You are on page 1of 14

SALTIK-PANITIK: BALAGTASAN

ni Bert Cabual



TUNAY na sa paglipas ng mga dantaon ay buhay at umaalingawngaw pa ang tinig ng
Balagtasan sa Filipinas at sa iba pang panig ng daigdig. Hindi man singningning ng mga
nakaraan, ito`y nasasaksihan pa sa entablado ng mga liwasang-bayan at sa tanghalan ng mga
paaralan sa ating bansa. Sa Ibayong-dagat nama`y di nagpapabaya ang mga Filipinong
nangingibang-lupa na magtanghal ng Balagtasang kamanyang ng ating pagkalahi. May web
site pang OFW-Ang Bagong Bayani na nagtatangkakal ng sining ng debate sa tula at
pinamamatnugutan ng kaibigan naming RaIael A. Pulmano, isang makatang may lantay
(kumbaga sa ginto) na pagkahilig at malasakit sa pananalunton sa mga bakas ni Balagtas.


PAGSULYAP

MARAMI nang nagsulat sa paksang ito na nagkakaisang ang bahaging ito ng ating panitikan
ay parangal sa kadakilaan ng Ama ng Tulang Tagalog na si Francisco Balagtas, ang unang
makatang pumaimbulog sa tugatog ng katanyagan at nakaakyat sa pinakamayog na taluktok
ng bundok-Parnaso. Mahirap nang pantayan ang tinamong tagumpay ni Balagtas sa
pananaludtod ng imortal niyang tulang kasaysayang 'Florante at Laura. Nagbabadya ang
tipan ng kasaysayan na ang orihinal na Tagalog ng likhanggurong ito ay may salin sa iba
pang wikain ng Filipinas sa Ilokano, sa Ibanag, sa Panggasinan, sa Kapampangan at sa
Sinugbuwanon. May salin pa rin ang matayutay na obra maestra sa wika ng ibang bansa
sa Aleman, sa Pranses, sa Ingles, at sa Kastila. Katotohanan at di maipagkakailang kinikilala
at hinahangaan ang matalisik na aklat hindi lamang sa Filipinas, manapa`y sa iba pang panig
ng mundo. Mahihinuhang di lamang makatang pam-Filipinas si Francisco Balagtas, bagkus
ay isa rin siyang makatang pandaigdig. Kaya nga ba`t tumpak lamang na ilangkap sa
pangalan niya ang pagtatalo sa larangan ng pagtula ang ipinagtataas-noo natin na may
harayang...'Balagtasan.

Mababakas na bago pa nagkaroon ng Balagtasan, ang pagsasagutan o pagpapasaringan noon
sa tula ay tinatawag na 'Duplo. Umano`y ganito kung manaludtod sa duplo ang ating mga
ninuno ng huklubang panahon:
'Ikaw pala namay salawahang loob,
Nakapamamangka sa dalawang ilog,
Sarhan mo ang isat nang mapanibulos,
Sa isa na lamang mapisan ang agos.`
O kaya`y

'Ako sintay nalis haharap sa Diyos,
Ipagsusulit ko ang di mo pag-irog,
Kung akoy tulutang sa lupay manaog,
Pagmumultuhan ka nang katakut-takot'`

At nauwi nga sa debate o pagmamatuwiran sa tula, na bininyagang 'Balagtasan (sunod sa
pangalan ni Balagtas), ang dating matandang duplo upang parangalan at dakilain ang Hari ng
mga Makatang Filipino.

PAGKAMULAT

SINASABING iniluwal daw ang unang Balagtasan sa Instituto de Mujeres sa paksang
'Bulaklak ng Lahing Kalinis-linisan na pinagtunggalian nina Jose Corazon de Jesus at
Florentino Collantes. Kapuwa mahusay na makata at mambibigkas sina Huseng Batute
(sagisag-pampanitikan ni De Jesus) at Kuntil-Butil (sagisag-pampanitikan ni Collantes). Sa
unang tagisan ng talino sa Balagtasang yaon ay patas ang inihatol ng Lakandiwa. Nguni`t
nang magbalagtasan sila sa Teatro Zorilla sa paksang 'Ang Dalagang Pilipina: Noon at
Ngayon ay nagapi si Collantes at tinanghal na Hari ng Balagtasan si De Jesus. Sa isip-isip
namin, sayang at wala pa kaming kamuwangan nang panahong yaon, nasaksihan sana namin
ang pagsasagupa ng itinuturing na mga taga-ugit at taga-pamuno ng Balagtasan.

