You are on page 1of 11

ISKRIP

EPIKO NI GILGAMESH

MGA TAUHAN: SHAMASH

GILGAMESH SHAMHAT

ENKIDU NINURTA

ANU HUMBABA

EA SIDURI

ENLIL URSHANABI

ISHTAR UTNAPISHTIM

UNANG TAGPO

GILGAMESH: Nakahihigit sa mga hari, pinakamakapangyarihan at pinakamataas sa lahat,


marahas, malupit na pinuno, minamahal ng kaniyang mga kawal.

TAONG BAYAN: Tagapagtanggol!

LAHAT: Ayon sa kanila.

TAONG BAYAN: Rumaragasang baha na sumisira ng ano mang likha!

GILGAMESH: Ako ay dalawang-katlong banal at sangkatlong tao, anak ni Haring


Lugalbanda. Sinong nilalang ang aking katulad? Anong uri ng nilalang ang may
kakayahang higitan ang mabangis na si Gilgamesh? Wala! Walang makapapantay sa akin.
Ako'y nilikha ni Aruru, ang diyosa ng mga nilalang.

LAHAT: Itinatangi niya ang kaniyang siyudad. Nagmamalabis. Marahas. Siya ang hari,
ginagawa niya ang ano mang makakapagpasaya sa kaniya.

GILGAMESH: Umalis ka sa aking harapan!

TAONG BAYAN: Sino bang kayang humarap sa hari? Napakamakapangyarihan niya. Wala
siyang kapantay.

LAHAT: Labis ang kaniyang paga-angkin sa siyudad ng Uruk. Malupit na Hari! Ngunit narinig
ng mga diyos ang dalangin ng mga nilalang. Nakadama sila ng simpatya sa pagnanangis
ng mga ito at lumapit sila kay Anu, ang ama ng kalangitan.

TAONG BAYAN: Amang nasa kalangitan, ang inyong matikas, banal, perpektong likha na si
Gilgamesh ay nagmamalabis na. Naghihirap ang iyong mga tao dahil sa kaniya. Ganito mo
ba nais mamuno ang iyong hari? Dapat bang pagmalupitan ng nagpapastol ang kaniyang
sariling mga tupa? Ama, aksyunan mo ito habang nagnanangis pa ang iyong mga likha.

ANU: Aruru, ikaw ang lumikha sa mga nilalang. Nais kong lumikha ka ng nilalang hango sa
kawangis ni Gilgamesh. Matikas, malakas, matapang, lalaking may matatag sa puso.
Lumikha ka ng panibagong bayani upang mapanatag ang lupain ng Uruk.

ARURU: Sa pagpikit ng aking mga mata, nasilayan ko ang utos ni Anu sa akin. Binasa ko ang
aking mga daliri at nagsimulang humulma mula sa tipak ng putik. Humubog ako ng matikas
at matipunong lalaki. Siya ay kikilalaning Enkidu, matapang, makapangyarihan gaya ng
diyos na si Ninurta. Siya'y maglalakbay sa ilang, kakain ng damo at iinom sa bukal tuwing
makadadama ng uhaw.

ENKIDU: (Umaalulong) Matatagpuan sa masukal na lugar. Ako si Enkidu, ang matapang,


makapangyarihan gaya ng diyos na si Ninurta. Tuwing ako'y nauuhaw, iinom ako sa bukal,
kasama ang mga nakaluhod na mga usa. Ako'y nanatili sa masukal na bahagi ng bundok
bago masubukang magdiskubre ng ilang bagay.

LAHAT: Ang masukal na kagubatan ay sinasakop nang sangkatauhan.

ENKIDU: Ano ito? Hindi ito usa, hindi rin ito toro. Hindi ko ito ka-uri. Sino ito? Tara, tignan natin?
Ano ito?? Ano itong nasisilayan ko? Siya'y makinis, napakaganda, malayong malayo sa
hitsura ng mga oso't leon. Ang kaniyang hugis ay nagdudulot ng kaba sa aking dibdib.
Lumalabo ang aking paningin. Nais ko siyang angkinin.

LAHAT: Ishtar, ang diyosa ng pag-ibig at kapangyarihan. Tanging maganda at


makapangyarihang kababaihan ang maaring mamuno: katulad ni Shamhat. Nang
masilayan ni Enkidu ang perpektong si Shamhat, itinaboy niya ang ilang. Kinalimutan na rin
siya ng mga hayop, natakot na sila. Hindi na siya muling kumain ng damo kasama ang mga
usa, o uminom ng tubig mula sa bukal.

ENKIDU: Sambitin mo ang iyong pangalan kay Enkidu.

SHAMHAT: Ako si Shamhat, ang makapangyarihang babae sa Ishtar. Ako'y mula sa tanuag
na lupain ng Uruk, ang tahanang templo ng Ishtar. Kasama ang aking mga manggagawa,
nilisan namin ang Uruk dahil sa takot — takot sa haring si Gilgamesh. Siya'y dalawa-katlong
diyos at sangkatlong tao. Bagaman may leon at oso rito sa ilang, mas maamo ito sa hari.
Napakatikas mo, tila nilikha sa kawangis ng isang diyos. Bakit ka nandito at namumuhay
gaya ng mga hayop? Hayaan mo akong dalhin ka sa templo ng Ishtar sa lupain ng Uruk.
Sa kaharian ng mabangis na si Gilgamesh.

LAHAT: Matapos ang pagniniig, tumangk si Enkidu. Sa kailaliman ng kaniyang puso ay


mayroong bumubulong. Ngayon niya lamang naranasan ito, ang pakiramdam na may
katuwang — hindi nag-iisa.

