You are on page 1of 14

Ipinanganak si Rogelio “Roger” R. Sicat noong Hunyo 26, 1940 sa San Isidro Nueva Ecija.

Anak siya nina


Estanislao Sicat, isang makata at Crisanta Rodriguez. Isang premyadong nobelista, kuwentista,
mandudula, at tagasalin, si Roger Sicat ay naging guro ng panitikan, malikhaing pagsulat, wika at
pagsasalin sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura,
Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Nagturo rin siya sa Polytechnic University of the Philippines at Loyola
House of Studies. Nagtapos siya ng digring batsilyer sa Pamamahayag sa Unibersidad ng Santo Tomas
noong 1964, at nagtapos ng masteral sa Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Kinilala siya bilang
University Professor ng Unibersidad ng Pilipinas, ang pinakamataas na titulong pang-akademiko na
iginagawad ng Lupon ng mga Rehente ng UP System. Naging dekano siya ng Kolehiyo ng Arte at
Literatura sa UP Diliman mula 1991 hanggang 1994.

Kabilang si Roger Sicat sa mga mahuhusay at kinikilalang manunulat sa Pilipinas na nagtaguyod ng


paggamit sa wikang Filipino sa malikhaing pagsulat at pananaliksik. Sa panahon ng kanyang kabataan
bilang nagsisimulang manunulat, unang lumabas ang karamihan ng kaniyang mga kuwento sa magasin
na Liwayway. Naging campus writer at literary editor siya ng The Varsitarian, ang opisyal na pahayagan
ng mga mag-aaral ng UST. Bilang patunay sa pagiging nangungunang manunulat sa kaniyang panahon,
nagtamo siya ng iba’t ibang gawad at gantimpalang pampanitikan. Sa panahong ito nakilala ang kanyang
natatanging ambag sa pag-unlad ng panitikan sa Pilipinas, partikular ang paggamit sa panlipunang
realismo bilang estilo sa pagsulat ng kanyang mga obra.

Lumabas ang mga maikling kuwento ni Roger Sicat sa antolohiyang Mga Agos sa Disyerto noong 1965,
kasama ang akda ng iba pang mga kasabayang manunulat at kuwentista tulad nina Edgardo Reyes, Efren
Abueg, Dominador Mirasol, at Rogelio Ordonez. Katulad nila, nakamarka na sa mga pahina ng
kasaysayan ng panitikan ng Pilipinas ang mga likhang akda at hinubog na tauhan ni Roger Sicat.

Habang nag-aaral sa kolehiyo, naisulat niya ang kanyang unang maikling kuwentong Impeng Negro
(1962) na tungkol sa halaga at tagumpay ng pakikipagtunggali. Nagwagi ang kuwentong ito sa gawad
Palanca para sa pagsulat ng maikling kuwento. Sa sumunod na taon, naisulat naman niya ang klasikong
akdang Tata Selo (1963) na tumalakay naman sa usaping agraryo sa bansa. Ilang ulit na ring naisalin ang
akdang ito sa teatro at pelikula bilang impluwensiya ni Roger Sicat sa mga sumunod na henerasyon ng
mga manunulat at artistang Pilipino. Ang maikling pelikulang Munting Lupa halimbawa, na gawa ni
Angelito Tiongson ay hango Tata Selo. Habang ang Impeng Negro naman ay nagkaroon ng bersiyong
pelikula na Impen, ang Negro na iniluwal ng malikhaing isipan ni Aureaus Solito, isang batikang direktor
ng pelikula at teatro. Nanalo ang maikling pelikulang ito ng Unang Gantimpala sa Short Feature Film
Category sa ika-12 Gawad CCP para sa alternatibong pelikula at bidyo.
Samantala, ang mga dulang Mga Kaluluwang Naghahanap (1966), Moses, Moses (1969), Saan Papunta
ang Paruparu? (1970) at Tatalon (1983) ay nagsilbing mga patunay naman sa husay ni Roger Sicat sa
pagsulat ng mga dulang nakalunan sa domestikong espasyo. Gamit ang mga indibidwal na hangarin at
kumplikadong sitwasyong kinasasadlakan ng mga pangunahing tauhan sa dula, inilatag dito ang epekto
ng mga politikal, kultural at panlipunang pwersa sa pananaw, pag-iisip at kamalayan ng mga tauhan sa
dula.

