You are on page 1of 16

Kwento ni Mabut

ni Genoveva Edroza-Matute

Hindi ko na siya nakikita ngayon. Naguni sinasabi nilang naroon pa siya sa dating
pinagtuturuan, sa luma at walang pintang paaralang una kong kinakitaan sa kanya. Sa
isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa
bawa't hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng
isang estero, naroon pa siya't nagtuturo ng mga kaalamanang pang-aklat - at
bumubuhay ng isang uri ng karunungang sa kanya ko lamang natutuhan.

Lagi ko siyang iuugnay sa kariktan ng Buhay. Saan man may kagandahan; sa isang
tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako'y lumiligaya.
Nguni walang ano mang maganda sa kanyang anyo… at sa kanyang buhay….

Siya ay isa sa pinakakaraniwang guro roon. Walang sino mang nag-ukol sa kanya ng
pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga
pananagutan sa paaralan, walang masasabing ano mang di-pangkaraniwan sa kanya.

Siya'y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya'y nakatalikod. Ang salitang iyon
ang bukambibig niya. Iyon ang pumapalit sa mga salitang hindi niya maalala kung
minsan, at nagiging pamuno sa mga sandali ng pag-aalanganin. Sa isang paraang hindi
malirip, iyon ay naging salaminan ng uri ng paniniwala niya sa buhay.

"Mabuti," ang sasabihin niya, "…ngayo'y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama't
umabot tayo sa araling ito. Mabuti nama't umabot tayo sa bahaging ito.
Mabuti…mabuti…!"

Hindi ako kalian man magtatapat sa kanya ng ano man kundi lamang nahuli niya ako
minsang lumuluha: nang hapong iyo'y iniluluha ng bata kong puso ang isang pambata
ring suliranin.

Noo'y magtatakipsilim na at maliban sa pabugso-bugsong hiyawan ng mga


nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay
tahimik na. Sa isang tagomg sulok ng silid-aklatan, pinilit kong lutasin ang aking
suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan.

"Mabuti't may tao pala rito," ang wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa tinig.
"Tila may suliranin ka…mabuti sana kung makakatulong ako."

Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kalian man. Sa bata kong isipan
ay ibinilang kong kahihiyan at kaabaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap,
pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Nguni hindi ako nakakilos sa sinabi
niya pagkatapos. Napatda ako at napaupong bigla sa katapat na luklukan.

"Hindi ko alam na may tao rito… naparito ako upang umiyak din."

Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang


kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa'y nakita ko ang bahagyang ngiti
sa kanyang labi.

Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na lamang ang tinig ko sa
pagtatapat ng suliraning sa palagay ko noo'y siya nang pinakamabigat. Nakinig siya sa
akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo'y nagtataka ako kung paanong
napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Nguni siya'y nakinig nang
buong pagkaunawa, at alam kong ang pagmamalasakit niya'y tunay na matapat.

Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang maghihiwalay sa ami'y


natatanaw na nang bigla akong makaalala.

"Siyanga pala, Ma'am kayo? Kayo nga pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyon
na…iniyakan ko?"

Tumawa siya nang marahan at inulit ang mga salitang iyon: "ang sulok na iyon
na…iniyakan natin… nating dalawa." Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig:
"Sana'y masasabi ko sa iyo, nguni… ang suliranin ko'y hindi para sa mga bata pang gaya
mo. Mabuti sana'y hind imaging iyo ang ganoong uri ng suliranin… kalian man, Ang ibig
kong sabihi'y maging higit na mabuti sana sa iyo ang…Buhay."

Si Mabuti'y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita
niya mula sa hapag, nagtatanong, sumasagot, sa pagngiti niya ng mababagal at
mahihiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglalim ng kunot sa noo niya sa kanyang mga
pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa sulpok na iyon ng silid-
aklatan. Ang sulok na iyon na… "iniyakan natin" ang sinabi niya nang hapong iyon. At
habang tumataginting sa silid naming ang kanyang tinig sa pagtuturo'y hinuhulaan ko
ang dahilan o mga dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan.
Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon, sa sulok na iyong…aming dalawa.

