You are on page 1of 9

Kabanata 3: Panahon ng mga Kastila

Mga Akdang Pangwika

Ang mga prayle ay nagsipag-aral ng mga katutubong wika upang magamit nila sa pakikipag-unawaan sa
mga katutubo o ''Indio". Ipinagkait ng mga Kastila sa mga katutubo ang wikang Espanyol. Sa mga
masalapi lamang at may dugong kastila inilaan ang mga paaralan sa panahong iyon. Sa ginawa nilang ito,
inakala ng mga Kastila na mananatiling mangmang ang mga katutubo at hindi mag-iisip sa kalagayan ng
kanilang pamumuhay. Sinikap ng mga kastila na gamitin ang tuntuning makapaghahati-hati sa mga
Pilipino nang sa gayon sila'y maglaban habang patuloy silang pinamumunuan ng mga Kastila.
Nauunawaan ng mga kastila ang kapangyarihan ng isang wikang magbubuklod sa hiwa-hiwalay na mga
pulo ng bansa.

Nagkamali sila sa pagtaya sa katalinuhan ng mga katutubo, lalo na ng mga mestiso, sa kanilang
pagkatuto ng wika. Pinatunayan ito ng ating mga bayaning sina Rizal, Del Pilar at iba pa.

Ang ginamit na paraan ng mga kastila na ipinagkait na ituro ang kanilang wika ay nakatulong sa
mahabang panahong pang-alipin nila sa mga Pilipino. Ang pag-aaral nila ng mga katutubong wika ang
naging dahilan ng pagsulat nila ng maraming balarila at talasalitaan.

Sinasabing isa sa mahahalagang impluwensiya ng mga Kastila sa panitikang Pilipino ay ang pagkakasulat
ng iba't ibang aklat pambalarila sa iba't ibang wika sa Pilipinas gaya ng Tagalog, Ilokano, Hiligaynon, at
Cebuano. Ang mga akdang pangwika sa panahong ito ay ang mga sumusunod:

1. Arte Y Regalas de la Lengua Tagala

- Sinulat ni Padre-Blancas de San Jose at isinalin sa Tagalog ni Tomas Pinpin noong 1610.
2. Compedio de la Lengua Tagala

- Inakda ni Padre Gaspar de San Agustin noong 1703 na tumatalakay sa sining ng wikang tagalog.

3. Vocabulario de la Lengua Tagala

- Kauna-unahang talasalitaan sa Tagalog na sinulat ni Padre Pedro de San Buenaventura noong 1613.

4. Vocabulario de la Lengua Pampango

- Unang aklat na pangwika sa Kapampangan na sinulat ni Padre Diego Bergano noong 1732.
5. Vocabulario de la Lengua Bisaya

- Pinakamahusay na aklat pangwika sa Bisaya na sinulat ni Mateo


Sanchez noong 1711.

6. Arte de la Lengua Bicolana

- Unang aklat pangwika sa Bik na sinulat ni Padre Marcos Lisboa


noong 1754.
7. Arte de la Lengua Iloka

- Kauna-unahang balarilang Iloko na sinulat ni Francisco Lopez.

Simula pa sa panahong ito ay nagsimula na ang suliraning pangwika sa panig ng mga Pilipino dahil sa
paiba-ibang wikang umiiral sa buong bansa. Para sa mga Kastila, kung papairalin ang kanilang pananakop
mas makabubuti sa kanila ang pag-aaral sa mga wika sa Pilipinas kaysa ituro nang sapilitan ang wikang
Kastila. Kaya ang mga Prayle ang nag-aaral ng mga wikang mismong ginagamit sa tiyak na lugar upang
maibahagi at maipaunawa ang tungkol sa relihiyon at ang kanilang mga batas na pinaiiral.

Sa mga yugtong ito, ang mga akdang pangwika ay tumutukoy rin sa mga lugar na kung saan sinisibilado
ng mga Kastila. Naging malawakan ang kanilang pag-aaral at nakapatatag ng mga kaisipan bilang mga
mahalagang alituntunin sa paggamit ng mga wikang rehiyonal.

Mga Kantahing Bayan sa Panahon ng mga Kastila

Ang Kantahing bayan ay isang tulang inaawit na nagpapahayag ng damdamin, kaugalian, karanasan,
pananampalataya, gawain o hanapbuhay ng mga taong naninirahan sa isang pook. Maraming uri ng mga
awitin. May mga awit tungkol sa pagdakila sa kanilang Bathala, pag-awit sa pagsisisi sa kasalanan, pag-
awit upang sumagana ang ani, pag-awit sa pakikidigma, pag-awit sa tagumpay, pag-awit sa kasal, pag-
awit bilang pagpuri sa kanilang mga ninuno. May mga awit namang malaswa ang sinasabi ay may
kagaspangan ang mga pananalita.