ENKIDU: Isama mo ako, Shmahat. Isama mo ako sa inyong tanyag na lupain, sa templo ng
Ishtar, sa kaharian ni Gilgamesh, ang mabangis na hari. Susubukan ko ang kaniyang
kahusayan. Isisigaw ko sa kaniya: "Ako ang pinakamatikas! Ako ang pinakamalakas! Walang
makahihigit sa akin!".

SHAMHAT: Halina't maglakbay patungong Uruk, sasamahan kita kay Gilgamesh ang
makapangyarihang hari. Makikita mo ang siyudad, matataas na pader, mga matitikas na
kalalakihang nakasuot ng nagagandahang roba— makikintab at madudulas na tela. Ang
bawat araw ay piyesta, ang mga kababaihan ay nasa templo ng Ishtar, nagtatawanan at
nagsasaya. Ang tulad mong ignorante sa buhay ay magugukat sa iyong masisilayan. Si
gilgamesh na hari ng kagalakan at pagnanangis. Siya'y mas malakas at matikas kaysa sa ito
— napaka-tatag at hindi kailanma'y namahinga. Itinatangi siya ni Shamash, ang diyos araw.
Pinalakas pa ni Enlil ang diyos ng kalupaan at ni Ea, ang diyos ng katalinuhan.

LAHAT: Nagtagpo si Gilgamesh at Enkidu. Nasilayan nila ang kapwa matitipunong


pangangatawan.

ENKIDU: Gilgamesh, ikaw ay nag-iisa sa sangkatauhan. Ang iyong ina na si Diyosang Ninsun
ay hinulma kang maging malakas at matapang. Walang sino man ang makapapantay
sa'yo. Ikaw ay itinakdang maging hari at mamuno sa lupaing ito.

GILGAMESH: Ang pagkilala sa kagitingan ng iyong kapwa ay nararapat lamang. Ang ating
pagkakaibigan ang siyang mahalaga. Sa ating pagsasanib, walang sino man ang
makadadaig sa atin. Walang makakapigil sa atin. Kahit ang mismong kamatayan ay
tatalikuran tayo.

IKALAWANG TAGPO

LAHAT: Mabilis na lumipas ang panahon.


GILGAMESH: Ngayon, kailangan nating maglakbay patungong kagubatan ng Cedar, ang
tirahan ng halimaw na si Humbaba. Kailangan natin siyang paslangin.

(Kay Enkidu) Bakit ka nangangamBa? Bakit? Bakit may luha sa iyong mga mata?

ENKIDU: Kaibigan, tila may tinik sa aking dibdib. Nagsisikil ang aking lalamunan, nanlalambot
ang aking mga kamay. Ako'y nagmula sa masukal na lugar, wala itong katapusan.
Malawak, mabangis. Anong uri ng nilalang ang kayang mahigitan ang kalikasan?

GILGAMESH: Makinig ka sa akin kaibigan, kahit walang katapusan ang lagim sa kagubatan,
kailangan ko itong tunguhin. Akyatin ang masusukal na bangin, putulin ang mataas na puno
ng Cedar.

ENKIDU: Ngunit paano natin ito mapagtatagumpayan? Sagrado ito sa paningin ni Enlil. Hindi
ba't sinambit niya na ang pagpunta rito ay mahigpit na ipinagbabawal? Hindi ba't kaya
nilikha si Humbaba ay upang manakot sa sinomang magtatangkang tumungo? Huwag na
natin ituloy ang paglalakbay na ito. Huwag na nating subukan ang demonyo. Kaya niyang
marinig ang anomang ingay na magmumula sa atin. Siya ang hari ng lugar na ito.
Lalamunin ng takot ang sinomang magtangkang loobin ang masukal na kagubatang ito.

GILGAMESH: Bakit ka nagsasalita na tila ikaw ay nababalit ng takot. Ang iyong pananalita
ay hindi angkop sa iyo. Nagdadalamhati ako sa aking mga narinig.

(Kay Enkidu) Hindi tayo diyos, hindi tayo aakyat sa langit. Tayo ay mortal na mga nilalang.
Tanging mga diyos ang maaring mabuhay magpakailanman. Bilang lamang ang ating
araw. Ano mang maabot natin ay kagaya lamang ng hangin. Bakit ka matatakot kung ang
kamatayan ay kadikit lamang natin? Kung ako'y babawian ng buhay sa paglalakbay na ito,
hindi ka ba mahihiya kapag sambitin ng aking mga tao ang 'matapang na hinarap ni
Gilgamesh ang halimaw na si Humbaba ngunit nasaan si Enkidu?’ Lumaki sa sa
kabundukan, katuwang mo ang mga oso't leon sa pamumuhay. Ano pa man ang iyong
dessiyon, papatayin ko si Humbaba. Patatanyagin ko ang aking pangalan, tatandaan ako
ng sangkatauhan.

ENKIDU: (Nakikiusap) Mga taga-Uruk, pigilan niyo ang inyong hari na magpatuloy sa
kaniyang binabalak sa halimaw na si Humbaba. Sino bang makadaraig sa isang demonyo?
Nilikha siya ni Enlil upang ingatan ang kagubatan ng Cedar.

MATATANDA: Matipuno kang nilalang. Kilala namin si Humbaba, siya ay mabangis,


mapanganib, umaapoy ang kaniyang hininga. Sino ka upang magtangkang pasukin ang
sagradong lugar na iyon? Kahit ang diyos na si Enlil ay mahigpit na ipinagbabawal ang
pagtungtong sa lugar na iyon.

GILGAMESH: (Humahalakhak) Kaibigan, nanumbalik na ba ang iyong katapangan? Handa


ka na bang maglakbay kasama ko? O nangangamba ka pa rin? O di kaya'y naduduwag
na harapin at kalabanin ang demonyong si Humbaba? Bago tayo lumisan, pumunta tayo
sa templo ng aking ina. Humingi tayo ng basbas at payo.

