You are on page 1of 11

1

Aralin Filipino 10-Q1-W6


Pag-uugnay ng Binasa sa Tunay na Buhay
6 Ang Panghalip Bilang Panuring

Mga Inaasahan

Sa araling ito, babasahin mo ang isang maikling kuwento mula sa Pransiya.


Aalamin mo ang mga katangian ng isang maikling kuwento bilang sinaunang anyo ng
panitikan. Pag-aaralan mo rin ang panghalip bilang panuring.
Inaasahan na sa pagtatapos ng aralin ay malilinang sa iyo ang sumusunod na
kasanayan:
1. Naipaliliwanag ang ilang pangyayaring napakinggan na may kaugnayan sa
kasalukuyang mga pangyayari sa daigdig; (F10PN-If-g-66)
2. Nakapagbibigay ng mga halimbawang pangyayari sa tunay na buhay kaugnay
ng binasa; (F10PB-If-g-67)
3. Nabibigyang-kahulugan ang mahihirap na salita o ekpresyong ginamit sa akda
batay sa konteksto ng pangungusap; (F10-If-g-66)
4. Nagagamit ang angkop na mga panghalip bilang panuring sa mga tauhan.
(F10WG-If-g-61)

Bago mo simulan ang aralin, sagutin mo muna ang unang pagsubok.

Paunang Pagsubok

Basahin ang bahagi ng maikling kuwento, pagkatapos ay sagutin ang mga


tanong.
Ang Ama
Salin ni Mauro R. Avena
Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng mga bata ang
kanilang ama. Ang takot ay sa alaala ng isang laging suntok sa bibig na nagpatulo ng
dugo at nagpamaga ng ilang araw sa labi. Ang pananabik ay sa pagkain na paminsan
minsa’y iniuuwi ng ama-malaking supot ng mainit na pansit na igigisa sa itlog at
gulay.Ang totoo,para sa sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng ama,lamang ay
napakarami nito upang maubos niya nang mag-isa;pagkatapos ay magkakagulo ang
mga bata na kangina pa aaligid-aligid sa mesa .Kundi sa pakikialam ng ina na
mabigyan ng kaniyang parte ang lahat-kahit itoý sansubo lang ng masarap na pagkain
sa mga pinakamatanda at malakas na bata lamang mapupunta ang lahat at ni katiting
ay walang maiiwan sa maliliit.
Anim lahat ang mga bata.Ang dalawang pinakamatanda ay isang lalaki,dose
anyos,at isang babae ,onse matatapang ang mga ito kahit na payat ,at nagagawang sila
lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala ang ina upang tiyaking may parte
rin ang maliit .May dalawang lalaki ,kambal,na nuwebe anyos,isang maliit na babae ,

Modyul sa Filipino 10
Unang Markahan: Ikaanim na Linggo
2

otso anyos,at isang dos anyos na paslit pa,katulad ng iba, ay maingay na naghahangad
ng marapat niyang parte sa mga pinag-aagawan.
Kapag umuuwi ang ama na mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa dati,may
pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila’y si Mui Mui, otso anyos at
sakitin ay pahalinghing na parang kuting, ay madalas kainisan ng ama. Uhugin,
pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib sa galis na nagkalat sa kaniyang mga
binti, na nag-iwan ng mapulang-pulang mga paste, gayong paulit -ulit siyang
pinagbabawalan ng ina. Pero nakakainis talaga ang kanyang halinghing. Mahaba at
matinis, iyon ay tumatagal ng ilang oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang
sulok ng bahay.
Noong gabi umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla dahil nasisante
sa kaniyang trabaho na lagarian, Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahabang halinghing
at di mapatahan ng dalawang pinakamatandang bata. Walang ano-ano ,ang kamao ng
kanyang ama ay bumagsak sa nakangusong bata na tumalsik sa kabila ng kuwarto
kung saan nanatiling walang kagalaw-galaw. Pero pagkaraan ng dalawang araw ay
namatay si Mui Mui at ang ina lamang ang umiyak habang ang bangkay ay
inihahandang ilibing.