Ang mga kantahing bayan ay isa sa matatandang uri ng panitikang Filipino na lumitaw bago dumating
ang mga Kastila. Ito ay naglalarawan ng kalinangan ng ating tinalikdang panahon. Karamihan sa ito ay
may labindalawang pantig.
Naging malaganap sa panahon ng mga Kastila ang mga kantahing bayan sa buong Pilipinas. May kani-
kaniyang kantahing bayan ang mga naninirahan sa kapatagan at maging sa bulubundukin ng Luzon,
Bisaya't Mindanaw.

Mga halimbawa ng kantahing bayan ukol sa paksa nito

Kundiman

Dalit

Kumintang

Oyayi

Diona

Talindaw

Suliranin

Sambotani

Dung-aw

Orasyon

Mga halimbawa ng kantahing bayan

Leron-leron Sinta (Tagalog)

Pamulinawen (Iloko)

Dandansoy (Bisaya)

Sarong Banggin (Bikol)

Atin Cu Pung Singsing (Kapampangan)

Bahay Kubo (Tagalog)

Sitsiritsit (Tagalog)

Malinak Kay Labi (Pangasinan)

Masdan Mo Ang Kapaligiran (Tagalog)

Tuldok (Tagalog)

Pamulinawen (Iloko)
Manang Biday (Iloko)

Dalagang Bukid (Tagalog)

Kahalagahan ng Kantahing Bayan

Ito ay nagpapakilala na ang ating diwang-makata ay katutubo sa ating lupain.

Ito ay nagpapahayag na tunay na kalinangan ng Pilipino.

Ito ay bunga at bulaklak ng matulaing damdaming galing sa puso at kaluluwa ng bayan.

Mga Dulang Panlibangan sa Panahon ng mga Kastila

Napakarami ng mga dulang panlibangan ang ginanap ng ating mga kalahi noong panahon ng Kastila.
Halos lahat ng mga dulang ito ay patula. Narito ang mga sumusunod:

Tibag

Dala ito sa atin ng mga kastila upang ipakita at ipaalala ang paghahanap ni Sta. Elena at Constantino sa
kinamatayang krus ni Hesus sa pamamagitan ng pagtitibag ng bundukbundukan.

Lagaylay

Sa mga Pilarenos ng Sorsogon, isang pagkakataon at pag-iipunipon kung buwan ng Mayo ang
pagkakaroon ng lagaylay. Abril pa lamang, namimili si Kikay, ang anak ng sakristan mayor ng mga
dalagang sasali rito. Kung minsan, ipiniprisinta na ng mga magulang ang kanilang anak kahit hindi pa
dalaga, dahil sa isang panata na ginawa dahil sa pagkakasakit o isang pabor na nais makamtan. Sa ibang
bahagi ng kabikulan, iba naman ang pagtatanghal ngunit ang layunin ay pareho: paggalang, pagpuri, at
pag-alay ng pagmamahal sa mahal na krus na nakuha ni Santa Elena sa bundok na tinibag.

Senakulo

Pagtatanghal ito na natutungkol sa buhay at pagpapakasakit ng ating Poong si Hesukristo. Ang salitaan
dito ay mula sa ''Pasyon''.

Panunuluyan

Isang pagtatanghal ito na isinasagawa bago mag-alas dose ng gabi ng kapaskuhan. Natutungkol ito sa
paghahanap ng matutuluyan ng Birheng Maria at ni Joseph upang doon iluwal ang sanggol na si
Hesukristo.

Panubong

Isang mahabang tulang nagpaparangal sa isang may kaarawan o kapistahan na ginaganap bilang
parangal sa isang panauhin o may kaarawan. Ang unang bahagi ay sinisimulang awitin sa may
tarangkalan ng bahay ng may kaarawan. Ang ikalawang bahagi ay inaawit habang umaakyat sa hagdan
ang mga kumakanta. Ipinaliliwanag nila rito ang halaga ng bawat baitang. Kapag nasa huling baitang na
sila, hindi agad sila papasok hanggang hindi natatapos ang awitin at hanggang hindi sila pinapapasok ng
pag-aawit sila kung nasa loob na sila ng bahay.

