You are on page 1of 8

Ang Alkansya Ni Boyet

Mahirap lamang ang pamilya ni Boyet. Ang ama niyang si Mang Delfin ay isang
magsasaka subalit walang sariling lupa. Inuupahan lamang nito ang tinatamnan ng
palay. Ang ina naman niyang si Aling Pacing ay simpleng maybahay lamang. Sampung
taon na si Boyet. Siya ang panganay sa kanilang apat na magkakapatid. Sa pasukan ay
nasa ika-apat na baitang na siya ng mababang paaralan.

Kapag ganitong bakasyon ay sinasamantala ni Boyet ang pagkakataon. Gumagawa


siya ng alkansiyang kawayan. Panahon ng pamumunga ng bungangkahoy sa kanilang
bakuran, dahil maluwang ang kanilang bakuran ay maraming punong namumunga.
Pinipitas nila ng kanyang inay ang ay mga bunga at itinitinda iyon sa palengke.

Mabili ang kanilang mga tindang prutas. Kapag nakaubos sila ng paninda ay agad
siyang binibigyan ng pera sa kanyang inay.

“Salamat po, inay. Mayroon na naman akong panghulog sa aking alkansiya.” masayang
sabi ni Boyet.

“Hayaan mo anak, bago siguro maubos ang mga bunga ng ating mga puno ay
mapupuno na ang alkansiya mo,” sabi ng kanyang inay.

Napuno nga ang alkansiya ni Boyet. Masipag kasi siyang mag-ipon.

Nang malapit na ang pasukan ay nagkaroon ng malakas na bagyo at nasira ang mga
tanim na palay ng tatay ni Boyet. Kakaunti lang ang kanilang inani. Nagkautang ang
kanyang itay. Nag-alala naman ang inay ni Boyet. Malapit na ang pasukan at nawala
ang inaasahan nilang panggagalingan ng pera.

“Baka hindi ka makapag-aral ngayong taong ito, anak,” malungkot na sabi ng kanyang
inay.

“Nasira ang mga pananim natin dahil sa bagyo at may utang pa tayo.”

“Makakapagaral po ako, inay. Puno na po ang alkansiya ko. Ito ang gagamitin ko sa
aking pag-aaral,” nakangiting sabi ni Boyet.
Nakapag-aral si Boyet ng pasukang iyon. Salamat at naisipan niyang mag-impok para
sa darating na pangangailangan.

Aral:
 Matutong mag-impok upang sa oras ng pangangailangan ay may madudukot.
 Ang mabuting bata ay karangalan sa magulang.

Huling Limang Oras


Isinulat ni silentwrider galing sa Wattpad
Tumunog na ang bell. Hudyat para magsiuwian na ang mga estudyanteng kagaya ko.
Pero bakit ang aga? Siguro ay nagkaroon na naman ng biglaang pagpupulong ng mga
guro para sa darating na foundation day. Mukhang umaayon sa akin ang tadhana dahil
ngayon din ang pag-uwi ng aking ina galing sa abroad.

Nasasabik na ako dahil noong limang taong gulang lang ako ng huli ko siyang makita.
Ano na kayang itsura nya ngayon na ako ay nasa ikalawang baitang na ng pagiging
high school.

Sa aking pag uwi ay may nasulyapan akong isang babaeng umiiyak, tinulak ako ng
aking pagkausyoso para tanungin kung bakit sya umiiyak.

“Ale, bakit po kayo umiiyak?” natanong ko sa babae.

“Hindi ko na kasi makikita ang aking anak habangbuhay.”

“Kung hindi ninyo po mamasamain, maari ho ba kayong sumama sa akin upang


mawala ang inyong lungkot, iyon ay kung nais nyo lamang,” ang di ko mawari kung
bakit ko nasabi.

Ang pagtango niya at pag-abot sa akin ng kanyang kamay ay senyales lamang ng


kanyang pagpayag.

Hindi namin namamalayan ang oras habang kami ay magkasama, tila isang panaginip
ang nangyayari. Sa kalagitnaan na aming kasiyahan ay nagwika ang ale, “Maari mo
bang ipikit ang iyong mga mata?”
Sinunod ko ang kanyang utos at gayon na lamang ng maramdaman ko ang pagdampi
ng kanyang mga labi sa aking noo at ang narinig ko ay ang kanyang pagsabi sa akin ng
“Mahal Kita”.