Patuloy namang itinuturo at pinag-aaralan ang kanyang nobelang Dugo sa Bukang-Liwayway na


tumaliwas noon sa tradisyong romantiko ng mga nobelang inilalathala sa magasin na Liwayway. Naging
lunsaran ng nobela ang El Filibusterismo ni Jose Rizal upang talakayin ang konsepto ng pagbabalik sa
lupang tinubuan upang hagilapin ang mailap na hustisya. Dito naipamalas ni Roger Sicat ang husay sa
paglikha ng kathang-isip na mundo gamit ang matingkad na sensibilidad at marubdob na damdamin na
nilangkapan ng realismo.

Isiniwalat naman ni Roger Sicat sa kanyang mga mambabasa ang mga dahilan at malikhaing pamamaraan
sa pagsulat sa librong Pagsalunga: Piniling Kuwento at Sanaysay. Ang aklat na ito’y lagi’t laging ginagamit
na batayan at sanggunian sa paghango ng kaalaman hinggil sa pagsulat ng mga nagsisimulang manunulat
sa Filipino. Nagwagi ang akdang ito ng National Book Awards na iginawad ng Manila Critics Circle noong
1992. Ginawaran rin ang aklat na ito ng ASEAN Award for Literature at Gantimpalang Quezon sa
Panitikan bilang pagkilala naman ng Lungsod Quezon kay Roger Sicat. Ang katatasan at pagiging bihasa sa
pagsasaling pangwika naman ni Roger Sicat ay matingkad na mababasa sa akdang Ang Gubat, salin niya
sa Filipino ng The Forest ni William Pomeroy. Pinagkalooban rin ang aklat na ito ng National Book
Awards ng Manila Critics Circle .

Hanggang sa kasalukuyan, kinikilala si Roger Sicat bilang isa mga muhon ng panitikan ng Pilipinas. Hindi
maitatanggi ang malawak na sakop ng kanyang impluwensiya sa mga manunulat sa Pilipinas na magsulat
sa sariling wika. Kabilang siya sa mga manunulat na nagsulong at nagpaunlad sa wikang Filipino sa
pamamagitan ng pagsulat ng mga malikhaing akda, salin at panunuring pampanitikan sa Pilipinas.

Sumakabilang buhay si Roger Sicat noong 1998.


Batayang sanggunian:

CCP Encyclopedia of Philippine Art, Volume IX, Cultural Center of the Philippines, Manila: 1994.

Simbolismo:

Isang matibay na bagay na makakapagbigay ng malalim na simbolismo sa istorya ay ang "tagak". Dahil sa
pagsusuring ito, umikot ang at nagbigay sabik sa istorya ang pagtaga ni Tata Selo sa kay Kabesang Tamo.
Ang tagak din ay nagbigay suspense sa tila isang masipag at mapagmahal sa pamilya na si Tata Selo.

5. Layunin ng Awtor:

Ang maaring maging layunin ng awtor dito ay ang paglalathala ng isang karanasan na sumasalamin sa
buhay ng isang tao.. Isang karanasan na base sa totoong buhay ngunit sa kaso ng Tata Selo ay mas
pinaniig pa ang akda upang mas lalong maging epektibo at madamdamin sa mambabasa.

Tata Selo

Maliit lamang sa simula ang kulumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit nang tumaas ang
araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay nap no na ang bakuran ng bahay-
pamahalaan.

Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa’y naghahangad makalapit sa istaked.
“Totoo ba, Tata Selo?”

“Binabawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.”

Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo.
Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot,
may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng
natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid, ang kanyang kahangga, na isa sa
nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakaguluhang tao.

“Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo,” umiling na wika ng kanyang kahangga, “talagang hindi ko
mapaniwalaan.”

Hinaplus-haplos ni Tata Selo ang ga-dali at natuyuan na ng dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di-
kalayuan sa istaked, ipinagtutulakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya. Mainit ang sikat
ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang ulunan ay nakalutang ang
nasasalisod na alikabok.

“Bakit niya babawiin ang aking saka?” tanong ni Tata Selo. “Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko
na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba’t kaya maraming nagagalit sa akin
ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?”

Hindi pa rin umaalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa
labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan.

“Hindi mo na sana tinaga si kabesa,” anang binatang anak ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque,
na tila isang magilas na pinunong-bayang malayang nakalalakad sa pagitan ng maraming tao at ng
istaked. Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay at nakapamaywang habang naninigarilyo.

“Binabawi po niya ang aking saka,” sumbong ni Tata Selo. “Saan pa po ako pupunta kung wala na akong
saka?”

Kumumpas ang binatang mayaman. “Hindi katwiran iyan para tagain mo ang kabesa. Ari niya ang lupang
sinasaka mo. Kung gusto ka niyang paalisin, mapaaalis ka niya anumang oras.”

Halos lumabas ang mukha ni Tata Selo sa rehas.

“Ako po’y hindi ninyo nauunawaan,” nakatingala at nagpipilit ngumiting wika niya sa binatang nagtapon
ng sigarilyo at mariing tinakpan pagkatapos. “Alam po ba ninyong dating amin ang lupang iyon?
Naisangla lamang po nang magkasakit ang aking asawa, naembargo lamang po ng kabesa. Pangarap ko
pong bawiin ang lupang iyon, kaya nga po hindi nagbibigay ng kahit isang pinangko kung anihan. Kung
hindi ko na naman po mababawi, masaka ko man lamang po. Nakikiusap po ako sa kabesa kangina,
“Kung maari akong paalisin. Kaya ko pa pong magsaka, ‘Besa. Totoo pong ako’y matanda na, ngunit ako
po nama’y malakas pa.’ Ngunit... Ay! tinungkod po niya ako nang tinungkod, tingnan po n’yong putok sa
aking noo, tingnan po n’yo.”
Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa’y tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa isang
pulis.

“Pa’no po ba’ng nangyari, Tata Selo?”

Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling si Tata Selo. Nakita niya ang isang batang magbubukid na na
nakalapit sa istaked. Nangiti si Tata Selo. Narito ang isang magbubukid, o anak-magbubukid, na
maniniwala sa kanya. Nakataas ang malapad na sumbrerong balanggot ng bata. Nangungulintab ito, ang
mga bisig at binti ay may halas. May sukbit itong lilik.

“Pinutahan niya ako sa aking saka, amang,” paliwanag ni Tata Selo. “Doon ba sa may sangka. Pinaalis sa
aking saka, ang wika’y tinungkod ako, amang. Nakikiusap ako, sapagkat kung mawawalan ako ng saka ay
saan pa ako pupunta?”

“Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo.”

Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo. Tahimik na nakatingin sa kanya ang bata.

“Patay po ba?”

Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa pagkakahawak sa rehas. Napadukmo siya sa balikat.

“Pa’no pa niyan si Saling?” muling tanong ng bata. Tinutukoy nito ang maglalabimpitong taong anak ni
Tata Selo na ulila na sa ina. Katulong ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang umuwi kay Tata Selo.
Ginagawang reyna sa pista ng mga magbubukid si Saling nang nakaraang taon, hindi lamang pumayag si
Tata Selo. “Pa’no po niyan si Saling?”

Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas.

Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse na nang dumating ito, kasama ang hepe ng
mga pulis. Galing sila sa bahay ng kabesa. Abut-abot ang busina ng diyip na kinasasakyan ng dalawa
upang mahawi ang hanggang noo’y di pa nag-aalisang tao.

Tumigil ang diyip sa di-kalayaun sa istaked.

“Patay po ba? Saan po ang taga?”

Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpapawisang tao. Itinaas ng may-katabang alkalde ang dalawang
kamay upang payapain ang pagkakaingay. Nanulak ang malaking hepe.

“Saan po tinamaan?”

“Sa bibig.” Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig, hinugot iyon at mariing inihagod hanggang sa
kanang punong tainga. “Lagas ang ngipin.”
“Lintik na matanda!”

Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan, nagtulakan. Nanghataw na ng batuta ang
mga pulis. Ipinasiya ng alkalde na ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa kanyang tanggapan.
Dalawang pulis ang kumuha kay Tata Selo sa istaked.

“Mabibilanggo ka niyan,” anang alkalde pagpasok ni Tata Selo sa kanyang tanggapan.

Pinaupo ng alkalde ang namumutlang si Tata Selo. Umupo si Tata Selo sa silyang nasa harap ng mesa.
Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon sa nasasalaminang mesa.\

“Pa’no nga ba’ng nangyari?” kunot-noo at galit na tanong ng alkalde.

Matagal bago nakasagot si Tata Selo.

“Binabawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata Selo. “Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong
amin ang lupang iyon, amin po, naisangla lamang po at naembargo.”

“Alam ko na iyan,” kumukumpas at umiiling na putol ng nagbubugnot na alkalde.

Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw na luha sa kanyang
malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata.

“Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata Selo. “Kaya ko pa pong magsaka. Makatwiran po
bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po.”

“Saan mo tinaga ang kabesa?”

Matagal bago nakasagot si Tata Selo.

“Nasa may sangka po ako nang dumating ang kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas sa pilapil. Alam ko pong
pinanood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa, para malaman niyang ako po’y
talagang malakas pa, na kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at ako po’y
lumapit, sinabi niyang makaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang magsasaka.”

“Bakit po naman, “Besa?” tanong ko po. Ang wika’y umalis na lang daw po ako. ‘Bakit po naman, ‘Besa?’
tanong ko po uli, ‘malakas pa po naman ako, a.’ Nilapitan po niya ako nang tinungkod.”

“Tinaga mo na n’on,” anang nakamatyag na hepe.

Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin – may mga eskribiyente pang nakapasok doon – ay
nakatuon kay Tata Selo. Nakauyko si Tata Selo at gagalaw-galaw ang tila mamad na daliri sa ibabaw ng
maruming kutod. Sa pagkakatapak sa makintab na sahig, hindi mapalagay ang kanyang may putik,
maalikabok at luyang paa.

“Ang inyong anak, na kina Kasesa raw?” usisa ng alkalde.

Hindi sumagot si Tata Selo.


“Tinatanong ka,” anang hepe.

Lumunok si Tata Selo.

“Umuwi na po si Saling, Presidente.”

“Kailan?”

“Kamakalawa po ng umaga.”

“Di ba’t kinatatulong siya ro’n?”

“Tatlong buwan na po.”

“Bakit siya umuwi?”

Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiyak na napayuko siya.

“May sakit po siya?”

Nang sumapit ang alas-dose – inihudyat iyon ng sunud-sunod na pagtugtog ng kampana sa simbahan na
katapat lamang ng munisipyo – ay umalis ang alkalde upang manghalian. Naiwan si Tata Selo, kasama
ang hepe at dalawang pulis.

“Napatay mo pala ang kabesa,” anang malaking lalaking hepe. Lumapit ito kay Tata Selo na nakayuko at
din pa tumitinag sa upuan.

“Binabawi po niya ang aking saka,” katwiran ni Tata Selo.

Sinapok ng hepe si Tata Selo. Sa lapag, halos mangudngod si Tata Selo.

“Tinungkod po niya ako nang tinungkod,” nakatingala, umiiyak at kumikinig ang labing katwiran ni Tata
Selo.

Itinayo ng hepe si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo sa sikmura. Sa sahig, napaluhod si Tata Selo,
nakakapit sa umipormeng kaki ng hepe.

“Tinungkod po niya ako nang tinungkod...Ay! tinungkod po niya ako nang tinungkod...”

