You are on page 1of 37

Ang Trahedya ni Haring Lir

ni William Shakespeare
saling-Filipino ni Guelan Varela Luarca

MGA TAUHAN
LIR, Hari ng Britanya
GONERIL, panganay na anak ni Lir
Duke ng ALBANYA, kanyang kabiyak

REGAN, ikalawang anak ni Lir
Duke ng KORNWALYES, kanyang kabiyak
KORDELYA, bunsong anak ni Lir

Hari ng PRANSYA
Duke ng BORGONYA

Konde ng KENT, mamaya'y magbabalatkayo bilang si Kayo
Konde ng GLOSTER

EDGAR, panganay na anak ni Gloster, mamaya'y magbabalatkayo bilang si Tom ng Bedlam
EDMUNDO, bastardong anak ni Gloster
MATANDANG LALAKI, ingkilino ni Gloster
KURAN, alagad ni Gloster

LUKAYO ni Lir

OSWALDO, mayordomo ni Goneril
Isang ALIPIN ni Kornwalyes

ISANG KABALYERO
ISANG TAGAPAGBANDO
ISANG KAPITAN

Mga maginoo, mga alipin, mga sundalo, mga ayudante, mga mensahero
mga manliligaw ni Kordelya
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 1
UNANG YUGTO

1.1 Papasok ang Konde ng Kent, ang Duke ng Gloster, at si Edmundo.

KENT. Akala ko'y lalong napupusuan ng Hari ang Duke ng Albanya kaysa kay Kornwalyes.
GLOSTER. 'Yun nga'ng inakala natin, ngunit ngayong ipamamahagi ang kaharian, hindi makikita kung
sinong mas pinapaboran ng Hari; gayong 'pag timbangin ang mga hati, lubhang magsinlaki at 'di
makikitaan ng higit na pagkiling.
KENT. Hindi ba't ito ang anak mo, poon?
GLOSTER. Sa akin nga naipaubaya ang pag-aalaga sa kanya. Malimit ko noong ikamula, ngunit ngayo'y
nakasanayan ko na rin.
KENT. Hindi kita masakyan.
GLOSTER. Pero ang nanay niya, nasakyan nga 'kong talaga. Kaya't namintog ang tiyan at nagkaro'n
nga, senyor, ng anak sa kuna bago magkaro'n ng asawa sa kama. Nakaaamoy ba ng kasalanan?
KENT. Kasalanang 'di ko idadalanging 'di sana nangyari, gayong pagkaigi naman ng ibinunga.
GLOSTER. Ngunit may anak din ako, senyor, sa saklaw ng batas, ilang taong mas matanda kaysa rito, at
di-pahuhuli sa aking pag-ibig. Bagaman may kapilyuhan ang biglaang pagsilang ng batang yan,
maganda naman ang ina, at nagkatuwaan ding lubha sa pagbubuo sa kanya; kailangang kilalanin,
anak man ng puta. (Kay Edmundo.) Kilala mo ba ang maginoong ito, Edmundo?
EDMUNDO. Hindi po, poon.
GLOSTER (kay EDMUNDO). Ang aking poon ng Kent. Alalahanin mula ngayon bilang marangal kong
kaibigan.
EDMUNDO (kay KENT). Maglilingkod sa iyo, poon.
KENT. Dapat kang ibigin at kilalanin pang lalo.
EDMUNDO. Senyor, pag-aaralang maging karapat-dapat sa 'yong pagtingin.
GLOSTER (kay KENT). Siyam na taon siyang lumisan, at ngayo'y balak na namang umalis.

Pakakak.

Parating ang Hari.

Papasok si Haring Lir, ang mga Duke ng Kornwalyes at Albanya, sina Goneril, Regan, Kordelya, at iba pang
ayudantes.

H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 2
LIR
Paparituhin ang mga poon ng Pransya't Borgonya, Gloster.
GLOSTER. Masusunod po, kamahalan. Lalabas.
LIR
Samantala, ipapahayag na namin ang mas makulimlim naming pakay.
Iabot sa 'kin ang mapa. Alaming pinaghiwa-hiwalay namin
Sa tatlo ang kaharian, at maagap naming layunin
Ang magpagpag ng tungkulin at alalahanin mula sa 'ming gulang
At ipaubaya 'yon sa mga mas nakababatang sigla
Nang tayo'y makagapang na nang walang-pasan tungo sa libingan.
Mahal naming anak ng Kornwalyes, pati Albanyang iniibig din,
Balak namin ngayong itaga sa bato ang mga mamanahing dote
Ng aming mga anak, upang maadya ng kasalukuyan
Ang sigalot sa hinaharap. Ang mga poon ng Pransya't Borgonya
Dakilang magtunggali para sa puso ng bunso naming iha
Ay matagal nang namalagi sa korte upang manligaw,
At ngayo'y dapat nang matugunan. Bueno, mga anak,
Gayong ipamumudmod na namin ang aming pamumuno,
Pangangalaga sa lupa, at mga alalahaning pambayan,
Sabihin kung sino sa inyo'ng higit na nagmamahal sa amin,
Upang sa kanya maiunat ang pinakamalaking hati ng lupa
Bilang pantumbas sa may kalikasang pinakamagilas? Goneril,
Unang-silang, ikaw na'ng unang mangusap.
GONERIL
Senyor, iniibig kang higit sa kayang mahiwatig ng mga kataga;
Lalo pang higit sa pangmalas, espasyo, at kalayaan;
Lampas sa kayang matayang mahalaga o pambihira,
Katimbang ng buhay; higit sa dingal, kalusugan, rikit, at dangal;
Sintaos ng pagmamahal ng anak sa kanyang ama;
Pagmamahal na nagpapadahop sa hininga at nang-iinutil
Ng salita lampas sa sobra-sobra'y pinakamamahal nga kita.
KORDELYA (aparte)
Ano'ng sasabihin ni Kordelya? Umibig na lamang at manahimik.
LIR (kay Goneril)
Ang lahat nitong hanggahan, mula rito hanggang dito,
Sampu ng maaaninong gubat at mayayamang kaparangan,
Masasaganang ilog at malalawak na taniman sa lahat nito,
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 3
Ikaw ang senyora. Sumaiyo nga at sa anak ninyo ni Albanya
Ang mga ito magpakailanpaman. Ngayon, ang ikalawa naming anak?
Pinakainiirog kong Regan, kabiyak ni Kornwalyes?
REGAN
Gawa ako sa parehong sangkap ng aking kapatid,
At itaya akong singyaman din niya. Sa kaibituran ng puso'y
Binigyang-salita niya ang ubod ng aking pagtingin
Kundi lamang siya kinapos, 'pagkat dapat kong aminin,
Na tinuturing kong kaaway ang iba pang kaligayahang
Mapanghahawakan ng pinakadiwa at ulirat,
Gayong iisa lamang ang bukal ng aking tuwa:
At 'yon ang pag-ibig ng inyong Kamahalan.
KORDELYA (aparte). Pues kawawang Kordelya
Ngunit hindi rin, 'pagkat tiyak ako, pag-ibig ko'y
Mas mabigat kaysa sa 'king dila.
LIR (kay Regan)
Sa 'yo at sa 'yong mga apu-apuhan
Ang mayamang katlo ng kaharian naming marikit,
Di-pahuhuli sa lawak, tatag, at angking tamis
Kaysa ro'ng binigay kay Goneril. (Kay Kordelya) Ngayon naman,
Ang aming ligaya, huli man, pero di-pahuhuli,
Siyang pinag-aagawan ng mga ubasan ng Pransya
At gatas ng Borgonya ano'ng masasabi mo upang makamit
Ang ikatlong bahaging mas mayaman kaysa sa mga kapatid? Mangusap.
KORDELYA. Wala po, poon ko.
LIR. Wala?
KORDELYA. Wala po.
LIR.
Walang nagmumula sa wala. Mangusap ulit.
KORDELYA
Napakalungkot ko dahil di-malagak ang puso
Sa aking bunganga. Iniibig ko kayo nang batay
Sa aking tungkulin di-nagkukulang at 'di rin labis.
LIR
Aba, aba, Kordelya ayusin ang pananalita
At baka kapalaran mo'y masira.

H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 4
KORDELYA
Butihin kong poon,
Sinilang ni'yo 'ko, kinalinga at inibig.
Ibinabalik ang gayong pagturing sa nararapat na sukat
Tumalima sa inyo, ibigin kayo at galangin.
Bakit nag-asawa ang aking mga kapatid kung bukambibig nila'y
Ibigin kayo nang buo't wagas? Aba'y sana, 'pag ako'ng makasal,
Ang poong magkakamit ng kamay ko'y siya ring magtataglay
Ng kalahati kong pag-ibig, kalahating paglingap at tungkulin.
Tiyak ngang 'di ako pakakasal nang gaya sa 'king mga kapatid.
LIR. Yan na nga bang pinaninindigan ng puso?
KORDELYA. Siyanga, butihin kong poon.
LIR. Pagkabata-bata pat ganyan na kalupit?
KORDELYA. Pagkabata-bata, poon, at ganito na katunay.
LIR.
Aba'y kung gayon 'yang pagiging tunay mo ang magsisilbi mong dote;
'Pagkat sa banal na liwanag ng araw,
Sa mga hiwaga ni Ekate at ng gabi,
Sa bawat pag-inog ng mga planetang
Nagdadala sa 'ting buhay at pagkagunaw,
Heto't binabawi ko ang kalinga ng isang ama,
Ugnayan at pakinabang ng pagiging kadugo,
At bilang estranghero sa 'king puso at pagkatao'y
Inilalayo ka na sa 'kin nang lubusan. Ang Eskityang barbaro,
O sinumang lumalamon sa laman ng sariling anak
Upang busugin ang sikmura'y mas malapit pa
Sa 'king dibdib, mas kaaawaan at pakikitaan ng malasakit
Kaysa sa 'yo, na anak namin noon.
KENT
Butihin kong panginoon
LIR. Tumahimik ka, Kent.
'Wag mamagitan sa dragon at sa kanyang galit.
Pinakamamahal ko siya, at inakalang ipaubaya
Ang gulang sa kanyang pag-alaga. [Kay Kordelya] Sulong, lumayo
Sa 'king pangmalas! Hukay ko na lamang ang kaginhawahan ko,
Ngayong binabawi sa kanya ang puso ng kanyang ama.
Tawagin si Pransya Isa s'enyo! Tawagin si Borgonya.
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 5