1. Sa malalakas na bata lamang mapupunta ang lahat at ni katiting ay walang maiiwan


sa maliliit. Ano ang ibig sabihin ng may salungguhit na salita?
A. kaunti B. marami C. isang pinggan D. isang supot

2. Ano ang nararamdaman ng mga bata kapag hinihintay nila ang kanilang ama?
A. masaya C. malungkot
B. natatakot at pananabik D. nanghihinayang
3. Bakit namatay si Mui Mui?
A. dahil sa kaniyang ama C. dahl nagkasakit siya
B. dahil naaksidente siya D. dahil sa gutom
4. Ano ang nais bigyan ng pansin ng may-akda na nangyayari rin sa tunay na buhay?
A. kahirapan ng pamilya C. laganap na karamdaman
B. kalupitan ng ama D. mataas na populasyon
5. Namatay si Mui Mui. Marami sa ______ pagyao ang nakidalamhati.
Ano panghalip ang angkop na gamitin sa patlang?
A. sila B. kaniyang C. siya D. niya

Bago tayo magpatuloy, sagutan mo muna ang pagsasanay bilang balik-aral sa


nakaraang aralin.

Balik -tanaw
-
Tukuyin kung tama o mali ang mga pangungusap.
________ 1. Isang tulang pasalaysay ang epiko
________ 2. Nagsasaad ng kabayanihan ng pangunahing tauhan ang epiko.
________ 3. Ang paksa ng epiko ay mga kabayanihan ng tauhan sa kaniyang paglalakbay
at pakikidigma.
________ 4. Ang bansang Pilipinas ay mayaman sa panitikan gaya ng epiko.
________ 5. Pagkatapos masaksihan ang pangyayari labis na nalungkot ang kanyang
ina. Ang hudyat na salita na ginamit sa pagkakasunod-sunod ay pagkatapos.

Modyul sa Filipino 10
Unang Markahan: Ikaanim na Linggo
3

Pagpapakilala ng Aralin

Sa araling ito, pag-aaralan mo ang tungkol sa maikling kuwento bilang isang


anyo ng panitikan.

Ang maikling kuwento ay isang salaysay hinggil sa isang mahalagang


pangyayaring kinasasangkutan ng isa o ilang tauhan at may isang kakintalan o o
impresyon lamang. Isa itong masining na anyo ng panitikan. Tulad ng nobela at dula,
isa rin itong paggagad ng realidad, o paglalahad ng isang madulang pangyayaring
naganap sa buhay ng pangunahing tauhan. Si Deograsias A. Rosario ang itinuturing
na “Ama ng Maikling Kuwento”.
Ang maikling kuwento ay isa sa anyo ng panitikan na naglalaman ng isang
maikling kwentong may mahalagang pangyayari. Sa kabila ng pagiging maiksi nito ay
maaring taglayin nito ang lahat ng elemento ng maikling kuwento. Kadalasan, ito ay
kapupulutan ng magandang aral at nag-iiwan ng panibagong karunungan sa isip ng
mga bata.
Ang kuwento ng tauhan ay isang uri ng kuwentong ang higit na binibigyang
halaga o diin ay kilos o galaw, ang pagsasalita at pangungusap at kaisipan ng isang
tauhan. Naglalarawan ito ng kakintalan sa inilalarawan o pinapaksa. Kumakatawan
siya sa kabuuan ng kuwento sa pamamagitan na ideya o ng mga kabuluhan sa
kuwento. Nangingibabaw rito ang isa na masusing pag-aaral at paglalarawan sa tunay
na pagkatao ng tauhan sa katha.
Maraming paraan ang ginagamit ng may-akda sa paglalarawan ng buong
pagkatao ng tauhan. Nasasalig ito sa kaniyang panloob na anyo -ang isipan, mithiin,
damdamin at gayon din sa kaniyang panlabas na anyo, pagkilos at pananalita.
Nakatutulong din sa pagpapalitan ng katauhan ang mga pag-uusap ng ibang tauhan
sa kuwento tungkol sa kaniya. Ngunit sa pamamagitan na rin ng tauhan nagkakaroon
ng pinakamabisang paglalarawan ng katauhan at maipakita ito sa kaniyang reaksiyon
o saloobin sa isang tiyak na pangyayari.

Basahin at unawain mong mabuti ang bahagi ng maikling kuwento mula


sa bansang Pransiya.
Ang Kuwintas
ni Guy de Maupassant
Dumating ang araw ng sayawan. Nagtamo ng malaking tagumpay si Madame
Mathilde Loisel. Nahigitan niya ang lahat ng mga babae sa ganda, sa rangya, at sa
pagiging kahali-halina kaya palagi siyang nakangiti dahil sa nag-uumapaw sa puso ang
kaligayahan. Napako sa kaniya ang paningin ng kalalakihan at gumawa sila ng paraan
upang makilala si Mathilde. Ninais siyang makasayaw ng lahat ng kagawad ng gabinete.
Nag-ukol sa kaniya ng pansin pati ang ministro.
Buong pagkahaling siyang nakipagsayaw, lasing na lasing sa kaluwalhatian ng
tagumpay na tinamo sa pamumukod ng kaniyang kagandahan. Tila siya lumulutang sa
ulap dahil sa paghanga ng lahat sa kaniya na napakatamis at walang katumbas sa puso
ng isang babaing katulad niya.
Mag-iikaapat na ng madaling araw nang silang mag-asawa ay umuwi. Hatinggabi
pa lamang, ang asawa niya kasama ng tatlong lalaking ang mga asawa’y nagpapakalunod
din sa kaligayahan ay nakatulog na sa isang maliit na tanggapan.

