You are on page 1of 4

Ang Kahon at Ang Mga Kwento Ng Mga Lumang Laruan

OKTUBRE 5, 2011Posted in KWENTONG PAMBATA

Isang araw, may isang kayumanggi at walang lamang kahon ang naiwan sa isang sulok ng tindahan.
Maya-maya’y may isang lolong nagdikit ng papel sa kahong walang laman. Hindi mabasa ng kahon
ang nakasulat pero sabi ng kahon sa sarili, “Salamat at mayroon pa pala akong silbi kahit isang
basurahan”. Dati kasi siyang kahon ng sigarilyo.

Dumaan ang ilang araw, isang kasambahay ang naglagay ng isang manikang madumi ang damit at
ang dilaw na buhok ay di pantay ang gupit. Natuwa ang kahon dahil nagkaroon na siya ng laman,
isang basurang manika.

“Kumusta, manika?” ang bungad na bati ni Kahon. “Sa hitsura mo’y parang pinaglaruan ka yata ng
batang sa iyo’y umampon.”

“Uy, kaibigan. Maigi ngang nandito ako sa loob mo,” sagot ni Manika. “Kung alam mo lang ang aking
kwento, pihadong pati ikaw’y manlulumo.”

“Tutal, dalawa lang naman tayo, makikinig ako sa kwento mo,” ngiti ni Kahon.

“O sige. Ako’y isang magandang manika noong una. Gintong mais ang aking buhok at mabango ang
damit kong kulay pula. Madami ang sa akin ay nagbakasakali ngunit sabihin nating mayamang bata
ang nagmay-ari. Ang hindi ko lang inaasahan, mayroon siyang panget na ugali. Kaming mga laruan ay
hindi iniingatan at madalas gawan ng kalokohan. Biruin mong ilublob ako sa putikan at gupitin ang
buhok kong ginintuan. Hay, nasayang lang ang aking ganda sa isang batang hindi marunong
magpahalaga.”

“Masaklap pala ang iyong sinapit sa isang batang ugali’y malupit,” yun na lang ang sinabi ni Kahon sa
kanyang unang bisita.

Ilang araw ang lumipas, may amang naglagay naman ng isang asul na robot sa kahon.

“Kamusta, Robot,” sabay na bati nina Kahon at Manika.

“Hay, eto, nakakahiya na ang hitsura. Bali ang isang kamay at lagyan man ng baterya ay di na
gumagana. Ano pa nga ba, isa na akong basura!” dismayadong sagot ni Robot.

“Makikinig kami sa kwento mo, tutal tatlo lang naman tayo,” ang paunlak ni Kahon.

“O, sige. Ganito yun. Ako’y isang robot na modelo ng isang sikat na robot sa telebisyon. Binili ako ng
isang mabait na tatay para sa kanyang bunsong anak. Tuwang-tuwa sa akin ang bunso, pero naiinggit
naman sa kanya ang panganay na kapatid. Minsang naglalaro si bunso, nakiusap ang kuya niya na
hiramin ako pero naging madamot ito. Nainis ang mas matanda kaya bigla akong hinaltak sa kanya.
Pinag-agawan nila ako at parehong ayaw magpatalo.”

“Hay, may mga bata talagang dapat dinidisiplina,” sambit ni Manika.

“Oo nga. Ang nangyari, nahulog ako sa semento, nabali ang kamay at nabasag pa ang lagayan ng
baterya. Nang malaman ng ama, pinalo pareho ang dalawang bata at ako’y itinapon na lang. Ang
sabi ng ama, kayong dalawa ay dapat nagbibigayan. Itatapon ko na lang ang robot upang kalimutan
ang ugaling karamutan. At hindi ako bibili ng anumang laruan, hangga’t di ninyo natututunan ang
magbigayan ng anumang kagamitan,” ang malungkot na salaysay ni Robot.

“Sabagay, dapat talagang nagbibigayan ang bawat isa, lalo na sa pamilya,” ang sabi na lang nina
Manika at Kahon sa isa’t isa.

Kinabukasan, isang binata naman ang naglagay sa kahon ng isang magara at makintab na itim na
kotse-kotsehan.

“Kamusta, Kaibigan,” ang bati nina Manika at Robot, “Maligayang pagdating sa basurahan.”

“Eto, malungkot, ” matamlay na sagot ng bagong dating.

