You are on page 1of 9

Mundong Hangad

___________
Biyernes, taong 2016, ika-labing siyam ng Agosto. Napakaganda ng panahon. Tirik
ang araw, kasabay nito ang payapang tunog ng paligid na lalong pinagaganda ng huni
ng mga ibong mababa ang lipad. Ang mga naggagandahang mirasol sa paligid ay
nahuhumaling din sa ganda ng araw na nagbibigay liwanag sa paligid.

Habang papalapit ako sa Malcolm Hall, nanlalamig ang mga kamay ko. Pakiramdam ko’y
kakawala na sa aking dibdib ang puso ko sa sobrang lakas ng kabog nito. Siguro’y ganito
nga ang pakiramdam kapag malapit ka na sa pangarap mo.

Ako si Lara. Isang mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas at nag-aral ng Law. Ngayon,


malapit ko nang matupad ang mga pangarap ko- ang mabago ang mundo. Ah, hindi lang
pala ako, pangarap namin.

“Magali, Lara A., Class of 2016, College of Law.” Hindi ko alam ang gagawin ko. Parang
nakalimutan ko yata ang mga ginawa sa ensayo noong isang araw. Ito na, malapit na.
Tinapik naman ako ng katabi ko, si Moira, ang matalik kong kaibigan. “Huy! Tinawag ka
na oh, ayaw mo bang grumaduate? Hindi ‘to kasal, mars ha bawal mag-backout,” ang
sabi naman niya. Hahampasin ko sana siya pero tumayo na lang ako at umakyat sa
entablado, kinuha ang diploma’t bumaba upang makuhanan ng retrato.

“1,2,3, smile!” ang sabi ng potograpo. Siyempre, dahil maganda tayo, ngumiti ako. Ngunit
kasabay ng pag-angat ng magkabilang dulo ng aking mga labi, ay ang paglitaw ng isang
taong ayaw kong makita. Ayaw ko na nga ba? Dumating siya’t tumupad sa pangako.

Tumango ang potograpo bilang senyales na tapos na akong kuhanan ng retrato. Agad
akong tumakbo papunta sa pintuan ng gusali kung saan nagaganap ang seremonya. Wala
na akong pakialam kung anong itsura ko sa graduation picture ko. Kailangan kong makita
si Ralph para sabihing matutupad ko na ang pangarap naming dalawa.

Habang tumatakbo ako papunta sa kinaroroonan niya, biglang kong naalala ang mga
panahong kasama ko siya. Tandang-tanda ko pa ang una naming pagkikita at kung paano
natapos ang lahat sa isang iglap.

Pagbabalik-tanaw
Nakasay ako sa Pantranco jeep na lumilibot sa tinatawag naming Academic Oval.
Hindi ko alam kung saan ako pupunta, naisipan ko lang libutin ang paaralang pangarap
ko, ng maraming tao. At habang naglilibot ang dyip na sinasakyan ko, unti-unti ring
napupuno ito ng mga estudyanteng katulad ko. Isa-isa ko silang pinagmasdan at nakita
ang iba’t ibang uri ng emosyon base lamang sa mga itsura nila ngayon. May ibang
napakagulo na ng buhok at mahahalata mong kulang sa tulog dahil sa pag-aaral, ang iba
nama’y kasama ang kanilang mga nobyo’t nobya na kung makapagyakapan akala mo’y
hahanginin ang isa, at mayroon din namang mga estudyanteng wala, normal lamang.
Nakatingin sa kawalan at tila ba naghihintay lamang na makarating sa distinasyong
pupuntahan. Muli kong ibinaling ang atensyon ko sa bintana ng dyip,”Napakaganda mo
talaga, UP,” ang sabi ko. Ang mga sinag ng araw sa hapong ito’y nagpadagdag pa sa
kagandahang taglay na ng paaralang ito. Kaya siguro maraming nangangarap dito.
Pinagmasdan ko lamang ang gandang taglay ng UP dahil ito naman ang dahilan kung
bakit ako sumakay sa dyip, eh.

“Hi, gusto mo bang baguhin ang mundo?” ang biglaang tanong ng katabi kong lalaki.

Tinitigan ko lang siya dahil hindi ko naman siya kilala. At ano raw? Baguhin ang mundo?
Aba, sa panahong ganito, may pag-asa pa ba?

