You are on page 1of 8

Isang Dipang Langit

Amado V. Hernandez
Ako’y ipiniit ng linsil na puno
hangad palibhasang diwa ko’y piitin,
katawang marupok, aniya’y pagsuko,
damdami’y supil na’t mithiin ay supil.
Ikinulong ako sa kutang malupit:
bato, bakal, punlo, balasik ng bantay;
lubos na tiwalag sa buong daigdig
at inaring kahit buhay man ay patay.

Sa munting dungawan, tanging abot-malas


ay sandipang langit na puno ng luha,
maramot na birang ng pusong may sugat,
watawat ng aking pagkapariwara.

Sintalim ng kidlat ang mata ng tanod,


sa pintong may susi’t walang makalapit;
sigaw ng bilanggo sa katabing moog,
anaki’y atungal ng hayop sa yungib.

Ang maghapo’y tila isang tanikala


na kala-kaladkad ng paang madugo
ang buong magdamag ay kulambong luksa
ng kabaong waring lungga ng bilanggo.

Kung minsa’y magdaan ang payak na yabag,


kawil ng kadena ang kumakalanding;
sa maputlang araw saglit ibibilad,
sanlibong aninong iniluwa ng dilim.

Kung minsan, ang gabi’y biglang magulantang


sa hudyat – may takas! – at asod ng punlo;
kung minsa’y tumangis ang lumang batingaw,
sa bitayang moog, may naghihingalo.

At ito ang tanging daigdig ko ngayon –


bilangguang mandi’y libingan ng buhay;
sampu, dalawampu, at lahat ng taon
ng buong buhay ko’y dito mapipigtal.
Nguni’t yaring diwa’y walang takot-hirap
at batis pa rin itong aking puso:
piita’y bahagi ng pakikilamas,
mapiit ay tanda ng di pagsuko.

Ang tao’t Bathala ay di natutulog


at di habang araw ang api ay api,
tanang paniniil ay may pagtutuos,
habang may Bastilya’y may bayang gaganti.

At bukas, diyan din, aking matatanaw


sa sandipang langit na wala nang luha,
sisikat ang gintong araw ng tagumpay…
layang sasalubong ako sa paglaya!

Bartolina ng Muntinlupa – Abril 22, 1952


Puso, Ano Ka? ni Jose Corazon de Jesus
Ang puso ng tao ay isang batingaw,
sa palo ng hirap, umaalingawngaw
hihip lang ng hapis pinakadaramdam,
ngumt pag lagi nang nasanay, kung minsan,
nakapagsasaya kahit isang bangkay.

Ang puso ng tao’y parang isang relos,


atrasadong oras itong tinutumbok,
oratoryo’y hirap, minutero’y lungkot,
at luha ang tiktak na sasagot-sagot,
ngunit kung ang puso’y sanay sa himutok
kahit libinga’y may oras ng lugod.

Ang puso ay ost’ya ng tao sa dibdib


sa labi ng sala’y may alak ng tamis,
kapag sanay ka nang lagi sa hinagpis
nalalagok mo rin kahit anung pait,
at parang martilyo iyang bawat pintig
sa tapat ng ating dibdib na may sakit.

Kung ano ang puso? Ba, sanlibrang laman


na dahil sa ugat ay gagalaw-galaw,
dahil sa pag-ibig ay parang batingaw,
dahil sa panata ay parang orasan,
at mukhang ost’ya rin ng kalulwang banal
sa loob ng dibdib ay doon nalagay.
ANG HALIK
Ni Florentino Collantes

May nangagsasabing ang halik ng tao


Ay isang pagkaing lutong paraiso
Anang iba naman ay lutong impyerno
Ewan ko kung alin dito ang totoo,
Marahil sa langgam ang tao natuto
Sapagkat una na ang hayop na ito.

At tayong Pilipino sa Kastila lamang


Umano natuto ng paghahalikan
Sa Amerikano tayo nasanay
Ng gawang paghalik kahit sa lansangan.

Datapwat sa aking ganang pagkabatid


Tayo’y may sarili’t katutubong halik
May halik Pilipino may halik Ingles
May halik Kastila at may halik Intsik.