Bata pa man kami`y may pagkahilig na sa pagtula. Hangang-hanga kami sa mga makata,
lubha pa`t mahuhusay na mambibigkas. Doon sa amin sa Batangas ay nasaksihan at narinig
ang pagtula ng hindi madaliring bilang ng mga manunula. Subali`t nakatawag ng musmos pa
naming pansin ang pagtula ng mga makatang Nicomedes Atienza at Pablo Aguila. Minsa`y
nagbalagtasan sila, hindi na nga lamang namin matandaan ang paksa dahil bukod sa
pangangatuwiran sa tula ay nasa kiya, bigkas at tinig nila ang aming konsentrasyon. Sa
sarili naming pagtaya ay higit na magaling sa pagbigkas si Aguila, si Atienza nama`y higit na
malamukot at makatuturan kung tumula. Parang nauulinigan pa namin ang bunghalit ni
Aguila noon sa baritonong boses, 'Huwag mong tularan iyang ibong-uwak, ngala`y
sinasambit habang lumilipad! Haplit naman ni Atienza sa matinis nguni`t malinaw na tinig,
'Di ba ibong-pipit ang iyong kawangis, kahi`t sugatan na`y awit pa ng awit?

Patunay sa masining at malalim na pagtula ni Atienza ang tula niyang 'Dakilang Lumpo
(Parangal kay Apolinario Mabini) na inilathala noon ng isang bantog na magasing-Filipino.
Namnamin ang kanyang pananaludtod sa unang dalawang saknong ng tula:
'Tinig sa karimlang nag-apoy sa dugo
ng lahing ginaga ng budhing baliko,
may paninindigang hindi naigupo,
bagkus naging kulog. umangil, kumulo,
sa dayong watawat ay ayaw yumuko,
sukdang mapatapot padurog na bungo.`

'Nagkawing sa diwa ng malayang pakpak
na inihinang pa ng dugong sumulak,
utak na kinasi ng gabing magdamag
na kasuyong dupil sa pagbabalikwas.
talim ng panitik ang sandatang tabak
na ipinanghawan sa tinikang landas.`

Huling mga taon ng dekada 50 nang lumaganap sa buong Pilipinas ang Balagtasan sa
radyo nina Antonio Reymundo (kilala sa taguring Tony Rey) at OIelia Angeles. Lakandiwa
nila si Ka Tino Istanislao, taga-pagpahayag naman ng paksa at taga-pagpakilala si Rino
Dakome. Tuwing Linggo, ikasiyam ng gabi, isinasahimpapawid noon ng DZRH ang
pagtatalo sa tula. Sinubaybayan sa radyo ng angaw-angaw na Filipino, sa mga tindahan, sa
mga tahanan, at maging sa mga lambak na kabukiran, ang kinagigiliwang programang 'Oras
ng Balagtasan. Kabilang ang aming pamilya sa pagsubaybay na yaon, at habang nakikinig
ng Balagtasan, sa pagdidili-dili`y naglalakbay ang aming guniguni...nangangarap at
ibinubuko sa sariling balang araw ay sasangkot sa sining na ito, na bahagi ng ating
kalinangan.

Sabihin ma`t di sabihin, ay hindi mapasusubaliang ang pangkat ng 'Oras ng Balagtasan ang
nagpalaganap at nagpasigla sa nananamlay noong Balagtasan, danga`t may ilang makatang
kritiko na hindi kasang-ayon sa kaisipan naming ito. Aywan kung talagang napakinggan nila
(ng mga kritikong ito) ang mahimig at nakararahuyong pagtula ng magkatuwang na makata.
Sa anu`t ano man nang panahong yaon, sa ganang amin, ay mataas na rin ang naakyat na
katanyagan nina Antonio Reymundo at OIelia Angeles sa pagtutulaang parangal kay
Francisco Balagtas.