Modyul sa Filipino 10
Unang Markahan: Ikaanim na Linggo
4

Ibinalabal ng asawa sa balikat ni Mathilde ang isang abang pangginaw na


ginagamit ng mga karaniwang tao, isang pangginaw na nakapupusyaw sa karangyaan
ng pananamit ni Matilde. Dinamdam niya ang pagkakaroon ng abang pangginaw at
ninais niyang makatalilis agad upang hindi siya maging kapansin-pansin sa ibang
babaing dumalo na nagsisipagsuot ng mamahalin nilang balabal.
Pinigil siya ng lalaki na hintayin siya baka sipunin siya sa labas. Tatawag ako ng
sasakyan.” Ngunit hindi niya pinansin ang asawa at nagdudumali siyang nanaog sa
hagdanan. Wala silang makita na sasakyan sa lansangan. Tinahak nila ang daang
patungo sa pampang ng ilog Seine.
Kapwa sila kumikinig sa ginaw at pinanawan na ng pag-asang makakita pa ng
kanilang masasakyan. Sa wakas ay nakatagpo sila sa daungan ng isa sa matatandang
dokar na dahil sa ikinahihiya ang karalitaan sa liwanag ng araw ay sa pagkagat ng dilim
lamang nakikita sa mga lansangan ng Paris.
Pagkahatid sa kanila ng matandang dokar sa kanilang tinitirhan ay malungkot
silang umakyat sa hagdanan sapagkat tapos na ang maliligayang sandali kay Mathilde.
Si G. Loisel naman ay wala siyang iniisip kundi kailangan niyang makapasok sa
Kagawaran sa ganap na ika-10:00 ng umaga.
Hinubad ng babae sa harap ng salamin ang kaniyang balabal upang minsan pang
malasin ang kaniyang kagandahan. Napasigaw siya nang malakas. Wala sa kaniyang
leeg ang kuwintas! Nag-usisa ang asawang noon ay nangangalahati na sa pagbibihis.
“Anong nangyari sa iyo? Bakit?” Parang baliw niyang binalingan ang asawa. “Wala ang
kuwintas ni Madame Forestier.” Ang nabiglang lalaki’y napalundag halos sa pagtayo.
“Ano! Paanong nangyari? Imposible!”
Hinanap ng mag-asawa ang kuwintas sa kung saan-saan, sa mga lupi ng damit
ni Mathilde, sa mga lupi ng kaniyang pangginaw, sa mga bulsa at sa iba pang lugar.
Hindi nila natagpuan ang kuwintas. “Natitiyak mo bang nakasuot sa iyo nang
umalis tayo sa sayawan?” ang tanong ng lalaki. “Oo, natitiyak ko, nahipo ko pa nang
nasa pasilyo ako ng palasyo,” ang tugon ni Mathilde. “Kung iyon naman ay sa daan
nawala ay di narinig sana natin ang lagapak. May palagay akong nawala sa dokar.”
Nagtanungan silang mag-asawa kung nakuha nila kapwa ang numero ng dokar
subalit ni isa sa kanila ay hindi nakuha
Balisang nagkatinginan ang mag-asawa. Muling nagbihis si M. Loisel.
“Pagbabalikan kong lahat ng pinagdaanan natin. Baka sakaling makita ko.”
Nanaog na ang lalaki. Ang babae ay naghintay sa isang silya, hindi na niya inalis ang
damit na ginamit sa sayawan. Tila nawalan siya ng lakas, kahit magtungo sa kama upang
matulog. Labis ang kaniyang panlulumo, nawalan siya ng sigla at nawalan ng
kakayahang mag-isip ng anoman.
Mag iika-7:00 na ng umaga nang bumalik ang lalaki. Nanlulupaypay siya at
ibinalita sa asawa na hindi niya nakita ang kuwintas. Sa harap ng gayong nakagigimbal
na pangyayari, si Mathilde ay maghapong naghihintay na sapupo ng di-matingkalang
pangamba.
Bumalik kinagabihan ang lalaki, pagod na pagod, namumutla at nanlalalim ang
mga mata; hindi niya natagpuan ang kuwintas. Pinayuhan ng lalaki ang asawa na
sumulat sa kaibigan nito at sabihing nabali ang sarahan ng kuwintas at kasalukuyan
pang ipinapagawa upang magkapanahon silang makapag-isip-isip. Ginawa naman ng
babae ang payo ng asawa.
Pagkalipas ng isang linggo ay nawalan na sila ng pag-asa na sa kaunting panahon
ay tumanda si M. Loisel ng limang taon kaya pahayag ang lalaki sa asawa na kailangang
isipin nila kung paano mapapalitan ang nawalang kuwintas. Kinabukasan, ang mag-
asawa’y nagtungo sa tanggapan ng alaherong nakasulat ang pangalan at direksyon sa
loob ng kahon ng kuwintas. Hinanap ng alahero sa kaniyang talaan ang sinasabing
kuwintas.

