You are on page 1of 11

KABANATA V: MGA BATAYANG KAALAMAN SA METODOLOHIYA SA PANANALIKSIK – PANLIPUNAN

A. LAYUNIN
 Maisasapraktika at mapauunlad ang batayang kasanayan sa pananaliksik;
 Makapagsasaliksik hinggil sa mga sanhi at bunga ng mga suliraning lokal at nasyonal gamit ang
mga tradisyonal at modernong sanggunian;
 Malilinang ang adhikaing makibahagi sa pagbabagong panlipunan;
 Maisasaalang-alang ang kultura at iba pang eksaktong panlipunan sa pagsasagawa ng
pananaliksik; at
 Makapag-aamabag sa pagtataguyod ng wikang Filipino bilang daluyan ng makabuluhan at mataas
na antas ng diskurso na akma at nakaugat sa lipunang Pilipino bilang wika ng pananaliksik na
nakaayon sa pangangailangan ng komunidad at bansa.
PANIMULA
Mahalaga ang pagsasagawa ng mga pananaliksik-panlipunan upang lalong mapalalim ang pag-unawa
sa kalagayan ng isang komunidad, bayan, o bansa. Katulad ng Pilipinas, higit na magkakaroon ng
kamalayan ang mga mamamayan nito, lalo na ang mga kabataan, kung mayroong mga masusing
pananaliksik na naisasagawa ukol sa kalagayan o katayuan ng bansa sa iba’t ibang aspektong
panlipunan tulad ng ekonomiya; politika, mga polisiya, kultura, paggamit ng wika at iba pa. Kung kaya sa
pagsasakatuparan ng mga pananaliksik na ito, mahalagang malaman ang iba’t ibang mga metodolohiya
upang angkop na mailapat ang at least isa sa nais na isagawang pag-aaral.
Sa metodolohiya ng pananaliksik-panlipunan, kasamang dapat pagtuunan ng pansin ang mga
pangunahing metodo sa pagsasagawa ng pananaliksik, ang mga pamamaraan sa pagtitipon ng mga
datos, at kung paanong ang mga ito, mas napipili ang pinakaangkop na gagamitin sa pagsasagawa ng
mga pananaliksik-panlipunan.
B. PANIMULANG PAGTATAYA
Pangalan: ____________________________ Kurso at Seksyon: _______________
Panuto: Basahin ang sumusunod na pangungusap. Isulat ang TAMA sa patlang sa hulihan kung tama ang diwa
ng pangungusap at MALI kung mali ang diwa ng pangungusap.
1. Ang sarbey ay mainam na isagawa kung ang bilang ng respondent ay malaki, sapagkat mahirap na
makausap ng mananaliksik ang bawat isa sa kanila upang makuha ang kakailanganing datos. ______
2. Pareho lamang ang pamamaraan sa pagsasagawa ng interbyu at focus group discussion, sapagkat
pangunahing aktibidad ditto ang pagtatanong-tanong. _______
3. Sa eksperimental na pananaliksik, mayroong tinatawag na controlled variable. Ito ang mga variable na
nilalapoatan ng treatment upang maikumpara kalaunan ang resulta ng pag-aaral sa mga hindi
nilapatan ng katulad ng treatment. ________
4. Kung nais makausap ng mananaliksik ang tatlong survivors sa lumubog na barko sa Dagat Tsina,
gagawa siya ng focus group discussion kung nais niyang marinig ang natatanging kwento ng bawat
isa. _______
5. Sa discourse analysis, itinatala ang mga banta at kahinaang nakikita sa pagsusuri. _______
6. Magkatulad lamang ang karaniwang obserbasyon at participant observation dahil kapwa limitado ang
akses ng mga mananaliksik o obserber sa mga informant sa parehong metodo. _______
7. Sa etnograpiya, ang mananaliksik ay isa rin sa mga informant dahil nakikipamuhay siya sa mga ito.
8. Ang SWOT analysis ay nagpapakita ng pagkakatulad at pagkakaiba ng dalawang gawain, proyekto o
programa. _______
9. Kung iilan lamang ang informant, mainam na interbyuhin o IFGD ang mga ito kaysa sa isarbey
pa._______
10. Sa SWOT analysis, mailalahad ang mga kalakasan at kahinaan ng isang programa o proyekto, at
mula rito’y makakapagrekomenda ng mga hakbang sa pagpapabuti nito. _______
C. NILALAMAN
A. MGA PANGUNAHING METODO SA PANANALIKSIK-PANLIPUNAN
Ang sumusunod ang panguanahing metodo sa pananaliksik- panlipunan na magagamit para sa layuning
akademiko.
1. ETNOGRAPIYA
 Sa pamamaraan ng pananaliksik na ito, ang mananaliksik o etnograper o mananaliksik ay
nakikipamuhay sa mismong komunidad na kaniyang sinasaliksik. Ibig sabihin, ang kanyang
impormante o mga taong pinagkukunan ng datos ay hindi lamang ang mga nakatira sa
komunidad ang kaniyang inaaral. Siya mismo ay isa sa mga impormante.
 Sa pagpapaliwanag ni Schwandt (2015; sa Ravitch at Carl, 2016), pinag-uugnay ng etnograpiya
ng mga proseso at produkto kasama ng mga fieldwork at sulat na teksto. Tinukoy niya ang
Fieldwork bilang isang proseso ng pagkilala ng etnograper sa isang kultura at ito ay isinasagawa
sa pamaamagitan ng pakikipamuhay at obserbasyon sa mga kasangkot sa pag-aaral. tinukoy
niya ang pagsasabuhay sa kultura bilang tekstong etnograpiko.
 Ayon pa rin kay Schwandt, ang kritikal na etnograpiya ay naglalayong punahin ng mga di
binibigyang-pansin o pinagwawalang-bahalang konsepto at asumpsyong sosyal, ekonomika,
politikal, kultural at iba pa. Ang kritikal na etnograpiya ay pamamaraang may-tuon (focused) at
nakabase sa teorya sa isang tiyak ba panlipunang institusyon o gawi na may layuning magmulat
at magpabago.