PAGSANGKOT

NAGSIMULA kaming sumulat at bumigkas ng tula, nagpalathala ng akda sa mga
pambansang magasin at iba pang babasahin.

Nakita at nakasalamuha namin sa Batangas, Batangas (Batangas City ngayon) ang yumaong
Claro Mayo Recto, isang taon bago siya binawian ng buhay. Noo`y Abril, 1959 nang
magdaos sa Liwasang-Mabini sa Batangas, Batangas ng timpalak-panitik-bigkasan sa tula sa
temang 'Si Balagtas at ang Wika. Nagtalumpati siya. Nasa murang edad pa ma`y mataman
naming inulinig ang kanyang madiwang talumpati. Aniya`y Si Balagtas at ang ating
Pambansang Wika`y magkatambal-suyo sa taluktok ng bundok-Parnaso. Sinabi pa niyang
marangal ang bansang may sariling wika pagka`t di maililigaw ang kaluluwa at kabansaan
nito.

Kalahok kami at pinagwagihan ang timpalak sa tulaang yaon. Pinakabata man sa mga
nagsilahok, ay laking tuwa nang sa labindalawang makatang sumali sa paligsahan ay nakamit
ang unang gantimpala. Bilang panauhing pandangal, si Recto ang nag-abot ng Tropeo ng
karangalan at ng gantimpalang salapi sa mga nagsipagwagi. Nang tanggapin namin ang
Tropeo at gantimpala, kumamay at yumakap siya nang mahigpit. 'Binabati kita.gusto ko
ang tula at bigkas mo! bulong niya. Hindi namin malilimutan kailanman ang
pakikisalamuhang yaon!

Sa mga humaliling taon, sa isa ring okasyong-pangwika, ay nahirang kaming
makipagtunggali sa Balagtasan sa makatang Petronila Hernandez sa paksang 'Sino ang Higit
na Mahalaga sa Lalaki at Babae sa Kasaysayan ng Buhay at ng Lipunan? Sa panig kami ng
lalaki at sa panig naman ng babae si Bb. Hernandez. Lakandiwa ang beteranong guro sa
Filipino at makatang Lazaro Mercado. Sabi ng Lakandiwa, 'Hindi dapat na maghamok ang
lalaki at babae, dapat lamang maglambingan kapag sila`y nasa katre... Nang isulit ang
pasiya ng inampalan, ipinahayag sa tula ng Lakandiwa na patas ang kahatulan.

Nagkapalad kaming maging announcer sa himpilan ng radyo ng Luzon Broadcasting
Company, DZBT-Batangas. Mula sa pagiging news reader sa Eveready Newscast (7:00
7:30 n.u.) ay itinaas kaming ChieI Announcer. Noon namin hinikayat ang Program Director
na lumikha ng mga programang pangkultura. Hindi naman kami nabigo. Unti-unting
inilunsad ng himpilan ang pangkalinangang 'Filipinyana, 'Mga Gintong Alaala at ang
pinananabika`t mimithing 'Ningning ng Balagtasan. Naging manunulat kami ng iskrip sa
Balagtasan at nangalap ng mahuhusay na mambibigkas.

Hindi basta-bastang tagumpay ang tinamo ng palatuntunan sa radyong 'Ningning ng
Balagtasan, na noo`y sumasahimpapawid tuwing Sabado ng gabi. Dumagsa ang mga
kalatas ng pagbati at mga liham na humihiling na pagtalunan ang mga paksang mula sa mga
taga-pakinig. Tangi sa pagbabalagtasan sa himpilan, ay inanyayahan na kaming magtanghal
sa mga pistang-nayon at mga pistang-bayan. Nakarating kami sa malalayong bayan at nayon,
sa mga sulok na lugar ng Lobo, Batangas, nakapagtawid-dagat din hanggang sa Isla Verde,
Batangas, at Oriental Mindoro.

