutubo, lalong-lalo na ‘yong may kaugnayan sa pamilya. Ipinakita
niyang sa halip na umunlad, nabawasan ang populasyon ng mga Pilipino, at nabansot ang
kanilang sinaunang kakayahan sa paggawa ng barko, pagmimina, at pagsasaka. Kabilang
ang akdang iyon sa naghatid sa kanya sa Bagumbayan.

Papasok si RIZAL. Nakapiring ng itim. Kasunod ang mga KAWAL. Tunog ng tambol kasabay ng
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 46

paghakbang.

RIZAL:
Taun-taon ay gumagasta ang Hari ng Espanya ng 250,000 piso para sa pangangasiwa sa
Pilipinas, para sa sarili niyang katanyagan at kayaman, para tuparin ang tungkulin ng
kanyang konsiyensiya na siya rin sa kanyang sarili ang nagtakda. Samantala’y kapalit naman
nito ang kalayaan ng mga Pilipino. Ipinagkakaloob ng mga Pilipino ang kanilang ginto,
dugo, mga anak, upang maipagpatuloy ng Hari ang kanyang mga digmaan at mapanatili ang
paggalang sa kanyang bandila. Ipinagpalit ng mga Pilipino ang kanilang pambansang
relihiyon, ang kanilang kasaysayan, ang kanilang gawi at kaugalian.

TINIG NG LALAKI:
Fuego!

Tunog ng baril. Babagsak si Rizal.

MATANDANG MARCO:
Buhay ang ipinalit ni Rizal para sa ating kaluluwa. Walang halaga ang anumang
kontribusyon ko sa kadakilaan ng kanyang mithi. Ngunit saan natin hahagilapin ang mga
patunay sa nakaraang kasaysayan ng mga Pilipino?

Ibabangon ni MATANDANG MARCO si RIZAL.

RIZAL:
Sa Noli Me Tangere sinimulan kong ilarawan ang kasalukuyang lagay ng ating bayan.
Binuksan ng pagtatangkang iyon sa aking mata na bago ko ipagpatuloy na ipakita sa inyo
ang iba pang larawan ng ating bayan, kailangan ko munang ipakilala ang nakaraan, upang
mahusgahan natin nang mabuti ang kasalukuyan at masukat ang daang tinalunton natin sa
loob ng tatlong daang taon.

MATANDANG MARCO:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 47

Tatlong daang taon! Ay, tatlong daang taon nang napakadilim ng daan. Wala tayong
malilingong kasaysayan sapagkat tayo’y sinakop, nilupig, kinutya.

RIZAL:
Pinalimot ng mga mananakop ang ating nakaraan.

MATANDANG MARCO:
At pinaniwala tayong ang Pilipinas ay bayan ng tamad, walang kinabukasan, mangmang.

RIZAL:
Na kailangang sagipin ng mga mananakop upang umunlad.

MATANDANG MARCO:
Noon naglagablab sa isip ko ang pangangailangang muling tuklasin ang nakaraan, ang ating
maringal na nakalipas.

Muling aasintahin si RIZAL ng mga KAWAL.

TINIG NG LALAKI:
Fuego!

Mga tunog ng baril. Muling lulugmok si RIZAL ngunit masasalo ng MATANDANG MARCO ang
kanyang katawan.

MATANDANG MARCO:
Maging ang kapalit nito’y kamarayan.

BATANG HISTORYADOR:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 48

Huwag mong kaladkarin ang pangalan ng isang dakilang tao sa iyong krimen.

(Kay Rizal.)

Ginagamit kayo ng taong ito para sa kanyang kaligtasan.

Ilalabas ng mga KAWAL si RIZAL.

MATANDANG MARCO:
Siya ang aking idolo. Ipinagpatuloy ko lamang ang gawaing pinasimulan niya.

BATANG HISTORYADOR:
Ang ginawa mo’y pagmamalabis sa kanyang layunin.

MATANDANG MARCO:
Si Rizal mismo ang nagkaroon ng pagmamalabis sa pagpapakilala sa sinaunang kasaysayan
ng mga Pilipino. Ang ipininta niya’y panaginip. Subalit kailangan natin ng panaginip.
Kailangan natin ng pangarap. Ipinagkait sa atin ng mga mananakop ang katotohanan.
Lumikha tayo ng panaginip. Binura ang ating sinaunang kasaysayan. Humabi tayo ng mga
mito at alamat. Inagawan tayo ng pananalig. Bumuhay tayo ng pag-asa. Iyon ang aking
ginawa.