 Idinagdag naman ni Naval, et al. (2010) na ang etnogarapiya ay nakabantay sa isang
ekstensibo at detalyadong paglalarawan ng mga pangyayari. Mula sa ganitong pamamaraan,
ayon sa kanila, ay natutukoy ang mga salik at kung ano ang ugnayan ng mga ito na siyang
nagpapaliwanag sa kasalukuyang estadong lipunang pinag-aarlan.
 Maisasagawa ang etnograpikong metodo sa pamamagitan ng imersyon o aktuwal na
pakikipamuhay ng mananaliksik sa lipunang kaniyang nais pag-aral. Sa pakikimuhay na ito,
kaisa siya mismo sa pag-aaral at hindi siya hiwalay. Maisasagawa niya ang higit na pag-unawa
sa lipunan at mga pangyayari sa pamamagitan ng pagsubok mismo sa pamumuhay at sa
masusing obserbasyon niya sa mga tao at prosesong kasangkot. Sa kaniya ring pakikisalamuha
sa lipunan ay maari siyang magtanong-tanong at magtala ng mga mahahalagang impormasyon
na kalaunan ay magiging batis ng mga datos para maunawaan ang kabuuan ng pag-aaral.
Pumapaloob ang mga prosesong ito sa tinatawag ngang fieldwork na karaniwang matatagal na
isinasagawa upang higit na makilala ang lipunang inaaral.
 Ang ganitong uri ng pananaliksik ay maaring gawin, halimbawa, sa pag-aaral sa mga tunog ng
wika ng mga Itneg, sa pag-aaral sa mga katutubong tradisyong medikal ng mga Dumagat, o sa
pag-aaral sa paghahanap-buhay ng mga maralitang tagalungsod.
2. KUWENTONG-BUHAY
 Ito kilala rin sa tawag na narrative inquiry at maaring tumutukoy sa isang espesipikong metodo
na gingagamit sa imbestigasyon ng isang phenomenon. Sa ganitong pananaliksik, inilalarawan
at isinusulat ng mananaliksik ang buhay at pinagdadaanan ng isa o higit pang indibidwal.
 Sa pagtatalakay ni Schwandt (2015), sinabi niyang ang narrative inquiry ay kinasasangkutan ng
interdisiplinaryong pag-aaral ng mga gawaing tulad ng pag-buo at pag-analisa ng mga
karanasan sa buhay ng mga tao, at kalauna’y pag-uulat sa mga ito. Pangunahing tuon ng
ganitong pag-aaral ang mga mahahalagang karanasan ng taong pinag-aaralang nailalahad sa
kanilang mga personal na salaysay.
 Isinagawa ang ganitong pag-aaral sapagkat naniniwala sina Connely at Clandinin (1990) na ang
tao ay likas na mananalaysay at ang bawat isa ay may personal o panlipunang karanasan sa
buhay. Maaring isa o higit pang indibidwal ang tuon ng isang kuwentong-buhay at mula roon ay
aanalasahin ang halaga at ugnayan ng mga karanasang kanilang pinagdaanan.
 Sa pagsusuring at pagsulat ng kuwentong-buhay, maaring hanguin ang mga impormasyon mula
sa kasaysayan ng buhay, naratibong panayam, journal, diaries, memories, awtobiograpiya, o
biograpiya ng indibidwal. Mula sa mga ito matitipon ang kanilang mga kuwento at
pinagdadaanan, maaanalisa ang ugnayan ng mga detalye at maiuukit ang isang katangi-tanging
karanasang di karaniwan.
 Ilang halimbawang sulatin na maaring gawin ay ang karanasan ni Miriam Defensor Santiago
bilang lingkod-bayan, ang karanasan ng mga piling babaeng bilanggong political, ang kuwento
ng tagumpay ng isang katutubong Aeta na ngayon ay isa nang matagumpay na doctor sa
Estados Unidos, o ang Ekonomikong kasalatan sa buhay.
3. EKSPERIMENTASYON
 Ito ay proseso ng pag-aaral ng dalawang baryabol. Ang isa ay kontrolado o pinananatiling
constant at ang isa naman ay manipulado o nilalapatan ng interbensyon. Ang manipoladong
baryabol o tinatawag ding eksperimental na grupo ay nilalapatan ng kaukulang tritment para
tingnan ang pagkakaiba nito sa kontroladong grupo. Sa pagsasagawa nito, makikita ang
pinagkaiba, kung mayroon, o kawalan ng pagkakaiba ng dalawang grupong pinag-aaralan.
Naglahad sina Naval, et al. (2010) ng mga yugto sa pagsasagawa nito. Kabilang umano sa mga ito:
1. Pagtukoy sa isyu o suliranin,
2. Pormulasyon ng hypothesis, pagpapakahulugan sa mga termino at baryabol,
3. Pagpili sa grupong eksperimental,
4. Pagbuo ng isang planong eksperimnto, at
5. Pagsasakatuparan sa eksperimento.
Maaring gamitan ng eksperimentasyon ang mga pag-aaral tulad ng pagganap sa matematika ng mga
babaeng estudyante na ginagamitan ng iba’t ibang lapit sa pagtuturo, pagtukoy sa bilis ng paggaling ng
mga batang may lagnat sa pamamagitan ng pagpapainom ng isang natural at herbal na medisina, at iba
pang kahawig na pag-aaral.
4. ARAL-KASO
 Ang case study ay isang metodo sa pananaliksik na mailalarawan sa pamamagitan ng pag-aaral
ng isang napapanahong kaso o mga kaso ng tunay na buhay. Limitado ang kaso sa mga salik
tulad ng lugar at oras (Yin,2009). Sa pag-aaral-kaso, detalyadong inilalarawan ang sitwasyon ng
isang tao, bagay, lugar, pangyayari o phenomenon at iba pa upang maging batayan ng mga
katulad na pag-aaral sa mga kaugnay na kaso sa hinaharap.