[May isa o dalawang aalis]

Kornwalyes at Albanya,
Sampu ng dote ng dal'wang anak, lamunin tong pangatlo.
Hayaang kapalaluan, na tinuturing niyang pagiging tunay,
Ang umasawa sa kanya. Magtambal kayong babahaginan
Ng aking kapangyarihan at dingal pating bawat kadakilaang
Kalakip ng pagkahari. Kasama'ng isang daang kabalyerong
Inyong susuwelduhan, kami'y buwan-buwang pasalit-salit
Na makikitira sa inyong bubungan. Ang tanging di-bibitawan
Ay bansag na hari at bawat pamagat niyong nakakalakip.
Ang awtoridad, yaman, at pananaguta'y sa inyong sa inyo na.
Upang itaguyod 'yon, paghatian niyaring korona.
KENT
Lir na maharlika,
Ikaw na laging pinararangalan kong hari,
Minahal kong parang ama, at amo kong tinalima,
Tinuring kong kapantay ng pintakasi sa panalangin
LIR
Nakaunat na ang pana; umiwas sa 'king tudla.
KENT
Hayaang tamaan ako, tumagos man ang patalim
Sa aking puso. Maduruwag ba dapat si Kent
Kung si Lir nama'y nahihibang? Ano'ng gagawin mo, gurang?
Tingin mo'y mababakla ang tungkuling magwika
Kapag ang kapangyarihan, sa panlalangis napapatirapa?
Mapipilitan ang katotohanang sawayin ang paghaharing hibang.
Maghunus-dili't magbulay-bulay nang matauhan
Sa lubhang pagdudumali. Isumpa man ang aking buhay,
Hindi patatalo ang pag-ibig sa 'yo ng anak mong bunso,
Lalo na riyan sa palahaw ng mga hungkag nilang pusong
Alingawngaw lamang at 'di tunog na buo.
LIR
Sa ngalan ng buhay mo, Kent, ay tama na!
KENT
Ano ba naman ang buhay ko? Isang piyong
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 6
Handang mamatay lumaban lamang sa 'yong mga kaaway,
Gayong kaligtasan mo ang tanging inaalala.

LIR
Layas sa aking paningin!
KENT
Linawin ang pangmalas, Lir, at hayaan akong manatiling
Tunay na gabay ng 'yong mata.
LIR
Aba, sa ngalan ni Apolo
KENT
Sa ngalan ni Apolo, Hari ka, walang-bisa'ng pagsusumpa mo sa langit.
LIR [akma siyang hahatawin]
Ay alipin! Tampalasan!
ALBANYA at KORDELYA. Poon ko, umawat.
KENT (kay LIR)
Patayin ang manggagamot, at pagbayarang
Numaknak ang sakit. Bawiin ang pinamigay,
O hangga't may tinig ang lalamuna'y paghihiyawan kong
Kabuktutan ang iyong ginagawa.
LIR
Makinig ka sa 'kin, hampaslupa; makinig sa 'yong hari!
Dahil hangad mong baliin namin ang aming naipangako,
Na 'di pa namin nagagawa kailanman, at sa dungis ng kapalalua'y
Pumagitna sa 'ming pagpaparusa at kapangyarihan,
Na hinding-hindi masisikmura ng aming kalikasan at dangal,
Tanggapin ang sakdal mula sa lakas kong puro at wagas:
Binibigyan ka namin ng limang araw na palugit
Nang makapaghanda at maadya ang kapahamakan,
Ngunit pagsapit ng ikaanim ay tuluyan nang talikuran
Ang aming kaharian. Pagdatal ng ikapito, kung manatili rito
Ang sinumpa mong katawan sa aming lupain,
Sandaling madatnan ka'y magsisilbi mong kamatayan!
Sulong! Hindi na 'to mababawi.
KENT
Paalam na, Hari; dahil 'yan ang ugaling pinamamalas,
Lumisan na'ng kalayaan, at dumito ang pagpapalayas.
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 7
(Kay Kordelya) Kanlungin ka nawa ng diyoses, dalaga,
Na matuwid ang isip at sakdal-wastong magwika.
(Kina Goneril at Regan) At kilos ni'yo sana'y umayon sa magigilas ni'yong sinabi,
Upang mga salita-ng-pag-ibig ay magbunga ng pawang mabuti.
Ito na, mga poon, si Kent na'y namamaalam;
Matandang buhay niya'y itutuloy sa ibang bagong bayan. Lalabas.

Pakakak. Papasok ang Duke ng Gloster kasama ang Hari ng Pransya, ang Duke ng Borgonya, at mga ayudante.

KORDELYA
Heto'ng Pransya at Borgonya, maharlikang poon.
LIR Poon ko ng Borgonya,
Ikaw ang unang kakausapin, ikaw na karibal ang Hari
Sa puso ng aking babaeng anak: ano'ng pinakamaliit
Na hihingin bilang dote sa pakikipagkasalan sa kanya?
O mas mamarapatin bang itigil na'ng paghahanap ng asawa?
BORGONYA
Poon, wala 'kong ibang hanap kaysa dati niyong alok;
At alam kong 'di ni'yo 'yon babawasan.
LIR
Maharlikang Borgonya,
Noong mahal pa namin ay gayon nga siyang itinuring,
Ngunit ngayo'y bumagsak na'ng kanyang halaga. Nariyan siya.
Kung may isang bahaging napupusuan sa kanyang katawan,
O maging ang kabuoan, kahit pa ito'y nalakipan na ng aming poot,
At tanging poot lamang puwes kunin mo kung gusto mo.
Siya'y sa 'yong-sa 'yo na.
BORGONYA
'Di malaman ang isasagot.
LIR
Ngayong pasan na niya ang bawat kapintasan ng asal,
Walang kaibigan, bagong-ampon sa aming pagkamuhi,
Walang ibang dote kundi sumpa namin at pagtakwil
Siya ba'y kukunin pa, o hindi?
BORGONYA
Patawarin ni'yo 'ko, maharlikang poon.
Mahirap magpasiya sa ganitong kondisyon.
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 8
LIR
Pues iwanan mo na, senyor, dahil sumpa man sa lumikha sa 'kin,
'Yon at 'yon lamang ang tangi niyang kayamanan. (Kay Pransya) Dakilang Hari,
Ayaw ko sanang makagawa ng kasalanan sa inyong pagtingin
At iparis ka sa isang babaeng kinasusuklaman ko, kaya't pakiusap ko sa 'yo,
Ilihis ang pag-ibig sa ibang mas karapat-dapat kaysa riyan,
Na sa kasagwaan, pati Kalikasan, sadyang mahihiyang
Amining siyay sa kanya.
PRANSYA
Lubhang kataka-taka,
Siya noon ang itinuring ni'yong pinakamayamang hiyas,
Paksa ng inyong papuri, balsamo sa inyong katandaan,
Pinakamarilag at pinakamamahal. Ngunit sa ganyang kaikling panahon,
Nakagawa ba siya ng bagay na gano'n na lamang karumal-dumal
At ngayo'y hinuhubaran ng dati ni'yong sapin-saping pagmamahal?
Marahil ang sala niya'y nakapagpapa-sa-halimaw nga
At nabahiran tuloy ang dating sinumpang pagsinta sa kanya
Ngunit, hinding-hindi 'yon kayang paniwalaan ng aking katuwiran
Liban kung gayumang himala'ng magkintal niyon sa king isipan.
CORDELIA (kay Lir)
Pakiusap, Inyong Kamahalan,
Kung dahil ako'y nagkulang sa sining na mabungangat malangis,
Mangusap nang di-tumbas sa gawa gayong ang balak kong gawin,
Gagawin muna bago sabihin inyo naman sanang amining
Di buktot na dumi, pagpaslang, o kahalayan,
Ni gawang dungis sa dangal o hakbang na kahiya-hiya
Ang dahilan at ngayo'y inagawan ng inyong pagmamahal.
Bagkus, dahil sa pagkukulang na sadya ko namang ikinayaman
Mga matang wari'y laging nanlilimos ng kikitain, at dilang
Buti na lang ay 'di ko taglay ngunit dahil wala sa 'kin,
Nawala tuloy ako sa inyong pagtingin.
LIR
Mas mabuting pang 'di ka na lang sinilang
Kaysa madismaya mo 'ko nang ganyan.
PRANSYA
Iyon lamang ba dahil sa ugaling mapagbantulot
Na di-mahiliging ibukambibig ang gawaing binabalak
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 9
Niyang gawin? Poon ko ng Borgonya,
Ano'ng masasabi sa binibini? Hindi pag-ibig ang pag-ibig
Kung ang pagtingin ay nababahiran ng mga alalahaning
Lampas sa saklaw ng itinuturing. Tatanggapin mo ba siya?
Aba, siya na'y sasapat na dote.
BORGONYA (kay Lir). Haring maharlika,
Ibigay lamang ang halagang nasabi ni'yo na,
At agad kong aabutin ang kamay ni Kordelyang
Dukesa na ng Borgonya.
LIR. Wala. Nakapagpasya na. Ako'y maninindigan.
BORGONYA (kay Kordelya)
Pues patawad, at nang mawalan ka ng ama,
Narapat din, na mawalan ka ng asawa.
KORDELYA
Kapayapaan kay Borgonya;
Dahil paggalang at yaman ang iniirog niya,
Hindi niya 'ko maa'ring maging asawa.
PRANSYA
Mutyang Kordelya, pinakamayaman ngayong dukha na,
Pinakahirang ngayong inabanduna; pinakamamahal
Ngayong kinamumuhian tinatanggap ko ang lahat mong kapurihan.
Kung ipahihintulot, kukunin ko'ng itinatapon lamang.
Diyoses, o diyoses! Kung sino pa'ng maginaw na iniiwanan,
Siya pa'ng pumukaw ng pinakamainit kong paggalang.
Ang anak ni'yong walang-dote, Hari, sa 'kin ipaubaya,
Siya'y reyna namin, ng sa amin, at ng buong Pransya.
Kahit lahat pa ng idalgong taga-Borgonyang matubig,
Di-maaagaw mula sa 'kin itong binibining iniibig.
Magpaalam sa kanila, Kordelya, pinagmalupitan ka man.
Dito ma'y sawi, magwawagi ka rin sa ibang bayan.
LIR
Sa iyo na siya, Pransya. Angkinin mo nang ganap,
Dahil kami'y walang ganyang kabuktot na anak.
'Wag nang pamalas sa 'min ang kanyang pagmumukha,
Umalis nang wala ang aming basbas, pag-ibig, at biyaya.
Halika na, maharlikang Borgonya.

