You are on page 1of 6

PAGSISIYAM SA KAPISTAHAN NG PAGSILANG NG BIRHENG MARIA

PAGSISISI

Panginoon kong Hesukristo, Diyos at tao naming totoo, na aking


sinasampalatayanan, pinanaligan at iniibig nang higit sa lahat ng bagay,
ikinahahapis ko nang buong puso ang madling pagkakasala ko sa iyo, sapagkat ang
kabutihang walang hanggan. Nagtitika akong hindi na muling magkakasala sa
tulong ng iyong mahal na biyaya at sa makapangyarihang pamamagitan ng iyong
Inang makalangit, si Mariang kabanal-banalan, na siya kong nais ipagdangal sa
buo kong buhay, lalung-lalo na sa loob ng pagsisiyam na itong inihandog ko sa
kapurihan ng kanyang kabanal-banalang ngalan. Siya nawa.

Aba Mariang kalinis-linisan, ipinaglihing walang kasalanan.

Ipanalangin mo kaming dumudulog sa iyo sa araw-araw.

PANALANGIN

O Maria, lubhang kaibig-ibig kong Reyna na ang katamis-tamisang ngalan ay


nagpapasaya sa langit, umaaliw sa lupa at nagpapakilabot sa impiyerno, sapagkat
ang ngalang ito’y Diyos na rin ang nagbigay upang ipabatid ang kalubusan ng mga
katangian at biyaya na sa iyo’y naging hiyas sa unang sandali pa lamang ng iyong
pagkatao at lalong lumiliwanag sa mahalaga mong buhay; ang mga karangalang
ito’y ginawa sa iyo ng Maykapal na makapangyarihan at banal ang ngalan, upang
ang lahat ay makibahagi sa gayong mga biyaya; upang ang maysakit ay madulutan
ng kalusugan, ang nalulumbay ay kaaliwan, ang nagkakasala ay kapatawaran, ang
anghel ay kaligayahan at ang Santisima Trinidad ay lalong kaluwalhatian. Ang
iyong ngalan ay inilapat at nasusulat sa limang titik na kahalintulad ng limang titik
ng katamis-tamisang ngalan ni Hesus, ng limang sugat na sa ami’y itinubos ng
Banal na Eukaristiya. Sa pagsisiyam na ito ako’y dumudulog sa iyong
maluwalhating ngalan na tulad ng isang kalasag sa aking kaligtasan, isang
mabisang gamut sa aking ikalulusog, isang kaginhawahan sa aking mga Gawain,
isang malaking tulong sa ikapagpapatawad ng aking mga sala, isang lunas sa lahat
ng pangangailangan, upang sa madalas na pagsambit ng aking mga labi at
pagkakintal sa aking puso ng iyong ngalan at sa paulit-ulit ng mga matamis at
mahiwagang salitang “Aba, Mariang kalinis-linisan, ipinaglihing walang
kasalanan”, ay kamtan ko sa iyong awa’t kabanalan ang mga kagalingang dulot ng
iyong kabanal-banalang ngalan, upang maging karapat-dapat mapabilang sa iyong
tapat at magiliwang mga anak. Mabuhay din sana ako sa ilalim ng iyong matamis
na pagkakadinli at tamuhin ko ang tanging isinasamo ko sa pagsisiyam na ito, kung
nararapat sa kasiyahan ng Diyos at sa aking kaligtasan. Siya nawa.

MGA PAGLUHOG

Tugon: Aba Mariang kalinis-linisan, ipinaglihing walang kasalanan.

Ipanalangin mo kaming dumudulog sa iyo sa araw-araw.