LAHAT: Magkahawak kamay, binagtas ng dalawang magkaibigan ang landas patungo sa


templo ni Ninsun. Nagbigay galang si Gilgamesh sa kanyang ina, ang Diyosang si Ninsun.

GILGAMESH: Kailangan kong kaharapin ang pakikipaglabang ito. Dakilang diyosa, mahal
kong Ina, gabayan mo ako, ipagkaloob mo sa akin ang iyong basbas, upang ako'y
makabalik nang matagumpay mula sa mabangis na punong Sedar, at nang ika'y
makapiling muli.

LAHAT: Pinakinggan ni Ninsun ang kanyang mga salita nang may pighati. At nang may
pighati rin ay pinasok nya ang kanyang silid.

NINSUN: Bathala sa kalangitan, pinagkalooban nyo ang aking anak ng kisig, lakas, at
katapangan-bakit nyo sya pinagpapakasakitan? Ngayon sya ay inyo g pinukaw upang
atakihin ang isang halimaw, upang maglabay nang napakatagal at maaring di na
makabalik pa. At dahil sya ay nakapagpasya nang umalis, pangalagaan nyo sya
hanggang sa kanyang marating ang kagubatan ng Sedar, hanggang sa kanyang
mapaslang ang halimaw na si Humbaba at mapalayas ang kasamaan na iyong
kinamumuhian sa mundo. Pangalagaan nyo sya sa bawat araw na inyong tinutukay ang
kalangitan, at sa dapithapon nawa'y ang inyong asawang si Aya ay ihabilin sya sa mga
magigiting na mga bituin, ang mga bantay sa gabi. O Bathalang Shamash, dakilang araw,
ligaya ng mga diyos, liwanag ng daigdig, na syang bumabangon at ang liwanag ay
sumisibol, pinupuno ang kalangitan, humuhugis sa daigdig, humuhugis sa mga
bulubundukin, ang mga lambak ay nagliliwanag, naglalaho ang kadiliman, sumusuko ang
kadiliman, ang ,ahat ng nilalang ay gumigising at ikawang kanilang namamasdan,
napupuno sila ng ligaya-pangalagaan nyo ang aking anak.

(Babaling kay Enkidu) Ikaw'y hindi nagmula sa aking sinapupunan, ngunit ikaw ay akin nang
kinakanlong bilang aking anak. (Magsasabit ng anting-anting sa leeg ni Enkidu) Tulad ng
isang babaylan na nagkakanlong sa isang ulila, akin nang inampon si Enkidu bilang aking
anak. Siya nawa ay maging kapatid kay Gilgamesh. Gabayan s'ya sa kagubatan at ibalik
sya sa aming tahanan.

MATATANDA: (Kay Gilgamesh) Bumalik kang ligtas sa dakilang bayan ng Uruk. Huwag ka
lamng umasa sa iyong lakas lamang, maging mapagmatyag, mag-ingat, magsiguro, ang
bawat atake ay dapat tumama.

(Kay Enkidu) Inihahabilin namin sa iyong pangangalaga ang aming Hari. Pangalagaan mo
sya at gabayan sa mapanganib na laglalakbay, ituro sa kanya ang pagkukuhaan ng
pagkain at mapaghuhukayan ng malinis na tubig, gabayan mo sya sa kagubatan at
lumaban kasama nya. Kasihan nawa kayo ni Shamash, naway ipagkaloob sa inyo ng mga
diyos ang inyong mga hangarin at ibalik kayo sa dakilang bayan ng Uruk.

ENKIDU: Dahil kailangan mo itong gawin, ako'y maglalakbay kasama mo. Kaya tayo na. Ako
na ang s'yang mauuna, dahil alam ko ang landas patungo sa kagubatan ng Sedar, kung
saan nananahan si Humbaba.

LAHAT: At naglakbay na nga sina Gilgamesh at Enkidu patungong kagubatan ng Cedar.

IKATLONG TAGPO

LAHAT: Nang kanilang marating ang ika-400 milya, sila’y huminto at kumain. Sumapit ang
ika-1,000 milya at sila’y nagtayo ng kampo. Kinaya nilang maglakbay sa loob lamang ng
tatlong araw at gabi, na kung sa normal na nilalang ay aabutin ng anim na linggo upang
makarating sa kagubatan ng Cedar. Kapag lumulubog na ang araw, naghuhukay sila ng
tubig upang pawiin ang kanilang uhaw at sandaling mamamahinga. Aakyat sa tuktok ng
bundok si Gilgamesh at magsasabog ng harina bilang alay. Ganito sila sa kada araw na
nagdaan.

LAHAT: Nagtayo ng pahingahan si Enkidu para kay Gilgamesh. Sa sobrang pagod ay


tuluyan nang nilamon ng antok ang hari. Nang sumapit ang hatinggabi, siya’y nagising.

GILGAMESH: (Magigising, haharap kay Enkidu. Balisa, hindi malaman ang gagawin) Anong
nangyari? Hinawakan mo ba ako? May dumaan bang diyos? Bakit ako biglang kinilabutan?
Bakit ang lamig? Enkidu, aking maatalik na kaibigan, nagkaroon ako ng isang
nakapanghihilakbot na panaginip. Ako’y tumingala at natanaw ko ang isang napakataas
na bundok na nagbabantang bumagsak sa akin. Ngunit dumating ang isang lalaking sa
wari’y nagliliwanag, ako’y kanyang hinila papalayo sa panganib. Pinainom niya ako ng
tubig pagkaraan at kumalma ang aking puso. Sabihin mo, ano ang ibig sabihin nito?

ENKIDU: (Kay Gilgamesh, ngingiti) Huwag kang mag-alala, kaibigan. Ang iyong panaginip
ay nagpapahiwatig ng isang magandang pangitain. Ang bundok na iyong sinasabi ay si
Humbaba na ating makakasagupa sa pagpasok natin sa kagubatan ng Cedar. Katulad ng
nangyari sa iyong panaginip, siya’y babagsak ‘pagkat magkasama natin siyang
mapapaslang. Babasbasan tayo ni Panginoong Shamash at magtatagumpay.

