You are on page 1of 2

Ang Regalo

ni Valdwin Jay Daphin

Inalog ko ang baryang matagal nang nakaimbak sa bulsa ng aking kupas nang
pantalon habang nakadikit ang aking mukha sa salamin sa labas ng tindahan ng mga
laruan. Sumimangot ang aking mukha nang makita ang nakatayong karatula ng presyo.
Inalog ko ulit ang aking bulsa, kinapa ang kakaunting barya sa isang araw kong
pagtitinda at paglalako ng dyaryo at sampagita malapit sa simbahan. Nakabenta ako ng
marami ngayong araw na ito. Subalit ang hilaw na tunog ng baryang inalog ko ay hindi
ata kakasya sa singkwenta pesos na nakasulat sa karatula ng mga laruang kanina ko
pa minamasdan.

Idiniin ko nang maigi ang nakadikit kong mukha sa salamin upang makita nang
maayos ang mga makukulay na laruan. Siguradong matutuwa si Jun-Jun sa
matitingkad na pula, berde, asul at dilaw na kulay sa laruang sasakyan at baril-barilan.
Huminga ako ng malalim. Kasabay ng aking pagbubuntong-hininga ay ang paglapit sa
akin ng isang seylsleydi at nag-akmang paaalisin ako. Binitawan ko ang barya sa aking
bulsa, inilayo ang mukha sa papalapit na babae mula sa tindahan, at humakbang ng
ilang apak papalayo. Iniwan ko ang pagbabaka-sakali ng aking isipan.

“Sa susunod na lang siguro,” bulong ko sa sarili. “Balang araw, mabibili rin kita.”

Humakbang na ako palayo sa tindahan. Kitang kita ko pa rin ang karatula ng


presyo . Sa di kalayuan, nakita ko ang isang tumatakbong lalaking nakaitim at may takip
sa mukha na papunta sa akin. Mabilis akong umilag ngunit huli na nang mabangga niya
ako at tumilapon kami sa daan. Nabitawan niya ang binibitbit na maitim na bag dahil sa
pagmamadali niya.

Tumayo akong masakit ang kaliwang paa. Paika-ikang tumayo at nang


makatayo’y pinagpag ang sariling kupas na pantalon. Sa sandaling iyon, nakita ko ang
isang pulis at isang matabang babae patungo sa aking kinaroroonan.

“Bata, may nakita ka bang isang lalaking may dalang bag at tumatakbo patungo
rito?” Tanong sa akin ng pulis.

“Opo,” ang maigsi kong sagot. “Lumiko po siya rito.” Sabay turo sa eskinitang
pinagtakbuhan ng lalaki. “Naiwan niya itong bag dahil nagkabanggaan kami kanina.”
Inabot ko ang bag sa pulis.

Pagkakita sa bag ay agad akong niyakap ng matabang ale. Tinungo naman ng


pulis ang itinuro kong daan.

“Isa kang anghel!” Tuwang-tuwang sabi ng ale habang hawak-hawak ang bag.
“Ano ba ang pangalan mo?” tanong sa akin ng ale.
“Valdwin po,” ang magalang kong sagot.

“Heto ang pagpapasalamat ko sa iyo. Kung hindi dahil sa iyo hinding-hindi ko


makukuha ulit ang bag ko.” Iniabot ng ale ang perang papel sa akin. Nanlaki ang aking
mata nang abutin ko ang singkwenta pesos galing sa ale.

“Tanggapin mo ang pagpapasalamat ko,” sabi ng ale habang ginugulo ang aking
buhok.

“Sa-salamat po,” ang tuwang tuwa kong sagot.

Bumalik ako sa tindahan. Inayos ko ang buhok ko’t ipinagpag ang pantalon. Sa
isang saglit ay bitbit ko na ang laruang sasakyan na may iba’t ibang kulay. May ngiti
ang aking labi. Nagmamadali na akong umuwi.

“Saan ka nanggaling, anak?” Ang salubong na tanong sa akin ni Inay


pagkarating ko sa bahay. “Nag istambay ka na naman ba roon sa tindahan ni Aling
Betty?”

“Opo, madali po kasing naubos ang mga paninda ko,” sagot ko kay Inay habang
tinutungo ang aking kuwarto kung saan mahimbing na natutulog si Jun-Jun.

Maayos kong inilapag ang laruang sasakyan sa lamesa katabi ng kamang


kaniyang tinutulugan. “Maligayang ikaapat na kaarawan, mahal kong kapatid,” bulong
ko sa kaniya sabay halik sa kaniyang noo.

“Halika na rito anak at maghapunan ka na,” sabi ni Inay.

“Opo, Inay,” sagot ko. “Maligayang kaarawan ulit.” May ngiti ang aking mga labi.

You might also like