You are on page 1of 24

See discussions, stats, and author profiles for this publication at: https://www.researchgate.

net/publication/317276797

Saliksik E-Journal Artikulo ISANG PANIMULANG PAG-AARAL SA


ISPIRITWALIDAD AT RELIHIYON NG MGA THAI

Article · November 2015

CITATIONS READS

0 2,552

2 authors, including:

Homer Yabut
De La Salle University
6 PUBLICATIONS   4 CITATIONS   

SEE PROFILE

Some of the authors of this publication are also working on these related projects:

research View project

All content following this page was uploaded by Homer Yabut on 01 June 2017.

The user has requested enhancement of the downloaded file.


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

Artikulo

ISANG PANIMULANG PAG-AARAL


SA ISPIRITWALIDAD AT RELIHIYON NG MGA THAI
Leni dlR. Garcia, Ph.D.
Departamento ng Pilosopiya
De La Salle University - Manila, Philippines

Homer J. Yabut, Ph.D.


Departamento ng Sikolohiya
De La Salle University - Manila, Philippines

Abstrak

Masusi nang inaaral ngayon sa iba’t ibang kalinanga’t kultura ang ispiritwalidad at relihiyon
dahil sa mahalagang gampanin nito sa sikolohikal na aspekto ng mga tao. Ninanais ng
papel na itong magbigay ng panimulang pag-aaral sa ispiritwalidad at relihiyon ng mga
Thai. Gumamit ng mga panayam sa mga key informant ang mga mananaliksik upang
malaman at mapalalim ang pagpapakahulugan ng mga Thai tungkol sa ispiritwalidad at
relihiyon. Pinapakita ng mga resulta ang mahalagang pagkakaugnay ng Buddhismo sa
pananampalataya ng mga Thai. Bagama’t may pagkakaiba sa mga pagpapahayag nila ng
kanilang ispiritwalidad at relihiyon na napasukan na rin ng animismo at sinkretismo, ang
sentro pa rin ay ang turo sa kanilang maging mabubuting tao.

PANIMULA

Ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Integration ay masasabing isang


mahalagang kabanata sa kasaysayan ng mga bansa sa Timog Silangang Asya (ASEAN
2014). Dahil dito, napapanahong matingnan at masuri ang pagkakapareho ng iba’t ibang
bansa sa Timog Silangang Asya para mas tumingkad ang pagkakaunawaan ng bawa’t
bansa para lalong mapaunlad ang mga ugnayan at pati na rin ang mga buhay ng mga

116 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

mamamayan ng bawat bansa sa rehiyon. Mahalaga ang gampanin ng ispiritwalidad at


relihiyon sa buhay ng isang tao kaya dapat itong masuri. Matagal nang nabanggit ng mga
sikolohistang sina Carl Jung at Abraham Maslow na may mahalagang gampanin ang
ispiritwalidad sa isang tao (Hill et al. 2000). Sa kapuluang Timog Silangang Asya, ang
Pilipinas at Timor-Leste (itong huli’y hindi pa bahagi ng ASEAN) ang mga bansang
mayorya ang mga Katoliko-Kristyano sa pananampalataya. Dinodominahan ang ibang
bansang Austronesyano gaya ng Indonesia, Malaysia, at Brunei ng mga Islamiko-Muslim.
Sa mga karatig na bansa naman sa kontinenteng Timog Silangang Asya, Buddhismo ang
naging pangunahing relihiyon tulad sa Thailand, Laos, Cambodia, at Myanmar. May
malaking bilang din ng mga mamamayan ng Vietnam at Singapore na Buddhismo ang
pananampalataya. Sa kontekstong Kanluranin, inaaral na ngayon ang pagkakaiba ng
isipiritwalidad at relihiyon (Zinnbauer et al. 1997). Nakatuon ang panimulang pag-aaral
na ito sa ispiritwalidad at relihiyon ng mga Thai. Ninanais ng mga mananaliksik na
maunawaan ang pagpapakahulugan sa ispiritwalidad at relihiyon ng mga piling paham at
pratisyuner. Pinili ang Thailand dahil sa sinasabing pagkahawig ng kalinanga’t kultura
nito sa Pilipinas lalo na sa aspetong anituismo ng ispiritwalidad bagama’t may malaking
kaibahan pagdating sa relihiyon at pagiging bansang hindi nasakop.

Pinagmulan ng Buddhismo

Ang Buddhismo ay isang relihiyong nagmula sa Nepal at karatig na rehiyon mga 500 bago
ang karaniwang panahon (BKP). Itinatag ito ni Siddhartha Gautama, isang prinsipe ng
angkan ng mga Shakya na nagpasyang iwanan ang kaharian at maging isang asetiko
(Narada 1973, 1-5). Nang mga panahong iyon, nasasailalim ang Nepal sa impluwensya ng
relihiyong Hinduismo na batay sa mga sulatin ng mga Veda at may paniniwala ito sa
imortal na kaluluwa na tinatawag na atman sa salitang Sanskrit. Hindi nagbabago ang
atman ngunit naipapanganak ito sa iba’t ibang uri at anyo, sa pamamagitan ng muling
pagkakatawan o reinkarnasyon. Nababatay ito sa moralidad ng tao habang siya’y
nabubuhay, sapagkat nasasaklaw ito ng karma. Kaya naman naniniwala ang Hinduismo
na nababatay ang kalagayan ng isang tao sa nakaraan niyang buhay. Naipapaliwanag
dahil sa karma ng tao ang caste system, kung saan ibinibilang ang mga tao sa iba’t ibang
panlipunang uri—ang iba sa mataas na lebel at ang iba sa mababang lebel. Kung
maganda ang katayuan ng isang tao, nangangahulugang may mabuting nagawa siya sa
nakaraan niyang buhay. Kung hindi naman kagandahan o kung naghihirap siya, ibig
sabihin lamang nito, may nagawa siyang masama sa mga nakaraan niyang buhay na
kailangan niyang pagbayaran. Nararapat lamang ang anumang istasyon ng isang tao sa
buhay batay sa kanyang nagawa sa nakaraan. Maaaring makalaya ang atman sa siklo ng
reinkarnasyon kung makakawala ito sa pagkahilig o pagkatali sa mundo at matatanto nito
ang pagiging isa sa tinatawag na Brahman o espiritong nangangalaga sa buong

117 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

sansinukob. Sa Hinduismo, nirvana ang tawag sa kalagayang ito. Tinatawag ang ganitong
paniniwala na Brahmaniko (Moore 1967; Radhakrishnan at Moore 1973).

Siddhartha Gautama

Si Siddhartha ay isang kshatriya, ang uri ng mga dugong bughaw. Ipinanganak sa Nepal,
prinotektahan siya ng kanyang amang hari sa mga pighati sa buhay upang maituon niya
ang kanyang buhay sa pagiging dakilang hari balang araw. Ngunit nang malaman niya
ang katotohanang ang tao’y nagkakasakit, tumatanda, at namamatay; at namalas niya ang
katahimikang natatamo sa pamamagitan ng meditasyon, pinili niyang itakwil ang
karangyaan at tunguhin ang landas ng ispiritwalidad. Iniwan niya ang kanyang pamilya
at nanatili siya sa gubat para iukol ang kanyang sarili sa meditasyon tulad ng mga asetiko
ng Hinduismo. Natanto niyang misyon niya sa buhay ang tugunan ang paghihirap sa
mundo. Ipinangako niyang gagawa siya ng paraan para mailigtas ang mga tao sa
anumang klase ng paghihirap kaya ang pinagmumulan ng paghihirap ang kanyang
sinikap na malaman (Narada 1973, 5-8).

Ngunit sa naging karanasan ni Siddhartha sa kagubatan, hindi sapat ang maging asetiko,
habang hindi rin kanais-nais ang pagiging materyalistiko. Sa kanyang tuluyang
pagninilay tungkol sa realidad, nalaman niyang ang pagtahak ng gitnang landasin ang
pinakamahusay na paraan. Alinmang sukdulang gawai’y magiging masama kalaunan,
kaya’t sinikap ni Siddhartha na baklasin ang pagkakapit niya sa kahit ano rito.
Pagkatapos ng mahaba-habang panahong iginugol niya sa meditasyon, nakaupo sa ilalim
ng punong bodhi, natuklasan niya ang apat na marangal na katotohanan (catvari
aryasatyani o four noble truths) na siyang naging batayan ng Buddhismo. Tinaguriang
“Buddha” si Siddhartha matapos niyang ibunyag ang mga katotohanang ito. Ang salitang
“Buddha” ay nangangahulugan lamang na nagtamo siya ng kaliwanagang ispiritwal (Della
Santina 1997, 22-28). Samakatwid, isa lamang si Siddhartha sa mga maaaring maging
Buddha. Lahat ng tao ay maaaring magkaroon ng kaliwanagang ispiritwal katulad ng
natamo ni Siddhartha kung mauunawaan ang mga marangal na katotohanan (Narada
1973, 46-50).