 Ayon kay Stake (1995), ang isang mag-aaral ay maituturing na kaso. Ang guro ay isa ring kaso
subalit ang pagtuturong guro ay hindi nagtataglay ng tinatawag niyang specificity para maituring
na isang kaso. Dahil dito, sabi biya, ang mga ekswelahan ay maikokonsiderang mga kaso, ngunit
ang relasyon sa pagitan ng mga ito, ang mga dahilan ng inobasyon sa pagtuturo sa mga
ekswelahang ito, o ang mga polisya para sa reporma ay halos hindi maituturing na kaso. Ayon pa
rin sa kay Stake, ang mga ganitong halimbawa ay mga paglalahat dahil ayon sa kaniya, para
maituring ang isang bagay na kaso, dapat itong espesipiko, kompleks at may pag-iiral.
 Sa pagsasagawa ng isang case study, maaring humango ng mga datos mula sa tuwirang
obserbasyon, interbyu, dokumento, artifacts at iba pa (Yin, 2009). Sa pagsasagawa ng mga
pamamaraang ito, sinisikap na tipunin ang mga espesipikong detalye, mga di karaniwang
pangyayari, at mga iba pang mahalaga at kaugnay na datos upang higit na maunawaan ang isang
kaso.
 Maaring pag-aralan bilang kaso ang pagkatuto ng Filipino ng isang Koreanong nag-aral sa
Pilipinas, ang biglaang pagtaas ng benta ng isang kompanyang halos malugi na sa loob ng
mahabang panahon, ang kahirapan ng ilang tukoy na pamilyang benepisyaryo ng programang
Pantawid Pamilyang Pilipino ng gobyerno, o ang malubhang korupsyon ng ilang tukoy na alkalde
sa isang probinsya.
5. ACTION RESEARCH
 Binigyang kahulugan ito ni Stinger (2014) sa kanyang aklat na Action Research bilang isng
sistematikong pag-iimbestiga upang makahanap ng solusyon sa mga suliraning kinakaharap sa
pang-araw-araw na buhay ng mga tao. Nasangkot ito, ayon kay Stinger, ng kompleks na
daynamik sa isang kontekstong sosyal at gumagamit ng patuloy na siklo ng mga isyu at
problemang kinakaharap. Kadalasang lokalisado ang setting at espesipiko ang sitwasyon na
ginagawan ng action research tulad na lamang ng mga suliraning kinkaharap ng isang
eskwelahan, negosyo, komunidad, ahensya at organisasyon na mapabuti sa kahusayan at
kabisaan ng kanilang paggawa o sistema.
 Ang action research ay maaaring gamitin sa mga halimbawang pag- aaral tulad ng pagpapahusay
sa komprehensyon sa pagbasa ng mga mag-aaral, pagpapabilis ng sistemaa ng produksyon sa
isang kompanya, pagpapababa ng antas ng kahirapan sa isang barangay, o prebensyon sa
pagbaha sa barangay tuwing tag-ulan.
Itinala nina Kemmis at McTaggart (1992) ng mga yugto sa pagsasagawa ng action research.
Kinabibilangan ito ng pagpaplano, implementasyon, obserbasyon, at pagmumuni:
A. PAGPAPLANO
 Sa yugtong ito, tinatanong ng mga mananaliksik sa kanilang sarili kung ano ang realidad ng
kalagayan ng tiyak na lunan na pinag-aaralan, at mula sa pagtatanong sa tiyak na estado ng
isang isyu o suliranin, sisimulan na rin nila ang paghahanap sa kasagutan kung paano ito
tutugunan. Kasama sa pagpaplano ang pagtitipon ng mga mahahalagang datos na
kakailanganin at ang paglikha ngisang programaa o serye ng mga hakbang para solusyonan ang
natukoy na programa.
B. IMPLEMENTASYON
 Sa yugtong ito susubukan ang nabuong plano. Sinisikap na sagutin ng planong isasakatuparan
ang mga natukoy na suliranin sa yugto ng pagpaplano.
C. OBSERBASYON
 Ang yugtong ito ay kasabay ng implementasyon. Habang isinasakatuparan ang plano ay tinitipon
ang mga mahahalagang datos sa pamamagitan ng obserbasyon upang makita kung saan
mahina o kulang , at kung saan malakas o epektibo ang haing solusyon. Mahalaga ang mga
datos na makakalap dito kasunod na yugtong pagmumuni o repleksyon
D. PAGMUMUNI
 Nasasangkot ang yugtong ito sa pag-analisa at pagmumuni sa mga pangyayari sa
implementasyon batay sa mga nakalap na datos sa obserbasyon. Dito, maaring magrebisa batay
sa pangangailangan o sa pagpapatuloy ng proyekto kung ito ay nakitang mabisa.
6. PAGMAMAPA
 Ang mapping ay isang rebyu, hindi ng mga resulta tulad ng rebyu ng mga kaugnay na literature,
kung hindi ng mga pagkakaugnay-ugnay o linkages.
 Ito ay kadalasang makatuon sa mga nakalimbag nang pag-aaral at iba pang midya tulad ng
aklat, pahayagan at iba pa.
 Ayon kay Cooper (2016) tinitingnan ang pagmamapa ang pagtukoy kung saan ang lokasyon ng
pag-aaral, kailan ito isinagawa, o kung ano ang pokus ng pag-aaral.
 Ito ay isasagawa sa halos lahat ng paksang nais pag-aralan tulad ng kultura, ekonomiya, plitikal,
edukasyon, at iba pa.

B. PAMAMARAAN NG PAGTITIPON NG MGA DATOS


Ang sumusunod naman ang mga karaniwang pamamaraang magagamit sa pangangalap at pagtitipon ng
mga datos.
