You are on page 1of 51

LA MUERTE Y LA DONCELLA

Death and the Maiden


Ni Ariel Dorfman
Salin ni Guelan Varela-Luarca

MGA TAUHAN

PAULINA SALAS, mga apatnapung taong gulang


GERARDO ESCOBAR, kaniyang asawa, isang abugado, mga apatnapu't limang taong gulang
ROBERTO MIRANDA, isang doktor, mga limampung taong gulang

Ang panahon ay sa kasalukuyan; ang lulan, sa isang bansang marahil ay Chile, o kahit na anong
bansa na katatatag lang ng demokratikong pamahalaan matapos ang mahabang panahon ng diktaturya.

1 of 51
YUGTO 1
Tagpo 1

(Tunog ng dagat. Makalipas ang Hatinggabi. Sa bahay-bakasiyunan ng mag-asawang Escobar sa


tabing-dagat. Isang beranda at malawak na sala/komedor na may nakahandang hapunan sa hapag-
kainang may dalawang upuan. Sa aparador ay may cassette recorder at lampara. May salaming
pader sa pagitan ng beranda at sala; may mga kurtinang hinihipan ng hangin. May pinto mula sa
beranda patungo sa sala, at mga kurtinang hinihipan ng hangin. May pinto mula sa beranda
patungo sa silid-tulugan. Nakaupo si PAULINA SALAS sa may beranda, umiinom nang bilad sa
liwanag ng buwan. Maririnig ang tunog ng isang kotse sa kalayuan. Dali-dali siyang
tatayo,tutungo sa kabilang kuwarto,tatanaw sa bintana. Pepreno ang kotse habang patuloy ang
pagtakbo ng motor nito; tatampol kay Paulina ang ilaw nito. Tutungo siya sa aparador, maglalabas
ng isang baril, hihinto pagkapatay sa motor saka maririnig ang tinig ni GERARDO.)

GERARDO: (tinig sa labas) Ayaw mo talagang pumasok? Kahit isang shot lang.(malabong tutugon ang
kausap niya)... S’ya sige, ‘kita na lang tayo bago ako umalis. Kelangan kong bumalik nang...Lunes. Kumusta
ka sa Linggo? (Malabong tugon)...Masarap magtimpla ng margarita ang asawa ko, titindig balahibo
mo...Pare, maraming salamat talaga, a...(malabong tugon) Sige, ‘kita na lang tayo sa Linggo.(Tatawa)

(Itatago ni Paulina ang baril. Tatayo siya sa likod ng mga kurtina. Aalis na ang kotse; muling
bubuhos ang ilaw niyon sa buong kuwarto. Papasok si Gerardo.)

GERARDO: Paulie? Paulina?

(Makikita niya si Paulina na nakatago sa likod na kurtina. Bubuksan ni Gerardo ang ilaw. Dahan-
dahang lilitaw mula sa kurtina si Paulina.)

GERARDO: (patuloy) Ano ‘yan...? Ba’t ka nandiyan? Pasensiya na, natagalan ako... kuwan kasi...

PAULINA: (pinalalabas na hindi siya kinabahan) Sino ‘yon?

GERARDO: Naano kase ‘ko...

PAULINA: Sino ‘yon?

GERARDO: ...nakuwan - pero ‘wag kang mag-alala, ‘di naman seryoso. ‘Yun lang kasing oto - buti may
pumara - naplatan ako ng gulong. Teka lang, Paulina, ha, wala ‘kong makita...

(Magsisindi siya ng isa pang lampara, at makikita ang handa sa mesa.)

2 of 51
GERARDO: (patuloy) Kawawa naman ang mahal ko. Lumamig na siguro ‘yan -

PAULINA: (kalmadong-kalmado, hanggang sa katapusan ng eksena) Initin na lang natin. Kung balak pa
nating magselebreyt. (Saglit na puwang.) May maseselebreyt pa naman tayo, ‘di ba?

GERARDO: Ikaw. (Puwang. Maglalabas siya ng malaking pako mula sa bulsa ng kanyang tsaketa.) Alam
mo ba kung ano ‘to? Ito’ng dahilan kung ba’t naplatan ako. E ‘pag naplatan ka, alam mo naman kung ano’ng
ginagawa - siyempre, pupunta ka sa trunk ta’s kukunin mo ‘yung reserbang gulong. E buti sana kung hindi
rin flat ‘yung reserbang gulong. Kung naalala sana ng asawa mo na ipaayos ‘yung reserbang gulong.

PAULINA: Asawa - kailangan ‘yung asawa pa’ng magpaayos sa lahat. Ikaw kaya’ng dapat nagpaayos n’un.

GERARDO: Alam mo, wala ‘ko sa mood makipagtalo, pero nag-usap na tayo...

PAULINA: Na ikaw ang magpapaayos n’un. ‘Pag tungkol sa bahay, toka ko, pero sana naman -

GERARDO: Ayaw mo ng tulong pero pagkatapos...

PAULINA: - ‘yung kotse, sa ‘yo na.

GERARDO: ...reklamo ka naman nang reklamo.

PAULINA: Hindi ako nagrereklamo.

GERARDO: Alam mo, kalokohan na ‘to. Ano ba’ng pinag-aawayan natin? Nakalimutan ko na kung
ano’ng...

PAULINA: Hindi tayo nag-aaway, darling. Pinagbibintangan mo kase ‘ko na hindi ko pinaayos ‘yang
reserba mo...

GERARDO: Reserba ko?

PAULINA: Malinaw naman ‘yung paliwanag ko na –

GERARDO: Teka lang, ha. Teka. Lilinawin ko lang. Na hindi mo pinaayos ‘yung reserba, ‘yung reserba
nating dalawa - sige, puwedeng pagdibatihan ‘yan. Pero may isang atraso ka pa: ‘yung jack.

PAULINA: Anong jack?

GERARDO: Anong anong jack? Sa’n mo nilagay ‘yung car jack? Alam mo na, ‘yung pang-jack n’ung
kuwan -
3 of 51
PAULINA: Kelangan mo ng jack para maangat ‘yung oto?

(Yayakapin siya ni Gerardo.)

GERARDO: Putsa naman, ano’ng ginawa mo sa jack?

PAULINA: Binigay ko kay Mama.

GERARDO: (bibitawan siya) Sa mama mo? Binigay mo sa mama mo?

PAULINA: Pinahiram ko. Oo.

GERARDO: Puwede ko bang tanungin kung bakit?

PAULINA: Puwede. Kasi kinailangan niya.

GERARDO: At ako, este tayo, hindi? Hindi naman pupuwedeng - mahal, hindi mo puwedeng basta-basta
gawin ‘yan.

PAULINA: E kung sa magdadrayb si Mama sa timog, e. Kailangang-kailangan niya. Tutal naman, ikaw...

GERARDO: Ako - bahala na lang ako sa buhay ko, gano’n?

PAULINA: Hindi.

GERARDO: E ‘yun na rin ‘yon. Pinadalhan ako ng telegrama, pumunta raw ako ka’gad sa siyudad para
makipagkita sa pangulo; ‘yun na yata’ng pinakaimportanteng miting sa buong buhay ko, at ‘yun pala -

PAULINA: Ano?

GERARDO: … ‘yun pala, may putang inang pakong nag-aabang sa ‘kin; buti na lang, hindi ako
natyiempuhan papuntang siyudad, kundi - kaya ayun ako sa gitna ng daan, wala na ngang reserba, wala pang
jack, punyeta.

PAULINA: Alam ko namang may tutulong sa ‘yo, e. Maganda naman ba? Seksi?

GERARDO: Kasasabi ko lang lalaki’ng tumulong sa ‘kin, ‘di ba?

PAULINA: Wala kang binanggit.

GERARDO: Bakit ba lagi na lang, iniisip mong me kinalamang babae...

4 of 51
PAULINA: Ay, hindi ko alam. Bakit nga kaya? (Sandaling puwang.) Mabait naman ba? ‘Yung lalaking
ano…?

GERARDO: Am’bait. Suwerte ko...

PAULINA: ’Kita mo na? Ewan ko kung pa’no, pero lagi kang nakakahanap ng paraan para umayos ang lahat
para sa ‘yo…Samantalang si Mama, pihadong kung siya’ng mapaplatan ng gulong, wirdo’ng hihinto para sa
kanya - alam mo namang lapitin ng mga siraulo ‘yon si mama -

GERARDO: Ang sarap isiping nagbabakasiyon sa timog ‘yang mama mo, dala ang jack ko, walang
pinoproblema, samantalang ako, nakatayo ro’n nang ilang oras -

PAULINA: Huwag ka ngang O.A....

GERARDO: Nang apatnapu’t limang minuto. Eksaktong apatnapu’t lima. Dinaanan lang ako ng mga kotse,
akala mo, wala ako roon. Alam mo kung ano’ng ginawa ko? Winasi-wasiwas ko’ng mga kamay ko, parang
elisi, sakaling may maka - alam mo, nalimutan na natin ang bayanihan sa bansang ‘to. Salamat na lang, me
tumigil - si Roberto Miranda - niyaya ko nga e -

PAULINA: Narinig ko nga.

GERARDO: Ayos lang ba sa Linggo?

PAULINA: Ayos naman.

(Saglit na puwang.)

GERARDO: Tutal, uuwi tayo nang Lunes. Ako, uuwi na ‘ko. Naisip ko, baka gusto mo nang sumama,
tapusin na natin ‘tong bakasiyon na ‘to...

PAULINA: Pinili ka pala ng presidente?

(Saglit na puwang.)

GERARDO: Napili nga ‘ko.

PAULINA: Tugatog na ‘yan ng karera mo.

GERARDO: Hindi pa naman siguro. Tutal, ako namang pinakabata sa mga naapoynt niya, ‘di ba?

5 of 51
PAULINA: Sa bagay. ‘Pag punong mahistrado ka na, ‘yun na’ng magiging tugatog, ano?

GERARDO: Wala naman sa mga kamay ko ‘yan.

PAULINA: Nabanggit mo ba sa kanya?

GERARDO: Kanino?

PAULINA: D’yan sa good Samaritan mo.

GERARDO: Kay Roberto Miranda? Hindi ko naman siya kakilala. Tsaka ‘di ko pa naman napagpapasiyahan
kung...

PAULINA: Nagpasiya ka na.

GERARDO: Ang sabi ko, bukas ako sasagot; malaking karangalan, ‘ka ko, para sa ‘kin, pero kailangan ko
pang...

PAULINA: Kausap mo’ng presidente at ‘yan ang sinabi mo sa kanya?

GERARDO: Oo. Na kailangan ko pang pag-isipan.

PAULINA: Ano pa’ng pag-iisipan mo? Nakapagdesisiyon ka na, Gerardo, alam mo ‘yan. Ilang taon mong
pinagtrabahuhan ‘yan, ba’t magkukunwari ka pang...

GERARDO: Dahil una sa lahat - kailangan mong um-oo muna.

PAULINA: De sige: oo.

GERARDO: Hindi ‘yan ang “oo” na kailangan ko.

PAULINA:’Yan lang ang “oo” na mabibigay ko.

GERARDO: May ibang “oo” na ‘kong narinig sa ‘yo noon. (Sandaling puwang.) Kung tatanggapin ko’ng
alok sa ‘kin, kailangan kong maging kampante na makakaasa ako sa ‘yo...pa’no kung maulit uli ‘yon sa ‘yo?
Mahihirapan ako…

PAULINA: ’Yan ang sinabi mo sa presidente, na baka magkadiperensiya’ng asawa mo sa…

(Puwang.)

6 of 51
GERARDO: Hindi niya alam. Walang nakakaalam. Kahit ang mama mo.

PAULINA: May ibang nakakaalam.

GERARDO: Hindi sila’ng tinutukoy ko. Wala sa bagong administrasiyong nakakaalam. Palibhasa, hindi
naman natin sinapubliko, hindi mo naman - hindi naman natin sinumbong ‘yung mga - mga ginawa nilang...

PAULINA: Hindi ba’t ‘yun lang mga kasong nauwi sa kamatayan?

GERARDO: Teka, Paulina, ano’ng ibig mong -

PAULINA: ’Yang Komisiyong kabibilangan mo. Hindi ba’t iimbestigahan lang nila ‘yung mga kasong
nauwi sa kamatayan?

GERARDO: Ang atas do’n, imbestigahan ang mga paglabag sa karapatang pantao na nauwi, o
pinagsususpetsahang nauwi, sa kamatayan - oo.

PAULINA: Bale ‘yung mga grabeng kaso lang?

GERARDO: Ang sistema kasi, ‘pag naisiwalat ‘yung mabibigat na krimen, masisiwalat din ‘yung iba pang
pang-aabusong nangyari.

PAULINA: ’Yung mga pinakagrabe nga lang?

GERARDO: Sabihin na nating ‘yung mga kasong hindi na - hindi na maaareglo pa.

PAULINA: Hindi na maaareglo.

GERARDO: Ayokong pag-usapan ‘to, Paulina.

PAULINA: Ako rin.

GERARDO: Pero kailangan, ‘di ba? Kung gugugulin ko’ng susunod na mga buwan sa pakikinig sa mga
ebidensiya, mga kamag-anak, mga saksi, mga survivor – pag-uwi ko - hindi ka naman papayag na isarili ko
lang ang lahat ng ‘yon. Pero ikaw...paano kung… (Yayakapin niya si Paulina.) Kung alam mo lang kung
gaano kita kamahal. Kung alam mo lang kung gaano kasakit ‘yon para sa ‘kin, hanggang ngayon.

(Saglit na puwang.)

PAULINA:(kakapit kay Gerardo nang mahigpit) Oo. Oo. Oo. ‘Yun ba’ng “oo” na hinahanap mo?
7 of 51
GERARDO: ’Yun nga.

PAULINA: Alamin mo kung ano ang nangyari. Alamin mo ang lahat. Ipangako mo sa ‘kin na aalamin mo
ang lahat ng...

GERARDO: Ang lahat. Lahat ng maaari naming malaman. Lulubusin namin, hangga’t sa…(Puwang.)
Hangga’t sa...

PAULINA: Sa papayagan nilang malaman.

GERARDO: Totoo, malilimita pa rin kami. Pero marami kaming magagawa...Palilimbag namin ‘yung mga
matutuklasan namin. Gagawa kami ng official report. Matataga sa bato ang lahat ng naganap, at hinding-
hindi na iyon matatanggi ninuman; hindi na muling mararanasan ng bayan natin ang gano’ng
klase ng kalabisang...

PAULINA: At ano? (Tahimik si Gerardo.) Maririnig ni’yo’ng kamag-anak ng mga biktima, ikokondena
ni’yo ang mga krimen, pero ano’ng mangyayari sa mga kriminal?

GERARDO: Mga huwes na’ng bahala sa kanila. Tatanggap ng kopya ng ebidensiya ang mga korte, ‘yun ang
pagbabatayan ng mga huwes -

PAULINA: Mga huwes? Mga huwes na walang ginawa para sumagip man lang ng iisang buhay sa loob ng
labimpitong taon ng diktaturya? Na walang tinanggap ni isang habeas corpus noon? Si Judge Peralta na nang
puntahan ng isang kawawang babaeng naghahanap sa asawa niya e sumagot na baka nilayasan lang siya ng
mister niya at sumama sa ibang babae? ‘Yun bang huwes na ‘yon? Ano’ng tawag mo sa kanya? Huwes ba?
Huwes?