Apat na Marangal na Katotohanan


at mga Kaugnay na Konsepto sa Buddhismo

Sinasabing una sa mga katotohanang ito na ang buhay ay puno ng paghihirap (duhkha o
suffering) (Arthavinishcaya Sutra VI sa Samtani 2002, 107-114). Ang paghihirap na ito’y
maaaring sa anyo ng kahirapan, pighati, kalungkutan, at iba pang katulad nito. Tayo’y
ipinapanganak, nagkakasakit, tumatanda, at namamatay. Habang nabubuhay, nagnanais

118 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

tayo ng mga bagay at kalagayang hindi natin makamit. Nais natin maging mayaman,
maging maganda, maging popular, magkaroon ng mamahaling pag-aari, maging
makapangyarihan, mahalin, magmahal, manatiling bata, huwag mamatay, at iba pa.
Malimit na hindi naman natin nakakamit ang mga kagustuhang ito, at nagdudulot ito sa
atin ng pagkabigo. Kaya naman ang pangalawang marangal na katotohanang natuklasan
ng Buddha ay ang dahilan at pinagmulan ng ating paghihirap (samudaya o origin of
suffering) (Arthavinishcaya Sutra VI sa Samtani 2002, 107-114). Pangatlo naman sa mga
natuklasan ang katotohanang mayroong paraan upang maiwasan ang pagnanais na
dahilan ng paghihirap (nirodha o cessation of suffering) (Arthavinishcaya Sutra VI sa
Samtani 2002, 107-114). At sinasabi ng pang-apat na katotohanang ang paraan ng pag-
iwas (marga o path to cessation of suffering) ay ang pagsunod sa walong tamang landas
(aryastangamarga o rightful eight-fold path): tamang pag-unawa (sa mga katotohanan),
tamang pag-iisip, tamang pagnanalita, tamang pagkilos, tamang paghahanapbuhay,
tamang pagsisikap, tamang pag-alam o pagkamalay, at tamang pagninilay. Ang
pagsasanay sa sarili sa walong ito ang makakapagpahina ng pagnanais hanggang tuluyan
itong mawala (Arthavinishcaya Sutra VI sa Samtani 2002, 107-114). Ito rin ang
makakatulong sa atin sa paglinang ng kaugaliang makiramay (karuna o compassion) sa
lahat ng bagay na may-pakiramdam (mga sentient being). Kaya’t ang pangunahing
mithiin ng Buddhismo ay ma-engganyo ang lahat na maging mabuti sa iba, dahil ito ang
paraan upang maibsan ang paghihirap sa mundo.

Sinabi rin ng Buddha na anumang bagay sa mundong ito ay walang sariling pag-iral
(existence) kundi pinagsama-sama lamang na porma, damdamin, pang-unawa, karma, at
malay (Arthavinishcaya Sutra I sa Samtani 2002, 5). Ang pagsama-sama ng mga ito ay
dahilan ng panandaliang pag-iral. Ngunit dahil laging nagbabago ang lahat, naghihiwa-
hiwalay rin ang mga ito at walang natitira pagkatapos. Kaya pinabulaanan ng Buddhismo
ang atman na siyang sentro sa Hinduismo. Walang sariling umiiral sa atin. Mayroon
lamang pagkakasunod-sunod ng mga sandali na naglalaman ng ating pag-iisip o pagkilos.
Sa totoo, walang “aktor” o atman na permanenteng nariyan na maaaring umiral at hindi
magbago. Sa Buddhismo, inilalarawan bilang anatman ang realidad.

Halimbawa, tila may sariling pag-iral ang mesang kahoy kung saan ako nagtratrabaho.
Ngunit kung susuriin, hindi ito maaaring magsilbing mesa sa akin ngayon kung walang
nagtanim ng puno kung saan nakakuha ang mangangahoy ng materyal para dalhin sa
karpintero na siyang humubog ng kahoy at gumawa nitong mesa. Dumaan ito sa
nagpinta o nagvarnis ng mesa, dinala sa tindahan, nabili ko, at nailagay rito sa aking
bahay. Kung mawala isa man sa mga elementong pinagdaanan ng mesang ito, walang
mesa ngayon dito sa harap ko o kaya’y ibang mesa ang magagamit ko. Kalaunan din, ang
mesang ito ay maluluma, mababakbak, at magiging abo. At kapag nangyari iyon, walang
“mesa” na matitira o maituturing na umiral mula sa umpisa.

119 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

Tulad ng halimbawa, isa ring ilusyon ang pag-iral ng sarili. Akala nati’y mayroong
tagagawa at taga-isip ng lahat ng ating gawain at pag-iisip dahil mayroong pagpapatuloy
sa mga nangyayari sa atin. Ngunit kung may pagpapatuloy na nagaganap, ito ang patuloy
na pagbabago lamang. Ang ating katawan ay tumatanda, ang ating pag-iisip ay
nagbabago, at kalaunan, tayo ay mawawala rin. Ang paniniwalang tayo’y pilit na iiral at
hindi magbabago ay nagsasanhi lamang ng pagkabigo.

Kaya ipinapaliwanag ng Buddhismong sanhi ang pagsulpot ng mga bagay sa mundo ng


tinatawag na pagkakadepende ng pinagmulan (pratityasamutpada o dependent
origination) (Arthavinishcaya Sutra V sa Samtani 2002, 6-12). Hindi raw ito dahil sa isang
manlilikhang Diyos. Sinasabing labindalawa ang mga sanhing nakaangkla sa isa’t isa na
nagbubunga ng pagdurusa o paghihirap. Mula sa kamangmangan, nagkakaroon ng
karma; mula sa karma, nagkakaroon ng malay; mula sa malay, nagkakaroon ng iba’t ibang
pangalan at porma; mula rito, nagkakaroon ng anim na pandama, na siya namang sanhi
ng iba’t ibang klaseng karanasang nagbubunga ng pakiramdam, na nagbubunga ng
pagnanais. Nagbubunga naman ang pagnanais ng proseso kung saan nangyayari ang
panganganak muli at ito ang sanhi kung bakit may pagtanda, kamatayan, kalungkutan,
panaghoy, paghihirap, pagdadalamhating mental, at pagkabagabag (Arthavinishcaya
Sutra V sa Samtani 2002, 6-12).

Kaya kung may tamang kaalaman tayo tungkol sa katotohanan ng realidad, maliligtas
tayo sa ganitong kadena ng paghihirap. Ang kamangmangan ang nagsasanhi ng ating
pagkapit sa mga bagay na kung tutuusi’y panandalian lamang. Dahil inaakala nating may
sariling pag-iral, nagdurusa tayo kung pumanaw ang isang mahal sa buhay, kung maging
mapait ang dating matamis na pag-ibig, o kaya’y mawala ang kayamanan. Kaya kung
maunawaan natin ang kawalan ng sariling pag-iral at pagkakadepende ng pinagmulan,
magkakaroon tayo ng kabatirang makakapagpalaho ng pagnanais at makakatakas na tayo
sa paghihirap. Subalit kung hindi, dahil sa ating karma, maaari tayong ipanganak muli sa
mundo o sa ibang mas malalang kalagayan o mundo (Arthavinishcaya Sutra V sa Samtani
2002, 6-12).

Naniniwala ang isang tradisyon ng Buddhismo (Mahayana) na may limang kalagayan o


mundo (minsa’y anim, kung paghihiwalayin ang una) na maaari nating bagsakan,
depende sa klase ng ugali natin at gawi sa kasalukuyang buhay.1 Ito ang kalagayan ng
mga diyos o taong selestyal (mga celestial being tulad ng mga deva at asura) kung saan
ginantimpalaan ang mga tao ng masaya at mahabang buhay (ngunit ang mga asura ay
kinikilalang hindi kasing buti ng mga deva). Masaklap ang mundo ng mga gutom na
multo (mga preta o hungry ghost) na siyang produkto ng pagkamatakaw at
pagkamapanghangad. Dahil ito sa hindi nila malasap ang pagkain, kung mayroon man,
dahil napakalaki ng kanilang tiyan ngunit napakakitid ng kanilang lalamunan. Hindi sila
masiyahan anuman ang kanilang makamkam. Sa kalagayan naman ng impiyerno ang

120 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

mga taong madaling magalit at agresibo. Pinangunguhahan ng kamangmangan ang


mundo ng mga hayop. At ang kalagayan naman ng mga tao ay iyong maaaring
pagsimulan ng paglalakbay patungong ispiritwal na kalayaan mula sa muling
pagkakapanganak (samsara sa salitang Sanskrit o rebirth) para matunton ang walang
kapanganakang estado na tinatawag na nirvana (O’Brien 2015).

Kailangang maliwanagang maaari ring tingnan ang mga kalagayan o mundong ito bilang
simbolo ng mga sikolohikal na impluwensya sa mga tao sa kasalukuyang buhay (Della
Santina 1997, 236). Sa madaling salita, nakararanas tayo ng iba’t ibang kalagayan o
mundo kung hindi tayo susunod sa walong tamang landas.

