You are on page 1of 6

Ang Nakabibilib na si Lola Ising

ni Annalyn Leyesa Go

“Lolaaaaaa!”
Si Lola Ising agad ang aking tinawag ng hindi ko sinasadyang mabali ang paa ng aking
laruang sundalo. Lumapit si Lola bitbit ang walis tambo, na akala yata’y kung ano ng nangyari sa
akin.
“Anong nangyari Rico?”
Ipinakita ko sa kanya ang aking napilay na sundalo.
“Akala ko naman ay kung ano,” natatawang sagot ni Lola Ising.
Kinuha niya ang kanyang salamin sa estante at hinugot naman sa drawer ang kanyang
ispesyal na pandikit. Sinipat ang nabaling paa, inikot-ikot ang laruang sundalo, at saka nilagyang
ng ispesyal na pandikit ang dulo. Idiniin ng mabuti, hinipan ng kaunti, pagkatapos ay pinisil-pisil
na para bang nanghihilot.
“O ayan, ayos na. Pero patuyuin mo muna ang aking espesyal na kula,” bilin ni Lola Ising
bago bumalik sa kanyang pagwawalis.
Iyan ang aking nakabibilib na Lola Ising. Siya ang umaayos ng mga nasira kong laruan.
Nang natanggal ang harapan ng laruan kong kotse, nang naputol ang aking espada, nang
nasadsad sa lupa ang aking eroplano, si Lola Ising ang lahat ng umayos nito. Sabi ni Lola, dati
daw siyang nagtatrabaho sa pagawaan ng laruan ni Santa.
Umalis lang siya kasi pinapatindi ng lamig ang kanyang rayuma.
Hindi lang laruang sira ang kayang ayusin ni Lola Ising. Lahat ng butas kaya niya ring
tahiin. Butas na kili-kili ng damit, kumot, medyas at shorts! Ang sabi ni Lola, noong dalaga daw
siya ay kinukuha siya ng mga engkantada para manahi ng mga
damit nila.
Kahit sirang sapatos yakang-yaka ding ayusin ni Lola Ising. Nang nasira ang aking rubber
shoes, inilabas ni Lola ang kayang super- pandikit. At, walah! Nagdikit ang sapatos na
nakanganga! Ang sabi ni Lola, nagtrabaho rin daw siyang sapatero sa Marikina.
Hindi lamang iyan ang kayang gawin ng aking pambihirang lola. Magaling din sumayaw
at gumiling si Lola Ising. Kapag kasama ako sa mga napiling magsayaw sa paaralan, si Lola Ising
ang aking kapareha kapag nage-ensayo ako sa bahay. Hakbang sa kaliwa, hakbang sa kanan,
iikot at magpapalit ng posisyon! Alam na alam ni Lola Ising ang mga sayaw. Kaya naman kapag
may programa sa paaralan, palagi akong pinipili ng mga guro. Magaling daw kasi akong
sumayaw, hindi nila alam masmagaling ang kapareha ko sa page-ensayo.
Si Lola Ising din ang palaging nagtuturo sa akin ng takdang-aralin, lalo na kapag ginagabi
si Nanay sa trabaho. Isusulat niya sa papel ang mga tanong at sasagutin ko naman. Minsan,
napapakamot ako sa aking ulo at hindi mapigilang magreklamo, ang hirap kasi ng Math! Itse-tsek
niya ang aking mga sagot na para bang siya ang aking guro.
“Tandaan mo Rico,” ang sabi ni Lola Ising. “Ang pag-aaral at pagsasayaw ay pareho lang.
Kung hindi mo gagawin palagi at mag-eensayo, hindi mo ito magagawa
ng tama.”
“Lola, nasira ang robot ko.” Hawak ko ang putol na braso ng laruang robot.
“Akin na at aayusin natin,” sagot ni Lola Ising. Kinuha niya ang salamin sa estante at ang
kanyang mahiwagang pandikit.
Pero hindi tulad ng dati, hindi ganuong kabilis nagawa ni Lola Ising ang braso na naputol.
Ang dating nagagawa niya sa isang pitik lang ay para bang inabot ng tatlumpong pitik na may
kasamang limampung palakpak. Sabi ni Lola, hindi daw madikit ang pangkula pero ang hula ko
ay dahil nanginginig ang kamay niya.
Marami rin akong napapansing kakaiba kay Lola. Minsan, nabutas ang aking
shorts habang nakikipaghabulan sa mga kalaro ko. Kinuha ni Lola Ising ang aking nabutas na
shorts, kinuha ang lumang lata ng biskwit laman ang sinulid at karayom.
Pero hindi mai-shoot ni Lola ang sinulid sa butas ng karayom. Ginupit ng gunting, binilot
ng daliri, binasa ng labi, ang mga mata’s naniningkit, pero hindi pa rin mailusot ang sinulid. Ang
sabi ni Lola, baka daw dahil malapad ang sinulid niya pero sa tingin ko kaya ayaw pumasok ang
sinulid ay dahil umaalog-alog ang braso niya.