GILGAMESH: (Mapapanatag ang loob) Ganoon ba? Ibig sabihin, wala akong dapat ipag-
alala?
ENKIDU: (Kinukumbinsi si Gilgamesh) Oo naman, kaibigan. Wala kang dapat ipag-alala.

LAHAT: Naulit muli nang mga nasundang araw. Binangungot muli si haring Gilgamesh at
nagising ng hatinggabi.

GILGAMESH: (Takot na takot, tumatagaktak ang malamig na pawis) Aking kaibigan,


nagkaroon akong muli ng isang hindi magandang panaginip. Ito na ang
pinakanakakatakot sa lahat. Nakikipagbuno ako sa isang malaking toro, napakalakas nito
na halos hindi na ako makatayo nang ako’y kanyang sunggaban. Maya-maya pa’y
dumating muli ang lalaking nagliliwanag at ako’y sinagip sa tiyak na kamatayan. Ano ang
nais ipahiwatig nito?

ENKIDU: (Sasaklolo kay Gilgamesh, pagagaanin ang loob nito) Huwag kang mag-alala
aking kaibigan. Ang iyong panaginip ay kabalintunaan ng kahulugan nito. Ang malaking
toro na iyong nakasagupa ay ang Panginoong Shamash na nakaantabay sa ating
paglalakbay. Ang lalaki naman ay si Lugalbanda, ang iyong personal na tagapagbantay.
Sa tulong nila’y nakatitiyak ako sa ating tagumpay.

GILGAMESH: (Mawawala ang pangamba) Ganoon ba? Kung gayon, isa itong magandang
panaginip! Halina’t humayo na tayo bago pa kumagat ang dilim.

LAHAT: At narating din nila sa wakas ang bukana papasok sa kagubatan ng Cedar. Saglit
na tumigil si Gilgamesh. Napaisip. Umatras ang bayani, kinilabutan. Napaluha siya nang
wala sa oras.

HUMBABA: (umuungol)

GILGAMESH: (nagdarasal nang mataimtim) O, mahabaging Shamash, balutin mo kami sa


iyong mga palad at iyong protektahan sa mapanganib na pakikipagsapalarang ito.
Tandaan mo sana, kami’y iyong tulungan. Dinggin nawa ang aking panalangin.

LAHAT: Sumagot si Panginoong Shamash.

SHAMASH: (Kay Gilgamesh, sisigaw) Madali! Iyong sugurin na si Humbaba habang siya’y
hindi pa ganoong kalakas. Atakihin mo na siya habang isa pa lamang ang kanyang suot na
kalasag, huwag ka nang magsayang pa ng sandali!

IKALIMANG TAGPO

LAHAT: Tumayo ang dalawang makisig na lalaki sa tarangkahan ng kagubatan ng Cedar.


Natulala at natahimik. Namangha sila sa nagtataasan at nagtatayugang mga puno ng
Cedar. Hawak ang kanilang sandata at baong lakas ng loob ay kanila nang pinasok ang
kagubatan.

ENKIDU: (Kay Gilgamesh, biglang manghihilakbot) Mahal kong kaibigan, hindi ko na kaya
pang magpatuloy. Ako’y natatakot, hindi ko na kaya pa. Ipagpatuloy mo ang iyong
nasimulan, paslangin mo ang halimaw. Ako’y magbabalik sa lungsod ng Uruk sapagkat isa
akong duwag at isa lamang kahihiyan.

GILGAMESH: (Pagagaanin ang nararamdaman ng kaibigan) Mahal kong kaibigan, kapatid,


hindi ko ito kaya nang mag-isa. Laban natin itong pareho. Dito ka lamang sa aking tabi,
huwag kang aalis. Tandaan mong sa pagtutulungan ng dalawa ay dehado ang isa. Kung
sabay nating haharapin si Humbaba, tiyak na hindi tayo mapapahamak.

ENKIDU: (Nagagalit at nangangatuwiran) Nasasabi mo lamang ang mga bagay na iyan


sapagkat hindi mo pa siya nakakatagpo at nakikilala! Noong ako’y sa kagubatan pa
naninirahan, ang dugo ko’y nanlalamig sa tuwing nakikita siya. Matutulis ang kanyang mga
pangil na tila mga punyal sa talim. Ang kanyang mukha, nakakatakot na mukha ay
kahawig ng sa leon. Mabangis, sobrang tapang, walang kinatatakutan. Ako’y
nanghihilakbot kapag aking naaalala.

GILGAMESH: (Nagpapaliwanag) Kung tayo’y magtutulungan, walang imposible. Kung


susuportahan natin ang isa’t isa hanggang sa huli ay tiyak ang ating tagumpay. Kaiinggitan
tayo ng lahat ng kalalakihan at hahangaan ng mga kababaihan. Kikilalanin nila tayo bilang
mga bayani!

LAHAT: At ang dalawa’y tumuloy na sa kanilang paglalakbay. Pinasok na ang masukal na


kakahuyan papasok sa puso ng kagubatan.

GILGAMESH: Naririto na tayo. Wala na itong atrasan, kaibigan.

ENKIDU: (Tatapikin ang balikat ni Enkidu, ngingiti) Katulad nga ng iyong sinabi, “sa dalawa ay
mas lalong matibay”. Kaya natin ito nang magkasama.

LAHAT: Ginalugad nina Enkidu at Gilgamesh ang kagubatan upang hanapin si Humbaba.
Natagpuan nila ang halimaw sa lungga nito sa mismong puso ng kagubatan. Nagngangalit
sa galit ang halimaw nang sila’y nakita.