1. VIDEO DOCUMENTATION
 Ang bidyo dokumentasyon, bilang paraan ng pagkalap ng mga datos, ay isang paraan para
makaptyur at maiimbak ang mga mahahalagang pangyayari sa proseso ng pananaliksik.
 Ito ay maaring gawing tuluyang o segmental ang video documentation. Ang tuluyang video ay
tuloy-tuloy na pagkuha ng bidyu sa isang pangyayari at segmental naman ang tawag sa
dokumentasyong kombinasyon ng mga maiikling bahagi at kalauna’y makabubuo ng isang
mahusay na istorya. Kadalasang ginagamit naman ito upang makaagawa ng isang
dokumentabryo.
 Ang video documentation, katulad ng audio recording, ay isang mainam na teknolohiya upang
maitala ang mga mahahalagang pangyayaring mahirap makaptyur gamit ang ibang
pamamaraan.
 Isa rin itong matibay na ebidensya upang patotohanan ang isang pangyayari.
2. LITERATURE REVIEW
 Ang pagsusuri sa mga kaugnay na literature at pag-aaral ay tumutukoy sa pamamaraan ng
paghahanap ng mga nasusulat o nakatalang impormasyon namay kinalaman sa nais gawing
pag-aaral at pagsusuri sa mga ito upang makapagbigay nang higit na linaw sa mga tunguhin ng
pananaliksik.
 Karaniwang sors nito ang mga nagawa nang pananaliksik na nakalimbang na, mga artikulo sa
ma journal ng pananaliksik, mg opisyal na dokumento, mga aklat at iba pang nakasulat na
sanggunian, subalit maaari rin namang magmula ito sa mga video o audio recording tulad ng
mga dukumentaryo.
 Sa pamamagitan nito, maaaring makakuha ng magandang paksa na maaaring pagtuunan ng
pananaliksik.
 Sa kabilang banda, ginagamit ang literature review bilang metodo sa pagpapalawak at
pagpapalalim ng paksang napili.
 Sa pagpili ng mga literaturang susuriin, mahalagang isaalang-alang ang kalidad kaysa sa
kantidad.
 Maaring gawin ang pagsusuri batay sa tatlong pamamaraan
A. HISTORIKAL
 Sa paraang ito, inaaral at inilalahad ang mga nabasang literature batay sa timeline o panahon ng
pagkakagawa ng mga ito. Ginagamit ito upang ipakita ang debelopment ng paksa. Halimbawa
ng mapaggagamitan nito ay ang pag-aaral sa Ortograpiya ng Wikang Filipino mula 1987
hanggang sa kasalukuyan, o ang pagsusuri sa mga polisyang pang-ekonomiya ng Pilipinas mula
sa taong 1986 hanggang 2016. dito, ilalahad ang pagbabago, pagkakatulad, o pagkakaiba sa
mga taon na lumipas batay sa sinasabi ng mga nakuhang sanggunian.
B. LOKALIDAD
 Sa pamamaraang ito naman sinusuri ang mga sanggunian at ipinaghihiwalay ang mga ito batay
sa lokasyon ng pag aaral. Ang ganitong estratihiya ay isinasagawa sa pananaw na ang mga
bagay-bagay, halimbawa, polisya, bisa ng pagtuturo, bisa isang gamit, pagiging epektibo ng
isang teknik at iba pa, ay magkakaiba depende sa lugar ng implementasyon, sapagkat may mga
eksternal na salik na maaring wala sa ibang lokalidad. Sa paghahanay batay sa lokasyon,
sinusuri ang pagkakatulad o pagkakaiba ng mga resulta ng mga pag-aaral na isinagawa, o
pagkakatulad ng mga pananaw ng mga taong mula sa magkakaibang lugar. Kadalasang hinahati
ito sa literaturang local at literaturang banyaga.
 Ilang pag-aaral na maaaring gamitan ng ganitong pamamaraan ay ang implementasyon ng K-12
kurikulum, ang pag-iral ng karapatang pantao sa mga bansang demokrtiko, at ang akses sa
serbisyong pangkalusugan ng mga maralitang tagalungsod. Sa mga pag-aaral na ito,
maipapakita kung anong sinsabi ng mga sangguniang mula sa Pilipinas at ng mga nagmula sa
ibayong dagat.
C. TEAMATIK
 Sa tematik na paraan, bumubuo ng mga kategorya at sa lalim ng mga kategoryang ito,
tatalakayin ang mga impormasyong nakuha sa mga sanggunian. Magagamit ito kung nais
bigyang-tuon ang isang partikular na konsepto. Sa pag-aaral ng pagsasa-Filipino ng mga
siyentipiko at teknikal na termino, ng estratehiya sa eleksyon ng mga tradisyonal na politico, at
ng diskurso sa militarisasyon sa kanayuan, maaaring magamit ang tematik na lapit. Sa
pamamagitan nito, mabibigyang-emphasis ang mahalagang kategorya upang higit na
maunawaan ang mga mahahalagang konseptong may kaugnayan sa pag-aaral.
3. INTERBYU
 Ang pakikipanayam ay tumutukoy sa isahang pakikipag-usap ng mananaliksik sa kaniyang
impormante upang kumakalap ng mahahalagang impormasyon na ipinagpapalagay na
mananaliksik na pinakamahusay na maibibgay ng napiling impormante. Sabi nga nina Holstein
at Gubrium (1995), ito ay isang interaksyong panlipunan sa pagitan ng tagapanayam
(interviewer) at kinakapanayam (interviewee) na kapwa nagbibigay-kontribusyon sa proseso ng
paglikha ng mga kuwento at kahulugan.
 Kapag magsasagawa ng isang interbyu, mahalagang isaalang-alang ang ilang mahahalagang
konsederasyon: relasyonal, konstekstwal, di ebalwatibo, tuon sa tao, at di nyutral (Ravitch &Carl,
2016).