H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 10
Pakakak. Magsisilabasan lahat liban kina Pransya at ang magkakapatid.

PRANSYA. Maghimakas na sa mga kapatid.
KORDELYA
Kayong mga hiyas sa mata ni ama, luhaan kayong
Lilisanin ni Kordelya. Alam ko'ng tunay ni'yong loob,
At bilang kapatid ay suklam akong bigyang-salita
Ang tunay ni'yong mga kapintasan. Kaya't mahalin na lang si ama.
Ipinauubaya ko na siya sa inyong mga dibdib.
Ngunit, kung saklaw pa sana ng kanyang pagsinta,
Sa mas taos na lugar siya sana maipauubaya.
Paalam na muna sa inyo.
REGAN. 'Wag mo kaming pangaralan.
GONERIL. Ituon na lang ang pansin
Sa pagpapaligaya sa 'yong poon, na tinanggap ka
Maski hinamak ng tadhana. Dahil sinuway si ama,
Dapat ngang hanapin mo ang sa 'yo'y nawala.
KORDELYA
Panahon ang magsisiwalat ng natatagong katusuhan,
Na balang-araw ay masasadlak sa sakdal-kahihiyan.
Guminhawa sana'ng buhay ni'yo.
PRANSYA
Halina, mutyang Kordelya.

Magsisilabasan sina Pransya at Kordelya.

GONERIL. Kapatid, hindi iilan ang masasabi ko hinggil sa usaping napakalapit sa atin. Tingin ko'y aalis
ang ating ama ngayong gabi.
REGAN. Tiyak na tiyak nga, at sa 'yo muna uuwi. Sa susunod na buwan, sa amin naman.
GONERIL. Kita mong panay pagbabago ang dala ng kanyang gulang. Napakakaunti pa lang ng
namamalas sa kanya tungkol dito. Dati na niyang pinakamamahal ang ating bunso, at kitang-kita
ngayon ang maling katuwiran sa ginawa niyang pagpapalayas.
REGAN. Iyan ang kahinaan ng kanyang gulang; ngunit noon pa man, mahina na'ng pagkakahawak
niya sa sarili.
GONERIL. Kahit sa tugatog ng husay at katinuan, sumisikdo na talaga ang isipan; kaya't dapat nating
asahan sa kanyang edad, 'di lamang ang mga kapintasang matagal na sa kanyang nagnaknak, kundi
pati ang di-maaawat na kasalaulaang dala ng mahina't mainiting katandaan.
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 11
REGAN. Maaasahan na nga ang biglang bugso ng panggagalit, gaya nitong biglaang pagpapatalsik kay
Kent.
GONERIL. May seremonyas pa ng pagpapaalam sa pagitan niya at ni Pransya. Samo ko, umumpok
tayong magkatabi. Kung magwawalang muli ang ama, at magpangalandakan ng kapangyarihan gaya
kanina, sumumpa tayong magagalit na.
REGAN. Pag-isipan pa nating lalo.
GONERIL. Kumilos na tayo, sa lalong madaling panahon.

Magsisilabasan.


1.2 Papasok si Edmundo, ang bastardo.

EDMUNDO
Ikaw, Kalikasan, ang aking bathaluman. Sa 'yong batas
Nakabigkis ang aking paglingkod. Bakit ako susuko
Sa salot ng kaugalian, at papayag na akoy mapagkaitan
Ng mga dekretong gawa-gawa lamang ng mga bayan?
Ano kung labindalwa o labing-apat na buwan akong
Huli sa 'king kuya? Bakit bastardo? bakit hamak?
Gayong sintibay ang pangangatawan, sintalas
Ang aking utak, sing-inam ang pagkakalangkap
Sa anak ng tunay na asawa? Bakit ang tawag sa min,
Mababa? alin ditong mababa? bastardo? hamak, hamak ba kamo?
Itong kay-tusong pumuslit papasok sa kalikasan
Kaya ang pagkakabuot katangian, mas kagila-gilalas pa
Kaysa ron sa bunga ng mga kamang bagot na bagot
At walang kalibug-libog, nagluluwa lang ng mga sanggol
Na paglakiy pawang mga binabaeng walang-gulugod?
Pues, lehitimong Edgardo, akin na ang lupang mamanahin mo.
Ang pag-ibig ni Ama kay bastardong Edmundoy
Sintaos niyong sa lehitimo bale-baleng salita yan
Lehitimo! Bueno, ikaw na lehitimo, kung magkabisang liham ko,
At magtagumpay ang katampalasanan ko, si Edmundong hamak
Ang mangingibabaw sa kunoy lehitimo. Ako ang tutubo;
Ako ang lalago. O Diyoses itaguyod ang mga bastardo!

H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 12
Papasok ang Duke ng Gloster. Magbabasa ng isang liham si Edmundo.

GLOSTER
Si Kent, pinalayas; si Pransya, umalis nang masama ang loob,
At ang Hari, lumisan ngayong gabi, ipinasa ang kapangyarihan,
At hari sa bansag na lamang at lahat ng ito, nangyari
Sa iisang iglap? Edmundo, kumusta na? Ano'ng balita?
EDMUNDO. Ay, poon, wala po, walang-wala.
GLOSTER. Bakit dali-daling binubulsa ang liham na iyan?
EDMUNDO. Wala 'kong alam na balita, poon.
GLOSTER. Anong papel 'yang binabasa mo?
EDMUNDO. Aba'y wala po, poon.
GLOSTER. Wala? E bakit katakot-takot na tulin para ibulsa ang papel, aber? Ay kung wala lang, bakit
pa magtatago? Ipakita mo. Halina, kung wala lang, 'di ko na kailangan pang magsalamin.
EDMUNDO. Samo ko, senyor, patawarin ako. Isa 'tong liham galing sa 'king kapatid na 'di ko pa
natatapos basahin; at sa kaunting nasilip na, hindi yata babagay sa inyong mga mata.
GLOSTER. Iabot ang liham, senyor.
EDMUNDO. Makapipinsala, itago man o iabot. Sapagkat ang nilalaman, hangga't sa kaya kong
maintindihan, ay sadyang nakababahala.
GLOSTER. Aba'y pakita na, pakita.
EDMUNDO. Sana, upang makatuwiranan ang ginawa ng kapatid, ay sinulat 'yan upang subukan o tikman
ang aking kabutihan.

Iaabot niya kay Gloster ang liham.

GLOSTER (magbabasa). 'Pinapapait para sa ting kabataan ang mundo nitong kapangyarihan at paggalang sa
edad, ipinagkakait sa 'tin ang yaman hangga't sa tayo'y tumanda nang labis upang malasap
pa'ng angkin nitong linamnam. May namamalas na 'kong malamyat dungong pagkaaliping
dinudulot ng pagmamalupit ng matandang tiranya, na nakapangyayari hindi dahil malakas,
kundi'y dahil pinagtitiisan lamang. Dumalaw ka sa 'kin, nang mapag-usapan pa natin 'tong
lalo. Kung si ama'y matulog hangga't sa gisingin ko siya, mapagpapasasaan mo'ng kalahati ng
yaman niya magpakailanman, at mabuhay nang malapit sa puso ng 'yong kaputol,
Edgar.'
Ano sabwatan! 'Matulog hangga't sa gisingin ko siya, mapagpapasasaan mo'ng kalahati ng yaman
niya' ang anak kong si Edgardo! May kamay ba siyang makasusulat nito, puso at isipan kung saan
ito makapamumugad? Pa'no nadatnan ito? Sino'ng nagpadala?
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 13
EDMUNDO. Hindi pinadala sa 'kin, poon ko, at 'yon nga'ng katusuan don. Nahanap ko lang na initsa sa
bintana ng aking kuwarto.
GLOSTER. Natitiyak mong sulat-kamay 'to ng kapatid mo?
EDMUNDO. Kung maganda'ng sinasabi'y sa kanya nga 'yan poon; ngunit dahil ganyan, iniisip kong hindi.
GLOSTER. Abay sa kanya nga.
EDMUNDO. Kamay nga niya, poon ko, ngunit sana'y hiwalay sa sinasabi ang puso.
GLOSTER. Hindi ka pa niya napariringgan noon patungkol dito?
EDMUNDO. Hindi pa ho, poon. Ngunit narinig ko na noong ipagsabi, na dapat, 'pag nasa wastong gulang
na'ng mga anak, at ang ama nila'y nanghihina na, kailangang magpailalim ang ama sa anak, at anak
na'ng mag-alaga sa yaman niya.
GLOSTER. Ay tampalasan, tampalasan iyon nga'ng panukala sa liham! Kasuklam-suklam na
tampalasan, baliko, kasula-sulasok, bulastog na tampalasan mas masaklap pa sa walang-galang!
Hayo, amang, hanapin mo siya. Ipakukulong ko. Kasuklam-suklam na tampalasan! Nasa'n siya?
EDMUNDO. Hindi ko po alam, poon ko. Kung maaari'y awatin muna'ng muhi ukol sa 'king kapatid
hangga't makuha mismo sa kanya ang nilalaman ng loob; sa gayo'y malilinawan ang dapat ni'yong
gawin. Kung dumaluhong sa kanya nang mali ang hinala, ikasisira ng inyong dangal at wawasak sa
puso ng kanyang pagtalima. Ipupusta ko ang aking buhay na sinulat niya lamang 'to para alamin ang
aking palagay hinggil sa inyo, at walang pahamak na binabalak.
GLOSTER. Gayon ba'ng tingin mo?
EDMUNDO. Kung marapatin ng inyong katarungan, ipupuwesto ko kayo kung sa'n puwede ni'yo kaming
tiktikan, nang masubukan siya, at sa bisa ng pandinig ay masulit ang inyong paghihinala. Ngayong
gabi rin ay maaari na itong isagawa.
GLOSTER. Imposible ngang gano'n siya kahalimaw. Edmundo, hanapin mo siya, ipagkanulo mo ko sa
kanya, samo ko. Gawin ang pakana batay sa sarili mong wisyo. Kaya kong ipamigay ang lahat ng
yaman ko, makatiyak lamang tungkol dito.
EDMUNDO. Hahanapin ko siya, senyor, ora mismo, isasakatuparan ang plano, at ipaaalam sa 'yo ang
pakana.
GLOSTER. Itong mga nagdaang eklipse ng araw at buwan ay pawang babala sa 'ting lahat.
Ipangatuwiran man ito ng kalikasang dahil ditoyon o dahil diyan, nawiwindang pa rin ito sa mga
kahambal-hambal na kinalalabasan. Nanlalamig ang pagmamahal, nanghihina ang pagkakaibigan,
naghihiwalay ang magkakapatid; sa bayan, himagsikan; sa kaharian, kaguluhan; sa mga palasyo,
pagtataksil; at ang ugnayan ng ama sa anak, sadyang nakikitil. Umaayon itong tampalasan ko sa hula:
'yan nga'ng anak laban sa ama. Lumilihis sa tamang landas ang Hari: 'yan naman ang ama laban sa
anak. Ay, lipas na'ng pinakamagandang panahon sa 'ting edad. Sabwatan, kahungkagan, kataksilan,
at mapangwasak na kaguluhan ang bubulahaw sa 'tin hanggang kamatayan. Hanapin ang tampalasan,
Edmundo; walang mawawala sa 'yo. Mag-ingat. At ang maharlika't taos-pusong si Kent, pinalayas;
ang kasalanan niya katapatan! Ay, kagulumihanan!
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 14