HUMBABA: (Galit) Kilala kita, Gilgamesh, ang hari ng Uruk! Anong ginagawa mo rito? Isinama
mo pa ’yang taong gubat na ‘yan. Huwag kang hipokrito. Mga pangahas, umalis na kayo
hangga’t kaya ko pang pigilan ang sarili ko. Wala kayong karapatang magtungo rito at
gambalain ang payapa kong kagubatan. Binabalaan ko kayo. Huwag ninyo akong
subukan. Kaya kong pagpira-pirasuhin ang inyong mga katawan, pagbuhulin ang inyong
mga bituka, tagpasin ang inyong mga ulo, at ipakain sa mga buwitre.

GILGAMESH: (Biglang titiklop, hihina ang boses) Sobrang nakakatakot! Hindi ko akalaing
ganyan ang kanyang hitsura. Hindi ko matagalang tumitig sa kanya. Hinihigop niya ang
lahat ng lakas ko. Mukhang hanggang dito na lamang ako, Enkidu.

ENKIDU: (Nangangaral) Ano ito, kaibigan? Matapos mo akong kumbinsihin na samahan ka


sa napakapeligrosong paglalakbay na ito, ngayo’y ganyan ang iaasal mo? Anong klase
kang hari? Naduduwag ka na ba? Nasindak ka agad sa kanyang mga salita at pisikal na
kaanyuan? Hindi ikaw ‘to. Huwag kang magpapadala sa simbuyo ng iyong damdamin,
huwag kang susuko. Naririto lamang ako, iyong makakasama at makakasangga hanggang
sa katapusan. Hinding-hindi kita pababayaan, kaya’t ikaw’y magpakatapang. Ngayon,
tayo ay sumugod na.

LAHAT: Si Humbaba ay nagbagong-anyo. Umihip ang malakas na hangin kasabay ng


nakabibinging pag-ungol ng halimaw. Dumagundong sa buong kagubatan. Ngunit hindi
nasindak ang dalawa, alam nilang nasa paligid lamang si Shamash at sila’y tutulungan.
Napatumba ni Gilgamesh si Humbaba.

HUMBABA: (Nagmamakaawa) Gilgamesh! O, haring Gilgamesh! Ako’y iyong kaawaan.


Huwag mo na akong patayin. Hayaan mo na lamang akong manirahan dito sa kagubatan
ng Cedar. Kapag ang buhay ko’y iyong iniligtas, nangangako akong magiging alipin mo.
Lahat ng iyong ipag-uutos ay aking gagawin, tatalima sa lahat ng iyong sasabihin. Sana’y
hayaan mo pa akong mabuhay.

ENKIDU: (Mangongonsensya) Aking mahal na kaibigan, huwag kang makinig sa kanya.


Paslangin mo na siya bago ka pa magdalawang-isip.

HUMBABA: (Nagmamakaawa) Kung may nakakaalam man ng batas ng aking kagubatan,


ikaw ‘yon Enkidu. Alam mong katungkulan kong pangalagaan ang kagubatan ng Cedar.
Itinalaga ako ni Enlil upang sindakin ang sinomang mangangahas na pumasok at guluhin
ang pinangangalagaan kong kagubatan. Kung ako’y inyong papatayin, sinisiguro kong
magiging malupit ang parusa sa inyo ng mga diyos. Kayang-kaya na kitang paslangin noon,
ngunit hindi ko ginawa. Ngayon, katungkulan mo naman na bigyan ako ng pagkakataon.
Kausapin mo ang hari at sabihin sa kanyang huwag na akong patayin.

ENKIDU: (May pamimilit) Mahal kong kaibigan, madali! Huwag ka nang magsayang ng
sandal. Huwag mong hayaan ang kanyang mga salita na magbigay sa’yo ng mga agam-
agam. Tuluyan mo na siya bago pa pumagitna ang mga diyos. Tandaan mong maraming
kikilala sa iyong kabayanihan kapag napaslang mo ang tanyag at kinatatakutang
tagapagbantay ng kagubatan ng Cedar.
LAHAT: Walang ano-ano’y iwinasiwas ni Gilgamesh ang kanyang palakol. Nagbunga ito sa
pagkatagpas ng ulo ni Humbaba. Kumidlat, kumulog at umulan nang pagkalakas-lakas sa
buong kagubatan.

IKAAPAT NA TAGPO

ENKIDU: (Masaya, ipinagbubunyi ang kaibigan) Ngayong iyo nang napatay ang dakilang
tagapagbantay ng kagubatan, sino pang hindi makakikilala sa’yo? Malaya na nating
makukuha at maiuuwi sa Uruk ang mga puno ng Cedar upang gamitin sa pagbuo ng
matibay at matatag na pintuan sa lungsod.

LAHAT: Umuwi ang dalawang bayani dala-dala ang tagumpay mula sa kanilang
paglalakbay. Nagbunyi ang mga tao sa kanilang pag-uwi. Hindi sila magkamayaw sa
pagsigaw at pagpalakpak sa naiuwing karangalan ng kanilang pinuno.

GILGAMESH: (Nagbubuhat ng sariling bangko) Sino ang inyong pinuno? Sino ang
pinakalamakas, ang pinakatamatikas, ang pinakamagiting sa lahat? Si Gilgamesh, wala
nang iba pa! Kilalanin niyo rin si Enkidu, ang pinakamatapang at tapat na bayani ng ating
bayan! Kami ang nagpabagsak sa dakilang halimaw na si Humbaba. Kami ang inyong mga
bayani at walang makatatalo sa pinagsama naming lakas!