 Idinagdag din nila na maaaring bumuo ng sumusunod na katanungan lalo na sa mga
kwalitatibong interbyu:
A.EXPERIENCE AND BEHAVIOR QUESTION
 nakatuon sa mga nagawa na, ginagawa, o gagawin pa lamang ng kinakapanayam,
B.OPINION AND VALUES QUESTION
 mga katanungang nakapokus sa pananaw at paniniwala ng kinkapanayam ukol sa isang paksa,
karanasan, phenomenon, o kaganapan at kung paano niya pinahahalagahan ito,
C.FEELING QUESTION
 tumutuon sa kasalukuyang pakiramdam at sa pakiramdam sa isang karanasan ng
kinakapanayam,
D.KNOWLEGDE QUESTION
 mga katanungang humahango ng mga impormasyon at kaalamang taglay ng kinapapanayam
ukol sa paksang pinag-aaralan, at
E.BACKGROUND/ DEMOGRAPHIC QUESTION
 mga katanungang sinasagot ng loksyon, identodad at iba pa.
4. FOCUS GROUP DISCUSSION (FGD)
 Ang FGD ay isang pamamaraan ng elisitasyon ng mahahalagang impormasyon, particular ng
pananaw at imbak na katarungan, ng mga piling indibidwal na may kaugnay sa isang pag-aaral.
Halos katulad ito ng isang ordinaryong interbyu, subalit may dalawa o higit pang indibidwal na
kalahok sa proseso. Minsan, tinatawag din ito bilang group interview. Isinasagawa ito sa pag-
asang makatipon ng mga datos na mahirap palitawin sa isang isahang interbyu, sapagkat
napapalitaw lamang ang mga datos na ito sa pamamagitan ng pangkatang daynamik at
interaksyon. Ginagamit ang FGD upang masuri kung paano nabubuo, nadedebelop, at umiiral
ang isang ideya o kaalaman sa loob ng isang kontekstong kultural o panlipunan.
 Sa pamamagitan ng FGD, nakalilikha ng tinatawag na group think. Ang group think ay
nagaganap kung ang isang indibidwal na kalahik sa FGD ay nagbubukas ng isang paksa at mula
rito’y pinagtutuunan ng grupo ang paksang ito upang makabuo ng isang kolektibong pag-unawa
sa nasabing paksa. Kung sa pananaliksik ay nais malaman ang pananaw ng iba’t ibang
indibidwal at mapalalim ang ugnayan ng mga pananaw na ito, mahusay na gamitin ang FGD.
Ngunit, kung nais lamang namang pagtuunan ang natatanging karanasan ng isang indibidwal,
mas higit na angkop ang interbyu bilang metodo.
a. Upang maging epektibo ang focus group discussion, maaaaring isaalang-alang ang ilang panukala
nina Ravitch at Carl (2016) sa pagsasagawa nito:
b. Limitahan ang bilang sa apat hanggang anim upang mabigyang-pagkakataon ang lahat sa
pakikibahagi.
c. Piliing mabuti ang mga aksapi ng FGD sa pamamagitan ng pagtitiyak na makapag-aamabag sila sa
pagtitipon ng mga datos upang masagot ang mga katanungan sap ag-aaral
d. Magtalaga ng notetdaker upang makapagkonsintreyt sa pagfacilitate ng focus group discussion.
Mahalaga rin na may digital recording sa pahintulot ng mga kasangkot na indibidwal.
e. Linawin ang ground rules sa simula pa lamang at ilahad ang panuntunan sa pagbibigay-panaon sa
bawat isa upang mala yang lahat ng kasali sa FGD.
f. I-engage ang lahat at umikha ng pagkakataong makibahagi ang bawat isa.
g. Sa pagtatanong, simulant sa mga di gaanong kontrobersyal patungo sa mas higit na kontrobersyal na
isyu. Sikaping papataas ang intensidad ng mga katanungan.
h. Dapat malinaw ang mga aspektong nais palitawin at malaman nang sa gayon ay mapagtutuunan ito
ng pansin sa proseso ng FGD.
i. Tiyaking laging isasaalang-alang ang etika at ang panuntunan sa confidentiality ng mga impormasyon,
at identidad ng mga kalahok.
5. OBSERBASYON AT PARTICIPANT OBSERVATION
 Ang obserbasyon ay isang proseso ng masuring pagmamasid at pagtatala ng mananaliksik sa
kanyang mga nasaksihan sa loob ng isang partikular na lugar, pangyayari , kaganapan, o
sitwasyon.
 Sa obserbasyon may nakahanda nang observation sheet na siyang gabay ng mananaliksik sa
mga tiyak na aspektong bibigyang-tuon sa kanyang pagmamasid. Ang prosesong ito ay
maituturing na passive, sapagkat napakalimitado lamang ang interaksyon ng observer sa
kontekstong pinag-aaralan.
 Nagbigay sina Hammersiey at Atkinson (2007) ng mga dapat tandaan ng mananaliksik sa
paggawa ng participant observation. Ayon sa kanila, marapat tandaan ng mananaliksik na :
a. Hanapin ang mga mahahalagang datos na may kaugnayan sa sentral na diwa ng paksang pinag-
aaralan ngunit dapat nakabase sa mga umiiral na prinsipyo at teorya;
b. Maingat na itala ang mga kilos at ugnayang angkop sa konteksto kasama na ang mga hindi gaanong
pansin na datos kung walang pokus at intensyonal na obserbasyon; at
c. Patuloy na bantayan ang sarili sa pagmamasid upang maiwasan ang anomang uri ng personal biases
at prejudices.
6. ARCHIVAL RESEARCH
 Isa ito sa pinakaunang paraan ng pagkalap ng impormasyon para sa mga isinasagawang
pananaliksik.
 Tumutukoy sa paghango ng mga pangunahing sanggunian sa mga nakaimbak na sanggunian
sa mga arkibya.
 Kasama sa mga arkibyang sanggunian ang mga manuskrito, dokumento, record at elektroniko,
materyales na awdyo-biswal at iba pa.