Isang Linggo ng hapon naman, tumugtog sa maliit na radyong itim ang paboritong kanta
ni Lola. Niyaya niya akong magsayaw. Hakbang sa kanan, hakbang sa kaliwa, iikot… Pero
biglang tumigil si Lola. Kaagad siyang napaupo sa katabing sopa at sabay sabing masakit daw
ang kanyang mga binti na parang bang tumakbo siya ng paulit-ulit.
Isang araw, umuwi akong mataas ang aking marka. Tuwang-tuwa ako, dahil sa wakas
perpekto ang eksam ko sa Math. Pero si Lola Ising ay parang nakatitig lang sa aking papel. Para
siyang hindi masaya at ako ay tuluyan ng nabahala.
Hindi lang pala ako ang nakakahalata nang pagbabago kay Lola Ising. Narinig ko kasi
minsan si Nanay na sinasabihan si Tita Myra na kailangan na daw nilang dalhin sa doktor si Lola.
Kapansin-pansin na daw kasi ang panginginig na kanyang mga
kamay at binti.
Nanginginig ang mga kamay at binti? Hindi ko maiwasang mag-aalala. Ano
kayang sakit ni Lola?
Baka naman nakasama sa kanya ang inalok kong puto noong isang araw?
Umasim din kasi ang sikmura ko pagkatapos kainin iyon. Nanginig din ang aking mga
kamay at binti habang nagbabawas ako sa banyo. O baka naman trangkaso ang sakit ni Lola
Ising? Noong nagka-trangkaso ako ng nakaraang linggo, nanginginig din ang aking buong
katawan. Baka nahawa sa akin si Lola!
Nang sumunod na araw, dinala ni Nanay at Tita Myra si Lola Ising sa isang espesyalista.
Doktor din daw yun, ang sabi ni Nanay.
“Espesyalista dahil espesyal ang lola mo,” ang wika ni Lola Ising na para bang nabasa
ang pag-aalala sa aking isip.
Habang sila’y nasa doktor at ako’y nasa eskwela, hindi ko mapigilang mag-isip.
Paano kung sabihin ng espesyalista na sa akin nahawa si Lola? Naku, hindi ko kasi
sinunod si Nanay. Huwag daw pakalat-kalat ang mga tisyung siningahan para hindi kumalat ang
sakit sa bahay.
Pagkatapos ng eskwela, kaagad akong umuwi. Kinawayan ko lang ang aking
kapitabahay na si Gani at hindi na ako tumigil para silipin ang mga gagambang kanyang nahuli.
Pagpasok ko sa bahay, wala naman masyadong nagbago. Humalik si Nanay sa pisngi ko
ay si Lola naman sa aking noo. Bagamat sa tingin ko ay medyo mapula ang mata ni Lola,
nakangiti pa rin naman ang mga mapupulang labi niya.
Noong gabi nang ako’y kumutan ni Nanay, hindi ko matiis na tanungin siya tungkol kay
Lola Ising.
“May sakit daw si Lola mo, Parkinson’s ang tawag sa sakit niya,” paliwanag ni Nanay.
Park? Park? Sakit ba ito ng malimit pumunta sa parke o hindi pumupunta sa parke?
Nahawa ba siya sa akin noong nilagnat ako?
Bahagyang natawa si Nanay sa mga tanong ko.
“Hindi nakakahawa ang sakit na Parkinson’s. Kapag may ganun sakit, ibig sabihin may
maliit na bahagi ng utak ni Lola ang may problema kaya minsan hindi niya mapigilan ang
panginginig niya,” paliwanag ni Nanay.
“Gagaling pa ba si Lola? Mawawala pa ba ang panginginig niya?”
“Hindi na,” malungkot na sabi ni Nanay. “Pero mayroon naman siyang mga gamot na
iinumin. Minsan may mga araw na hindi siya manginginig masyado, minsan may mga araw na
mahihirapan siyang tumayo.”
Nalungkot ako sa sinabi ni Nanay. Hinalikan ako ni Nanay sa noo at pinaalalahanan,
“Kaya iintindihin mo kung minsan hindi na magagawa ni Lola Ising ang mga malimit niyang gawin.
Kapag umiinit ang kanyang ulo o kaya’y nalulungkot siya ng husto, tutulungan mo siyang maging
masaya ha, Rico?”
Tumango ako at nangako. Hindi ko man masyadong naiintindihan ang Parke ni Inson,
naiintindihan ko namang hindi ko dapat maging malungkot si Lola.
Sa paglipas ng mga araw, napansin ko nga ang sinasabi ni Nanay. Naging malulungkutin
si Lola Ising. Kung dati’y malakas ang kanyang pag-awit kasabay ng kanyang maliit na itim na
radyo, ngayon siya’y humihimig na lamang habang nakatanaw sa malayo. Kahit anong pilit ko sa
kanya na sumayaw, ang sabi niya’y nanghihina daw siya. Kahit anong engganyo ko na pumunta