“Miss, gusto mo ba?” ang tanong niyang muli. Umiling ako at sinabing,”Kahit gustuhin
ko, wala na tayong pag-asa,” ang sagot ko at saka ngumiti. Ibinaling ko nang muli ang
atensyon ko sa bintana ng dyip. “Anong walang na tayong pag-asa? Bakit, sinubukan mo
na ba?” Hindi ko na lamang siya pinansin, istorbo ang loko sa pag-dradrama ko. Ngunit
hindi lang doon nagtapos ang pangungulit niya, kinalabit niya ko’t muling tinanong,”Miss,
ano, nasubukan mo na ba? Paano mo nasabing wala na tayong pag-asa eh ‘di ba nga,
‘Habang may buhay, may pag-asa’?” Nilingon ko siya at umiling,”Hindi ko sinusubukan.
Ang gobyerno nga may pera na’t lahat lahat wala pa rin, eh.” Matapos ko siyang sagutin
ay bumaba na ako sa dyip at naglakad na lang. Ayaw ko nang makarinig ng mga ganoon,
puwede ba.

“Alam mo, Miss, wala sa kanila lahat. May alas tayong hinding-hindi nila matatalo,” ang
pagmamalaki niyang sabi. Huminto ako sa paglalakad at tinignan siya sa likod. Aba nga
naman, sumunod si Kuya. Kapag ba sumagot ako sa ititigil na niya? O baka naman
magnanakaw ‘to at inuuto lang ako sa mga sinasabi niya?

“Bakit? Sino ka ba?”

“Ako si Ralph. Ralph Arcena, 19, Political Science,” ang sagot niya sabay abot ng kamay
sa akin.
“Ah, sige. Akala ko kasi ‘alien’ ka.” Huli na ‘to. Uuwi na talaga ako.

“Eh, ikaw? Sino ka? Anong course mo?” Patuloy pa rin siya pagtatanong at pagsunod sa
akin hanggang sa makarating kami sa isa sa mga upuan dito. At kapag minamalas ka nga
naman o, ang nasaktuhan pa naming upuan ay iyong di umano’y isinumpa. Ang upuan
sa pagitan ng dalawang malalaking puno na ang tanawin ay napakalawak na kapatagang
kinulayan ng mga berdeng damo. Umupo ako at ipinikit ang mga mata ko. Akala ko
payapa kong matatapos ang araw na ‘to, eh. Akala ko lang pala. Muli ko siyang nilingon
at sinabing,”Lara, 18, Political Science.” Ngumiti siya at saka tumango,”Ah, so ano, Miss?
Paano mo nga nasabing wala na tayong pag-asa?”

“Sa loob ng labing walong taon kong pamumuhay dito, wala, hindi man lamang
nabawasan ang paghihirap ng mga tao. At saka-“

“Pagkatapos mo sa PolSci, Law ka?”

Tumango ako. Pangarap ko iyon, eh- ang maging abogado balang araw.

“May balak ka palang maging abogado pero bakit ganoon ang pananaw mo sa buhay?
Alam mo, Miss, kung prof mo ‘ko, tres ka sa’kin.”

Nagulat naman ako sa sinabi niya. Ako? Tres?

“Pero buti na lang at maganda ka,” ang sabi niya sabay tingin sa akin.

“Ganoon ba talaga rapat? Kapag maganda mas tratratuhin nang tama?” ang tanong ko
sa kaniya at saka umiling. Baguhin daw ang mundo pero kahit pala siya isa sa mga
gumugulo.

“Edi tara, sabay nating baguhin ang pananaw ng isa’t isa.”

Akala ko mawawalan na ng saysay ang pagtatapos ng araw na ‘to, hindi pala. At simula
noon, nang dahil kay Ralph, natuto akong umasa. Doon din nagsimula ang pangarap
naming dalawa, ang baguhin ang mundo, nang magkasama.

Araw-araw na niya akong hinihintay sa tapat ng Palma Hall at may lagi rin siyang
may dala-dalang isaw na binili niya sa isawan ni Mang Larry. Ngayon, imbis na sumakay
sa dyip, nilalakad na lang namin palagi ang Academic Oval at pinag-uusapan lahat ng
pumasok na paksa sa mga isip namin. Nakatutuwa lamang isipin na sa panahong magulo
na ang mundo, may mga tao pa rin palang iniisip na puwede pa, na kaya pa nating ibalik
sa simula ang lahat. Isang taon na ang nakalilipas simula noong una naming pagkikita.
At si Larang Iskolar ng Bayan? May nobyo na. Sa loob ng isang taon, napakaraming
nangyari. At sa araw-araw na nakakarinig kaming dalawa ng balita tungkol sa mga
kaganapan sa bansa, hindi ko maiwasang itanong sa kaniyang,”Ralph, kakayanin pa ba?”
At sa tuwing tinatanong ko iyon, ngingiti siya at tatango sabay sabing,”Oo naman, Lara.
Tayo pa ba?”

