You are on page 1of 4

Imbisibol na Ako!

Genaro Gojo Cruz

Isang umaga, naging imbisibol ako!

Nakapasok ako sa paaralan nang di napapansin ng aking Nanay. Di na ako late tulad ng dati.
Nakaabot na ako sa aming flag ceremony. Ilang linggo na rin akong di nakakaawit ng Lupang
Hinirang. Pumunta ako sa unahan ng pila. Gusto ko ngayong araw, kakantahin ko nang
buong-puso ang Lupang Hinirang.

Hinanap ko si Pol, ang aking best friend.

Nakapasok din ako ng aming klasrum nang di napapansin ni Gng. Afloro at ng aking mga
kaklase. Umupo ako sa aking upuan na katabi ni Pol. Pero nakapagtataka, kanina pa siya
walang kibo. Di niya ako pinapansin. Galit kaya siya sa akin? Ano naman kaya ang kanyang
bagong kuwento?

Dati, pagdating na pagdating ko, magsisimula na agad ang napakahabang kuwento ni Pol.
Habang nagsusulat kami, nagkukuwento siya. Habang ginagawa niya ang kanyang assignment
sa di niya nagawa sa kanilang bahay, nagkukuwento siya nang mabilis. Habang nagsusulat sa
pisara ang aming titser, nagkukuwento siya nang mahina ang boses. Sa rises, may kadugtong
pa rin ang kanyang kuwento. Hanggang sa aming paglalakad pauwi ng bahay, nagkukuwento pa
rin siya. Mahabang-mahabang-mahabang talaga ang kanyang kuwento.
Kapag maghihiwalay na kami, sasabihin niya:

“O sige, Dindo, bukas ko na uli itutuloy ang kuwento ko. Basta lagi mong tandaan kung saan ako
nagtapos para alam ko kung saan ako magsisimula bukas,” bilin niya sa akin.

“May kuwento siya tungkol sa isang batang pangarap na magkaroon ng tv sa bahay. Dahil wala
raw tv ang bata, iniisip na lang daw ng bata ang itsura ng mga bida sa palabas. At dahil sa
kapangyarihan ng isip ng bata, ang iniisip niyang bida ay nagiging siya. Siya na ang bidang
patusok-tusok ang buhok, na may espadang singhaba at singliwanag ng sinag ng araw. Kayang
niyang payanigin ang lupa sa isang hakbang lang. Kayang niyang gawing dambuhala ang mga
alon sa dagat. Isang prinsipe rin daw ang bata. Pero di kilala ng bata ang kanyang inang reyna.
Ang amang hari lang niya ang kanyang kasama sa kanilang palasyong wala raw koryente.
Maysakit daw ang hari. Isang mahiwagang sakit na walang gamot na makapagpapagaling.
Pangarap ng prinsipe na makatuklas ng gamot para sa kanyang amang hari at higit sa lahat,
pangarap niyang makita ang kanyang inang reyna. ”

“Saan kaya nanggagaling ang mga kuwento ni Pol? Bakit di siya nauubusan ng mga kuwento sa
araw-araw?” tanong ko sa sarili.

Nagsulat ako sa notbuk na gawa sa hangin. Sa tingin ko, parang biglang gumanda ang sulat ko.
Pero bakit naging imbisibol na rin ang isinusulat ko? Nagsagot din ako ng ipinagawa ni Gng.
Afloro sa Filipino nang kasingbilis din ng hangin. Di tulad ng dati, ngayo’y napakadali ko lang
nasagot kung alin ang pangungusap at hindi sa mga nakasulat sa blakbord.

Ayos pa lang maging imbisibol, nagiging maganda ang sulat at nagiging matalino! Kay dali ring
mangopya kay Pol kung gugustuhin ko!
Di pa rin ako pinapansin ni Pol. Alam kaya niyang pumasok na ako ngayong araw, na di na ako
absent? Na-miss kong bigla ang mahabang-mahaba niyang mga kuwento.

Teka! Paano nga pala niya ako makikita? Imbisibol na ako!

Ayos palang maging imbisibol! Kay bilis kong nakarating sa paaralan. Naglakad akong sinbilis
din ng hangin. Nawala na lahat ng aking nararamdamang sakit. Lahat naging ayos na!

Pumasok akong di nakasuot ng uniporme. Pambahay lang!

Pumasok ako sa aming klasrum nang walang dalang bag. Di na ako nangangambang
mapagalitan ni Gng. Afloro. Alam ko ngayong araw, pagbibigyan nila ako.

Ayos palang maging imbisibol! Walang may pakialam! Walang pumupuna sa aking pagkukulang
o nakakalimutang gawin.

Pero si Pol ang inaalala ko. Kanina pa siya malungkot at walang kibo.

Paano ko kaya masasabing nasa tabi niya ako kanina pa? Paano ko ibubulong sa kanyang
present ako ngayong araw?