kami sa parke para makita niya ang kanyang mga kumare, iiling siya at sasabihing nanginginig
ang kanyang mga binti.
Paano ko pasasayahin ang aking mahal na Lola Ising?
Minsan, habang nagpupunas ng pinggan si Lola, dumulas ito mula sa kanyang mga daliri.
Kraas! Nadurog sa maliliit na piraso ang mamahaling pinggan ni Nanay.
Tahimik na winalis ni Nanay ang mga basag na piraso ng pinggan. Hinawakan niya si Lola
sa likod at pabirong sinabing bukas ay mga plastic na ang plato.
Ngumiti si Lola Ising at naramdaman ko ang lungkot niya sa likod ng matang naninigkit.
Hindi ko napigilan at ako napaimik, “Kasalanan ito ni Inson!”
Nagtataka si Nanay na napatingin sa akin, “Sino naman si Inson?”
“Si Inson yung may-ari ng Parke kung bakit nagkasakit si Lola!”
Matagal silang napatingin sa akin, si Nanay at si Lola, bago sila humagalpak ng tawa.
“Hahahaahaha!” Ang lakas ng tawa ni Lola Ising. Malutong na parang chicharon ang
kanyang mga halakhak. Matagal ko ng hindi naririnig ang kanyang malakas na tawa. Napasaya
ko si Lola Ising!
Niyakap ako ni Lola Ising matapos punasan ang luha sa gilid ng kanyang mga mata.
“Parkinson’s,” ang marahang sabi ni Lola. “Iyan ang sakit ko at hindi ko yan nakuha kung
saan mang parke. At lalong hindi yun galing kay Inson.”
Hinawi ni Lola ang aking buhok at bumulong.
“Maraming maaring magbabago, apo. Dahil may sakit si Lola, may mga bagay na hindi
ko na kayang gawin tulad ng dati.”
“Tulad ng ano?” ang tanong ko.
“Kung dati’y ako ang nagsusulsi ng mga butas mong pantalon at kili-kili ng iyong mga
damit, baka hindi ko na magawa yon,” ang sabi ni Lola Ising.
“Tamang-tama, Lola, nag-aaral na kaming manahi sa paaralan, kahit nga yung natastas
na laylayan ng daster mo ay kaya ko ng tahiin,” pagmamayabang ako.
“Hindi na rin ako masyadong maliksi ngayon. Hindi na ako mabilis
makakapagluto ng paborito mong ginisang kamatis at itlog tuwing agahan,” ang sabi ni Lola Ising.
“Tuwing Sabado natin lulutin para wala akong pasok sa eskwela. Maghihintay ako Lola,
kahit tanghaliin. Walang kasing sarap ang iyong ginisang itlog at kamatis!”
“Paano naman kung habang nagsasayaw tayo o kaya habang naglalakad ay bigla akong
napatigil? Minsan kasi hindi ko lang maigalaw ang aking mga paa,” ang tanong ni Lola.
“Ah! Eh di sasamahan kitang magpahinga hanggang sa kaya mo ng ihakbang ang iyong
mga paa. Tamang-tama Lola, nuong nakaraang Krismas Parti sa eskwelahan, natalo ako sa
larong “stop-dance.” Kapag napatigil ka sa kalagitnaan ng ating pagsasayaw, para na rin akong
nagpractice para sa susunod na Krismas Parti.”
Napatawa si Lola sa aking sinabi, habang si Nanay naman ay napangiti.
“Paano naman kung makalat na akong kumain at napuno ng mumo ang mesa?
Kapag may Parkinson’s, mas matagal akong makakain at makakanguya?”
“Pwede namang punasan ang lamesa, maari namang labhan ang damit na namantsahan
ng pagkain,” ang sagot ko.
Napatigil si Lola Ising at sandaling nag-isip, “Paano kung hindi ko na kayang magsalita
ng malakas? Maaring dumating ang panahon na parang palagi na lang akong pabulong?”
“Eh di,palagi ako sa tabi mo para mas marinig ka at bubulong na lang din ako para pareho
tayo. Matutuwa si Nanay kasi hindi niya ako papagalitan na malakas ang boses ko.”
Ginulo ni Lola ang aking buhok, at tinanong ulit ako,“Paano naman kung hindi na ako
makangiti? Kapag kasi may Parkinson’s, may mga araw na hindi ka makangiti kahit ang puso
mo’y naglulukso sa saya.”
Sandali akong tumigil at nag-isip.
“Lumulukso ang puso? Eh di, ilalapit ko ang tenga ko sa dibdib mo para pakinggan kung
lumulukso ang puso mo. Kahit hindi ka makangiti Lola Ising, wala yung problema. Ako ang ngingiti
para sa ating dalawa.” Ngumiti si Lola Ising at niyakap ako ng mahigpit. “Maraming magbabago,
Rico, dahil sa aking sakit.” Niyakap ko din siya ng mahigpit. Kahit maraming magbago, siya pa
rin ang nakakabilib kong Lola Ising.