LAHAT: Kinagabihan, ipinagpatuloy ang malaking pagdiriwang sa lungsod ng Uruk. Ito ay


bilang pagbubunyi sa mga bagong bayani ng bayan. Kumalat pa sa mga karatig na lugar
ng Uruk ang balita. Maraming humanga kay haring Gilgamesh, nabihag ng hari ang puso
ng mga kababaihan sa taglay niyang lakas, tapang at kakisigan. Si Ishtar, ang diyosa ng
pag-ibig ay nagkaroon din ng pagnanasa sa kanya.

ISHTAR: (Nang-aakit) O, makisig at matipunong Gilgamesh, ako si Ishtar, ang diyosa ng pag-
ibig. Napakahusay mo sa arena ng labanan. Nais kong mapasa-akin ka. Kaya kong ibigay
ang aking sarili nang buong-buo sa’yo.

GILGAMESH: Kilala kita, Ishtar. Akala mo ba hindi ko alam kung anong kinahinatnan ng mga
lalaking pinaibig mo? Hindi mo ako malilinlang. Umalis ka sa aking harapan, layuan mo ako.

LAHAT: Sa labis na kahihiyan at insultong inabot, lumapit ang diyosa sa kanyang ama na si
Anu upang ipadala sa lupa ang toro ng kalangitan.

ISHTAR: (Nagagalit) Ama, ako’y inyong pagbigyan sa nais ko. Nakita mo naman kung
paano ako lapastanganin ng Gilgamesh na ‘yan! Hinamak niya ang pagkababae ko. Sino
ba siya sa inaakala niya? Isa lamang siyang hari, ako’y isang diyosa! Ngayon, aking ama,
kung ang aking hiling ay hindi mo pauunlakan, ako na mismo ang gagawa ng paraan.
Tinitiyak kong magiging malagim ang aking paghihiganti!

Bubuksan ko ang lagusan patungong mundo ng mga patay, hahayaan ko silang maglaboy
at maghasik ng lagim sa mundo ng mga buhay. Tingnan na lamang natin kung anong
kahihinatnan ng pinakamamahal na lupain ni Gilgamesh!

ANU: (Nangangamba) Anak, maghunos-dili ka. Ako’y pumapayag na sa iyong nais. Huwag
ka nang mangamba, ngayon din ay ipadadala ko sa lupa ang toro ng kalangitan.

LAHAT: Mula sa langit, bumaba ang toro dala ang pitong taong kagutuman.
Nakipagtunggali sina Enkidu at Gilgamesh sa toro at napatay nila ito.

ENKIDU: (kay Ishtar, may pagbabanta) Kapag hindi ka pa tumigil sa kahibangan mong ito,
ikaw na mismo ang aming isusunod.

LAHAT: Walang nagawa si Ishtar at lumapit na lamang sa ama. Nagkaroon ng pulong ang
konseho ng mga diyos.

IKA-ANIM NA TAGPO

ANU: Husto na. Hindi na nila tayo iginalang. Una, pinaslang nila ang bantay ng kagubatang
Cedar na si Humbaba. Sumunod, ang toro ng kalangitan naman ang kanilang pinatay.
Marapat lamang na isa sa kanila ay bawian ng buhay. Si Enkidu! Tama, si Enkidu ang
nararapat na tumanggap ng ating parusa at hindi si Gilgamesh.

LAHAT: Samantala, sa lungsod ng Uruk, habang nahihimbing ang lahat mula sa


pagkakatulog, binangungot si Enkidu.

Enkidu: (hinihingal, pinagpapawisan, nangangamba) Bakit nagkatipon-tipon ang mga


diyos?

LAHAT: Lumipas ang ilang mga araw, nanghina at naging masasakitin si Enkidu. Sa kanyang
pagkakaratay sa malubhang karamdaman, ibinahagi niya kay Gilgamesh ang kanyang
mga panaginip na lahat ay umiikot sa pagtungo niya sa ilalim ng mundo, ang mundo ng
mga patay.

ENKIDU: Natatakot ako, kaibigan. Nakita ko lahat. Lahat-lahat ng mga pangyayari sa ilalim
ng lupa. Sinusundo na ako ni kamatayan.

GILGAMESH: Hindi totoo ang mga panaginip.

ENKIDU: Totoo, kaibigan. Mas totoo pa sa mga bagay na nakikita at nararamdaman natin.

LAHAT: Nagtungo si Gilgamesh upang sumangguni sa mga matatanda.

GILGAMESH: Napakabuting nilalang ni Enkidu. Marami na siyang nagawa para sa lungsod


ng Uruk.

MATATANDA: Ngunit, anak, nagbitiw na ng desisyon ng mga diyos. Hindi na ito mababago
pa.

GILGAMESH: Kung gayon, sila’y mga hibang. Bakit pa sila lumikha ng katulad ni Enkidu at
pinababa sa lupa, kung pahihirapan lamang din naman nila at babawiin agad ang buhay?

LAHAT: Habang nakikipag-usap ang dakilang hari at nahahanap ng kasagutan, dumalaw


nang muli sa panaginip ni Enkidu ang kamatayan. Siya’y sinusundo na nito.

ENKIDU: Ngayon na? Ngayon na ba talaga? Hindi ba maaaring humingi pa ako ng palugit?
Hindi pa maaari, hindi pa ako nakapagpapaalam sa minamahal kong si Gilgamesh.

KAMATAYAN: Ito na ang tamang oras. Hindi maaaring mahuli, walang palugit. Ngayon,
sumama ka na sa akin.

ENKIDU: (umiiyak, nakaramdam ng pagkamuhi, tumingala, pasigaw) Bakit kayo ganito? Ano
ba ang aking naging sala? Hindi kayo naging patas. Bakit? Bakit?

LAHAT: Tuluyan nang kinuha ng kamatayan si Enkidu at dinala sa ilalim ng lupa.