Isulat ko kaya sa kanyang papel na nasa tabi lang niya ako? Pero papaano, maging ang sulat ko
ay naging imbisibol na rin?

Lumalampas lang ang aking mga kamay sa lahat ng bagay na hawakan ko. Tinapik ko ang
balikat ni Pol pero di niya ako naramdaman. Binulungan ko siya pero mukhang nabingi na siya.
Sinubukan kong guluhin ang kanyang buhok pero wala pa ring nangyari.

Ano naman kaya ang kuwento ni Pol ngayong araw?

“Si Dindo po ang aking best friend. Gustong-gusto ko pong magkuwento sa kanya, lagi kasi
siyang handang makinig sa akin at di siya nagsasawa. Di po ako makapaniwala na siya ay
magkaka-dengue. Napakabilis po ng pangyayari! Noong isang linggo lang, katabi ko siya. Tiyak
na mami-miss ko po si Dindo,” narinig kong kuwento ni Pol sa harap ng aming klase.

“Kay Dindo ko po ikinukuwento ang aking mga gusto at pangarap na maging. Alam po niyang
pangarap kong magkaroon kami ng tv at koryente ang aming bahay. Alam po niyang gusto kong
gumaling na ang aking tatay na maysakit at makita ang aking nanay. Marami pa po akong mga
gustong ikuwento kay Dindo,” dagdag pa ni Pol.

Nakita ko ang pagtulo ng kanyang mga luha

Teka, ano nga ba ang nangyari sa akin noong isang linggo?

Ang natatandaan ko, nagkaroon ako nang mataas na mataas na lagnat, sumakit ang aking ulo,
at may lumabas na parang mga mapang pantal sa aking balat.

Parang puwedeng magpakulo ng tubig sa init ng aking hininga!

Pakiramdam ko, parang nasusunog ang balat ko!


Ilang araw rin iyong tumagal.

Dengue pala ang naging sakit ko?

Nagsalita si Gng. Afloro.

“Kaya sana klase, tumulong tayo sa paglilinis ng ating paaralan para mawala ang mga lamok na
nagdadala ng dengue. Sana, wala ng magkasakit sa atin tulad ng nangyari kay Dindo. Kailangan
nating maalis at malinis ang mga pinangingitlugan at pinamamahayan ng mga lamok di lang dito
sa ating paaralan kundi maging sa inyong mga bahay,” bilin ni Gng. Afloro.

“Tiyak kong naririnig tayo ni Dindo ngayon. Sana’y maging maayos na ang lagay niya ngayon.
Papasok na siya sa bagong paaralan na walang kailangang grade para pumasa. Walang
kailangang uniporme upang papasukin o libro upang matuto ng mga kaalaman. Papasok na siya
sa paaralang ang lahat ng mga mag-aaral ay masaya at kuntento dahil ang kanilang mga
pangarap ay natupad na. Sa paaralang ang sukatan ay hindi talino kundi ang pagiging mabuti at
mapagmahal sa kapuwa,” dagdag ni Gng. Afloro.

Napakabilis nga ng pangyayari. Pagkagising ko kaninang umaga, imbisibol na ako. Wala na


akong sakit na nararamdaman. Para akong nakatuntong sa ulap sa paglalakad. Kay gaan ng
aking pakiramdam!

Alam ko, magiging ayos na ang lagay ko habambuhay.

Salamat kay Gng. Afloro, sa aking mga kaklase at higit sa lahat, kay Pol! Ibinigay niya sa akin
ang kanyang mga sarili at totoong kuwento na aking babaunin sa aking pupuntahan.

Di mo man ako nakikita at naririnig Pol, ito ang pangako ko sa iyo:

“’Wag kang mag-alala Pol, ibubulong ko sa aking magiging Guro sa aking bagong paaralan na
tulungan kang matupad ang iyong mga pangarap. Sasabihin ko sa kanyang pahabain pa Niya
ang buhay ng iyong Tatay at makita mo balang-araw ang iyong Nanay. Hindi-hindi ko rin
kalilimutan na hilingin sa kanya ang tv na pangarap mo. At siyempre, di mo naman ito
magagamit kung walang koryente ang inyong bahay. Kaya siguro, uunahin ko munang hilingin
sa Kanya na magkaroon ng koryente ang bahay ninyo. Para makagawa mo na rin lagi ating mga
assignment. Sana makapaghintay ka bago mag-Pasko. Tiyak kong kailangan ko muna kasing
magpakabait sa aking bagong Guro para ibigay niya ang lahat ng hiling ko.”

Naging imbisibol man ako pero di sa puso at isip ni Pol, ang aking nag-iisang bidang best friend!

Sanggunian:

Cruz, G. G. (2012, October 11). Imbisibol na Ako! Ako Si Genaro R. Gojo Cruz.

https://genarorgojocruz.wordpress.com/2012/09/27/imbisibol-na-ako/

You might also like