UNANG ARAW

PANALANGIN

O Maria, ikaw na pinagpala sa babaeng lahat, na ang katamis-tamisang ngalan ay


nangangahulugan ng “Ang bumaba buhat sa bundok at sa kaitasan ng Diyos.” Ikaw
na nagbuhat sa mga labi ng Katas-taasan, bilang kauna-unahang hinlog sa mga
malilinis na kinapal; hinirang na sa simula sa isip ng Diyos upang maging tanging
mahal at piling Ina ng Tagapagligtas; isang bago at magandang Jerusalem na
naggaling sa langit; isang esposang lalong marilag at kaaya-aya; isinasamo ko nang
buong kababaan na pakundangan sa iyong banal na ngalan ay ipagkaloob mo sa
akin ang maningning na liwanag ng dakilang simula ng aking kaluluwa na ang
Diyos na rin ang lumikha at Ama at sa kanya’y naging lalong dapat makibahagi sa
buhay ng Diyos; na hindi nasisiyahan, kahit na kamtan ang lahat ng bagay na
nilikha, hangga’t hindi tinatamasa ang kataas-taasan at walang hanggang
kagalingan. Tulungan mo ako aking Reyna, upang ako’y huwag malinsad sa
gayong dakila at mataas na simulain at upang huwag kong dungisan ng
kalapastanganan ang karangalang magkaroon ng isang kaluluwang maluningning;
bagkus sa diwang magiliw ako’y mabuhay sa mga gawang kabanalan tungo sa
kadakilaan ng sa aki’y Lumikha at Panginoon. Siya nawa.

IKALAWANG ARAW

PANALANGIN

O Maria, lubhang maalam na Reyna at aking Ina, na ang katamis-tamisang ngalan


ay nangangahulugan ng “Nagbibigay liwanag O Naliliwanagan,” alalaumbagay
kalubusan ng karunungan ng langit at kataas-taasang kaalaman sa Diyos at sa ano
mang bagay na nilikha, na sa gayon ikaw ay pinagyaman ng kanyang walang
hanggang kagalingan, upang sa saganang batis na ito’y bahaginan mo ang iyong
mga deboto tulad ng isang maningning na araw sa aming mga kaluluwa. Isinasamo
ko sa iyo nang buong kababaan na huwag mong limutin ang aming mga
kamangmangan na sa kauna-unahang sala’y umalipin sa amin, kaming nalilisya sa
bawat hakbang at nawawala ang tunay na liwanag ng kabutihan. Tulad ng buwang
marilag sa gabi ng tanang buhay, liwanagan mo ako sa pagpili ng katayuan, gawain
at hanapbuhay na ninanasa sa akin ng Diyos sa daigdig na ito. Sana’y walang
makahadlang sa akin upang kamtan ang pangunang layunin at walang katumbas na
kagalingan na bilang huling mithiin ay iniaayon ko ang mga bagay ng buhay at sa
gayun ay purihin ko’t tamasahin ang Diyos magpakailanman. Siya nawa.

IKATLONG ARAW

PANALANGIN

O Maria, lubhang maluwalhating lingkod ng Panginoon, na ang ngalan ay


nangangahulugan ng “Diyos ng aking lipi,” alalaumbaga’y kataas-taasang
karangalan na pinagluklukan sa iyo ng kapangyarihan at kagalingan ng Diyos;
hinirang kang maging ina niya at pinagpala ka sa lahat ng mga kinapal upang sa
gayong malapit na kamag-anakan at matalik at kahanga-hangang pakikitungo sa
Diyos at Panginoon na sa ami’y lumalang, ay itanghal ang kalikasan ng tao sa
pagkakatawang-tao ng Verbo Divino sa iyong kalinis-linisang sinapupunan;
itinuturing din kami na kanyang mga kapatid at sa iyo inilagak ang mga gawa,
luwalhati at dangal ng lipi ng tao na kinabilangan mong marilag at butihing
nilikha. Sa pamamagitan ng iyong ngalan isinasamo ko nang buong kababaan na
pagindapatin akong magbayad-puri sa Diyos dahil sa gayong mataas na kagalingan
na ginawa niya sa tao at manalanging tapat sa Lumikha dahil sa malalaking biyaya.
Siya nawa.