Lalabas.

EDMUNDO. Ito ang dakilang katangahan ng mundo: kapag sumasam ang ating kapalaran dahil sa
sarili nating mga kalabisan sinisisi natin ang mga sakuna ng araw, buwan, at bituin, na para bang
tayo'y pinanganak na masasamang-loob; mga tanga dahil sa utos ng langit; mga timang,
magnanakaw, mandaraya dahil sa pagsikat ng tala; lasenggo, sinungaling, mapang-apid dahil dapat
sundin ang kumpas ng mga planeta, at bawat kabuktutan natin ay dulot ng pagbudlong at daluhong
ng banal. Napakahusay na pagmamalinis ng taong mahilig magputa, at isisi sa mga bituin ang may-
sa-kambing niyang kalibugan! Kinana ng ama ko ang aking ina sa ilalim ng buntot ng Dragon, at
ako'y sinilang sa ilalim ng Ursa Mayor dahil do'n, dapat daw akong maging salbahe at malibog.
Katarantaduhan! Magkakagayon pa rin ako, kumuti-kutitap man sa langit ang pinakadalisay na
bituin nang ako'y binuong bastardo.

Papasok si Edgardo.

Aba, hayan siyang dumarating, parang problema sa matatandang palabas sa entablado. At papel ko
ang salbaheng mapanglaw, bumubuntong-hiningang gaya ni Tom ng Bedlam.

[Magbabasa ng libro]

Ay, ang mga eklipseng ito, nagbababala ng mga hidwaan. Fa, so, la, mi.
EDGARDO. Ano, kapatid na Edmundo, bakit ang lalim ng pagmumuni-muni?
EDMUNDO. Pinagbubulay-bulayan ko, kapatid, ang hulang nabasa ko nung isang araw, tungkol sa
kalalabasan nitong mga eklipse.
EDGARDO. Pinagkakaabalahan pala ang ganyang mga bagay?
EDMUNDO. Sinasabi ko, ang sasaklap ng mga inuulat niyang mangyayari. Kailan huling nakita si Ama?
EDGARDO. Kagabi lamang.
EDMUNDO. Nakausap ba siya?
EDGARDO. Oo, mga dalawang oras din.
EDMUNDO. Naghiwalay ba nang may palagayang-loob? Wala bang napansin sa kanyang galit, sa salita
man o disposisyon?
EDGARDO. Aba'y walang-wala.
EDMUNDO. Isipin kung paano mo maaaring napasama ang loob, at samo ko'y lumayo-layo sa kanyang
harapan hangga't manlamig nang unti ang kanyang ulo, na sa ngayo'y nagbabagang talaga, at di-
mababatang makita ka.
EDGARDO. Naku, siniraan ako ng isang tampalasan.
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 15
EDMUNDO. 'Yan nga'ng takot ko. Pakiusap, maghinahon muna'ng pag-aasal hangga't bumagal-bagal na
ang padalus-dalos niyang poot. Sinasabi ko, masok muna sa 'king silid, at dadalhin ko ro'n si Ama
upang marinig mong mangusap. Samo ko, sulong. Heto'ng susi ko. Kung gagala man sa labas,
siguruhing armado ka.
EDGARDO. Armado, kapatid?
EDMUNDO. Kuya, mabuti'ng payo ko. Ituring akong lilo, kung maganda nga'ng pakay niya sa 'yo.
Sinasabi lamang ang nasaksihan at narinig, ngunit bahagya lamang 'to di-makukumpara sa tunay
na larawan at angking rimarim niyon. Samo ko, umalis ka na.
EDGARDO. Makaririnig ba sa 'yong agad?
EDMUNDO. Kakampi mo ako sa sigalot na ito.

Lalabas si Edgardo.

Amang paniwalain, at marangal na kapatid,
Na dahil malayo'ng pagkatao sa gawang-manliloy
'Di makapaghihinala ng ganoon; at sa gayong
Tunggak na katapatan, mapadadaling lubha ang aking
Katampalasanan. Talino ang ipangkakamkam sa lupa.
Listo'ng lahat sa 'king maikakasangkapan sa pakana.

Lalabas.


1.3 Papasok sina Goneril at Oswaldo, ang kanyang mayordomo.

GONERIL
Tinampal ba ang aking tauhan
Dahil pinagalitan ang kanyang lukayo?
OSWALDO. Siyanga, senyora.
GONERIL
Umaga't gabi niya 'kong pinapahamak. Bawat sandali'y
Nagdudumali sa mga kasuklam-suklam na krimeng
Nangwiwindang sa 'ting lahat. 'Di ko na matiis.
Nagiging mga basag-ulero'ng mga kabalyero niya,
At kinagagalitan tayo sa bawat maliliit na bagay.
Pag-uwi mula sa pangangaso, hindi ko kakausapin.
Sabihin mong may-sakit ako. Kung magpakabatugan kayo,
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 16
Magiging mahusay ang gawa ni'yo. Ako'ng mananagot.

[Pakakak mula sa labas]

OSWALDO. Naririnig kong parating, senyora.
GONERIL
Magtamad-tamaran ka hangga't sa ibig,
Ikaw at mga kasamahan mo. Hayaang pag-usapan 'yon.
Kung ikagalit n'ya, hayaan s'yang tumakbo sa kapatid ko.
Patungkol d'yan ay magkapareho ang aming isip.
Tandaan ang utos ko.
OSWALDO. 'Di lilingat, senyora.
GONERIL
At ginawan ang pagturing sa kanyang mga kabalyero.
Anumang idulot ni'yon ay bahala na. Sabihan din
Ang mga katrabaho. Agad kong susulatan ang aking kapatid.
Ihanda ang hapunan.

Magsisilabasan sa magkakaibang direksiyon.


1.4 Papasok ang Konde ng Kent, nakabalatkayo.

KENT
Kung ako'y hihiram ng ibang punto
Upang baguhin ang tunog ng aking pananalita,
Maaabot ang mabuting binabalak ko, na dahilan
Kaya't nagpalit ng itsura. Ngayon, Kent na pinalayas,
Kung makapaglingkod ka kung saan ika'y nakundena,
Baka ikalugod ng mahal mong amo
Ang sukdol mong pagsusumikap.

Pakakak mula sa labas. Papasok si Haring Lir at mga kasama sa pangangaso.

LIR. 'Wag akong pahintayin, isang saglit man, sa hapunan. Ihanda nang agad.

[May isang lalabas.]
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 17

(Kay Kent) Hoy, ikaw, ano ka?
KENT. Isang tao po.
LIR. Ano'ng silbi mo? May gusto ka ba sa 'min?
KENT. Silbi ko'y di-bababa sa 'king pinapakita, at 'yon ay magsilbi sa kanyang magtitiwala sa 'kin, manalig sa
sinumang tapat, makipag-usap sa sinumang marunong at di-madakdak, matakot sa paghuhukom,
lumaban sa di-maiiwasang hamon, at umiwas sa pagkain ng isda.
LIR. E, ano ka nga ba?
KENT. Isang taong tapat, at sindukha ng Hari.
LIR. Kung dukha kang alagad ng kasindukha mong hari, aba'y napakadukha mo nga. Ano'ng balak mo?
KENT. Maglingkod.
LIR. Kanino?
KENT. Sa inyo.
LIR. Kilala mo ba 'ko, amang?
KENT. Hindi po, senyor, pero taglay ng inyong itsura ang kung-anong matatawag kong amo.
LIR. At ano 'yon?
KENT. Kapangyarihan.
LIR. Ano'ng kaya mong gawin?
KENT. Magpayo nang wasto, mangabayo, tumakbo, manira ng magandang kuwento sa pagkukuwento nang
bano, at magdala ng tahas na balita sa paraang diretsahan. Anumang kayang gawin ng ordinaryong
tao'y kayang-kaya ko; ang pinakamaigi sa 'kin ay kaalistuhan.
LIR. Ilang taon ka ba?
KENT. Hindi g'nong bata, senyor, para umibig sa babae porke mahusay kumanta, o g'nong katanda para
umibig sa kanya dahil lang sa wala. Pasan na ng likod ko ang apatnapu't walong taon.
LIR. Sumunod sa akin. Maglingkod. Kung 'di pa 'ko naaasiwa sa 'yo pagkatapos maghapunan, 'di pa kita
palalayasin. Hapunan hoy hapunan sabi! Nasa'n ang hangal ko, ang lukayo? Hayo't paparituhin
ang aking lukayo. [May isang lalabas.]