At sapagka't natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong


magmasid, maghintay ng mg bakas ng kapaitan sa kanyang mga sinasabi. Nguni sa
tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno
niya ng maririkit na guniguni an gaming isipan at ng mga kaaya-ayang tunog an gaming
pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng Buhay. Bawa't aralin namin
sa Pnitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan. At ako'y
humanga.
Wala iyon doon kangina, ang masasabi ko sa sarili pagkatapos na maipadama niya sa
amin ang kagandahan ng Buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtukalas na
ito sa kariktan kundi pagkatapos na lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan.

Ang pananalig niya sa kalooban ng Maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, ay isa sa


pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang pananalig
niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na karaniwan lamang
sa amin. Iyon marahil ang nagpataginting sa kanyang tinig sa pagbibigay-kahulugan sa
mga bagay n apara sa ami'y walang kabuluhan.

Hindi siya bumanggit ng ano man tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-
aaral namin sa kanya. Nguni bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa
tangi niyang anak… nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumanggit sa amin kailan man
tungkol sa ama ng batng iyon. Nguni dalawa sa mga kamag-aral nmin ang nakababatid
na siya'y hindi balo.

Walang pag-aalinlangang ang lahat ng maririkit niyang pangarap ay nakapligid sa


batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang mga katabilan niyon, ang palaki nang
palaking mg a pngarap niyon, ang nabubuong layunin niyon sa buhay. Minsan, tila
hindi namamalayang nakapagpapahayag an gaming guro ng isang pangamba: ang
pagkatakot niyang baka siya hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak.
Maliban sa iilan-ilan sa aming pangkat, ang paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang
anak ay isa lamang sa mga bagay na "pinagtitiisang" pakinggan sapagka't walang
paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawa't pagbanggit na iyo'y nagkaroon ng bagong
kahulugan sapagka't noon pa ma'y nabubuo na sa aking isipan ang isang hinala.

Sa kanyang mga pagsalaysay ay nalamn naming ang tungkol sa kaarawan ng kanyang


anak, ang bagong kasuutan niyong may malaking lasong pula sa baywan, ang mga
kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog. Ang anak niya'y anim na
taong gulang na. Sa susunod na tao'y magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro
naming maging manggagamot ang kanyang anak - at isang mabuting manggagamot.

Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang ang isa sa mga batng lalaki sa
aking likuran ay bumulong: "Gaya ng kanyang ama!"

Narinig n gaming guro ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya'y nagsalita.
"Oo gaya nga ng kanyang ama," ang wika niya. Nguni tumakas ang dugo sa kanyang
mukha habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi.

Iyon an una at huling pagbanggit sa aming klase tungkol sa ama ng batang may-
kaarawan.
Natiyak ko noong may isang bagay ngang nalisya sa buhay niya. Nalisya nang ganoon
lamang. At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang
layo sa kanya, kumirot sa puso ko ang pagnanasang lumapit sa kanya, tanganana ng
kanang mga kamay gaya ng ginawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at
hilinging magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung
may mapagtatapatan siyang isang tao man lamang. Nguni ito ang sumupil sa
pagnanasa kong yaon: ang mga kamag-aaral kong nakikinig nang walang ano mang
malasakit sa kanyang sinabing., "oo, gaya nga ng kanyang ama," habang tumatakas ang
dugo sa kanyang mukha.

Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko na mililimutan kalian man. Tiningnan niya
akong buong tapang na pinipigil ang panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito:
"Mabuti…mabuti! Gaya ng sasabihin nitong si Fe - iyon lamang nakararanas ng mga
lihim na kalungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan. Mabuti,
at ngayon, magsisimula tayo sa ating aralin…."

Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon, na hindi akin ang pangungusap na


iyon, ni sa aking mga pagsasalita, ni sa aking mga pagsusulat. Nguni samantalang
nakatitig siya sa akin nang umagang iyon, habang sinasabi niya ang pangungusap na
iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagka't
nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na
kaligayahan….

At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay sa
kanyang mukha, mui niyangipinamalas sa amin ang mga natatagong kagandahan sa
aralin naming sa Panitikan: ang kariktan ng katapangan, ang kariktan ng pagpapatuloy
ano man ang kulay ng Buhay.