Modyul sa Filipino 10
Unang Markahan: Ikaanim na Linggo
5

“Hindi ako ang nagbili ng kuwintas na ipinagtatanong ninyo, wala pong nanggaling
sa akin kundi ang sisidlan lamang,” ang wika ng alahero kay Madame Loisel. Pinuntahan
ng mag-asawa ang lahat ng mga maghihiyas upang makakita ng katulad ng nawala na
ang anyo ay buong pagsisikap na inalala samantalang kapwa sila nanlulupaypay sa
pagkabigo at paghihirap ng kalooban.
Nakatagpo sila sa isang tindahan sa Palais Royal ng isang tuhog ng diyamanteng
sa palagay nila ay katulad ng kanilang pinaghahanap na kuwintas. Nagkakahalaga ito
ng apatnapung libong prangko, ngunit ibibigay na sa kanila sa halagang tatlumpu’t anim
na libo. Pinakiusapan ng mag-asawa ang may-ari ng tindahan na huwag munang ipagbili
ang kuwintas sa loob ng tatlong araw. Pinakiusapan din nila ang may-ari ng tindahan
na kung sakaling bago magtapos ng buwan ng Pebrero ay makita nila ang nawawalang
kuwintas, matapos nilang bayaran ang bagong kuwintas ay bibilhin itong muli ng may-
ari ng tindahan sa halagang tatlumpu’t apat na libong prangko.
May namanang labingwalong libong prangko si M. Loisel sa namatay na ama.
Hiniram niya ang kapupunan nito. Gayon din ang ginawa ng lalaki. Kung kani-kanino
siya nanghiram, lumagda sa mga kasulatan, pinasok kahit na ang mga gipit na
kasunduan, kumuha ng mga patubuan at pumatol sa lahat ng uri ng manghuhuthot.
Inilagay niya ang buong buhay niya sa alanganing katayuan, nakipagsapalaran
sa paglagda sa gayong hindi niya natitiyak kung matutupad o hindi ang nilagdaan at
ngayo’y nanggigipuspos siya dahil sa mga hirap na maaari pa niyang sapitin, ng
nakaambang pagdurusa ng pangitain ng bukas na puspos ng pagsasalat at paghihirap
ng kalooban. Nang matipon nang lahat ang halagang kinakailangan ay tinungo ni M.
Loisel ang tindahan ng kuwintas at ibinagsak sa mesang bilangan ng may-ari ng
tindahan ng mga hiyas ang tatlumpu’t anim na libong prangko.
Malamig ang pagtanggap ni Madame Forestier kay Mathilde nang isauli niya ang
kuwintas. Nagsalita ito sa tuyot na tinig ng “Isinauli mo sana agad ang kuwintas, baka
sakaling kinailangan ko ito.” Hindi na binuksan ng kaibigan ang kahon ng kuwintas.
Naisip ni Mathilde na kung sakaling nahalata ng kaibigan ang pagkakapalit ng kuwintas,
ano kaya ang aakalain at sasabihin nito sa kaniya? Hindi kaya iisiping siya’y
magnanakaw?
Ngayo’y lubos na naunawaan ni Mathilde ang mamuhay sa gitna ng tunay na
karalitaan. Nabigla man siya sa bagong papel na kailangan niyang gampanan ay
tinanggap niya iyon at buong tatag na ginampanan. Dapat mabayaran ang napakalaki
nilang pagkakautang. Pinaalis nila ang kanilang utusan, lumipat ng ibang tirahan,
nagtiis sila sa pangungupahan sa isang maliit na silid sa kaituktukan ng isang
bahaypaupahan.
Naranasan ni Mathilde ang mabibigat na gawain; ang nakayayamot na
pangangasiwa sa kusina, paghuhugas ng mga pingggan, paglilinis ng mga kaldero at
kawaling mamantika, paglalaba ng mga damit, mantel, serbilyeta at pamunas.
Ipinapanaog niya sa lansangan ang kanilang kakaning baboy sa tuwing umaga at
nagpapanhik siya ng tubig na gamit nila sa itaas. Suot niya ang pananamit ng
pangkaraniwang babae, siya’y nagtutungo sa tindahan ng prutas, de lata, at sa
magkakarne. Nakasabit sa isang braso ang pangnan, nakikipagtawaran siya, nilalait at
ipinakikipaglaban ang kakarampot niyang pamalengke. May pagkakautang silang
binabayaran nang buwanan, may pinagkakautangan silang pinakikiusapan, humihingi
ng kaunti pang panahon sa pagbabayad.
Pagsapit ng gabi, habang maaga pa’y inaayos na ni M. Loisel ang talaang tuusan
ng sinumang mangangalakal na nangangailangan ng gayong paglilingkod at sa kalaliman
ng gabi sa halagang limang sentimos isang pahina na ginagawa naman niya ang mga
salin ng mga katha.

