Sa isang bayang malapit sa dagat nakatira si ang pamilya ni Mang
Isko. Bilang isang mangingisda, kumikita si Mang Isko ng sapat upang mapakain ang kaniyang pamilya araw-araw. Gamit ang bangkang minana niya sa kaniyang mga magulang at kaniyang mga ninuno, pumapalaot si Mang Isko sa malawak na dagat kada umaga. Napakamatibay ng kaniyang bangka at kahit kailan ay hindi bumigay. Kasabay nito, napakamakulay ng kaniyang bangka at nakakakuha ng atensyon. Bago pumalaot si Mang Isko, sinisigurado muna nila ng kaniyang asawang si Karla na maayos na makarating ang kanilang dalawang anak sa paaralan. “Inayos mo na ba ang iyong mga kagamitan Ana? Baka naman eh parang dinaanan ng bagyo iyan,” biro ni Karla sa anak na babae. “’Nay naman. Ako pa ba? Siguradong ayos lahat ito!” sagot ni Ana. “Karlos? Nasaan ka na? Mahuhuli na kayo sa klase ng ate m-” Hindi na naipagpatuloy ni Karla ang nais sabihin nang inatake siya ng ubo. Si Isko, na naghuhugas ng pinggan, ay napatigil sa kaniyang ginagawa. Nagtaka at nabahala si Isko dahil wala namang sakit ang kaniyang asawa. “Ayos ka lang ba? Mukhang masama ang iyong pakiramdam.” “Ayos lamang ako Isko. Mawawala rin ito.” Subalit sa pagsapit ng gabi lumubha ang karamdaman ni Karla. Napakataas ng temperatura ng kaniyang katawan at hindi tumitigil ang kaniyang ubo. Ngayong may sakit si Karla, doble kayod si Mang Isko subalit hindi pa rin sapat upang madala sa doktor si Karla. Lumipas ang ilang araw at hindi pa rin gumagaling ang kalagayan ni Karla. Isang araw, bago pumalaot si Mang Isko, isang ginoo ang lumapit sa kaniya. Siya’y nakasuot ng mamahaling damit at napakapormal kung maglakad. Galing sa isang syudad ito, sabi ni Mang Isko sa sarili. “Magandang araw sa iyo,” bati ng ginoo kay Mang Isko. “Magandang araw rin sa iyo,” balik niyang bati. Tumigil si Mang isko sa paglagay ng lambat sa kaniyang bangka upang matingnan at makausap ng mabuti ang ginoo. Sa kaniyang napansin, napaka-interesado ng ginoo sa kaniyang bangka. “Ako nga pala si Manuel, galing sa pinakahilagang syudad ng isla,” ani ni Manuel. Hilaga? Napakamayaman siguro talaga nito. “Ah ganoon ba? May maitutulong ba ako?” tanong ni Mang Isko. Ngumiti ang estranghero sa kaniya. “Pinapunta ako at ang mga kasamahan ko sa iba’t ibang bahagi ng isla upang maghanap ng samu’t-saring pangkabuhayan ng mga tao at magdala ng piraso nito patungo sa hilaga. Sa kaso ko, pangingisda ang nakikita kong pangkabuhayan ng mga tao rito kaya nais kong magdala ng bangka upang ipakita sa showcase ng syudad,” kwento niya. Napakamagara naman!, sabi ni Mang Isko sa isipan. “Kaya naman nais kong makipagkasundo sa iyo,” bigla niyang sabi. “Nais ko sanang bilhin ang iyong bangka kapalit ng malaking halaga ng pera.” Pera? Para lamang sa isang napakalumang bangka? Subalit nanggaling pa ito sa aking mga ninuno. At napakamahalaga nito sa aking pamilya. “Tila ikaw yata ay naguguluhan pa. Ganito na lang, bibigyan kita ng tatong araw para pag-isipan ito ng mabuti.” “Sige.” “Maraming salamat sa iyong tulong,” wika ni Manuel bago umalis. Pagdating niya sa kanilang tahanan, sinabi niya agad ito sa kaniyang asawa. Kagaya ni Isko, nalilito rin si Karla dahil alam niyang mahalaga ito sa kaniyang asawa. Lumipas ang mga araw at hindi pa rin nakapagdesisyon si Isko. Ayaw niyang ibigay ang kaniyang bangka subalit ayaw rin niyang balewalain ang pagkakataon na makakuha ng pera lalo na ngayong may sakit si Karla. Subalit, isang ideya ang nakuha niya sa kaniyang anak na si Karlos habang silang dalawa ay nag-uusap. “’Tay! Alam mo ba? Tinuruan kami ng guro namin tungkol sa mga puno. At nalaman ko na ang mga puno sa tabi ng bahay ay isa sa mga napakamatibay na puno!” tuwang-tuwa na sambit ng anak. Napa-isip si Isko sa sinabi ng anak. Paano kaya kung gumawa ako ng isang bangka na kahawig ng aking kasalukuyang bangka? At ginawa nga ni Isko ang bangka. Kahawig na kahawig ng kaniyang bangka. Pagkalipas ng isa pang araw, dumating si Manuel kagaya ng kaniyang sinabi. “Napag-isipan mo na ba?” tanong nito. “Aba opo,” sagot ni Isko. “Ibibigay ko po sa inyo subalit nais ko pong malaman niyo na ang bangkang ibibigay ko ay ginawa ko mismo at ginaya ang isa kong bangka.” “Sapat na iyan,” sabi ni Manuel sabay ngiti kay Isko. Ipinakita ni Isko ang kaniyang obra at laking gulat ni Manuel sa nakita. “Kahanga-hanga! Nagaya mo ng maayos ang iyong bangka!” sambit ni Manuel. “Alam mo? May tsansa kang maging matagumpay sa larangan ng pagpapanday! At malaki ang kikitain mo kapag sa hilaga ka magnenegosyo.” Nanlaki ang mata ni Mang Isko, “Talaga ho?” “Aba oo!” sagot ni Manuel. “Nais mo bang magtrabaho roon? Masaya akong dalhin doon sa hilaga.” “Sige po! Maraming salamat po!” Matapos ang araw na iyon, naipadala ni Isko sa doktor ang kaniyang asawa. Ipinagpatuloy ni Isko ang pagpapaggamot sa hilaga at binigyan ng mabuting buhay ang kanilang mga anak. Nagsimula ng bagong buhay si Isko at namuhay ng magara sa hilaga subalit hindi nila kinalimutan kung saan sila nanggaling. May negosyo pa rin si Isko sa kanilang bayan at nabigyan ng trabaho ang mga taong nangangailangan. Simula sa ara na iyon namuhay sila Mang Isko at ang kaniyang pamilya ng masaya at masagana.