BATANG HISTORYADOR:
Ang mga nilikha mo’y kasinungalingan. Maraming taon ang kailangang bilangin upang
malimot silang lahat.

MATANDANG MARCO:
Ibinigay ko ang mga bagay na hinahanap ng lahat. Mabunying sibilisasyon, kodigo ng batas,
kalendaryo, mapa, mga kasulatan. Mga pinagtagpi-tagping gunita. Mga pulo-pulo ng
liwanag para mabuwag ang walang hanggang dilim.
BATANG HISTORYADOR:
K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 49

Sinamantala mo ang paghahangad ng bayan na magkaroon ng kasaysayan. Ngunit ang


inihandog mo’y pawang pagpapanggap at pagbabalatkayo. Sinamantala mo ang pagnanais
ng ating mga kababayan na magkaroon ng kasaysayan.

MATANDANG MARCO:
‘Wag, ‘wag niyo akong tapatan ng labis-labis na liwanag. Nasisilaw ako. Nadadarang ang
aking paningin. Ipinauubaya ko sa inyo ang paghatol. Kayong nasa hinaharap. Kayong
binigyan ko ng kahapon.

(Magbabalik sa kanyang upuan.)

Isinilang noong Setyembre 19, mil otso siyentos sisenta’y sais. Nagtapos sa Ateneo De
Municipal. Nagsilbi bilang gurong insular noong disinuwebe tres hanggang disinuwebe
diyes, matapos kumuha ng espesyal na kurso sa kimikang pang-industriya at agrikultura sa
Unibersidad ng Santo Tomas. Namatay noong Oktubre 22, disinuwebe sisenta’y tres sa
gulang na walumpu’t anim.
Ako si Jose E. Marco. Ito ang aking kontribusyon sa kasaysayan ng Pilipinas na ating bansa.

Magdidilim nang tuluyan sa bahagi ni MARCO.

16.

Tataas ang telon. May isang mahabang mesa. Selebrasyon para sa tagumpay ng BATANG
HISTORYADOR. Nakaupo dito ang BABAENG GURO at MATANDANG HISTORYADOR.

MATANDANG HISTORYADOR: (Sa BATANG HISTORYADOR.)


Para sa iyo ang salu-salong ito. Ikinararangal namin ang iyong tagumpay. Napakahalaga ng
iyong mga natuklasan.

BATANG HISTORYADOR: (Malulungkot na dudulog sa mesa.)


K a l a n t i a w n i R e n e O . V i l l a n u e v a | 50

Nang siyasatin ang mga rekord sa Ateneo de Municipal, walang estudyanteng nag-aral doon
na ang pangalan ay Jose E. Marco. Nang siyasatin ang mga rekord sa Unibersidad ng Santo
Tomas, wala ring ulat na anuman tungkol sa isang nagngangalang Jose E. Marco. Kahit ang
kanyang talambuhay ay isang malaking kasinungalingan.

MATANDANG HISTORYADOR: (Sa BATANG HISTORUADOR.)


Tulad ng bata sa kuwento, nakita niya ang tunay na mukha ng kanyang ama. Kayraming
gatla ng mukha nito. Marumi. Maputla ang tila naaagnas na balat. Maligaya k aba? Hinanap
moa ng katotohanan at ang natagpuan mo’y mga kasinungalingan. Hindi ka nasiyahan sa
maliliit na pulo ng liwanag. Ngayo’y lubhang madilim ang daan. Ang katotohanan ba’y
kawalan?

Tatayo ang BABAENG GURO at itataas ang baso ng alak.

BABAENG GURO:
Ang kasaysayan ay di nakaraang walang kinalaman sa kasalukuyan. Hindi mga dokumento
at papeles lamang ang kasaysayan. Ito ay nakaraang dala-dala natin hanggang sa
kasalukuyan. Tayo ang kasaysayan. Ang ating wika, pananamit, pagkilos, pag-iisip,
pamumuhay. Ang ating buong-buhay. Lahat ito’y kasaysayan. Dito tayo magsimula.

Magdidilim sa bahagi ng salu-salo. Magliliwanag sa bahagi ni MARCO.

MARCO:
“Mamamatay akong di nakikitang ang liwanang ay nagniningning sa aking bayan. Kayong
makamamamalas sa liwanag, batiin ninyo siya. At huwag ninyong limutin ang mga
nalugmok sa gitna ng kadiliman ng gabi.”

Magdidilim ang tanghalan.

W A K A S

You might also like