You are on page 1of 7

ANCHORS AWAY

Kristine Keith Q. Macatangay


BA Broadcasting 1B

MGA TAUHAN:

ROSARIO ESPIRITU, 13 anyos, mahusay gumuhit


MILAGROS ESPIRITU, 40 anyos, Nanay ni Rosario
EUSTAQIO, 12 anyos, nagbebenta ng drugs

PANAHON AT TAGPUAN: Taon ng “war on drugs” ni President Rodrigo Duterte. Bahay ng mga
Espiritu, Labas ng Mall, Enchanted Kingdom, at Bahay Pag-asa Center.

FADE IN:
SEQ#1. INT. BAHAY. UMAGA.
Isang tagpi-tagping tahanan. Maliit ang espasyo, kung saan siksikan ang mga gamit sa lahat ng sulok
nito. Tuloy tuloy na pumapatak ang tubig mula sa di maayos ayos na lumang tubo. May mga
ipapakitang paggala-galang mga daga sa kasingit-singitan ng bahay.
May mga bata na nakangiti at nagtatawanan habang naglalaro ng piko ang makikita sa labas ng
bintana. Pinagmamasdan ni Rosario, ang mga bata habang iginuguhit sa papel ang mga nakikita.
Darating ang kaniyang ina, si Milagros, nang hindi namalayan ni Rosario dahil masyado siyang
nalilibang sa pagguhit. Pinanood ni Milagros sandali, ang napakahusay niyang anak sa pagguhit.
Napatigil sa ginagawa si Rosario ng mapansin na niya ang kaniyang ina sa kaniyang likuran.
ROSARIO
(Pagulat) Ma! Nandyan na po pala kayo, pasensya na po at hindi ko namalayan.
MILAGROS
Kadarating ko lang naman. Masyado kasi akong namangha sa galing mo. Ika’y mapalad dahil ikaw ay
nabiyayaan ng ibang klaseng galing sa pagguhit.
ROSARIO
(Masaya) Salamat Ma! Balang araw po, makakaahon din po tayo sa hirap. Gagamitin ko po itong
talento ko sa pagguhit para matupad na po ang ating mga pangarap. Makakapunta rin po tayo sa
Enchanted Kingdom!
MILAGROS
Maganda iyang balak mo anak. Pero tandaan mo kung ano man ang plano ng Diyos para sa atin,
iyon ang mananaig.
ROSARIO
Opo, Ma.
MILAGROS
Huwag mo rin masyadong pilitin na magpagod sa pagbebenta para lang dyan, baka magkasakit ka. Di
ko kayang mawala ka aking piling. Ikaw na lang ang mayroon ako.
ROSARIO
Syempre po hinding-hindi ko po kayo iiwan.
Patuloy lang na nag-uusap ang mag-ina habang tinatapos ni Rosario ang kaniyang ginuguhit.
FADE TO:
SEQ#2. EXT. LABAS NG MALL. UMAGA.
Kumpol-kumpol ang mga taong makikita, may mga papasok ng mall at may mga papalabas. Ang iba
ay may dala-dalang mga shopping bags at ang iba naman ay grocery bags. Sa isang tabi, nagtitinda si
Rosario ng kaniyang mga iginuhit upang makatulong sa kaniyang ina. Marami ang nakakakita sa mga
obra niya. Mayroong mga ilan na bumibili sa kaniya dahil sa ganda ng mga iginuguhit niya at abot-
kaya ng sino man ang mga presyo nito.
May dadaang isang mayamang babae sa pwesto nila Rosario at makikita niya ang mga iginuhit ni
Rosario. Siya ay saglit na makipanayam kay Rosario tungkol sa isang iginuhit niya na kumalabit sa
puso ng maamang babae. Dahil dito, bibilin niya ito at malaking halaga ang kaniyang iaabot kay
Rosario kahit pilit na tumatanggi si Rosario na tanggapin ang halagang ito.
ROSARIO
(Sobrang saya) Maraming salamat po! Hulog po kayo ng langit. Di nyo po alam kung gaano ito
makakatulong sa amin ng aking ina.
MAYAMANG BABAE