Sa aking pagmulat ay nawala ang ale na hindi ko man lang naitanong kung ano ang
kanyang pangalan. Biglang umihip ang malamig na hangin na niyakap ang aking buong
paligid.

Hindi ko namalayan ang oras. Tiningnan ko ang aking relo.

“Aba, anong oras na kailangan ko na pa lang umuwi” nasabi ko sa aking sarili. Nilisan
ko ang lugar na iyon ng may tanong na hindi ko alam kung kailan masasagot.

Sa aking pag-uwi ay nakita ko ang aking ama na tila kakatapos lang lumuha. Anong
problema? Lumapit ako sa kanya at nagmano. Siya ay biglang nagwika,

“Anak iniwan na tayo ng nanay mo, namatay siya sa aksidente limang oras na ang
nakalilipas.”

Imbis na umiyak ay naitanong ko lang sa kanya kung may litrato siya ng aking ina,
nagulat na lamang ako sa aking nakita…

Hindi nya ako iniwan ng walang paalam. Ipinarating niya sa akin kung gaano ako
kahalaga at kamahal niya.

Siya pala ang ale na aking nakasama kanina, ang umiiyak na ale.

Ang inakala ko na isang istranghero ay ang mahal kong ina. Kahit sa kaunting panahon
ay nakasama ko siya. Sa huling limang oras ay pinuno ang buhay ko ng kasiyahan na
noon ko lang naranasan.

Aral:
 Laging iparamdam sa mga magulang kung gaano natin sila kamahal. Hindi sa lahat ng
panahon ay makakasama natin sila kaya hangga’t maari ay sabihin natin ng madalas
ang mga salitang “I love you” sa kanila at pahalagahan natin ang lahat ng sakripisyo
nila sa atin.
 Kung ang iyong Ama o Ina ay nasa ibang bansa, maglaan ng oras upang makausap
sila sa telepono man o sa mga chat. Maliit na bagay ito para sa atin ngunit sa kanila ay
sobrang mahalaga nito. Kahit sa ganoong paraan ay maiparamdam mo na mahalaga
sila sayo at kaya mo ring masakripisyo ng kahit kaunting oras para lang makasama sila.

Ang Mag-asawang Walang Anak


Noong unang panahon, may mag-asawang hindi biniyayaan ng Diyos ng kahit na isang
anak sa loob ng labinlimang taong pagsasama. Sila ay sina Teban at Osang. Lahat ng
paraan ay ginawa na nila ngunit wala ring nangyari. Dahil sa kabiguang ito, ibinuhos ng
mag-asawa ang kanilang panahon sa pag aalaga na lang ng maraming hayop tulad ng
aso, pusa, manok, pabo, baboy at iba pa. Bukod sa nalilibang sila sa pag-aalaga ng
hayop, sila ay kumikita din dito.

Sa lipon ng mga alaga nilang hayop, ang pusang puti ang pinaka paborito ni Osang.
Alagang-alaga ito ni Osang sa pagkain at inumin. Itinatabi pa niya ito sa pagtulog.
Parang isang anak na ang turing ni Osang sa puting pusa.

Ngunit sa kabila ng kanilang pagiging abala sa pag-aalaga ng mga hayop, hindi pa rin
sila nawawalan ng pag-asang magkaanak. Patuloy pa rin silang namamanata sa iba’t-
ibang santo sa ibat-ibang lugar.

Sa isang malayong bayan na kanilang pinuntahan ay nangako si Osang na kung siya


ay bibiyayaan ng isang anak ito ay hinding-hindi niya patatapakin sa lupa.

Ang kanilang kahilingan ay natupad. Hindi nagtagal at nagsilang si Osang ng isang


babae at ito ay pinangalanan nilang Rosario. Lumaki si Rosario sa piling ng
mapagpalang kamay nina Teban at Osang. Tulad ng kanyang pangako, hindi
pinatutuntong ni Osang ang anak sa lupa kung kaya’t si Rosario ay hindi nakalalabas
ng bahay.