IKAAPAT NA ARAW

PANALANGIN

O Maria, lubhang maawain kong ina, na ang katamis-tamisang ngalan ay


nangangahulugan ng “Tala sa karagatan,” walang maliw na tanglaw ng aming mga
kaluluwa, upang kami’y patnubayan sa masigwang dagat at kaawa-awang daigdig
hanggang sa dalampasigan ng kaluwalhatian; isinasamo ko nang buong kababaan
na pakundangan sa iyong banal na ngalan ay ipag-adya mo ako sa mga suliranin at
bangin ng mga panganib at kapahamakan na nakalilibot sa akin at magliligaw sa
napakahalagang landas na dapat kong tahakin patungo sa langit na bayan;
pakundangan sa iyong katamis-tamisang ngalan, aking Reyna at Ina, ilayo mo ako
sa mga banging kahuhulugan ng mga bulag kong pita. At tulad mong isang
maningning na tala, liwanagan mo ako upang ako’y di-tumalilis sa mahalagang
paglalakbay sa walang hanggang buhay na sa aki’y naghihintay at kamtan ko ang
ligayang mamalas ka sa kaluwalhatian. Siya nawa.

IKALIMANG ARAW

PANALANGIN

O Maria, lubhang matiisin at nahahapis kong Ina, ng katamis-tamisang ngalan ay


nangangahulugan ng “dagat ng mga kapaitan”, na pinatunayan sa paanan ng krus
na dito’y nasok sa iyong maamong puso ang saganang alon ng hapis at buhawi ng
mga kapaitan; namasid mong ang mahal mong Anak kahit walang malay ay
nagbata ng mababagsik na parusa; isinasamo ko nang buong kababaan sa kabila ng
gayong kapaitan na maawa kang kupkupin kaming mga makasalanan sa mungkahi
na rin kay Juan ng iyong Anak at aming Mananakop at makintal sa aking puso ang
katamis-tamisan mong ngalan, bilang alaala ng mga kapaitan ng Kalbaryo. Sa
gayon ay pahalagahan ko ang pagkakatubos sa akin at di ko ipagpaapalit sa mga
kasamaan ang gayong mahalagang pakinabang ng pagkakasakop sa akin. Gawin
moa ng paggunita sa mga hirap at sakit mo at ng iyong Banal na Anak ay
magpasigla sa akin sa pagsasabalikat ng mga gawain sa buhay na ito at sa aking
pagsunod ako’y maging maligaya at maluwalhati sa kabilang buhay. Siya nawa.

IKAANIM NA ARAW

PANALANGIN

O Maria, Reynang lubos na lubos sa kababaang-loob at aking Ina, na ang katamis-


tamisang ngalan ay nangangahulugan ng “Tumutulad sa Diyos,” tapatang
tumutupad sa mataas na uri ng kalinisan; dito mo iniayon ang lahat ng iyong mga
gawain sa halimbawa ng iyong Anak at Diyos na nagkatawang-tao, na tulad sa
isang salaaming malinaw ay minamalas mo’t tinutularan ang ganda ng kabutihang
asal, sapagkat ikaw ay nilikha na higit sa magiliw at banal kaysa mga serapin,
anghel at mga santo; isinasamo ko nang buong kababaan na mangyaring ako’y
tumulad sa Diyos na maawain na binabayaang ang araw ay sumikat sa mabubuti’t
masasama at ang ulan ay pumatak sa mga banal at makasalanan. Mangyari rin
sanang ako’y gumawa ng mabuti kahit sa aking mga kaaway, upang pagtakpan ang
mga kapinsalaan ng aking kapwa at mahinahon kong tanggapin ang mga pag-
upasala, na ako’y walang ibang nasa kundi ang kaligtasan ng mga kaluluwa. Sa
gayon ang kaluluwa ko’y kaawaan din at ang mga sala ay patatawarin at ang mga
hakbang ko’y tungo sa walang hanggang kaligayahan na doo’y pupurihin ko’t
tatamasahin ang Diyos magpakailan man. Siya nawa.