Papasok si Oswaldo, ang mayordomo.

Ikaw, ikaw, amang, nasa'n ang anak ko?
OSWALD. Paumanhin na muna

Lalabas.

LIR. Tingnan mo nga naman ang gagong 'yon. Pabalikin mo nga 'yang tarantado.

H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 18
Lalabas ang isang kabalyero.

Nasa'n ang lukayo ko? Aba natutulog ba'ng buong mundo?

Papasok ang Kabalyero.

Ano na? Nasa'n ang asong-kalyeng yon?
KABALYERO. Sabi niya, poon, masama raw ang pakiramdam ng iha ni'yo.
LIR. Bakit hindi bumalik ang busabos nang tawagin ko?
KABALYERO. Aba'y napakaprangka ng sagot: dahil daw ayaw niya.
LIR. Ayaw niya?
KABALYERO. Poon ko, aywan ko lang kung ano'ng nangyayari, pero sa 'king palagay, parang hindi yata
inaayos ang pakikitungo sa inyong Kamahalan; wala ang seremonyang dati'y inuukol s'enyo. Parang
nagpapabaya ang lahat, mula sa mga utusan, hanggang sa Duke, at sa anak ni'yo mismo.
LIR. Ano, 'yon ba'ng tingin mo?
KABALYERO. Pasintabi, poon ko, kung mali ako, pero hindi puwedeng magwalang-imik ang aking
paglilingkod, lalo't nakikitang binabale-wala ang inyong Kamahalan.
LIR. Pinaaalala mo lang sa kin ang dati nang nasa isip ko. Nakapansin nga ako ng pagpapabaya nitong
huli, na inakala ko datiy dulot lamang ng likas kong pagkaseloso kaysa sadyang pagpapakita ng
pagmamaltrato. Iimbestigahan ko pa. Pero sa'n na'ng lukayo ko? Dal'wang araw ko nang hindi
nakikita.
KABALYERO. Mula nung umalis pa-Pransya'ng senyorita ko, parang naging mailap ang lukayo ni'yo.
LIR. Tama na, tama na napansin ko nga. Hayo't sabihan ang aking anak na kakausapin ko siya. [May
isang lalabas.] Sulong, paparituhin ang aking lukayo. [May isa pang lalabas.]

Papasok si Oswaldo, ang mayordomo [at tatawid ng entablado.]

Aba, ikaw, senyor, lumapit ka nga rito, senyor. Sino ba 'ko, senyor?
OSWALDO. Ang ama ng senyora ko.
LIR. Ama ng senyora mo? Hangal kamo ng senyor, tutang anak ng puta, busabos, aso!
OSWALDO. Hindi ako alinman sa mga nasabi ni'yo, poon, patawad.
LIR. Iniirap-irapan mo na 'ko ngayon, timang?

[Tatampalin siya ni Lir.]

OSWALDO. Hindi ako pasasampal, senyor.
KENT [papatirin siya]. Ni magpapapatid, kulelat na putbolista.
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 19
LIR (kay Kent). Salamat, kaibigan. Maglingkod ka nga sa 'kin, at mamahalin kita.
KENT (kay Oswaldo). Halika, senyor, tay, layas. Tuturuan kitang magbigay-galang. Sige na, sige. Kung
mapapahandusay ka uli riyang parang timang, sige pa; alis na, alis na. May utak ka ba? Sige na.

Lalabas si Oswaldo.

LIR. Aba naman, kaibigan, salamat sa 'yo.

Papasok ang Lukayo ni Lir.

Heto'ng bayad sa 'yong serbisyo.

Iaabot niya ang pera kay Kent.

LUKAYO. Uupahan ko rin siya. (Kay Kent.) Heto'ng sumbrerong-payaso ko.
LIR. Kumusta na, mutyang timang, kumusta na?
LUKAYO (kay Kent). Amang, buti pang kunin mo na'ng sumbrerong-payaso ko.
LIR. Aba bakit, iho?
LUKAYO. Bakit? Dahil walang-wala sa lugar ang kinuha mong puwesto. (Kay Kent) At kung 'di mo
kayang ngumiti habang humahagupit ang hangin, naku, ika'y sisipunin. Hayan, kunin ang
sumbrerong-payaso ko. Aba, ang taong 'to, pinalayas ang dal'wang anak niya, at binayayaan nang
labag-sa-loob ang ikatlo. Kung susundan mo siya, kakailanganin mong magsuot ng sumbrerong-
payaso. (Kay Lir.) Kumusta ka na, tiyuhin? Sana'y dalawa na lang ang sumbrerong-payaso ko, at
nagkaron din ng dalawang anak.
LIR. Bakit, totoy?
LUKAYO. Kung ipamigay ko sa kanila'ng lahat ng pagmamay-ari ko, may dalawang sumbrerong-
payaso pa rin ako. Heto'ng sa 'kin; manlimos ng isa pa sa mga anak mo.
LIR. Ay, mag-ingat ka, amang ang latigo.
LUKAYO. Ang katotohanan, parang asong bulugan sa kulungan. Kailangang latiguhin 'pag dumating
ang asong inahin sa may apoy do'n niya hilig umumpok at mangamoy.
LIR. Ay, buwisit na salot kang kumapit sa 'kin!
LUKAYO [Kay Kent]. Amang, tuturuan kita ng isang tula.
LIR. A, sige.
LUKAYO. Pakinggan mo 'to, tiyuhin:

'Wag ubusin ang dinero,
'Wag ipagyabang ang talino,
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 20
'Wag laging lakuwatsero,
'Wag purulin ang ulo.
'Wag magputa at maglasing
Sa bahay ka na lang mangilin
At 'pag tipid sa gastusin,
Ipon mo'y mumucho rin.

KENT. Walang-wala naman 'yan, loko.
LUKAYO. E 'di parang hininga ng abogadong 'di pa nasusuwelduhan: wala kang inabot sa 'kin para
rito. (Kay Lir.) Mapapakinabangan ba ang wala, tiyuhin?
LIR. Aba, hindi, totoy. Walang magagawa sa wala.
LUKAYO (kay Kent). Naku, sabihin mo sa kanya, gano'n din ang presyo ng kanyang lupa. Hindi kasi 'yan
maniniwala 'pag ang magsabi n'un ay lukayo.
LIR. Ay, mapait na lukayo.
LUKAYO. Totoy, alam mo ba'ng pinagkaiba ng lukayong mapait sa lukayong matamis?
LIR. Hindi, amang. Ituro mo sa 'kin.
LUKAYO. Tiyuhin, bigyan mo 'ko ng itlog, at bibigyan kita ng dal'wang korona.
LIR. Ano namang dal'wang korona yon?
LUKAYO. Aba, pagkatapos kong hiwain sa gitna ang itlog at kainin ang laman niyon iyon ang
dal'wang korona ng itlog. Kapag kunin mo'ng korona pagkahati sa itlog, at ibigay ang mga laman
niyon, para kang nagkarga ng asno at naglakad sa putikan. Napakakonti ng wisyo sa kalbong korona
mo, nang ipinamigay mo'ng korona mong ginto. Kung tingin ni'yo'y tunggak ang sinabi ko, aba'y
latiguhin ang mag-iisip na tunggak iyon. [Kakanta.]

Walang-wala nang silbi ang mga lukayo,
Dahil amo na nila ang nagtatanga-tangahan,
At 'di na marunong gumamit ng talino,
Kabobohan ng lukayo'ng pinamamarisan.

LIR. Kailan ka pa naging puno ng mga kanta, amang?
LUKAYO. Natutuhan ko 'yan, tiyuhin, mula nang ginawa mong ina mo ang 'yong mga anak; dahil nang
ibigay mo sa kanila'ng pamalo at naghubad ka ng pantalon, [Kakanta]

Biglang umiyak dahil sa tuwa,
At kumanta dahil sa lungkot,
Nang ang Hari'y nag-asal bata,
At naging hangal at bugnot.
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 21

Naku, tiyuhin, umarkila ka ng maestrong magtuturo sa lukayo mong magsinungaling. Gustong-
gusto kong matutong magsinungaling.
LIR. Aba'y kung magsinungaling ka, amang, palalatigo kita.
LUKAYO. Namamangha ako't kauring-kauri mo ang iyong mga anak. Pinalalatigo nila 'ko 'pag
magwika ng totoo, pinalalatigo pa rin kapag nagsisinungaling, at minsan, pinalalatigo dahil walang-
iniimik. Mas gugustuhin ko pang maging ibang bagay kaysa lukayo; pero hinding-hindi ko pa ring
gugustuhing maging gaya mo, tiyuhin. Pinamigay mo na'ng kapuwa pisngi ng iyong talino, at wala
ka man lang tinira sa may gitna.

Papasok si Goneril.

Hetong parating ang isang hiwa niyon.
LIR.
Kumusta ka, anak? Ano't kunot ang iyong noo?
Nitong huli'y panay ka na lang simangot.
LUKAYO. Ang ganda mong tao noon, nang wala ka pang takot sa kanyang pagsisimangot. Ngayon, isa
ka na lang numerong bilog na walang halaga. Mas lamang na 'ko sa 'yo ngayon. Ako kasi, tanga.
Ikaw, walang-wala. [Kay Goneril.] Oo na, oo na, aawatin ko na ang aking dila. 'Yan ang utos sa 'kin
ng mukha mo, kahit wala ka pang sabihin. [Kakanta.]

Tumahi-tahimik ka,
'Pag ibigay ang tira-tira, porket sawa ka na,
Abay magsisisi ka, kapag gutom ka na.