Modyul sa Filipino 10
Unang Markahan: Ikaanim na Linggo
6

Tumagal ng sampung taon ang ganito nilang pamumuhay na mag-asawa. Sa


wakas ay nabayaran din nila ang buong pagkakautang, kasama na ang mga tubo at
nagkapatong-patong na tubo ng mga tubo.
Mukhang matanda na ngayon si Madame Loisel. Isa na siyang tunay na babae ng
mga maralitang tahanan – matipuno ang katawan, matigas ang mga laman at magaspang
ang mga kamay na namumula. Nakasabog ang kaniyang buhok at patabingi ang
kaniyang saya. Matinis ang kaniyang tinig. Naglalamira ang sahig kung siya’y mag-isis.
Paminsan-minsan, kung nakaalis na ang asawa patungong opisina, si Madame Loisel ay
nauupo sa tabi ng bintana. Pinagbabalikan niya sa gunita ang napakasayang gabing iyon
na malaon nang nakalipas. Ang kaniyang kagandahang naging tampok sa sayawan at
naging dahilan upang siya’y maging tampulan ng paghanga.
Ano ang maaaring nangyari kung hindi nawala ang kuwintas? Sino ang
nakaaalam? Tunay na ang buhay ay kakatwa at mahiwaga! Sukat ang isang maliit na
bagay upang tayo’y mapahamak at mapabuti!
Isang araw ng Linggo, samantalang si Mathilde ay naglalakad sa Champs Elysees,
nagliliwaliw naman siya pagkatapos ng isang linggong singkad ng mga gawain sa bahay
ay namataan niya ang isang babaing may akay-akay na bata. Ang babae’y si Madame
Forestier, bata pa rin ang anyo, maganda pa ring katulad ng dati at taglay pa rin ang
panghalina.
Nakangiti niyang sinalubong ang kaibigan at binati. “Magandang araw sa iyo,
Jeanne.” Labis na nagtaka si Madame Forestier. Hindi siya nakilala nito at pinagtakhan
ang palagay sa loob na pagbati sa kaniya ng isang maralitang babae.
Pauntol-untol na wika nito, “Ngunit ginang, hindi ko kayo nakikilala. Marahil ay
nagkakamali kayo.”
“Hindi! Ako’y si Mathilde Loisel.”
Napabulalas ang kaibigan. “O, kaawa-awa kong Matilde! Kay laki ng ipinagbago
mo!”
“Oo nga, mahabang panahon ang ipinagtiis ko ng hirap mula nang huli nating
pagkikita, at labis na kalungkutan ang dinanas ko… at ikaw ang dahilan ng lahat.
Napamulagat si Madame Forestier, “Dahil sa akin! Paano nangyari iyon?”
Sinabi ni Mathilde na kung naalala pa niya ang ipinahiram na kuwintas na isinuot
niya sa sayawan ng kagawaran, ang kuwintas na may diyamante. Sinabi ni Mathilde na
nawala niya ito.
“Isinauli ko sa iyo ang isang kuwintas na katulad na katulad ng hiniram ko sa iyo.
Sampung taon kaming nagbayad ng mga utang. Alam mo namang hindi madali sa
katulad naming mahirap ang gayong bagay. Ngunit nakalipas na ang lahat ng iyon at
ngayon ay galak na galak na ako.”
Natigilan si Madame Forestier.
“Sabi mo’y bumili ka ng kuwintas na diyamante na ipinalit mo sa hiniram mo sa
akin na naiwala mo?”
“Oo, samakatuwid ay hindi mo pala napansin. Talagang kamukhang-kamukha
iyon ng hiniram ko sa iyo.”
Ngumiti si Matilde nang may pagmamalaki, isang ngiting puspos ng kawalang-
malay katulad ng ngiti ng isang paslit. Nabagbag nang gayon na lamang ang kalooban
ng kaibigan.
“O, kahabag-habag kong Mathilde! Ang ipinahiram kong kuwintas sa iyo ay
imitasyon lamang, puwit lamang ng baso. Ang pinakamataas na maihahalaga roon
marahil ay limang daang prangko.