Tradisyong Mahayana at Theravada

Lumaganap ang Buddhismo sa mga bansang nasa labas ng Nepal nang pumanaw ang
Buddha. Maraming grupo ang nailunsad dahil sa iba’t ibang interpretasyon sa mga
araling iniwan ng Buddha. Ngunit sa kabila nito, masasabing kinabibilangan ito ng
dalawang pangunahing grupo na Mahayana o Mas Malaki o Mas Malawak na Paraan
(Greater Vehicle) at Theravada o Gawi ng mga Nakatatanda (Way of the Elders) na
nagdedesisyon noon sa mga unang konseho ng mga Buddhista. Lumaganap ang grupong
Mahayana ng Buddhismo sa Tibet, Bhutan, at mga karatig na bansa. Sa Tsina, nahaluan
ang Mahayana ng lokal na kalinanga’t kultura, tulad ng kaugnay ng Confucianismo at
Taoismo. Dito, tinagurian itong Chan. Naisalin naman ang Mahayana sa kalinanga’t
kultura ng Hapon at Korea at nagkaroon dito ng iba’t ibang grupo katulad ng Zen o Seon
na naging popular na pag-aralan ng mga Kanluranin. Sa Cambodia, Laos, Myanmar, Sri
Lanka, at Thailand naman, ang Theravada ng Buddhismo ang lumaganap (Rahula 1996).

Ayon kay Peter Della Santina (1997, 130-131), pareho ang pinagmulan ng tradisyong
Theravada at Mahayana: ang mga araling isinabuhay at iniwan ng Buddha. Dahil dito,
halos pareho rin ang mga tekstong pinagbabatayan ng kanilang paniniwala pati na rin ang
ilan sa mga ritwal nila. Kung susuriin, ang mga pagkakaiba ng dalawang tradisyon ay
nasa pagdiin sa magkaibang elemento ng mga pananaw na naituro ng Buddha dahil na rin
sa magkaibang pagtingin sa paglayang ispiritwal. Nakatutok ang konsentrasyon sa
pamumuhay ng tradisyong Theravada sa paglilinang ng ispiritwal na kaalaman para sa
sariling kaligtasan. Dahil dito, malimit na binibigyang-diin sa kalinanga’t kulturang
Theravada ang pagiging monghe. Sa monastikong pamumuhay, mas madaling makamtan
ang kaliwanagang ispiritwal. Ang mongheng nakakamit ng ispiritwal na realisasyon ayon
sa tuntuning iniwan ng Buddha ay maaari nang makalaya sa siklo na pagkakapanganak o
samsara. Tinatawag siyang Arhat.

121 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

Sa kabilang dako naman, ang pagka-Buddha ang ideyal na tao ng tradisyong Mahayana.
Itinuturing ng mga Mahayanistang ang buhay ng Buddhang si Siddhartha Gautama ang
batayan nito. Dahil inibig ng Buddha ang mailigtas ang lahat sa paghihirap o pagdurusa
na sanhi ng samsara, nanatili siya upang turuan ang lahat na ginustong makinig sa kanya
kung paano mamuhay sa pagsasanay ng kabutihan at pakikiramay (Della Santina 1997,
130-131). Kung gayon, ang may kaliwanagang ispiritwal ay hindi gumagawa ng paraan
para mailigtas ang sarili lamang kundi mailigtas ang lahat. Ito ang tinatawag sa
tradisyong Mahayana na Boddhisattva.

Dahil dito, maaaring ituring na mas bukas ang Mahayana sa iba’t ibang uri ng
pamumuhay. Kahit hindi monastiko ang isang tao, malalapit din siya sa kalayaang
ispiritwal kung masipag niyang lilinangin ang aral ng mga marangal na katotohanan at
kikilos at gagawa ayon sa walong tamang landas na magbubunsod ng kabutihan at
pakikiramay. Mas bukas din ang Mahayana sa pagtanggap ng mga impluwensya mula sa
iba’t ibang kalinanga’t kultura. Dahil dito, mas nadiinan sa Mahayana ang pagganap ng
mga ritwal na nagdudulot ng meritoryo, ang pagtanggap ng iba pang Boddhisattva
maliban sa Maitreya, tulad ng Avalokiteshvara, Manjusri, Ksitigarbha, at Samanthabadra,
at pagdiin tungkol sa kalikasan ng pagka-Buddha (Bhikkhu 2012, 2).

Buddhismo sa Thailand

Kilala ang Thailand bilang “Land of the Yellow Robes” dahil sa dilaw ang kasuotan ng mga
monghe sa sangha o komunidad ng mga monastiko. Malaki ang respetong ibinibigay ng
mga mamamayan sa kanila. Gumugugol ang gobyerno para sa pag-alaga sa mga templo
at sangha ngunit malaki rin ang kontribusyon ng mga layko sa pagkalinga sa mga
monastiko. Itinuturing na meritoryo, halimbawa, ang pagbibigay ng pagkain sa mga
monastikong kumakatok sa mga tahanan o kaya’y ang pagdalaw sa templo upang mag-
alay ng mga prutas, tubig, at kung anu-ano pang kailangan sa sangha (Kusalasaya 2005,
164).

Karaniwang sinasabing Theravada ang tradisyon ng Buddhismo sa Thailand. Dahil ito sa


mga misyonaryo ni Haring Ashoka na nagdala ng relihiyon sa Sri Lanka at umabot sa
bansang Thailand matapos ang pangatlong konseho ng Buddhismo kung saan nanaig ang
kinagawian ng mga nakatatanda at pinagtibay ang interpretasyon ng tradisyong
Theravada (Della Santina 1997, 129). Ngunit masyadong magiging simple ang ganitong
pagtingin. Nauna man ang impluwensya ng Theravada sa Thailand, may mga lugar din sa
bansang gumagamit ng mga gawi ng tradisyong Mahayana, lalo na sa Timog na bahagi ng
bansa. Gayundin, mayroong iba pang klase ng Buddhismong pamumuhay, tulad ng
Buddhismong Burmese (Pagan) at Buddhismong Lankavamsa ng Ceylon. Kailangan ding
maintindihang anuman ang nadalang uri ng Buddhismo sa Thailand, katulad ng nangyari

122 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

sa ibang bansang naging pangunahing paniniwala ang Buddhismo, humalo na ito sa lokal
na kalinanga’t kultura sa sinkretikong paraan. Kung minsan, mahirap ding
paghiwahiwalayin ng malinaw ang mga kaugalian ng mga Thai na tumuturing sa
Buddhismo dahil sa pagsasalo-salo ng iba’t ibang impluwensya ng kalinanga’t kultura.
Kahit ang mga ritwal na itinuturing ng Brahmaniko ay umiiral pa rin sa Thailand
(Kusalasaya 2005, 25-143).

Ayon sa mga pag-aaral, malakas ang sakop at impluwensya ng Buddhismo sa mga


mamamayan sa Thailand. Dahil naituturo na ang Buddhismo nang maaga sa mga bata,
naisasaloob nila ang moralidad na isinusulong ng ganitong paniniwala. Halimbawa,
napatunayang ang direktang impluwensya ng mga ispiritwal na magulang sa kanilang
mga anak ay nakapagpapababa ng insidente ng maling kaugalian sa kanila
(Chamratrithirong et al. 2010). Ang meditasyon naman ay pangkalahatang itinuturing na
nakakaginhawa ng kalooban at kaisipan at may magandang epekto sa paggawa ng
trabaho sa mga tanggapan (Petchsawanga at Duchon 2012). Malaki rin ang nagagawa ng
paniniwala sa Buddhismo sa mga dulo-ng-buhay (end-of-life) na sitwasyon, tulad ng
napagmasdan ng mga pantas sa isang Thai Buddhist Hospice na siya ring ginagampanan
ng boluntaryong tulong sa kabataang Buddhista (Arnold 2006). Ang mga nakababatang
henerasyon naman na nasa unibersidad ay natuklasang mataas ang respeto sa ispiritwal
na kalusugan at natutukoy nila ang mga salik sa pagsukat ng ispiritwalidad batay na rin sa
mga pagtuturo ng Buddhismo (Keawpimon et al. 2014).

Ninanais ng kasalukuyang pag-aaral na malaman at mapalalim pa ang pagpapakahulugan


ng mga Thai tungkol sa ispiritwalidad at relihiyon. Samakatwid, ang ispiritwalidad at
relihiyon ng mga Thai batay sa mga piling paham at praktisyuner ang pangunahing pokus
ng papel na ito.