Sa may pinto ng tanggapan, naaawang nakatingin ang dalawang pulis.

“Si Kabesa kasi ang nagrekomenda kat Tsip, e,” sinasabi ng isa nang si Tata Selo ay tila damit na nalaglag
sa pagkakasabit nang muling pagmalupitan ng hepe.

Mapula ang sumikat na araw kinabukasan. Sa bakuran ng munisipyo, nagkalat ang papel na naiwan nang
nagdaang araw. Hindi pa namamatay ang alikabok, gayong sa pagdating ng uwang iyo’y dapat nang nag-
uulan. Kung may humihihip na hangin, may mumunting ipu-ipong nagkakalat ng mga papel sa itaas.
“Dadalhin ka siguro sa kabesera,” anang bagong paligo at bagong bihis na alkalde sa matandang nasa
loob ng istaked. “Doon ka siguro ikukulong.”

Wala ni papag sa loob ng istaked at sa maruing sementadong lapag nakasalampak si Tata Selo. Sa paligid
niya’y may natutuyong tamak-tamak na tubig. Nakaunat ang kanyang maiitim at hinahalas na paa at
nakatukod ang kanyang tila walang butong mga kamay. Nakakiling, nakasandal siya sa steel matting na
siyang panlikurang dingding ng istaked. Sa malapit sa kanyang kamay, hindi nagagalaw ang sartin ng
maiitim na kape at isang losang kanin. Nilalangaw iyon.

“Habang-buhay siguro ang ibibigay sa iyo,” patuloy ng alkalde. Nagsindi ng tabako at lumapit sa istaked.
Makintab ang sapatos ng alkalde.

“Patayon na rin ninyo ako, Presidente.” Paos at bahagya nang marinig ang rehas nguni’t pinagkiskis niya
ang mga palad at tiningnan kung may alikabok iyon. Nang tingnan niya si Tata Selo, nakita niyang lalo
nang nakiling ito.

May mga tao na namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti iyon kaysa kahapon. Nakapasok ang mga
iyon sa bakuran ng munisipyo, ngunit may kasunod na pulis. Kakaunti ang magbubukid sabagong langkay
na dumating at titingin kay Tata Selo. Karamihan ay mga taga-poblacion. Hanggang noon, bawat isa’y
nagtataka, hindi makapaniwala, gayong kalat na ang balitang ililibing kinahapunan ang kabesa. Nagtataka
at hindi nakapaniwalang nakatingin sila kay Tata Selo na tila isang di pangkaraniwang hayop na
itinatanghal.

Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na naman. Nang magdakong alas-dos, dumating ang anak ni Tata
Selo. Pagkakita sa lugmok na ama, mahigpit itong napahawak sa rehas at malakas na humagulgol.

Nalaman ng alkalde na dumating si Saling at ito’y ipinatawag sa kanyang tanggapan. Di nagtagal at si Tata
Selo naman ang ipinakaon. Dalawang pulis ang umaalalay kay Tata Selo. Nabubuwal sa paglakad si Tata
Selo. Nakita niya ang babaing nakaupo sa harap ng mesa ng presidente.

Nagyakap ang mag-ama pagkakita.

“Hindi ka na sana naparito, Saling” wika ni Tata Selo na napaluhod. “May sakit ka Saling, may sakit ka!?

Tila tulala ang anak ni Tata Selo habang kalong ang ama. Nakalugay ang walang kintab niyang buhok, ang
damit na suot ay tila yaong suot pa nang nagdaang dalawang araw. Matigas ang kanyang namumutlang
mukha. Pinaglilipat-lipat niya ang tingin mula sa nakaupong alkalde hanggang sa mga nakatinging pulis.

“Umuwi ka na, Saling,” hiling ni Tata Selo. “Bayaan mo na...bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag ka
nang magsasabi...”

“Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. “Binalutan ng basang sako, hindi nga halata.”

“Ang anak, dumating daw?”