***
PAGSUSURI
Sinuri ni Sanjay delos Reyes

Paksa
Ang kwentong ito ay tungkol sa isang bata na nagngangalang Rico na mayroong lola na
lubusan niya kung ipagmalaki, si lola Ising. Sa huli, ang kanyang pinakamamahal na lola ay
nagkasakit.

Mga Tauhan
Lola Ising - Siya ang lolang masipag at mapagmahal sa kanyang pamilya. Magaling siyang
manahi, sumayaw at mag-ayos ng mga sirang gamit. Ngunit dahil sa pagkakaroon ng sakit na
parkinsons na siyang dahilan ng kanyang di mapigilang panginginig, ang lahat ng kanyang mga
nakagawian ng gawin ay di na nya muling magawa. Sa pagkakataong ito, makikita ang pagiging
tauhang bilog ni lola Ising dahil sa maraming bagay na nagbago sa kanyang kakayahan.
Rico - Siya ang apong masunurin at mabait sa kanyang pamilya. Makikita ang labis niyang
pagmamahal para sa kanyang lola Ising. Kahit na maraming bagay pa ang sinabi ng kanyang lola
Ising na maaaring magbago dito, lahat ay kanyang tinanggap. Sa puntong ito, makikita ang
pagiging tauhang lapad ni Rico dahil nagbago at magbago man ang kanyang lola, ang kanyang
pakikitungo at pagmamahal dito ay kailanman hindi magbabago.
Nanay ni Rico - Isa rin siyang mapagmahal na anak at ina sa kanyang pamilya. Nagbago man
ang kanyang ina na si lola Ising, makikita pa rin ang pananatili ng kanyang pagmamahal dito. Dito
ay makikita ang kanyang pagiging tauhang lapad.

Tagpuan
Tahanan ng mga pangunahing tauhan - Dito halos nangyari ang lahat ng bahagi ng kwento.
Eskwelahan - Lugar na pinapasukan at pinag-aaralan ni Rico.
Ospital - Dito kumonsulta ang ina ni Rico upang malaman ang dahilan ng mga pagbabago ni lola
Ising.