Hanggang sa magdalaga na si Rosario ay hindi pa nasayad sa lupa ang mga paa nito.
Nagkasundo ang mag-asawa na ipagtapat kay Rosario ang tungkol sa kanilang
pangako. Naintindihan naman ni Rosario ang kalagayan ng mga magulang at iginalang
niya ang bilin ng mga ito.

Kahit na hindi naglalabas ng bahay si Rosario, maraming binata pa rin ang nakabalita
sa angking kagandahan ng dalaga. Dumadalaw sila at nanliligaw sa dalaga. May isang
napupusuan si Rosario, siya ay si Antonio.
Isang araw ay dumalaw si Antonio kay Rosario. Tumawag siya sa labas ng bahay.
Nagkataon naman na sa mga oras na iyon ay wala ang mga magulang ni Rosario.
Dumungaw si Rosario sa bintana.

“Puwede ba akong makatuloy, mahal kong Rosario?” ang tanong ni Antonio.

“Hindi maari, wala rito ang mga magulang ko. Kabilin-bilinan nina Tatang at Nanang na
huwag akong magpapatuloy ng tao sa loob ng bahay,” ang sagot ni Rosario.

“Kung ganoon, hindi naman siguro masama kung magkuwentu-han tayo dito sa hardin,”
mungkahi Antonio.

Sa kapipilit ni Antonio ay napapayag din niyang makausap sila ni Rosario sa may


hardin. Naisip ni Rosario na hindi naman siguro masama kung mag-usap sila sa hardin
ni Antonio. Higit sigurong magagalit ang kanyang mga magulang kung patutuluyin niya
sa loob ng bahay ang binata.

Ngunit pagtuntong na pagtuntong ni Rosario sa lupa ay biglang yumanig ang buong


kapaligiran. Umagos ang tubig na hindi malaman kung saan nanggaling. Nilamon ng
tubig ang kabahayan. Nagyakap sina Antonio at Rosario at humihingi ng saklolo.
Walang tulong na dumating.

Kinahapunan ay dumating ang mag-asawang Teban at Osang. Laking gulat nila nang di
makita ang kanilang bahay. Parang bula itong naglaho. Tanging isang ilog ang kanilang
nagisnan at sa pusod ng ilog na ito ay naroroon ang dalawang buwaya.

Aral:
 Ang pagsuway sa utos ng mga magulang ay may kaakibat na parusa. Sanaying
makinig at sundin ang utos nila.
 Huwag maging matigas ang ulo dahil para sa kapakanan din natin kaya madalas
magpaalala ang ating mga magulang.
 Sikaping tuparin ang pangakong binitiwan mo sa iba upang hindi magkaroo ng
problema.

Isang Aral para kay Armando


Laging naiisip ni Armando na napakarami namang ipinagbabawal ang ina sa kanya.
Madalas niyang marinig ang “Huwag mong gawin ito,” “Huwag mong gawin iyan.”
Sumasama ang loob niya kapag naririnig niya ang mga ito.

May isang bagay na talagang lagi niyang gustong gawin kahit ipinagbabawal ng ina –
ang maligo sa ilog. “Napakabilis ng agos ng tubig sa ilog. Maliit ka pa at kaya kang
ianod nito,” laging paalala ng ina.

Ngunit naniniwala si Armando na kaya niya. Marunong naman siyang lumangoy dahil
tinuruan ng Tito Manuel niya. “Matatakutin lang talaga si Nanay,” sabi niya sa sarili.
“Ang sarap siguro talagang lumangoy sa ilog. Mukhang kay la’mig ng tubig.”

Kaya nga, isang araw, kasama ng apat na kalarong bata, nagpunta sila sa ilog. Masaya
silang naghubad ng kamiseta at tumalon sa tubig. Ang sarap maglaro sa tubig. Wiling-
wili ang mga bata. Maya-maya, naisip ni Armando na lumangoy sa banda-bandang
unahan. Unti-unti siyang umusad.

Bigla na lamang bumilis ang agos ng tubig at siya’y tinatangay na palayo, patungo sa
malalim na parte ng ilog. Pinipilit niyang pigilan ang katawan ngunit hindi niya makaya
ang malakas na agos ng tubig.