“Naki-mayor.”
Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si Tata Selo pagakaraang
siya’y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling ipinapakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod
na ginapang niya ang rehas, mahigpit na humawak doon at habang nakadapa’y ilang sandali ring iyo’y tila
huhutukin. Tinawag niya ang mga pulis ngunit paos siya at malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang
kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa sementadong lapah. Matagal siyang nakadapa
bago niya narinig na may tila gumigisang sa kanya.

“Tata Selo...Tata Selo...”

Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng may luha niyang mata ang tumatawag sa kanya.

Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon.

Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na umaabot sa kanya.

“Nando’n, amang, si Saling sa Presidente,” wika ni Tata Selo. “Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo.
Puntahan mo siya, amang. Umuwi na kayo.” Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y
saglit na nagpaulik-ulik, pagkaraa’y takot na bantulot na sumunod...

Mag-iikapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang
lilim sa istaked, sa may dingding sa steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon. Nasa init siya, nakakapit
sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin sitya sa labas, sa kanyang malalabo at tila lagi nang
nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang sikat ng araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas
ang batang inutusan niya kangina. Sinasabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde
ngunit hindi siya pinakikinggan ni Tata Selo, na ngayo’y hindi na pagbawi ng saka ang sinasabi.

Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay!
ang lahat ay kihuan na sa kanila...
6. Kakintalan: Sa mga mambabasa ng nito, nag-iwan ito ng tila "deductive approach" dahil na rin sa tila
trahedyang nasapit ng bida (Tata Selo) sa istorya. Naging malungkot ang "impact" na naiwan ng istorya sa
mga mambabasa nito.

7.. Pagsusuri: Base sa aking sariling pag-unawa ng akdang Tata Selo ay masasabi kong malungkot na agad,
sa simula ang istorya. Malapit ito sa katotohanan na masasabi ko namang malaki ang tiyansa na
nanggaling nga mismo ito sa karanasan ng isang tao. Ngunit, upang mas lalong mapaniig ang damdamin
ng mambabasa ay mas ginawa pa ni Rogelio Sikat na mas "ekspresiv" ang mga eksena.. May malaki ring
kontribusyon ang uri ng lipunan sa kanyang akda.

Tata Selo

(Rogelio “Sikat” Sicat)

Sa buhay, may mga taong mahilig mang agaw ng mga bagay na hindi naman sa kanila. Mga taong
mapagsamantala sa mga panahong tayo ay nangangailangan ng tulong. Kunwari tumutulong ngunit may
balak na palang iba. Tayo naman, iniisip na maganda ang hangarin nila na makatulong sa atin. Tayo’y
nabubulag sa katutuhanan at nagmumukhang tanga. Sa katunayan ay inaagaw na pala ang mga bagay na
sobrang napaka halaga sa ating buhay. Naranasan mo ba ito? Iyon bang maagawan ka ng bagay na
mahalaga sa iyo at gusto mong bawiin muli? Yoong gawin mo ang lahat para mabawi lamang ito?
Ipaglalaban mo ba ito o tatanggapin mo nalang na kinuha na ito sa iyo at susuko ka nalang?

Lahat ng mga tanong na ito ay may koneksyon sa kwentong sinulat ni Rogelio “Sikat” Sicat na may
pamagat na “Tata Selo”. Ito ay tungkol sa isang magsasakang nagngangalang Tata Selo na pinagkaitan ng
karapatan na magsaka sa lupang sinasabi niyang pag-aari nya noon. Nakiusap siya sa Kabesang Tano na
hindi sya paalisin dito at kahit paman sya ay nagmamakaawa ay pinapaalis pa rin siya. Kaya wala na syang
ibang nagawa kundi tinaga nya ang Kabesa.
Sa kwentong ito, dito malalaman ang karumaldumal na pangyayaring naganap sa buhay ni Tata
Selo. Sinasabi ditong ang mga mahihirap ay walang kapangyarihan laban sa mga mayayaman. Sinasabing
ang may kapangyarihan ang naghahari sa lugar, kumbaga sila ang sumisikat na ilaw sa madilim na sulok.