“Maguindanao Massacre: ‘Pinakamalagim na araw sa kasaysayan ng


pamamahayag”

“Bagyong Ondoy at Pepeng, kumitil ng libu-libong buhay”

“Martial Law sa Mindanao”

Sunod-sunod ang mga balitang ganito sa bansa ko. Ano bang nangyayari? Kasalanan ba
ng gobyerno, ng mga tao, o kaya nama’y Siya? Dahil lahat ng kaganapan ay plano Niya,
hindi ba? Siguro’y Siya rin ang may pakana kung bakit kasabay ng mga balitang iyon ang
hindi pagpaparamdam ni Ralph noong sumunod na taon. Walang balita mula sa kaniya.
Nagtanong-tanong na rin ako sa mga kaklase niya sa lahat ng asignaturang nasa iskedyul
niya. Araw-araw din, pagkatapos ng klase, naghihintay ako sa tapat ng AS, kung saan
palagi niya akong hinihintay at kung hindi naman doon, sa may bench naman kung saan
kami unang nagkakilala at ang lugar kung saan ko siya sinagot. Ngunit, wala. Walang
Ralph na may dalang isaw at may ngiting kasing tamis ng mga inuming tinda sa labas ng
UP.

Ika-labing pito ng Disyembre, taong 2010. Naganap ang taunang Lantern Parade sa UP
Diliman. Wala naman talaga akong balak pumunta pero itong si Moira, nagpumilit.
Pumunta raw kami para naman daw kahit ang dilim na nang tingin ko sa mundo,
magkaroon din naman ng kaunting liwanag ang sa mga mata ko. Hindi nga siya
nagkamali. Napakaganda ng mga disenyo ng mga parol na ipinaparada. Lalo pang
dumagdag sa ganda nito ang mga ilaw na iba’t iba ang kulay. Ngunit ang nakapukaw
talaga ng atensyon ng marami ay ang parol na ang disenyo’y si Lady Justice. Manghang-
mangha ako sa pagkakagawa- mula sa kaniyang damit hanggang sa kaniyang buhok at
maging ang espada, balance scale, at ang piring ng mga mata niya’y sobrang detalyado.
Ito siguro ang isinali ng mga estudyante sa College of Law. Grabe, napakagagaling talaga.

Sinundan ko lamang ng tingin ang parol na iyon at sa dinami-rami ng puwedeng


pagbasakan ng mga tingin ko sa lugar na iyon ay kay Ralph pa ako nahulog. Naroon siya
sa kabilang bahagi ng kalsadang dinadaanan ng mga parol na pumaparada. Buhay siya,
bumalik siya. Hindi ko alam kung anong gagawin. Unti-unting bumagsak mula sa mga
mata ko ang mga luhang kumakawala gabi-gabi. Palapit siya nang palapit sa akin. Ralph,
saan ka ba galing?
Ang dami kong gustong itanong ngunit gaya ng iba pang tanong sa isip ko, hindi na
lamang ito lumabas sa mga labi ko’t patuloy na lamang ang daloy ng mga luha mula sa
aking mga mata. Dahil kahit naman anong tanong, walang siguradong sagot.

“Lara, pasensiya ka na,” ang mga salitang unang lumabas sa bibig niya.

Wala na akong ibang ginawa kung hindi yakapin siya kahit na gusto kong sampalin na
lamang siya’t saktan din nang paulit-ulit. Masakit, oo. Pero wala eh, mahal ko.

At kasabay ng pagliwanag ng kapaligiran ang pag-usbong muli ng mga kulay sa mundo


ko.