Alam mo kung ano 'yan? Balat na tinanggalan ng tinalupan.
GONERIL (kay Lir)
Senyor, hindi lamang itong lukayong malayang tumaltal,
Kundi pati ang iba ni'yo pang kasamahan
Ang ora-oradang nag-iingay at naghaharutan,
At nagpapasabog ng di-masisikmurang pagbabasag-ulo.
Senyor, akala ko noon, kapag ipabatid ko ito sa inyo'y
Makahahanap ako ng lunas subalit, kinakabahan na lamang,
Dahil na rin sa dati ni'yong sinabi at inasal,
Na sa halip na suwayin ay inyo pang kukunsintihin.
At kapag gawin, hindi puwedeng palampasing pagkakamali,
Kailangan 'tong parusahan alang-alang sa kapayapaan ng bayan,
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 22
Ngunit walang-duda'y ikasasama ni'yo lamang ng loob,
Maski na sa usapin ng pag-aagapay sa suliranin
Ay talagang wasto't angkop itong hakbangin.
LUKAYO (Kay Lir). Dahil alam mo naman, tito,

[Kakanta.] Pinakain ng maya ang sisiw ng kuku,
Hanggang kainin niya pati ang kanyang ulo;
Nahipan ang kandila at panay dilim na lang.

LIR (kay Goneril). Ikaw ba ang anak namin?
GONERIL
Sana'y gamitin ni'yo ang husto ni'yong wisyo,
Na alam kong nag-uumapaw sa inyo, at ipalis
Ang sumpong, na nitong huli'y nagpapabago sa inyo,
Inilalayo kayo sa dapat ni'yong inaasal.
LUKAYO. 'Di ba puwedeng malaman ng asno kapag hinahatak ng karwahe'ng kabayo? [Kakanta.]
'Aguy, aguy naman, ate! Mahal naman kita, e!'
LIR
May nakakikila pa ba sa 'kin? Hindi na 'ko si Lir.
Gan'to ba maglakad si Lir? Gan'to magwika? Sa'n ang mga mata niya?
Bumibigay na yata ang utak, ang pang-unawa,
Nanghihina anong ulirat? Wala na, wala na.
Sino'ng makapagsasabi kung sino ako?
LUKAYO. Ang anino ni Lir.
LIR (kay Goneril). Ano'ng pangalan mo, paraluman?
GONERIL
Ang pagkakapatda mo, senyor, ay kauri
Ng iba ni'yo pang kalokohan. Sinasamo ko,
Unawain ang aking pakiusap, yamang kayo'y may-edad,
Kagalang-galang, kaya't dapat ding marunong.
Isang daang kabalyero't eskudero'ng inuupahan ni'yo,
Mga lalaking walang-modo, mapagpasasa't puno ng yabang
Na nagsasaboy rito sa ating korte ng kabastusan,
Kaya't nagmimistula nang taberna rito. Panay sarap ng laman
Ang inaatupag, kaya't nagmumukha tong painuman,
Nagmumukhang putahan kaysa palasyo.
Humihinging-agarang lunas ang suliraning ito.
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 23
Kaya't ako'y nagmamakaawa bagaman may-karapatang
Magpalayas nang di-nagpapaalam pa na bawasan ni'yo
Ang inyong mga tauhan, at itira lamang dito
Ang aangkop sa inyong edad, at may wastong pagkilala
Sa kanilang kapuwa, at sa inyong kataasan.
LIR. Karimlan at mga diyablo!
Asikasuhin ang mga kabayo ko, itipon ang hukbo!

[Lalabas ang isa o dalawa]

Walang-hiyang bastarda! Hindi na kita aabalahin pa.
May isa pa naman akong anak na natitira.
GONERIL
Pinagbubuhatan mo ng kamay ang mga katulong ko,
At inaalipin ng mga tauhan mo'ng dapat nilang ituring na amo.

Papasok ang Duke ng Albanya.

LIR
Aba sa huli nang magsisi!
Ito ba'ng loob mo? Mangusap, senyor. Ihanda'ng kabayo ko.

[May isa o higit pang lalabas]

Kawalang-utang na loob malignong may-pusong marmol,
Mas masahol ka pa kaysa halimaw ng dagat
Kapag lumitaw sa wangis ng anak
ALBANYA. Pakiusap, senyor, maghunus-dili.
LIR (kay Goneril). Buwitreng kasuklam-suklam, sinungaling ka.
Soldados ko'y pawang mga ombreng piling-pili,
Maalam sa kanilang tungkulin,
At maingat na maingat sa pagkandili sa kapurihan
Ng kanilang pangalan. Ay, kakamunting kapintasan,
Bakit nagkunwang halimaw kay Kordelya,
At parang mkinang hinatak ang aking diwa
Sa dapat nitong paghulugan, hinigop sa puso ko
Ang bawat patak ng pagmamahal at binuhos do'y apdo na lamang!
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 24
Ay, Lir, Lir, Lir! Kumalampag nang padabog sa tarangkahang
Nagpatuloy sa kahibangan, at nagpalayas sa katuwiran. Tara na, mga katoto!
ALBANYA
Poon, ako'y inosente, gayong walang-muwang
Sa kung-ano'ng nagpaningas sa inyo.
LIR. Maaari nga, poon ko.
Makinig, Kalikasan, makinig, makinig, Bathaluman:
Talikuran ang pakay kung balak mong
Gawing sagana ang nilalang na ito.
Pasakan ng kabaugan ang kanyang sinapupunan.
Darangin ang mga bahagi ng pagpaparami,
At 'wag tulutang umusbong sa kadiri niyang katawan
Ang isang supling na magmamahal sa kanya. Kung siya'y
Magbunga, hayaan 'tong maging supling ng apdo,
Sanggol na baliko, upang maging bangungot niya,
Maging sanhi ng mga kulubot sa mura niyang noo't
Magbungkal ng uka sa pisngi ang di-maampat na bukal ng mata,
At gawing panlilibak at pagkakapoot ang bawat
Malasakit at ligayang laan sa bawat ina, nang maramdaman niya
Kung gaanong mas matalas sa pangil ng ahas
Ang magkaro'n ng anak na walang utang-na-loob. Tara na!

Lalabas sina Lir, [Kent, at mga kasama]

ALBANYA
Aba, mga bathalang sinasamba namin, bakit nagkaganito?
GONERIL
'Wag nang magpakasakit pang malaman,
At hayaan ang hagupit ng kanyang galit
Batay sa sumpong ng kanyang gulang.

Papasok si Haring Lir.

LIR
Ano, limampung tauhan, sa iisang iglap lamang?
Sa loob ng dadal'wang linggo?

H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 25
ALBANYA
Ano'ng problema, senyor?
LIR
Sasabihin ko sa 'yo. (Kay Goneril.) Buhay at kamatayan! Kinahihiya kot
May kapangyarihan kang giyagisin ang aking pagkalalaki,
Na kusang nagpapabalong ng nagkukulong luha
Dahil lamang sa iyo. As at salot sana'ng sumakal sa 'yo!
Mga sumpa ng ama nawang gumalos sa yong pandama
Ng mga iwang walang-katapusan ang lalim! Mga kawawang mata,
Lumuha pang muli, at hahablutin na kita't itatapon,
Sampu ng mga pinaaagos mong tubig, upang lumad
Ay malusaw at magsaputik! Ay! Bahala na.
May isa pa naman akong anak, na tiyak ako'y
Maamo at maalaga. Kapat mabalitaan niya ito,
Ipangwawarak niya'ng mga kuko niya sa halimaw mong mukha.
Sinasabi ko sa 'yo, mkikita mong manumbalik
Ang dating dingal ko, na akala mo'y hinubad ko na
Nang panghabang-panahon.

Lalabas.

GONERIL
Narinig mo ba 'yon?
ALBANYA
Hindi ko kayang pumanig, Goneril,
Sa dakilang pagmamahal ko sa 'yo
GONERIL
Aba'y tama na 'yan. Hoy, Oswaldo!
Ikaw, mas tarantado kaysa payaso sundan ang amo mo.
LUKAYO. Tiyo Lir, tiyo Lir, teka, hintayin ang lukayo.
'Pag ang soro'y makahuli
Ng ihang bali-bali,
Tiyak ibibigti,
Dali-daling madadali,
At ako'ng sunod na mayayari. Lalabas.
GONERIL
Maganda namang payo'ng natikman niya isang daang kabalyero?
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 26
Aba'y wasto't ligtas ngang pabayaan siyang
Magkaro'n ng isang daang kabalyero. At bawat luho,
Bawat pagkaloko, bawat kapritso, bawat reklamo'y
Sasamahan ng laksa-laksang kapangyarihan,
At maduruwag na lamang tayong lahat. Oswaldo, sabi na!
ALBANYA
Sobra-sobra'ng pangamba mo.
GONERIL
Nag-iingat lamang ako.
Hayaang itaboy ko ang mga kinatatakutang panganib,
Kaysa matakot sa panganib na tataboy sa akin.
Alam ko'ng puso niya. Nakapagsumbong na ko sa 'king ermana.
Kung tanggapin niya siya at ang sandaan niyang kabalyero,
Gayong naipakita na ang dala-dala niyong perhuwisyo

Papasok si Oswaldo, ang mayordomo.

Oswaldo, kumusta na?
Nasulat na ba'ng liham para sa aking kapatid?
OSWALD. Opo, senyora.
GONERIL
Magsama ka ng ilan, at mangabayo agad.
Ipaalam sa kanyang ganap ang aking kinatatakutan,
At mag-ambag do'n ng sariling mga dahilan
Nang madagdagan ang bisa. Humayo ka na,
At umuwi ka agad-agad.

Lalabas si Oswaldo.

'Wag, 'wag, poon ko,
Itong malagatas mong pagkaamo at gawi
Ay hindi ko naman sinusuway. Ngunit aaminin ko,
Mas mapupuna kang kulang sa karunungan
Kaysa mapupuring labis sa kabaitan.
ALBANYA
Kung ga'no kalayo'ng nasisipat ng mata'y aywan ko pa.
Ngunit sa lubhang paglulunas, nasisira ang maayos naman pala.
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 27
GONERIL. Aba'y subalit
ALBANYA. Naku, tingnan na lamang natin.

Magsisilabasan.


