ng dilim ng langit, bahagya tayong naniningkit, naghahanap ng apoy ng dragon, kalahating- kabayong centaur, mukha ng oso, ngipin ng leon, at sungay ng toro. Itinataas mo ang maliliit kong kamay, ipantuturo ang daliri sa pananggalang ni Orion o espada ni Perseus, at isusunod ang mga laban ni Heracles.
Iginuguhit mo ang lahat sa kuwento
Habang wala pa ang Nanay, habang Wala pa ang pagdalaw ng antok.
Sa mga gabing nilulunod ng liwanag
ang langit, inaakala kong planeta ang pulang ilaw ng poste sa itaas ng gusali at lulan ka ng nagkukumpulang bulalakaw sa himpapawid. Iniisip ko: paano mo ituturo at iguguhit ang mga asong hahabol sa lobo kung dalawang hanay ng mga bituin ang sinusundan mo? Hindi pa rin
darating ang himbing hanggang marinig
ang ugong ng makina at umiikot na elesi na nagsasanay na sa paglubog ng dilim.
TULA- 2016
‘DI LANG LALANG ni Mark Anthony S. Angeles
Kampilan
Walang patawad ang balasik
ng kampilan kahit sa sariling kaluban.
Ang handulong ng maydalang mandirigma
ay nagsisimula
hindi sa paghugot sa pinagsukbitan,
kundi sa pagwasak sa kalubang kumupkop.
Dagling malalantad ang talim
na kayang pumugot ng dalawang kadigma sa isang taga; biyakin sila sa gitna habang umaatungal ang bakunawa
na humihiyaw sa puluhan, animo maninila ng lawa at pitong bulan.
Hindi ba't kampilan iyong nasa kamay
ni Labaw Donggon nang kitlin si Sikay Padalogdog?
kampilan iyong panadtad
ni Lam-ang sa kalabang tagabundok?
kampilan iyong nagpatumba
kay Magallanes, nagpaatras sa mga manlulupig?
‒kampilang hindi sumasalong,
laging lumulusob; sigwa at sindak.
TULA- 2017
SA PAGITAN NG BANAL AT KARNAL ni Christian R. Vallez
Red Sea
Pulang dagat ang labi mong nananabik,
Naghihintay na hiwain ng himala. Ang tatawid na propeta’y aking halik.
Damdamin ko ay aliping naghimagsik,
Paglaya ko, ang ngiti mo’y nagsimula. Pulang dagat ang labi mong nananabik. Nagpupuyos, ang alon mo’y biglang tirik, Pagdating ko sa aplaya’y tumingala: “Ang tatawid na propeta’y aking halik.”
Nanalangin sa harapan ng ‘yong bagsik,
Ang tapang ko’y bigla na lang natulala. Pulang dagat ang labi mong nananabik.
Pananalig ko’y marahan nang bumalik,
Ang takot ko’y unti-unti nang namutla. Ang tatawid na propeta’y aking halik.
Pinatahan ng ‘yong tubig ang paghibik
Sa Ehipto, pagtangis ko ay nawala. Pulang dagat ang labi mong nananabik, Ang tatawid na propeta’y aking halik.