Ngunit hindi rin nagtanggal ang kasiyahang iyon. Sinasabi ko na nga bang hindi
rapat labis-labis ang sayang natatamo ng bawat isa dahil sa dulo, kapalit nito’y pait ng
kalungkutan. Muling lumisan si Ralph ngunit sa pagkakataong ito’y nagpaalam siya nang
walang sinabing dahilan. Noong araw na iyon, sa eksaktong lugar kung saan kami unang
nagkita, nakatingin kami sa kawalan. Ang pagkurap ng mga bituin sa kalangitan ay
kasalungat ng nangyayari sa aming mga mata - tila walang kumukurap sa aming dalawa.
Ni mga luhang alam kong gusto nang kumawala ay hindi bumabagsak. Napabuntong
hiniga si Ralph at humarap sa akin,

“Mahal,” unang salita pa lamang ay alam ko na. Aalis na ulit siya. “pasensiya ka na ha?
Mababago pa rin naman ang mundo eh, at kaya mo naman siguro ito ng mag-isa...”

Hindi ako nagsalita. Tinitigan ko siya sa mga mata at nakita ang katotohanan. Hindi mo
naman kailangang magsinungaling, mahal. Sabihin mo ang totoo’t hihintayin kita kahit
gaano pa iyan katagal. Dahil alam kong alam mong hindi ko kayang tuparin ang pangarap
nating dalawa ng mag-isa. Ikaw ang puno’t dulo ng lahat ng iyon, mahal, ngayon ka pa
ba susuko?

Sa huling pagkakataon, niyakap niya ako ng mahigpit. Kasing higpit ng yakap ng isang
anak sa ina niyang malalayo sa kaniya ng matagal na panahon ngunit ang pinagkaiba
lamang, walang kasiguraduhan ang pagbalik ni Ralph.

Tumayo siya’t muli akong nilingon,”Galingan mo ha? Para sa ekonomiya,” ang sabi niya
sabay ngiti. Tumalikod na siya’t tuluyan na ngang lilisan.

“Maghihintay ako, Ralph. Maghihintay ako.”

Wakas ng Pagbabalik-tanaw
Pagdating ko sa labas ng Malcolm Hall, nilibot ko ang aking paningin sa paligid at
hinanap ang pigura ng taong matagal ko nang hinihintay. Biruin ninyo, nakapaghintay
ako?

“Ralph...”

Tila bumagal ang pagtakbo ng oras. Ang isang segundo’y pakiramdam ko ay isang oras
na. Unti-unti kaming lumapit sa isa’t isa. Akala ko’y sa mga pelikula lang ito puwedeng
mangyari pero kung susuriin, para ngang blockbuster ang istorya namin ni Ralph. At gaya
ng mga pangyayari sa pelikula, unti-unting bumagsak ang luhang kaytagal namalagi sa
aking mga mata. Maging ang mga matang kasing ganda ng mga bituin sa kalangitan
niya’y nagbabadya na ring bumagsak ang mga luha.

“Lara, congratulations!” ang napagtagumpayan niyang sabihin kahit na ang boses niya’y
unti-unting lumiliit. “Sabi ko naman sa’yo, eh. Kayang-kaya mo! O siya, ang susunod bar
exam na tapos ma—“ hindi niya na natapos ang sasabihin niya dahil niyakap ko na lang
siya nang mahigpit. Kulang ang mga salita para maipahayag ang nararamdaman kong
kasiyahan sa pagkakataong ito. Siguro nga’y sa ilang taon kong paghihintay, ito na
lamang ang kulang upang maramdaman kong muli ang pakiramdam ng tahanan.

“Bumalik ka,” ang hikbi ko sa kaniyang mga balikat. “Saan ka ba galing?” ang patuloy
kong pag-iyak sa kaniya. Ngunit, kumalas siya sa aking pagkakayakap at ngumiti ng hindi
abot hanggang sa kaniyang mga mata at sinabing,”Ah, Lara, pumunta lang ako rito para
i-congratulate ka. Sa wakas, magkakaroon na ako ng abogadang kaibigan,” ang sabi niya
sabay ang pagkamot niya sa kaniyang batok. Hindi ka pa rin pala nagbabago, hanggang
ngayon kahit hindi makati ang batok mo’y kinakamot mo. Hindi ka nga siguro nagbago
pero ang nararamdaman mo, oo. Ah, kaibigan. Kaibigan ka na lamang ngayon, Lara.

“Ah, abogada agad? Hindi nga ako pinaglalaban tapos ipagtatanggol ko iyong iba?”
pabiro kong sabi. Napansin ko naman agad ang pagkawala ng kaniyang mga ngiti. Hindi
ka rapat nalulungkot, Ralph. Ako na lang dapat.

“Ito naman, ‘di mabiro. Ikaw, kumusta ka na?”

Lumihis ang kaniyang pagtingin sa akin,”Hindi ko masabing ayos talaga, pero maayos
naman,” ang sabi niya. Ito na naman tayo sa pagsisinungaling, Ralph. Hindi ka magaling.