IKAPITONG TAGPO

LAHAT: Ang pagkawala ng matalik na kaibigan sa mundong kinatitirikan ng mga buhay ay


isang reyalisasyon na hindi kayang tanggapin ni Gilgamesh. Ang kanyang pagtangis ay
kanyang ipinaramdam sa mga kabundukan, mga kagubatan, mga parang, mga ilog, mga
mababangis na hayop at sa lahat ng mamamayan ng Uruk.

GILGAMESH: Kay pait ng kanyang sinapit...

Kaibigang Enkidu, sa akin ika'y muling lumapit

Lumaban kasama ko at alisin ang bawat pasakit...

Upang ang bawat paglisan ay hindi namaging ganito kasakit.

Sa lahat ng nakakasaksi, ako'y humihiling...

Na sa aking pagtangis kayo ay kapiling,


Ako'y samahan, ialay sa diyos ng mga yumao ang mga halagang walang
daing,

Upang sa kanyang patutunguhan,aking kaibiga'y matiwasay na makarating.

LAHAT: Natapos nang mapayapa ang seremonya ng pag-aalay ng mga mamamayan


para sa maayos na paglalakbay ni Enkidu sa kabilang buhay. Sa pangyayaring ito sa
kanyang buhay, nakaramdam si Gilgamesh ng matinding takot na pumanaw. Kaya
nagpasiya siyang hanapin ang bagay na magbibigay sa kanya ng buhay na walang
hanggan.

GILGAMESH: Sa kamatayan sinong makakaligtas sa pagkabahala? Noon ay wala ngunit


dahil sa mga diyos, ako'y hindi na naniniwala. Simula nang kanilang buhayin si Utnapishtim
na biktima ng malaking baha. Kaya naman ngayon ako'y magtutungo sa kanya upang
makuha ang sikreto ng buhay na walang hanggan upang hindi na mamatay pa.

LAHAT: Kaagad na nagsimula si Gilgamesh sa kanyang paglalakbay patungo kay


Utnapishtim. Si Gilgamesh ay nagdaan sa isang bundok at naka-engkwentro ang mga
mapagmataas na leon. Bago matulog, siya ay nanalangin para sa proteksiyon mula sa
diyos ng buwan na si Sin. Sa pagkakagising mula sa isang nakahihikayat na panaginip,
kanyang pinatay ang mga leon at ginamit ang mga balat nito para pandamit. Pagkatapos
ng isang mahaba at mapanganib na paglalakbay, siya ay dumating sa tuktok ng kambal
na Bundok Mashu sa kabilang dulo ng daigdig. Kanyang nakita ang isang lagusan na
walang tao ang kailanman pumasok na binabantayan ng dalawang mga nakatatakot na
taong-alakdan. Sa kumpletong kadiliman, kanyang sinundan ang kalsada upang
makumpleto ang paglalakbay bago siya maabutan ng araw. Siya ay dumating sa hardin
ng mga diyos na isang paraisong puno ng mga punong nahihiyasan.

SIDURI: Sa aking pakiwari ikaw ay nagmula pa sa malayong lugar

GILGAMESH: Ganoon nga. Kaya naman hindi na ako liligoy pa, maaari ko bang malaman
kung nasaan si Utnapishtim?

SIDURI: Ano ang dahilan kung bakit gusto mo siyang makita?

GILGAMESH: May nais akong itanong.

SIDURI: Kailangan mo munang magtungo kay Urshanabi.

GILGAMESH: Hindi ko nais na magtungo sa kanya! Ituro ninyo ang daanan patungo kay
Utnapishtim!

IKAWALONG TAGPO

LAHAT: Dahil sa kanyang pagmamatigas, siya ay hinuli ngunit dahil sa kanyang galit ay
nakawala siya at nasira niya ang bato kung saan nabubuhay kasama si Urshanabi. Dahil
dito, nagpakita si Urshanabi at itinuro sa kanya na pumutol ng 300 puno at bumuo ng
malaking bangka upang makapunta kay Utnapishtim. Nang siya'y makarating sa isla nila
Utnapishtim, kaagad niyang nakita si Utnapishtim at ang asawa nito.

GILGAMESH: Magandang araw sa inyo, ako si Gilgamesh, ang hari ng Uruk, ay personal na
nagsadya upang humingi ng tulong kung papaano ako magkakaroon ng buhay na walang
hanggan dahil sa aking pagkakaalam ikaw ay nagtataglay nito Utnapishtim. Kailangan ko
ito sapagkat hindi ko nais na matulad sa aking matalik na kaibigang si Enkidu na pumanaw
dahil sa galit ng mga diyos.

UTNAPISHTIM: Mali ang iyong mga dahilan kung bakit mo nais na mabuhay ng walang
hanggan sapagkat ang pakikipaglaban sa karaniwang kapalaran ng mga tao ay walang
kabuluhan at nagbabawas ng mga kagalakan ng buhay. Kaya naman, tigilan mo na ang
walang halagang pangarap mo na iyan!

GILGAMESH: Hindi ko maaaring sukuan ang mithiin kong ito kaya naman nakikiusap ako na
isalaysay o sana kung paano ka nagkamit ng buhay na walang hanggan.
UTNAPISHTIM: Ang mga diyos ay nagpasya na magpadala ng isang malaking baha. Upang
ako ay iligtas, ang diyos na si Ea ay nagsabi sa akin na magtayo ng isang bangka. Kanyang
binigyan niya ako ng mga tiyak na dimensiyon at ito ay sinarhan ng mga pitch at bitumen.
Ang aking buong pamilya ay sumakay kasama ng kanyang mga lalaking may karanasan sa
pagpapatakbo ng bangka at "lahat ng mga hayop sa parang". Dumating ang isang
marahas na bagyo ay lumitaw na nagsanhi sa mga takot na diyos na umurong sa mga
langit. Nagdalamhati si Ishtar sa malawak na pagkawasak ng sangkatauhan at ang ibang
mga Diyos ay tumangis sa tabi niya. Ang bagyo ay tumagal ng anim na araw at gabi kung
saan pagkatapos ay lahat ng mga tao ay naging putik. Hindi ko napigilan ang aking
pagtangis nang aking makita ang pagkawasak. Ang aming bangka ay lumapag sa isang
bundok at nagpalipad ng isang kalapati, isang layang-layang at isang uwak. Nang mabigo
ang mga uwak na bumalik, aking binuksan ang kanyang arko at pinalaya ang mga
nakatira dito. Ako ay naghandog sa mga Diyos. Itinaas at nangako si Ishtar na kanyang
hindi kalilimutan ang mga makikinang na kwintas na nakabitin sa kanyang leeg at kanyang
aalalahanin ang panahong ito. Nang dumating si Enlil na galit na may mga nakaligtas,
kanyang kinastigo si Ea sa pagpapadala ng hindi pantay na parusa. Pinagpala ako ni Enlil
at aking asawa ng walang hanggang buhay.

