You are on page 1of 5

APOLINARIO MABINI: ANG UNANG PUNONG MINISTRO1

 Daniel Mendoza Anciano

 Ang  kadakilaan  ng  isang nilalang ay  maaring  masukat  sa tinataglay na


kakayahan na manapanatiling walang bahid ng karumihan  ang kaniyang
integridad at mabuhay ng ayon  sa  prinsipyong kaniyang itinuturo sa iba.
Anuman ang taas ng ideyalismo ng isang tao para sa kaniyang inang bayan at
anuman ang ganda ng  prinsipyong kaniyang ipinapangaral sa iba ay
matatalos sa panahon  na aktwal  na  hawak  niya ang ng kapangyarihan.  Sa
pagtatagpo  ng ideyalismo  at realidad ng kapangyarihan, makapapamili siya
kung gagamitin niya ang kapangyarihang ito na isang pagkakataon  upang
patunayan sa iba ang katumpakan ng kaniyang paninidigan o  magsisilbing
kalawang na kakain sa kaniyang pagkatao at  magpapalimot sa kaniyang
prinsipyo. Si  lord Acton ng Inglatera ay nagsabi na "ang  kapangyarihan ay
pinagmumulan  ng kabulukan, mas malaking  kapangyarihan,  mas malaking
kabulukan. Maaring tama si Acton, dahilan sa ang  kasaysayan na, ang
nagpakita sa atin kung papaano may mga taong pagkatapos nating pahiramin
ng kapangyarihan, ang ipinahiram pa nating kapangyarihan  ang  kanilang
ginamit sa paglupig  sa  ating  mga karapatan, at naghatid pa sa ating bayan
sa labis na karahupan. Ngunit  kung  may katotohanan ang obserbasyon  ni
Acton  ay makapapangahas  din  ako  na walang takot  sa  kontradiksiyon  na
mayroon din itong kasubalian, dahilan sa mga mga taong nagtamo ng
kapangyarihan,  ngunit  kaylanman hindi nakitahan  ng  kalabisan, ginamit
ang kapangyarihan upang patingkarin at  patotohanan  ang prinsipyong
ipinangaral niya para sa kaniyang mga kababayan, dito ay  maari kung
maihanay si Apolinario Mabini - ang  unang  Punong Ministrro ng Filipinas.

 Ang Pesanteng Ugat ni Mabini

Minsan  mahirap  na  pag-aralan ang galaw  ng  panginoon  ng kalikasan  sa
kaniyang paglalaro sa ahedres  ng  kasaysayan.  Sa panahong kolonyal ng
Espanya sa Filipinas. Ang itim na piyesa  sa kabilang hati ay matatagpuang
nakalagay sa mga palasyo ang  kolonyal  na gobernador, ang obispo ng
kolonyal  na  Kristiyanismo, mga  prayle  na nasa mga casa de hacienda at
kumbento,  mga  peninsulares  sa kanilang bahay na bato at ang kanilang mga
anak na nasa dingding ng  unibersidad, napapalibutan ng mga bulag na
hukbo  na  magtatanggol  sa  hindi pantay na panglipunang  kaayusan,  at
handang sugpuin  ang anumang banta ng pag-aalsa. Sa kabilang dako
mapapansin  din  na  sa pagkakasalansan sa piyesa ng mga tauhan ng
kasaysayan  ay mayroong  pagpapantay  at pagtutugon ng mga puwersa,

1
Nalathala Sa Filipino Magsin (FILMAG) 1997.
dahilan  sa kabila ng linya ay pinayagan niyang isilang sa bahay na bato  ang
mga ilustrado, sa isang dukhang bahay ng Tondo isilang si  Andres Bonifacio,
sa  mga dampa sa lunsod at nayon  nagkaisip  ang  mga katipunero  at
rebolusyonaryo, na balang araw  ay  magsasama-sama upang  pilasin ang habi
ng lipunan na nagsamanatala sa kanila  at kailan  man  ay hindi nila
pinakikinabangan. Sa  ganitong  pagsasalansan  ng pagkakataon, sa isang
tahimik na araw ang Hulyo  23, 1864,  walang nag-aakala na ang isang henyo
ay isinilang sa  dukhang kubo sa lalawigan ng Batangas.

Sa  kubo  ng pesante ipinanganak, nagkaisip,  at  lumaki  si Apolinario Mabini.
Ang kahirapan na kaniyang kinagisnan at  kinalakihan,  ay  nagsilbing isang
pagsubok na  humubog  sa  kaniyang seryoso,  palaisip, na pagkato, at
mayroong malalim na  komitment para  sa  kaniyang kapwa mahirap. Anak sa
isang ama na  halos  ay hindi  makasulat at makabasa ngunit ang kakulangan
ng  intelekwal na  pagsasanay mula sa ama ay napagtakpan ng isang ina na
nagkataon na anak naman ng isang guro. Katulad ng iba pang mga henyo sa
kasaysayan, natagpuan ni Mabini ang kaniyang musmos na  isipan na
tinuturuan sa unang paaralan ng mga henyo - ang kandungan  ng kanilang
mga sariling ina. Ang  isang katangian ng pesante ay ang pangangarap na
makalaya  sa  lupa na kinatalian ng kaniyang mga  ninuno.  