“Sige na, Lara. Bumalik ka na sa loob,” ang sabi niya sabay ngiti,”hindi na ako magtatagal.
Dumaan lang talaga ako para i-congratulate ka. At siya nga pala,” mayroon siyang kinuha
sa bulsa niya’t inabot sa akin. Isang sobreng kulay asul at puti. Nakaimprenta ang
pangalan ko sa likuran nito. “Punta ka ha?”
Binuksan ko ang laman ng sobre at kasabay nito ang pagguho ng binuo kong mundo
para sa aming dalawa.

You are cordially invited!

Ralph Arcena & Lanica Sy

10. 10. 16

Save the date.

Matapos kong maghintay ng humigit kumulang anim na taon, ito ang napala ko. Biruin
ninyo, ako na lamang pala ang nagtuloy ng istorya naming dalawa at ngayon, sa ika-
anim na kabanata, tinapos na niya. Masaya na niyang ipagpapatuloy ang nasimulan
namin sa piling ng iba. Hindi ko kinakaya ang mga nangyayari. Hindi pa rin pumapasok
sa isipan ko kung anong nangyari. Nanghihina ang mga tuhod ko na nagbabadyang biguin
ako sa misyong kailangan kong tumayo ng tuwid. Bumagsak ako sa lupa’t dumaloy ang
mga luha sa aking pisngi. Hindi na siya babalik.

“Lara!”

“Hoy, Lara! Tara na!”

Rinig kong sigaw ni Moira mula sa aking likuran. Pasensiya ka na, Mars. Hindi kita kayang
harapin ngayon. Hindi ngayong ito na naman ako, umiiyak dahil sa lalaking hinintay ko
ng-

Aray!

“Hoy bruha! Tumayo ka na nga riyan! Mahuhuli na tayo sa graduation ni Nini. Ayaw mong
makita siyang umiiyak, hindi ba? Dali na, bangon!” ang sermon sa akin ni Moira.

Panaginip lamang ang lahat? Panaginip na naman ang lahat. Dumungaw ako sa labas ng
aking bintana’t nakita ang ganda ng kalangitan.

Mahal, kumusta na?

Naramdaman ko ang pag-upo ni Moira sa sulok ng aking kama,”Nanaginip ka na naman


ba?”

Nilingon ko siya’t tumango. Ito na naman tayo. Bibiguin na naman ako ng mga matang
ito. Tutulo na naman ang mga butil ng luhang halos sampung taon ko nang kasama.

“Ikinasal daw siya sa iba, Moira. Iniwan niya ako’t bumalik para ipaalam sa na ikakasal
na siya,” ang hagulgol ko. Lumapit si Moira sa akin at niyakap ako. Palagi namang ganito
ang eksena namin araw-araw. Bago pa siya mabasa ng tubig na pangligo’y basa na siya
ng mga luhang galing sa mga mata ko. Simula kasi noon kasa-kasama na namin siya rito
sa bahay. Tatlo kaming nasa iisang bubong- ako, si Moira, at si Ken, anak ko. Anak namin
ni Ralph.

“Tahan na, Mars. Hindi ka pa ba pagod umiyak? Mahirap maglaba eh. Palagi na lang
akong nagpapalit agad ng damit kahit kaliligo ko lang,” biro ni Moira. Bruhang ‘to talaga.

Kumalas ako sa yakap niya at tumingin sa kaniyang mga mata at sunod sa


kalangitan,”Salamat ha? Palagi kang nandiyan. Ikaw nga rapat ang tinatanong ko niyan,
eh. Hindi ka pa ba pagod?”

Tumawa naman siya at saka sinabing,”Mars, kapag umalis ako rito, mamamatay ako.
Para mo na kaya akong anak. Isipin mo, magkasing edad tayo’t parehong graduate ng
law pero ikaw lang gumagastos dito. Kaya siyempre, ang maiaambag ko muna ay
pagmamahal.”. Muli siyang ngumiti, ngiting parang aso. Baliw talaga ito.

“O, siya, kumilos ka na’t iiyakan na naman tayo ng anak mo. Alam mo naman ‘yon akala
mo kulang sa aruga kung makaiyak, eh.”