(Habang nagsasalita, matatawa si Paulina nang mahina, ngunit may namumuong isterya.)

GERARDO:Paulina, Paulina. Tama na, Paulina. (Yayakapin niya si Paulina. Dahan-dahan itong
makakalma.) Nakakatawa ka talaga. Nakakatawa kang babae ka; ay, mahal ko. (Sandaling puwang.) Ano
kaya kung ikaw ang naplatan? Kung ikaw ang tumayo ro’n, pinapasadahan lang ng mga kotse, nilalampasan
ng mga ilaw na parang kumakaripas na tren, walang humihinto; naisip mo ba kung ano’ng mangyayari sa ‘yo
kung ikaw bigla ang naiwanang mag-isa ro’n sa gitna ng daan -

PAULINA: May hihinto rin para sa ‘kin. Baka siya rin - si Miranda?

GERARDO: Baka nga. Hindi naman tarantado ang lahat ng tao sa mundo.

8 of 51
PAULINA: Hindi…Hindi nga lahat.

GERARDO: Niyaya ko siyang uminom sa Linggo. Tingin mo?

PAULINA: Ayos naman sa Linggo.(Sandaling puwang.) Ang takot ko. May narinig akong kotse. Pagsilip
ko, hindi sa ‘yo.

GERARDO: Wala namang nangyari, o.

PAULINA: Wala nga. (Sandaling puwang.) Gerardo. Umoo ka na sa presidente, ‘di ba? ‘Yung totoo,
Gerardo. O balak mo bang umpisahan sa isang kasinungalingan ang trabaho mo sa Komisiyon?

GERARDO: Ayoko lang sanang saktan ka.

PAULINA: Sinabi mo sa presidente na tinatanggap mo na, hindi ba? Bago mo pa ‘ko tanungin? ‘Di ba?
Kailangan kong malaman ang totoo, Gerardo.

GERARDO: Oo. Sinabi ko sa kaniyang tatanggapin ko. Bago pa kita tinanong.

(Mamamatay ang mga ilaw.)

Yugto I
Tagpo 2

(Paglipas ng isang oras. Walang tao sa entablado. Lumalagos mula sa binta ang liwanag ng buwan,
na mas mahina kaysa kanina. Naligpit na ang hapunan. Maririnig sa malayo ang tunog ng dagat.
May ingay ng kotseng lumalapit. Tatampol ang ilaw ng kotseng iyon sa buong salas, saka
papatayin; may pinto ng kotseng bubukas saka masasara. May kakatok sa pinto, mahina sa una,
saka mas lalakas. May masisinding lampara sa labas ng entabladong, saka mapapatay agad.
Lalong lalakas ang pagkatok sa pinto. Papasok sa salas si Gerardo nang nakapadiyama lang,
galing sa silid-tulugan.)

GERARDO: (kay Paulina, na nasa labas) Hindi nga sabi - wala namang - oo na, oo, mag-iingat ako, mahal.
(Bubuksan ni Gerardo ang lampara.) Nariyan na, nariyan na. (Tutungo sa pinto saka bubuksan ito. Nasa
labas si ROBERTO MIRANDA.) A, ikaw pala. Putsa, tinakot mo ‘ko.

ROBERTO: Pasensiya sa - abala. Akala ko kasi, gising pa kayo, nagseselebreyt.

GERARDO: Sorry…sige, tuloy ka, tuloy.

9 of 51
(Papasok ng bahay si Roberto.)

GERARDO (patuloy) Hindi pa kasi kami nasasanay.

ROBERTO: Saan?

GERARDO: Sa demokrasiya. Na ‘pag may kumatok sa pinto mo nang hatinggabi, pupuwede namang
kaibigan lang at hindi...

(Susulpot si Paulina sa may beranda kung saan mapakikinggan niya ang mga lalaki nang hindi
niya, at hindi nila siya, nakikita.)

ROBERTO: At hindi masamang-loob, ano?

GERARDO: Tsaka ang asawa ko...Medyo kabado kaya…Sana maintindihan mo kung - pagpasensiyahan mo
na lang kung hindi na siya...Tsaka kung puwedeng hinaan lang natin nang k’onti.

ROBERTO: Oo naman, oo, kasalanan ko. Naisip ko lang kasi na…

GERARDO: Maupo ka, maupo ka...

ROBERTO: …na bumisita saglit...Pero sandaling-sandali lang - Nagtataka ka siguro kung ba’t bigla akong
napadalaw...Pabalik na kase ‘ko sa beach house namin.

GERARDO: Teka, gusto mo ba ng maiinom? Sa Linggo mo pa matitikman ‘yung margarita ni misis, pero
may konyak ako d’yan galing sa Duty Free na -

(Lalong lalapit si Paulina para makinig.)

ROBERTO: Hindi na, salamat...Pero sige, un poquito lang. Bale nakikinig ako sa radiyo n’ung kotse ko
nang...nang bigla kong namalayan. Narinig ko na pala’ng pangalan mo sa balita, ‘yung listahan ng mga
pangalan ng pinili ng presidente para sa Invesitgating Commission; ang sabi do’n, Gerardo Escobar; ‘ka ko,
kilala ko yata’ng pangalang ‘yon, pero saan? Sino nga ba ulit ‘yon? Nagpaulit-ulit sa ulo ko; pagdating ko sa
bahay, saka ko naalala. Tapos, natandaan ko rin na iniwan pala natin sa trunk ng oto ko ‘yung reserba
mo, e bukas, kakailangan mo pang ipakumpuni ‘yon, tsaka...sa totoo lang, gusto mo bang malaman ang
totoo?

GERARDO: Ano - ano?

10 of 51
ROBERTO: Naisip ko - napakahalaga ng gagawin ng taong ‘to para sa bayan - nang makasulong na ang
bayan natin mula sa hidwaan at sigalot ng nakaraan, at naisip ko rin na ito na siguro’ng huling bakasiyon na
wala siyang masiyadong iniisip - dahil alam mo naman, sa loob ng ilang buwan, bilang kakayurin mo na’ng
buong bansa para makinig sa libu-libong tao...Huwag mong sabihing -

GERARDO: Totoo nga, pero hindi naman siguro -

ROBERTO: Kaya naisip ko, ano ba naman ang magdrayb ako rito para ihatid ko na sa kaniya’ng reserba
niya, sa gayon e hindi na niya kakailanganing lumabas pa para magpatawag ng taksi o trak - kasi naman, ‘di
ba? Sino nga ba namang may telepono sa lugar na ‘to?

GERARDO: ’Sus, para naman akong -

ROBERTO: Hindi, makinig ka, bukal sa puso ‘tong sasabihin ko: tutulungan tayo ng Komisiyong ‘yan na
tuldukan na ang isa sa pinakamasasakit na kabanata sa kasaysayan natin, samantalang ako, wala naman
akong ibang kasama sa bakasiyon, at lahat tayo, kailangan nating mag-ambag, kailangan nating tumulong -
walang-wala lang naman ito, pero -

GERARDO: Puwede namang ‘pinagpabukas mo na lang.

ROBERTO: Bukas? Kukunin mo pa’ng oto mo - ta’s wala ka pang reserba. At hahagilapin mo pa ‘ko. Hindi
na, pare ko - tsaka naisip ko na rin na samahan kang ‘paayos ‘yon bukas, pahihiramin ko sa ‘yo’ng jack ko -
s’ya nga pala - ano na’ng nangyari sa jack mo, nalaman mo ba kung saan -

GERARDO: Pinahiram ng asawa ko sa mama niya.

ROBERTO: Sa mama niya?

GERARDO: Alam mo naman, mga babae…

ROBERTO: (tatawa) Hay naku. Ang pinakahuling natitirang hiwaga. Hanggang pinakadulo ng mundo,
matutuklasan na natin, pare ko, pero hindi pa rin natin maiintindihan ang mga babae. Alam mo ba kung
ano’ng sinabi ni Nietzsche - si Nietzsche nga yata ‘yun? Na hinding-hindi raw natin mahuhuli ang diwa ng
babae. Hindi yata si Nietzsche nagsabi n’on. Pero siguradong ‘yon din ang masasabi niya kung maranasan
niyang masiraan sa gitna ng daan nang walang jack.

GERARDO: At walang reserba. 

ROBERTO: At walang reserba. Kaya nga, ‘ka ko - kailangan kitang damayan, isang umaga lang naman,
tapós ‘yan lahat...

11 of 51
GERARDO: Nahihiya ako sa ‘yo, pare.

ROBERTO: Ay, basta. Hilig ko naman talagang tumulong sa mga tao - doktor kase ‘ko, nabanggit ko na
‘yon, ‘di ba? Pero huwag mong isiping tumutulong lang ako sa mga bigating tao, a.

GERARDO: Kung nalaman mo lang kung ano’ng napasok mo, tumapak ka na sa accelerator, ‘no?

ROBERTO: (tatawa) Humarurot na sana ‘ko. Pero seryoso, maliit na bagay lang ‘to sa ‘kin. Isang
karangalan nga. At kung gusto mong malaman ang totoo, kaya talaga ‘ko pumunta rito ngayong
gabi e para i-congratulate ka...Ikaw ang kailangan ng bayan natin, para malaman, sa wakas, ang
katotohanan...

GERARDO: Ang kailangan ng bayan natin, hustisiya, pero kung matutuklasan natin maski’ng kapiranggot
ng katotohanan...

ROBERTO: ’Yan nga’ng sasabihin ko. Kahit na hindi natin malitis sa korte’ng mga taong ‘yan, kahit na
maprotektahan sila n’ung amnesty na pinataw nila sa sarili rin nila - mabubulgar naman ang pangalan ng
mga walang-hiyang ‘yan.

GERARDO: Kaso, ililihim daw ang mga pangalan. Hindi raw puwedeng ibulgar ng Komisiyon kung sino’ng
gumawa ng mga krimen, kasi raw -

ROBERTO: Mailalabas pa rin ang katotohanan sa bansang ‘to. ‘Yung mga anak nila, mga apo nila, totoo
bang ginawa mo ‘to, ‘tong binibintang sa ‘yo, de magsisinungaling sila. Sasabihin nila, paninira lang ‘yan,
pakana lang ‘yan ng mga komunista at kung anu-ano pang katarantaduhan, pero matatatak sa pagkatao nila
ang katotohanan, at ang mga anak nila, ang sarili nilang mga anak, madidismaya sa kanila, mandidiri,
mahihiya. Hindi man sila mapatapon sa kulungan, pero...

GERARDO: Malay mo, balang-araw...

ROBERTO: Siguro kung magalit talaga ang taumbayan, baka puwede nating ‘pawalambisa ‘yung amnesty
nila.

GERARDO: Naku, imposible ‘yan.

ROBERTO: Sa ‘kin nga, kung puwede lang na pagpapapatayin na’ng mga hayop na ‘yan, pero alam ko
namang...

12 of 51
GERARDO: Mediyo hindi ako sang-ayon, Roberto; hindi yata nasosolusiyonan niyang death penalty na ‘yan
ang -

ROBERTO: Pero hindi e, Gerardo: May mga tao talagang hindi karapat-dapat mabuhay, pero pinupunto ko
nga na talagang mediyo magkakaproblema...

GERARDO: Naku, marami. Una sa lahat, hanggang sa dulo, hindi tatantanan ng Militar ang Komisiyon.
Sinabi na nga nila sa presidente na insulto raw ‘tong imbestigasiyon, tsaka mapanganib, oo, mapanganib daw
para sa bagong gobyerno na mag-ungkat ng mga lumang sugat. Pero salamat sa Diyos, tumuloy pa rin ang
pangulo; akala ko n’ung una e mababakla siya, pero pihadong nakahandang sumugod sa ‘min ang mga ‘yan,
oras na magkamali kami, kahit ga’no kaliit...

ROBERTO: Iyon nga sana’ng sinasabi ko n’ung nabanggit mong hindi ibubulgar ‘yung mga pangalan, n’ung
- pero baka tama ka, baka hindi na nga natin malalaman kahit kelan kung sino ang mga taong ‘yon; sigurado,
gagawa sila ng parang kuwan…

GERARDO: Mafia.

ROBERTO: Mafia, oo, parang sindikato, walang magbabanggit ng kahit na anong pangalan; magtutulungan
silang pagtakpan ang isa’t isa. Hindi papayag ang Armed Forces na tumestigo sa Komisiyon ni’yo ‘yung
mga bata nila; kahit ipatawag ni’yo pa sila, babalewalain lang nila kayo; kaya sabihin ni’yo sa kanila, putang
ina nila. Baka tama ka nga; ‘yung sinabi ko tungkol sa mga anak nila, mga apo nila - baka panaginip lang
ang lahat ng ‘yon. Hindi kasi ‘yon kasindali ng naisip ko e.

GERARDO: Pero hindi rin naman gano’n kahirap: Sinabi sa ‘kin ng presidente - at sa atin-atin lang ito, ha -

ROBERTO: Siyempre naman.

GERARDO: Sabi ng presidente sa ‘kin na may mga handa raw tumestigo, basta’t maseseguro’ng
confidentiality nila. ‘Pag magsimula nang magsalita ang mga tao, ‘pag umamin na sila, bubuhos na parang
tubig sa gripo’ng mga pangalang ‘yan. Gaya nga ng sinabi mo: malalaman na natin ang katotohanan
sa bansang ‘to.

ROBERTO: Sana, ganyan din ako ka-optimistic. ‘Takot ko kasi, may mga bagay pa rin tayong hindi
malalaman.

GERARDO: May mga limitasiyon nga kami, pero hindi naman gano’n kalimitado. Maaasahan pa rin naman
nating magkaka-moral sanction, maski papaano...Palibhasa, hindi naman tayo makakaasa ng hustisiya galing
sa lahat ng korte...

13 of 51
ROBERTO: Hay, dalangin ko kay Lord na tama ka. Pero mediyo late na yata, a. Diyos me, a las dos na pala.
Teka, babalikan na lang kita bukas, mga - ano sa tingin mo, a las nuwebe?

GERARDO: Ba’t hindi ka na lang magpalipas ng gabi dito, puwera na lang kung may naghihintay sa ‘yo sa
may inyo...

ROBERTO: Wala naman.

GERARDO: E mag-isa ka lang naman pala.

ROBERT: Hindi rin. Dumalaw lang kase ang misis at mga anak ko sa lola nila, e hindi ko hilig magsasakay
ng eroplano, tsaka may mga pasiyente pa ‘kong -

GERARDO: Wala ka naman sigurong pasiyente sa beach house mo. Kaya, ba’t hindi ka na lang -

ROBERTO: Salamat na lang, pero mas gusto ko talagang mapag-isa, patanaw-tanaw lang ba sa alon, mag-
sound trip. Pumunta ‘ko rito para tumulong, hindi para mang-abala. Babalik na lang ako bukas, mga -

GERARDO: Ay, hindi. Dito ka na magpalipas ng gabi. Ano - mga kalahating oras ka pang bibiyahe pauwi,
‘di ba?

ROBERTO: Mga apatnapung minuto kung sa coastal, pero -

GERARDO: Ay, tama ka na. Matutuwa si Paulina. Lulutuan niya tayo ng almusal.

