You are on page 1of 3

Ang Gorilya at ang Alitaptap

Isang gabi, naglalakad si Iput-Iput, (ang alitaptap) patungo sa bahay ng kanyang kaibigan.
Nang mapadaan siya sa tapat ng bahay ni Amomongo (ang gorilya), tinanong siya nito. “Hoy,
Iput-Iput, bakit lagi kang may dala-dalang ilaw?” Sumagot si Iput-Iput, “Dahil natatakot ako sa
mga lamok.”

“Ah, duwag ka pala”, ang pang-uuyam ng gorilya.

“Hindi ako duwag!” ang nagagalit na sagot ng alitaptap.

“Kung hindi ka duwag, e bakit lagi kang may dala-dalang ilaw?” ang pang-aasar ni
Amomongo.

“Nagdadala ako ng ilaw para kapag nilapitan ako ng mga lamok at kakagatin ay makikita ko
sila kaagad at nang sa gayo’y maipagtanggol ko ang aking sarili”, ang tugon ni Iput-Iput.

Tumawa nang malakas si Amomongo. Kinabukasan, maaga itong gumising at ipinamalita sa


lahat ng kapitbahay na kaya daw laging may dalang ilaw si Iput-Iput ay dahil duwag ito.
Kaagad na kumalat sa buong bayan ang balita.

Nang mabalitaan ito ng alitaptap, nagalit siya. Dali-dali siyang lumipad patungo sa bahay ni
Amomongo. Gabi noon at natutulog na ang gorilya, ngunit itinapat niya ang kanyang ilaw sa
mukha nito hanggang sa ito ay magising.

“Hoy, gorilya, bakit ipinamamalita mong duwag ako? Upang mapatunayan ko sa’yong hindi
ako duwag, hinahamon kita sa isang labanan. Magkita tayo sa sa plasa sa susunod na Linggo
ng hapon.”

Pupunga-pungas na nagtanong ang gorilya.


“Mayroon ka bang mga kasama?”

“Wala!” ang sigaw ni Iput-Iput. “Pupunta akong mag-isa.”

Nangiti si Amomongo sa tinuran ni Iput-Iput. Dili’t isang maliit na insekto ang humahamon sa
kanya ng away. Nagpatuloy ang alitaptap.

“Hihintayin kita sa plasa sa susunod na Linggo sa ganap na ikaanim ng hapon!”

‘“Magsama ka ng mga kakampi mo dahil magsasama ako ng libu-libong gorilya na mas


malalaki pa sa akin.”

Sinabi ito ni Amomongo upang takutin ang alitaptap, na sa pakiwari niya ay nasisiraan ng ulo.

Ngunit sumagot si Iput-Iput, “Hindi ko kailangan ng kakampi. Darating akong mag-isa!


Paalam!”

Pagkaalis ng alitaptap, tinipon ng gorilya ang kanyang mga kasamahan at ipinaalam sa mga
ito ang nakatakdang pagtutuos. Inutusan niya ang mga ito na kumuha ng tig-isang pamalo na
may habang tatlong dangkal at pumunta sa plasa nang ika-anim ng gabi sa susunod na
Linggo. Ikinabigla ito ng kanyang mga kasamahan, ngunit nasanay na silang sundin ang
kanilang pinuno kaya ipinangako nilang pupunta sila sa itinakdang oras at lugar.

Dumating ang araw ng Linggo. Bago pa mag-ikaanim ng hapon ay nagtipon na ang mga
dambuhalang gorilya sa plasa ngunit nadatnan na nila ang alitaptap na naghihintay sa kanila.
Maya- maya, tumunog ang kampana ng simbahan bilang hudyat ng oras ng orasyon o
pagdarasal. Iminungkahi ng alitaptap sa mga gorilya na magdasal muna sila. Pagkatapos
magdasal, agad sinabi ni Iput-Iput na nakahanda na siya. Inutusan ni Amomongo ang
kanyang mga kasama na humanay. Pumuwesto siya sa una bilang pagpapakilalang siya ang
pinuno ng mga ito.

Dagling lumipad si Iput-Iput sa ilong ng gorilya at inilawan niya ito. Hinampas ng kasunod na
gorilya si Iput-Iput ngunit kaagad itong nakaalis kaya ang tinamaan ng gorilya ay ang ilong ni
Amomongo na halos ikamatay nito. Dumapo si Iput-Iput sa ilong ng pangalawang gorilya.
Hinampas ng pangatlong gorilya si Iput-Iput ngunit kaagad itong nakalipad, kaya ang
nahampas niya ay ang ilong ng pangalawa na ikinamatay nito. Muli, inilawan ni Iput-Iput ang
ilong ng pangatlong gorilya. Hinampas ng ikaapat na gorilya si Iput-Iput na kaagad na
kalipad. Muli, namatay ang pangatlong gorilya dahil sa lakas ng pagkakahampas ng ikaapat
na unggoy sa ilong nito. Nagpatuloy ang ganitong pangyayari hanggang si Amomongo na
lamang ang natirang buhay na gorilya na halos hindi makagulapay dahil sa tinamong sakit.
Nagmakaawa ito kay Iput-Iput na patawarin na siya, at huwag patayin. Pinatawad naman siya
ni Iput-Iput, ngunit simula ng hapong iyon, nagkaroon na ng malaking takot ang mga gorilya
sa mga alitaptap.

Aral:

 Huwag mong husgahan ang iyong kapwa base sa kanyang laki o liit ng
pangangatawan. Kadalasan kasi ay may mas nagagawa ang mga maliliit na hindi
kayang gawin ng malalaki.
 Iwasan ang pagpapakalat ng maling balita upang siraan ang kapwa.

You might also like