You are on page 1of 1

Magmamasa ba sa taong kabiyak ng dibdib?

Ay, kawawang poon ko, kaninong pangungusap Ang magtutuwid sa ngalan mong ako Na tatatlong oras pang kabiyak ang pumunit? Ngunit bakit, salarin, inutas ang aking pinsan? Uutasin ng pinsang salarin ang giliw. Balik, mga luhang dungo, sa pinagbubukalan! Nauukol sa hapis ang kanina ninyong pagbabatis Na dapat pa sanang dumaloy sa pagkatuwa. Buhay ang kabiyak kong napatay sana ni Tybalt; Nasawi si Tybalt na sana'y sumawi sa liyag. Ginhawa na ito; bakit ako tumatangis? May ibang katagang higit pang malagim sa kamatayan Ni Tybalt, na pumapatay sa 'kin. Ibig kong limutin; Ngunit, aba ko -- gumigiit sa gunita, Parang kasalanang umuukilkil sa diwa Ng taong nagkasala: "Namatay si Tybalt, at si Romeo -Itinapon." Ang nag-iisang salitang iyon, Ang nag-iisang "itinapon," higit pang umutas Sa sampung libong Tybalt. Kasawian na nga Ang pagyao ni Tybalt kahit doon na nagwakas; O kaya, kung dapat samahan ang gayong kasawian Ng marami pang hinagpis, bakit di sundan Ang sabing "Patay na si Tybalt" ng "Patay na rin Ang iyong ama, o ina, o silang dalawa" Na kaya pang bathin sa karaniwan kong pananangis. Ngunit sa wikang kasunod ng kamatayan ni Tybalt, "Itinapon si Romeo" -- sa wikang sinambit na iyon, Pumanaw ang ama at ina, si Tybalt, si Romeo, Si Julieta, nasawing lahat; nautan nang lahat. "Itinapon si Romeo" -- walang wakas, hanggahan, Sukat o gilid ang kamatayan sa pahayag na iyon. Hindi mawiwikaan ang dalamhating tinutungkol.

You might also like