“Ben!” sigaw niya. “Saklolo!”

Ngunit hindi rin magaling lumangoy ang mga kasama niya. Napamulagat na lang sila sa
di-masaklolohang kababata. Mabuti na lang at may biglang tumalong lalaki mula sa
mga kahuyan. Naroon pala ang isang kanayon nila na may paiinuming baka.

Nasagip si Armando ng lalaki ngunit may ilang sandali bago siya nahulasan. “Salamat
po, Mang Tacio. Akala ko’y katapusan ko na. Nagdasal po ako at kayo ay dumating.
Dapat nga pala akong sumunod sa sinasabi ni Nanay.”

Tama si Armando. Batid ng mga magulang ang nararapat sa mga anak kaya dapat
silang sundin. Ang isa pang natutuhan ni Armando ay kapag nasa panganib, tumawag
agad sa Diyos at ang tulong ay darating.

Aral:
 Laging mkikinig sa payo at pangaral ng magulang dahil alam nila kung ano ang
makakabuti para sa mga anak.
 Palaging tumawag sa Diyos sa oras ng panganib.

Para sa iyo dapat lang ba ang nangyari kay Armando dahil sa


pagsuway niya sa bilin ng kaniyang ina? Bakit? Ipaliwanag nang
maayos ang sagot.

Naniniwala ka ba sa sinabing “isang tawag lang sa Diyos at ang


tulong ay darating?” Bakit? Ipaliwanag ang sagot.

Matulunging Bata
Ang mabait, masipag, maalalahanin at mapagmahal na bata ay tumutulong nang kusa
sa bahay, di lamang para sa sarili kundi pati sa mga magulang at mga kapatid.

Para sa aking sarili, ay inilalagay ko sa kanya-kanyang lalagyan ang lahat ng aking


gamit sa paaralan, sa bahay at sa iba pa. Sa ganito, ay hindi ako maghahanap at mag-
aaksaya ng panahon lalo na kung nagmamadali ako.

Hindi na rin ako makagagalitan. Laging nasa lugar ang mga libro, notebook, lapis,
pentelpen, pad paper, school bag, payong, sapatos, at lahat-lahat na. Walang kakalat-
kalat.

Sa Kuya at Ate ay tumutulong din ako lalo na kung sila ay abalang-abala sa ibang
gawain. Pagdating nila mula sa paaralan ay sasalubong na ako sa hagdan pa lamang,
upang kunin ang kanilang gamit at ilalagay ko na sa kani-kanilang lalagyan. Kapag
nagpuputol ng panggatong ang Kuya ko ay iniaakyat ko na ang maliliit na piraso. Sa Ate
naman, kapag nagwawalis, ay kukunin ko ang basahan at ako na ang magpupunas sa
mga mesa at upuan.

Si Tatay at Nanay ay wala; sila ang gumagawa para sa amin. Ay, mayroon pala. Sabi
ng Nanay na malaking tulong daw sa kanila ni Tatay kung ako, kaming magkakapatid,
ay masunurin, masipag, magalang at malinis. Natutuwa daw sila at hindi raw nila
nararamdaman ang pagod, at nagpapasalamat pa sa Panginoon.
Kaya naman maingat kami sa damit upang di sobrang marumi ang lalabhan. Takbo ako
agad sa pagtulong kung kaya ko rin lamang gaya ng paghahanda sa hapag-kainan,
pag-urong ng mga ito pagkatapos, paghugas at pagligpit.

Ang dami, ano? Pagnakagawian na ay walang mahirap. At napakasarap pang


pakiramdaman at pakinggan ang, “Ay salamat! Mabait at matulungin ang aking anak!”

Aral:
 Ang taong matulungin ay nakakapag-papagaan sa mga gawain. Ugaliing tumulong ng
walang hinihinging kapalit.
 Maraming nalulugod sa taong matulungin ngunit sa taong tamad marami ang naiinis.
 Laging ilagay sa tamang lalagyan ang iyong mga gamit upang madali mo itong
mahagilap kung kinakailangan ng gamitin.

You might also like