You are on page 1of 3

Si Pygmalion at si Galatea

Sa mitolohiyang Griyego, isa na marahil sa pinakatanyag ang tungkol sa


kuwento ng pag-iibigan nina Pygmalion at Galatea. Katunayan, ang nasabing
mito ay naging inspirasyon sa pagbuo ng napakaraming palabas sa teatro,
sinehan at maging sa mga obra na gawa ng mga kilalang alagad ng sining sa
iba’t-ibang panig ng mundo. Halika, tunghayan mo ang isang kakaibang pag-
iibigang nagpatunay na ang dakilang pag-ibig ay kayang lumaktaw sa
anumang hadlang at manaig sa kabila ng mga pagsubok.

Si Pygmalion ay isang makisig na eskultor na kinahuhumalingan ng


maraming kadalagahan. Subalit kailanma’y hindi siya nagpakita ng interes sa
sinumang babae dahil sa pagkainis niya sa ilang babaeng bayaran sa kanilang
bayan. Para sa kanya’y isang pag-aaksaya lamang ng panahon ang
makipagmabutihan sa mga babae. Kaya naman, sa bawat pagkakataong
may makasasalamuha siyang babae ay lagi siyang umiiwas. “Hindi ko uubusin
ang oras ko sa pakikipag-usap sa inyo,” ang palaging bulong niya sa sarili sa
tuwing may mga babaeng lumalapit sa kaniya upang makipag-usap.

At upang hindi magambala ng kababaihan, ginugugol ni Pygmalion ang


lahat ng kaniyang oras sa paglilok. Hanggang isang araw, isang
napakagandang babae ang kaniyang nalikha. Hindi kapani-paniwalang ang
isang tulad niyang labis na umaayaw sa kababaihan ay lumikha ng isang
babae bilang kaniyang oba maestra.

Ipinagpatuloy niya ang pagpino sa kaniyang gawa hanggang sa ang


dalagang nilililok ay magkaroon ng perpektong kagandahan. Tila ibinuhos ni
Pygmalion sa kaniyang obra ang lahat ng katangiang hanap niya sa iang
babaeng hindi niyanatagpuan sa sinumang totoong babae sa kaniyang
paligid. Subalit habang nabubuo ang estatwa ng babae ay nagkakaroon din
ng pagbabago kay Pygmalion. Ang bawat pukpok ng kaniyang paet, ang
bawat haplos ng kaniyang liha ay kakikitaan ng ingat at pagmamahal. Umiibig
si Oygmalion kay Galatea, ang napakagandang babaeng nabuo ng kaniyang
malikhaing kamay mula sa ivory at marmol!
Tuluyan nang nagbago ang mundo ni Pygmalion. Siya na ni ayaw
makipag-usap sa sinumang babae, ngayon ay nag-uubos ng kaniyang
panahon sa “pakikipag-usap” sa isang estatwang inaalayan rin niya ng mga
regalo tulad ng mga bulaklak, kabibe, ibon at iba pang alam niyang
magugustuhan ng mga totoong babae. Naiiling ang mga tao lalo na ang mga
babaeng nakakikita sa ginagawa ni Pygmalion. “Iyan ang nangyayari sa mga
lalaking labis na pihikan at ni ayaw makipag-usap sa mga totoong babae,”
ang bulungan nila habang hindi malaman kung maaawa o matatawa sa
ginagawa ni Pygmalion.

Subalit walang halaga kay Pygmalion ang anumang isipin o sabihin ng


sinuman. Patuloy siya sa paggawa ng lahat ng inaakala niyang makabubuti sa
kaniyang minamahal kasama na ang pagsusuot ditto ng pinakamagagandang
kasuotan at sa paglalagay ng pinakamakikinang na alahas tulad ng singsing,
kuwintas at hikaw.

Ang balita ng pagkahumaling ni Pygmalion sa isang estatwa ay kumalat


sa bayan at nakarating sa kaalaman ni Aphrodite, ang diyosa ng pag-ibig at
kagandahan. “Kawawang Pygmalion,” ang nabulong sa sarili ng butihing
diyosa. “Hindi ko matitiis ang isang nilalang na umiibig nang tapat subalit hindi
nasusuklian ang kaniyang pag-ibig,” ang muli’y nasabi niya sa sarili habang
pinag-iisipan ang isang plano.