Masaya ako na nakatulong ako sa inyo. Gustong-gusto ko makakita ng iba pang tulad mong
napakahusay. Basta, tandaan mo na wag na wag kang susuko sa kung anuman ang pangarap mo sa
buhay. Magtiwala ka lang sa Diyos at siguradong mangyayari ang lahat ng yan. Sana’y magkita pa
tayong muli.
Lalakad papalayo ang mayamang babae. Di mawala ang ngiti sa labi ni Rosario hanggang matapos
siya sa pagtitinda at sabik na sabik na ikwento na ito sa kanyang ina.
FADE TO:
SEQ#3. INT. BAHAY. GABI.
Naghahapunan na ang mag-ina. Kumakain sila ng fried chicken kasama ng kanin at gulay na ngayon
na lamang ulit nila natikman. Habang kumakain, masayang kinukwento ni Rosario ang lahat ng
nangyari sa kaniyang ina.
ROSARIO
Ma, meron po kaninang babae na sobra sobra sa presyo ng aking iginuhit ang binigay. Napakarami
rin pong bumili.
MILAGROS
(Masayang hindi makapaniwala)Talaga ba anak? Tayo talaga’y pinagpala. Hinding-hindi Niya tayo
pinababayaan. Pagpalain rin nawa ang babaing kinukwento mo.
ROSARIO
Ma, simula pa lamang noon, pinapangarap ko na po makapunta sa Enchanted Kingdom na malapit
lang naman dito kaso wala po tayong pang bayad para makapasok doon. Okay lang po ba na dito po
natin gamitin ang ibang pera? Sige na po, Ma!
MILAGROS
Sige, pagplanuhan natin yan anak. Hindi naman pwedeng basta basta lang tayong pupunta dyan
kaagad.
ROSARIO
(Masayang masaya) Yey! Maraming salamat, Ma!
FADE TO:
SEQ#4. EXT. ENCHANTED KINGDOM. UMAGA.
Sabay nilang tinitingnan ang kabuuan ng pasyalan, mula sa makukulay na pader, masasayang ilaw, at
mga tao na may ngiti sa mga labi. Tunay ngang nakakataba ng puso na natupad nila ang isa sa
kanilang mga pangarap kaya naman hindi rin mabura sa kanilang mukha ang kanilang mga ngiti.
ROSARIO
Ano pa pong hinihintay natin? Tara na po!
Hila-hila ni Rosario ang kaniyang ina na patakbong pumapasok sa loob dahil sa kaniyang kasabikan.
Rides dito. Rides doon. Hindi tumitigil, walang oras na sinasayang, punong-puno man ng tao ang
lugar, mahaba man ang pila, at mainit man ang panahon, hindi ito naging hadlang sa kasiyahan ng
mag-ina.
ROSARIO
Salamat Ma at pumayag ka na pumunta tayo dito! Ito ang pinakamasayang araw ko!
MILAGROS
Oo nga anak, mabuti na lamang. Sobrang saya ko dahil naranasan natin ang ganitong bagay. Tama
nga ang sinasabi na mamuhay lamang tayo nang ayon sa kalooban ng Diyos, at ibibigay Niya sa atin
ang lahat ng ating mga panalangin.
ROSARIO
Oo nga po, Ma! Tunay nga na buhay ang Diyos!
Bumababa ng hagdan ang mag-ina na mula sa Anchors Away. Sa isang sulok ng malawak na pasyalan
ay makikita ni Rosario ang isang batang lalaki na animo’y pasan ang mundo. Wala sa loob na
nagpaalam siya sa kanyang ina upang puntahan ito, sa hindimalaman na dahilan ay nais niyang
makatulong dito. Lalapitan ni Rosario ang bata .
ROSARIO
Magandang araw, pasensiya ka na, nakita kasi kitang malungkot, may problema ba?
EUSTAQIO
(Pagulat na kinakabahan) Ah... eh… wala po… gutom lang po ako.
ROSARIO
Ah ganun ba? Eto oh, maliit na halaga lang yan, pero sana makatulong sayo. Pwede ka bumili ng
pagkain. Nasaan na ba ang mga kasama mo?
