You are on page 1of 4

Ang Alamat ng Lansones

Jim Lloyd

Noong unang panahon, sa isang bayan sa Laguna matatagpuan ang napakaraming mga puno na
may mga bilog-bilog na bunga. Mukhang masarap ang prutas ngunit wala sino man ang
mangahas na kumain nito sapagkat ang mga bunga ay lason. Ni lumapit sa nasabing puno ay
ayaw gawin ng mga taong bayan.

Napatunayan nilang lason ang mga bunga nang isang araw ay may napadpad na manlalakbay sa
kanilang bayan. Dahil sa pagod, naupo ang matanda sa ilalim ng nasabing puno upang
makapagpahinga. Nang makita ng manlalakbay ang mga nakasabit na bunga ay bigla niyang
naalala ang kanyang gutom at pumitas ng mga ito.
May isa sa mga taong bayan ang nakakita nang isubo ng matanda ang bunga. Tinangka niya itong
pigilan ngunit huli na ng naabutan niya ang matanda. Nakain na nito ang lasong bunga at unti-
unti na itong nangingisay at bumubula ang bibig. Dahil sa pangyayaring ito, mas lalong natakot
ang mga taong bayan na lumapit sa puno.

Sumapit ang isang matinding tagtuyot sa lugar. Namatay ang mga pananim at ang tanging natira
ay ang mga lasong puno na hitik na hitik sa bunga. Taimtim na nag-dasal ang mga taong bayan na
matapos na sana ang tagtuyot upang sila ay muling makapagtanim at makapag-ani ng makakain
sapagkat malapit ng maubos ang naka-imbak nilang pagkain.

Isang araw sa kainitan ng tanghali, isang mahiwagang babae ang dumating at kumatok sa mga
pintuan ng mga taong bayan. Nanlilimos ang magandang babae ng makakain. Ngunit walang
maibigay ang mga tao sapagkat salat din sila sa pagkain. Isang bata ang lumapit sa magandang
babae at nagbigay ng kapiranggot na makakain. Pagpasensyahan na daw niya ito dahil iyon na
lamang ang natitira niyang pagkain.

Napangiti ang babae at kinuha ang pagkaing inabot ng bata. Pinanood ng bata ang babae habang
ito ay kumakain. Pagkatapos kumain, tinanong ng babae ang bata kung bakit nila nasabing salat
sila sa pagkain samantalang marami namang bunga ang kanilang mga punong-kahoy. Ikinuwento
ng bata sa babae na lason ang mga bungang ito. Napangiti ang babae at umiling ito.

Pumitas siya ng bunga at pinisil ito hanggang sa lumabas ang laman. Bago pa man napigilan ng
bata ang babae ay naisubo na nito ang puting laman ng bunga. Nagtaka ang bata sapagkat walang
nangyari sa babae; sa halip nakangiti nitong ibinigay ang prutas sa bata na siya namang tinikman
din ang bunga.
Masarap at manamis-namis ang prutas. Sa tuwa ng bata ay napasigaw ito at tinawag ang mga
kapitbahay upang matikman din nila ang prutas. Nagsilabasan ang mga taong bayan. Noong una
ayaw nilang paniwalaan ang bata ngunit di naglaon ay tinikman din nila ito at napag-alaman
ngang matamis ang bunga. Hinanap nila ang magandang babae upang pasalamatan ngunit wala
na ito.

Naniniwala silang tinanggal ng mahiwagang babae ang lason sa mga bunga. Simula ang dating
"lason" ay naging "lansones".

Ang Alamat ng Pinya


Jim Lloyd
Noong unang panahon may nakatirang mag-ina sa isang malayong pook. Ang ina ay si Aling
Rosa at ang anak ay si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang bugtong na anak.
Kaya lumaki si Pinang sa layaw. Gusto ng ina na matuto si Pinang ng mga gawaing bahay, ngunit
laging ikinakatwiran ni Pinang na alam na niyang gawin ang mga itinuturo ng ina. Kaya't
pinabayaan na lang niya ang kanyang anak.

Isang araw nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa ng gawaing bahay.
Inutusan niya si Pinang na magluto ng lugaw. Isinalang ni Pinang ang lugaw ngunit napabayaan
dahil sa kalalaro. Ang lugaw ay dumikit sa palayok at nasunog. Nagpasensiya na lang si Aling
Rosa, napagsilbihan naman siya kahit paano ng anak.

Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa kaya't napilitang si Pinang ang gumagawa sa bahay. Isang araw,
sa kanyang pagluluto hindi niya makita ang posporo. Tinanong ang kanyang ina kung nasaan ito.
Isang beses naman ay ang sandok ang hinahanap. Ganoon ng ganoon ang nangyayari. Walang
bagay na di makita at agad tinatanong ang kanyang ina. Nayamot si Aling Rosa sa katatanong ng
anak kaya´t nawika nito: " Naku! Pinang, sana'y magkaroon ka ng maraming mata upang makita
mo ang lahat ng bagay at hindi ka na tanong nang tanong sa akin.

Dahil alam niyang galit na ang kanyang ina ay di na umimik si Pinang. Umalis siya upang
hanapin ang sandok na hinahanap. Kinagabihan, wala si Pinang sa bahay. Nabahala si Aling
Rosa. Tinatawag niya ang anak ngunit walang sumasagot. Napilitan siyang bumangon at
naghanda ng pagkain.
Pagkaraan ng ilang araw ay magaling-galing na si Aling Rosa. Hinanap niya si Pinang. Tinanong
niya ang mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang anak. Ngunit naglahong parang bula si
Pinang. Hindi na nakita ni Aling Rosa si Pinang.

Isang araw, may nakitang halaman si Aling Rosa sa kanyang bakuran. Hindi niya alam kung
anong uri ang halamang iyon. Inalagaan niyang mabuti hanggang sa ito'y magbunga. Laking
pagkamangha ni Aling Rosa ng makita ang anyo ng bunga nito. Ito'y hugis-ulo ng tao at
napapalibutan ng mata.
Biglang naalaala ni Aling Rosa ang huli niyang sinabi kay Pina, na sana'y magkaroon ito ng
maraming mata para makita ang kanyang hinahanap. Tahimik na nanangis si Aling Rosa at laking
pagsisisi dahil tumalab ang kanyang sinabi sa anak. Inalagaan niyang mabuti ang halaman at
tinawag itong Pinang, Sa palipat-lipat sa bibig ng mga tao ang pinang ay naging pinya.

You might also like