Sinunod ko na si Moira para mapuntahan na namin si Nini. Palayaw niya kasi ‘yon, gawa
ni Moira. Ang tawag kasi niya rito’y Kenny, ngunit hindi mabigkas ni Ken ng tama at ang
nasasabi niya lang ay ‘Nini’ kaya naman Nini na ang palayaw niya. Ewan ko ba kay Moira,
ang ikli na nga ng Ken gusto pa’y Nini.

Matapos ang mahaba-habang biyahe, nakarating na rin kami sa paaralan ni Ken.


Simula kasi noong insidenteng iyon, lumipat na kami sa Batangas at dito na rin lumaki at
nag-aral si Ken, sa Maranatha Christian Academy of Batangas City.

Agad naman naming hinanap si Ken at nakita siyang nakaupo at naghihintay pa na


magsimula ang programa. Nang mapansin niya kami, agad siyang lumapit at niyakap ako.

“Ma, para sa inyo ‘to,” ang sabi niya. Nginitian ko lamang siya’t dahil siguradong
tratraydurin na naman ako ng mga mata ko.

“Good Morning ladies and gentlemen, kindly please settle down for the program will start
in 2 minutes. Thank you.”

Matapos ang anunsiyo’y inaya na kami ni Ken na maupo. Humiwalay si Moira dahil siya
na raw ang kukuha ng retrato mamaya.

Nang magsimula ang programa, hindi ko na napansin ang iba pang magtatapos at
ang iba pang tao sa paligid. Kay Ken lamang nakapokus ang paningin ko habang siya
naglalakad at suot ang kulay puting toga. Tumingin siya sa akin at ipinakita ang kaniyang
ngiting kasing tamis ng mga tsokolateng paborito niya.

“Arcena, Ken Raphael M., Valedictorian.”

Kasabay ng pagsabit ng mga medalya niya ang at pag-abot ng diploma sa kaniya tanda
na nakapagtapos siya ng pag-aaral sa elementarya. Nakaupo lamang ako sa kinauupuan
ko’t tila kalmado ngunit ang tibok ng puso ko’y tila kasing bilis ng yapak ng mga
nagkakarerang kabayo. Ang mga mata ko nama’y tila nagsimula ng ambon at tumulo na
naman ang mga luha. Ngunit ngayon, iba ito. Ito’y luha dahil sa tuwa. Pinagmasdan ko
lamang si Ken sa entablado at naalala si Ralph. Mahal, manang-mana sa’yo si Nini.

Matapos ang seremonya, nagyaya si Ken sa sementeryo,”Ma, ibibigay ko lang ‘to


kay Papa,” ang sabi niya. Namatay si Ralph dahil sa isang engkwentro. Habang
naghahanap ng mga ebidensiya para sa isang kasong hinawakan niya, bigla na lamang
daw nag-amok ang isa sa mga residente roon at nagpaputok ng baril. Natamaan umano
si Ralph at hindi na umabot sa ospital. Bilang isa ring abogado, hindi ko hinayaang hindi
makakuha ng hustisya ang asawa ko. At ang mga kuwentong ipinaliwanag ng mga pulis
sa akin? Hindi tugma sa imbestigasyon ko. Sinubukan kong ipaglaban sa korte ang kaso
ni Ralph ngunit wala, tinapakan lamang ito ng kalabang trapo. Kinampihan na naman ng
batas ang mga gahaman. Nakakalungkot lamang isipin na abogado akong nabibigyan ng
hustisya ang iba ngunit ang sarili kong asawa’y hinayaan kong mapaos kasisigaw ng
hustisyang nararapat lamang na mapunta sa kaniya. Namatay si Ralph dahil manipis ang
tela.

Ngayon, nakaupo lamang kami ni Ken sa damuhan sa tapat ng puntod ni Ralph.


Dapithapon na’t ang simoy ng hangin ay umaayon sa nararamdaman naming saya ni Ken
dahil sa wakas, tutungtong na siya sa panibagong kabanata ng kaniyang buhay.
Ganitong-ganito ang panahon noong una naming pagkikita ni Ralph sa dyip ng UP. Huni
lamang ng mga ibon ang maririnig bago magsalita si Ken.

“Pa, para sa inyo po,” ang mga unang salitang lumabas mula sa bibig niya. Gusto kong
umiyak ngunit tila napagod na ang mga mata ko. Ayaw siguro ni Ralph na makita kaming
luhaan sa ganitong okasyon.

“Alam mo po, Papa, magiging abogado rin ako tulad ninyo ng Mama. Lahat ng mali,
itatama ko. Babaguhin ulit natin ang mundo.”

You might also like