1. PAGKILALA SA MAY AKDA

Si Rogelio R. “Sikat” Sicat ay isinilang noong June 26, 1940 sa San Isidro, Nueva Ecija. Ika anim sya
sa walong magkakapatid nina Estanislao Sicat at Crisanta Rodriguez. Noong 1950 ay lumuwas siya ng
Maynila upang magtrabaho sa University of Santo Tomas. Pagkatapos maging Campus Writer at Literary
Editor ng The Varsitarian , tinuloy niya hanggang maging isa siya sa mga sikat na Pioneers ng Philippine
literature sa pamamagitan ng pagpili ng Filipino bilang lenggwahe ng kanyang pagsusulat, at sa
pamamagitan nag pagtalikod sa mga pag-alala at pakikipagtagpo sa mga "Western Writers".Ang mga
gawa ni Sicat, na nagpabangon sa nakagawiang literature natin at nagpamulat sa atin sa kalagayan ng
ating lipunan, unang nakita sa magasin na Liwayway. Nakakuha siya ng parangal sa Palanca awards noong
1962, at noong1965 lumabas bilang antolohiya, Mga Agos sa Disyerto , sumunod sa mga magagaling na
manunulat. Sumulat siya ng ilang dekada, at nakilala siya sa Literary History bilang Fictionist, Playwright
at Professor, at ang pagiging Dean sa University of the Philippines Diliman. “Impeng Negro” at “Tata
Selo”, parehong gawa ni Sicat na isinadula sa isang pelikula, ay ilan lamang sa mga ginawa ni Sicat. Ang
iba pa niyang mga gawa ay: Dugo sa Bukang-Liwayway , Pagsalunga: Piniling Kuwento at Sanaysay , at ang
dulang "Moses, Moses". Namatay si Sicat noong 1997dahil sa sakit na kanser, pero pinarangalan sa
huling pagkakataon sa pamamagitan ng National Book Award noong sumunod na taon para sa kanyang
pagsasalin sa ginawa ni William J. Pomeroy na pinamagatang: “Ang Gubat”: Isang Personal na Rekord ng
Pakikilabang Gerilya ng mga Huk sa Pilipinas.

2. URI NG PANITIKAN

Ang Tata Selo ay isang maikling kwento na sinulat ni Rogelio Sicat.

3. LAYUNIN NG AKDA

Naisulat ni Rogelio Sicat ang Tata Selo sa layuning maipahayag ang damdamin ng mga mahihirap.
Makikita natin sa kwento na ang mga mahihirap ay walang kapangyarihan sa mundo.
4. TEMA O PAKSA NG AKDA

Ang kwento ito ay tungkol sa buhay ng isang magsasakang pinagkaitan ng karapatan na magsaka sa
lupang dati ay pag-aari niya.

5. MGA TAUHAN

Tata Selo

Si Tata Selo ang pangunahing tauhan sa kwentong ito. Siya ang mahirap na magsasakang inagawan
ng pag aari ng isang mayamang Kabesa. Habang nasa loob ng istaked ay nakakaawang tingnan si Tata
Selo, may kunting luha sa kanyang mata at naniniwala siya na katwiran ang pagtaga niya sa kabesa. Si
Tata Selo ay naka suot ng Kupas na gris, may mga tagpi na ang kanyang mga siko at paypay. Ang kutod
naman niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid na ng natuyong putik. At kitang kita ang
hirap na pinag daanan sa buhay ni Tata Selo. Palaban sa simula si Tata Selo na katwiran ang kanyang
ginawa ngunit ng magtagal ay humina ang kanyang loob at napagtanto na mali parin ang kanyang ginawa
na pagtaga sa Kabesa.

Kabesang Tano

Siya ang mayamang Kabesa na walang pusong pinaalis ang matanda sa sakahang pag-aari niya
noon. Hindi niya inisip kung ano ang mararamdaman ng matanda kung paalisin nya ito. Tinungkod pa
niya ng tingungkod ang matanda hanggang ito ay natumba.