Ang halik ng Intsik ay pahigup-laway


Pisngi’y ginagawang mangkok ng linugaw
Parang humuhithit sa kwako ng apyan
Parang pumapangos ng tubong sinambay

Ang halik ng Ingles ay pasipsip-suso


Dikdikan ng labi’t ngudnguran ng nguso
Datapwa ang atin, ang halik Pilipino
Ay hinid pasipsip ni hindi pasupsop
Kung hindi pasiil, paamoy, pasinghot.

Ang halik ay bugtong na kataka-taka


Pabango ng puso at ng kaluluwa
Sa iisang tao ay walang halaga
Ngunit pulot gata kapag sa dalawa.

Ang halik ay mahal,banal at dakila


Ngunit nahihingi kung sa munting bata
Ito’y ninanakaw ng mga binata
Ngunit binibili ng mga matanda.

Ang halik sa sanggol isang kautangan


Sa mutyang kasuyo ito’y karapatan
Tanda ng pag-ibig, ng damdaming banal
Ngunit balatkayo ng pusong tulisan.
Ang halik sa sinta pag-asang sariwa
Sa mutyang asawa’y pagsintang dakila
Datapwat sa isang dalagang matanda
Ang halik ay isang pagkakawanggawa.
DAKILANG ASAL
Ni Aurelio Tolentino
PAUNAWA
O kabinataang bagong sumisibol,
itong abang lagda sa iyo'y patunkol.
Pakatandaan mo itong m~ga hatol
na dan~gal at buhay n~g lahat n~g dunong.

Ang pagpipitaga't pakikipagkapua


ay siyang sagisag n~g pagka-dakila;
kapág sa sinuman ito ay nawala,
iyan ay di dapat, humarap sa madla.

Di sukat ang ganda, di sukat ang yaman,


di sukat ang dunong at lahat n~g inam;
kapag ang sagisag na aking tinuran
ay siyang nawala, ang lahat ay kulang.

Ang pagkamabaít, ang pagka-mahinhin,


ang pagka-matapat at anyong butihin
ay siyang palamuting sa tuina'y dadalhin,
ang iyong ugali upang magluningning.

Sapul pa n~g ikaw ay batang maliit


may tungkulin ka n~g lubhang mahihigpit,
gaya n~g huag bigyan n~g munting ligalig
ang kawawang inang sa iyo'y ninibig.

Ikaw ay lumaki at lumaki naman


ang iyong tungkuling akin n~g tinuran:
n~g una'y ang iyong mundo ay kandun~gan
n~g inang malugod, n~gayon ay ang bayan
Kabayanihan
Tula ni
Lope K. Santos
Ang kahulugan mo’y isang paglilingkod
na walang paupa sa hirap at pagod;
minsang sa anyaya, minsang kusang-loob,
pag-ibig sa kapwa ang lagi mong diyos.

Natatalastas mong sa iyong pananim


iba ang aani’t iba ang kakain;
datapwa’t sa iyo’y ligaya na’t aliw
ang magpakasakit nang sa iba dahil.

Pawis, yaman, dunong, lakas, dugo, buhay…


pinupuhunan mo at iniaalay,
kapagka ibig mong sa kaalipinan
ay makatubos ka ng aliping bayan.

Sa tulong mo’y naging maalwan ang dukha,


sa turo mo’y naging mulat ang mulala,
tapang mo’y sa duwag naging halimbawa’t
ang kamatayan mo ay buhay ng madla.

Tikis na nga lamang na ang mga tao’y


mapagwalang-turing sa mga tulong mo;
ang kadalasan pang iganti sa iyo
ay ang pagkalimot, kung di paglililo.

Mga Pinagkunan ng Impormasyon:


AMADO V HERNANDEZ
https://www.tagaloglang.com/tula-isang-dipang-langit/
JOSE CORAZON DE JESUS
https://josecorazondejesus.tumblr.com/post/625135954219433984/puso-ano-ka-ni-jose-
corazon-de-jesus
FLORENTINO COLLANTES
http://copypasteverything.blogspot.com/2008/07/tula-ang-halik-ni-florentino-
collantes.html?m=1
AURELIO TOLENTINO
https://www.gutenberg.org/files/13687/13687-h/13687-h.htm
LOPE K. SANTOS
https://www.kapitbisig.com/philippines/poems-written-at-different-times-by-various-
authors-kabayanihan-tula-ni-lope-k-santos_1080.html

You might also like