At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol
sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging
isang manggagamot din baling araw, ay namatay may ilang araw lamang ngayon ang
nakallipas. Namatay at naburol ng dalawang araw at dalwang gabi sa isang bahay n
ahindi siyang tinitirhan ni Mabuti at ng kanyang anak. At nauunawaan ko ang lahat. Sa
hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyo'y naunawaan ko ang lahat….
Parusa
ni Genoveva Edroza Matute

Naunahan ng paggising at pag-iinat ng daungan ang pagsikat ng araw. Makakapal pa ang mga
aninong buong higpit na yumayakap sa mga pintungang nangaroon ay nagsimula na ang mga
yabag na payao’t dito, ang anasang unti-unting nagkatinig hanggang sa maging ingay, hanggang
sa makiisa sa matinis na sipol ng kadadaong na bapor.

Nag-unahan sa andamyo ang mga bata ni Salamin. Nakatitiyak ang kanilang mga hakbang.
Sapagkat ang mga bata ni Salamin ay mga bata ng Big Boss. Ang Big Boss ang nakaaalam sa
mga bapor na lumabas-pumasok sa daungang yaon.

“Oras na nakapit ka kay Salamin… buhay ka na!”

“E ang Big Boss… hindi ko na ba kailangang makilala ang…”

“Bahala na si Salamin doon! Bago ka pa nga rito, oo!”

Malakas ang halakhak na isinagot ng Big Boss sa ikinuwentong iyon ni Salamin sa kanya isang
araw. Samantalang buong inip silang naghihintay na maiahon ng kanilang mga tauhan ang mga
kalakal ng kadadaong na bapor.

“Mabuti naman at nalalaman nila!”

“Mabuti na ang maliwanag antemano, boss. Mahirap nang masingitan pa ang katalo. Kung sa
bagay e, ano naman ang magagawa ng maski sino, kung sakali?”

Nagtinginan nang matagal ang dalawa. May mahiwagang liwanag na kumislap sa kanilang mga
mata. Biglang inalis ng Big Boss ang tabako niya upang hindi maibuga ng madagundong sa
halakhak na yumanig sa namimintog niyang tiyan.
“Sigurado ka bang hindi ka masisingitan ng pakawala?”

“Mahirap na, Boss! Sakali mang makasingit, ano naman ang delito niya, aber? Sa payroll, anim
na piso… may pirma siya!” Tumikhim muna sandali si Salamin. “Kung may reklamo siya, aba,
magsumbong siya sa unyon!”

Hinintay ni Salamin ang muling pagyanig ng namimintog na katawan ng Big Boss sa isa pang
madagundong na halakhak. Nagtaka siya nang ito’y ngumiti lamang nang bahagya, alanganin,
dinampot ang malamig na inumin sa baso, lumagok nang makalawa, ibinaba ang baso, marahang
iginuhit-guhit ang hintuturo sa malamig na “pawis” ng baso.

“Bago ako naging pangulo ng unyon ng mga trabahador, naging estibador ako, Salamin; bago
iyon, nagtrabaho ako sa daan, at bago iyon…”

Biglang ipinukpok ng Big Boss ang baso ng inumin sa hapag. Lumigwak ang laman nito.

“Sa bawat isa niyon, sinamantala ako!”

Natapos ang hapong iyon nang walang imikan.

Nag-alala si Salamin na baka nagdamdam sa kanya ang Big Boss. Ngunit nang magkita silang
muli kinabukasan ay naroon na naman ang ngiting humalili sa tabakong saglit na inalis niyon sa
labi.

“Ikaw na nga pala ang bahala muna sa ilang bata natin sa unyon, Salamin. Magbabakasyon ako

sandali.”

“Siyanga pala, Boss, kilala mo na ba si Ventura, ang bago nating bata rito sa piyer? Kasapi na sa
Unyon e.”

