You are on page 1of 3

REVIEWER SA KOMUNIKASYON SA FILIPINO

YUNIT 1: MGA BATAYANG KAALAMAN SA WIKA

 Ang wika ay masistemang balangkas ng mga binibigkas na tunog na pinili at isinaayos sa paraang arbitraryo na
ginagamit sa komunikasyon ng mga tao sa isang tiyak na kultura.
 Ang limang kalikasan ng wika ay masistema, sinasalitang tunog, arbitraryo, ginagamit ng tao, bahagi ng kultura.
• Ang wika ay masistemang balangkas. Ito ay organisado; nabubuo sa pamamagitan ng pagsunod sa isang
tukoy na proseso; at batay ito sa mga alituntunin ng balarila o grammar.
• Ang wika ay sinasalitang tunog. Nagsisimula ang pagkakaroon ng wika sa mga tunog tulad ng /a/, /k/,
at /o/. Kapag pinagsama-sama ang mga tunog ay nakabubuo ng salita. Halimbawa, /a/ + /k/ + /o/ ay
nagiging /ako/.
• Ang wika ay arbitraryo. Ibig sabihin, ang mga salita ay nagbabago ng kahulugan batay sa iba’t ibang
salik.
• Isa pang kalikasan ng wika ang paggamit dito ng mga tao. Ibig sabihin, may kakayahan ang tao na
makapagbigay ng ibang kahulugan sa isang salita.
• Ang wika ay bahagi ng kultura. Ang mga salitang nakapaloob sa isang wika ay nagpapakita ng kalagayan
ng lipunan.
 Ang antas ng wika ay nahahati sa dalawang kategorya: ang di-pormal at pormal.
 Ang mga antas ng wika ay: pambansa, pampanitikan, panlalawigan, balbal, kolokyal.
• Ang unang antas nito ay tinatawag na kolokyal. Ito ay wikang ginagamit natin sa araw-araw na
pakikipag-usap. Hindi rin ito kinakailangang nakasunod sa estruktura at mga alituntunin ng balarila. Ilang
halimbawa nito ang mga salitang “Tara!” at “Musta?”
• Ikalawang antas naman ng di-pormal na wika ang balbal. Ito ay mga salitang nagbabago ang kahulugan
sa paglipas ng panahon. Madalas din itong naririnig na ginagamit sa lansangan. Halimbawa ng wikang
balbal ang “lapang”
• Ikatlo at huling antas ng di-pormal na wika ang panlalawigan. Ito ay kilala rin sa tawag na panrehiyon, o
wikang ginagamit sa isang tiyak na pook o lugar. Bawat dyalekto ay may sariling tono at
pagpapakahulugan sa mga salitang nakapaloob sa wika.
• Ang unang antas nito ay tinatawag na pampanitikan. Ito ay wikang ginagamit natin sa pagsulat ng mga
akdang pampanitikan tulad ng tula, kuwento, at sanaysay. Dahil dito, ang mga salitang gagamitin ay
dapat na piliing mabuti at ang pagsasaayos ng mga ito ay batay sa tamang estruktura at balarila. Ilang
halimbawa nito ang mga salitang “marilag”.
• Ang ikalawang antas ng wikang pormal ay tinatawag namang pambansa. Itinituring itong pinakamataas
na antas ng wika. Ginagamit ang wikang ito sa pamahalaan, paaralan, at sa pakikipagtalastasan. Gaya ng
wikang pampanitikan, ang wikang pambansa ay mayroon ding estruktura at nakabatay sa mga
alituntunin ng balarila. Bahagi ng wikang ito ang mga salitang “kalayaan,” “edukasyon,” “pulitika,” at
“ekonomiya.”
YUNIT 2: FILIPINO BILANG WIKANG PAMBANSA
 Wikang Pambansa - nagpapakita ng identidad at kakanyahan ng isang bansa
• Artikulo 14, Seksyon 6 ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas
Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at
pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika. Alinsunod sa mga tadhana
ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga
hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang
midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.

