You are on page 1of 4

FILIPINO 2

PAGBASA AT PAGSULAT SA
IBA’T IBANG DISIPLINA

PRELIM
MODYUL 1
KAHULUGAN AT KAHALAGAHAN
PAGBASA

GINALYN O. QUIMSON
Guro
Kahulugan ng Pagbasa
Ang pagbasa ay kompleks, daynamikong proseso ng pagdadala ng mensahe sa teksto at pagkuha ng
kahulugan mula sa teksto. Ito ay integratibong proseso ng pagsasanaib ng apektibo, perseptwal at
kognatibong domeyn.
–Rubin at Bernhardt
Ang pagbasa ay kasangkapan sa pagkatuto ng mga kabatiran ukol sa iba’t ibang larangan ng pamumuhay. Sa
katunayan, 90% sa napag-aralan ng tao ay mula sa kanyang karanasan sa pagbasa.
- Baltazar(1977)
Ang pagbasa ay isang "psycholinguistic guessing game"
-Goodman
Para sa lubusang pag-unawa sa isang teksto, kailangan ang dating kaalaman ng tagabasa ay maiugnay niya
sa kaniyang kakayahang bmuo ng mga konsepto at kasanayan sa pagpoproseso ng mga impormasyon.
-Coady
Ang kakayahang pangkaisipan ay ang panlahat na kakayahang intelektwal ng isang tagabasa.
Badayos
Ang pagbasa ng anumang uri ng katha ay nagkakabisa sa ating isip, damdamin at kaasal
(Belvez et al., 2004)

"Ang pagbasa nang walang naunawaan ay katulad sa kumain na hindi natunawan." Manuel L. Quezon

Ang pagbabasa ay katulad ng pagkain sa katawan ng tao. Kung walang pagkain ay hindi mabubuhay
at magiging malusog ang isang tao, gaya rin naman ng pagbabasa na ang hatid ay malusog na isipan. Kung
hihinto ang tao sa pagbabasa, mababansot ang kaalamang nakaimbak sa kanyang isipan at kakalawangin ang
mga impormasyong nakalagak sa kanyang utak.

Ang pagbasa ay pagbibigay-interpretasyon, pag-unawa, pagpapakahulugan at pagbibigay ng sariling pananaw


sa mga simbolong nakalimbag na bumubuo sa mga salita. Ang mga salita ang nagpapahiwatig sa mga ideya,
kaisipan, at mensahe na nais ihayag o iparating ng sumulat sa mambabasa. Ang pagbasa ay maaari rin
namang gawin sa pamamagitan ng hindi limbag na titik o letra kagaya ng pag-unawa sa mga pictograph, mga
numerong may ibang pagpapakahulugan gaya ng mga datos na resulta ng pananaliksik, mga karikatura o
larawan sa bahagi ng editoryal ng pahayagan at iba pa.

Ayon kina Atanacio, Lingat at Morales (2009), ang pagbasa ay hindi lamang ginagamitan ng mata o paningin
maaari ring ang pandama tulad ng ginagawa ng mga bulag na gumagamit ng braille.

Sa pag-aaral ng bata isa ang pagbabasa sa pinakamahalagang bagay na dapat niyang matutunan sa simula
pa lamang ng kanyang pag-aaral. Sapagkat hindi niya ganap na mauunawaan ang mga kaalamang nais ituro
ng guro at maging ng ipinapahayag ng mga nakasulat sa aklat hangga't hindi niya natututunan ang
pagbabasa. Kaya nga ba't isa ang pagbasa sa mga makrong kasanayan na dapat linangin ng mga guro sa
bawat mag-aaral. Sa pamamagitan ng pagbabasa ay natatamo ng mag-aaral ang ganap na pagkatuto sa iba't
ibang larangan na hindi niya makakamit kung hindi siya natutong magbasa. Ang pagiging malawak ang pang-
unawa at matalino ay nakukuha rin sa kasipagan sa pagbabasa.

Hindi lingid sa atin na nakamit ni Gat. Jose Rizal ang tagumpay at karunungan dahil sa tiyaga at sipag
sa pagbabasa. Si Andres Bonifacio bagaman hindi na naipagpatuloy ang pag-aaral dahil sa maagang pagka-
ulila sa magulang ay ginamit ang pagbabasa upang magtamo ng mga karunungan mula sa mga aklat na alam
niyang makatutulong sa kanya at hindi naman siya nabigo.