ROBERTO: Teka, naengganyo yata ako ro’n, a. Almusal! Ni wala nga yata kaming gatas sa bahay. Tsaka sa
totoo lang, mediyo pagod na nga ako.

(Agad babalik si Paulina mula sa beranda tungo sa silid-tulugan.)

GERARDO: May iba ka pa bang...? Sepilyo lang yata’ng maaalok ko sa ‘yo...

ROBERTO: Alangan namang pahiram mo sa ‘kin ‘yung sepilyo mo!

GERARDO: Oo nga naman!

ROBERTO: S’ya, good night.

(Lalabas sina Gerardo at Roberto sa kani-kaniyang tulugan. Saglit na puwang: katahimikan at


liwanag ng buwan.)
14 of 51
GERARDO: (mula sa labas) Paulina, mahal...’Yung doktor na tumulong sa ‘kin sa daan, dito siya
magpapalipas ng gabi, ha. Mahal? Tutulungan niya kase ‘ko bukas na kunin ‘yung kotse. Darling, narinig mo
ba?

PAULINA: (sa labas, halos nakatulog na) Oo, mahal.

GERARDO:(sa labas) Kaibigan natin siya. Kaya huwag kang kabahan. Bukas, lutuan mo naman kami ng
masarap na almusal...

(Ang tunog lamang ng dagat sa kagyat na dilim.)

Yugto I
Tagpo 3

(Makalipas lang ang ilang sandali. May ulap na dadaan sa harap ng buwan. Lalakas ang tunog ng
dagat,saka lalamlam. Katahimikan.

Papasok ng sala si Paulina. Mula sa liwanag ng buwan, makikita natin siyang lalapit sa aparador
saka ilalabas ang baril, at ilang mga piraso ng damit na tila yata stockings. Tatawid siya sa
sala/komedor patungo sa entrada ng silid-tulugan ni Roberto. Mag-aabang siya nang ilang saglit,
nakikinig. Papasok siya sa kuwarto. Lilipas ang ilang sandali. Makaririnig tayo ng isang nakalilito
at malabong ingay, na susundan wari ng isang hiyaw. Katahimikan. Sa kagyat na liwanag, lalabas
si Paulina sa kuwarto. Babalik siya sa pinto ng sarili niyang silid-tulugan. Bubuksan niya ito,
kukuha ng susi mula sa loob ng pinto, saka itatarangka ito. Babalik siya sa silid-pampanauhin.
Makikita natin siyang may kinakaladkad, na mukha yatang isang katawan ngunit hindi tayo
nakasisiguro. Sa pagtuloy ng eksena, lalo tayong maliliwanagang tao nga iyon. May hihilahing
upuan si Paulina saka isasalampak ang katawan dito at igagapos ito sa upuan. Tutungo uli siya sa
silid-pampanauhin, babalik nang bitbit ang tsaketa ni Roberto, at kukuha ng susi ng kotse mula sa
bulsa nito. Akma siyang lalabas ng bahay. Hihinto. Pipihit siya upang tingnan muli ang katawan, na
sa ngayo’y malinaw na si Roberto nga. Maghuhubad siya ng panty saka ipapasak iyon sa bunganga
ni Roberto.

Lilisanin ni Paulina ang bahay. Maririnig natin ang ingay ng kotse ni Roberto. Pagkabukas sa
headlight ng kotse, papasadahan ng tanglaw nito ang buong tagpuan at sa ilaw nito, matitiyak
nating si Roberto Miranda nga iyong nakagapos sa isang upuan, walang kamalay-malay, at may
busal sa bunganga. Aalis ang kotse.

Kadiliman.)

15 of 51
Yugto I
Tagpo 4

(Bago magbukang-liwayway. Didilat ang mga mata ni Roberto. Susubukin niyang tumayo ngunit
mamamalayan niyang nakagapos siya. Pipihit-pihit siya, desperadong makalaya. Nakaupo sa harap
niya si Paulina, hawak ang kaniyang baril. Titingnan siya ni Roberto, puno ng sindak ang mga mata.)

PAULINA: (kalmadong-kalmado) Magandang umaga, Doktor...Miranda, hindi ba? Doktor Miranda.

(Ipapakita niya ang baril niya, na itututok niya kay Roberto nang mapanukso.)

PAULINA: May kaibigan ako no’n sa university, Miranda ang pangalan, Ana Maria Miranda, hindi ka
naman siguro kamag-anak ng mga Miranda sa San Esteban, ano? Ang talino n’on. Ang galing makakabisa
ng utak, ang tawag namin sa kaniya noon, Miss Encyclopedia. Ewan ko kung ano na’ng nangyari sa kaniya.
Nagtapos siguro sa medisina, naging doktor gaya mo.

Hindi ko na nakuha’ng diploma ko...Hindi ko na kasi natuloy ang pag-aaral ko, Doktor Miranda. Alam mo
naman siguro kung bakit. Hindi naman siguro mahirap sa imahinasiyon mong hulaan kung ano ang dahilan.

Buti na lang, dumating si Gerardo. ‘Di ko masasabing hinintay niya ‘ko - pero masasabi kong minahal pa rin
niya ‘ko, kaya hindi na ‘ko nakabalik sa pamantasan.

Napakasuwerte ko, lalo na’t nagkaro’n ako ng - hindi siguro phobia ang tamang salita, siguro, takot – takot
sa medisina. Nawalan ako ng kumpiyansa sa pinili kong trabaho. Pero hindi natatapos do’n ang buhay, ‘ika
nga nila. Kaya naisip ko, baka hindi rin masamang mag-enroll uli - baka sakaling pabalikin nila ‘ko sa
eskuwelahan. Nabasa ko n’ung isang araw, na ngayong wala na sa poder ang militar, pinapayagan na ng mga
unibersidad na makabalik ‘yung mga estudiyanteng nasipa noon.

Tingnan mo nga naman ako, o: dada nang dada e kailangan ko nang maghanda ng almusal. Ng masarap na
almusal, hindi ba? Ikaw - mahilig ka sa ham sandwich, ‘di ba? Ham sandwich na may mayonnaise. Wala
kaming mayonnaise, pero may hamon kami. Mahilig din kasi sa hamon si Gerardo. Malalaman ko rin kung
ano pa’ng ibang mga hilig mo. Pasensiya na sa mayonnaise. Pagpasensiyahan mo na rin kung magmonologo
na muna ako. Makakasalita ka rin naman mamaya, Doktor, huwag kang mag-alala. Ayoko lang munang
alisin ‘yang - busal, ‘yon ang tawag mo d’yan, hindi ba? - hintayin ko na muna sigurong magising si
Gerardo. E kung gisingin ko na kaya? Nabanggit ko na ba sa ‘yo? Tinawagan ko’ng garahe sa pay phone.
Darating sila rito mamaya.

(Tutungo sa pinto ng silid-tulugan, aalisin ang pagkakatarangka nito, saka ito bubuksan.)

16 of 51
Teka, mukhang naiinip ka yata. (Maglalabas ng cassette tape mula sa bulsa niya.) Pinangahasan kong ilabas
‘to galing sa kotse mo - pasensiya na. Makinig kaya tayo ng Schubert habang nagluluto ako ng masarap na
almusal, ano, Doktor? La muerte y la doncella?

(Ikakasa niya ito sa cassette player. Maririnig natin ang kuwarteto ng Death and the Maiden ni
Schubert.)

Alam mo ba kung ga’no na katagal mula nang huli kong marinig ang quartet na ‘to? Tuwing tinutugtog sa
radiyo, pinapatay ko. Iniiwasan ko na ngang masiyadong maglalalabas, kaso si Gerardo, ang daming social
events na pinupuntahan, at kung gagawin na siyang kawani, mapipilitan kaming makihalubilo,
makipagkamayan at ngumiti sa mga hindi namin kilalang tao, pero pinagdarasal ko na huwag nilang
patutugtugin si Schubert. Minsan, isang gabi, naghapunan kami kasama - kasama’ng mga bigating tao, at
tiyempong nagpatugtog ng piano sonata ni Schubert ‘yung kumumbida sa ‘min; naisip ko ka’gad, papatayin
ko ba o ako na lang ang aalis, pero katawan ko na’ng nagpasiya para sa ‘kin, biglang sumama ang
pakiramdam ko, kinailangan akong iuwi agad ni Gerardo, kaya iniwan namin silang nakikinig kay Schubert
at wala nang nakaalam pa kung ba’t sumama ang pakiramdam ko, kaya pinagdarasal ko lagi na wala sanang
magpatugtog ng kahit na anong piyesa ni Schubert.

Nakakatawa ano, siya pa man din - oo, kahit ngayon - ang pinakapaboritong composer ko. Ang lungkot-
lungkot niya, nakakamangha ang pang-unawa niya tungkol sa buhay. Pero pinangako ko sa sarili noon, na
darating din ang panahong mahahango ko siya mula sa hukay kumbaga, at ngayong pinakikinggan ko siya
rito, kasama mo, alam kong tama ako, na - napakaraming magbabago magmula ngayon, hindi ba? Biruin mo,
muntikan ko pang itapon ang buong koleksiyon ko ng Schubert! Kagagahan!

(Lalakasan ang boses; kay Gerardo.)

Mahal, ang ganda-ganda ng quartet na ‘to, ‘no?

(Kay Roberto) Ngayon, mapapakinggan ko na uli si Schubert; baka masikmura ko pa ngang pumunta ng
konsert tulad noon. Alam mo bang bakla si Schubert? Siyempre, alam mo, ikaw d’yan ang nagpaulit-ulit ng
pagsabi n’on n’ung pinatugtog mo ang La muerte y la doncella. Iyan din ba ang parehong cassette, Doktor, o
taun-taon kang bumibili ng bago para laging malinis ang tunog?

(Papasok si Gerardo mula sa silid-tulugan, inaantok pa.)

Magandang umaga, mahal. Patawad, hindi pa handa ang almusal.

(Pagkakita kay Gerardo, agad na susubukin ni Robertong makalaya. Panonoorin ito ni Gerardo,
gitlang-gitla.)

GERARDO: Paulina! Ano ‘to? Anak ng...Roberto...Doktor Miranda!


17 of 51
(Lalapit siya kay Roberto.)

PAULINA: Huwag mo siyang hawakan!

GERARDO: Ano?

PAULINA: (Nambabanta gamit ang baril) Huwag mo siyang hawakan.

GERARDO: Anong katarantaduhan ‘to, anong kabaliwan ‘to -

PAULINA: Siya ‘yon.

GERARDO: I...ibaba mo muna’ng baril.

PAULINA: Siya ‘yon.

GERARDO: Ano?

PAULINA: ’Yung doktor.

GERARDO: Sinong doktor?

PAULINA: ’Yung doktor na nagpatugtog ng Schubert.

GERARDO: ’Yung doktor na nagpatugtog ng Schubert.

PAULINA: ’Yung doktor.

GERARDO: Pa’no mo nalaman.

PAULINA: Ang boses niya.

GERARDO: Pero hindi ba - sabi mo – na n’ung buong linggong ‘yon...

PAULINA: Oo, nakapiring ang mga mata ko. Pero nakarinig pa rin ako.

GERARDO: May karamdaman ka.

PAULINA: Wala akong karamdaman.

18 of 51
GERARDO: Meron.

PAULINA: Meron nga. Pero nakakakilala pa rin ako ng boses. At sa bagay, ‘pag may bumigay sa ‘ting
sentido, bumabawi ‘yung iba, tumatalas. Hindi ba, Doktor Miranda?

GERARDO: Kesehoda kung may nakilala kang boses - hindi pa rin katibayan ‘yon, Paulina. Puwedeng
pasinungalingan ‘yon -

PAULINA: Pero ang boses niya. Nakilala ko ka’gad pagdating niya kagabi. Kung pa’no siya tumawa. ‘Yung
pananalita niya.

GERARDO: Pero hindi ‘yon...

PAULINA: Baka un poquito lang ‘yon, pero sapat na ‘yon sa akin. Sa lahat ng taong nagdaan, walang
sandaling lumipas na hindi ko naririnig ang boses na ‘yon, malapit sa akin, sa tenga ko, boses na may halong
laway, tingin mo ba, malilimutan ko ang isang boses na gaya ng sa kaniya?

(Gagayahin ang tinig ni Roberto, pati ng isang lalaki.)

PAULINA: (patuloy) “Sige pa. Kaya pa ng putang ‘yan.” “Sigurado ka, Dok? Pa’no kung biglang mamatay
‘tong pukeng ‘to?” “Malayo pa ngang himatayin ‘yan. Sige, bigyan mo pa, kaunti pa.”

GERARDO: Utang na loob, Paulina, iabot mo sa ‘kin ang baril.

PAULINA: Hindi.

GERARDO: Hangga’t sa nakatutok sa ‘kin ‘yan, hindi tayo makakapag- usap nang maayos.

PAULINA: Sa kabaligtaran nga, kung ilayo ko ‘to sa ‘yo, matatapos ang usapan. Kung ibaba ko ‘to,
gugulangan mo ‘ko sa pangangatwiran mo.

GERARDO: Paulina, gusto kong malaman mo na masama ang kalalabasan ng ginagawa mo.

PAULINA: Masama ba ‘ka mo? Hindi na maaareglo, gano’n ba?

GERARDO: Oo, hindi na nga - maaareglo. Doktor Miranda, patawad - ang asawa ko - matagal nang -

PAULINA: Huwag na huwag kang humingi ng tawad sa anak ng putang ‘yan. ‘Kita mo ba’ng kamay na ‘yan
-

19 of 51
GERARDO: Pakawalan mo siya, Paulina.

PAULINA: Ayoko.

GERARDO: Pues, ako’ng gagawa.

(Lalapit siya kay Roberto. Biglang magpapaputok si Paulina. Malinaw na hindi siya sanay
magpaputok ng baril, gayong kasinggulat niya ang dalawang lalaki, natulak sa puwersa ng tira.
Aatras ng isang hakbang si Gerardo, habang said na ang pag-asa sa mukha ni Roberto.)

GERARDO: Huwag kang magpaputok, Paulie. Huwag mo nang pipindutin ang gatilyo niyan. Akin na’ng
baril. (Katahimikan.) Hindi mo puwedeng gawin ‘to.

PAULINA: Kelan ka ba titigil sa pagsabi sa ‘kin kung ano’ng puwede kong gawin at hindi? “Bawal ‘to,
puwede ‘yan, bawal ‘to.” Ginawa ko na.

GERARDO: Sa taong ‘to, na sa alam natin, ang tanging nagawang kasalanan - ang tanging maipaparatang
sa kaniya sa harap ng huwes -

(Mapangutyang matatawa si Paulina.)

GERARDO: Oo, sa huwes, ga’no man sila kakurakot, katiwali, kaduwag - ang maipaparatang mo lang sa
taong ‘to ay pagtigil sa gitna ng daan para tumulong sa isang nangangailangan, at ihatid pa siya pauwi at
mag-alok pa na -

PAULINA: Muntik ko nang malimutan. Parating na ‘yung mamà galing sa garahe.

GERARDO: Ano?

PAULINA: Kaninang madaling-araw, n’ung tinago ko’ng kotse nitong mabuting Samaritano mo, dumaan
ako sa pay phone para tawagan sila nang maaga. Kaya magdamit ka na. Darating na ‘yon pamaya-maya lang.