Ngunit ang Big Boss ay di dapat abalahin sa maliliit na bagay, gaya ng isang bagong tagapasan
o ng isang bagong kasapi sa unyon.
Ang mahalaga’y kabilang na si Ventura sa “palakad”. Nakayungyong na sa kanya ang
dambuhalang “palakad”: anim na piso isang araw sa payroll, limang piso sa bulsa – ang piso pang
hindi niya maiuuwi kalianman ay maaaring tuntunin – marahil – kung lalapit siya sa unyon. Ang
pangulo ng unyon ay ang Big Boss.

Sasabihin sana niya sa Big Boss: “Boss, ang Venturang iyon, baka makatulong natin sa unyon,
mukhang matalino e. Tiningnan ko ang record. Nag-aral. Hindi nga lamang nakatapos sapagkat
nag-asawa agad. Empleyado sana ngunit nabawas. Matagal na walang mapasukan kaya’t nag-
laborer na lamang. Matagal na hindi kumibo nang ipaliwanag ko ang “palakad”. Ngunit
pagkatapos ay pumirma rin sa anim na piso. Ngayon, ang gusto kong sabihin sa iyo, Boss, baka
natin magamit si Ventura. Mabi-build-up natin sa unyon. E di pakikinabangan natin
pagkakandidato mo sa pulitika. Hindi ba ‘ka mo iniisip mong magkandidato, total, sigurado ang
botante mo dahil sa unyon?”

Matagal nang nakabalik ang Big Boss buhat sa pagbabakasyon nang mabuksan ni Salamin ang
tungkol kay Ventura.

Pinagtiyagaan muna ni Salamin ang pakikinig at paghanga sa maraming bihag ng Big Boss sa
huling lakad nito. Naulit na naman ang pagtatanong niya kung talagang hindi na ito lalagay sa
tahimik: kung paano ito magkakaroon ng anak na sinasabing ibig na ibig nito?

Sa unang tanda ng pagkapagod nito sa pagbabalita’y maingat ngunit mabilis na ipinasok ni


Salamin sa salitaan ang tungkol kay Ventura. Ipinakita niya sa Big Boss ang record card ng bago
nilang tauhan. Patuloy ang pagbabalita ng Big Boss habang tinitingnan ang record card ni
Ventura. Biglang

naputol ang pagsasalita nito at napatitig nang walang-kurap sa kanyang hawak.

“Akalain mo, Salamin? Akalain mo? Ang misis ng Venturang ito ay isa sa mga naging bata ko!”

Ayaw na sana ni Salaming ipagpatuloy ang mungkahi niya tungkol kay Ventura. Nag-alala rin siya
sa maaaring mangyari. Ngunit ang Big Boss ngayon ang mapilit: nais niyang makita si Ventura.
Nais niya itong makausap. Makilala. Nais din niyang makabalita tungkol sa maybahay nito. Hindi
sa ano pa man. Kuryusidad lamang.
Ipinatawag ng Big Boss si Ventura. Ibig niyang makita ang sinasabi ni Salaming bagong tauhan
sa daungan, ang bagong kasapi sa unyon, sapagkat ito ay matalino; sapagkat ito ay di gaya ng
karaniwang tagapasan nila roon, sapagkat maaari niyang mapakinabangan ito kung sakaling
matuloy ang binabalak niyang pagkakandidato, ngunit lalo sa lahat, sapagkat ito ang
napangasawa ni Neneng.

Nagkunwari si Salaming nakalimot sa ipinagbilin ng Big Boss. Sumisidhi ang pag-aalala niya sa
maaaring balakin nito sa maybahay ni Ventura. Ipinagpaliban niya ang pagsasama rito sa Big
Boss, hanggang sa hindi na niya maipagpaliban pang muli.

Nang iwan ni Salamin si Ventura sa harap ng Big Boss, ito’y mapitagang nakatayo sa harap ng
hapag na kinauupan ng Big Boss. Pinagmamasdan ng mga naniningkit na mata ng Big Boss ang
nakatayo sa harap ng kanyang hapag.

Walang pagkagulat ang Big Boss sa kanyang nakita: itong talaga ang uri ng lalaking maiibigan ni
Neneng, ang naisip ng Big Boss; hindi makisig hindi nakakatawag-pansin, tahimik, hindi
kagugulatan: kabaligtaran niya.

