You are on page 1of 1

Buod ng Ang Parabula ng Sampung Dalaga

May malaking kasalan ang inihahanda sa Israel. Mahaba ang inilaan na panahon sa paghahanda nito sapagkat ito’y
karaniwang gawi ng mga Hudyo sa bayan ng Israel. Nagsimula ito sa pagkakasundo ng ama ng binata at ng ama ng
dalagang ikakasal. Susunod, plinano naman nila ang mga magiging detalye sa kasalan. Pagkatapos ng kasunduan ay
lalayo ang binata upang paghahandaan ang kanilang magiging tahanan. Halos isang taon ang pagkakalayo ng
magkasintahan kaya dito nasubok ang kanilang pagiging matatag. Subalit, sa wakas, dumating na ang gabing
pinakahinihintay ng lahat — ang kasal. Pumunta muna ang binata sa bahay ng dalaga upang sunduin ito, pagkatapos ay
tutungo naman sila sa tirahan ng binata kung saan doon gaganapin ang kasal. Sa labas ng bahay ng binata ay may
sampung dalagang may dala-dalang ilawan na nakatalagang maghintay sa kaniya. Lima sa mga dalaga ay matatalino
samantala ang natitirang lima naman ay tinawagang hangal sapagkat nagbaon nga sila ng ilawan ngunit hindi sapat ang
langis na dinala nila.

Matagal na naghintay ang mga dalaga. Lumalalim na ang gabi ngunit wala pang dumarating na binata. Hanggang sa
maghahatinggabi na, dumating ang isang tagapagbalita na nagsabing paparating na ang binatang ikakasal. Masayang
nagsigawan ang mga tao habang ang sampung dalaga naman ay nag-ayos ng kanilang mga ilawan bilang paghahanda sa
paparating na ikakasal. Subalit, ang ilawan ng mga dalagang hangal ay aandap-andap na. Dahil sa matagal na paghihintay,
naubos na ang langis ng kanilang ilawan. Sinubukan nilang makiusap sa mga dalagang matatalino na bigyan sila ng langis
ngunit hindi sila pumayag sa kadahilanan na para sa kanila lamang ang natitirang langis nila. Kaya naman, napilitan ang
mga hangal na dalaga na umalis upang bumili ng langis.

Habang sila’y bumibili ng langis, dumating na ang binatang ikakasal. Agad siyang sinamahan ng limang dalagang
nakahanda at saka isinara ang pinto. Ito ay isang kaugalian noon kung saan tanging ang mga taong naghihintay sa labas
pagkadating ng ikakasal ay ang mga maaaring pumasok upang maiwasang papasukin ang mga taong hindi naman
imbitado o hindi kilala ng ikakasal. Nasa loob na lahat ang mga tao nang dumating ang mga dalagang hangal.
Pinakiusapan nilang papasukin sila ng binatang ikakasal na siya ring Panginoon ngunit tumugon ito at sinabing hindi niya
kilala sila. Walang nagawa ang mga dalaga kundi pagsisihan ang hindi nilang paghahanda para sa pagdating ng kanilang
Panginoon.

You might also like