KAPARAANAN SA PANANALIKSIK
HINGGIL SA ISPIRITWALIDAD AT RELIHIYON

Bagama’t may mga nasulat at nalathala na tungkol sa ispiritwalidad at relihiyon ng mga


Thai, minarapat ng pag-aaral na itong alamin at suriin ang pagpapakahulugan ng mga
paham at praktisyuner ng Buddhismo na maituturing na mga primaryang sanggunian.
Gumamit ang papel na ito ng isang deskriptibong kwalitatibong disenyo sa pananaliksik.
Mga key informant ang kinapanayam para malaman ang mga pagpapakahulugan ng Thai
sa ispiritwalidad at relihiyon. Ginawan ng kwalitatibong pagsusuri ang mga sagot at
tugon ng iba’t ibang key informant na paham at/o praktisyuner ng Buddhismo sa
Thailand.

123 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

Mga Kalahok

Gumamit ang kasalukuyang pag-aaral ng purposive sampling at naging pinakamahalagang


pamantayan sa mga kalahok ang pagiging paham at/o pratisyuner ng Buddhismo sa
Thailand.

Tatlong paham mula sa programang Buddhist Studies ng Mahidol University (MU) sa


Salaya, Nakhom Pathom, Thailand ang nakapanayam sa pag-aaral na ito. Nag-aral ang
mga nakapanayam ng Buddhismo sa pangkalahatan at Theravada Buddhismo ng
Thailand sa partikular. Si Mattia Salvini ang unang paham na kinapanayam.
Kasalukuyan siyang Direktor Internasyunal ng programang Buddhist Studies ng MU.
Nag-aral siya ng Sanskrit sa India at nagkapagsulat na siya ng mga artikulo tungkol sa
Madhyamaka. Pinakahuli niyang publikasyon ang The Ornament of the Light of
Awareness That Enter the Domains of All Buddhas (DTC at Mattia 2015). Si Pagorn
Singsuriya naman ang pangalawang paham na kinapanayam. May mga nasulat na rin siya
tungkol sa Buddhismo at ang kaugnayan nito sa mga larangang pilosopikal lalo na
hermeneutika (Singsuriya 2004) at etika (Singsuriya 2004). Si Pathompong
Bodhiprasiddhinand ang pangatlong paham na kinapanayam. Paham siya sa Pali at
Sanskrit sa Thai (Bodhiprasiddhinand 1996). Marami na siyang naisulat na pananaliksik
tungkol sa Buddhismo gaya ng “A History of Buddhism in Thailand: From the Sukhothai
Period up until King Rama V of the Present Chakry Dynasty.” Mayroon din siyang regular
na programa sa radio tungkol sa Buddhismo.

Si Anusorn Payakkakom naman ang nag-iisang sikolohistang paham na nagtuturo sa


Faculty of Social Sciences and Humanities ng MU. Pinili siya bilang kalahok upang
makuha ang sikolohikal na pananaw sa gampanin ng ispiritwalidad at relihiyon ng mga
Thai sa kanilang pangkalahatang sikolohiya. Nagtapos siya ng doktorado sa Counseling
Psychology at paham sa mga problema ng kabataan at ugnayang pampamilya. Marami na
siyang naisulat na pananaliksik tungkol sa pamilyang Thai tulad ng “Contemporary
Families in the Kingdom of Thailand: Where Ancient Buddhist Precepts Meet Modern
Society.”

Maliban sa mga paham, may mga nakapanayam ding praktisyuner na naglahad ng


kanilang mga karanasan tungkol sa Buddhismo. Tatlo ang mga naging kalahok na
praktisyuner para sa pagpapatibay sa impormasyon mula sa mga paham. Pawang mula
rin sa MU, isa sa kanila ang kawani, si Tidaporn Boonmen, samantalang dalawa naman
ang estudyante, sina Thanut Sormanapong at Pichchar Sriviseskusol. Kinapanayam sila
upang maglahad ng kanilang paniniwala at pati na rin mga turo sa kanilang relihiyong
Buddhismo.

124 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

Pagkalap at Pagsusuri ng Datos

Gumamit ang pag-aaral ng pakikipagpanayam. Navalideyt ang mga tanong sa mga


panayam ng isang mananaliksik na gumagamit ng kwalitatibong disenyo sa pananaliksik.
Nakatuon ang mga tanong sa mga panayam sa mga pagpapakahulugan ng mga key
informant tungkol sa ispiritwalidad at relihiyon ng mga Thai, tungkol sa kanilang mga
paniniwala at mga gawi.

Sa pananaliksik na ito, mga key informant hinggil sa Buddhismo ang kasali. Nagsagawa
ng mga panayam ang isa sa mga mananaliksik sa mga key informant na mga paham at/o
praktisyuner ng Buddhismo at Sikolohiya mula Abril hanggang Mayo at Setyembre
hanggang Oktubre ng 2015. Nagbigay rin ang mananaliksik ng mga follow-up na
katanungan upang mas lalong malinawan tungkol sa paksa. Pawang nagbigay ng
malayang pahintulot ang mga kalahok na magamit ang kanilang paglalahad at
mapangalanan sila sa pananaliksik.

Sa pananaliksik na ito, ginamit ang kwalitatibong pagsusuri. Nilalayon ng pagsusuring ito


na makuha ang pagpapakahulugan ng mga kalahok tungkol sa ispiritwalidad at relihiyon
ng mga Thai. Batay sa mga panayam na naisagawa, kinuha ang mga kategorya’t tema
upang masagutan ang mga problemang nais tugunan ng pag-aaral na ito. Pagkatapos
basahin ang mga transkripsyon ng mga panayam, ginawan ng mananaliksik ng open
coding bilang unang bahagi ng pag-aanalisa kung saan tinukoy ang mahahalagang sinabi
ng mga kalahok. Nagpokus ang mga mananaliksik sa paulit-ulit na temang lumabas sa
mga panayam para mas makakuha ng malalim na pagpapakahulugan sa ispiritwalidad at
relihiyon ng mga Thai.

PAGPAPAKAHULUGAN SA ISPIRITWALIDAD AT RELIHIYON NG MGA THAI


AYON SA MGA PILING PAHAM AT PRATISYUNER

Halos sumasang-ayon sa isa’t isa ang mga nakapanayam kaugnay ng mga kaugalian ng
mga Thai na nakasalalay sa Buddhismo. Nilalagom ang kanilang mga sagot at tugon sa
mga sumusunod na tema.

Nakabatay sa Tradisyon ng Buddhismo sa Thailand


ang Ispiritwalidad ng mga Thai

Lahat ng mga nakapanayam ay nagsasabing Theravada ang pangunahing tradisyon ng


Buddhismo na sinusunod sa Thailand. Ngunit karugtong ng kanilang pagsang-ayon ang
pasubaling hindi dapat isiping purong Theravada ang paniniwala ng mga Thai. Ayon kay

125 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

Pagorn, nahahaluan na ang Buddhismo ng mga lokal na gawi ng ispiritwalidad o Chit-


Win-Yan (จิตวิญญาณ) at alam niyang malimit na hindi batay sa mga tekstong Buddhismo
ang karaniwang paniniwala ng mga Thai. Dagdag pa niya:

Theravada ang opisyal na Buddhismo rito. Maraming Buddhista ang


nagtatanong tungkol sa mga nakikita nilang pagbabago dahil kahit ang mga
gawi ng mga monghe ay napagtanto nilang hindi naayon sa banal na
kasulatan ng Buddhismo (Pagorn) (amin ang malayang salin).2

Magkakaiba rin ang mga gawi at nakasanayan ng mga nasa Thailand at nakadepende ito
saang lugar sila galing. Halimbawa, may mga lugar kung saan tumutulong sa gawaing
pambahay ang bagong monghe kapag umuwi siya sa kanyang bahay, ngunit sa ibang
bahagi naman, hindi nila ito maaaring gawin. Ang karaniwang gawing dalawang beses
lamang kumakain sa isang araw ang mga monghe ay hindi rin daw gawi sa lahat ng parte
ng bansa. Ngunit ipinaliwanag din ni Pagorn na pinagsusumikapan ngayon ng
gobyernong ituwid ang pagsasabuhay ng Buddhismo sa Thailand upang umayon ito sa
tradisyon ng mga sangha o pamumuhay at paniniwala ng mga monastiko.

Ipinaliwanag naman ni Pathompong na batay ang ispiritwalidad ng Thai sa Theravada,


lalo na yaong nakaangkla sa Pali Canon (o maaagang teksto ng Theravada na naisulat
matapos pumanaw ang Buddha), ngunit may mga elemento nga raw ang praksis nito na
hango sa Hinduismo. Paliwanag pa niya:

Ang ibig sabihin ng Buddhismo ay mga turo ni Buddha. Nakasulat ang


kanyang mga turo sa Pali Canon. Maraming taong nag-aaral ng Pali Canon
ngunit sa ibang pamilya, sinusundan ang Buddhismo at Hinduismo nang
magkasabay (Pathompong) (amin ang malayang salin).