Matagal nang nakalabas sa kanyang tanggapan si Ventura, matagal na niya itong nakausap
tungkol sa maaari pa nitong gawin bukod sa pagpapasan sa daungan, ang Big Boss ay nakaupo
pa rin sa harap ng malaki niyang hapag. Saglit siyang nagbalik sa lalawigan – doon sa
kinatagpuan niya kay Neneng, noong ito’y maniwala sa kanya ng lubusan, umibig, umasa,
naghintay – gaya ng di na niya mabilang ngayon kung ilan. Saan nagwawakas ang pag-asa at
nagsisimula ang kamatayan ng pananalig? Kailan nag-uugat ang bagong paniniwala? Ang
bagong pagmamahal?

“Kuryusidad lamang,” ang patawang sinabi ng Big Boss kay Salamin, nang magpadaan ito sa
kanyang tsuper sa direksiyong nakatala sa record card ni Ventura.

Ngunit ang kuryusidad na iyo’y pinagmulan ng mga disukat akalain: ang mga nasasabik na
tanong ni Salami’y nakatagpo ng di-inaasahang katahimikan; ang Big Boss ay kinapansinan ng
pagwawalang-kibo, pagsusungit, pag-iinit ng ulo; si Ventura ay bigla na lamang nagpapaalam
kay Salamin – nagyayaya raw pilit ang kanyang maybahay na umuwi sa lalawigan, sa di niya
malamang kadahilanan.

Napagtulungan nina Salamin at Big Boss ang paghimok kay Venturang magpatuloy sa gawain
sa daungan, gawaing tuntungan lamang sa pagtaas, paghawak ng mataas ng tungkulin sa unyon,
pag-unlad, pagtatagumpay.
Si Salamin ay nasisiyahan bagaman nagtataka sa mga pangyayari.

“Ano ang sabi ko sa iyo, Boss, matalino si Ventura at pakikinabangan natin sa hinaharap.”

“Sayang at matigas ang kanyang asawa!” Sa tinig ng Big Boss ay may gumagapang na
pagbabanta.

Matagal bago napag-alaman ni Salamin ang mga pangyayari. Unti-unti.

Nabigla nang gayon na lamang ang maybahay ni Ventura nang unang dumalaw sa tahanan nila
ang Big Boss. Nagkahalo rito ang pangamba, ang poot, ang lamig at tigas ng bakal. Wala na ni
munting bakas ang lumipas.

Ang laki ng mga tagumpay ng Big Boss sa maraming bagay ay nakatagpo ng walang-hanggang
kabiguan kay Neneng: lubusan ang pagkapinid ng pinto sa kamalian, sa kabulagan ng kahapon:
walang-kapantay ang pagmamahal, ang paggalang ni Neneng kay Ventura – walang
makapagpapabago rito, ni ang pangamba sa mga pagbabanta, ni ang panganib ng sumpa’t
pagtalikod ng kabiyak, kung sakali. Lalong di-nagkabisa ang maririkit na pangako ng tagumpay,
kariwasaan, kasaganaan – para kay Neneng at Ventura, lalung-lalo na sa kaisa-isa nilang anak.

Ang minsang kabiguan sa isang nahirati sa mga tagumpay ay nagpapaulol dito. Nakikita ni
Salamin sa mga mata ng Big Boss ang unti-unti ngunit tiyak na pagbabaga ng ulol na pagnanasa
sa di-mangyayari.

Natiyak ni Salaming sadyang masama ang nangyayari sa Big Boss nang ito’y maglalagi sa kanila
– upang kalaruin, upang sundan-sundan ng tingin ang kanilang anak. Alam nilang lahat sa
daungan ang matinding pagnanasa nito sa isang anak, ang kawalan nito ng pamilya, ang walang-
hanggang paghahanap nito sa mga ugat ng tunay na kaligayahan.