Nang dumating ang kapistahan ng diyosang si Aphrodite ay nagtungo si


Pygmalion sa templo upang mag-alay ng isang baka. Habang nag-aalay ay
taimtim niyang inusal ang pagnanais na magkaroon ng kasintahang katulad na
katulad ng babaeng kaniyang nililok.Narinig ni Aphrodite ang hiling ng puso ng
binata kaya binigyan siya nito ng isang tanda. Ang apoy mula sa sinusunog na
alay ay tatlong beses pumailanlang. Ipinagtaka ni Pygmalion ang nakitang
tanda subalit hindi niya maisip kung tungkol saan ito. Hanggang sa siya’y
makauwi at makita ang estatwa ni Galatea. Muli, ang kaniyang buong
atensiyon ay naukol sa dalaga at nakalimutan na niya ang tungkol sa nakitang
tanda sa templo.

Agad niyang niyakap ang estatwa subalit anong laking pagtataka niya.
“Bakit parang mainit ang katawan ni Galatea?” ang tanong niya sa sarili. “Ah
nasa tabi kasi siya ng bintana. Maaaring dahil sa init ng araw na tumama sa
kaniya’y uminit ang kaniyang balat,” ang naisip niyang dahilan sa nadama.
Tulad ng nakagawian ay hinalikan din niya ang estatwa subalit bigla siyang
napaurong. “Bakit malambot ang labi ni Galatea?” ang buong pagtataka
niyang sabi habang matamang tinitignan ang estatwa ng dalaga. Halos
mapasigaw sa galak si Pygmalion. Hindi siya nananaginip, buhay si Galatea!
Hindi na isang estatwa kundi isa nang tunay o ganap na babae ang
pinakamamahal niyang si Galatea. Ngayo’y alam na niya. Ang tandang nakita
niya sa templo ay ang tanda ng pagbibigay-buhay ng diyosang si Aphrodite
kay Galatea.

Muli niyang hinaplos si Galatea dahil naghahalo pa rin sa kaniya ang


pagtataka at kaligayahan. Subalit ang anumang pagdududa ay napawi at
ito’y napalitan ng labis na kaligayahan. Buhay ang kaniyang pinakamamahal.
Gusto niyang ipagsigawan ito sa buong mundo! Subalit hindi niya nakalimutang
magpasalamat sa diyosa ng pag-ibig at ng kagandahan sa pagbibigay-buhay
kay Galatea. Agad siyang nagbalik sa templo at nanikluhod sa paanan ni
Aphrodite bilang pasasalamat.

At hindi nagtagal, naganap ang pinakamasayang araw sa buhay ni


Pygmalion. Ikinasal sila ng pinakamamahal niyang si Galatea! Ang pag-iisang-
dibdib nila ay binasbasan ni Aphrodite. Biniyayan sila ng panganay, isang
sanggol na lalaking pinangalanan nilang Paphos. Si Paphos tulad ng kaniyang
magulang ay nagtataglay rin ng pambihirang kagandahan. Ang pangalang
Paphos ay isinunod ng mga mamamayan ng Cyprus sa isa sa mga lungsod na
matatagpuan sa bansa. Ang lungsod ng Paphos ay mahal na mahal at
itinuturing na sagrado ni Aphrodite. Nakompleto ang kanilang pamilya sa
pagsilang ng isa pang malusog at napakagandang sanggol na babaeng
pinangalanan nilang Metharme.

Bilang pasasalamat sa kabutihan ni Aphrodite ay hindi makalimot sina


Pygmalion, Galatea, at ang kanilang mga anak na mag-alay sa templo ng
diyosa taon-taon. Tinutumbasan naman ito ng diyosa ng kaligayahan at
pagmamahal para sa buong pamilya. Ang pagtatagpo nina Pygmalion at
Galatea ay isang pag-iibigang nakatadhana at ito’y patulog na nagbibigay-
inspirasyon sa marami na kayang lagpasan ng tunay na pag-ibig ang sinumang
hadlang o pagsubok at ito’y mananatili magpakailanman.

You might also like