GERARDO: Parang awa mo na, Paulina, maging makatwiran naman tayo, umarte naman tayong parang -

PAULINA: Bahala kang maging makatwiran. Wala naman silang ginawa sa ‘yo.

GERARDO: Mayroon, siyempre, mayroon - pero hindi naman tayo nakikipagkumpetensiya kung sino’ng
ginawan ng mas karumal-dumal - subukan naman nating maging rasonable, puwede ba? Sabihin na nating
siya ‘yung duktor na gumawa noon sa kasalbahihang ‘yon - pero hindi, wala talagang dahilan para maging

20 of 51
siya ‘yon - pero sige, sabihin nating siya nga ‘yon - maski na, mahal, ano’ng karapatan mong talian siya nang
ganiyan? Tingnan mo naman kung ano’ng ginagawa mo, Paulina, isipin mo’ng kahihinatnan nito -

(Maririnig sa labas ang motor ng isang trak. Tatakbo si Paulina tungo sa pinto, bahagya itong
bubuksan at sisigaw sa labas.)

PAULINA: Teka, nandiyan na.

(Isasara niya at itatarangka ang pinto, isasara ang mga kurtina saka titingin kay Gerardo.)

PAULINA:Magbihis ka, dali. Nandiyan na ‘yung tow truck. Nasa labas ‘yung reserba. Kinuha ko rin ‘yung
jack niya.

GERARDO: Ninakaw mo’ng jack niya?

PAULINA: Para ‘yung sa atin, puwedeng kay Mama na lang.

(Sandaling katahimikan.)

GERARDO: Hindi mo ba naisip na puwede akong pumunta sa pulis?

PAULINA: Duda akong gagawin mo ‘yan. Masiyadong malaki ang tiwala mo sa galing mong mangumbinsi.
Tsaka alam mo namang sa oras na umusli ang nguso ng mga pulis dito, tatagusan ko ka’gad ng tingga ang
sentido ng lalaking ‘yan. Alam mo ‘yon, hindi ba? At pagkatapos, saka ko itututok ‘tong baril sa bibig ko
at pipindot sa gatilyo.

GERARDO: Ay, mahal, mahal ko. Hindi - hindi na kita makilala. Pa’no mo nagagawa ‘to, pa’no ka
nakakasalita nang ganiyan?

PAULINA: Ipaliwanag mo nga sa asawa ko, Doktor Miranda, kung ano’ng pinaggagawa mo sa ‘kin at
naging ganito ako - kabaliw.

GERARDO: Paulina, sabihin mo sa ‘kin kung ano ba’ng eksaktong balak mong gawin.

PAULINA: Hindi lang ako. Natin, tayong dalawa. Lilitisin natin siya, Gerardo, itong doktor na ito. Dito.
Ngayong araw. Tayong dalawa. O baka naman ‘yang bantog na Investigating Commission mo na ang
bahala?

(Lalamlam ang liwanag. Katapusan ng UNANG YUGTO.)

21 of 51
YUGTO II
Tagpo 1

(Tanghali. Nasa parehong pusisiyon si Roberto. Nakatalikod sa kaniya si Paulina, nakatanaw sa


bintana, nagmamasid sa dagat, marahang kinukuyakoy ang kataan habang kinakausap siya.)

PAULINA: Nung pakawalan nila ‘ko - alam mo ba kung sa’n ako pumunta? Hindi ako makauwi sa parents
ko - saksakan sila no’n ng pagkapro-militar, talagang sinira ko na lahat ng pakikipagdiplomasiya sa kanila.
Miminsan lang akong nakipagkita kay Mama...Nakakagulat na sinasabi ko lahat ng ito sa ‘yo, na para bang
pari kang pinagkukumpisalan ko, gayong ang dami pang bagay na ‘di ko masabi kay Gerardo, o sa kapatid
ko, lalo na kay Mama. Matutuluyan ‘yon kung malaman niya kung ano talaga’ng nasa isip ko. Samantalang
ikaw, puwede kitang sabihan ng totoong nararamdaman ko, ng naramdaman ko n’ung pinakawalan nila ‘ko.
N’ung gabing ‘yon...pero hindi ko naman na kailangang sabihin pa sa ‘yo kung ano’ng kalagayan ko,
ininspeksiyon mo ‘kong maigi, ‘di ba, bago mo ‘ko pakawalan? Ang kumportable rin ng lagay nating dalawa
rito, ano? Para lang tayong dalawang senior na nakaupo lang sa parke, nagpapaaraw.

(Mumuwestra si Roberto, para bang gustong magsalita o mapakawalan.)

PAULINA: Gutom ka? Hindi naman kita ga’nong pahihirapan. Hintayin mo lang makabalik si Gerardo.

(Gagayahin ang boses ng isang lalaki.)

PAULINA: “Gutom ka? Gusto mong kumain? Pakakainin kita, kepyas ka, susubuan kita ng malaki, ng
nakakabusog para malimutan mong gutom ka.”

(Sa totoong tinig na niya.)

PAULINA: Hindi mo alam ‘yung tungkol kay Gerardo, ‘no? - Ibig kong sabihin, hindi mo na nalaman. Ni
minsan, hindi ko binulong ang pangalan niya. ‘Yang mga - mga kasamahan mo, tinanong nila ‘ko, siyempre.
“Sa sinarap ng puke mong ‘yan, miss, huwag mong sabihing walang umiiyot sa iyo, ha? Sige na, sabihin mo
na kung sino’ng kumakantot sa ‘yo.” Pero hindi ko binigay ang pangalan ni Gerardo. Nakakatawa’ng
kinalabasan ng mga bagay. Kung binanggit ko si Gerardo, hindi sana siya masasama sa Investigating
Commission; tiyak, isang pangalan lang siyang ineembistigahan ng kung- sinong abogado. At ako’ng
haharap sa Komisiyon para ipaliwanag sa kanila kung pa’no ko nakilala si Gerardo - ang totoo niyan,
nakilala ko siya pagkatapos lang n’ung kudeta, tumutulong siyang humingi ng asylum para sa mga tao d’on
sa mga embahada - kasama ko si Gerardong sumagip ng mga buhay, tinatakas namin ‘yung mga tao paalis sa
bansa para hindi sila patayin. Wala akong takot noon, handa kong gawin ang kahit ano. Hindi nga ‘ko
makapaniwalang noon, wala akong ni gapatak ng takot sa katawan ko. Pero kung sa’n- sa’n na napunta ‘tong

22 of 51
kuwento ko. N’ung gabing pinalaya nila ‘ko, dumiretso ako sa bahay ni Gerardo, kumatok ako sa pinto,
katok ako nang katok, gaya ng ginawa mo kagabi, at nang sumagot sa wakas si Gerardo, aligagang
aligaga’ng itsura niya, ang gulo-gulo ng buhok -

(Tunog ng kotse sa labas. At pintuan ng kotseng bubukas saka sasara. Tutungo si Paulina sa mesa
saka daramputin ang baril. Papasok si Gerardo.)

PAULINA: Kumusta? Napaayos mo’ng gulong?

GERARDO: Makinig ka sa ‘kin, Paulina -

PAULINA: Siyempre, makikinig ako. Noon pa man, lagi na ‘kong nakikinig sa ‘yo.

GERARDO: Gusto kong umupo ka at makinig ka sa ‘king maigi.

(Mauupo si Paulina.)

GERARDO: Alam mong inalay ko ang buhay ko para ipagtanggol ang mga aktibista. Kung may isang bagay
na talagang kinamuhian ko sa lumipas na rehimen -

PAULINA: Ano pa? Di mga pasista...

GERARDO: Huwag kang sumabad. Kung may kinasuklaman ako sa kanila, ‘yun ay dahil ang dami-dami
nilang pinaratangan, kapuwa lalaki at babae, na humabi sila ng mga ebidensiya, kundi naman, nag-dismiss
ng mga ebidensiya, at hindi nila binigyan ng pagkakataon ang mga akusadong ipagtanggol ang sarili nila,
kaya kahit sabihin mo pang araw-araw na nagpa-genocide ang taong ‘to, may karapatan pa rin siyang
ipagtanggol ang sarili niya.

PAULINA: Wala akong intensiyong hadlangan ang karapatan niyang ‘yon, Gerardo. Ibibigay ko lahat ng
oras sa ‘yo para kausapin ‘yang kliyente mo nang pribado. Hinintay lang kitang umuwi, para masimulan na
natin ‘to nang maayos.

(Mumuwestra kay Gerardo, na tatanggalin ang busal ni Roberto. Sunod niyang ituturol ang cassette
recorder.)

PAULINA: Dapat mong malaman, Doktor, na lahat ng sabihin mo’y marerekord dito.

GERARDO: Diyos ko, Paulina, tumahimik ka na! Hayaan mong siyang magsalita...

(Saglit na puwang. Pipindutin ni Paulina ang recorder.)


23 of 51
ROBERTO: (Uubo; namamalat) Tubig.

GERARDO: Ano?

PAULINA: Gusto niya ng tubig.

(Hahangos si Gerardo para kumuha ng basong tubig saka ito dadalhin kay Roberto. Maingay itong
iinumin ni Roberto.)

PAULINA: (patuloy) Wala talagang tatalo sa preskong tubig, ano, Dok? Mas masarap pa rin kesa inumin
ang sarili mong ihi.

ROBERTO: Escobar. Wala kang lusot dito. Hinding-hindi kita patatawarin hangga’t buhay ako.

PAULINA: Teka, teka. Awat muna, Dok. Tingnan natin kung gumagana.

(Pipindot siya ng kung anu-ano at maririnig natin ang tinig ni Roberto.)

TINIG NI ROBERTO: Escobar. Wala kang lusot dito. Hinding-hindi kita patatawarin hangga’t buhay ako.

TINIG NI PAULINA: Teka, teka. Awat muna, Dok. Tingnan natin kung gumagana.

(Ititigil ni Paulin ang recorder.)

PAULINA: Handa na. Ang ganda ng pagrekord. May pahayag na tayo tungkol sa pagpapatawad. Opinyon ni
Doktor Miranda na hangga’t nabubuhay siya, hinding-hindi raw mapapatawad na itali sa loob ng ilang oras
ang isang tao, ang pagbawalan nang ilang oras ang taong ‘yon makapagsalita. Areglado. Ano pa?

(May pipindutin uli siya.)

ROBERTO: Madame, hindi kita kilala. Hindi pa kita nakikita buong buhay ko. Pero masasabi ko ‘to:
malubha ang karamdaman mo, nagpapamalas ka ng mga sintomas ng schizophrenia. Pero ikaw, Escobar,
ginoo, wala kang karamdaman. Isa kang abogado, tagapagtanggol ng mga karapatang pantao, isang taong
inusig ng dating pamahalaang militar, tulad ko, at iba ang kaso mo, maipananagot ka sa mga ginagawa mo,
at kailangan mo ‘kong pakawalan ngayon din. At gusto kong malaman mo, na sa bawat minutong lumilipas,
lalo’t lalo kang nagiging kasabwat sa panggagahasang ito at kakailanganin mong managot sa -

PAULINA: (Itututok ang baril sa kaniyang sentido.) Sino’ng pinagbabantaan mo?

24 of 51
ROBERTO: Wala akong -

PAULINA: Meron, may pinagbabantaan ka. Linawin lang natin, Doktor. Tapos na ang oras ng pagbabanta.
Doon sa labas, baka kayong mga putang-ina ang nasusunod, pero dito, ako ang batas. Malinaw ba?

ROBERTO: Kailangan kong magbanyo.

PAULINA: Iihi ka o eetsas?

GERARDO: Diyos ko, Paulina! Doktor Miranda, hindi pa siya nagsasalita nang ganyan buong buhay niya.

PAULINA: Sanay siya sa ganyan...Ano na, Dok? Harap o likod?

ROBERTO: Patayo.

PAULINA: Pakawalan mo’ng paa niya, Gerardo. Ako na’ng sasama sa kaniya.

GERARDO: Hindi. Ako.

PAULINA: Ako sabi. Huwag mo ‘kong titingnan nang ganiyan. Hindi naman ‘to’ng unang beses na ilalabas
niya’ng - kasangkapan niya sa harap ko. Tara na, Dok. Tayo. Ayokong maihian mo ‘yang alpombra ko.

(Pakakawalan ni Gerardo ang mga paa ni Roberto. Dahan-dahan, nasasaktang iika-ika si Roberto
patungo sa banyo, nang nakatutok ng baril si Paulina sa kaniyang likod. Papatayin ni Gerardo ang
cassette recorder. Lalabas si Paulina kasama si Roberto. Pagkuwan, maririnig natin ang tunog ng
pag-ihi saka ng pag-flush. Samantalang paroo’t paritong naglalakad si Gerardo. Babalik si Paulina
kasama si Roberto.)

PAULINA: Itali mo uli siya.

(Sisimulan ni Gerardong itali ang mga paa ni Roberto.)

PAULINA: Gerardo, higpitan mo pa!

GERARDO: Paulina, hindi ko na ‘to masikmura. Kailangan kitang kausapin.

PAULINA: Walang pumipigil sa ‘yo.

GERARDO: Nang tayo lang.

PAULINA: Bakit? Rinig ko naman lahat ng pinagsasabi ng doktor noon -

25 of 51
GERARDO: Utang na loob, Paulie, parang awa mo na, huwag nang pahirapan. Gusto kitang makausap nang
pribado.

(Tutungo sina Gerardo at Paulina sa beranda.Habang nag-uusap sila, unti-unting maluluwagan ni


Roberto ang mga gapos niya.)

GERARDO: (patuloy) Ano ba’ng ginagawa mo? Babae ka - ano ba’ng balak mong mapala sa kabaliwang
‘to?

PAULINA: Sinabi ko na - gusto ko siyang litisin.

GERARDO: Gusto mo siyang litisin, ano ba’ng ibig sabihin n’on, gusto mo siyang litisin? Hindi natin
puwedeng tularan ‘yung mga ginawa nila. Iba tayo. ‘Yang paghihiganti nang ganito, hindi ‘to -

PAULINA: Hindi ‘to paghihiganti. Binibigay ko na nga sa kaniya’ng konsuwelong hinding-hindi niya
binigay sa akin. Ni kaunti, siya at ‘yong - mga kasosiyo niya.

GERARDO: Mga kasosiyo niya - ano, kikidnapin mo rin ba silang lahat at dadalhin mo rito at igagapos mo
at...

PAULINA: Kakailanganin ko pang malaman ang pangalan nilang lahat para magawa ‘yon, ‘di ba?

GERARDO: - at pagkatapos...

PAULINA: Papatayin ko sila? Papatayin ko siya? Hindi naman niya ‘ko pinatay, kaya hindi rin patas kung -

GERARDO: Buti na lang, Paulina, dahil kakailanganin mo rin akong patayin. Binabalaan kita: kung balak
mo siyang patayin, kakailanganin mo ‘kong unahin.

PAULINA: Puwede bang kumalma ka? Wala akong balak patayin siya. Lalo na ikaw...Pero ganiyan naman
lagi, hindi ka naniniwala sa ‘kin.

GERARDO: Pues, ano nga’ng gagawin mo sa kaniya? Ano? Ano’ng gagawin mo sa - at lahat ng ito, dahil
lang labinlimang taon noon, may...