At sa mga kapistahan ay inatasan na rin ang makata ng 'Ningning ng Balagtasan na
magputong at magpapuri sa reyna at musa ng mga pagdiriwang. Pawang may taglay na
mabibihirang ganda`t panghalina ang mga mutyang sinuob namin ng maindayog na tulain
ng paghanga at parangal. Anupa`t ang kaway ng alaala ay lalaging magkikintal ng ngiti sa
aming mga labi. Hinabi naming mga saknong ang gunita ng karanasang yaon (bahagi ng
akdang 'Ang Huli Kong Tula):
'Nagbabalik sa gunita ang masayang mga araw,
mga dahon ng pagsuyo sa aklat ng aking buhay,
kapag akoy tumutula sa ibabaw ng tanghalan,
pagbigkas koy nalulunod sa tunog ng palakpakan,
bumabati ang maraming may hatid na pakundangan,
katanyagang inakyat ko. O, kay hirap malimutan.

Minsan, akoy nakumbidang sa pistahan ay bumigkas,
upang ako ang magputong sa hinirang nilang dilag,
sa tula koy nahalina yaong reynang nagagalak,
kung ako rawy pakakasal ay papayag siyang ganap,
napangiti ako noon. di ko ibig na magpanggap,
nagbibiro lamang akoy naniwala na kaagad'

Marami rin ang diwatang pinuri kot tinulaan,
mga mutya na hindi ko malilimot kailanpaman,
kung may gandang magdaraya na di dapat na handugan,
palad yaon ng makatang may tungkuling ginampanan.
sa tula ko inaaliwkaibigat kasambahay,
at sa tulay nilulutas suliraning tinataglay.

Kapag akoy tumutula. nilulubid ang buhangin
at kapagka bumibigkas. tinataghoy ang tulain,
kung nais kong magpataway sa tula ko daraanin,
kung may bungkos na pighatiy sa tula ko lulunurin,
mayroon daw kasabihang ang mabuhay sa tulain,
umiiyak kung may tuwat may halakhak sa hilahil'`


ALIMPUYO SA IBAYO

KABILANG kami sa bunton ng manggagawang Filipinong nangibang-lupa sa Inglatera
isinadlak ng karukhaan sa pandayuhan, gayunpama`y taglay sa puso ang marubdob na pag-
ibig sa lupang tinubuan at pagdamay sa kababayang nagdaranas ng masidhing pamimighati
at pangungulila sa naiwang mga mahal sa buhay sa Filipinas.

Lumikha kami ng katipunan ng mga tula na inaasahang makaaaliw at bahagya ma`y
makapagpapagaan sa simbigat ng mundong nakaatang sa balikat ng mga kababayang nasa
ibayong-dagat. Ipinaaklat ito ng CFMW (Commission Ior Filipino Migrant Workers). Sa
huling bahagi ng Foreword (Paunang Salita) ng aklat ay nagpahayag ang Komisyon ng
ganito:
'Here in this presentation is the emergence of the first collection of any Filipino Poet in
Britain.

L. B. Cabual brings to his art a passionate and sympathetic experience of the condition of
Filipino migrant workers. He compels us to be drawn into the emotions of loneliness,
separation from family, pressure to work, foreignness of the environment, humour, and other
most human aspects of the lives of migrant workers in Britain, through his poems.

The CFMW considers the publication of these poems as a very significant cultural expression
of the Filipino Community here in Britain.`

Nasaling ng titulong-tula (Title Poem) ng aklat na 'Pangingibang-Lupa ang damdamin ng
mga Filipino na itinadhanang mangibayong-dagat. Ganito ang daloy ng mga taludturang
umantig sa puso ng mga biktima ng pagkadukha na nagtaboy na lisanin nila ang bansang
sinilangan:
'PANGINGIBANG-LUPA
Ni L. B. Cabual

Ang marubdob na hangariy isang lundo ng pangarap,
kumakaway na pag-asang iniluwal sa liwanag,
nasa dakong malayo raw ang adhikang hinahanap,
sukdang pusoy mangulila at dalawin ng bagabag,
tayoy parang bagong taong ang dalangit pagsisikap
ay kasuyo ng liwayway sa makulay na watawat.