Karilyo

Ito ay itinuturing na isang laro ng mga tau-tauhang ginagampanan ng mga aninong ginawa mula sa
karton, na pinanonood sa gumagalaw sa likod ng isang puting tabing at pinapagalaw naman ng taong di
nakikita na siyang nagsasalita rin para sa mga kartong gumagalaw.

Moro-moro

Tulad ng senakulo ang moro-moro ay itinatanghal din sa isang ipinasadyang entablado. Ito'y itinatanghal
sa mga araw ng pista ng bayan o ng nayon upang magdulot ng aliw sa tao at laging ipaalala sa mga ito
ang kabutihan sa mga relihiyong Kristiyano. Ang mga moro-moro ay may hari't reyna at mga
mandirigmang kawal.

Karagatan

Ito'y batay sa alamat ng singsing ng isang prinsesa na naihulog niya sa dagat sa hangaring mapangasawa
niya ang kasintahang mahirap. Hinamon niya ang mga binatang may gusto sa kanya na sisirin sa dagat at
ang makakuha'y pakakasalan niya. Sa larong ito, isang matanda ang kunwa'y tutula; pagkatapos ay
paiikutin ang isang tabo na may tandang puti at ang sinumang matapatan ng tandang puti at ang
sinumang matapatan ng tandang ito ay siyang tatanungin ng dalaga ng mga talinghaga. Kapag ito'y
nasagot ng binata ay ihahandog niya ang singsing sa dalaga.

Duplo

Ito ang humalili sa karagatan. Ito'y paligsahan ng husay sa pagbigkas at pangangatwiran na patula. Ang
pangangatwiran ay hango sa bibliya, sa mga sawikain, at mga kasabihan. Karaniwang nilalaro ito sa
paglalamay sa gunita ng isang namatay.

Kurido

Ang salitang ''corrido'' (baybay sa Kastila) ay nangangahulugang kasalukuyang mga balita (current
events) sa mga Mehikano. Dito sa Pilipinas, ang kurido ay isang tulang pasalaysay na natutungkol sa
katapangan, kabayanihan, kababalaghan, at pananampalataya ng mga tauhan. Karamihan sa mga paksa
ay galing sa Europa at dinala lamang ito ng mga Kastila. Naging tanyag na awitin noong ikalabinsiyam na
siglo ang kurido dahil sa kakulangan ng babasahin, libangan, at panoorin ang mga tao. Ang ilan sa ating
mga manunulat ng kurido ay sina Jose de la Cruz, Ananias Zorilla, at Francisco Baltazar.

Saynete

Itinuturing na isa sa mga dulang panlibangan nang mga huling taon ng pananakop sa atin ng mga Kastila
ang Saynete. Ang paksa ng dulang ito ay nahihinggil sa paglalahad ng kaugalian ng isang lahi o katutubo,
sa kaniyang pamumuhay, pangingibig, at pakikipagkapwa. Ang ''La India Elegante Y El Negrito Amante''
ni Francisco Baltazar ay ipinalalagay na isa sa mga nakaaaliw na libangang saynete nang panahong ito.

Sarswela

Ang sarswela ay isang melodrama o dulang musikal na tatluhing yugto. Ang paksa ay natutungkol sa pag-
ibig, paghihiganti, panibugho, pagkasuklam, at iba pang masisidhing damdamin. Naglalarawan din ito ng
pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Upang lalong magustuhan ng mga manonood, hinahaluan ito
ng katatawanan na laging ginagampanan ng mga katulong sa dula. Sinasabing ito'y naging libangan nang
mga huling taon na ng pananakop sa atin ng mga Kastila.

Ang isa sa pinakamagandang halimbawa ng sarswela ay ang ''Walang Sugat'' ni Severino Reyes na
namalasak mula sa huling taon ng pananakop ng mga Kastila hanggang sa mga unang taon dito ng mga
Amerikano.

Sapagkat ang isa sa pinakalayunin ng mga Kastila sa pananakop nila ng mga ibang bansa ay ang
magpalaganap ng pananampalatayang Katolisismo, kaya't ang una nilang itinuro sa mga Pilipino'y ang
relihiyon. Nagbukas sila ng mga paaralan sa kolehiyo sa ilalim ng pamamahala ng mga pari.
Mga Sanggunian:

https://prezi.com/vaczdoi78pss/panahon-ng-kastila/

https://www.studocu.com/ph/document/don-honorio-ventura-technological-state-university/
kontekstwalisasong-komunikasyon-sa-filipino/mga-dulang-panlibangan-sa-panahon-ng-mga-kastila/
20805748

https://www.scribd.com/doc/175523653/Awiting-Bayan-o-Kantahing-Bayan

You might also like