Napag-alaman din ni Salaming nabubuhos ang loob ni Big Boss sa kaisa-isang anak nina Ventura
at Neneng – habang lalong ipinipinid nitong huli ang ano mang daan ng kanilang pagkikita. Ang
totoo, kung kasama lamang ni Ventura ang Big Boss sa kanilang tahanan napipilitang pakihirapan
ito ni Neneng. At nasasaksihan ng Big Boss ang buhay-mag-anak na kailanma’y hindi naging
bahagi ng malalaki niyang tagumpay.
Lalong natiyak ni Salaming sadyang palubha nang palubha ang nangyayari sa Big Boss.

“Isama mo si Ventura sa ating… uhum… ‘paluwagan’.”

Kaya’t nang hapong iyo’y ipinarinig niya kay Ventura ang tungkol sa “paluwagan”. Dali-daling
lumapit si Ventura kay Salamin at sa kausap nito. Bago umuwi si Ventura ay nakahiram ito ng
limampung pisa buhat sa “paluwagang” may patubong beinte porsiyento.

May sakit ang kaisa-isang anak ni Ventura.

Patuloy ang paglagda ni Ventura sa anim na piso isang araw sa payroll, sa pag-uuwi ng lima, sa
paghihintay na mataas ng tungkulin sa

daungan, sa unyon, sa pahina nang pahinang pangungunyapit sa mga gilid ng humihigop na


“paluwagan”.

Nanatiling tuwid at maigting ang guhit ng mga labi ng Big Boss.

“Boss,” ang minsa’y napangahasang simulang sabihin ni Salamin, “kung talagang matigas ang
asawa ni Ventura, mabuti pa kaya’y… total, marami ka namang iba riyan at…”

“Ngayon pa,” ang putol ng Big Boss , “ngayon pang naglulubha ang kanilang anak at baon na
baon na sa utang si Ventura? Tingnan ko ang kasupladahan ng babaing iyon! Tingnan ko kung
hindi maglulumuhod sa akin para siya ay tulungan!” Kakaiba ang tinig ng Big Boss. Hindi nakilala
ni Salamin ang tinig ng Big Boss.

Ngunit nagpatuloy na nag-uulol ang baga ng kabiguan sa mga mata ng Big Boss.

Tanghali na’y wala pa si Ventura sa daungan, isang araw. Nang dumating ito’y tuloy-tuloy sa
tanggapan ng Big Boss. Nakiusap, naglumuhog, upang makuha nang maaga ang suweldo niya
kung maaari. Ngunit iyon ay labag sa palakad. Sana, makakuha pang muli sa “paluwagan”. Ngunit
ang pagkukulang niya roo’y umabot na sa hanggahang ipinahihintulot ng palakad. Dali-daling
umalis si Ventura. Litung-lito.
Agaw-buhay sa pagamutan ang kaisa-isang anak nina Ventura.

Matagal na napatingin si Salamin sa Big Boss sa kabila ng hapag. Tangan ng huli ang sobre ng
suweldo ni Ventura na madaling nakuha ni Salamin sa kahero sa utos ng Big Boss.

“Akala ko, Boss, ibibigay mo iyan?”

“Sana nga, kaya, ipinakuha ko sa iyo, ngunit nagbago ang loob ko”

Lalong tumuwid at umigting ang guhit ng mga labi ng Big Boss.

“Darating siya! Darating siya!” ang anas na nanggaling sa tuwid at maigting na guhit.

Nagsimulang humihip ang hangin sa mga durungawan ng tanggapan. Ang mga ingay sa daungan
ay unti-unti nang ginagapi ng palakas na salpok ng mga alon. Pahaba na nang pahaba ang mga
daliri ng sari-saring aninong yumuyungyong sa mga pintungan.

Isang katok ang biglang nagpatayo sa Big Boss buhat sa kanyang hapag.

“Siya na!”

“Tuloy! Bukas iyan!” ang malakas niyang sabi. Pumasok si Salamin.

“Boss, dumating ang kumpare ni Ventura. Patay na raw ang anak niyon. Hindi naman pala anak
ni Ventura iyon e; anak ng maybahay niya – sa una.”

Anak ng maybahay niya – sa una. Sa una. Sa una! Sa una!