Inaabot ni Rosario ang pera nang hindi nakikita kung magkano ito.
EUSTAQIO
(Pagulat na kinakabahan)Po? Wala po… wala po akong kasama. Este, ung mga magulang ko po.
ROSARIO
Ah, ganun ba. Sige, mauna na rin ako. Kumain ka na at puntahan mo na ang mga magulang mo.
EUSTAQIO
(Hindi gaanong masaya)Salamat po.
Lumalakad papalayo si Rosario patungo sa kanyang ina. Pagkatapos ng lahat ng kasiyahan na dinanas
ng mag-ina, uuwi na sila sa kanilang tahanan. Babalik na naman sila sa pang-araw-araw na gawain.
FADE TO:
SEQ#5. INT. BAHAY. UMAGA.
Mayroong balitang kumakalat na may mga batang nagbebenta ng drugs sa iba’t ibang parte ng
Luzon. Pinaghahanap na ng mga pulis ang mga batang ito, walang mga siguradong mukha ang mga
menor de edad na tulak ng illegal na droga, ngunit isa isa na silang napagkikilanlan.
May mga pulis na dumarating sa bahay nila Rosario. Lumalapit si Milagros. Nagpapaliwanag sila.
PULIS
Nakita po namin sa CCTV ng Enchanted Kingdom na sangkot rin ang batang iyan sa pangyayaring
pagbebenta ng drugs. Inabot niya roon sa bata, na nahuli na rin namin kahapon, ang drugs na
ipinagbenta niya.
MILAGROS
(Nag-aalala) Naku! Hindi po yan totoo. Tinulungan lang po ng aking anak ang batang iyon. Ni hindi
naming kilala ang batang iyon.
PULIS
Pasensiya na po, pero isasama po namin ang bata. Ginagawa lang po namin ang aming trabaho.
Kukunin ng mga pulis si Rosario. Di alam ni Rosario at ni Milagros ang kanilang gagawin. Dahil
hindi kinukulong ang mga murang edad na bata, dadalin ng mga pulis sa Bahay Pag-asa Center si
Rosario.
FADE TO:
SEQ#6. INT. BAHAY PAG-ASA CENTER. UMAGA.
Puno ang lugar ng mga kabataang may edad na 12 na taong gulang hanggang 18 na taong gulang.
Tahimik lamang sa isang tabi si Rosario. Siya’y hindi matapos-tapos magdasal.
ROSARIO
Panginoon, ibalik mo na po ako sa aking ina. Alam ko pong may magagawa ka dahil ikaw ay Diyos.
May tatlong bata na palapit sa kaniya. Magkikilanlan ang apat na bata.
ISANG BATANG BABAE
Bago ka lang dito no? Paano ka napunta rito?
Ikinwento ni Rosario ang buong pangyayari sa tatlong bata. Biglang makikita ni Rosario ang batang
tinulungan niya sa Enchanted Kingdom. Agad itong tumkbo palapit sa bata at hinawakan sa balikat
at agad na iniharap.
ROSARIO
Bata! Ikaw yung tinulungan ko sa Enchanted Kingdom diba? Sabihin mo sa mga pulis na wala akong
kasalanan!
EUSTAQIO
Pasensiya ka na at nadamay ka dito. Di ko naman alam na ganto pala ang mangyayari.
Ikekwento ni Eustaqio ang kaniyang mga karanasan hanggang makaabot rin siya sa kinalalagyan niya
ngayon.
EUSTAQIO
Eto na lamang kasi ang paraan upang mabuhay kami ng mga kapatid ko. Hindi ko na alam ang
gagawin ko, wala na ang aming mga magulang. Hindi kami mabubuhay at makakakain kung ititigil ko
ang pagbebenta ng drugs dahil sapat naman sa amin ang binabayad sa akin ni boss.
ROSARIO
Pasensiya ka na rin at naging ganun ang pagtrato ko sayo kanina, gusto ko lamang makaalis na dito at
makasama ko na muli ang aking ina, alam ng Diyos na wala akong ginagawang masama.
EUSTAQIO
Ayos lang yun naiintindihan ko naman. Pasensiya na ulit. Gusto kitang tulungan, ngunit sa tingin ko