PAULINA: May ano?...ano’ng ginawa nila sa ‘kin, Gerardo. Sabihin mo. (Saglit na puwang.) Ni minsan,
ayaw mong sabihin. Sabihin mo ngayon. Ano...

GERARDO: E kung hindi mo nga masabi, pa’no pa ‘ko?


26 of 51
PAULINA: Sabihin mo na.

GERARDO Alam ko lang kung ano’ng kinuwento mo sa ‘kin n’ung unang gabi, n’ung…

PAULINA: Ano...

GERARDO: Na…

PAULINA: Sabihin mo, sabihin mo.

GERARDO: N’ung - tinortiyur ka nila. Sabihin mo rin.

PAULINA: Tinortiyur nila ‘ko. Ano pa? Ano pa’ng ginawa nila sa ‘kin,

(Lalapit sa kaniya si Gerardo, hahawakan siya.)

GERARDO: Ginahasa ka nila.

PAULINA: Ilang beses?

GERARDO: Lampas isa.

PAULINA: Ilang beses?

GERARDO: Hindi mo sinabi kung ilan. Hindi ko binilang, sabi mo.

PAULINA: Hindi ‘yan totoo.

GERARDO: Ano’ng hindi totoo?

PAULINA: Na hindi ko binilang. Binilang ko. Alam ko kung ilang beses. (Saglit na puwang.) At n’ung
gabing ‘yon, Gerardo, n’ung pumunta ‘ko sa ‘yo, n’ung kinuwento ko, n’ung simulan kong sabihin sa ‘yo,
ano’ng pinangako mong gawin kapag mahanap mo sila? “Balang-araw, mahal, lilitisin natin sila, mga putang
ina nila. Magagalugad ng mga mata mo” - naalala ko’ng eksaktong pagkakasabi mo dahil napakamatulain,
‘ka ko - “magagalugad ng mga mata mo ang mga pagmumukha nila habang pinakikinggan nila ang kuwento
mo. Gagawin natin ‘yan, makikita mo.” Ngayon, mahal, sabihin mo sa ‘kin, kanino ako tatakbo?

GERARDO: Labinlimang taon na ang lumipas.

27 of 51
PAULINA: Sabihin mo kung sino’ng makikinig sa mga paratang ko laban sa doktor na ‘yan, sino, Gerardo?
‘Yan bang Komisiyon mo?

GERARDO: Komisiyon ko? Anong Komisiyon? Dahil sa ‘yo, baka hindi na nga namin maiimbestigahan pa
ang ibang mga kaso - At kakailanganin kong mag-resign.

PAULINA: Grabe namang pagdadrama mo. Napapasimangot ka o, nadadagdagan ng kulubot ‘yang noo mo,
nagmumukha kang matanda. At ‘pag nakita nila’ng retrato mo sa diyaryo, walang maniniwalang ikaw ang
pinakabatang nasali sa Komisiyon.

GERARDO: Bingi ka ba? Kasasabi ko lang na magre-resign ako.

PAULINA: Hindi ko makita kung bakit.

GERARDO: Hindi mo makita, pero ang buong bayan, kitang-kita nila kung bakit, lalo na ‘yung mga
lumalaban sa pag-iimbestiga ng nakaraan. Isang kasapi sa Komisiyon ng presidente, na huwaran dapat ng
pagtitimpi, ng hinahon -

PAULINA: Masasakal na tayo sa sobra-sobrang hinahong ito!

GERARDO: - ng pagiging patas, siya mismo ang pumayag na may inosenteng taong mapugal at
mapahirapan sa sarili niyang pamamahay - alam mo ba na ‘yung mga pahayagang kakampi no’n ng
diktaturya, alam mo bang magagamit nila ‘to para makompromiso, kundi pa nga e tuluyang mabuwag, ang
Komisiyon? (Saglit na puwang.) Gusto mo bang bumalik sa poder ang mga taong ‘yon? Gusto mo ba silang
mapraning para bumalik sila at siguruhing hindi na natin sila mahahawakan pa? Gusto mo bang bumalik ang
panahong sila ang may-hawak sa buhay at kamatayan natin? Dahil kung ‘yan ang gusto mo, makukuha mo.
Palayain mo na’ng lalaking ‘yon, Paulina. Humingi ka ng dispensa at palayain mo siya. Nakausap ko siya,
kung tungkol sa pulitika, mapagkakatiwalaan naman yata siya -

PAULINA: Hay, para kang bata, ang dali-dali mong maloko. Gerardo, pinapangako ko, nang taos-puso, na
hindi ka mapapahamak, pati na rin ‘yang Komisiyon mo, dahil sa pribadong paglilitis na ‘to. Tingin mo ba
talaga, may gagawin ako para makompromiso ‘yang Komisiyon, para harangan kang matuklasan kung saan
tinago ang bangkay ng mga desaparesidos, kung paano pinagpapapatay ang mga tao, kung saan sila nilibing.
Pero panay bangkay ang pinakikialaman ng mga miyembro ng Komisiyon mo, panay mga hindi na
makasalita pa. Samantalang ako, kaya ko pang magsalita - ilang taon na ‘kong walang binubulong maski
isang salita, hindi pa ‘ko nagbubuka ng bibig para makabuga man lang nang k’onti tungkol sa mga naiisip
ko, taun-taon akong nabuhay sa takot ng sarili kong...pero hindi ako patay, inakala ko lang, pero, tangina,
kaya kong magsalita - kaya utang na loob, pabayaan mo ‘ko, ikaw na’ng bahala d’yan sa Komisiyon mo at
magtiwala ka sa ‘kin, hinding-hindi ‘to lalabas.

28 of 51
GERARDO: Kahit na - kakailanganin ko pa ring mag-resign, at mas mabuti kung sa lalong madali.

PAULINA: Magre-resign ka pa rin maski na walang makaalam?

GERARDO: Oo.

PAULINA: Dahil sa baliw mong asawa, na nabaliw dahil sa pananahimik at nababaliw uli ngayon dahil, sa
wakas, maaari na siyang magsalita?

GERARDO: Dahil na rin d’yan, oo, kung mahalaga pa sa ‘yo ang katotohanan.

PAULINA: Ang totoong katotohanan, ‘yun ba? (Saglit na puwang.) Teka lang.

(Papasok sa kasunod na kuwarto at mahuhuli si Robertong tumatakas. Pagkakita sa kaniya ni


Roberto, agad itong hihinto. Muli siyang igagapos ni Paulina habang nagboboses-lalaki siya.)

PAULINA: “O, bakit, ayaw mo ba sa ‘min? Gusto mo nang umalis, puta ka? Mas masasarapan ka rito
kasama ko, miss. Sabihin mong mami-miss mo ‘ko. Sabihin mo.”

(Unti-unti niyang hihipuin nang pataas-baba ang katawan ni Roberto, wari’y niyayapos ito. Saka
siya babalik sa beranda.)

PAULINA: Hindi lang boses niya’ng nakikilala ko, Gerardo. Pati balat niya. At amoy. Gerardo. Nakikilala
ko’ng balat niya.

(Saglit na puwang.)

PAULINA: Pa’no kung mapatunayan ko, nang wala ni katiting na pagdududa, na siya nga ‘yong doktor?
Gugustuhin mo pa rin bang palayain ko siya?

GERARDO: Oo. Kung siya nga ‘yon, lalong dapat mo siyang palayain. Huwag mo ‘kong titingnan nang
ganiyan. Isipin mo na lang kung lahat ng tao gagawin ang ginagawa mo. Pabubundatin mo’ng sarili mong
gutom, aakuhin mong mag-isa ang higanti, samantalang may daan-daan pang ibang tao sa bansang ‘to na
may kani-kaniyang problema, at sa wakas, may pag-asa na silang makahanap ng lunas. Paano sila? Bahala na
lang sila sa buhay nila, gano’n ba - pabayaan nang magkandaletse- letse’ng lahat ng pagsisikap na ibalik ang
demokrasiya -

PAULINA: Walang magkakandaletse-letse! Wala namang makakaalam!

29 of 51
GERARDO: Para masiguro ‘yon, kailangan mo siyang patayin, at ‘pag gawin mo ‘yon, ikaw naman ang
magkakandaletse-letse at hahatakin mo ‘ko sa lusak kasama mo. Palayain mo na siya, Paulina. Para sa bayan,
para sa sarili mo.

PAULINA: At ako? Ang pangangailangan ko? Tumingin ka sa ‘kin, tumingin ka sa ‘kin!

GERARDO: Oo, tinitingnan kita, mahal. Nakakulong ka pa rin, naiwan kang kasama nila, nakakulong sa
basement na ‘yon. Sa loob ng labinlimang taon, wala ka nang nagawa sa buhay mo. Ni isa. Tingnan mo’ng
sarili mo, ngayong may pagkakataon na tayong magsimula uli, saka ka nagkakatkat ng mga lumang
antak...’Di ba’t panahon nang -?

PAULINA: Lumimot? Gusto mong lumimot ako.

GERARDO: Palayain mo’ng sarili mo mula sa kanila, Paulina, ‘yon ang hinihiling ko.

PAULINA: Pakawalan ko siya para lang makabalik siya paglipas ng ilang taon?

GERARDO: Pakawalan mo siya para hindi na siya makabalik pa kailanman.

PAULINA: Makakasalubong natin siya sa labas, ngingitian natin siya, pakikilala niya sa ‘tin ‘yung asawa
niya tapos ngingiti rin tayo, makikipagkamayan, sasabihin kung ga’no kaalinsangan ang panahon at -?

GERARDO: Hindi mo siya kailangang ngitian, pero oo, ‘yon nga’ng kailangan nating gawin. At mabuhay,
oo. (Saglit na puwang.)

PAULINA: Gerardo, subukan na lang nating magkompromiso.

GERARDO: Hindi kita masundan.

PAULINA: Kompromiso, kasunduan, negosasiyon. Lahat naman ng bagay sa bansang ‘to dinadaan sa
konsensus, ‘di ba? Hindi ba ‘yun ang punto ng lahat ng pagbabagong ‘to ng sistema? Ibibigay nila sa ‘tin
‘yung hinihingi nating demokrasiya, pero sila pa rin ang may-kontrol sa ekonomiya at sa militar, ‘di ba?
Puwedeng imbestigahan ng Komisiyon ang mga krimen, pero walang dapat parusahan? Malaya kang sabihin
lahat ng gusto mo basta’t huwag mong sasabihin lahat ng gusto mo? Para naman makita mong hindi ako
nagpapadalus-dalos, o nagpapatangay lang sa damdamin, o...o may-tililing, magkasundo na lang tayo. Gusto
mong lumaya ang taong ‘yan sa pisikal na pahamak, samantalang ako, gusto kong - gusto mo bang malaman
kung ano talaga’ng gusto ko?

GERARDO: Wala na ‘kong ibang mahihiling pa.


30 of 51
PAULINA: N’ung marinig ko’ng boses niya kagabi, una kong naisip, na matagal ko nang naisip sa lahat ng
taong ito, tuwing mahuhuli mo ‘kong nagmumukhang - ano ba’ng tawag mo ro’n? Lutang, mailap, tama ba?
- alam mo ba kung ano’ng iniisip ko? ‘Yung gawin sa kanila, nang sistematikong-sistematiko, minuto per
minuto, instrumento kada instrumento - gawin sa kanila ‘yung eksaktong ginawa nila sa akin. Lalo na sa
kaniya, sa doktor na ‘yan...Dahil ‘yung iba, ang babastos, ang...samantalang siya, nagpapatugtog pa ng
Schubert, dumadakdak pa tungkol sa siyensiya, nagbabanggit pa ng mga salita ni Nietzsche.

GERARDO: Nietzsche.

PAULINA: Kinilabutan ako sa sarili ko. Na kaya palang magkaro’n ng gano’n kagrabeng poot sa loob ko -
pero ‘yun lang ang tanging paraan para makatulog ako sa gabi, ang tanging paraan para masikmura kong
samahan ka sa mga cocktail party mo, maski na sa bawat sandali, lagi kong naiisip na baka isa sa mga
panauhin do’n ang - maaaring hindi sila mismo, pero isang katulad nila...para lang hindi ako tuluyang
mabaliw at makayanan ko pa ring ngumiti gaya ng inaasahan mo lagi sa akin - iniisip ko na lang na
nilulublob ko’ng ulo nila sa garapon ng sarili nilang tae, na kinukuryente ko sila, at tuwing nagtatalik tayo,
‘pag lumalapit na ‘ko sa rurok ng pagnanasa, bigla kong naaalala’ng pagnuot ng kuryente sa buong katawan
ko, kaya - kaya tuloy, kailangan kong magkunwari, magkunwari para hindi mo malaman kung ano’ng naiisip
ko, para hindi mo maramdamang ikaw ang nagkulang - o Gerardo.

GERARDO: Ay mahal, mahal.

PAULINA: Nang marinig ko’ng boses niya, ang naisip ko lang ay gusto ko siyang magahasa, gusto kong
may kumantot sa kaniya, ‘yun ang naisip ko, para malaman naman niya kahit minsan kung ano’ng
pakiramdam ng...Palibhasa ‘di ko kayang manggahasa - kaya naisip ko n’ung una na kung gano’n ang
parusa, kailangang ikaw ang gumawa.

GERARDO: Tama na, Paulina.

PAULINA: Pero naisip ko rin na mahihirapan kang pumayag sa planong‘yon, lalo na at kailangang hayok ka
rin, maski papa’no, kung -

GERARDO: Tama na.

PAULINA: Kaya sunod kong naisip, pa’no kung gumamit tayo ng walis, Oo, walis. ‘Di ba, Gerardo, ‘yung
hawakan ng walis. Pero bigla kong naisip na hindi talaga ‘yon ang gusto ko - hindi pisikal ang hanap ko. At
alam mo kung sa’n ako nauwi, ‘yung hinahanap-hanap ko talaga?

(Saglit na puwang.)

PAULINA: Gusto ko siyang umamin. Gusto ko siyang umupo sa harap ng cassette recorder at sabihin sa ‘kin
kung ano’ng ginawa niya - hindi lang sa ‘kin, sa lahat ng tao - pasusulat ko sa kaniya ‘yon sa sarili niyang
31 of 51
kamay, papipirma ko sa kaniya, at itatago ko habambuhay ang dokumentong ‘yon - lahat ng impormasiyon,
mga pangalan, mga datos, mga detalye. ‘Yon ang gusto ko.

GERARDO: Kung aamin siya, pakakawalan mo na siya.

PAULINA: Oo.

GERARDO: At wala ka nang ibang hihingin sa kaniya?

PAULINA Wala na. ‘Pag mahawakan ko na’ng pag-amin ni Miranda, maliligtas ka na, pupuwede ka pa ring
manatili d’yan sa Komisiyon, at hindi niya pangangahasang magpadala ng mga alipores niya para saktan
tayo dahil alam niyang kung may isa sa ‘ting masaktan, kakalat sa pahayagan ang pag-amin niya.

GERARDO: Tingin mo, maniniwala ako na palalayain mo lang siya pagkatapos niyang umamin? Tingin mo,
maniniwala siyang hindi mo pasasabugin ang ulo niya pagkatapos?