1.5 Papasok sina Haring Lir, ang Konde ng Kent na nakabalatkayo, ang Unang Maginoo, at ang Lukayo ni Lir.

LIR [sa Maginoo, aabutan siya ng liham]. Tumakbo ka patungo kay Gloster, isama'ng mga liham na 'to.
[Lalabas ang Unang Maginoo. Kay Kent, aabutan siya ng liham] Ipabatid sa aking anak ang mga
nangyari, nang di-lampas sa uusisain mula sa liham. Kung hindi ka magmamadali, baka maunahan pa
kita.
KENT. Hindi matutulog, poon ko, hanggang mapadala ang liham ni'yo. Lalabas.
LUKAYO. Kung nasa paa ng tao ang kanyang utak, puwede ba 'tong dapuan ng alipunga?
LIR. Siyanga, totoy.
LUKAYO. E 'di lumigaya ka, samo ko: hindi na mahuhubad ang talino mo.
LIR. Ha, ha, ha!
LUKAYO. Makikita mo, maganda'ng magiging trato sa 'yo ng iha mo, dahil malayo man siya sa kapatid,
gaya ng malayo'ng mansanas na pula sa mansanas na berde aba, kahit na, kitang-kita ko pa rin ang
puwedeng makita.
LIR. Ano'ng nakikita mo, iho?
LUKAYO. Magiging magkalasa sila, gaya ng mansanas na kalasa ang mansanas. Alam mo ba kung bakit
nasa gitna ng mukha ang ilong?
LIR. Hindi.
LUKAYO. Aba siyempre, para mapuwesto sa magkabilang panig ng ilong ang bawat mata, para kung
may hindi maamoy ang tao, puwede niyang makita.
LIR. Nagkasala ako sa kanya.
LUKAYO. Alam mo ba kung pa'no nagagawa ng talaba ang kontsa niya?
LIR. Hindi.
LUKAYO. Ako rin; pero kaya kong sabihin kung ba't may bahay ang kuhol.
LIR. Bakit?
LUKAYO. Aba siyempre, para may ipansilong sa ulo niya, at hindi para ipamigay sa kanyang mga anak
at bayaang walang-takip ang kanyang mga sungay.
LIR.
Makakalimot ako sa sarili. Pagkabait na ama!
Handa na ba'ng mga kabayo ko?
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 28
LUKAYO. Inaasikaso na ng mga asno mo. Ang dahilan kung bakit ang pitong bituin ay di-higit sa
pito'y isang magandang dahilan.
LIR. Dahil hindi walo.
LUKAYO. Siyanga, tumpak! Magiging bali-bali kang lukayo.
LIR
Babawiin kong muli halimaw na kawalang-utang-na-loob!
LUKAYO. Kung ikaw maging lukayo ko, tiyo, ipabubugbog kita, dahil tumanda kang wala sa panahon.
LIR. Papa'no 'yon?
LUKAYO. 'Di ka pa dapat tumanda bago magkawisyo.
LIR
Ay, ayokong mabaliw, ayokong mabaliw, o langit!
Panatalihin ang aking ulirat. Ayokong mabaliw.

[Papasok ang Unang Maginoo.]

Ano na kumusta'ng mga kabayo ko?
UNANG MAGINOO. Handa na, poon ko.
LIR (sa Lukayo). Halina, totoy.

[Magsisilabasan sina Lir at ang Maginoo.]

LUKAYO
Ang dalaga ngayong natatawa sa 'king paglisan,
Mawawalan ng kadalagahan liban kung ako'y maputulan.

Magsisilabasan.








H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 29
IKALAWANG YUGTO

2.1. Papasok sina Edmundo at Kuran mula sa magkaibang dako.

EDMUNDO. Iligtas ka ng Diyos, Kuran.
KURAN. Ikaw rin, senyor. Nakasama ko'ng ama mo at sinabi sa kanyang paparating ang Duke ng
Kornwalyes kasama si Regang dukesa ngayong gabi.
EDMUNDO. At bakit daw?
KURAN. Hindi ko nababatid. Nakarinig ba ng balita galing sa labas? Ibig kong sabihin, iyong mga
pinagbubulung-bulungan, mga usapang dumadampi-dampi sa mga taynga.
EDMUNDO. Hindi pa; samo ko, sabihin mo.
KURAN. Hindi pa nababalitaan ang maaaring pumutok na digmaan sa pagitan ng mga Duke ng
Kornwalyes at Albanya?
EDMUNDO. 'Di ko pa naririnig.
KURAN. Pues maririnig mo rin sa tamang panahon. Paalam na muna, senyor. Lalabas.
EDMUNDO
Paririto ang duke ngayong gabi! Mainam. Pagkainam-inam.
Kusang nakikibuhol sa hinahabi kong pakana.
Nagpatawag na si Ama ng mga tanod na dadakip kay Kuya,
At may isa pa 'kong maselang usaping dapat kong atupagin.
Pagdudumali at Kapalaran, ipamalas ang inyong bisa!
Kuya, isang salita lamang, bumaba ka; kuya! kuya!

Papasok si EDGARDO.

Nagmamanman ang aking ama: layas, layas na rito.
Napag-alaman na nila'ng pinagtataguan mo;
'Wag sayangin ang laang kubli ng gabing madilim.
May nasabi ka bang mapanira hinggil sa Duke ng Kornwalyes?
Papunta na siya rito, ngayong gabi, nagmamadali,
Kasama si Senyora Regan. Wala ka bang nasabi
Sa mga tauhan niya tungkol sa Duke ng Albanya?
Payuhan ang sarili.
EDGARDO. Nakatitiyak ako, ni isang kataga.
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 30
EDMUNDO
Naririnig ko nang paparating si Ama. Patawad ngunit
Bilang pagkukunwari, kailangan kitang bantaan ng espada.
Humugot, magkunwang naglalaban tayo. Maging listo ka.
(Sisigaw.) Sumuko na! Humarap kay ama! Ilaw, ilaw rito!
Sulong na, kaputol! Sulo, sulo! paalam, paalam.

Lalabas si Edgardo.

Kapag may dugong mabubo mula sa 'kin, baka isiping
Kagila-gilalas ang aking pakikipagsapalaran. (Susugatan ang sarili.)
Nakakita na 'ko ng mga lasenggong higit sa rito'ng kagaguhan.
Ama, ama! Saklolo! Wala bang tulong diyan?

Papasok si Gloster, kasama ang mga Aliping may dalang sulo.

GLOSTER. Aba, Edmundo, nasa'n ang salbahe?
EDMUNDO.
Tumayo siya r'yan sa dilim, hugt ang patalim,
Nagbubulong ng mga kulam, nagtatawag sa buwan
Upang maging diwata n'yang gabay.
GLOSTER. Ngunit nasa'n siya?
EDMUNDO. Tingnan, senyor, nagdurugo ako.
GLOSTER. Nasa'n ang tarantado, Edmundo?
EDMUNDO.
Tumakbo papunta ro'n, senyor, nang hindi niya magawang
GLOSTER. Habulin ni'yo! Dali, dali!

Magsisilabasan ang mga Alipin.

Hindi niya magawang ano?
EDMUNDO.
Buyuin akong paslangin kayo, poon,
Ngunit sinabi kong tinitipon ng mga naghihiganting diyos
Ang bawat kidlat upang haplitin ang mga mamatay-ama;
Winika ko kung ga'no kalakas at katatag ang ugnayan
Sa pagitan ng ama at anak. At bilang katapusan,
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 31
Gayong kita na niya kung ga'no akong kalabag
Sa hangarin niyang lisyang-lisya sa kalikasan,
Kanyang dinaluhong ang nakahandang tabak
Sa katawan kong hubad, kumapit sa 'king bisig,
At nang mamalas ang diwa kong nagngangalit
Sa bakbakan, pinagningas ng pakikipaglaban,
O dahil sa atungal na aking naipalahaw,
Ay umalis siyang agad na kumakaripas.
GLOSTER.
Layuan niya ang kanyang pagtakas.
Basta't nasa 'king lupain, tiyak na mabibitag;
At 'pag mahuli'y sa bitayan agad ang bagsak.
Ang dukeng poon ko, ang pinipintuho kong lakan,
Ay darating ngayong gabi. Sa kanyang tinig
Ay ipapahayag ko, na sinumang makahuli sa kanya
At magdadalang-parusa't gagantimpalaan nang mahal.
Sa magkukubli naman, kamatayan.
EDMUNDO
Nang tinangka kong ilayo sa masama n'yang pakay,
Bagaman nagpupumilit ngang wagas, tinungayaw ko siya't
Tinakot kong isiwalat siya sa lahat. Ngunit tumugon,
'Hampaslupang bastardo, inaakala mo baga,
Na kung makaharapan kita'y may maniniwala,
Magtitiwala, mag-uukol ng galang sa 'yong pag-uulat?
Wala lahat ng paratang mo'y ipagtatanggi ko
(Magpalitaw ka man ng matitibay na patunay,
Gaya ng aking sulat-kamay) at iikutin ko lahat
Upang lumabas na ikaw ang nagpakana at nanghikayat,
At balak mong pag-isahan at linlangin ang buong mundo.
Makikita nilang kamatayan ko ang nais mong pagkakitaan,
At siyang pinakalayon at hinog na diwang sumikad
Sa lisya mong gawa.'

Papasok sina Kornwalyes, Regan, at ayudantes.