Matapos mong maunawaan ang tungkol sa maikling kuwento. Tatalakayin din


natin ang mga panghalip na panuring. Inaasahan na magagamit mo ito sa pagsasagawa
ng panghuling gawain.

Modyul sa Filipino 10
Unang Markahan: Ikaanim na Linggo
7

B. Panghalip na Panuring

Ang panghalip ay salitang ginagamit sa panghalili sa pangngalan ng tao, bagay


lunan o pangyayari. Ito ay ginagamit upang maiwasan ang paulit-ulit na pagbanggit ng
mga salita.

Ang mga panandang ginagamit bilang panuring sa tao: sila, siya, tayo, kanila, at
kaniya. Mga halimbawa:
1. Hindi nakapagtataka na maraming iniisip ang Pangulong Rodrigo Duterte sa
kinakaharap ng problema ng Pilipinas. Siya ay naghahanap ng paraan upang
matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng Pilipino.
2. Karamihan sa Overseas FilipinoWorkers ( OFW ) ay pinauwi sa Pilipinas. Sila
ay sumailalim ng ilang araw na testing at Quarantine ng ilang araw upang masiguro na
negatibo sila sa Covid-19.
Ang mga panghalip na siya sa halimbawa 1 at sila sa halimbawa 2. Ang mga
panghalip na ito ay ginamit bilang panuring sa mga ngalan ng tao. Ang mga ito ay mga
panghalip na ginamit bilang panuring sa tauhan.

Inaasahan ko na naunawaan mo ang ating mga tinalakay. Kung may bahaging


hindi mo lubos na naunawaan ay huwag kang mag-atubiling magtanong sa iyong guro.

Mga Gawain
Gawain 1 Pagpapalawak ng Talasalitaan
Ibigay ang kahulugan ng mahihirap na salita batay sa konteksto.
___________1. Kahabag-habag ang mga nangyari sa mga Senior Citizen sa panahon ng
pandemic.
___________2. Marami ang humanga kay Maria dahil sa kaniyang taglay na alindog.
___________3. Hindi maalis -alis sa kaniyang balintataw ang sunod-sunod na hindi
magandang pangyayari sa kanyang buhay.
___________4. Labis na kalumbayan ang kanyang naramdaman nang magkasunod na
pumanaw ang kanyang pinakamamahal na ina at panganay na kapatid.
___________5. Nagulumihanan siya kung ano ang gagawin dahil siya ay nabigla.

Gawain 2 Pagsagot sa mga Tanong


Sagutin ang mga tanong. Ilagay ito sa hiwalay na papel.
1. Isalaysay ang buod ng mga pangyayari sa kuwentong batay sa dayagram.

Tauhan Tagpuan
Ang
Kuwintas

Suliranin Wakas

2. Ano ang ginawa ni G. Loisel upang mapapayag ang asawa na dumalo sa kasayahang
idaraos ng kagawaran?
3. Kung ikaw si G. Loisel gagawin mo rin ba ang kaniyang ginawa para sa kaniyang asawa?