 Wikang Opisyal - ginagamit ng pamahalaan ng isang bansa sa lahat ng transaksyon nito


 Wikang Panturo - ginagamit sa loob ng paaralan
 Lingua Franca - ginagamit ng dalawa o higit pang tao o grupo ng tao na may magkaibang unang wika
 Mahalaga ang wikang Filipino sapagkat may kakayahan itong bigkisin ang mga Pilipino at nagsisilbing tulay upang
pag-usapan at lutasin ang mga pambansang isyu.
 Mahalaga na mayroong opisyal na mga wikang panturo upang masiguro ang pagkatuto ng mga mag-aaral tungo
sa pambansa at pandaigdigang kamalayan.
 Ang wikang opisyal ay ang pangunahing daluyan ng komunikasyon ng gobyerno at mamamayan. Ang wikang ito
ang midyum o instrumento tungo sa higit na pagkakaunawaan, pagkakaisa, at pag-unlad ng Pilipinas.
 Sa pamamagitan ng pambansang lingua franca, nagkakaunawaan ang mga Pilipino. Ang pagkakaunawaan ay
tulay para sa pambansang pagkakaisa. Ang pagkakaisa ay tulay tungo sa pambansang pagbabago at pag-unlad.

YUNIT 3: MGA KONSEPTONG PANGWIKA


 Ang bilingguwalismo ay malayang paggamit ng dalawang wika sa pagtuturo at pakikipagtalastasan.
 Multilingguwalismo ang tawag sa sitwasyon kung kailan higit sa dalawang wika ang ginagamit ng tagapagsalita
sa pakikipagtalastasan, pagtuturo, at pag-aaral.
 Dayalekto ang barayti ng wikang nabubuo sa heograpikal na dimensiyon.
 Sosyolek ang barayti ng wikang nabubuo sa sosyal na dimensiyon.
 Idyolek ang personal na paraan ng paggamit ng wika.
 Register ang tawag sa espesyal na wika ng isang partikular na larangan.
 Ang homogeneous na kalikasan ng wika ay tumutukoy sa mga katangiang taglay ng lahat ng wika anuman ang
pinagmulan at kultura ng pamayanang inusbungan nito.
 Arbitraryo - Ang wika ay hindi idinidikta ng mismong hitsura at tunog nito, kung kaya masasabing
arbitraryo ang pagbuo ng mga salita sa wika
 Dinamiko - Ang wika ay patuloy na nagbabago at umuunlad. Mayroong mga salitang nagbabago ang
kahulugan o nagkakaroon ng dagdag na kahulugan sa paglipas ng panahon.
 Bahagi ng Kultura - Sinasalamin ng wika ang kulturang pinagmulan nito.
 Ang heterogeneous na kalikasan ng wika ay tumutukoy sa pagkakaibaiba ng wika bunga ng paggamit ng iba’t
ibang indibiduwal at pangkat na may magkakaibang uring pinagmulan, edad, kasarian, gawain, tirahan, interes,
edukasyon, at iba pa.
 Dayalektong Heograpikal - Barayting bunga ng lugar kung saan isinilang o nakatira ang tagapagsalita.
 Dayalektong Temporal - Barayting bunga ng panahon kung kailan ginagamit ang wika ng tagapagsalita.
 Dayalektong Sosyal - Barayting bunga ng panlipunang uri, edukasyon, trabaho, edad, kasarian, at iba
pang panlipunang sukatan ng tagapagsalita nito.
 Unang wika ang tawag sa wikang unang natutuhang gamitin ng isang tao magmula sa kaniyang pagkabata o sa
isang kritikal na yugto ng pagkatuto hanggang sa umabot sa puntong bihasa na siyang gamitin ang wikang ito.
 Ang pangalawang wika ay tumutukoy sa wikang natutuhan ng isang tao matapos maging bihasa sa kaniyang
unang wika.

