Professional Documents
Culture Documents
Isa siya sa pinakamaliit sa klase. At isa rin siya sa pinakapangit. Ang bilog at
pipis niyang ilong ay lubhang kapansin-pansin at tingnan lamang iyo'y mahahabag
na sa kanya ang tumitingin. Kahit ang paraan niya ng pagsasalita ay laban din sa
kanya. Mayroon siyang kakatuwang "punto" na nagpapakilalang siya'y tagaibang
pook.
Ngunit may isang bagay na kaibig-ibig sa munti't pangit na batang ito, kahit
sa simula pa lamang. Nagpapaiwan siya tuwing hapon kahit na hindi siya hilingan
ng gayon. Siya rin ang pinakahuling umaalis: naglilibot muna sa buong silid upang
pulutin ang mga naiiwang panlinis. Lihim ko siyang pinagmamasdan habang
inaayos niya ang mga ito sa lalagyan, ipinipinid, at pagkatapos ay magtutungo sa
likod ng bawat hanay ng upuan upang tingnan kung tuwid ang bawat isa. At sa
pintuan, lagi siyang lumilingon sa pagsasabi ng "Goodbye, Teacher!"
At kung ang lahat ay wala na, kinakausap ko siya at sumasagot siya nang
pagaril sa Tagalog. At sa mga ganoong pagkakatao'y nagmumukha siyang maligaya
at ang kanyang, "Goodbye, Teacher," sa may-pintuan ay tumataginting. Sa mga
ganoong pagkakatao'y naiiwan sa akin ang katiyakang siya'y hindi na totoong napag-
iisa at hindi na totoong nalulumbay.
Isang mabagal na paraan ang pag-akit na iyon sa kanya at ang pagtiyak na siya'y
mahalaga at sa kanya'y may nagmamahal.
Nang hapong iyo'y hindi siya nagpadulas sa pagitan ng mga hanay ng upuan.
Ngunit siya'y nagtungo sa huling upuan upang kunin ang aking tsinelas, upang
paghiwalayin ang mga iyon at itapat sa aking mga paa. Nagtungo siya sa tindahang
katapat upang bilhin ang aking minindal at nagpaiwan siya upang likumin ang mga
kagamitan sa paglilinis at upang ayusin ang mga iyon sa lalagyan sa sulok.
Pinagpantay-pantay rin niya ang mga upuan sa bawat hanay, gaya ng kanyang
kinamihasnan. Ngunit hindi siya tumingin sa akin minsan man lamang nang hapong
iyon.
Naisip ko: napopoot siya sa akin. Sa munti niyang puso'y kinapopootan niya ako
ng pagkapoot na kasintibay ng pagmamahal na iniukol niya sa akin nitong mga huling
buwan. Ang isa mang batang namulat sa pag-iisa at sa kalumbayan ng pag-iisa't
kawalan ng pagmamahal ay makaaalam din sa kawalan ng katarungan. Ngayo'y paalis
na siya, ang naisip ko, nang may kapaitan sa puso.
Nagtungo siya sa pintuan at ang kanyang mga yabag ay mabibigat na tila sa isang
matandang pagod. Sa loob ng maraming buwan, ngayon lamang siya hindi lumingon
upang magsabi ng, "Goodbye, Teacher." Lumabas siya nang tahimik at ang kanyang
mabibigat na yabag ay lumayo nang lumayo.
Ano ang ginawa kong ito? Ano ang ginawa kong ito? Ito ang itinanong ko nang
paulit-ulit sa aking sarili. Napopoot siya sa akin. At ito'y sinabi ko rin nang paulit-ulit
sa aking sarili.
Bukas…. Marahil, kung pagpipilitan ko bukas…
Biglang-bigla, ang maitim at pipis na mukha ng bata'y nakita ko sa pintuan. Ang
mga mata niyang nakipagsalubungan sa aki'y may nagugulumihanang tingin.
"Goodbye, Teacher," ang sabi niya. Pagkatapos ay umalis na siya.