Modyul sa Filipino 10
Unang Markahan: Ikaanim na Linggo
8

4. Isa-isahin ang mga nais na mangyari ni Mathilde sa kaniyang buhay? Natupad ba ang
mga ito?
5. Isa-isahin ang nagbago sa kanilang buhay mula ng mawala ang kuwintas?
6. Ilahad ang kultura at tradisyong ipinakikita ng may-akda.
Rubrik sa Pagwawasto: Mga Bibigyan ka ng sumusunod na puntos:
katangian ng sagot :
✔ Kumpleto ang ibinigay na sagot. 5 – taglay ang 3 pamantayan
✔ Mahusay ang pagpapaliwanag 3 – dalawang pamantayan lamang
✔ Maayos ang pagbuo ng pangungusap 1 – isang pamantayan lamang

Gawain 3 Pagsasanay Panggramatika


Basahin ang bawat pangungusap. Punan ng angkop na panghalip panuring ang
patlang.
1. Maraming Pilipino ang nawalan pansamantala ng trabaho dahil _____ ay apektado
ng Covid-19.
2. Masayang dumalo si Mathilde sa kasiyahan. ___ ay naghanda sa okasyon dahil
matagal na niyang pangarap.
3. Sa kasalukyan, maraming estudyante ang apektado ng New Normal. ____ ay
inihahanda sa ganitong pagbabago.
4. Ang mga nakatira malapit sa dagat ay naalarma sa balita. ____ ay nagplano ng
mga gagawin para sa pagdating ng bagyo,
5. Maraming grupo ang sumusuporta sa bagong programa ng DepEd. ___ ay
nakahandang tumulong.

Mahusay! Naisagawa mo ang lahat ng gawaing ibinigay.

Tandaan

Matapos mong pag-aralan ang maikling kuwento at panghalip panuring narito ang
mga dapat mong tandaan:

• Ang kuwento ng tauhan ay isang uri ng kuwentong ang higit na binibigyang halaga
o diin ay kilos o galaw, ang pagsasalita at pangungusap at kaisipan ng isang
tauhan. Naglalarawan ito ng kakintalan sa inilalarawan o pinapaksa.
• Ang maikling kuwento o maikling katha ay nililikha nang masining upang
mabisang maikintal sa isipa’t damdamin ng mambabasa ang iisang pangyayari
tungkol sa buhay ng tauhan o ng lugar na pinangyarihan ng mahahalagang
pangyayari. Taglay nito ang pagkakaroon ng (1) iisang kakintalan;(2) may isang
pangunahing tauhang may mahalagang suliraning kailangang bigyan ng
solusyon;( 3) tumalakay sa isang madulang bahagi ng buhay;(4 )may mahalagang
tagpuan; (5 ) may kawilihan hanggang sa kasukdulan na agad susundan ng
wakas.
• Ang panghalip ay salitang ginagamit sa panghalili sa pangngalan ng tao, bagay
lunan o pangyayari. Ito ay ginagamit upang maiwasan ang paulit-ulit na
pagbanggit ng mga salita.
• Ang mga panandang maaaring gamitin bilang panuring sa tao ay sila, siya, tayo,
kanila, at kaniya.

Modyul sa Filipino 10
Unang Markahan: Ikaanim na Linggo
9

Isang gawain pa ang inilaan ko para sa iyo upang mailapat mo ang iyong
mganatutuhan.

Pag-alam sa mga Natutuhan

Ilahad ang isang pangyayari sa iyong buhay na nagpapakita ng naging katangian


ng tauhan sa maikling kuwento na ating tinalakay. Sundin ang mga sumusunod
na pamantayan. Isulat ito sa hiwalay na papel.
1. Ang paglalahad ay binubuo ng isang talata lamang.
2. Nailalahad ang tunay na pangyayari na may pagkakapareho sa karanasan ng
tauhan sa kwento.
3. Sikaping gumamit ng panghalip bilang panuring na sa mga pangngalan na
gagamitin.

Ang bawat pamantayan ay may kalakip na puntos batay sa mga sumusunod:


4- Napakahusay 3- Mahusay 2- Katamtaman 1 – dapat paunlarin

Pangwakas na Pagsusulit

Basahin ang nilalaman ng maikling kuwento at sagutin ang kasunod


na mga tanong. Piliin ang letra ng tamang sagot.

Matandang Lalaki sa Tulay


Ernest Hemingway
(Isinalin sa Filipino ni Pat V. Villafuerte)

