You are on page 1of 4

“Ang Mga Kagilagilalas na Pakikipagsapalaran Patungo sa Iglap na Kalungkutan”

Alas singko na.

Nasa kalagitnaan pa rin ako ng istasyon patungong museo. Linggo ngayon. Hindi na naman ako
umabot sa ipinataw kong oras para sa aking sarili. Naipit na naman ako sa ibang mga “personal” na
gawain.

Sampung minuto makalipas ang alas singko.

Nakasakay na ako ng tren sa wakas. Buti na lang Roosevelt ang sinakyan ko, may ilang upuan pa.

Malayo-layo rin ang paglalakbay na babagtasin ko patungong museo. Linggo ngayon, bagsak ang
katawan ko dala ng iba pang mga gawain. Kailangan kong magising sa hampas ng antok at
pagkabugnot sa malayo-layong paglalakbay.

Labinlimang minuto makalipas ang alas singko.

May itsura pala itong katabi ko.

Buti naman, may pagkakaabalahan ako. Naiwan ko ang aking earphones na dapat ay kaakibat ko sa
masalimuot na paglalakbay.

Hindi ako tagahanga ng mga tren, lalo na yung mga siksikan. Marami-rami kaming nakasakay ngayon
dito. May kanya-kanyang patutunguhan, may kanya-kanyang istasyon na inaabangan.

Monumento na.

Salamat.

Medyo nabawasan na ang pangambang mahuli sa museong dapat puntahan.

Sukbit sukbit ko ang selpon na taglay ang mapa patungo sa museo.

Buti na lang may maalam akong kasama sa biyahe. Buti na lang kasama ko si Franco, pangalan ng
waze ko sa de-touch screen na telepono.

Alas singko y medya.

Malapit na. Konti na lang at mararating ko na ang museo.

Hindi ko kilala kung sino si Apichatpong. Hindi ko pa naririnig ang pangalan niya sa larangan ng
pelikula. Marahil malaking sanhi nun ay ang kadahilan na pulos kanluraning pangalan at ilang mga
direktor pangpelikula sa pilipinas lamang ang kilala ko. Kilala si Brillante Mendoza, Lav Diaz,
Antoinette Jadaone, Cathy Garcia Molina, Steven Spielberg, Quentin Tarantino, David Finch,
Roman Polanski, Christopher Nolan at Woody Allen pero hindi ko kilala si Apichatpong
Weerasethakul. Mukhang asyano ang direktor na ito. Sino ba siya at bakit kailangan ko siyang
panuorin? Bakit ako magsasayang ng pagod at pamasahe sa pangalang hindi ko kilala?

Umalulong na ang pangalan ng istasyon sa speaker:

“Ang susunod na istasyon, Vito Cruz.”

Sa wakas. Mukhang makakaabot ako sa museo, sana makaabot ako.

..

...

Madilim.

Madilim pala sa mga exhibit na ganito. Hindi ako sanay.

Bihira lang akong magpunta sa mga exhibit dala ng malupet ng panahong kailangan kong ilaan sa
teatro. Laking tuwa ko na mabibigyan ako ng pagkakataong makapasok sa isang exhibit muli, ng
libre, kahit na hindi ko kilala ang manglilikha ng mga obra rito.

Una kong nakita ay ang gumagalaw na larawan ng isang aso, kulay pula.

Gumagalaw lang siya. Tila in-xray ang kanyang katawan ng pulang radyasyon sa tindi ng pagkababad
niya sa kulay pula. Kulay dugo. Naaalala ko sa imaheng ito ang mga sabi-sabi sa aming probinsya
tungkol sa mga aswang na nagbabalat-kayong aso.

Halos ilang minuto ring napako ang aking tingin sa walang humpay na pagusad ng asong pula.
Hinihitak ako ng mala-dugong balat ng aso, mahiwaga.

..

...

Boom! Tunog ng baril.

Tinamaan siya ng baril!!

Nawala?

Nawala ang lalaki na dapat ay tatamaan ng baril.

Dumapa ba siya? Lumusong sa ilalim ng palayan? May butas ba?