KORNWALYES. Kumusta, maharlikang kaibigan? Mula nang dumating kami ngayon-ngayon
lamang, sinalubong na 'ko ng napakasamang mga balita.
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 32
REGAN.
Kung totoo, lubhang makupad ang higanti
Sa paghabol sa taong may-sala. Kumusta ka?
GLOSTER. Ay senyora, wasak na'ng matanda kong puso, wasak na wasak ngang talaga.
REGAN
Bakit, hinangad ka bang utasin ng inaanak ni Ama?
Siyang pinangalanan niyang Edgardo?
GLOSTER. Ay senyora, senyora, ililihim 'yan ng kahihiyan.
REGAN
Hindi ba't kabagang niya ang mga basag-ulerong kabalyero,
Na palaging kasama-kasama ng aking ama?
GLOSTER. Hindi ko alam, senyora; napakalupit, napakalupit.
EDMUNDO. Siyanga ho, senyora, kaulayaw niya ang mga 'yon.
REGAN
Pues 'di dapat ikagulat na naimpluwensiyahan siyang masama.
Sila pihado'ng nagsaksak ng ideyang utasin ang matanda,
Upang makisawsaw at mapakyaw ang kanyang pamana.
Ngayon-ngayon lamang ay nagpadala ang aking kapatid
Hinggil sa mga saragateng 'yan. At dahil sa mga babalang ito,
Kung sa bahay namin makikituloy ang mga buhong,
Tiyak na aalis na ko ro'n.
KORNWALYES
Aba'y ako rin, sumpa man, Regan.
Edmundo, balita ko'y nagpamalas ka sa 'yong ama
Ng mga gawang naaangkop sa isang anak.
EDMUNDO. Ito'y tungkulin ko lamang, senyor.
GLOSTER
Nakapagpakitang-gilas nga, at natamo tuloy
Itong sugat nang subuking suplungin ang kaaway.
KORNWALYES. Siya ba'y hinahabol na?
GLOSTER. Opo, butihing poon.
KORNWALYES
Kung mahuli, hindi na siya dapat katakutan pang
Makagawa ng pahamak. Gamitin sa 'yong pakay
Ang aking kapangyarihan. Sa 'yo naman, Edmundo,
Na may kahusayan at pagtalimang nag-uulat mismo
Ng iyong mga kapurihan, gagawin ka naming alagad;
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 33
Kailangang-kailangan namin ang mga taong maaasahan
Ikaw ang unang susunggaban.
EDMUNDO. Maglilingkod, senyor,
Nang tapat sa lahat-lahat.
GLOSTER. Alang-alang sa kanya, ako'y nagpapasalamat.
KORNWALYES. Hindi mo batid kung bakit kami napadalaw?
REGAN
Ngayon, sa dis-oras nitong gabing nababalot sa dilim?
Di kasi, dahil sa mga pangyayari, Gloster, na lubhang mahalaga
At kakailanganin namin ang matuwid mong pagpapayo.
Nagsulat ang ama ko, gayundin ang kapatid,
Hinggil sa pagkakaalit na mas nararapat, wari ko,
Aregluhin sa labas ng aming bahay. Ilang mensahero na'ng
Naghihintay ng mga tugon. Butihing matandang kaibigan,
Ipaghunos-dili muna'ng panliligalig ng iyong dibdib
At iukol sa 'min ang lubhang-kailangang pagpapayong
Nararapat nang maisagawa ngayon.
GLOSTER. Pinaglilingkuran kita, senyora;
Bukas na bukas ang aming pinto.

Magsisilabasan. Pakakak.


2.2 Papasok si Kent [na nakabalatkayo] at si Oswaldo, mula sa magkaibang dako.

OSWALDO. Maayang bukang-liwayway sa 'yo, kumpadre. Tagarito ba sa pamamahay na ito?
KENT. Oo.
OSWALDO. Sa'n namin puwedeng ipahinga ang mga kabayo?
KENT. Sa pusali.
OSWALDO. Samo ko, kung may pagtingin sa 'kin, ay sabihin.
KENT. Wala 'kong pagtingin sa 'yo.
OSWALDO. Pues, 'di na kita aabalahin pa.
KENT. Kung madakmal lang kita sa bugbugan ay mapagkakaabalahan nga kita.
OSWALDO. Bakit ganyan makitungo sa 'kin? Hindi kita kilala.
KENT. Pero amang, kilala kita.
OSWALDO. Aba'y ano'ng pagkakakilala sa 'kin?
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 34
KENT. Na ika'y isang saragateng basag-ulerong mangangain ng karneng bulok, isang hamak, palalo't aanga-
angang hampaslupang kung manamit ay tumpak na mutsatso, mangungupit sa bulsikot ng iyong
amo; isang duwag na panay habla, wala namang bayag lumaban, anak ng putang mahilig manalamin,
sipsip at mandarayang tampalasan at pipitsuging alipin; isang handang magpakaputa basta't may
kitain; pinaghalu-halong bargas at pulubi at duwag at bugaw, at nanay mo'y isang putang askal, at
paghahampas-hampasin ko siya kung tatanggi kang ikaw ang lahat ng nasabi ko.
OSWALDO. Napakawalang-modo mo, pinagmumumura mo ang taong hindi mo naman kakilala!
KENT. Ang kapal ng mukha mong tarantado ka para tanggihang kilala mo ko! Hindi ba't dadal'wang araw
lang nang patirin kita at gulpi-gulpihin sa harap ng hari? Maghugot ka, sanggano! Maano kung gabi
na, sumisikat pa naman ang buwan. 'Yan na'ng huling liwanag na makikita mo bago ka mawalan ng
malay [Magbubunot ng espada] Hoy! anak-ng-putang kasula-sulasok na suki ng pakulutan aba'y
hugot na!
OSWALDO. Lumayo ka, wala 'kong kinalaman sa 'yo.
KENT. Hugot na sabi, timang. May mga dala kang liham laban sa hari, at kumakampi ka kay Senyora
Banidosa laban sa kamaharlikaan ng kanyang ama. Hugot na, sanggano, o kakatayin ko 'yang mga
pata mo hugot, timang, laban na!
OSWALDO. Saklolo! Saklolo! Pamamaslang! Saklolo!
KENT. Hataw ka, mutsatso! Alisto, timang! Alisto, babakla-baklang alipin Hataw na!
OSWALDO. Saklolo! Pamamaslang! Pamamaslang!


Papasok sina Edmundo, Kornwalyes, Regan, Gloster, at mga alipin.

EDMUNDO. Aba'y ano'ng problema? Maghiwalay!
KENT. Ikaw naman, totoy, kung nais mo; halika, babalatan kita; halika sabi, binatang nag-aamu-amuhan.
GLOSTER. Mga sandata? Mga armas? Ano'ng kaguluhan dito?
KORNWALYES. Pumayapa -- kapalit ng inyong buhay! Mamamatay ang sunod na titira! Ano ba'ng
nangyari rito?
REGAN. Ang mga mensahero mula sa 'king kapatid at hari?
KORNWALYES. Ano'ng pinag-awayan ni'yo -- mangusap!
OSWALDO. Naubusan ako ng hininga, poon ko.
KENT. Aba'y siyanga, pinagbuga-bugahan ba naman ang iyong tapang, duwag na timang. Sinusuka ka ng
kalikasan -- sastre lang daw ang gumawa sa iyo.
KORNWALYES. Kakatwa kang tao -- sastre kamo'ng gumawa ng isang tao?
KENT. Isang sastre nga, senyor, isang manlililok o pintor ang di-makagagawa ng gaya niyang pulpol, maski
dadal'wang taon pa lang sa trabaho.
KORNWALYES. Mangusap pa, ano'ng pinagmulan ng gulo?
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 35
OSWALSO. Ang gurang na sangganong iyan, senyor, na minarapat kong 'wag patayin bilang paggalang
sa kanyang balbas na ubanin --
KENT. Aba'y anak ng puta kang zeta -- titik na walang kakuwenta-kuwenta! Poon ko, kung ako'y
pahihintulutan, dudurugin ko'ng tuyot na mamang 'yan, parang semento, nang maipantapal ko sa kubeta.
Ginalang mo pala'ng ubaning balbas ko, ha, gunggong?
KORNWALYES. Tahan na, alipin.
Hayop na sanggano, wala ka bang paggalang?
KENT. Mayro'n, ngunit walang sinasanto ang galit.
KORNWALYES. Ano'ng kinagagalit mo?
KENT
Na may aliping gaya niyang pasuot-suot ng espada,
Ngunit wala namang suot na katapatan. Ang mga kauri niyang
Pangiti-ngiting mga timang, parang dagang ngumangata
Hangga't mapigtas ang mga kordong sagrada; ginagatungan
Ang masasamang hilig ng kanilang mga amo,
Wari'y nagdadala ng langis sa apoy o niyebe sa ginaw,
Mag-iiiling ngayon at mamaya'y tatango, parang manok
Na pasunud-sunod kung sa'n nagtatapon ng panuka ang amo.
Mga walang ibang alam gawin kundi'y sumunod na parang aso.
Pestehin sana 'yang pagkukumbulsiyon ng iyong mukha!
Pangiti-ngiti ka sa sinasabi ko; tingin mo ba'y hangal ako?
Pahala-halakhak kang parang gansa. Halika rito,
Gagawin kitang pinikpikan -- do'n ka tumalak-talak sa kusina.
KORNWALYES. Aba'y nabubu-ang ka na ba, tanda?
GLOSTER. Ano nga'ng pinag-awayan, iulat mo.
KENT
Wala nang mas lalawak pang hidwaan
Kaysa namamagitan sa 'min ng buhong na 'yan.
KORNWALYES. Bakit buhong ang tawag sa kanya?
Ano ba'ng nagawa niyang masama?
KENT. Ayaw ko sa itsura niya.
KORNWALYES. Pati sa itsura ko, o sa kanya, o sa kanino pa.
KENT
Senyor, tungkulin ko'ng magwika nang tahasan.
Marami na 'kong nasilayang mas maiinam na mukha
Kaysa riyang nakatiwangwang ngayon sa gitna niyang balikat
At nakakaharap ko sa sandaling ito.
H A R I N G L I R
ni William Shakespeare | 36
KORNWALYES
Pambihira tao 'to --
Makaraang purihin sa pagiging tahasan, ngayo'y
Nagkukunwang pihikan sa panlilibak, at nagtatago
Sa mabubulaklak niyang pananalita. 'Di niya kayang manlangis;
Tapat ang isipan at karaniwan, katotohanan lang ang masasabi.
At 'pag tanggapin 'yon, e 'di mabuti. Kapag hindi,
Ipapalusot niya, sadyang tapat lang siya magwika.
Kilala ko'ng mga gagong 'yan, mas masahol at tuso pa
Sa dalawampung payukud-yukod na mga aliping sipsip
Na sagad-sagaran ang paggawa sa kanilang tungkulin.

You might also like