Sa  isang pesanteng ina ang pangarap na ito ay maaring matamo sa


pamamagitan  ng edukasyon sa kaniyang anak. Kung minahal ng kaniyang
ina si  Mabini  ay  sa dahilang nakikita niya ang  kaniyang  anak  na magiging
isang  alagad ng Diyos, ngunit ang  pangarap  ay  hindi natupad dahilan sa
ang kaniyang anak ay hindi inangkin ng  simbahan, kundi inangkin ng bayan.

Natapos  man  ni Mabini ang kaniyang  mataas  na  edukasyon, hindi ito
naging madali sa anak ng pesante. Ang pagiging katulong ang  nagsilbing
kapalit ng kaniyang mga unang taon ng  paghahanap ng dunong. Sa pagsapit
sa unibersidad, kayakap niya ang  kaniyang kasalatan,  na hindi naging kaila
sa ang kaniyang mga  kamag-aral at propesor.

 Ang Punong Ministro

Katulad  ng ahedres, ang kaniyang pinakamahinang  piyesa  ay sumulong ng


sumulong, nalampasan ang mga banta at balakid ng  mas malakas na
katunggali at nakarating hanggang sa dulo ng  kabilang linya at nagpalit mula
sa pinakamahina hanggang sa maging  pangalawang pinakamataas ngunit
pinakamalakas na piyesa.

Sa  taong 1898, natagpuan ni Apolinario Mabini ang  kaniyang sarili  na nasa
aktibong paglilingkod sa bayan,  pagkakataon  ang gumawa sa kaniya upang
maging lumpo, ngunit ang pisikal na kapansanan ay napangimbabawan ng
isang matalas at mapanuring kaisipan. Kinuha ng pangulong Aguinaldo bilang
tagapayo at sa pagsilang  ng Unang Republika ay itinalaga bilang punong
ministro.

Sa panahon ng kaniyang panunungkulan bilang punong  ministro ay  natanto


niya na ang paglilingkod sa bayan ay  nangangahulugan din ng pakikipaglaban
sa ilan sa kaniyang mga kasamahan sa pamahalaan na naghahangad na
maka-inpluwensiya sa pangulo. Natagpuan niya ang  kaniyang  sarili  na nasa
gitna ng paglalabanan sa  kapangyarihan  at sentro ng intrigang pampulitika.

Ang panahon ng kaniyang panunungkulan bilanng Punong  Ministro  ng


Republika ng Mololos ay panahon din na ang  pamumuno  ng himagsikan  ay
sinisimulang panghimasukan ng  mga  oportunistang ilustrado. Nilabanan
niya ang paksiyon na nagbabalak  na  gawing tau-tauhan  ang  presidente sa
harap  ng  isang makapangyarihang kongreso;  tinutulan niya ang layunin ng
mga ahente ng prayle  na maibalik  ang simbahan sa dating dominanteng
katayuan sa  lipunan sa pamamagitan ng pagbibigay muli ng katayuan bilang
opisyal  na relihiyon ng estado; at sa huli, tinunggali niya ang mga
mayayamang indibidwal na nasa pamahalaan, na nagsisimulang mag-
maniobra ng pananalapi ng bayan para sa personal na kapakinabanagan.

Ngunit  ang  pinakahuling sandali ng  pagsubok  sa  kaniyang pagkatao  ay


naganap nang mag-alis ng maskara  pagkakaibigan  ang mga Amerikano at
ipatupad ang kaniyang patakaran na isangkap  ang Filipinas sa kaniyang
umuusbong pa lamang na imperyo. Sa harap ng pakikidigma  sa isang
malakas na kalaban ay matatalos ang  pagkakaiba ng taong duwag at
matapang. Ang mga mayayaman at oportunistang pinuno ng ating estado sa
pamumuno nina Paterno at Buencamino  ay  agad nagbigay daan para sa
pagtanggap  ng  kapayapaan  na inaalok  ng  mga mananakop na dayuhan,
kapalit ng  paghuhudas  sa kalayaan  na tinubos ng mga natigis na dugo ng
mga  maghihimagsik na  Filipino. Samantalang ang lumpong maaring walang
pisikal  na kakayahan na lumaban sa digmaan ay nangaral at nagbigay ng
lakas loob sa kaniyang mga kababayan na ang tunay na kaligayahan ng mga
Pilipino ay nakasalalay sa preserbasyon ng ating kalayaan.