Marahil dahil talagang aral sa Sanskritong teksto ng Buddhismo ang kalahok na si Mattia
kung kaya’t madali niyang maipaliwanag na walang payak na sagot sa katanungan ng
tradisyon sa Thailand. Ayon sa kanya, marami pa ring kaugaliang idinugtong sa
Buddhismo kahit ang pinagmulan nito’y halatang Brahmaniko o impluwensya ng
Hinduismo, tulad ng sinabi ng Pathompong. Hindi rin daw dapat bigyan ng saradong
koneksyon ang Theravada at Pali Canon. Ayon lang daw ito sa kinikilalang pinagmulan
ng Buddhismo sa Thailand (mga misyonaryo mula sa Sri Lanka). Ang paliwanag pa niya:

Hindi perpektong sinonimo ang tradisyong Pali at Theravada. Mas


kumplikado itong bagay dahil kapag nagsasalita kami tungkol sa Theravada,
ang tinutukoy namin ay mga ispisipikong transmisyon sa loob ng
tradisyong Pali na galing sa isang ispesipikong tradisyon mula sa isang
monasteryo sa Sri Lanka na ang pangalan ay Monasteryo. Gayumpaman,

126 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

hindi pa rin 100% klaro kung galing doon lahat ng nasa Thailand (Mattia)
(amin ang malayang salin).

Isang kumplikadong isyu ang pagsasabuhay ng Buddhismo ng mga Thai at hindi tayo
maaaring makakuha ng simpleng sagot tungkol dito kung ayaw natin maging
mapanaklaw nang hindi tama ang ating mga paghatol tungkol dito. Pinapatunayan ang
pagtinging ito ng mga halimbawang hango sa mga kaugaliang ispiritwal ng mga Thai. Isa
rito ang pagkakaroon ng istatwa ni Kwan Yin, ang Boddhisattva Avalokiteshvara sa
tradisyong Mahayana, na babaeng representasyong itinuring na inang reyna ng saklolo sa
kalinanga’t kultura ng Tsina. May mga pista ring ipinagdiriwang ang mga Thai na mas
angkop sa Hinduismo, tulad ng pagkilala nila sa mga diyos nito, tulad ni Ganesha (ang
Hindung diyos na may ulong elepante). Ngunit napagmasdan ni Mattia na seryoso ang
mga Thai sa pagganap ng Jataka. Ito nama’y ang lumang teksto sa Pali na nagsasaad ng
buhay ng Buddha. Ayon sa kanya, napakalago ng tradisyong ito sa Thailand na
nagsasateatro ng teksto. Isa sa mga nakapanayam na praktisyuner, si Pichchar, ang
naglahad na sa kanilang lugar mismo’y may nakagawian silang humihiga sa isang
kabaong. Samantalang ang isa namang kalahok na si Thanut, na Tsino ang isa sa mga
magulang, ang nagsabing iba’t ibang klase rin ang mga pista sa Thailand at depende ito sa
klase ng Buddhismo.

Sa aming lugar, sa Nonthaburi, may ginagawa ang mga tao sa templo na


kung saan humihiga sila sa kabong. Ginagawa nila ito para mas humaba
ang kanilang buhay (Pichchar) (amin ang malayang salin).

Maraming pista sa Thailand at nakadepende ang mga ito kung anong


klaseng Buddhista ka. May tradisyunal na Buddhista at mayroon din
namang Buddhista na may tradisyong Tsino (Thanut) (amin ang malayang
salin).

Sang-ayon ang mga nakapanayam na napakalinaw na mahilig ang mga Thai sa mga
anting-anting. Kahit saan ay may mabibilhan nito. Tulad ng ibang kaugalian, may
kinalaman ito hindi lamang sa Hinduismo o Buddhismong Tsino kundi na rin sa lumang
kaugalian batay sa lokal na kalinanga’t kultura ng mga Thai. Naniniwala silang ang mga
anting-anting na isinusuot o hinahawakan ay may kapangyarihang maprotektahan ang
may-ari at mailigtas siya sa kapahamakan. Mayroon ding mga anting-anting na para sa
suwerte, kasiyahan, at pag-ibig.

Ang mga anting-anting (พระเครื่อง) ay napakahalagang bahagi sa gawi ng


Buddhismong Thai. Kung pupunta ka ng 7-11, makakakita ka ng maraming
anting-anting (Mattia) (amin ang malayang salin).

127 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

Maraming monghe ang namimigay ng mga anting-anting (พระเครื่อง).


Puwedeng gawing bulletproof, yung mga bala hindi kayang pumasok sa
katawan o kaya naman magdadala sa iyo ito ng good luck o kaya nama’y
pag-ibig (Pagorn) (amin ang malayang salin).

Sa kalaunan, may mga naglitawang Buddhismong anting-anting (พระเครื่อง)


para palitan ang mga elementong Hindu. May mga taong malalim ang
pagkaugat sa Hinduismo, gustong gamitin ang mga anting-anting. Puwede
kang gumamit ng Buddhismong anting-anting kung gugustuhin mo
(Pathompong) (amin ang malayang salin).

Ayon kay Tidaporn, pangkaraniwan sa kanilang mga Buddhista ang magdala ng isang
maliit na Buddha para mabigyan sila ng proteksyon sa panganib. Kapag may Buddha
kang dala na laging nakakabit sa iyong katawan, ligtas ka sa kapahamakan.

Karaniwan ding umaakit sa mga Thai ang panghuhula at pagsanib ng mga espiritu sa mga
midyum. Dito, ibig nilang malaman ang kanilang suwerte o nais nilang makahingi ng
tulong sa mga ispiritu para sa kanilang mahihirap na pinagdaraanan. May ilan ding
pagdiriwang tulad ng Songkran, kung saan at kung kailan nagbabasaan ang mga tao, na
hindi talaga galing sa Buddhismo, ngunit kasama pa rin sa pagdiriwang ang mga monghe
upang mabendisyunan nila ang mga tao at gawain sa pistahang iyon.

Malakas din ang paniniwala ng mga Thai sa mga multo. Dito, tinutukoy ng mga
nakapanayam hindi lamang sa mga preta o hungry ghost sa Buddhismo, kundi sa mga
karaniwang multo rin, na maaaring maging agresibo at makapanakit ng tao.

Kapag may ginawa kang mali, puwede kang ipanganak bilang multo, gutom
na multo. Isa itong pangkaraniwang paniniwala sa Buddhismo kahit saan.
Namumuhay ang mga multong ito sa ibang dimensyon (Anusorn) (amin
ang malayang salin).

Napakahalaga ang mga multo. Kailangan silang alagaan. Kailangan ding


mag-alay sa kanila. May mga multong sumasailalim sa kapangyarihan ng
isang tao, madalas mga monghe (Mattia) (amin ang malayang salin).

Dito nila kailangan ang serbisyo ng mga monghe na pinaniniwalaang kinatatakutan ng


mga multo. Kaya maaaring mag-eksorsis ng multo ang mga monastiko. Mayroon din
silang kaugaliang itinatago ang fetus ng mga sanggol na hindi nabuhay. Pinapaubaya ito
sa mga mahikero o mga taong may ispiritwal na kapangyarihan dahil kailangan nilang
isipin ang mga ispiritu ng mga batang mahirap pang hulaan ang temperamento.

128 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

Maaaring humingi ng pabor ang mga tao sa mga ito—tinatawag ng kumantong—at


pinangangakuan nila ito ng mga laruan. Kaya’t may mga istatwa ng sanggol sa iba’t ibang
bahagi ng Thailand na pinalilibutan ng mga laruan. Ang ibig sabihin nito’y natupad ang
mga hiniling ng mga tao.

Pagkakaiba ng Gawi sa Pagitan ng Matatanda at Nakababata


at sa Pagitan ng mga Naninirahan sa Bahaging Rural at Urban ng Thailand

Parehong sinabi nina Mattia at Anusorn na may pagkakaiba ang gawing ispiritwal ng mga
bata at matatanda. Ang kabataan ay hindi na raw nagpapakita ng masyadong pakialam
tungkol sa relihiyon o pagiging relihiyoso o Kwam-Luemsai-Nai-Sasana
(ความเลื่อมใสในศาสนา) sa Thai. Ang mga tumatanda nama’y nagiging mas ispiritwal o
relihiyoso.

Samantala, ang mga taga-lunsod, kahit nais nilang maging aktibo sa pagsunod sa mga
ritwal, ang kanila namang pamamaraan ng buhay ay marahil hindi na tugma sa ganoong
gawi. Ayon kay Pagorn, gayumpaman, nakahahanap sila ng kapalit, tulad ng pagdinig ng
mga sermon o araling ispiritwal sa telebisyon at iba pang teknolohikal na pamamaraan.
Kung hindi nama’y sa mga libro na dumarami na nang husto sa ngayon. Ang mga taga-
rural na bahagi naman ng bansa’y mas nakakasunod sa mga karaniwang ritwal tulad ng
pagpunta sa templo at pagdalo sa mga pagdiriwang doon dahil nananatili silang malapit
sa mga lugar ng ispiritwalidad. Dagdag pa ni Pagorn:

Sa mga rural na lugar, malapit pa rin ang mga tao sa mga templo at mga
komunidad. Sa mga urban na lugar, malayo ang mga tao sa mga templo
pero mas malapit sila sa Buddhismo dahil sa akses nila sa midya (Pagorn)
(amin ang malayang salin).