“Ha? Anong ikinalulungkot mo? Sa hitsura mo, ika’y bagong-bago, ano ba ang kwento, kaming tatlo
ay makikinig sa ‘yo,” ani Kahon.

“Ganito kasi yun. Hindi bata ang bumili sa akin. Isang binatang mahilig bumili ng laruang sasakyan
pero hindi naman niya nilalaruan. Itinatago sa istante, ayaw maalibukan, walang pakinabang. Bumili
nang bumili pero pandisplay lang. Hay, gusto kong sabihin sa kanya, ako’y isang laruan. Tanging
hiling ko’y may batang ngingiti habang ako’y pinaglalaruan.”

“Pero anong nangyari at napunta ka dito?” tanong ni Manika.

“Ang binata kasi ay sa ibang bansa na maninirahan, pinili niya ang pinakamagaganda niyang laruang-
sasakyan upang dalhin sa ibang bayan. At akong hindi napili, heto, napunta sa isang basurahan.”

“Iyan ang isang pinakamasaklap na mangyari sa isang laruan, ang hindi man lang mahawakan ng
isang bata,” nanghihinayang na nasabi ni Robot.

Sumunod na araw, isang dalaga ang naglagay ng isang laruang oso sa kahon.

“Maligayang pagdating sa iyo, laruang oso,” sabay-sabay na bati nina Manika, Robot, Kotse-kotsehan
at Kahon.

“Uy, marami na pala kayo dito, salamat naman at hindi na ako mag-iisa,” wika ng kadarating na kulay
rosas na laruan.

“Apat pa lang naman kaming nagkukuwentuhan, ikaw ba, pwede ka bang kahuntahan?” sambit ni
Kahon.

“Aba’y oo naman, ganito ang aking karanasan. Ako’y isang laruang nagsilbing kaibigan. Isang
dalagita ang sa akin ay bumili at mga sikreto niya’y sa akin lang sinasabi. Nakakatuwa naman at ako’y
kanyang inalagaan. Ilang taon din kaming naging magkakwentuhan, pero..” napalitan ng lungkot ang
mukha ni Laruang Oso.

“O, bakit, akala ko ba’y masaya ang iyong karanasan,” tanong ni Robot.

“Nagtataka nga ako kung bakit ako inilagay dito. Basta sabi niya sa akin, dalaga na siya. Matanda na
raw siya para sa kagaya ko, kung kaya’t ako’y kanyang pakakawalan. Bulong niya’y may makapulot sa
aking bata na ituturing din akong kaibigan.”

“Mabuti naman at hindi naman pala masama ang iyong karanasan, may dahilan naman pala ang
iyong naging kalaro,” ang sabi ni Kotse-kotsehan.

Lumipas pa ang mga araw at malapit nang mapuno ang kahong dating walang laman na naging
basurahan. Parati kasing may naglalagay ng mga kung anu-anong basura sa kanya. Iba-ibang laruan.
Iba-ibang kulay. Iba-ibang hugis. May bolang kupas at sombrero ng mangkukulam na butas. May
espadang patpat at may lumang trumpo. May laruang bus, gitara at barko. Mayroon pa ngang mga
damit ng diwata, nars at sundalo. Lahat ay may mga baong kwento.

Ang huling nagdagdag ng basura ay ang lolong naglagay sa kahon sa isang sulok ng tindahan. Ang
kanyang inilagay ay mga bareta ng luwad.

“Uy, may mga kakaibang bagay na nadagdag sa basurahan,” ang bungad ni Manika.

“Kami ay mga basurang laruan, pero kayo ba ay ano?” tanong ni Robot.

“Sabon ba kayong ayaw bumula?” tanong ni Kotse-kotsehan.

“Baka naman kending hindi mabili,” wika ni Robot.

“O kaya tsokolateng luma na at inaamag,” hula naman ng ibang mga laruan.

“Mga kaibigan, kami ng aking mga kasamahan ay maituturing ding laruan,” sagot ni Puting Luwad.
“Ang tawag sa amin ay Luwad.”

“Luwad, anong luwad?” nagtataka na din si Kahon.

“Mga simple lang kami kung tutuusin. Isang bulag na bata ang sa amin ay nagmay-ari. Nabulag daw
sa paglalaro ng mga walis-tingting. Ang batang bulag ay naging malulungkutin at nawalan ng tiwala
sa sarili,” simulang kwento naman ng Berdeng Luwad.