Datiy abot-tanaw noon ang naglunting kapatagan,
isang hiyas na lunggati ang lagwertang umiilaw,
ngayoy dahon ng taglagas ang katalik na maselang
at kayakap ang tagsibol sa marosas na lansangan,
kung sumapit ang taglamig at mapanot ang kahuyan,
bumabati ang tag-init sa santaong kasaysayan.

Bawat araw na lumipas ang tadhana ay may hamon
na ang bisig at isipay buong-sipag na ibangon,
kung mabuyo ang damdamin at madarang ang hinahon
ay may sumbat na darating sa pag-ibig na nalipol,
ang pagtahak sa kanlurang luhat pagod ang binaon
ay perlas ding matutunaw kung sakmalin ng linggatong.

Maulap nga sa kanluran at ang araw ay malayo,
sa kay lamig na himlayay daming luhang tumutulo.
Nasaan ang aking inang karamay ko sa siphayo,
nasaan ang aking amang kung lumingap ay may biro?
ang kapatid, kaibigan, kamag-anak at kasuyo
ang asawa, mga anakparang bulang nangaglaho'

Mga buntunghininga koy naglalagos sa Silangan,
sabik ako sa pag-irog ng lupa kong sinilangan,
ang alabok sa nayon koy sabik ko nang matapakan,
mga bundok niyat gubatsa ang iboy may awitan,
nagigiliw na rin ako sa aliw-iw ng batisan,
sa kung akoy tumutulamay himig din silang alay.

May London bang umiiyak sa pagluha ng paligid
mayroon bang walang pusong lumilikha ng pag-ibig?
May lupa bang hindi kanyay niyayakap sa pasakit,
at ang lupang kinagisnay walang awang inuusig?
Kung dungo man ang panata ng may gapos nating isip,
pagbabalik sa bayan koy may pangakong bagong langit'`

Tangi sa koleksiyon ng mga tulang nakapaloob sa aklat, ay naroon din ang Balagtasan na
may paksang 'Dapat ba o Hindi Dapat na Manatili sa London ang mga Filipino? Mula nang
ipanganak ang aklat na 'Pangingibang-Lupa, ang Balagtasang ito`y makailang beses na
itinanghal sa mga pangmadlang palatuntunan sa pagtitipun-tipon ng mga Filipino sa London.


PAGLALAGOM

BAGAMA`T pagsulyap lamang ang ipinukol namin sa kahapon ng Balagtasan, di ito
matatasahan ng mababang pagpapahalaga kung lilimiing ito`y pakundangan sa presensiya ng
kasalukuyan. Kailangang sulyapin ang pinagdanan at tanawin ang haharapin upang makitang
malinaw ang kinaroroonan ngayon ng pamanang Balagtasan ng Sisne ng Panginay, Bigaa,
Bulacan.

Matino`t masugid na pagmamasid, pakikinig, pakikiramdam at pagbabasa ang bulaos at
duluhan ng pagkamulat namin sa katotohanan ng paligsahan ng pagmamatuwid sa mga sukat
na taludtod at mga dalisay na tugma.

Datapwa`t lalo pang makabuluhan ang pagsangkot. Sigla`t sigasig ito na kailangang may
lakip na pag-uukol ng panahon, pagtitiis at pagpapakasakit. Alalaong baga`y pagsangkot na
may galaw at walang humpay paggawa. Tulad sa pag-ibig at pananalig, ang pagsangkot na
walang gawa`y patay na pagsangkot! Nakisangkot kami nang walang halong pagsisimpi at
pagkukunwari sa paglilinang ng malalawak na bukirin at mahahabang tumana ng kahanga-
hangang tanawin ng Balagtasan. Mula sa pagpapati-anod sa agos ng batisang nasa
sinapupunan ng Inang Bayan hanggang sa pagsalunga sa alimpuyo sa ibayo ng aming
pangingibang-lupa ay kasama at kasangkot kami sa paghawi ng ulap na dagim sa langit ng
panulaang-Filipino.