Nang tanungin namin ang mga nakababatang Buddhista na pawang mga taga-lunsod,
magkakaiba ang kanilang mga sagot tungkol sa kanilang pagpapahayag ng pagiging
Buddhista. Nabanggit ni Pichchar, na wala naman daw mga alituntuning dapat sundan
tulad ng ilang beses sa isang taon kailangan pumunta sa templo. Inamin niyang kahit
hindi siya madalas pumunta sa templo, pumupunta siya roon tuwing kaarawan niya.
Kahit sa loob ng templo, magkakaiba ang mga sagot ng mga kalahok. Dagdag nga ni
Pichchar, may kanya-kanyang mga gimik ang mga templo sa Thailand para mas
mahikayat ang mga Buddhista pumunta. Sa gitna ng pagkakaiba sa kanilang kasagutan,
itinuturing nilang sagradong lugar ang templo kung saan sila nagdadasal at kung saan
mas maraming makukuhang biyaya.

129 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

Sa Thailand, bilang isang Buddhista, pumupunta kami sa mga templo,


nagdadasal kami tulad sa umaga. Nag-aalay din kami ng mga pagkain sa
mga monghe (Pichchar) (amin ang malayang salin).

Maliban sa pagdadasal sa bahay, pumpunta kami sa templo para magdasal


kasama ang mga monghe linggo-linggo (Tidaporn) (amin ang malayang
salin).

Gayumpaman, para kay Tidaporn, hindi naman kailangang pumunta pa sa templo para
magdasal. Nakagawian na lamang nilang araw-araw silang nagdadasal. Dinadasal nila
ang namo tassa sa gabi bago matulog sa bahay. Dinadasal nila ito ng sama-sama ng
kalahati hanggang isang oras.

Sinasabi nilang lahat na wala namang sapilitan sa pagsasabuhay ng Buddhismo. Walang


isang paraang kailangang gawin. Ang mahalaga, taos sa puso ang praksis nito. Para kay
Mattia, depende ito sa pansariling pangako. Para kay Pagorn, mahalagang makita sa
kabutihang-asal ang praksis. Hindi masyadong mahalagang makabisita sa templo palagi
dahil regular namang pumupunta sa mga tahanan ng tao ang mga monghe para sa alay na
pagkain. Dagdag pa ni Pathompong, iba’t iba ang maaaring aplikasyon ng mga
natututunan sa Buddhismo at hindi ito kailangang maging sapilitan. Ikinumpara niya ito
sa isang gubat na kailangan ng mapa upang matahak. Nakakatulong ang mga araling
Buddhismo sa kaalaman ng gagawin kung may mga pangyayaring hindi karaniwan o
magdudulot ng paghihirap. Naibabagay ang Buddhismo sa anumang pangyayari o
pamamaraan. Ang sabi pa niya:

Walang dogma sa Buddhismo. Puwede mong gamitin ang iyong pag-iisip


hanggang gusto mo. Kung ayaw mong maniwala, huwag kang maniwala
(Pathompong) (amin ang malayang salin).

Si Anusorn lamang ang naging kritikal tungkol sa panlabas na manipestasyon ng


ispiritwalidad. Sa kanya, maaaring may nagpapanggap lamang sa paggawa ng aksyong
ispiritwal. Ngunit mayroon daw talagang mga taong mabait, tulad ng ikinuwento niyang
kaibigan na palaging inuuna ang kasiyahan ng ibang tao bago ang kanyang kasiyahan.
Siguro raw dahil na rin ito sa mabuting pagpapalaki sa kanya ng mga magulang niyang
relihiyoso rin. Hindi man siya sang-ayon sa kanyang tila pagpapawalang-bahala ng
sariling kasiyahan, hinahangaan pa rin niya ang kanyang kaibigan dahil sa kabaitan nito.
Ang sabi pa niya:

Kinakausap ko ang tao dahil alam kong minsan lumalabas siya at gumagawa
ng paraan para mapasaya ang mga tao at dahil doo’y sumasaya rin siya.
Pakiramdam ko, hindi yun magiging epektibo dahil kailangan mo munang

130 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

pasayahin ang sarili mo bago ang iba. Hindi ito alinsunod sa kanyang
paniniwala (Anusorn) (amin ang malayang salin).

Pag-aaral ng Teksto Kumpara sa Meditasyon

Para kay Mattia, hindi lahat ay nag-aaral ng teksto ng Buddhismo. Karamiha’y


nakasentro sa praksis nito dahil ito ang pinaniniwalaang nakakadagdag ng merito. Sang-
ayon ang ibang nakapanayam dito. Ipinaliwanag ni Anusorn na sapat na ang itinuturo sa
mga bata tungkol sa karma para matakot silang gumawa ng masama. Hindi man siya
sang-ayon sa pananakot, inaamin niyang dahil dito, nakatanim na ang mga tuntuning
ispiritwal sa mga bata at dala na nila ito sa pang-araw-araw na pamumuhay. Sabi pa niya:

Iyon lang ang ayaw ko talaga. Yung paraan ng pagtuturo nila rito sa
Thailand. Hindi nila talaga itinuturo paano ka maging mabuting Buddhista
o kaya ano ang maganda sa pagiging Buddhista. Ang ginagawa nila,
tinatakot ka lang na pag gumawa ka ng magagandang bagay o
magagandang asal, pupunta ka sa langit o sa kabilang buhay (Anusorn)
(amin ang malayang salin).

Sumang-ayon si Pathompong na nakatutulong ang araling Buddhismo sa iba’t ibang


kalungkutan ng tao, lalo na ang mental na kalungkutan. Para kay Pagorn, ang mga
monghe ang nagbibigay ng payo sa mga tao upang matulungan silang tiisin ang
paghihirap na talagang kasama sa pamumuhay sa mundo.

Masasabing sumasang-ayon ang lahat sa pag-aaral ng Buddhismo ngunit kailangan itong


may katapat na praksis. Sa kasalukuyang panahon, nagkaroon ng panibagong interes sa
meditasyon. Parami ng parami ang nagsasanay rito, naniniwala sa mabuting epekto nito
sa buong pagkatao. Sinasabing pati ang mga doktor na medikal ay nanghihikayat sa mga
taong lumahok sa meditasyon. Ayon pa kay Pathompong, kasama sa praksis ng
Buddhismo ang pagbabago ng pamamaraan ng pamumuhay at meditasyon. Paliwanag
niya:

Puwede kang may baguhin. Puwede mong baguhin ang iyong paraan ng
pamumuhay. Pero dapat mag-aral ka muna ng meditasyon (Pathompong)
(amin ang malayang salin).

Nagpaliwanag ang mga nakapanayam na maaari sa Thailand na magbuhay-monghe ang


mga tao kahit hindi nila permanenteng talikuran ang karaniwang buhay. Maaari silang
kumuha ng mga tuntunin ng Buddhismo at mamalagi sa templo. Maaaring tumagal ang
ganitong gawain ng isang araw hanggang tatlong buwan para roon sa mga hindi

131 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

magmomonastiko ng panghabambuhay. Kalimitan, ginagawa nila ito habang tag-ulan.


Dahil may suporta ng bansa ang ganitong gawain, maaaring lumisan ng hanggang tatlong
buwan ang sinumang empleyadong ibig mamuhay tulad ng mga monghe.

Ang Hari ng Thailand

May mga naniniwalang ang Buddha ang hari ng Thailand katulad ni Tidaporn.
Gayumpaman, hindi sinang-ayunan ng mga paham ang paniniwalang ito. Ipinaliwanag ni
Pathompong na walang kinikilalang (manlilikhang) Diyos ang Buddhismo. Ang mahalaga
raw sa paniniwalang ito’y ang praktikal na paggamit ng mga tuntunin nito sa buhay.
Nang tanungin ang mga nakapanayam tungkol sa estado ng Hari, sina Pagorn at
Pathompong ang tiyak na nagsabing hindi siya Diyos, kundi itinuturing na napakabuting
Buddhista na nagsisilbing modelo sa lahat ng Thai.

Kailanman, hindi niya sinabing siya ay Diyos. Sinabi niyang siya ay isang
simpleng tao… siya ay isang tao. Ang hari ay isang napakabait na
Buddhista (Pathompong) (amin ang malayang salin).

Sinabi ni Anusorn na bukod dito, kung minsa’y itinuturing ang Hari bilang si Brahma na
isang Diyos sa paniniwalang Hinduismo. Naging maingat naman sa pagsagot sa tanong si
Mattia dahil sa hindi raw payak at tiyak ang sagot sa isyung ito at hindi natin maitatanong
basta-basta lamang ang mga Thai tungkol dito. Dagdag pa niya:

Ang hari, sa mahabang panaho’y tinitingnang tagapagtanggol ng


Buddhismo ngunit hindi siya Diyos. Mahirap itong itanong sa mga tao.
Hindi mo makukuha ang ganitong impormasyon buhat sa kanila (Mattia)
(amin ang malayang salin).