Umikot ang mahahabang daliri ng mga anino sa silid. Umikot din si Salamin. Mula sa
pagkakatayo, bumagsak ang Big Boss sa silya niyang umikot – ang buong silid, ang buong
daigdig ay umikot.
Sa daungan, ang iba’t ibang ingay ay tuluyan nang nagasa ng mga naghuhumindig na alon ng
nagngangalit na dagat.
Paglalayag… sa Puso ng Isang Bata
ni Genoveva Matute

SI GENOVEVA Edroza-Matute, o mas kilala sa tawag na “Aling Bebang,” ay isa sa


pinakadakilang manunulat at kuwentista ng panitikang Filipino. Nagtapos ng Bachelor of
Secondary Education major in English, master’s, at doctorate degree sa UST, si Aling
Bebang ay nagkamit ng iba’t ibang parangal tulad ng Carlos Palanca Memorial Awards for
Literature, Gawad Cultural Center of the Philippines para sa Sining (Panitikan), Republic
Literary Awards ng National Commission for Culture and the Arts, at Lifetime Achievement
Award para sa Panitikan na ginawad ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang sumusunod na kuwento ay base sa katauhan ng isang batang lalaki na naging


estudyante ni Matute dati. Nagwagi ang akdang ito ng Palanca noong 1955.

***

Binata na siya marahil ngayon. O baka ama na ng isang mag-anak. Ito ay kung nakaligtas
siya sa nakaraang digmaan…nguni’t ayaw kong isiping baka hindi. Sa akin, siya’y hindi
magiging isang binatang di-kilala, isang ama, o isang alaala kaya ng Bataan. Sa akin, siya’y
mananatiling isang batang lalaking may kaliitan, may-kaitiman at may walong taong gulang.

Pagkaraan ng daan-daang tinuruan, mga sumipot, nanatiling saglit, at lumisan pagkatapos,


pagkaraan ng mga taong ang ila’y nagdumali, ang ila’y nagmabagal at ang ila’y nakintal sa
gunita, buhay na buhay pa sa aking isipan ang kaniyang mukha at ang kaniyang pangalan.
Nguni’t ang buhay sa lahat ay ang isang bagay na itinuro niya sa akin, isang araw, nang
siya ang aking maging guro, at ako ang kanyang tinuruan.

Isa siya sa pinakamaliliit sa klase. At isa rin sa pinakapangit. Ang bilog at pipis niyang ilong
ay lubhang kapansin-pansin at tingnan lamang iyo’y mahahabag na sa kanya ang
tumitingin. Kahit ang paraan niya ng pagsasalita ay laban din sa kanya. Mayroon siyang
kakatuwang “punto” na nagpapakilalang siya’y taga-ibang pook.

Nguni’t may isang bagay na kaibig-ibig sa munti’t pangit na batang ito, kahit sa simula pa
lamang. Nagpapaiwan siya tuwing hapon kahit hindi na siya hilingan nang gayon.
Tumutulong siya sa mga tagalinis at siya ang pinakamasipag sa lahat. Siya rin ang
pinakahuling umaalis: naglilibot muna sa buong silid upang pulutin ang mga naiiwang
panlinis. Lihim ko siyang pinamamasdan habang inaayos niya ang mga ito sa lalagyan,
ipinipinid, at pagkatapos ay magtutungo sa likod ng mga hanay ng upuan upang tingnan
kung tuwid ang bawa’t isa. At sa pintuan, lagi siyang lumilingon sa pagsasabi ng, “Goodbye,
Teacher!”

Sa simula, pinagtakhan ko ang kaniyang pagiging mahihiyain. Nakikita ko siyang


gumagawa nang tahimik at nag-iisa—umiiwas sa iba. Paminsan-minsa’y nahuhuli ko siyang
sumusulyap sa akin upang bawiin lamang agad ang kanyang paningin. Habang tinatanaw
ko siya tuwing hapon, pinakahuli sa kaniyang mga kasamahan, ay naiisip kong alam na
alam niya ang kaniyang kapangitan, ang kakatuwang paraan ng kanyang pagsasalita.

Unti-unti kong napagdugtung-dugtong ang mga katotohanan tungkol sa kanyang buhay.


Payak ang mga katotohanan: siya’y isang munting ulilang galing sa lalawigan, lumuwas sa
malaking lungsod bilang utusan. At kalahating araw siyang pumapasok sa paaralan upang
may makasama sa pagpasok at pag-uwi ang anak ng kanyang panginoon.