YUNIT 4: LINGGUWISTIKONG KOMUNIDAD


 Ang lingguwistikong komunidad ay ang pangkat panlipunang inaral ng mga lingguwistiko o dalubwika na
mayroong pagkakapare-pareho sa pananalita, pagpapakahulugan ng mga salita, at pamamaraan ng paggamit ng
mga pahayag.
 Napaiigting ang mga ugnayan ng tao dahil sa malalim na pagkilala sa iba’t ibang lingguwistikong komunidad.
 May dalawang pangunahing salik para makabuo ng lingguwistikong komunidad: heograpikal at sosyal.
 Ang lingguwistikong komunidad ay maaaring batay sa bilang ng wikang ginagamit, batay sa wika na itinakda ng
batas, at batay sa pagtingin ng gumagamit sa mga wika.
 Ang pangunahin at epektibong pamamaraan ng pagpapaabot ng mensahe ay sa pamamagitan ng paggamit ng
wika. Kapag pinag-uusapan ang mass media at ang nalilikha nitong wika at lingguwistikong komunidad, maaaring
hatiin ito sa tatlong kategorya: broadcast, print, at new age media.
 Maituturing na “virtual” na komunidad ang nabuong lingguwistikong komunidad sa makabagong panahon. Ang
"virtual" na komunidad na ito ay mayroong dalawang pangunahing katangian: hindi pisikal na magkakalapit at
hindi istrikto ang pagpili at paggamit ng wika.
YUNIT 5: GAMIT NG WIKA

 Komunikatibo ang gamit ng wika kapag ganap na naisalin ang mensahe sa isinagawang pakikipagkomunikasyon
sa pamamagitan ng wika.
 Mayroong iba’t ibang gamit ng wika ayon sa mga dalubhasa, particular na kina Michael Halliday at Roman
Jakobson.
o Ang instrumental na gamit ng wika ay tumutukoy sa kakayahan ng wika na maging kasangkapan upang
maimpluwensiyahan ang kaniyang tagapakinig o mambabasa. Magagawa ang pag-impluwensiyang ito sa
tatlong paraan: mapaniwala sa impormasyon, makapukaw ng damdamin, at magpakilos. Kapag sinabing
Instrumental, nangangahulugan ito na ginagamit ang wika upang ipaalam ang naibigan, pagpipilian,
gusto, o kailangan. Ganito ang gamit ng wika sa paglutas ng problema, pangangalap ng materyales, role
playing, at panghihikayat..
o Ang regulatoryo na gamit ng wika ay instrumento upang magbigay-permiso at magbawal sa aktibidad,
paggamit, o karapatang pagmamay-ari. Sa Regulatoryo, ang wika ay ginagamit naman sa pagkontrol.
Ganito ang gamit ng wika sa pagbuo ng mga tuntunin sa laro, pagbibigay ng atas, at pagtuturo ng
bagong kaalaman.
o Ang interaksiyonal na gamit ng wika ay nagagamit sa dalawang daluyan: kumustahan at kuwentuhan. Sa
Interaksiyonal, ang wika ay ginagamit upang makipag-interaksiyon at magplano, bumuo o magpanatili
ng laro, pangkatang gawain, o ugnayang sosyal. Ganito ang gamit ng wika sa structured play, usapan at
talakayan, at sa pag-uusap nang pangkatan.
o Kapag sinabi namang Representatibo, nangangahulugan ito na ginagamit ang wika upang magpaliwanag.
Ganito ang gamit ng wika sa pagpapahayag ng mensahe, paglalahad tungkol sa tunay na mundo, at
paglalahad ng proposisyon.
o Kapag sinabing Personal, nangangahulugan naman ito na ginagamit ang wika upang maipahayag ang
pagiging indibiduwal o natatangi. Ganito ang gamit ng wika kapag isinasapubliko ang nararamdaman o
ipinahahayag ang nasa isipan sa maraming tao.
o Sa Heuristiko, ginagamit naman ang wika upang tumuklas ng mga bagay, magpakita ng alinlangan, o
maghinuha. Ganito ang gamit ng wika sa pagpapalitan ng tanong at sagot, palagiang pagsubok
(routines), at pananaliksik
 May anim na anyo ang paggamit ng wika bilang regulatoryo: imperatibo, direktibang patanong, direktibang
hindi hayagan, pahayag na nagpapatunay ng awtoridad, pagkontrol ng gamit, at pahayag ng pagpapahintulot
at obligasyon.

You might also like