PAULINA: Wala naman kayong ibang magagawa, ‘di ba? Gerardo, dapat tinatakot ang mga walang-hiyang
gaya niya. Sabihin mong tinago ko’ng kotse niya dahil naghahanda na ‘kong patayin siya. Na ang
makakapigil lang sa ‘kin e kung aamin siya. Sabihin mong walang ibang may-alam na dumalaw siya rito
kagabi, na walang makakahanap sa kaniya. Kung gusto mo siyang mabuhay, kumbinsihin mo siya.

GERARDO: Kailangan ko siyang kumbinsihin?

PAULINA: Mamili ka: ‘yon, o gahasain mo?

GERARDO: May sabit pa rin, malamang naisip mo na, Paulina. Paano kung wala naman talaga siyang
maaamin?

PAULINA: Sabihin mo sa kaniya, kung hindi siya aamin, papatayin ko siya.

GERARDO: Pero paano kung wala talaga siyang kasalanan?

PAULINA: Hindi ako nagmamadali. Sabihin mo, kaya kong maghintay ng buwan-buwan hanggang sa
umamin siya.

GERARDO: Hindi ka nakikinig sa ‘kin, Paulina. Ano’ng maaamin niya kung inosente siya?

PAULINA: Kung inosente siya? Di ang malas niya.

(Mamamatay ang ilaw.)

32 of 51
Yugto II
Tagpo 2

(Tanghalian. Nakaupo sa may hapag sina Gerardo at Roberto. Nakatali pa rin si Roberto, pero
ngayon, nakapuwesto na sa harap ang mga kamay niya. Katatapos lang maghain ni Gerardo ng
sopas. Nakamanman si Paulina mula sa beranda. Nakikita niya sila, ngunit hindi niya naririnig.
Lilipas ang ilang sandali na nakatitig lang sina Roberto at Gerardo sa pagkain.)

GERARDO: Hindi ka ba gutom, Doktor Miranda?

ROBERTO: Roberto. Roberto’ng pangalan ko. Huwag mong baguhin ang pagtrato mo sa akin - pakiusap.

GERARDO: Mas gusto kong kausapin ka na parang kliyente, Doktor Miranda. Makakatulong ‘yon sa ‘kin.
Mabuti yata kung kumain ka.

ROBERTO: Hindi ako gutom.

GERARDO: Ako na...

(Pupunuin niya ng sopas ang kutsara saka pakakanin si Roberto na parang sanggol. Habang
nangyayari ang susunod na palitan, patuloy niyang pinapakain si Roberto at ang kaniyang sarili.)

ROBERTO: Wala siya sa tamang isip. Pasensiya na sa sasabihin ko, Gerardo, pero ‘yang asawa mo...

GERARDO: Tinapay?

ROBERTO: Hindi, salamat.

(Puwang.)

ROBERTO: Kailangan mo siyang patingin sa doktor -

GERARDO: Kung sasabihin ko nang garapalan ang totoo, ikaw ang therapy niya, Doktor.

(Pupunasan niya ng napkin ang bibig ni Roberto.)

ROBERTO: Papatayin niya ‘ko.

33 of 51
GERARDO: Liban kung umamin ka, papatayin ka nga niya.

ROBERTO: Ano’ng aaminin ko? Ano’ng aaminin ko kung...?

GERARDO: Alam mo siguro, Dok, na gumamit ng mga doktor ang secret police noon - bilang consultant sa
kanilang pagto-torture...

ROBERTO: Unti-unting nalaman ‘yan ng medical association, at pinaimbestigahan nila ‘yan hangga’t sa
maaari.

GERARDO: Kumbinsido siya na ikaw ‘yung doktor na...At liban kung may paraan ka para pasinungalingan
‘yon...

ROBERTO: Paano? Kailangan kong baguhin ang boses ko para lang patunayang hindi ‘to ang boses ko -
kung boses ko lang ang magiging mitsa ng buhay ko, di wala nang iba pang patunay na -

GERARDO: Pati balat mo. Nabanggit niya’ng balat mo.

ROBERTO: Balat ko?

GERARDO: Tsaka ang amoy mo raw.

ROBERTO: Guni-guni ng nasisiraan ng bait. Susunggaban niya maski sinong lalaking pumasok sa pintong
‘yon...

GERARDO: Malas at ikaw ang pumasok.

ROBERTO: Gerardo naman. ‘Kita mong hindi ako makabasag-pinggan. Kahit sino, makikita agad na wala
sa ugali kong manakit - suklam ako sa kahit anong marahas. Pumupunta lang ako sa beach house ko,
nagliliwaliw lang sa tabing-dagat, nagmamasid lang sa alon, nangongolekta lang ng mga bato, nakikinig lang
ng music...

GERARDO: Ng Schubert?

ROBERTO: Oo, Schubert, wala ‘kong dapat ikahiya ro’n. Gusto ko rin si Vivaldi tsaka si Mozart tsaka si
Telemann. At me katangahang pumasok sa isip ko na magdala ng Schubert sa beach kahapon. Pero ang mas
tanga pa ro’n, huminto ako para sa ‘yo - Gerardo, kaya lang naman ako napasok sa gulong ‘to dahil naawa
ako sa isang siraulong pakampay-kampay ng kamay sa tabi ng sira niyang oto - Ikaw, ikaw ang obligadong
maghanap ng paraan para makaalis ako dito.

34 of 51
GERARDO: Alam ko.

ROBERTO: Ang sakit na ng bukongbukong ko, ng kamay ko, paa ko, likod ko. ‘Di mo ba puwedeng
luwagan ‘to para -

GERARDO: Roberto, magtatapat ako sa ‘yo. May iisang paraan lang para maligtas ang buhay
mo...Kailangan natin siyang pagbigyan.

ROBERTO: Pagbigyan?

GERARDO: Sakyan mo, paamuhin mo, para maramdaman niyang handa tayong - handa kang makipag-
cooperate...

ROBERTO: Paano ko magagawa ‘yon e nasa alanganin ako...

GERARDO: Pagbigyan mo na siya, papaniwalain mo siya na...

ROBERTO: Na ako ang...

GERARDO: Nangako siya sa ‘kin na kung - umamin ka, handa siyang -

ROBERTO: Wala akong dapat aminin!

GERARDO: Pues mag-imbento ka, dahil ang paraan lang para mapatawad ka niya e -

ROBERTO: Wala siyang dapat patawarin. Wala akong ginawa, wala akong dapat aminin. Naiintindihan mo
ba? (Pagkarinig sa boses ni Roberto, mapapatayo si Paulina at dahan-dahang lalapit sa kanila.)
Sa halip na sabihin mong magsinungaling ako, ba’t hindi ka na lang lumabas do’n at pilitin ‘yang loka-loka
mong asawa na itigil na ‘tong krimen na ‘to bago niya sirain ang karera mo at bago siya mapatapon sa
presinto o kaya sa mental hospital. ‘Yan ang sabihin mo sa kaniya. O hindi mo ba kayang kontrolin ang sarili
mong pamamahay?

GERARDO: Roberto, wala akong -

(Papasok si Paulina mula sa beranda.)

PAULINA: Mahal, may problema ba? Napansin ko...mediyo balisa ka. Tapos na pala kayo sa sopas. Wala
naman sigurong magsasabi na masama ako sa kusina ‘no? Na hindi ako ulirang asawa? Kung bigyan ka kaya
ng kape ng ulirang asawang ‘to, kahit un poquito lang, ano, Dok? Pero hindi yata nagkakape si Dok. Dok,
kinakausap kita. Hindi ka ba tinuruan ng nanay mo na -
35 of 51
ROBERTO: Huwag mong idamay ang nanay ko rito. Pinagbabawalan kitang banggitin ang nanay ko.

PAULINA: Patawad. Tama ka naman. Hindi nanay mo’ng dapat managot sa mga ginawa mo. Ewan ko ba
kung ba’t laging kursunada ng mga lalaking banatan ang mga nanay nila sa halip na - Bakit lagi ni’yong
sinasabi putang ina, bakit ‘yung ina, at hindi ‘yung tatay, e sila’ng unang nagturo sa inyong -

GERARDO: Paulina, pakiusap, puwede bang umalis ka na muna nang matuloy namin ang usapan namin?
Puwede ba?

PAULINA: Walang kaso. Iiwan ko na kayong mga lalaki para ayusin ang mga problema ng mundo.

(Akmang aalis saka babaling.)

PAULINA: Kung gusto nga pala niyang umihi, pumitik ka lang, agad akong darating.

(Babalik siya sa puwesto niya kanina sa beranda, nakaabang.)

ROBERTO: Walang-wala na talaga sa tamang isip.

GERARDO: ’Pag siraulo ang may kapangyarihan, kailangan mong pagbigyan. Ang gusto lang niya, umamin
ka -

ROBERTO: Ano’ng magagawa ng pag-amin ko -?

GERARDO: Ewan - baka ‘yun ang magpapalaya sa kaniya mula sa mga bangungot niya, pa’no ko naman
malalaman kung ano’ng iniisip ng mga tao pagkatapos nilang ma - pero naiintindihan ko rin ang
pangangailangan niya dahil katulad ‘yan ng napag-usapan natin kagabi, ‘yung pangangailangan ng bansa
nating mawawaan ang nangyari sa ‘tin.

ROBERTO: At ikaw?

GERARDO: Anong ako?

ROBERTO: Ikaw. Ano’ng gagawin mo pagkatapos?

GERARDO: Pagkatapos ng ano?

ROBERTO: Naniniwala ka sa kaniya, ‘no?

36 of 51
GERARDO: Kung alam kong may kasalanan ka, magpapakahirap pa ba ‘kong iligtas ang -

ROBERTO: Sa simula pa lang, kasabwat ka na niya. Siya ‘yung masama, ikaw ‘yung nagbabait-baitan -

GERARDO: Anong nagbabait-baitan -

ROBERTO: May kani-kaniyang papel kayo, siya ‘yung masama, ikaw ‘yung mabait, ‘yun ang diskarte ni’yo
para mapaamin ako. At pagkaamin ko, ikaw at hindi siya’ng totodas sa ‘kin, ‘yan ang gagawin ng kahit
sinong lalaki, kahit sinong tunay na lalaki, kung ginahasa’ng asawa niya, ‘yan ang gagawin ko kung may
gumahasa sa asawa ko. Puputulan kita ng bayag. Sabihin mo nga sa ‘kin: Tingin mo talaga ako ‘yung putang
inang doktor na ‘yon, ano?

(Tatayo si Gerardo.)

ROBERTO: Saan ka pupunta?

GERARDO: Kukunin ko ‘yung baril at pasasabugin ko ‘yang utak mo. Pero una sa lahat, putang ina mo ka,
susundan ko’ng payo mo at hihiwain ko’ng bayag mo, tanginang pasista ka. ‘Yan ang gagawin ng isang
tunay na lalaki, ‘di ba? Ang mga totoong machong lalaki, nagpapasabog ng utak, kumakantot ng mga
babaeng nakatali sa kama. ‘Di tulad ko. Ano ba naman ako? Isang torpe, duwag, malambot na bakla na
pinagtatanggol ang anak-ng-putang gumahasa sa asawa niya at sumira sa buhay niya. Ilang beses mo siyang
kinana? Ilang beses, tarantado ka?

ROBERTO: Gerardo -

GERARDO: Wala na si Gerardo. Ako na lang ang nandito. Mata sa mata, ngipin sa ngipin, ‘di ba ‘yan ang
pilosopiya natin dito?

ROBERTO: Nagbibiro lang ako, nag -

GERARDO: Pero ba’t ko naman dudungisan ang kamay ko sa basurang gaya mo...

ROBERTO: ...bibiro lang ako.

GERARDO: ...Kung meron namang mas makakaraos sa pagdurusa at kamatayan mo? Ba’t ko naman
aagawin sa kaniya ang sarap na ‘yon? Tatawagin ko na siya, siya na’ng magpapasabog sa utak mo.

ROBERTO: Huwag kang umalis. Huwag mo siyang tawagin.

37 of 51
GERARDO: Pagod na ‘kong mamagitan sa inyong dalawa. Ikaw’ng makipagkasunduan sa kaniya, ikaw’ng
kumumbinsi sa kaniya.

ROBERTO: Natatakot ako, Gerardo.

GERARDO: Ako rin.

ROBERTO: Huwag mong hayaang patayin niya ‘ko. Ano’ng sasabihin mo sa kaniya?

GERARDO: Ang totoo. Na ayaw mong makisama.

ROBERTO: Hindi ko alam kung ano’ng nagawa ko, kailangan mong maintindihan na hindi ko alam kung
ano’ng dapat kong aminin. Kung ako nga’ng may-sala, alam ko sana ang bawat detalye, pero wala akong
kaalam-alam, kaya...kung magkamali ako, iisipin lang niya - kailangan ko’ng tulong mo, kailangan mong
idikta sa ‘kin para - para makaimbento ako base sa sasabihin mo sa ‘kin.

GERARDO: Gusto mong linlangin ko’ng asawa ko?

ROBERTO: Gusto kong iligtas mo’ng buhay ng isang inosenteng tao, Escobar. Naniniwala ka namang
inosente ako, ‘di ba?

GERARDO: Mahalaga sa ‘yo kung ano’ng pinaniniwalaan ko?

ROBERTO: Siyempre. Hindi siya’ng boses ng katinuan, ikaw. Hindi siya’ng miyembro ng Komisiyon ng
pangulo, ikaw.

GERARDO: Hindi nga...Sino pa ba’ng may pakelam kung ano’ng iniisip niya. Isa lang naman siyang...

(Akmang aalis.)

ROBERTO: Teka, sa’n ka pupunta? Ano’ng sasabihin mo sa kaniya?

GERARDO: Sasabihin ko, naiihi ka.

(Mamamatay ang ilaw.)

YUGTO III
Tagpo 1

38 of 51
(Bago maggabi. Nasa labas sina Paulina at Gerardo sa beranda, nakaharap sa dagat. Nasa loob si
Roberto, nakatali pa rin. Nakapatong sa kandungan ni Gerardo ang cassette recorder.)

PAULINA: Hindi ko maintindihan kung bakit.

GERARDO: Kailangan kong malaman.

PAULINA: Bakit?

GERARDO: Mahal kita, Paulina. Kailangan kong marinig sa ‘yo nang diretso. Hindi naman tama na
paglipas ng maraming taon, sa kaniya ko pa malalaman. Hindi ko – hindi ko matitiis ‘yon.

PAULINA: Pero kung ako ang magkuwento – matitiis mo.

GERARDO: Kaysa kung sa kaniya ko unang maririnig.

PAULINA: Nakuwento ko na sa ‘yo noon, Gerardo. Hindi pa ba sapat ‘yon?

GERARDO: Sinimulan mo labinlimang taon noon pero bigla kang...

PAULINA: Inasahan mong ituloy ko ang kuwento habang naro’n ang putang ‘yon? Lumabas ang putang
‘yon sa kuwarto mo nang walang-saplot halos, tinatanong kung ba’t ang tagal mo sa labas, tapos inaasahan
mo lang akong –

GERARDO: Hindi siya puta.

PAULINA: Alam ba niya kung ano’ng pinagdaanan ko? Siguro naman. Puta siya. Kumangkang ba naman ng
lalaking may siyotang kinawa-kawawa, ha?

GERARDO: Huwag mo ‘kong simulan, Paulina.

PAULINA: Ikaw d’yan ang nagsimula.

GERARDO: Ilang beses ko ba dapat sabihin sa ‘yo...? Dalawang buwan kitang hinanap. Nagpakilala siya sa
‘kin, matutulungan daw niya ‘ko. Nagkainuman kami. Diyos ko naman, tao lang ako.