PANANAW

DAHIL sa nalikha`t nahubog ang kamalayan namin sa pagtula sa pamamaraang hinabi ni
Francisco Balagtas, hindi kami natangay ng pagbuhos ng baha ng Kanluraning malayang
taludtod (Iree verse) sa dagat ng mala-banyagang panitik sa pagkatha. Nanatili kaming tapat
na alagad ni Balagtas sa katutubong sukat at tugma ng tulang-Tagalog (Filipino).

Hindi nagmimintis ang matandang kawikaang 'Nauulit ang kasaysayan! Sa abang pananaw
nami`y muli pang mamamayani ang tradisyonal na paraan ng pagtula, gayundin naman,
minsan pang mapatitingkad at maibabalik ang dating kulay at dating luningning ng pagtatalo
sa pamamagitan ng tula ang Balagtasang panuob na kamanyang sa makatang hirang ng
ating lahi...at pandaigdig na makata si Gat Francisco Balagtas.



ARAL AT LIGAW


DAPAT BA O HINDI DAPAT ISABAY ANG PANLILIGAW SA PAG-AARAL?


Mula sa panulat ni:
RAFAEL A. PULMANO



LAKANDIWA

Isang mapagpalang araw ang malugod na handog ko
Sa lahat ng Pilipinong nagkalat sa buong mundo
Mayrong isang email message na natanggap ang lingkod nyo
Apurahang naghahanap ng sagot sa tanong na 'to:

DAPAT BA O HINDI DAPAT PAGSABAYIN ANG DALAWA:
ANG MAG-ARAL AT MANLIGAW? Dapat o Hindi Dapat ba?
Sa nais na makisali, ang tanghalan ay bukas na
Ipahayag ang katwiran nang marinig ng balana.


DAPAT

Ako'y isang mag-aaral na nasa hustong gulang na
May isip na tumutuklas at may pusong sumisinta
Pag-aaral, panliligaw, magsabay man di problema
Kaya dapat ang syang panig na handa kong ibandera.


INDI DAPAT

Bilang ama ng tahanan, kung ako ang tatanungin
Pag-aaral ang sya munang nararapat atupagin
Saka na ang panliligaw, hindi dapat pagsabayin
Ang panig na igigiit sakali at palahukin.


LAKANDIWA

Tuloy, kayo'y magsituloy upang ating umpisahan
Ang tagisan ng talino sa larangan ng katwiran
Ang panig ng DAPAT muna una nating pakikinggan
Salubungin nating lahat ng masiglang palakpakan!


DAPAT (Unang Tindig)

Nang ang tao sa daigdig ay nilikha ng Maykapal
Magkasamang nilangkapan ng damdamin at isipan
Kung di dapat pagsabayin ang mag-aral at manligaw
Sana'y isip na lang muna ang sa tao'y ibinigay.

Sa tahanan una munang namumulat sa pag-ibig
Ang sanggol na laging kupkop ng ina sa kanyang dibdib
Bago pa man makagapang, magsalita, magkaisip
Dama na ang pagmamahal ng magulang at kapatid.

Sa eskwela hinuhubog, pinapanday ang isipan
May subject na Health at P.E. para naman sa katawan
Mayroon ding Social Studies at iba pang pagsasanay
Upang maging mamamayang responsable sa lipunan.

Kumpleto ang kurikulum upang tayo'y makumpleto
Sa paglago ng isipan, katawan at pagkatao
Kapag ang crush, o puppy love, o ang pana ni kupido
Ay dumating, bahagi yan ng dapat na ikatuto.

Kaya kung ang estudyante ay pumorma at manligaw
Walang dapat ipagtaka pagkat ito ay normal lang
Ang binatang umiibig, ang dalagang minamahal
Ganado at inspirado sa kanilang pag-aaral.