 Bagaman karaniwang ginagamit ang paraang ito sa historical na pananaliksik maaari rin itong
gamitin sa mga di historical na imbestigasyon sa mga dokumento at teksto upang maging
suplementong pangkaalaman na lalong magpapatibay sa mga datos na nakalap sa mga
obserbasyon, interbyu, fieldwork discussion atbp.
 Sa pagsasagawa ng archival research, dapat tandaan ng mananaliksik ang mga sumusunod:
a. Piliin ang mga pinakaangkop na sanggunian para makapag-ambag sa pag-aaral,
b. Tiyakin ang awtensidad at kredibilidad ng sanggunian. Maaaring gamitin ang mga teknik sa review of
literature, review of document, content analysis o discourse analysis sa pagsipat sa mga sangguniang
gagamitin.
7. PAGSASAGAWA NG SARBEY
 Kung may kalakihan ang bilang ng mga respondent at halos hindi kakayaning makausap sa
pamamagitan ng interbyu o focus group discussion, makukuha ang mga datos sa pamamagitan
ng sarbey.
 Ang sarbey ay isag proseso ng pagkalap ng impormasyon mula sa inaasahang tagatugon sa
pananaliksik sa pamamagitan ng survey questionnaires, checklist o iba pang anyo ng survey
forms.
Sa paglikha ng isang questionnaire dapat isalang-alang ang mga sumusunod:
a. Gawing simple at malinaw ang mga tanong
b. Gawin ding maikli ang mismong kabuuan ng survey form
c. Dapat hindi opensibo ang mga katanungan
d. Gawing lohikal ang pagkakaayos ng mga hinihinging datos, at
e. Iwasan ang paghingi ng masyadong mahabang kasagutan mula sa tagatugon.
 Ilang halimbawa ng pag-aaral na maaaring gamitan ng sarbey ang persepsyon ng mga Pilipino
sa antas ng kanilang kahirapan sa buhay, ang pananaw ng mga magbubukid sa kawalang
suporta ng estado sa kanilang paglagong ekonomiko, o ang damdamin ng mga kabataang
botante sa isyu ng dinastiyang politikal sa bansa. Bagaman magagamitan ng iba pang metodo
ang mga pananaliksik na ito, makatutulong sa pagkuha ng mga datos ang isang sarbey lalo na
kung malaki ang bilang ng mga kasangkot na tagatugon sa pag-aaral.
8. TRANSKRIPSYON
 Isinasagawa ang prosesong ito sa paglikha ng tekstwal na anyo ng isang audion o audio visual
na sanggunian. Kada;asang ginagawa ang pagtranskrayb sa mga usapan o oral na mga
pahayag mula sa mga interbyu, focus group discussion, audio –video obserbasyon at audio o
audio –vedio documentary o file. Sa transkripsyon, may tinatawag na raw transcription na
tumutukoy sa non-edited na bersyon ng isang audio file. Tinatawag namang polished
transcription ang isinaayos na bersyon ng raw transcription na siyang ginagamit para sap ag-
aanalisa, paglalahad at paglilimbag.
 Sa proseso ng pagtatranskrayb, kailangang gawin ang mga sumusunod:
a. Pakinggan nang tatlo hanggang limang beses ang usapan o audio file. Gagawin ito upang maging
pamilyar sa kabuuan ng usapan o diskurso.
b. Simulan at ang pagsulat sa napakinggan. Sikaping isulat ang lahat nang narinig. Ipause o ulitin ang
audio kung kinakailangan.
c. Kapag nasulat na ang kabuuan ng raw transcriptions, ayusin na ito sa pamamagitan ng pagsasaayos
ng gramatika ng mga pahayag, tiyakin lamang na hindi mababago ang pakahulugan. Tanging
linggwistikong aspekto lamang ang maaaring ayusin.
d. Kung kinakainlangan, isalin ang transkripsyon sa isang target na wika.
C. PAMAMARAAN SA PAGSUSURI NG MGA DATOS
Ang sumusunod naman ang mga maaaring magamit na pamamaraan sa pagsusuri ng datos na
nakalap:
1. SWOT Analysis
 Ang Strengths, Weaknesses, Opportunities and Threats Analysis ay isang pamamaraan sa
pagtukoy sa kalakasan, kahinaan, oportunidad at mga bantang maiuugnay sa isang proyekto,
polisiya, at iba pang gawain.
 Isang mahalagang pamamaraan ito sa pagtataya sa feasibility ng isang tunguhin.
 Madalas makikitang ginagamit ito sa mga proyektong ipinatutupad ng isang organisasyon,
negosyo, gobyerno, o kahit indibidwal upang tiyaking mas mataas ang posibilidad ng tagumpay
ng isang planong gawain.
2. Discourse Analysis
 Ang pagsusuri sa mga diskurso ay nakatuon sa proseso ng pagsusuri sa paggamit ng wika sa
loob ng panlipunang konteksto.
 Tumutukoy ang wika sa kasong ito, sa ano mang teksto o sa ano mang mga pahayag na pasalita,
samantalang pumapaloob naman ang konteksto sa ano mang sitwasyong panlipunan o pang
komunikatibo kung saan ginamit ang wika.
 Wika at konteksto ang dalawang mahahalagang elemento sa pagsusuri ng diskurso.
 Upang masuri nang maayos ang napiling diskurso, narito ang ilang mahahalagang punto sa
paggawa ng analisis.
a. Tiyakin ang konteksto.
 Dito kailangang tiyakin kung ano ang sosyal at historikal na konteksto ng
diskurso. Saan at kalian ng aba ito isinulat? Mahalaga ring tingnan kung para
saan ang pagsulat o pagpapahayag ng diskurso. Bilang sagot ba ito sa isang
argumentasyon, o pagtalakay ito sa isang pangunahing isyu? Ano pa man ito,
kailangang matiyak ang konteksto bago suriin ang diskurso.
b. Galugarin ang proseso ng produksyon ng diskurso.