Isang mabagal na paraan: ang pag-akit na iyon sa kaniya at ang pagtiyak na siya’y
mahalaga at sa kaniya’y may nagmamahal. Napasuot na siya sa mga kaguluhang bahagi
ng buhay ng bawa’t bata. Nanukso na siya sa mga batang babae. Lalo siyang naging
malapit sa akin. Lalo siyang naging maalala at mapagmahal. Maligaya na siya.

Isang araw, nangyari ang hindi inaasahan. Sa paglingon ko sa mga taong nagdaa’y
naaamin ko sa sariling ang lahat nang iyo’y aking kasalanan. Mainit noon ang aking
ulo,umagang-umaga pa. At ang hindi dapat gawin ay aking ginawa— napatangay ako sa
bugso ng damdamin. Hindi ko na magunita ngayon kung ano ang ginawa ng batang iyon na
aking ikinagalit. Ang nagugunita ko lamang ngayon ay ang matindi kong galit sa kanya, ang
pagsasalita ko sa kaniyang ipinanliit niya sa kanyang upuan. Nalimutan ko ang kanyang
pag-iisa, ang kaniyang kalumbayan, ang mabagal na paraan ng pag-akit at pagtiyak sa
kanyang siya’y mahalaga at minamahal.

Nang hapong iyo’y hindi siya nagpadulas sa pagitan ng mga hanay ng upuan. Nguni’t siya’y
nagtungo sa huling upuan upang kunin ang aking tsinelas, upang paghiwalayin ang mga
iyon at upang itapat sa aking mga paa. Nagtungo siya sa tindahang katapat upang ibili ako
ng minindal at nagpaiwan siya upang likumin ang mga kagamitan sa paglinis at upang
ayusin ang mga iyon sa lalagyan sa sulok. Pinagpantay-pantay rin niya ang mga upuan sa
bawa’t hanay, gaya nang kanyang kinamishasnan. Nguni’t hindi siya tumingin sa akin
minsan man lamang nang hapong iyon.

Naisip ko: Napopoot siya sa akin. Sa munti niyang puso’y kinapopootan niya ako ng
pagkapoot na kasintibay ng pagmamahal na iniukol niya sa akin nitong mga huling buwan.
Ang isa mang batang namulat sa pag-iisa at sa kalumbayan ng pag-iisa’t kawalan ng
pagmamahal ay makadarama rin sa kawalan ko ng katarungan. Ngayo’y paalis na siya, ang
naisip ko nang may kapaitan sa puso.

Tumagal siya sa pagpapantay sa mga upuan. Na tila may binubuong kapasiyahan sa


kaniyang loob.

Nagtungo siya sa pintuan at ang kaniyang mga yabag ay mabibigat na tila sa isang
matandang pagod. Sa loob ng maraming buwan, ngayon lamang siya hindi lumingon upang
magsabi ng, “Goodbye, Teacher.” Lumabas siya nang tahimik at ang kaniyang mabibigat na
yabag ay lumayo nang lumayo.

Ano ang ginawa kong ito? Ano ang ginawa kong ito? Ito ang itinanong ko nang paulit-ulit sa
aking sarili. Napopoot siya sa akin. At ito’y sinabi ko rin nang paulit-ulit sa aking sarili.
Bukas… Marahil, kung pagpipilitan ko bukas…

Biglang-bigla, ang maitim at pipis na mukha ng bata’y nakita ko sa pintuan. Ang mga mata
niyang nakipag-salubungan sa aki’y may nagugulumihanang tingin. “Goodbye, Teacher,”
aniya. Pagkatapos ay umalis na siya.

Nagbalik siya upang sabihin iyon sa akin.

Kung gaano katagal ako noon sa pagkakaupo ay hindi ko na magunita ngayon. Ang tangi
kong nagugunita’y ang pagpapakumbaba ko sa kalakhan ng puso ng munting batang yaon,
sa nakatitinag na kariktan ng kanyang kaluluwa. Nang sandaling yaon, siya ang aking
naging guro.

You might also like