kahit anong gawin kong pagpapaliwanag sa mga pulis, siguradong hindi nila ako pakikinggan dahil
bata lang ako at baka isipin nilang pinagtatakpan ko lamang na sangkot ka rin dito.
ROSARIO
(Malungkot) Ah ganun ba?
EUSTAQIO
Pero kung gusto mo, matutulungan kitang tumakas dito.
ROSARIO
Maraming salamat! Rosario nga pala.
EUSTAQIO
Eustaqio.
FADE TO:
SEQ#7. INT. BAHAY PAG-ASA CENTER. GABI.
Pagkatapos ng matinding pag-iisip at pagpaplano nila Eustaqio, gagawin na nila ang kanilang mga
plano upang makatakas si Rosario.
EUSTAQIO
Ako na ang bahala dito sa mga taga-bantay, basta lumabas ka na agad ha. Mag-iingat ka!
ROSARIO
Maraming salamat Eustaqio!
Gagawa ng paraan si Eustaqio para makuha ang pansin ng mga taga-bantay. Tatakbo palabas si
Rosario.
SEQ#8. EXT. LANSANGAN. GABI.
Sa wakas, nakatakas na si Rosario. Takbo lamang siya ng takbo. Pumapasok sa mga iskinita.
Dumadaan sa mga tabi ng mga kalsada. Hindi tumitigil kahit siya ay pagod na. Iniisip lamang ang
kanyang ina na nalayo sa kanyang piling. Sa kasamaang pangyayari, biglang sumulpot ang mga pulis
na hinahabol siya dahil kanilang nabalitaan mula sa mga taga-bantay ng Bahay Pag-asa Center na
tumakas raw si Rosario. Siya ay nagdasal sa Diyos.
ROSARIO
Panginoon, ingatan Nyo po ako. Sana’y makita ko na muli ang aking ina. Alam ko pong may
magandang dahilan ka kung bakit nangyayari ang lahat ng ito. Masunod nawa ang iyong kalooban
dito sa lupa gaya ng sa langit.
Binilisan lalo ni Rosario ang kanyang pagtakbo. Hindi na niya alam ang kanyang gagawin.
Kinakabahan siya ng sobra sobra at pag-aalala ang nakapinta ng kanyang mukha. Malapit na siyang
makaabot sa kanilang tahanan.
Nakikita na ni Rosario ang kanilang tahanan. Naroon ang kanyang ina na tulalang nakatingin sa labas
ng bintana.
ROSARIO
Ma!
Nakita ni Milagros ang tumatakbong anak. Dali dali siyang lumabas ng kanilang bahay.
Abot langit ang ngiti ni Rosario nang makita niyang muli ang kanyang ina.
Dahil naman ayaw tumigil sa pagtakbo ni Rosario, pinaputok ng pulis ang kanyang baril at naisip na
sabihin na lamang na hindi niya sinasadyang kalabitin ang kanyang baril at napaputok niya ito.
Tinamaan sa likod si Rosario. Mabagal na tumakbo ang oras. Ang sayang makikita sa mukha ni
Rosario ay napalitan ng kalungkutan. Sumisigaw si Milagros, tinatawag ang kanyang anak pero hindi
na ito klaro sa pandinig ni Rosario. Mabagal ang kanyang pagbagsak sa lapag.
ROSARIO (V.O.)
Panginoon, dito na po ba nagtatapos ang istorya ng aking buhay? Dami ko pa pong gustong
mangyari at gawin kasama ang aking ina. Gusto ko pa po siyang pasayahin. Paano na lamang yan
kung wala na po ako? Pero naniniwala pa rin po ako na may milagro dahil walang impossible sa Iyo,
O Diyos. Pero kung dito na talaga ang katapusan, masaya pa rin po ako dahil alam kong
makakasama na po kita sa langit. Maraming salamat po ulit sa kaligtasang pinagkaloob Nyo po sa
akin para ako’y makasama mo sa kalangitan!
Bumagsak na si Rosario nang tuluyan.
FADE TO BLACK:

TAPOS NA ANG PELIKULA

You might also like