 Higit itong pagpapalalim sa konteksto. Bilang karagdagan, kailangang mas
maging pamilyar kung sino ang gumawa at saan ginawa ang diskurso. Tiyakin
din ang background ng gumawa nito. May kasama ba siya? Politiko ba siya,
guro, o artista? Gayon din kung tukuyin ang midyum at genre ng diskurso.
Mahalagang malaman ang mga ito para sa mas mahusay na pagsusuri sa
diskurso.
c. Suriin ang estraktura ng diskurso.
 Sa pagsusuri, kailangang tingnan kung may mga seksyon bas a diskurso na
mariing tumatalakay lamang sa iisang punto ng argumento. IIsang paksa ba
ang tuon nito? Tingnan din kung may mga bahaging nag-o-overlap o kaya’y
naghahayag ng ibang pokus na argumento o paksa. Magagamit ang mga ito
upang mas maunawaan ang intension ng sumulat o nagsasalita.
d. Tipunin at analisahin ang mga diskursong pahayag.
 Simula ito ng mikro-perspektibang pag-aanalisa sa diskurso. Dito, tinitipon ang
lahat ng pahayag na may mga magkakaugnay na konsepto at kalauna’y
sinusuri ang relasyon nito sa mga pangunahing punto ng diskurso.
e. Tukuyin kung mayroong reperensyang kultural.
 Sa iyong pagsusuri sa teksto, sikapin ding tingnan kung may mga bahaging
may direktang kinalaman sa ibang nag-e-exist na diskurso. Ibinase ba ang mga
pangunahing punto sa mga ito? Ano ang ugnayan ng mga pahayag sa diskurso
sa iba pang mga diskursong may kinalaman dito. Mahalagang Makita ito upang
matukoy kung kailangang pagtuunan ng intertextuality ng diskurso.
f. Tukuyin ang mga ginamit na mekanismong linggwistik at retorikal.
 Sa bahaging ito, mahalagang maging mapanuri at masinop ang nagsasagawa
ng analisis. Ilan sa mga dapat bantayan ang sumusunod dahil ang mga ito ay
naghuhudyat ng kahulugan sa loob ng diskurso:
1. Mga salita – Marami bang mga salita ang maiuugnay halimbawa sa isang
larang tulad ng relihiyon, militari, syensya, medisina, humanidades, o
panitikan? Ang pagpili ng mga salita upang ipahayag ang diskurso ay may
kaugnayan mismo sa pakahulugang nais ipabatid.
2. Katangiang gramatikal – Paano ang konstruksyon ng mga pahayag?
Madalas bang gumamit ng mga panghalip na panao? Nasa unang
panauhan ba ang ginamit na pananaw? Nasa karaniwang ayos ba o di
karaniwan ang mga pahayag? Lahat ito ay magdidikta sa pakahulugan sa
diskurso.
3. Literari at retorikal – Gumamit ba ng simili, metapora, ironiya, alegorya?
Mayroon bang mga kasabihan, idyoma, kawikaan at iba pa?
4. Tuwiran at ‘ di tuwirang pananalita – Tuwiran ba o hindi ang mga pahayag?
Kung nagmula ang pahayag sa ibang teksto, nagkaroon ba ng direktang
pagsipi o minodipika ito?
5. Ebidensiya – Sinusuportahan ba ng mga pahayag ang sentral na at
pangunahing ideya ng diskurso? May mga basehan at katanggap-tanggap
ba ang mga ito?
g. Isulat ang interpretasyon at ilahad ang natuklasan.
 Kapag natukoy na ang lahat ng maliliit na detalye ng diskurso, kailangan nang
isulat ang interpretasyon at pagpapakahulugan sa mga ito. Ano nga baa ng ibig
ipahiwatig ng nagdidiskurso? Pagkatapos, maari nang isulat ang mga
natuklasan upang maibahagi ito sa iba.
3. Document Analysis at Content Analysis
 Ayon kay Bowen (2009), ang document analysis o pagsusuri sa dokumento ay isang proseso sa
pagsusuri sa anyo, estruktura at nilalaman ng mga dokumento upang makapagbigay ng tinig at
kahulugan sa isang paksa. Naisasagawa ito sa pamamagitan ng paghahanap ng mga tema kung
saan iikot ang pagpapakahulugan sa isang dokumento. May tatlong uri ng dokumento ayon kay
O’Leary (2014):
1. pampublikong tala tulad ng policy manuals, annual reports, handbooks, syllabi,
strategic plans,
2. personal na dokumento tulad ng e-mails, scrapbooks, blogs, duty, logs, incident
report, reflections, journals,
3. pisikal na ebidensiya tulad ng flyers, posters, agenda, training materials.
4. Policy Review at Impact Assessment
 Ang policy review ay isang pamamaraan ng pagsusuri ng isang nag-e-exist na patakaran upang
matukoy kung ito ay mabisa at kapaki-pakinabang. Sa pagsasagawa nito, maaaring gamitin ang
SWOT Analysis upang malaman ang kahinaan at kalakasan nito kasama na ang mga
nakaambang panganib at posibleng oportunidad na dala nito. Gayon pa man, maaari rin naming
suriin ang bisa at kahusayan gamit ang isang estandardisadong panukat na karaniwan ay
inilalabas ng pamahalaan o mga standardization organization. Posible rin gumawa ng pansariling
panukat na nakabase sa mga tiyak na pamantayang nais makita sa polisiya. Halimbawa, kung
susuriin ang polisiyang ekonomiko ng Pilipinas, maaaring magtakda ng pamantayan tulad ng
impak nito sa mahihirap, longterm na epekto, short-term na epekto, at legalidad. Sa malalawak na
kategoryang ito, bubuo ng mga espesipikong pamantayan upang makita ang kahusayan o
kahinaan ng polisiya.