“Mabuti na lang at iniregalo kami sa kanya ng kanyang lolo. At ang dalawa’y parati na ngang
nagsama sa paghulma sa amin ng kung anu-anong hugis. Pati nga kami’y namamangha sa kanilang
ginagawa,” nakangiting salaysay naman ni Kahel na Luwad.

“Kami marahil ang naging paraan upang mabuksan ang angking kakayahan ng batang bulag. Dahil
nawalan ng paningin, pinagana niya ang kanyang malawak na imahinasyon. Nakabuo siya ng iba-
ibang hugis at iba-ibang bagay base sa kanyang nahahawakan. Naging mahusay na mahusay siya at
noon lang nanumbalik ang tiwala niya sa sarili. Alam ninyo bang isa na siya ngayong mahusay na
alagad ng sining?” pagmamalaki naman ni Lilang Luwad.

“Sining? Ano naman ang sining? Laruan din ba iyun?” tanong ulit ni Kahon.

“Ang Sining ay tumutukoy sa anumang kasanayan kung saan ipinapakita ng isang tao ang
kagandahan sa kanyang paligid base sa kanyang nararamdam, nakikita, naririnig, naaamoy, at
nararanasan. Alam ninyo bang ang batang bulag ngayon ay isa ng tanyag na iskultor at makata?”
nakangiting sabi ni Abong Luwad.

“Nakakabilib naman. Sana ay may makapulot sa atin na mga batang malilibang at matututo sa atin.”
Iyun na lang ang nasambit ng mga lumang laruan sa loob ng kahon.

Nasa gayon silang pagkukuwentuhan nang tuluyang isinara ng lolo ang kayumangging kahon.
Natakot ang mga laruan dahil alam nilang sa Bundok ng Basura ang kanilang pupuntahan. Sabay-
sabay silang nagdasal.

“Sana ay mapulot kami ng mga batang hangad ay kasiyahan at paglilibang. Mga batang matututo sa
amin ng pagkakaibigan at pagbibigayan. Mga batang ngingiti at matutuwa kapag kami ay
nahawakan. At nawa’y magmulat sa kanilang imahinasyon upang kuminang ang kanilang mga
talento. Mga batang mag-aalaga, mag-iingat, magpapahalaga at magmamahal sa aming mga laruan
at ituturing kaming mahalagang parte ng kanilang kabataan.”
Mahaba ang nilakbay ng kahon. Ang mga lumang laruan naman ay mistulang mga batang naglalaro
sa loob nito. Nag-umpugan. Tumambling. Nagbungguan. Nagpabalentong. Napataas. Napababa.
Pabalikwas-balikwas. Bumabali-baligtad. Nawala sa isip nila ang pag-aalala sa pupuntahang Bundok
ng Basura.

Hanggang ang kahon ay nakarating sa isang trak ng puno rin ng mga kahong kagaya niya. At ngayon
lang niya nabasa ang nakasulat.

“Kahon ng Kasiyahan, Panahon ng Pagbibigayan. Laruan Para sa Bahay-Ampunan.”

At muling napangiti si Kahon. At sa isip niya’y gumuhit ang masayang larawan ng mga batang sabik
sa laruan at mga laruang sabik sa pagmamahal ng mga kabataan.

Comments:

 sana mabasa din ito ng mga bata o kaya ikwento ito ng mga magulang mga nakakatanda sa
mga bata gaya ng aking ginawa dahil ito ay mag tuturo sa lahat kung pano ang pag
papahalaga sa mga bagay. na minsan na nating kinalimutan sa ating katandaan.
 napakagandang kwento..dahil dito,matututunan ng mga bata na pahalagahan ang mga
laruan nila at pagdating ng panahon,matututong ipamahagi ang kanilang biyaya upang
makapagpasaya ng iba sa simpleng bagay na kanilang ginagawa.

Source:

https://lipadlaya.wordpress.com/2011/10/05/ang-kahon-at-ang-mga-kwento-ng-mga-lumang-
laruan/

p.s. I LOVE YOU SO MUCH BABYGIRL! Tarunga imong monologue ha :* I know kaya nimo ni. Believe
in yourself! Bring out the best in you. GOD BLESS! <3

You might also like