LAKANDIWA

Napakinggan nating lahat ang katwirang pumapanig
Na DAPAT daw pagsabayin, pag-aaral at pag-ibig
Sunod nating tatawagin upang dito'y humagupit
HINDI DAPAT, salubungin ng palakpak na mainit!


INDI DAPAT (Unang Tindig)

Sinasabing mas madali sa tao ang maging henyo
Matapos na magkamali at magbunga ng di gusto
Sa pangaral ng magulang na noon ay sinuway ko
Mapait na kapalaran ang inaning pagkabigo.

Pagtuntong sa kolehiyo, sa kaklase'y nahalina
Mas maraming oras kaming ginugol na magkasama
Sa halip na makatapos ay maagang nag-asawa
Kaya high school diploma lang ang pwede kong iparanya.

Ngayon hirap na maghanap ng trabahong papasukan
Hirap akong matutustusan ang gastusin sa tahanan
Kung sana ay inuna ko sa halip na panliligaw
Ay nag-aral nang mabuti, mas malapit ang tagumpay.

Kabataang mag-aaral, isipin ang kasabihan
Hindi pwedeng magkasabay na sambahi't paglingkuran
Ang dalawang panginoon: ang puso at ang isipan
Mabuti pang pag-aaral na muna ang katutukan.

Ganito ang natutuhan sa minsang pagkakamali
Ngunit kayong di pa huli, wag sayangin ang sandali
Pag-aaral ay tapusin, panliligaw ay madali
Lalo't ikaw'y tagumpay na't limpak-limpak ang salapi.


LAKANDIWA

Nakatapos ang unang round nitong ating balagtasan
Na kapuwa nakatindig ang dalawang naglalaban
Hahayaan ko na silang magpambuno't magkagatan
Kababayan, isa pa ngang masigabong palakpakan!


DAPAT (Ikalawang Tindig)

Sa katalong nagkamali ng landas sa murang edad
Nanligaw at nag-asawa at maagang nagkaanak
At ngayon ay nangangaral upang kami'y di matulad
Ang tangi kong masasabi ay marami pong salamat.

Mag-aral at mag-asawa, mabigat ngang pagsabayin
Ngunit tila lumilihis yata kami sa usapin
Kaya upang di malito, akin munang lilinawin
Panliligaw at di kasal ang paksa ng away namin.

Pag-aaral, panliligaw, kahit ito'y magkasabay
Di masama hangga't kaming kabataang nagmamahal
Ay marunong na magdala, responsable, may paggalang
May ambisyong makatapos, at may basbas ng magulang.

Pag-aaral, panliligaw, kapag sabay na nagtagpo
Maski harangan ng tabak ay tiyak na mabibigo
Higpitan man ng magulang at bantaan ng paghinto
Tatakas at magtatanan, magkikita nang patago.


INDI DAPAT (Ikalawang Tindig)

Salamat din sa katalong niliwanag itong paksa
Panliligaw nga't di kasal ang usapin mula't mula
Ako lang ay nag-apura, prusisyong kayhaba-haba
Sa simbahan din ang tuloy, inunahan ko nang kusa.

Alalaon baga, kapag sinabay sa pag-aaral
Iyang gawang panliligaw, ang tuloy din ay sa altar
Kaya upang makaiwas sa di-planong kalagayan,
Pag-aaral muna sana ang unahin, bago ligaw.

Totoo ngang inspirasyon ang katipang iniibig
Ngunit ito'y totoo rin: pag sya'y laging nasa isip
At sa kampus ng eskwela hanggang labas ay kadikit
Mga leksyon at assignments ang tuluyang nawawaglit.

Ang magulang na kawawa at subsob sa hanapbuhay
Nangungutang ng pang-tuition, pambaon sa araw-araw
Umaasang anak nila ay gagradweyt balang araw
Iyun pala'y winawaldas ang oras sa panliligaw.


DAPAT (Ikatlong Tindig)

Ang hirap sa gumagawa ng mali at nagsisisi
Ginagawang pamantayan ang nangyari sa sarili
Gayong noong kabataan siya mismo ay rebelde
At hindi nya alintana ang magulang na nagsabi.

