You are on page 1of 2

Mirando, Mark B.

/ BA Theatre Arts / 2013-00862 / Art Stud 104 – Performance Studies

Pagsamba: Espasyo, Kultura’t Panahon

“Pagsamba. Pook sambahan. ‘Sang bayang nagpupugay. Diyos. Katoliko. Langit. Pari. Koro. Anghel. Puti. Ubod
ng kaginhawahan.” – Tanikalang semiyotiko gamit ang salitang ‘pagsamba’

1.30.2017.

“May nakakakilala ba kay Dr. Maceda?” tanong ng aming guro.


Malaking pangamba ang nadama ko ng malaman kong kalahati ng klase’y di kilala si Dr. Maceda --- maski
ako’y napakunot ang noo nung una sapagkat hindi ko rin kilala ang nasabing pangalan. Laking malas, batid ko,
sapagkat hindi ko lubos namalayang malaki pala ang kontribusyon ng pangalang ito sa sining ng musika.

Ayon sa aking pananaliksik, si Dr. Maceda ay pinarangalan ng titulong National Artist for Music noong
termino ni Pangulong Fidel Ramos. Siya rin ay naging guro ng Piano at Ethnomusicology sa Unibersidad ng
Pilipinas mula 1952-1990, kung saan siya ay pinangalanang University Professor noong 1988 at Professor
Emeritus hanggang 2004. Siya rin ay naging Executive Director ng Center for Etnomusicology ng UP College
of Music mula 1997-20041.

Itinuon ni Dr. Maceda ang malaking parte ng kanyang buhay sa pananaliksik ng ethnomusicology sa Pilipinas
at Timog Silangang Asya mula pa nung taong 1953.

Ang mga bansang sakop ng kanyang fieldwork at pananaliksik ay ang mga bansang – Pilipinas, Hilaga at
Kanlurang Africa, Brazil, China, Indonesia, Malaysia, Myanmar, Thailand at Vietnam. Ilan sa mga research na
ito ay nalambag sa mga publikasyon sa Canada, Germany, Malaysia, Pilipinas, UK at USA.

Matapos ang lahat ng mga nabatid ko sa buhay ni Dr. Maceda, napagtanto kong nais ko siyang makilala.

1.31.2017.

“Bakit ako sinusuyo ng imahe ng nakasabit na krus?” sambit ng aking gunita noong pasukin ko ang pook
dasalan. Sampung minuto bago magsimula ang palabas. Nilibot ng aking paningin ang espasyo. Ito ang aking
unang beses na pagbisita sa simbahang ito at ngayon ko lang nabatid na nakamodelo pala sa entabladong
arena ang arkitektura nito. Kamangha-mangha.

5 minuto bago ang palabas.

Sa kalagitnaan ng paglilibot ng aking pagmamasid nahagip ng mga mata ko ang ilang mga taong may hawak na
music sheets at mga plutang gawa sa kahoy. Nakapagtataka.

Nagsimula ang palabas sa paunang salita ng pari. Sa aking paningin, siya’y mukhang hindi taga rito. Naisip
kong baka isa siyang bisitang parisyano mula sa ibang bayan. Parte ba ito ng pagtatanghal --- isang dayuhang
paring namumuno ng pagsambang bayan sa lupain ng mga kayumanggi?

Maya-maya’y isang ginoo ang tumuntong sa entablado at kumumpas ng bahagya. Mula sa aking kinauupuan,
isang lalaki ang nagpakawala ng isang tunog --- tunog na hinugot mula sa malalim na balon ng kultura. Mula
sa isa’y sumunod ang ilang mga tunog mula sa iba’t ibang bahagi ng simbahan. Sala-salabat ang dagundong ng
Mirando, Mark B. / BA Theatre Arts / 2013-00862 / Art Stud 104 – Performance Studies

mga boses, pluta, mga kahoy na panalakpak at mga gong. Nakakamamangha --- kaliwa’t kanan ang mosyon ng
aking ulo dulot ng paghahanap ng pinanggagalingan ng mga tunog. Mga tunog na unti-unting sa aki’y
nangusap at bumuo ng mga salita... mga salita tulad ng “maawa ka” at “hallelujah” ang pumailanlang sa
espasyo. Kasabay ng mga litanyang ito ay ang ugong ng mga tunog mula sa mga instrumento sa paligid. Unti-
unti, habang nilalamon ako ng mga tunog at salita’y napapikit ako tungo sa imahe ng mga taong sumasamba
mula sa loob ng kuweba sa aking ulo. Gumigilit ang tunog sa espasyo’t panahon. Tumatawid sa kultura. Kung
pagmamasdan ang simbahan makikitang nangingibabaw ang imahe ng kanlurang katolisismo mula sa mga
mananakop na nagbahagi sa atin ng relihiyong ito, ngunit bakit tila binago ng tunog na ito ang mga imaheng
yaon. Mula sa imahe ng katolisismong mula espanya’y napalitan ng imahe ng mga kayumangging
nagdiriwang... nagaalay... namamanata mula sa panahon bago ang kolonyalismo.

Nakakatuwa na ginamit ni Maceda ang arkitekto ng espasyo upang paglakbayin ang kanyang musika. Bilang
direktor sa entablado, alam ko kung gaano kahalaga ang pagpili ng espasyo sa isang pagtatanghal. Natuwa rin
ako sa paggamit ni Maceda ng istraktura ng misa para sa kanyang pagtatanghal. Malaki rin ang respeto ko sa
pagpapanatili ni Dr. Maceda ng mga teksto ng mga awiting pangsimbahan (e.g. Hallelujah, Gloria, Maawa ka)
na kanyang pinaghanguan ng kanyang obra sa pamamagitan ng pagbabaybay.

Pagsamba nga marahil ang angkop na pamagat ng pagtatanghal na ito at hindi pagsimba. Pagsamba sapagkat
ang piyesa’y hindi para sa katolisismo. Ito ay para sa mga taong sumasamba mapasinuman ang kanilang diyos.
Ang Pagsamba ay tumatawid sa kultura, espasyo at panahon.

Salamat Dr. Maceda, Mabuhay ang musika!

NOTES:
1Baes, Jonas. The Living Composers Project: Jose Maceda. 1 February 2017. Retrieved from

http://upethnom.com/JoseMaceda.

You might also like