Ispiritwalidad at Relihiyon

Tila malinaw sa mga nakapanayam na may panlabas at panloob na praksis ng Buddhismo.


Tumukoy sila ng mga gawaing pangritwal tulad ng pagpunta sa templo, pagdalo ng mga
pagdiriwang sa kanilang relihiyon, pag-aalay ng mga pagkain sa mga monghe sa sangha,
at pag-upo sa meditasyon. Ngunit binigyang-diin din nila ang tungkol sa pansariling
pangakong tumutukoy sa panloob na gawain tulad ng kabutihang-loob na maaaring
ihiwalay sa mga kongkretong relihiyosong pagkilos. Paliwanag ng isa sa mga
nakapanayam:

132 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

Walang ideyang nagsasabing kailangan mong pumunta sa templo parati


bilang iyong pananagutan. Itinuturing na pananagutan ang mga asal tungo
sa ibang tao, ang pagbungkal sa isip at pag-aasal sa mga monghe at ibang
tao (Mattia) (amin ang malayang salin).

Sa mga nakapanayam na Buddhista, malinaw sa kanila ang turo sa pagiging mabuting tao.
Kapag tinanong sila tungkol sa kanilang relihiyon, ang mga malimit na sagot ay nakatuon
sa pagiging mabuting tao ang mahalaga sa Buddhismo.

Inaasahang magiging mabubuting tao kami at susundin ang limang turo ng


Buddhismo at ipakita ito sa pang-araw-araw na gawain tulad ng huwag
papatay at huwag magsisinungaling (Pichchar) (amin ang malayang salin).

Para sa hinaharap ang mga ginagawa namin. Kapag nagbigay ka,


magkakaroon ka ng magandang buhay sa buhay na ito o sa susunod na
buhay (Thanut) (amin ang malayang salin).

Ang laging turo sa amin sa Buddhismo ay kapag gumawa kami ng mabuti,


makakatanggap kami ng mabubuting bagay. Ang turo sa amin ay dapat
mag-isip ng mabuti, magsalita ng mabuti. Dapat lahat ng gawin namin ay
kabutihan at walang masamang pag-iisip o gawi (Tidaporn) (amin ang
malayang salin).

Isa sa mga kalahok ang may alinlangan sa mga turo sa kanila sa Buddhismo. Para kay
Thanut, sa pagiging Buddhista, naniniwala siya sa kung ano ang makakabuti para sa
kanya’t hindi lahat ay pinapaniwalaan niya dahil sa tingin niya, hindi naman tama lahat
ng itinuturo sa kanya. Depende pa rin sa tao kung ano ang makakabuti sa kanya at sa
ibang tao.

Panghuli, nang tanungin tungkol sa pagkakaiba ng ispiritwalidad at relihiyon, si Anusorn


ay nagsabing laging magkasama ang dalawa at walang masyadong pagkakaiba sa mga ito.
“Napakahirap matukoy at paghiwalayin ang dalawa,” ayon pa kay Anusorn. Samakatwid,
itinuturing nilang pareho ang ispiritwalidad at relihiyon. Kung hindi man pareho,
masyadong magkalapit ang kanilang mga implikasyon sa kabuuan ng buhay na hindi
kailangang paghiwalayin ang mga ito.

133 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

PAG-UUGNAY NG PAGPAPAKAHULUGAN
NG MGA PILING PAHAM AT PRATISYUNER
SA TALASTASAN UKOL SA BUDDHISMO SA THAILAND

Tinatalakay sa bahaging ito ang mga resultang galing sa mga kalahok. Kasama rin sa
pagtalakay ang ispiritwalidad at relihiyon sa kontekstong Thai batay sa mga kaugnay na
literatura na inihahambing sa mga resulta ng pag-aaral.

Buddhismong Theravada ng Thailand

Malaki ang gampanin ng Buddhismong Theravada sa ispiritwalidad ng bansang Thailand.


Ang pinakamahahalagang turo ni Buddha ay binibigyang-halaga sa buong bansang
Thailand lalung-lalo na sa bias nito sa apat na marangal na katotohanan. Sa kabila nito,
mariing sinasabi ng mga nakapanayam na hindi simple ang pagsasalarawan sa Buddhismo
ng Thailand dahil kumplikado ito. Napakarami pang maaaring malaman tungkol dito.
Bagama’t Theravada ito, may mga pagkakataong nakikita ang impluwensya ng Hinduismo
tulad halimbawa ng Pali Canon at minsan nama’y Brahmaniko. Tila hindi pa rin masiguro
ng mga paham ang eksaktong pinanggalingan ng Buddhismo sa Thailand. May nagsabing
galing ito sa isang Monasteryo sa Sri Lanka na kung tawagi’y Monasteryong Mahavihara.
Si Buddha nama’y hindi talaga itinuturing na Diyos kundi itinuturing lamang siyang
tagapagtatag ng Buddhismo. Itinuturing siyang isang taong nagtamo ng kaliwanagang
ispiritwal (Della Santina 1997, 22-28). Samakatwid, nasisilbing inspirasyon si Buddha sa
mga taong naglalayong magkaroon ng kaliwanagan na nauunawaan ang mga marangal na
katotohanan. Nakita rin sa mga resulta ng pag-aaral ang impluwensya ng Mahayana.
Dahil pareho ang pinagmulan ng tradisyong Theravada at Mahayana (Della Santina 1997,
130-131), nakita sa mga resulta ng pag-aaral ang manipestasyon ng dalawang tradisyon sa
Bhuddismong Thai. Ang mga nabanggit ng mga Buddhista tungkol sa pagiging mabuti
tao ay nagpapakita ng tradisyong Theravada na may pagpapahalaga sa kanilang
pansariling kaligtasan. Ito ang dahilan kung bakit may mga lalaking pumapasok sa
pagiging monghe at pumupunta sa mga templo. Bagama’t hindi tuwirang nakikita, may
mga tradisyon pa ring Mahayana ang mga Thai lalo na sa kanilang paggawa ng paraan
para mailigtas hindi ang sarili lamang kundi ang lahat.

Mga Gawing Pangrelihiyon ng mga Thai

Bagama’t magkakaiba ang pagpapahayag ng kanilang relihiyon, malinaw pa rin para sa


mga praktisyuner na nakapanayam ang turong maging mabuti at gumawa ng mabuti sa
iba. Maraming gawing pangrelihiyon ang mga Thai na makikita sa iba’t ibang lugar.
Ngunit binigyang-diin ng mga paham ang halaga ng pag-aaral sa teksto ng Buddhismo

134 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

dahil ito ang magtuturo sa kanila ng kabutihang asal at pagiging mabuting tao. Ang
pagiging monghe sa isang kabanata ng buhay ay isang desisyon ding maaaring gawin ng
iba para makamtan ang pagiging ganap na Buddhista alinsunod na rin sa turo ng
Theravada. Ngunit ayon sa mga paham, ngayo’y tila nag-iiba na rin ang mga gawi ng mga
Buddhista. Nabanggit na matingkad pa rin sa mga probinsya ang mga gawing Buddhista
at kaiba sa mga siyudad kung saan pumupunta na lamang ang mga Thai sa mga templo
kung kailan nila gusto. Mas nangingibabaw ang mga rason tungkol sa pag-ibig at
prosperidad imbes na sa kaligtasan. Hindi na rin nakakapanibago ito dahil ayon na rin sa
mga kalahok, ang bawat templo’y may inihahain na kakaiba para mas maraming
pumuntang tao. Dahil sa pagbabago sa mga rason ng mga Buddhista sa pagpunta sa mga
templo, nauso ang occult na bahagi ng Buddhismo na nauukol sa mga anting-anting,
panghuhula, at midyum para bumuti ang buhay nila. Tila nawawala ang rasong
pangrelihiyon ng mga bagay na ito para sa iba. Nagiging popular ang meditasyon dahil na
rin sa mabuting naidudulot nitong kaginhawaan ng kalooban at kaisipan (Petchsawanga
at Duchon 2012). Sa kabila ng lahat ng ito, ayon kay Pattana Kitiarsa (2012) dahil na rin sa
mga pagbabago sa ekonomiya at pagiging maunlad ng relihiyon, nagiging matingkad sa
Thailand ngayon ang mga gawing occult. Nagpatuloy na ring mapunta sa siyudad ang
mga tradisyunal na mga grupo galing sa mga probinsya. Dagdag pa niya, natutuon ang
nagiging problema ngayon sa kasaganaan imbes na kaligtasan. Ang mga gawing ito ay
samu’t sari na rin na may halong animismo at may sangkap na Hinduismo at yaong galing
sa mga Tsino. Isang penomeno itong may pagkakatulad sa mga karating na bansa sa
Timog Silangang Asya na naging pangunahing paniniwala ang Buddhismo, humalo sa
lokal na kalinanga’t kultura sa sinkretikong paraan ang relihiyon, at mahirap
mapaghiwahiwalay ng malinaw ang mga kaugalian ng mga Thai na tumuturing sa
Buddhismo dahil sa pagsasalu-salo ng iba’t ibang impluwensya ng kalinanga’t kultura.
Ang penomenong pagkahilig sa occult din ay isang penomenong hindi naaayon sa
totoong diwa ng Buddhismo na hindi lang dapat mga gawi kung hindi pati pag-aaral sa
teksto ng Buddhismo ang binibigyang-diin.