 Halos ganito rin ang konsepto ng impact assessment. Ang ipinagkaiba lamang nito ay hindi
lamang sa polisiya maaaring gamitin ang impact assessment kung hindi sa iba pang mga
pagkakataon tulad ng proyekto, programa, pananaliksik na iniimplementa, natuklasang solusyon
at iba pa. Tumutukoy ang impact assessment sa naging dulot ng ginawang implementasyon base
sa itinakdang mga layunin. Sa impact assessment, tinitingnan kung naging matagumpay o
mabunga ang proyekto o programa. Kung mabunga, gaano kalaki o katas ang naging dulot nitong
kabutihan sa mga benepisyaryo. Ito ang nais na sagutin ng pagsusuring ito. Sa pagsasagawa
nito, tulad nang policy review, gumamit ng standardized na instrument o bumuo ng kustomisadong
instrument para masukat ang naturang impak. Mahalaga ring pagmunihan ang naging resulta,
positibo man ito o negatibo.
5. Comparative Analysis
 Maaaring gamitin ang pagsusuring ito sa maraming bagay. Ang comparative analysis ay isang
paraan ng pagsusuring detalyadong nagtatala sa pagkakatulad, at/o pagkakaiba ng dalawa o higit
pang aytem (tao, bagay, lugar, kaganapan, phenomenon at iba pa).
 Ginagamit ito para makita ang kakulangan o kahigitan ng isa sa iba upang magamit sa paglinang
at pagpapabuti nito. Isang halimbawa na maaaring gamitin ng metodong ito ang pag-aaral sa
kulturang Pilipino at Amerikano. Maaaring gawan ng pagtutulad ang dalawang kulturang ito base
sa kung ano ang kulturang umiiral sa Pilipinas dahil sa impluwensya ng pananakop ng mga
Amerikano, at ng pag-iiba ng kultura ng dalawang bansa base sa lokasyong topograpikal ng mga
ito.
D. GAWAING PAMPAGKATUTO
Pangalan: ____________________________ Kurso at Seksyon: _______________
Panuto: Punan ang kasunod na talahanayan ng mga hinihinging impormasyon.
a. Aling suliraning lokal o nasyonal o
aspektong panlipunan ang nais
mong/ninyong gawan ng pananaliksik?

b. Ano-ano ang mga posibleng tanong ang


nais mong/ninyong masagot sa pananaliksik
tungkol sa suliranin o aspektong
panlipunang iyon?
c. Aling metodo sa pananaliksik-panlipunan
ang palagay mo/ninyo ay naaangkop sa
suliranin o aspektong panlipunang nais
mong/ninyong saliksikin? Paliwanag ang
iyong/inyong sagot.
d. Aling pamamaraan ng pagttipon ng datos
ang sa palagay ninyo ay akma sa napili
mong metodo at sa inyong paksa?
Ipaliwanag kung paano ninyo binabalak
isagawa ang pamamaraang napili.
e. Aling pamamaraan din sa pagsusuri ng
datos ang sa palagay ninyo ay akma sa
napiling paksa? Ipaliwanag kung paano
ninyo binabalak isagawa ang pamamaraang
napili.

E. PAGTATAYA
Pangalan: ____________________________ Kurso at Seksyon: _______________
Panuto: Basahin, unawain at sagutin ang mga tanong.
1. Ano-ano ang mga pangunahing metodo sa pananaliksik-panlipunan? Paano maisasagawa ang bawat
isa? Sa ano-anong paksa, halimbawa, magagamit ang bawat isa? Magbigay din ng sariling
halimbawa.
2. Ano –ano ang mga pamamaraan sa pagtitipon ng datos? Paano isinasagawa ang bawat isa? Sa aling
pananaliksik akmang gamitin ang bawat isa? Sa aling pananaliksik akmang gamitin ang bawat isa?
Magbigay rin ng sariling halimbawa.
3. Ano –ano ang mga pamamaraan sa pagsusuri ng datos? Paano isinasagawa ang bawat isa? Sa aling
pananaliksik akmang gamitin ang bawat isa? Sa aling pananaliksik akmang gamitin ang bawat isa?
Magbigay rin ng sariling halimbawa.
4. Aling metodo sa pananaliksik-panlipunan ang nais mong gawin kaugnay ng paksang nais mong
saliksikin? Aling pamamaraan ng pagtitipon ng datos ang sa palagay mo ay akma sa napili mong
metodo? Aling pamamaraan din sa pagsusuri ng datos ang palagay mo ay akma para roon ipaliwanag
ang iyong sagot.

F. SANGGUNIAN
Bernales, Rolando A., Ravina, Elimar A. & Zafra, Reynele Bren G. 2019. Filipino sa Iba’t Ibang
Disiplina. Malabon City: Mutya Publishing House Inc.

G. RUBRIKS
Gawaing Pampagkatuto at Pagtataya
Komponent Higit na mahusay Mahusay Hindi gaanong Hindi mahusay Puntos /
9-10 6-8 mahusay 0-2 Marka
3-5
Nilalaman Kumpleto ang May minimal na May kapansin- Labis ang
nilalaman. kakulangan sa pansing kakulangan ng
nilalaman. kakulangan sa nilalaman.
nialalaman.
Kaangkupan ng Angkop na Angkop ang Hindi gaanong Hindi angkop
kasagutan angkop ang kasagutan angkop ang ang kasagutan.
hinihinging subalit may kasagutan.
kasagutan. kaunting
kakulangan.
Organisasyon ng Madaling Nauunawaan Mayroong Hindi lubos
ideya maunawaan sapagkat kalituhan sa maunawaan
sapagkat mahusay ang pagkat hindi sapagkat hindi
napakahusay ng pagkakahanay gaanong mahusay ang
pagkakahanay ng ng ideya. mahusay ang pagkakahanay
mga ideya pagkakahanay ng ideya.
ng ideya.
H. SUSING SAGOT
Panimulang Pagtataya
1. TAMA
2. TAMA
3. MALI
4. TAMA
5. MALI
6. MALI
7. TAMA
8. MALI
9. MALI
10.TAMA

You might also like