Sa  panahon din ng kaniyang panunungkulan ayon kay  Profesor Cesar  Adib


Majul, nakitahan si Mabini ng pagmamahal sa  kaniyang mga  kababayan.
May pagkakataon na ibinibigay pa ni  Mabini  ang pagkain na para sa kaniya
sa mga kawal ng republika. Ngunit higit sa  lahat  ay walang ebidensiya na
makapagtuturo kay  Mabini,  na ginamit  ang  kaniyang mataas na posisyon
sa  pamahalaan  upang magpayaman, nilinaw pa niya na may pagkakataon na
naglingkod siya sa pamahalaan na walang sahod bilang tagapayo ng pangulo
at  kung may  ilan mang mahahalagang gamit siya na sa kaniyang  pag-aari,
ang mga ito ay regalo mula sa kaniyang mga tagahanga, na  tinanggap niya ng
buong pagka-bantulot.
 

Ang Presyo ng Luho

Ang  isang  pagkakamali ni Mabini ay naganap sa  panahon  ng kaniyang


kabataan at ito ay tungkol sa pagkakaroon niya ng isang personal  na  luho
noong siya ay nag-aaral pa.  Humingi  siya  sa kaniyang  ina  ng bagong damit
at sapatos, sa dahilan  naiinggit siya sa kaniyang mga kamag-aral na may
maayos na kasuotan. Pinagbigyan ng ina ang luho ng anak, nagkaroon ito ng
bagong damit  at sapatos, ngunit sa kaniyang pag-uwi sa kanilang bayan sa
Tanauan, Batangas ay nakita niya ang kasalatan ng kaniyang mga kapatid  sa
dahilan na ipinagbili pala ng kaniyang ina ang malaking  bahagi ng kanilang
ani para lamang sa kaniyang personal na luho.

Tapat  si Mabini na ikinumpisal ang naging epekto ng  kaniyang  hiniling na


luho, ayon sa knaiya ay ito ang naging  dahilan ng maagang pagyao ng
kaniyang ina. Natimo sa isipan ni Mabini  na anumang luho na kaniyang
nanaisin at matatamo ay mangangahulugan ng paghihirap at pagsasakripisyo
ng kaniyang ina at mga  kapatid. Siguro ito ang dahilan kung bakit si Mabini
sa kabila ng kaniyang makapangyarihang  puwesto sa pamahalang Aguinaldo
ay  hindi  niya pinayagan ang kaniyang sarili na magtamasa ng kayamanang
mula  sa bayan.

Kaylan  kaya matutunan ng mga magnanakaw sa pamahalaan,  ang mapait na


leksiyon na natutunan ni Mabini na ang pagpapakaluho ng mga nasa
pamahalaan ay mangangahulugan ng paghihirap at pagkalugami ng marami
nilang kapatid na Filipino at maaring maghatid sa maagang kamatayan ng
ating inang-bayan.

Ang Kubo ng Pesanteng Punong Ministro

Minsan parang nanunukso si Mabini, ang isang lalaking minsan ay  naging


pangalawang pinakamakapangyarihang lider ng  bansa  ay walang naiwang
anumang ari-arian maliban sa isang bahay kubo  (na hindi pa kaniya) na nasa
tabi ng tulay ng Nagtahan at malapit  na malapit lamang sa palasyo ng
Malacañan. Sa kubong ito siya nangupahan  noong  siya  ay estudyante,
hanggang  naging  abogado.  Sa kubong ito siya natulog pagkatapos na itatag
ang La Liga  Filipina, at binibisita ni Bonifacio, Jacinto at Valenzuela para
sangguniin sa landasin ng himagsikan.

Kung  isinalasan  ng panginoon ng kalikasan  sa  ahedres  ng kasayayan ang
mga tauhan, hindi kaya itinaon din niya na ang kubo ng  pesanteng  punong
ministro ay ilagay na  kalapit  lamang  ng palasyo  ng  mga naging maluhong
pangulo. Dahil dito  parang  ang kubo  ng pesanteng punong ministro ay
tahimik at seryosong  nang-iinsulto sa kaniyang kapitbahay na palasyo. Sa
palasyo,  naandoon pa rin ang mga oportunistang nasa pamahalaan na ang
mga buktot na gawain ay salik sa paglugami ng bayan.

Nakalulungkot na isipin na maraming mga tao ang nanirahan sa palasyo  ng


Malaca_¤"an at ginamit ang kanilang kapangyarihan  para sa sariling
kapakinabangan, pero isang trahedya sa bayan na  wala ng tumira sa kubo ng
Nagtahan na minsang naging tahahan ng  isang pesanteng  punong  ministro
o kaya ay nabuhay  na  sumusunod  sa matayog  na  prinsipyong itinuro niya
sa para  sa  kagalingan  ng bayan.

You might also like