Mangyari nga'y noon, ngayon, at hanggang sa hinaharap,
Hindi pwedeng magkabula ang sinulat ni Balagtas
Pag pumasok daw sa puso ng sinuman ang pagliyag
Masunod lang ay sukdulang hahamakin lahat-lahat.

Sa halip na kabataang mag-aaral ay pigilin
Sa pagligaw na lalo lang sasadlak sa panggigigil
Bakit hindi na lang sila pabayaang balansehin
Ang kaway ng karunungan at ang tibok ng damdamin?


INDI DAPAT (Ikatlong Tindig)

Ang sariling karanasan ay akin at akin lamang
At di layong ipanggiit na sukatan ng sinuman
Binabanggit ko lang rito sa pag-asang kapulutan
Ng aral at halimbawa ng musmos pang kabataan.

Pagmasdan mo ang paligid, talamak ang kahirapan
Karaniwang ugat nito'y kawalan ng hanapbuhay
Ang totoo ay marami ang trabahong naghihintay
Ngunit ito'y nakalaan sa may college diploma lang.

Di hadlang ang kahirapan kung hangad ay edukasyon
Di sagabal ang itsura o ang utak na mapurol
Subalit ang panliligaw na kapatid ng bulakbol
Maternity sa halip na college degree ang katugon!


DAPAT

Panliligaw samantalang nag-aaral ay maganda
Kapwa namin natitimbang ugali ng isa't isa
Kung kami ay maka-gradweyt, magtrabaho, mag-asawa
Sa pagharap sa dambana, walang puwang ang pangamba.

Ang manligaw samantalang nag-aaral ay tama lang
Pagkat minsan lamang kami dadaan sa kabataan
Aanhin ang kayamanan sa oras ng katandaan
Kung kulubot na ang mukha't walang gustong magpaligaw?


INDI DAPAT

Maganda nga kung gagradweyt muna bago mag-asawa
Ngunit ating nababatid na di ganyan ang resulta
Maraming di makahintay sa pagmartsa nang may toga
Dahil labis na nabuyo, sa damdamin nagpadala.

Ang ganito'y maaaring iwasan kung panliligaw
Ay di muna isasabay samantalang nag-aaral
Prayoridad ang syang susi sa pangarap na tagumpay
Tagumpay na ihahandog sa katipang naghihintay.


DAPAT

Katipan ay nakahandang maghintay sa pagtatapos
Ngunit iyang panliligaw ay di dapat ginagapos
Walang taong nag-aaral na ang puso'y di tumibok
Hindi pwedeng paghintayin ang pag-ibig pag kumatok.


INDI DAPAT

Ang mag-aral at manligaw kung parehong pagsabayin
Mahahati ang atensyon dahil kapwa agaw-pansin
Kung mabigo sa pag-ibig, baka ikaw pa'y maglasing
Mauuwi lang sa wala ang pangarap at mithiin.


DAPAT

Mas mabuti ang umibig at mabigo kahit minsan
Kaysa hindi nakaranas na umibig kahit kaylan!


INDI DAPAT

Ang lahat ay may panahong kanya-kanyang nakalaan
Panahon sa pag-aaral, panahon sa panliligaw!


DAPAT

Ang mahuli sa pantalan, ang daratna'y baling sagwan!


INDI DAPAT

Ang lumakad nang matulin, malalim kung masugatan!


DAPAT

Dapat silang magkasabay!


INDI DAPAT

Dapat silang ipagbawal!


LAKANDIWA

Tumigil na kayong dal'wang umuusok na ang tuktok
Sumapit na ang sandali upang tayo'y magkatapos
Igagawad ko ang hatol, ngunit bayang nanonood,
Palakpakan muna natin ang makatang nagpanuntok!

Sino'ng dapat na tanghaling kampeon nitong balagtasan?
Walang dudang kapwa sila magagaling mangatwiran
Kaya itong aking pasya: Sila'y patas, tabla lamang
Muli nating paulanan, malutong na palakpakan!

You might also like