PAULINA: Habang ako, pinagtatanggol ko’ng buhay mo, habang kinikimkim ko lang dito sa loob ko’ng
pangalan mo – Tanungin mo siya, tanungin mo si Miranda kung minsan man lang e nabulong ko’ng
pangalan mo, samantalang ikaw d’yan...

39 of 51
GERARDO: Pinatawad mo na ‘ko, pinatawad mo na ‘ko, ilang beses ba nating kelangang balikan ‘to?
Mamamatay na tayo nito sa kalilingon sa nakaraan, sa lahat ng sakit, lahat ng galit. Tapusin na natin ‘yung
usapang ‘yon, tuldukan na natin ‘to nang hinding-hindi na nating kelangangin pang pag-usapan ‘to muli
kailanman.

PAULINA: Magpatawad, lumimot, gano’n?

GERARDO: Magpatawad, oo, lumimot, hindi. Pero magpatawad ka para makasimula tayo uli. Ang dami-
dami pang dahilan para mabuhay...

PAULINA: Ano ba’ng ginusto mong gawin ko, magsalita sa harap niya? Ikuwento sa ‘yo’ng pinaggagawa
nila sa ‘kin sa harap niya, na -? Ilang beses ba?

GERARDO: Ilang beses ang alin?

PAULINA: Ilang beses mo siyang kinantot?

GERARDO: Paulina…

PAULINA: Ilan?

GERARDO: Mahal…

PAULINA: Ilang beses? Ilan? Magsabi ka sa ‘kin, magsasabi ako sa ‘yo.

GERARDO: Paulina, Paulina, gusto mo ba ‘kong wasakin? ‘Yun ba’ng gusto mo?

PAULINA: Hindi.

GERARDO: Pero mawawasak mo ‘ko niyan, e. Ang kauuwian nito, matitira ka sa isang mundo kung saan
burado na ‘ko, wala na ‘ko. ‘Yun ba’ng gusto mo?

PAULINA: Ang gusto ko, malaman kung ilang beses mong kinana ang putang ‘yon.

GERARDO: Huwag mong gawin sa ‘kin ‘to, Paulina.

PAULINA: Hindi ‘yon ang unang gabi, ‘no, Gerardo? Nagkita na kayo bago n’un, ‘no? ‘Yung totoo,
Gerardo.

GERARDO: Alam mong puwedeng makapatay ang sobrang katotohanan, ‘di ba?

40 of 51
PAULINA: Ilang beses, Gerardo. Magsabi ka, magsasabi ako.

GERARDO: Dalawa.

PAULINA: N’ung gabing ‘yon. E n’ung gabi bago ‘yon?

GERARDO: Tatlo.

PAULINA: Ano?

GERARDO: Tatlong beses.

PAULINA: Gano’n siya kahusay? Gano’n mo siya kagusto? Gustong-gusto rin niya. Sarap na sarap siguro
siya kung nakailang balik din siya –

GERARDO: Nakikita mo ba kung ano’ng ginagawa mo sa ‘kin?

PAULINA: Hindi na maaareglo, ano? Hindi na.

GERARDO: Ano pa ba’ng gusto mo sa ‘kin? Nalampasan natin nang buháy ang diktaturya, nabuhay tayo, at
ngayon naman, gagawin natin sa isa’t isa ang hindi nagawa sa ‘tin ng mga puke-ng-inang ‘yon? ‘Yun ba’ng
gusto mo?

PAULINA: Hindi.

GERARDO: Gusto mo ba ‘kong umalis? ‘Yun ba’ng gusto mo? Gusto mong lumabas ako sa pintong ‘yan at
huwag nang bumalik? Diyos ko, ‘yun ba’ng gusto mo?

PAULINA: Hindi.

GERARDO: ’Yun ang mangyayari dito. Nasa kamay mo ‘ko, parang sanggol. Walang kalaban-laban.
Nakaharap ako sa ‘yo, hubad na hubad. Gusto mo ba ‘kong tratuhin tulad n’ung lalaking -

PAULINA: Hindi.

GERARDO: Gusto mo ba ‘kong...?

PAULINA: Gusto kitang maramdaman sa loob ko. Ikaw. Gusto kitang maramdaman sa loob ko, nang buhay.
Gusto kong makipagtalik sa ‘yo nang walang mga kasiping na multo at gusto kitang masama sa Komisiyon,

41 of 51
nagtatanggol sa katotohanan at gusto rin kita sa hanging hinihinga ko at gusto kita kapag mapakinggan ko uli
si Schubert -

GERARDO: Oo, Paulina, oo, oo.

PAULINA: Gusto kong mag-ampon tayo at gusto kitang alagaan bawat sandali gaya ng inalagaan mo ‘ko
pagkatapos ng gabing ‘yon -

GERARDO: Huwag mo nang babanggitin ‘yung putang inang gabing ‘yon. Kung ulit-ulitin mo pa’ng
tungkol sa gabing ‘yon - mapapatay mo ‘ko. ‘Yun ba’ng gusto mo?

PAULINA: Hindi.

GERARDO: Pues, sasabihin mo na ba sa ‘kin?

PAULINA: Oo.

GERARDO: Ang lahat?

PAULINA: Lahat-lahat.

GERARDO: Ganyan, ganyan tayo makakatakas sa gulong ito - nang walang tinatago sa isa’t isa,
magkasama.

PAULINA: Iyon na nga.

GERARDO: Irerekord ko. Wala ka namang problema kung nakarekord, ‘di ba, mahal?

PAULINA: Wala.

GERARDO: Isipin mo, tumetestigo ka sa harap ng Komisiyon.

PAULINA: ’Di ko alam kung pa’no simulan.

GERARDO: Simulan mo sa pangalan mo.

PAULINA: Paulina Salas ang maiden name ko. Kasal na ‘ko ngayon kay Atty. Gerardo Escobar, pero n’ung
mga panahong ‘yon -

GERARDO: Ano’ng petsa?

42 of 51
PAULINA: Ikaanim ng Abril, 1975, wala pa ‘kong asawa. Naglalakad ako sa may San Antonio -

GERARDO: Gawin mong detalyadong-detalyado.

PAULINA: Nang mga a las dos kinse ng hapon, ta’s pagdating ko sa kanto ng Huerfanos, may narinig ako sa
likod ko - may tatlong lalaking lumabas ng kotse, may nagtutok ng baril sa likod ko, sabi niya, “Kung
magsalita ka, babarilin kita, Miss.” Dinura niya’ng mga salitang ‘yon sa ulo ko - amoy bawang ang hininga
niya. Nasorpresa ako na nagawa ko pang pansinin ang maliit na detalyeng ‘yon, kung ano’ng nakain niya,
tapos naisip ko kung pa’nong tinutunaw ng tiyan niya ang pagkaing ‘yon sa mga likaw-likaw ng bituka niya
gaya ng inaral namin sa anatomy class. Pagkatapos no’n, nabuwisit pa ‘ko sa sarili ko, ilang beses kong
naisip no’n kung ba’t hindi ako sumigaw. Alam kong kapag nangyari sa ‘yo ‘yon, dapat sumigaw ka para
malaman ng mga tao - dapat isigaw mo’ng pangalan mo, ako si Paulina Salas, kinikidnap nila ‘ko, saklolo,
kung hindi ka sumigaw sa una pa lang, lagot ka na, masiyadong maaga akong sumuko, sinunod ko ka’gad
sila nang hindi man lang lumalaban. Buong buhay ko, masiyado na talaga ‘kong masunurin.

(Magsisimulang lumamlam ang liwanag.)

PAULINA: (patuloy) Hindi pa nila kasama n’on ‘yung doktor. Una kong nakilala si Doktor Miranda tatlong
araw pagkatapos n’ung...No’n ko pa lang nakilala si Doktor Miranda.

(Lalong magdidilim habang mananatili sa dilim ang tinig ni Paulina, tanging ang cassette recorder
ang naiilawan ng buwan.)

PAULINA: (patuloy) N’ung una, akala ko sasagipin niya ‘ko. Ang lumanay kasi niya, sobrang - bait, lalo
kumpara sa pinaggagawa sa ‘kin n’ung iba. Tapos, bigla na lang, narinig ko ‘yung musika ni Schubert. Hindi
ko mapaliwanag ‘yung pakiramdam na marinig ‘yung gano’n kagandang tugtugin sa gitna ng dilim, at
tatlong araw ka nang hindi pinapakain, at naaagnas na at bumibigay na’ng katawan mo, ‘pag…

(Sa dilim, maririnig nating sasapaw ang tinig ni Roberto sa tinig ni Paulina, sa saliw ng
pangalawang mobimyento ng Death and the Maiden.)

TINIG NI ROBERTO: Nagpapatugtog ako dahil nakakatulong sa ‘kin ‘yon para gampan ‘yung papel ko,
‘yun daw simpatiko, ‘yun ang tawag nila ro’n, nagpapatugtog ako ng Schubert para makuha ko’ng tiwala ng
bihag. Pero alam ko ring nakakagaan ‘yon sa paghihirap nila. Kailangan mong maniwalang nakakagaan ‘yon
sa paghihirap nila. Hindi lang ‘yung musika, lahat ng gawin ko. Gano’n nila ‘ko nilapitan n’ung una.

(Lalakas ang liwanag, wari’y lumalabas ang sinag ng buwan. Gabi na. Nasa harap ng cassette
recorder si Roberto, umaamin. Magmamaliw ang musika ni Schubert.)

43 of 51
TINIG NI ROBERTO: (patuloy) Sinusukuan daw sila ng mga bihag, namamatay raw, sabi nila sa ‘kin,
kailangan daw nila ng tutulong na mag-alaga ng bihag, ‘yung mapagkakatiwalaan nila. May kapatid kase
‘kong nagsisilbi sa secret service. Puwede kang maghiganti sa ginawa nila kay Papa, sabi niya sa ‘kin isang
gabi - inatake’ng tatay ko n’ung nilusob ng mga magsasaka ‘yung lupa niya sa Las Toltecas. Naparalisa siya
sa stroke - hindi na siya nakapagsalita, minsan isang oras higit siyang nakatitig sa ‘kin, parang sinasabi ng
mga mata niya, Kumilos ka. Pero hindi ‘yon ang dahilan kaya ko tinanggap. Ang totoo talaga, makatao’ng
rason ko. Nasa gera tayo, ‘ka ko, gusto nila ‘kong patayin, pati’ng pamilya ko, gusto nilang magtatag ng
diktaturya, pero kahit na, may karapatan pa rin silang magamot. Unti-unti mula n’un, ‘di ko halos napansin
kung papa’no, napasama ako sa mga delikadong operasiyon, sinasama nila ‘ko sa mga sesiyon para ako’ng
magsabi kung kaya pang uminda n’ung bihag, kung ga’no karaming kuryente’ng isasaksak. N’ung una, sabi
ko sa sarili ko, makakabuti na rin ‘yung ginagawa ko para masagip ko’ng buhay ng mga tao, madalas
sinasabi ko sa kanila - siyempre, kunwari lang, para lang maligtas ‘yung binibiktima nila - sinasabi ko sa
kanilang tumigil na kundi bibigay ‘yung preso. Pero pagkatapos n’on - unti-unti, ‘yung dating malasakit ko,
naging pananabik - nawala na’ng maskara ng kabaitan, at ‘yung pananabik, kinubli, kinubli, kinubli ako
mula sa totoong ginagawa ko, sa lusak ng - N’ung hinatid nila sa ‘kin si Paulina Salas, masiyado nang huli.
Masiyado na.

(Lalamlam ang liwanag.)

ROBERTO: (patuloy) ...huli na ang lahat. Mayro’n ng - pagkagumon sa karahasan na umari sa buhay ko,
sarap na sarap na ‘ko sa pinaggagawa ko. Naging parang laro para sa ‘kin. Nairaos ang pagtataka ko tungkol
sa karahasan bukod sa siyensiya. Hanggang saan kaya’ng mababata ng babaeng ‘to? Lampas isa ba?
Kamusta’ng ari niya? Natutuyo ba kapag kuryentehin mo? Wala na siyang kalaban-laban sa ‘yo, puwede mo
nang pagpasasaan ang bawat pantasiya mo, magagawa mo na sa kaniya ang kahit ano.

(Patuloy na humihina ang liwanag habang patuloy ang tinig ni Roberto sa kagyat na kadiliman,
liban sa isang silahis ng buwang nakatutok sa cassette recorder.)

ROBERTO: (patuloy) Lahat ng pinagbawal sa ‘yo noon, lahat ng binulong ng nanay mong bawal mong
gawin. Napapanaginipan mo na sila, lahat ng mga babaeng ‘yon. Talaga, Dok, sabi nila sa ‘kin,
matatanggihan mo ang karneng ‘to, sariwang-sariwa? ‘Yun ang tukso n’ung isa sa ‘kin. Pangalan n’un -
Dako - ‘yun ang tawag sa kaniya, hindi ko na nalaman ang tunay niyang pangalan. Nasasarapan sila, Dok,
sabi sa ‘kin ni Dako - sarap na sarap ang mga putang ‘yan, tapos tuwing kinakasa mo ‘yang maganda mong
tugtugin, lalo silang naeengganyo. Sinasabi niya ‘yan sa harap ng mga babae, sa harap ni Paulina Salas, kaya
sa huli, sa huli - pero walang namatay sa mga nabantayan ko, ni isang babae, ni isang lalaki.

(Aakyat ang liwanag, magbubukang-liwayway na. Wala nang gapos si Roberto, sinusulat sa papel
ang mga salitang binigkas niya sa cassette recorder. Sa harapan niya, maraming dahon ng papel na
sinulatan. Pinanonood siya nina Paulina at Gerardo.)
44 of 51
TINIG NI ROBERTO: (mula sa recorder) Sa pagkakaalala ko, nasali ako sa interogasiyon ng siyamnapu’t
apat na preso, kasama si Paulina Salas. ‘Yan lang ang masasabi ko. Humihingi ako ng kapatawaran.

(Papatayin ni Gerardo ang cassette recorder habang nagsusulat si Roberto.)

ROBERTO: Kapatawaran.

(Muling patutugtugin ni Gerardo ang cassette recorder.)

TINIG NI ROBERTO: Mapatunayan sana ng confession na ito na nagsisisi talaga ako at habang napipinto
ang rekonsiliyasiyon at kapayapaan sa bansa natin...

(Papatayin ni Gerardo ang cassette recorder.)

GERARDO: Nasulat mo ‘yon? Habang napipinto ang rekonsiliyasiyon at kapayapaan sa bansa natin?

(Patutugtugin niya uli.)

TINIG NI ROBERTO: - ako rin, dapat gugulin ang natitirang panahon sa ‘kin na pasan ang terible kong
sikreto. Wala nang mas bibigat pang parusa kaysa sa pinapataw sa ‘kin ng sarili kong konsiyensiya.

ROBERTO: (habang nagsusulat) ...parusa...konsiyensiya...

(Papatayin ni Gerardo ang cassette recorder. Katahimikan.)

ROBERTO: (patuloy) Anong pagkatapos? Pirmahan ko?

PAULINA: Isulat mo muna d’yan na ginawa mo ‘to nang bukal sa kalooban mo, nang walang pumupuwersa
sa ‘yo.

