You are on page 1of 3

Ang Alibughang Anak

May isang mayamang ama na may dalawang anak na kapwa lalaki. Hiniling ng bunsong anak na
ang manang kanya sa kayamanan ng kanyang ama ay ibigay na sa kanya. Nang makuha na ng
bunso ang kanyang mana ay ipinagbili niya agad ito makalipas lamang ang ilang araw. Matapos
ito ay umalis siya at nagtungo sa malayong bayan. Dito niya walang habas na nilustay ang
kabuhayang ipinagkaloob ng ama.

Hindi nagtagal, naubos na lahat ang kanyang salapi. Nang dumating ang taggutom sa bansang
iyon ay isa na siyang pulubi. Namasukan siya bilang tagapag-alaga ng mga baboy. Dahil sa
gutom, nais na niyang kainin pati pagkain ng mga baboy na alaga niya. Ngunit maging ito ay
ipinagkakait din sa kanya ng kanyang amo.

Sa ganitong kalagayan, naisip niya ang kanyang ama. Ang mga manggagawa nito ay kumakain
nang maayos habang heto siya na nagugutom at walang makain. Agad siyang nagpasyang
bumalik sa dating tahanan.

Gayon na lamang ang galak ng kanyang ama. Sinalubong nito ng yakap at halik ang nagbalik na
anak. "Ama, nagkasala ako sa Diyos at sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat na maging anak mo.
Ituring mo na lang akong isa sa iyong mga alila," sabi ng anak sa ama.

Ngunit inutusan ng ama ang mga alila na linisan at bigyan ang anak ng pinakamagarang
kasuotan. Ipinasuot din niya rito ang isang mamahaling singsing, at binigyan ng sapatos para sa
kanyang mga paa. Ipinagpatay din siya ng isang matabang baka at sa ngalan niya ay nagkaroon
ng isang pagdiriwang.

"Ang anak ko ay nawala at ngayon ay nagbalik. Ipagdiriwang natin ang kanyang pagbabalik,"
ang sabi ng nagagalak na ama.
Namangha ang nakatatandang kapatid nang dumating siya sa kanilang tahanan. Itinanong niya sa
isang katulong kung ano ang sanhi ng pagdiriwang. Nang malaman niya ang sanhi ng kasayahan
ay gayon na lamang ang kanyang galit kaya't di napigilan ang kanyang sarili at sinumbatan ang
ama.

"Akong masunurin ninyong anak na buong katapatang naglilingkod sa inyo ay hindi ninyo
naipagpatay kahit isang guya man lamang. Ngayong dumating ang alibugha ninyong anak na
lumustay ng inyong kayamanan ay gugugol kayo nang malaki at magdiriwang!"

Sumagot nang marahan ang ama, "Anak ko, ikaw ay lagi kong kapiling. Ang lahat ng akin ay
iyo. Tayo'y nagsasaya ngayon sapagkat ang kapatid mong namatay ay muling nabuhay. Siya ay
nawala at muli nating nakita."

Pinoy Edition © 2018 - All rights reserved.

Source: https://www.pinoyedition.com/parabula/ang-alibughang-anak/
Lucas 15:11-32 Ang Salita ng Diyos (SND)
Ang Talinghaga ng Alibughang Anak
11 
Sinabi niya: May isang lalaking may dalawang anak na lalaki. 12 Ang nakakabatang anak ay
nagsabi sa kaniyang ama: Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng mga ari-arian na nauukol sa
akin. Binahagi ng ama sa kanila ang kaniyang kabuhayan.
13 
Lumipas ang ilang araw, pagkatipon ng lahat ng sa kaniya, ang nakakabatang anak na lalaki ay
umalis. Nagtungo siya sa isang malayong lupain at doon nilustay ang kaniyang ari-arian. Siya ay
namuhay ng magulong pamumuhay. 14 Ngunit nang magugol na niya ang lahat, nagkaroon ng
isang matinding taggutom sa lupaing iyon at nagsimula siyang mangailangan. 15 Humayo siya at
sumama sa isang mamamayan ng lupaing iyon. At siya ay sinugo niya sa mga bukirin upang
magpakain ng mga baboy. 16 Mahigpit niyang hinangad na kumain ng mga bunga ng punong-
kahoy[a] na ipinakakain sa mga baboy sapagkat walang sinumang nagbigay sa kaniya.
17 
Nang manauli ang kaniyang kaisipan, sinabi niya: Ang aking ama ay maraming upahang
utusan. Sagana sila sa tinapay samantalang ako ay namamatay dahil sa gutom. 18 Tatayo ako at
pupunta ako sa aking ama. Sasabihin ko sa kaniya: Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa
iyong paningin. 19 Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Gawin mo akong isa sa
iyong mga upahang utusan. 20 Sa pagtayo niya, pumunta siya sa kaniyang ama, ngunit malayo pa
siya ay nakita na siya ng kaniyang ama at ito ay nahabag sa kaniya. Ang ama ay tumakbo at
niyakap at hinagkan siya.
21 
Sinabi ng anak sa kaniya: Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyong paningin. Hindi na
ako karapat-dapat na tawaging anak mo.
22 
Gayunman, sinabi ng ama sa kaniyang mga alipin: Dalhin ninyo ang pinakamainam na
kasuotan at isuot ninyo sa kaniya. Magbigay kayo ng singsing para sa kaniyang kamay at
panyapak para sa kaniyang mga paa. 23 Magdala kayo ng pinatabang guya at katayin ito. Tayo ay
kakain at magsaya. 24 Ito ay sapagkat ang anak kong ito ay namatay at muling nabuhay. Siya ay
nawala at natagpuan. Sila ay nagsimulang magsaya.
25 
At ang nakakatanda niyang anak ay nasa bukid. Nang siya ay dumarating at malapit na sa
bahay, nakarinig siya ng tugtugin at sayawan. 26 Tinawag niya ang isa sa kaniyang mga lingkod.
Tinanong niya kung ano ang ibig sabihin ng mga bagay na ito. 27 Sinabi ng lingkod sa kaniya:
Dumating ang kapatid mo. Nagpakatay ng pinatabang guya ang iyong ama sapagkat ang kapatid
mo ay natanggap niyang ligtas at malusog.
28 
Nagalit siya at ayaw niyang pumasok. Dahil dito lumabas ang kaniyang ama at namanhik sa
kaniya. 29 Sumagot siya sa kaniyang ama. Sinabi niya: Narito, naglingkod ako sa iyo ng
maraming taon. Kahit minsan ay hindi ako sumalangsang sa iyong utos. Kahit minsan ay hindi
mo ako binigyan ng maliit na kambing upang makipagsaya akong kasama ng aking mga
kaibigan. 30 Nang dumating itong anak mo, nagpakatay ka para sa kaniya ng pinatabang guya.
Siya ang nag-aksaya ng iyong kabuhayan kasama ng mga patutot.
31 
Sinabi ng ama sa kaniya: Anak, lagi kitang kasama at lahat ng akin ay sa iyo. 32 Ang magsaya at
magalak ay kailangan sapagkat ang kapatid mong ito ay namatay at muling nabuhay. Siya ay
nawala at natagpuan.

Footnotes:

1. Lucas 15:16 15:16 Ito ay tinatawag na puno ng carob.

15:11-32

You might also like