Sa panahon natin ngayon na laganap ang paghahatid ng mga kaalamang pandaigdig dulot ng internet
at paggamit ng google, mas malaki at marami ang pagkakataon nating matuto dahil ang babasahin natin ay
makukuha na sa pamamagitan ng isang pindot lamang at pagbukas sa mga website kung saan tayo
naghahanap ng nais nating makuha o malaman. Pinakamalaking bahagdan sa pagkatuto at kaalaman ng tao
ay makukuha niya sa pagbabasa. Ang pag-unawa sa mga akdang nakalimbag ay makukuha sa lalim ng
pagbabasa na magagawa sa pamamagitan ng isang mapanuring pagbasa.

Ang mapanuring pagbasa ay hindi lamang nagbibigay-kahulugan bagkus tumatarok sa mensaheng


nais ihatid ng sumulat sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga pahiwatig, simbolismo, pananaw at gamit ng
mga salita kung saan instrumento lamang ang mga ito sa nais ihatid na ideya ng teksto. Sa pagsasagawa ng
pananaliksik mahalaga ang pagbabasa upang makakuha ng mga ideya sa paksa o problemang hahanapan ng
solusyon. Ang pagkuha ng mga kaugnay na literatura at pag-aaral ay makukuha rin sa masusing pagbabasa
kung saan ang mga ito ang magpapatunay sa pagiging balido at makatotohanan ng resulta pag-aaral. ng
Sa kabuuan ang pagbasa ay isang interaktibong proseso, kailangan nitong paganahin ang
isip,imahinasyon at pag-uuri sa mensaheng binabasa upang makapagbigay ng reaksyon ng ayon sa sarili
niyang pagka-unawa. Ang matalas niyang pakiramdam ay makakatulong upang maunawaan ang inilalahad ng
may -akda.

Mga Layunin ng Pagbasa


1. Nagbabasa tayo upang maaliw.
2. Tumuklas ng mga bagong kaalaman at maimbak ito sa ating kaisipan.
3. Mabatid ang iba pang mga karanasan na kapupulutan ng aral.
4. Mapaglakbay ang ating diwa sa mga lugar na pinapangarap nating marating.
5. Mapag-aralan natin ang kultura ng ibang lahi at mabatid ang pagkakatulad at pagkakaiba nito sa kulturang
ating kinagisnan.

Mga Hakbang sa Pagbasa

Si William S. Gray, ang tinaguriang Ama ng Pagbasa, ay naglahad ng apat (4) na hakbang sa pagbasa, gaya
ng mga sumusunod:
1. Pagkilala. Tumutukoy sa kakayahan ng bumabasa na mabigkas ang mga salitang tinutunghan at makilala
ang mga sagisag ng isipang nakalimbag.
2. Pag-unawa. Ang kakayahang bigyang kahulugan at interpretasyon ang kaisipang ipinapahayag ng mga
simbolo ng mga salitang nakalimbag.
3. Reaksyon. Kakayahan ito ng mambabasa na maghatol o magsabi kung may kawastuhan at kahusayan ang
pagkasulat ng teksto. Tumutukoy rin ito sa pagpapahalaga at pagdama na iniuukol ng mambabasa sa
nilalaman ng kanyang binasang teksto.
4. Asimilasyon at Integrasyon. Kakayahan ito ng mambabasa na isabuhay ang natutuhang kaisipan sa binasa.
Naiuugnay niya ang kasalukuyang karanasan sa nakaraan na tinalakay sa binasa.

Kahalagahan ng Pagbabasa

Ang isang estudyanteng palabasa ay mas may malaking posibilidad na maipasa niya ang mga pagsusulit na
ibibigay ng guro kumpara sa isang hindi palabasa sapagkat sa kanyang pagbabasa mas nadaragdagan ang
kanyang kaalaman, lumalawak ang talasalitaan at mga karanasan.

Mas nahahasa ang kaisipan ng estudyanteng palabasa na umunawa nang mas malalalim na ideya, mga
argumentong pangangatwiran at nababatid ang implikasyon ng kanyang binabasa.

Sa ganitong paraan, masasabing ang pagbasa ay isang masalimuot na proseso sapagkat nasasangkot dito
ang maraming kasanayan.

Nakatutuklas ng maraming kaalaman at karunungan tutugon sa kanyang pangangailangang pangkabatiran sa


iba’t ibang disiplina tulad ng agham, panitikan, teknolohiya, at iba pa.

Para hindi mapag-iwanan ng nagbabagong panahon gawa ng mga makabagong teknolohiyang nagsusulputan
ngayon.
Gawain 1

Panuto: Sa tulong ng web, ibigay ang mga naidudulot ng pagbabasa sa tao.

PAGBABASA

Gawain 2

Panuto: Matapos malaman ang mga kahalagahang dulot ng pagbabasa, paano mo mahihikayat ang
kapwa mo mag-aaral na mahalin ang pagbabasa.

________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
__________________________________________________________________________________

You might also like