PANGWAKAS

Ang pag-aaral na ito ay isang pagtatangkang pagtalakay sa ispiritwalidad at relihiyon ng


mga Thai. Sa kontekstong Thai, maraming kinakaharap na isyu sa Buddhismong
Theravada dahil sa sinkretismo nito. Hindi na rin mapipigilan ang mga pagbabagong
dulot ng ekonomiya sa ebolusyon ng mga gawing Buddhista. Sa kabila ng lahat ng mga
ito, malinaw pa rin ang mahalagang turo sa Buddhismo tungkol sa pagiging mabuting
tao. Kahit maraming pagbabago, nagsusumikap pa rin ang bawat Buddhista na maging
mabuting tao at gumawa ng mabuti. Marami nang pag-aaral ang nagpapakitang ang
relihiyon ay para sa ikabubuti at kaginhawaan ng isang tao. Samakatwid, nagiging salik
ang relihiyon para sa mga positibong pangyayaring pangsarili at pangkomunidad ng isang

135 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

tao at hindi lang para sa kaligtasan sa kabilang buhay. Sa panghuli, ang halaga ng isang
relihiyon sa isang tao ay nakatuon pa rin sa kanyang kalusugang mental (Hill at
Pargament 2003). Ang kasalukuyang pag-aaral ay panimulang pag-aaral lamang tungkol
sa ispiritwalidad at relihiyon ng mga Thai. Kailangan pa ng mas malalimang pag-aaral
para mas madalumat ang napakayamang tradisyon ng mga Thai sa Buddhismong
Theravada. Bagama’t magkaiba ang relihiyon, tila may mga pagkakahawig ang
ispiritwalidad at relihiyon ng mga Thai sa mga Pilipino. Upang mas mapagtibay ito,
inirerekomenda ng mga mananaliksik na gumawa ng paghahambing sa mga Pilipino at
Thai tungkol sa kanilang pagpapakahulugan sa ispiritwalidad at relihiyon.

Talahuli
1
Nailalarawan ang mga kalagayan o mundo sa bhava chakra (wheel of life) na sinasabing pinabigay ng
Buddha mismo kay Haring Magadha para kay Haring Udayana. Nagpapakita ang larawan ng iba’t ibang
kalagayan kung saan maaaring ipanganak ang isang tao depende sa klase ng kanyang kasalukuyang buhay.
Nakapaloob ang lahat ng ito sa isang hugis na bilog, na tinatawag sa salitang Sanskrit na chakra.
Nakapagtamo si Haring Udayana (o Rudrayana) ng kaliwanagang ispiritwal dahil lamang sa pagtingin sa
larawang ito. Galing ang kuwento sa mga lumang teksto sa Sanskrit na tinatawag na Divyavadana (Rotman
2008; Khandro 1998-2015). Ayon kay T.B. Karunaratne (1969, 14), walang ganitong pagsasalarawan sa
tradisyong Theravada ngunit minsa’y nailalarawan nila ang pagkakadepende ng pinagmulan sa
pamamagitan ng hugis na bilog.
2
Isinagawa ang lahat ng panayam sa wikang Ingles.

Sanggunian

Arnold, Bruce L. 2006. Anticipatory Dying: Reflections Upon End of Life Experiences in a
Thai Buddhist Hospice. Qualitative Sociology Review 2, blg. 2: 21-41.

Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). 2014. ASEAN Economic Community.


Websayt ng Association of Southeast Asian Nations, http://goo.gl/aQMceU
(nakuha noong Agosto 13, 2015).

Bhikkhu, Jinabodhi. 2012. Theravada and Mahayana: Parallels, Connections, and


Unifying Concepts. Websayt ng Vesak, http://goo.gl/3Qu33E (nakuha noong
Oktubre 7, 2015).

Bodhiprasiddhinand, Pathompong. 1996. Language and Linguistics in Pali and Sanskrit.


Bangkok: MRF.

Chamratrithirong, Aphichat, Brenda A. Miller, Hilary F. Byrnes, Orratai


Rhucharoenpornpanich, Pamela K. Cupp, Mattia J. Rosati, Warunee Fongkaew,

136 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

Katharine A. Atwood, at Warunee Chookhare. 2010. Spirituality within the Family


and the Prevention of Health Risk Behaviour Among Adolescents in Bangkok,
Thailand. Social Science & Medicine 71, blg. 10: 1855-1863.

Della Santina, Peter. 1997. The Tree of Enlightenment. Taipei: The Corporate Body of the
Buddha Educational Foundation.

Dharmachakra Translation Committee at Mattia Salvini, mga pat. at tsln. 2015. The
Ornament of the Light of Awareness That Enter the Domains of All Buddhas. New
York: 84000 - Translating the Words of Buddha.

Hill, Peter C. at Kenneth I. Pargament. 2003. Advances in the Conceptualization and


Measurement of Religion and Spirituality: Implications for Physical and Mental
Health Research. American Psychologist 58, blg. 1: 64-74.

Hill, Peter C., Kenneth I. Pargament, Ralph W. Hood, Mattia E. McCullough, James P.
Swyers, David B. Larson, at Brian J. Zinnbauer. 2000. Conceptualizing Religion
and Spirituality: Points of Commonality, Points of Departure. Journal for the
Theory of Social Behaviour 30, blg. 1: 51-77.

Karunaratne, T.B. 1969. The Buddhist Wheel Symbol. Kandy, Ceylon: Buddhist
Publication Society.

Keawpimon Preeya, Sureeporn Kritchareon, Sopen Chunuan, at Urairat Nayai. 2014.


Development of the Buddhist-Based Spiritual Health of Thai University Students
Instrument. Sociology Study 4, blg. 8: 708-713.

Khandro. 1998-2015. The Wheel of Life: The Wheel of Existence or of Rebirth. Websayt
ng Khandro.net, http://goo.gl/eGxdGn (nakuha noong Hulyo 18, 2015).

Kitiarsa, Pattana. 2012. Mediums, Monks & Amulets: Thai Popular Buddhism Today.
Chiang Mai: Silkworm Books.

Kusalasaya, Karuna. 2005. Its Past and Its Present. Buddhist Publication Society Wheel 85.

Moore, Charles A., pat. 1967. The Indian Mind: Essentials of Indian Philosophy and
Culture. Honolulu: East-West Centre Press/University of Hawaii Press.

Narada, Maha Thera. 1973. The Buddha and his Teachings. Singapore: Singapore Buddhist
Meditation Centre.

137 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai


Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015

O’Brien, Barbara. 2015. The Six Realms of Existence: The Wheels of Samsara. Websayt
ng About.com, http://goo.gl/c4RuKd (nakuha noong 18, 2015).

Petchsawanga, Pawinee at Pathompong Duchon. 2012. Workplace Spirituality,


Meditation, and Work Performance. Journal of Management, Spirituality &
Religion 9, blg. 2: 189-208.

Radhakrishnan, Savepalli at Charles A. Moore, mga pat. 1973. A Sourcebook in Indian


Philosophy. New Jersey: Princeton University Press.

Rahula, W. 1996. Theravada-Mahayana Buddhism. Websayt ng Urban Dharma,


http://goo.gl/jF9iun (nakuha noong Agosto 13, 2015).

Rotman, Andy, tsln. 2008. Divine Stories, Divyavadana Part 1. Boston: Divine Wisdom
Publications.

Samtani, Narayan Hemandas, tsln. 2002. Gathering the Meanings: The Compendium of
Categories; The Arthavinishcaya Sutra and its Commentary Nibandhana.
California: Dharma Publishing.

Singsuriya, Pagorn. 2004. Boonnoon’s Critique of Thai Sangha. The Chulalongkorn


Journal of Buddhist Studies 3, blg. 2: 261-269.

Singsuriya, Pagorn. 2006. In Search of Buddhist Foundation for Environmental Ethics.


The Chulalongkorn Journal of Buddhist Studies 5, blg. 1-2: 378-383.

Zinnbauer, Brian J., Kenneth I. Pargament, Brenda Cole, Mark S. Rye, Eric M. Butter,
Timothy G. Belavich, Kathleen M. Hipp, Allie B. Scott, at Jill L. Kadar. 1997.
Religion and Spirituality: Unfuzzying the Fuzzy. Journal for the Scientific Study of
Religion 36, blg. 4: 549-564.

138 GARCIA at YABUT: Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Thai

View publication stats

You might also like