IKAPITONG ARAW

PANALANGIN

O Maria, lubhang magiliw na Reyna, na ang katamis-tamisang ngalan ay


nangangahulugan ng “Kalipunan ng lahat ng mga dagat,” alalaumbaga’y
kalupunan ng lahat ng mga biyaya at walang kaisipang nilikha na maaaring
makatarok sa kalaliman ng iyong mga katangian; ikaw ay puno ng mga biyaya
ayon sa wika ni San Gabriel, upang ang mga tao gaya ng mga ilog at batisan ay
makibahagi sa gayong puno at malawak na dagat. Karilag-rilagang Reyna,
nagagalak ako sa iyong kaligayahan. Yamang iniibig ng Panginoon na magdaan sa
iyong mga pinagpalang kamay ang mga kagalingang mapapasaamin buhat sa
langit, isinasamo ko nang buong kababaan na maaawa kang buksan mo sa akin ang
iyong mga palad at ipagkakaloob mo sa akin ang mga biyayang kinakailangan
upang matupad ko ang mga tungkulin sa buhay at sa gayo’y maging marapat sa
aking Diyos at Panginoon. Idalangin mo, O lubhang maawaiang Ina, ang lahat ng
iyong mga anak at tulungan mong lalo ang mga di-karapat-dapat sa kanila.
Ipagkamit mo sa akin, O Kaibig-ibig na Ina, ang tunay na pagkahapis sa aking mga
kasalanan, gayon din ang biyaya upang tapat kong ikumpisal sa paanan ng alagad
ng Diyos ang aking mga kalapastanganan. Sana’y naisin ko pang mamatay muna
bago mawala ang pag-ibig ni Hesus na Panginoon, sa layong kamtan ko
pagkamatay ang kaligayahan na siya’y purihin ko’t ipagdangal kasama mo
magpasawalang hanggan. Siya nawa.

IKAWALONG ARAW

PANALANGIN

O Maria, karangal-rangalang Reyna, na ang katamis-tamisang ngalan ay


nangangahulugang “Panginoon,” alalaumbaga’y ang pagkupkop sa mga kinapal na
dulot ng Diyos sa iyo bilang isang Ina; isinasamo ko nang buong kababaan na,
pakundangan sa iyong makapangyarihang ngalan, ipagkaloob mo sa akin ang mga
kagalingang kailangan upang mabuhay nang matiwasay at upang gamitin ang
panahon sa mga gawang kabanalan. Akong nasisiyahan sa kabutihan ng Diyos,
sana’y huwag akong mag-aksaya ng panahon sa mga karangyaan at libangang
makamundo, bagkus ay mabuhay ako sa pagkakawanggawa sa aking kapwa at
mag-ukol ng pamimintuho sa Panginoon na siyang naglaan sa akin ng mga
kayamanang walang hanggan sa langit, na inaasahan kong kamtan sa pamamagitan
ng iyong Banal na ngalan. Siya nawa.

IKA-SIYAM NA ARAW

O Maria, lubhang maibiging Reyna at aking Ina, na ang katamis-tamisang ngalan


ay nagpapasigla sa aming puso at umaaliw sa aming kaluluwa sa gitna ng aming
mga kapighatian; isinasamo ko nang buong kababaan na ipagkaloob mo sa aming
mga nagdarangal sa iyong ngalan na nangangahulugan ng “Pag-asa”, ang
mahalagang kabanalang ito, na gumigising sa aming diwa sa panahon ng mga
panganib at kapahamakang nakaliligid sa aming mga itinapong anak ni Eba sa
bayang itong kahapis-hapis, dahop po sa malinaw na pagkamalas sa Diyos at
lumikha. Nananalig sa kapangyarihan ng Panginoon na magagawa ang bawat
naisin, mangyaring malupig namin ang mga pita ng katawan at malugod kaming
lumakad patungo sa langit na bayan sa pamamagitan ng mga gawang kabanalan, sa
layong tamuhin ang maligayang kagalingan na inilaan sa amin, na doo’y
mabubuhay kami nang buong kasiyahan sa iyong makapangyarihang
pamamagitan. Siya nawa.

You might also like