Kanina lang isang grupo ng kalalakihan ang may sukbit sukbit na baril at nakatutok ito sa kalawakan
ng palayan.

Ang susunod na imahe ay isang naglalakad na lalaki sa kalagitnaan ng malawak na palayan.

Nagsasalit-salitan lang ang imahe ng mga kalalakihang tila hinubog sa gera at ang indibidwal na tila
humahanap ng kapayapaan sa kalagitnaan ng palayan.

Nabuo sa akin ang suliraning baka mapaano ang kuyang naglalakad ng walang malay, na siya ay
gagawing isang buhay na target para sa mga nagsasanay na kalalakihan.

Parang bula, ang indibidwal ay kinain ng lupa, nawala, sa kalagitnaan ng palayaan siya’y nawala.

..

...

Siya pala yun!!!

Yung nanalo sa Cannes na asyano!

Hindi ko akalaing siya pala yung nakita kong pangalan sa listahan ng mga nagwagi ng Palme d’Or sa
Cannes Film Festival.

“Apichatpong Weerasethakul. Ipinanganak noong 1970 sa Bangkok ngunit lumaki sa lungsod ng


Kohn Kaeni . Nakapagaral ng arkitektura subalit nagtapos ng kursong film sa School of the Art
Institute of Chicago noong 1997.

Ilan sa kanyang mga nilikha ay mga eksperimental na pelikula tulad ng Cemetery of Splendor (2015),
Uncle Boonmee Who Can Recall His Past Lives (2010) na nagkamit ng Palme d’Or sa Cannes;
Syndromes and a Century (2006), Tropical Malady (2004), The Adventures of Iron Pussy (2003) at
marami pang iba.”

Kilala pala talaga siya sa industriya ng pelikula.

Nahiya ako sa katotohanang hindi ko alam ang kanyang pangalan.

Malaking bagay ang nagawa niya sa larangan ng pelikula sa Asya.

Kahihiyan. Di ko siya kilala.

..

...
Naiintindihan ko siya.

Kahit hindi ko siya kilala at hindi ako pamilyar sa mga pelikula niya, naiintindihan ko siya.

Isa sa pinakamagandang imaheng nakita ko sa kanyang eksibit ay ang pagsasalaysay ni Apichatpong


ng mga saloobin at panaginip niya sa kanyang bayang sinilangan.

Manghang mangha ako sa tapang ng kanyang mga imahe.

Bilib ako sa pagiging totoo niya sa kanyang manager nung sinabi niyang gusto niyang sumubok ng
iba pang larangan.

---na gutso niyang maging pintor minsan.

---at ang pagsagi sa kanyang isipan na tigilan na ang paglikha ng mga pelikula.

Lubos akong natutuwa na nakilala ko ang artistang ito.

Isang artistang nakapagtapos sa kanluran at bumalik sa kanyang bayang pinanggalingan.

Nararamdaman ko ang pagkauhaw niya sa mitolohiya ng sariling bayan, sa kulay, sa mga panaginip
na kadalasa’y walang kahit na katiting na bahid ng lohika.

Nakakaramdam ako ng koneksyon sa kanyang lengwahe ng pagtatanghal, sa kanyang paglalaro sa


imahe ng nostalgia, mitolohiya at kasalukuyang lagay ng kanyang bansa.

Gusto ko pa siyang makilala ng lubusan.

Pero alas sais na.

Lahat ng pagkamangha ko’t pagkatha ng laksa-laksang imahe’t posibilidad sa aking utak ay napawi ng
isang iglap.

Isang kamay ang humawak sa akin at isang bibig ang bumulong ng:

“Sarado na po ang eksibit... Pasensya na.”

Tapos na ang pangangarap.

Tatlong minuto makalipas ang alas sais.

Umiiyak ako sa terminal dala ng sakit at pighati.

iHango sa paketeng pang-museo - Apichatpong Weerasethakul: The Serenity of Madness. Pinamigay nung ako’y
bumisita sa Museum of Contemporary Art & Design sa College of St. Benilde.

You might also like