You are on page 1of 2

SI PYGMALION AT SI GALATEA

(Isang Mitolohiya mula sa Gresya)

Isang magaling na iskultor ng Cyprus si Pygmalion. Labis na siyang namumuhi


sa kababaihan at naniniwala siyang ang ugat ng kasalanan ay ang mga babae kaya’t
isinumpa niya sa sariling hinding-hindi siya iibig at magpapakasal kaninuman. Sapat
na sa kanya ang kanyang sining. Magkagayunpaman, ang pinagbuhusan niya ng
kanyang talino ay ang babae. Hindi niya maitatawag ang kinamumuhian ng
kanyang isip nang gayon kadali sa kanyang buhay ang hinuhubog niya at isang
perpektong babae pa upang ipakita sa ibang kalalakihan ang kakulangan ng
kanilang mga kinahuhumalingan.
Nagbuhos siya ng panahon at kahusayan sa paghubog ng estatwa, hanggang
sa makalikha siya ng hindi matatawarang obra. Napakaganda na ng kanyang gawa
ngunit hindi pa rin siya kuntento. Masinsin niya itong pinakinis, hanggang sa ito’y
maging pulido at perpekto. Nang matapos, pinagmasdan niya ang napakagandang
mukha nito. Walang babaeng maihahalintulad o anuman likhang sining ang
maihahambing dito! Nang wala nang maiayos sa perpektong estatwang ito ay may
kakaibang pangyayaring naganap na sadyang hindi maipaliwanag – umibig ang
manlilikha sa kanyang obra! Isang pag-ibig na matimyas. Labis niyang minahal ang
kanyang nilikha – malalim at masimbuyong pag-ibig. Kung mamasdan at susuriin,
tila hindi mapapansin o mapagkakamalang yari sa kahoy o mamahaling hiyas kundi
isang tunay at mahimbing na natutulog na nilalang ang kanyang obra. Isang
kamangha-maghang gawa ng mapinong binata. Ang tugatog ng pananagumpay ay
nasa kanyang sining.
Magmula noon, ang isinumpang kasarian ang nagpahirap ng kanyang
kalooban. Walang hihigit sa kawalang pag-asa ng isang umiibig sa malumbay na si
Pygmalion. Hinahagkan niya na mapang-akit na mga labi ngunit walang katugon;
hinahaplos niya ang mga kamay, at ang maamong mukha na wala naming katinag-
tinag; pinapangko niya sa kanyang bisig ngunit nananatiling malamig at walang
tugon ang kaulayaw. May panahong nagpanggap siyang batang naglalaro. Subukan
niyang bihisan ng iba’t ibang naggagandahang roba at naiisip niyang nalulugod ang
kapiling. Dinadalhan niya ng iba’t ibang regalo katulad ng paghahandog ng isang
nanunuyong binata sa dalaga, mga ibon, iba’t ibang bulaklak at nakikini-kinita niya
ang masayang mukhang tugon na may lakip na pag-ibig. Inihihiga niya ito sa
malambot na kama at kinukumutan pa upang hindi ginawin sa gabi – katulad ng
ginagawa ng isang batang babae sa kanyang manika. Ngunit hindi na siya bata,
hindi siya makakapagpanggap nang matagal. Sa huli siya’y sumuko, tunay na aba at
kahabag-habag ang kanyang anyo – iginupo ng isang pag-ibig sa isang walang
buhay.
Ang marubdob na pag-ibig na ito’y hindi nalingid sa diyosa ng pag-ibig na si
Venus. Nasaksihan niya ang kamangha-manghang pag-ibig na iyon ng natatanging
mangingibig at siya’y desididong tulungan ang binatang lipos ng pag-ibig.
Ang pista ni Venus ay nagmula sa Cyprus kung saan siya kinikilalang diyosa. Ang
mga handog na makikinis at mapuputing sungay ng usa ay nasa kanyang altar. Ang
usok ng insenso ay maaamoy mo sa saan mang dako. Sa karamihan ng mga naroon
sa kanyang templo ay makikita si Pygmalion na nananalanging tulungan siya ng
diyosa na makatagpo ng katulad ng kanyang obra ngunit talos na ng diyosa ang
nasa puso ng binata. Bilang tanda na dininig niya ang panalangin ni Pygmalion,
tatlong ulit niyang pinagningas ang apoy sa altar na mabilis bumulusok sa hangin.
Ang lahat ng ito’y nasaksihan ng binata.
Ang palatandaang iyon ang nagsilbing alaala kay Pygmalion kaya’t
nagmamadali siyang umuwi at hinanap ang nilikhang pinaghandugan ng kanyang
puso. Naroroon sa kanyang pedestal ang nakamamanghang kagandahan. Hinaplos
niya ito at ito’y tumugon. Natigilan si Pygmalion. Siya ba’y nililinlang ng kanyang
damdamin? O lubos ngang nararamdaman niya ang init ng kanyang halos? Siniil
niya ang labi ng kanyang obra nang buong pagsuyo at naramdaman niya ang
mainit na pagtugon nito. Hinawakan niya ang mga kamay, mga braso, at mga
balikat nito. Ang katigasan nito’y nawala katulad ng pagkalusaw ng kandila sa
kainitan ng araw. Ginagap niya ang braso ng kanyang nilikha, may pulso ito at
pumipintig! Naisip niya kaagad si Venus. Ginawa lahat ito ng diyosa ng pag-ibig!
Hindi kayang mamutawi sa kanyang mga labi ang labis na pasasalamat at
kaligayahan. Niyapos niya ang minamahal. Makikita sa mga mata ni Pygmalion ang
tugon: mabining ngiti at namumulang mukha.
Pinarangalan ang kanilang pag-iibigan at maging ang diyosa ng pag-ibig ay dumalo
upang masaksihan ang kanilang pag-iisang dibdib. Walang makapagsasabi kung
ano ang nangyari pagkatapos, maliban sa pinangalanang Galatea ni Pygmalion ang
minamahal. Ang kanilang anak ay tinawag naman niyang Paphos, sunod sa
pangalan ng lugar kung saan ipinanganak si Venus.

You might also like