ROBERTO: Kasinungalingan ‘yan.

PAULINA: Gusto mong puwersahin ka talaga, Dok?

(Magsusulat ng ilang parirala si Roberto, ipakikita niya kay Gerardo, na tatango, saka lalagda si
Roberto. Pupurbahan ni Paulina ang lagda, kukunin ang papel, ilalabas ang cassette mula sa
rekorder, magkakasa ng isa pang cassette, pipindot. Maririnig natin ang pag-amin ni Roberto sa
tape.)

45 of 51
TINIG NI ROBERTO: Nagpapatugtog ako dahil nakakatulong sa ‘king gampan ‘yung papel ko, ‘yun daw
simpatiko, ‘yun ang tawag nila ro’n, nagpapatugtog ako ng Schubert para makuha ko’ng tiwala ng bihag.
Pero alam ko ring nakakagaan ‘yon sa paghihirap nila.

GERARDO: Paulina, tapos na.

PAULINA: Matatapos na nga, oo.

GERARDO: Hindi kaya panahon nang...

PAULINA: Tama ka. Nagkasundo tayo.

(Tatayo, tutungo sa bintana, huhugot ng malalim na hininga mula sa simoy ng dagat.)

PAULINA: Akalain mo, ang dami kong oras na pinalipas nang ganito, pagsikat ng araw, inaalala ang mga
bagay na pinag-iwanan ng mga alon sa gabi, tumititig sa mga hugis na iyon, iniisip kung ano sila, kung
matatangay uli sila sa dagat. At ngayon...at ngayon...

GERARDO: Paulina!

PAULINA: Buti naman at maprinsipyo ka pa rin. Akala ko, pipigilan pa kita, ngayong alam mo nang
nagkasala siya, akala ko, pipigilan pa kitang patayin siya.

GERARDO: Hindi ko pagkakaabalahang marungisan ang kaluluwa ko sa isang katulad niya.

PAULINA: (Iiitsa sa kaniya ang susi ng kotse.) Sige na, kunin mo na’ng oto niya.

GERARDO: Maiiwanan ko ba siyang kasama mo?

PAULINA: Malaki na ‘ko.

GERARDO: S’ya. Kukunin ko na’ng kotse...mag-ingat ka.

PAULINA: A, huwag mo nga palang kalimutang isauli’ng jack niya.

GERARDO: Huwag mo ring kalimutang ibalik ‘yung tape niya ng Schubert. May sarili ka namang kopya
no’n.

(Lalabas. Panonoorin siya ni Paulinang umalis. Kakalasin ni Roberto ang pagkakatali sa kaniyang
bukongbukong.)

46 of 51
ROBERTO: Kung papayagan mo ‘ko, magbabanyo lang ako. Hindi mo na siguro ako kailangang samahan?

PAULINA: Huwag kang gagalaw, Dok. Hindi pa tayo tapos. Magiging maganda ang araw na ‘to. Alam mo
ang kulang na lang, Dok, ang kulang na lang sa ‘kin para maging perpekto’ng araw na ‘to? Ang patayin ka.
Para mapakinggan ko uli si Schubert nang hindi iniisip na pinakikinggan mo rin siya, nang hindi mo na
sinisira’ng pakikinig ko kay Schubert, ang bayan ko, ang asawa ko. ‘Yun ang kailangan ko…

ROBERTO: Madam, iniwan ka ng asawa mo rito nang buong tiwala – na susunod ka sa usapan.

PAULINA: Pero n’ung nangako ako - may duda pa ‘ko - un poquito - na ikaw nga talaga siya. Dahil tama rin
naman si Gerardo. Pruweba, kailangan ko ng pruweba - maa’ring nagkamali ako. Pero alam kong kung
aamin ka - at n’ung marinig nga kita, nawala lahat ng pagdududa ko. Ngayong alam ko na, alam ko na
ngayong ikaw nga siya, hindi ako matatahimik kung hahayaan kitang mabuhay.

(Tututukan siya ng baril.)

PAULINA: May isang minuto ka pang magdasal, Dok.

(Dahan-dahang titindig si Roberto.)

ROBERTO: Huwag. Wala akong kasalanan.

PAULINA: Umamin ka na.

ROBERTO: ’Yang confession ko, ma’am...Kasinungalingan ‘yan.

PAULINA: Ano’ng ibig mong sabihin?

ROBERTO: Gawa-gawa ko lang ‘yan. Gawa-gawa lang namin ‘yan.

PAULINA: Napaniwala ako, malapit naman sa napakasakit na katotohanan...

ROBERTO: Sinabi lang sa ‘kin ng asawa mo kung ano’ng susulatin ko, ‘yung iba, inimbento ko, inimbento
ko lang, pero karamihan n’un, nakuha niya sa kuwento mo, sa alam niyang nangyari sa ‘yo, ‘yun lang daw
ang paraan para hindi mo ‘ko patayin, kinailangan kong gawin - alam mong ‘pag napupuwersa ka, kahit ano,
masasabi mo, pero inosente ako, Mrs. Escobar, kahit ang Diyos alam ‘yan -

PAULINA: Huwag mong binabanggit ang Diyos, Doktor, lalo’t malapit mo nang malaman kung totoo Siya o
hindi. Dako.

47 of 51
ROBERTO: Ano?

PAULINA: Ilang beses mong nabanggit sa confession mo, Dako. Ang laking tao niya siguro, maskulado,
kinakagat niya’ng kuko niya, ‘di ba, kinakagat niya’ng putang inang kuko niya. Dako.

ROBERTO: Wala pa ‘kong nakikilalang gano’n. Binanggit lang ng asawa mo’ng pangalang ‘yon. Lahat ng
sinabi ko, nakuha ko lang sa dinikta sa ‘kin ng asawa mo. Tanungin mo pa siya.

PAULINA: Hindi na kailangan. Alam kong gagawin niya ‘yon, alam kong gagamitin niya’ng mga sasabihin
ko sa gagawin mong pag-amin. Gano’ng klase kasi siyang tao. Akala niya, mas matalino siya kaysa sa iba,
akala niya lagi, may kailangan siyang sagipin. Hindi ko siya sinisisi. Kaya mahal ko siya. Nagsinungaling
kami sa isa’t isa dahil mahal namin ang isa’t isa. Nilinlang niya ‘ko para sa ikabubuti ko. Nilinlang ko siya
para sa ikabubuti niya. Pero ako’ng nagwagi sa laro na ‘to. Ang binanggit kong pangalan sa kaniya, Paco.
Maling pangalan ang binigay ko, tiningnan ko kung itatama mo. Ginawa mo nga. Tinama mo ‘yung
pangalang Paco, pinalitan mo ng Dako at kung talagang inosente ka -

ROBERTO: Maniwala ka sa ‘kin, asawa mo’ng - Makinig ka. Parang awa mo na. Inakala niya siguro na
gano’n ang pangalan ng lalaking makaka - ewan ko kung bakit - Tanungin mo pa siya. Tanungin mo siya.

PAULINA: Hindi lang ‘yon ang tinama mo. May iba pang…mga kasinungalingan.

ROBERTO: Kasinungalingan, anong kasinungalingan?

PAULINA: Maliliit na kasinungalingan, maliliit na pagbabago sa kuwento na siningit ko para kay Gerardo,
karamihan tinama mo. Nangyari nga’ng inakala ko. Sa takot mo na magkamali ka...Pero hindi kita papatayin
dahil may-sala ka nga, Dok; papatayin kita dahil hindi ka nagsisisi. Mapapatawad ko lang ‘yung nagsisisi,
‘yung humaharap sa mga ginawan niya ng kasalanan at umaaming, Ginawa ko ‘to. Ginawa ko, at hindi ko na
gagawin pa ulit.

ROBERTO: Ano pa ba’ng gusto mo? Nakuha mo na’ng higit pa sa makukuha ng lahat ng biniktima sa
bansang ‘to. (Maninikluhod.) Ano pa’ng gusto mo?

PAULINA: Ang katotohanan, Doktor. Ang katotohanan, at palalayain kita. Magsisi ka, at palalayain kita.
May sampung segundo ka. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim. Nauubos na’ng oras mo. Pito. Sabihin mo!

(Tatayo si Roberto.)

ROBERTO: Hindi, ayoko. Dahil kahit na umamin ako, hindi ka pa rin makukuntento. Papatayin mo pa rin

48 of 51
ako. Sige na, patayin mo na ‘ko. Hindi ako papayag na gawin sa ‘kin ‘to ng isang siraulong babae. Kung
gusto mo ‘kong patayin, gawin mo. Pero papatay ka ng inosenteng tao.

PAULINA: Walo.

ROBERTO: May gumawa nga ng masama sa ‘yo at ngayon ikaw naman ang gumagawa ng masama sa akin
at bukas may ibang tao naman - gano’n na lang nang gano’n. May mga anak ako, dalawang lalaki at isang
babae. Gusto mo bang ialay nila’ng sunod na labinlimang taon ng buhay nila kakahanap sa ‘yo? At
pagkatapos -

PAULINA: Siyam.

ROBERTO: Paulina, hindi ba panahon nang tapusin natin ‘to?

PAULINA: At bakit mga taong tulad ko ang kailangan laging magsakripisiyo, bakit kami lagi’ng dapat
magparaya, bakit ako dapat lagi ang magkagat-dila, bakit? Hindi na ngayon. Ngayon, sarili ko naman ang
iisipin ko, ‘yung pangangailangan ko. Manaig man lang ang katarungan sa iisang kasong ito, sa iisang kaso
man lang. Ano ba’ng mawawala? Ano ba’ng mawawala kung patayin natin ang isa sa kanila? Ano’ng
mawawala? Ano’ng mawawala?

(Hihinto sila sa pagkilos habang dahan-dahang mamamatay ang ilaw. Maririnig natin ang musika
mula sa huling mobimyento ng Dissonant Quartet ni Mozart. Matatakpan ng isang malaking
salamin sina Paulina at Roberto, na bababa mula sa kisame, kaya’t mapipilitan ang mga manonood
na makita ang mga sarili nila. Sa loob ng ilang minuto, maririnig lamang ang Kuwarteto ni Mozart,
habang pinanonood ng mga manonood ang kanilang sarili. May mga patse ng ilaw na kikislap-
kislap sa mga manonood, padala-dalawa, patatlo-tatlo, pataas at pababa sa hanay ng mga
manonood.)

Yugto III
Tagpo II
(Sa isang tanghalan ng konsiyerto. Isang gabi pagkalipas ng ilang buwan. Lalabas sina Gerardo at
Paulina, elegante’ng pagkakapostura. Mauupo sila, nakaharap sa salamin, nakatalikod sa mga
manonood, marahil sa dalawang upuan o dalawang upuan kaya kasama ang mga manonood. Sa
ilalim ng musika, maririnig ang karaniwang ingay ng mga manonood sa isang konsiyerto: mga
paghihirin, maya’t mayang pag-ubo, kaluskos ng pagbuklat ng mgapahina ng program notes, at
mabibigat na hininga. Pagkatapos ng tugtugin, papalakpak si Gerardo at maririnig nating unti-
unting kakapal ang linggal ng palakpakan ng mga di-nakikitang manonood ng konsiyerto. Hindi
papalakpak si Paulina. Maglalaho ang palakpakan at maririnig natin ang karaniwang ingay sa
tanghalan tuwing natatapos ang unang bahagi ng palabas: higit pang paghiring, bulungan, mga
katawang humahangos patungo sa labas ng bulwagan. Lalabas din sina Gerardo at Paulina, babati
sa mga tao, titigil para makipag-usap. Unti- unti silang lalayo sa kanilang mga upuan at papasok
49 of 51
tungo sa gitna ng imahinaryong bulwagang tila siksikan sa mga tao. Makaririnig tayo ng mga
bulungan, atbp. May mga kakausapin si Gerardo, wari’y kagagaling lang din sa panonood ng
konsiyerto. Maririnig ang boses niya sa ibabaw ng bulungan ng mga tao.)

GERARDO: A salamat, salamat...Oo, mediyo nga, pero hindi sayang sa pagod...Oo, tuwang-tuwa kami sa
Final Report ng Commission.

(Unti-unti siyang iiwan ni Paulina, na tutungo sa isang gilid na maybar. Patuloy na nakikipag-usap
si Gerardo sa kaniyang mga tagapakinig hanggang magbalik si Paulina.)

GERARDO: (patuloy) Bukas na bukas ang loob ng mga tao, hindi lang inudyukan ng personal na
bendeta...N’ung una pa lang, alam kong para sa ikahihilom ng mga sugat ng bayan ang gawa namin, pero
nagulat ako na ganoon na simula unang araw pa lang. May matandang babaeng tumestigo. Mahiyain,
walang-imik. Tapos biglang nagsalita nang nakatayo. “Maupo ho kayo,” sabi n’ung presidente ng
Komisiyon, tumayo pa siya para mag-alok ng upuan. Pag-upo niya, bigla siyang umiyak. Tumingin siya sa
‘min tapos sabi niya, “Ito ho’ng unang beses,” sabi niya - desaparesido kase’ng asawa niya labing-apat na
taon na, libo-libong oras na niyang hinihintay bumalik - “Ito ho’ng unang beses,” sabi niya, “sa loob ng
napakahabang panahon na may nagpaupo sa ‘kin.” ‘Yun daw ang unang beses na may nagpaupo sa kaniya.

(Samantala, bumili ng kendi si Paulina - at habang nagbabayad, papasok si Roberto, sa ilalim ng


malamlam at malapanagimpang sinag ng buwan. Maaaring tunay siya o bungang-isip lang ni
Paulina. Hindi pa siya nakikita ni Paulina. May kiriring na hudyat ng muling pag-uumpisa ng
palabas. Babalik siya sa tabi ni Gerardo, na sa ngayo’y patapos na sa kaniyang monologo.
Maiiwan si Roberto, nakamasid kina Paulina at Gerardo mula sa malayo.)

GERARDO: (patuloy) Tungkol naman sa mga pagpatay, kahit na hindi namin alam at hindi namin
puwedeng sabihin ang mga pangalan ng - a, Paulie, sakto’ng dating mo. Sige, pare, ‘kita na lang tayo
mam’ya. Nalibre na rin ako. Baka puwede tayong mag-inuman sa ‘min. Ang sarap magtimpla ng margarita
ni Pau, tatayo’ng balahibo mo.

(Mauupo sina Gerardo at Paulina. Mauupo rin sa ibang puwesto si Roberto, nakapako’ng pagtingin
kay Paulina. Maririnig ang palakpakan sa pagpasok ng imahinaryong mga musiko. Susubukan ang
mga instrumento, itatama ang tono. Magsisimula ang Death and the Maiden. Titingin si Gerardo
kay Paulina, na titingin lamang sa harap. Dahan- dahang kukunin ni Gerardo ang kamay niya, saka
titingin din sa kaniyang harapan. Paglipas ng ilang saglit, dahan-dahang babaling si Paulina saka
makikita si Roberto. Magkakatitigan sila nang ilang sandali. Saka muling babaling si Paulina
upang humarap sa entablado at sa salamin. Magdidilim habang ang musika’y patuloy, patuloy at
patuloy na tutugtugin.)

TELON.

50 of 51
Ika-31 ng Oktubre
Molino, Cavite

51 of 51

You might also like