Banghay ng Kwento
 Panimula
Nagsimula ang kwento sa paglalarawan at pagbibida ni Rico sa kanyang lola Ising sa lahat
ng kakayahan nito gaya ng kagalingan nito sa pananahi, pagsasayaw at sa pag-aayos ng
kanyang mga sirang gamit at laruan.
 Saglit na Kasiglahan
Napansin ni Rico at ng ina nito ang ilang mga pagbabago sa mga kilos ni lola Ising. Ang ilan
sa mga magagaling na kakayahan nito ay tila unti-unting nawawala.
 Papataas na Aksyon
Kumonsulta ang kanyang ina sa doktor. Kanilang napag-alaman na may sakit si lola Ising na
tinatawag na Parkinson's.
 Kasukdulan
Naging malungkutin si lola Ising. Kaya naman nainis at sinisi ni Rico kay Inson na may-ari
daw ng parke ang naging karamdaman ni lola Ising. Dito ay tumawa at muling nanumbalik
ang pagiging masayahin ni lola Ising.
 Kakalasan
Ipinaliwanag ni lola Ising kay Rico ang kanyang sakit. Sinabi rin niya ang mga maaari pang
magbago sa kanya sa paglipas ng mga araw. Buong puso itong tinanggap ni Rico.
 Wakas
Nagyakapan ang maglola. Nagwakas ang kwento sa pagsasabi ni Rico na magbago man ang
kanyang lola, mananatili pa rin itong kabilib-bilib sa kanyang paningin.

Suliranin
Ang pagkakaroon ni lola Ising ng sakit na Parkinson's ang naging suliranin ng kanilang pamilya.

Tunggalian
Hindi makikitaan ng tunggalian ang kwento. Gayunpaman, mas higit itong naging
magandang basahin sapagkat walang gulo at walang awayan ang mababasa.

Istilo ng Pagsasalaysay
Kronolohikal ang ginamit na istilo ng may-akda sa pagsasalaysay. Sinimulan niya ito mula
sa pagiging magaling sa lahat ng bagay ni lola Ising hanggang sa ito'y magkasakit, maging
malungkutin, at muling panunumbalik ng kasiyahan nito.

Punto de Bista
Unang panauhang paningin ang ginamit na punto de bista sa akda. Pinatutunayan ito ng
mga katagang "Ginulo ni lola ang aking buhok." at "Kahit maraming magbago, siya pa rin ang
nakakabilib kong Lola Ising."

Bisang Pampanitikan
 Bisa sa Isip
Tumatak sa aking isipan ang naging aksyon nila Rico at ina nito sa mga naging pagbabago
ni lola Ising. Lubha akong humanga sa pagsasamahan at sa relasyon na mayroon ang
kanilang pamilya. Lubhang kasiya-siya siguro ang magkaroon din ng ganitong klase ng
pamilya, na tumutugon ng positibo sa kanilang mga nagiging suliranin.
 Bisa sa Damdamin
Nakakaantig ng damdamin ang kwentong ito. Tila mga positibong pakiramdam lamang ang
binibigay ng ganitong klase ng mga kwento. Maipapayo kong maipabasa ang ganitong mga
kwento sa ibang tao ng sa gayon ay makita din nila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng
maayos, maganda at mapagmahal na pamilya.
 Bisa sa Asal
Ang pagbasa sa kwentong ito ay nagpakita sa akin na marapat lamang na ating mahalin at
tanggapin ang ating mga mahal sa buhay, magbago man sila sa hinaharap. Ang pagtanggap
sa kanilang kalagayan ay makatutulong upang magaan ang kanilang mga kalooban.
 Bisa sa Lipunan
Kung lahat lamang siguro ng mga pamilya sa ating bansa ay gaya ng pamilya nila Rico, di
sana ay may kaayusan ang ating bansa. Walang mangyayaring kaguluhan sa loob ng
tahanan, puro pagmamahalan lamang ang paiiralin ng bawat isa. Napakagandang bansa
siguro ng Pilipinas kung magkagayon man.

Mensahe
Simple lamang ang nais ipabatid na mensahe ng may-akda sa kanyang kwento. Na lahat
tayo ay maging kagaya sana ng pamilya ni Rico. Ang pagrespeto at pagpapakita ng pagmamahal
sa bawat kasapi ng pamilya ay ang magiging dahilan ng pagkakaroon ng kapayapaan sa loob ng
tahanan. Nais din ipakita sa kwentong ito na anumang hamon ang harapin ng bawat kasapi ng
ating pamilya, hanggat nariyan lamang tayo sa kanilang tabi at patuloy silang sinusuportahan,
walang problema ang maaaring makasira sa pagsasamahan sa loob ng ating tahanan.

You might also like