Ang regalong aking nakamit ay hindi ko nakuha sa madaling paraan kaya naman ikaw
Gilgamesh ay aking hinahamon. Kapag ikaw ay hindi nakatulog sa loob ng pitong araw at
pitong gabi ay sasabihin ko sa iyo ang sikreto sa pagkakamit ng buhay na walang hanggan.

GILGAMESH: Malugod ko itong tinatanggap.

LAHAT: Sa kasamaang palad, nakatulog si Gilgamesh

SABA (Asawa ni Utnapishtim): Tingnan mo ang isang ito! Gusto niyang mabuhay ng walang
hanggan ngunit sa isang iglap lamang ng kanyang pag-upo ay sinalubong na agad ng
paghimbing. Mahal, siya ay iyo nang tapikin sa balikat upang magising at nang makabalik
na siya sa kanyang pinanggalingan.

UTNAPISHTIM: Lahat talaga ng mortal ay mga sinungaling. Kapag siya ay nagising, tingnan
mo kung papaano niya tayo tatangkaing lokohin. Kaya naman bago pa iyon mangyari,
magluto ka ng tinapay sa bawat araw na siya ay tulog at markahan mo ito sa pader upang
magsilbing palatandaan ng kanyang pagkakatulog.

SABA: Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim at pitong araw na tulog. (tinapik si Gilgamesh)

GILGAMESH: Muntik na akong makatulog sa iyong paghawak sa akin.

UTNAPISHTIM: Tumingin ka sa pader aking kaibigan. Tingnan mo ang mga tinapay na niluto
ng aking asawa sa bawat araw na ikaw’y nahihimbing sa pagtulog.

GILGAMESH: (Nangangamba)Ano na ang aking gagawin? Saan na ako patutungo


ngayon? Ako ay kukunin na ng kamatayan. Saanman ako bumaling, isa lamang ang aking
nakikita, kamatayan.

UTNAPISHTIM: Urshanabi, kaibigan, ito na ang oras upang ihatid mo si Gilgamesh nang ligtas
sa katubigan pabalik sa kanyang lugar.

SABA: Saglit lamang, mahal, ang lalaking ito ay nagmula pa sa malayong lugar upang
tayo’y sadyain, ininda ang bawat pagsubok sa pagpunta rito kaya naman maaari ba natin
siyang bigyan ng regalo sa kanyang paglalakbay pauwi?

UTNAPISHTIM: Gilgamesh, ikaw ay naglakbay ng malayo upang makarating dito. Ikaw ay


nagbata ng maraming pagsubok upang makarating dito kaya naman ibabahagi ko sa’yo
ang isang lihim, ang lihim ng mga diyos. Mayroon isang matinik na halaman na tumubo sa
dakilang kailaliman ng karagatan. Mayroon itong mga tinik na tiyak tutusukin ang iyong
mga daliri na parang tinik ng mga rosas. Kung makikita mo ito at madala sa lupa,
matatagpuan mo ang iyong minimithi, ang buhay na walang hanggan.
LAHAT: Humukay. Humukay nang malalim si Gilgamesh sa dalampasigan upang makapunta
sa dakilang kailaliman ng karagatan. Tinalian niya ang dalawang malalaking bato at
inilagay sa kanyang mga paa upang siya ay hilahin pababa. Doon ay natagpuan niya ang
matinik na halaman na kanyang hinawakan hanggang sa siya ay matinding nasugatan ng
mga tinik nito. Kahit matindi ang sakit ay pinilit niyang makawala sa mga bato gamit ang
kanyang nagdurugong mga kamay.

GILGAMESH: Halika, marikit at makapangayarihang halaman, ang lunas sa aking takot sa


kamatayan. Sa iyong kapangyarihan, maibabalik ko na ang kabataang minsan ay aking
naiwanan. Isasama ko ito sa Uruk at ipakakain sa isang matandang lalaki at kung ito ay
maging epektibo, ako rin ay kakain at muling magiging bata habambuhay.

LAHAT: Matapos ang 400 milyang paglalakbay, sila ay tumigil muna sa isang kagubatan
upang kumain at magpahinga. Nang makakita si Gilgamesh ng isang batis, kaagad siyang
nagtampisaw upang linisin ang sarili. Ngunit, sa kanyang paglingat ay naamoy ng isang
ahas ang halimuyak ng halaman at kinuha ito. Sa pag-alis nito ay iniwan nito ang kanyang
balat.

GILGAMESH: (nawalan na ng pag-asa) Ano na ang aking gagawin ngayon? Lahat ng aking
paghihirap ay para lamang sa wala. O, Urshanabi, lahat ba ito ay katumbas ng lahat ng
paghihirap at pasakit na aking tinamo? Wala. Wala na. Itinaya ko ang aking buhay para sa
isang kahibangan. Paano na? Paano na?

-----------------------WAKAS---------------------

You might also like