Naghahanap ako ng tulay patungo sa mala-Afrikanong siyudad ng Ebro


Delta at kung kalian magkakaroon o makakakita ng kalaban. Kasalukuyang
nakikinig sa ingay na maaaring nanantili pa ring nakaupo ang matandang
lalaki.
“Anong uri ng hayop ang iyong inaalagaan?” tanong ko.
“Tatlong uri”, paliwanag niya. “Dalawang kambing, isang pusa, at apat
na pares ng ibon.”
“At kailangang iwan mo sila?” tanong ko.
“Oo, dahil sa labanan. Ang kapitan ang nag-utos sa akin”.
“Wala kang pamilya?” tanong ko habang nagmamasid sa dulong daan ng
tulay na may iilang sasakyan na lamang ang nagdaraan.
“Wala,” sabi niya. “Mga hayop lamang, ang pusa’y makagagawa ng
paraan para sa kaniyang sarili ngunit paano ang ibang hayop?”
“Anong politika ka?” saad niya, “Ako’y pitumpu’t anim na taong gulang
na. Mga labindalawang kilometro na ang nalalakad ko at hindi ko na kaya.”
“Hindi ito ang tamang lugar para mamahinga,” sabi ko. “Kung nais mo,
may mga sasakyang patungo sa Toutosa,”sagot ko.
“Hindi ko alam ang dakong iyon,” sabi niya. “Pero maraming-maraming
Salamat sa iyo.”

Modyul sa Filipino 10
Unang Markahan: Ikaanim na Linggo
10

Tumingin siya sa akin na tila pagod na at halatang walang


patutunguhan. Tila gustong ibahagi ang kaniyang kalungkutan.
“Ayos lang ang pusa, sigurado ako. Walang dapat ipangamba, pero ang
iba’y… ano sa palagay mo?”
“Bakit hindi?” sabi kong nakatingin sa malayo, kung saan wala nang
dumaraang sasakyan.
“Ngunit anong magagawa nila kung ako’y malayo sa kanila.?”
“Iniwan mo bang bukas ang kanilang kulungan?”
“Oo.”
“Kung gayon makakalipad sila.”
“Oo, makakalipad sila ngunit paano ang ibang hayop? Mas mabuting
h’wag isipin ang ibang hayop.” Bulong niya.
“Kung nakapagpapahinga ka na, aalis na ako. Tumayo ka na at
subuking lumakad.”
“Salamat,” sabay tayo ngunit bigla ring umupo.
“Nag-aalaga ako ng mga hayop,” saad niya sa garalgal na tinig. “Nag-
aalaga lamang ako ng hayop.”
“Wala ng magagawa sa kaniya. Ngayo’y linggo ng pagkabuhay at ang
lahat ay abala sa pagtungo sa Ebro. Hindi sila maaaring sumakay ng eroplano
sapagkat makulimlim ang panahon. At ang katunayan ang pusa’y maaring
gumawa ng paraan sa kaniyang sarili ay isang biyaya. At mapalad ang
matandang lalaki sa pagkakaroon ng isang alagang pusa.”

1. Ako ang huling lumisan sa bayan ng San Carlos.” Ano ang ibig sabihin ng
may salungguhit na salita?
A. dumating B.umalis C. bumisita D. pumasyal
2. Saan nagbabantay ang matandang lalaki?
A.sa kanilang bahay B.sa kanilang bakuran C.sa tulay D.sa palengke
3. Ano ang damdaming namayani sa kaniyang pag-aalaga ng hayop?
A. masaya B. malungkot C. masigla D. walang buhay
4. “Tumingin siya sa akin na tila pagod na at halatang walang patutunguhan.”
Ano ang ibig ipahiwatig ng pahayag?
A.Wala nang lakas ang matanda C. Siya ay labis na nalulungkot
B. Nawawalan na siya ng pag-asa D. Ang matanda ay humihingi ng tulong
5. “Dalawang kambing, isang pusa, at apat na pares ng ibon.”
“At kailangang iwan mo sila?” tanong ko. Ang ginamit na panghalip na
panuring ay
A. dalawa B. isa C. sila D. ko

Isang gawain na lamang at matagumpay mo nang matatapos ang araling


ito.

Pagninilay

Modyul sa Filipino 10
Unang Markahan: Ikaanim na Linggo
11

Ibigay ang positibo at negatibong dulot ng pagbabalatkayo. Sikaping gumamit


ng panghalip na panuring.

Positibo Negatibo Paano maiiwasan ang


pagbabalatkayo?

Rubrik sa Pagwawasto: Bibigyan ka ng sumusunod na


Mga katangian ng sagot: puntos:
• Nagpapahayag ng sariling pananaw
5 – taglay ang 3 pamantayan
• Maayos at madaling maunawaan 3 – dalawang pamantayan lamang
• Paggamit ng Panghalip na Panuring 1 – isang pamantayan lamang

Binabati kita sa ipinakita mong pagtitiyaga at kahusayan. Kung mayroong


bahagi sa modyul na ito na hindi mo naunawaan mangyaring makipagugnayan ka
sa iyong guro sa pamamagitan ng fb messenger.

Modyul sa Filipino 10
Unang Markahan: Ikaanim na Linggo

You might also like