Alkalde

Siya naman ang Alkalde na walang respeto sa matanda. Mapagmataas ito kahit na mas
nakakatanda sa kanya. Ngunit sa kabila ng lahat ay mayroon pa rin siyang oras na asikasuhin ang mga
krimen na nangyari sa bayan nila.

Hepe
Mapagmataas din siya at walang respeto sa matanda. Halatang halata na ginamit niya ang kanyang
kapangyarihan upang magawa niyang suntukin at murain si Tata Selo kahit na itoy matanda na at
naghihina na.

Batang Mangbubukid

Kahit na hindi siya ang gumanap bilang isang mahalagang tauhan ay ipinapakita niya ang pagiging
mapagkumbaba at maalalahanin. Kahit na hindi nya kilala si Tata Selo at hind siya pinapansin nito ay
makikita natin na pinapalakas niya ang loob ng matanda.

Saling

Ang nag iisang anak na maganda ni Tata Selo. Namasukan ito bilang isang katulong sa kanila
Kabesang Tano. Pinapakita niya ang pagmamahal sa ama sa pamamagitan ng pagyakap niya nito ng
napakahigpit.

6. TAGPUAN

Sa simula pa lamang ng kwento ay nakakulong na si Tata Selo, siya ay nasa loob ng istaked. Kung
saan linalagay ang mga taong nagkasala, ang mga taong nakagawa ng hindi maganda sa lipunan. Ngunit,
para ba siyo ay dapat ilagay dito si Tata Selo?

7. NILALAMAN O BALANGKAS NG PANGYAYARI

Maganda ang nilalaman ng kwento dahil ito ay makabuluhan at nakapagbibigay ng aral sa


mambabasa.

8. KAISIPAN AT IDIYANG TAGLAY NG AKDA


Naisulat ito ni Sicat upang mabatid ng lahat na hindi dapat gamitin ang kapangyarihan upang
maghari sa mundo at mang abuso ng kapwa tao. Dahil dito sa mundong ibabaw, tayo ay pantay-pantay
na namumuhay. Walang sinuman ang pwedeng manakit ng kapwa.

9. ISTILO NG PAGKAKASULAT NG AKDA

Ang kwentong Tata Selo ay nagsimula na sa gitna ng kwento kung saan nakulong na si Tata Selo at
kinwento na lamang niya ang pagtaga niya sa kabesa.

10. BUOD

Mabilis na kumalat ang usapan tungkol sa pagpatay ni Tata Selo kay Kabesa, ito'y naging mainit na
usapan ng mga tao at karamihan ay hindi makapaniwala na nagawa nya ito. Sya ay kinausap ng alkalde
habang sya ay nasa likod ng mga rehas, at tinanong kung bakit nya nagawa ito. Nakakaawang tingnan si
Tata Selo sa kanyang lumang suot na natuyuan pa ng putik. At nanghihina na rin sapagkat tinungkod siya
ng kabesa at sinuntok din at minura ng Hepe. Palaging sagot ni Tata Selo na tinungkod sya ng Kabesa
nang subukan nyang makiusap na huwag syang tanggalin sa pagsasaka. Sabi ng binatang anak ng
pinakamayamang propitaryo sa San Roque na hindi yun sapat na katwiran; paliwanag nya, hindi sya
nauunawaan ng mga tao ang nangyari at nagawa nya. May isang lalaking lumapit sa kanya at nagtanong
kung paano na ang kanyang anak, si Saling, na naninilbihan kanila Kabesa. Ayaw nyang masali ang
kanyang anak sa nangyayari dahil ayon sa kanya, may sakit si Saling at mas makabubuti sa kanya ang
magpahinga at malayo sa kapahamakan. Matapos ang buong araw ng pagsusuri, habang nakakapit sa
rehas at nakatingin sa labas, sinasabi ni Tata Selo na lahat ay kinuha na sa kanila, wala nang natira sa
kanila.

You might also like