You are on page 1of 6

Republic of the Philippines

State Universities and Colleges


GUIMARAS STATE COLLEGE
Buenavista, Guimaras

GRADUATE SCHOOL

FRANCES VALERIE C. PACETE -Med FILIPINO

FIL 323- FILIPINO EPIC

TATLONG URI NG EPIKONG PILIPINO

a. Microepic – Kumpleto ito sa sarili nila tulad ng Lam-ang. Maaring matapos


sa isang upuan lamang at may simula at wakas

Biag ni lam-ang

Sa lambak ng Nalbuan sa baybayin ng Ilog Naguilian sa La Union ay may mag-


asawang kilala sa pangalang Don Juan at Namongan.
Nang malapit nang magsilang ng sanggol si Namongan, nilusob ng tribo ng Igorot
ang nayon at pinatay ang maraming tauhan ni Don Juan. Sa laki ng galit, nilusob
naman ni Don Juan ang mga Igorot upang ipaghiganti ang mga tauhan niya. Hindi na
nakabalik si Don Juan sa kanyang nayon. Ang naging balita, siya ay pinugutan ng ulo
ng mga Igorot.
Isinilang ni Namongan ang kanyang anak. Ang sanggol ay nagsalita agad at siya
na ang pumili ng pangalang Lam-ang at siya na rin ang pumili ng kanyang magiging
ninong.
Nang malaman ni Lam-ang ang masakit na nangyari sa kanyang ama, sumumpa
siyang ipaghihiganti niya ito. Sa gulang na siyam na buwan pa lamang, ay malakas,
matipuno at malaking lalaki na siya. Ayaw man siyang payagan ng kanyang ina upang
hanapin ang bangkay ng kanyang ama, ay nagpilit din si Lam-ang na makaalis.
Kasama niya sa pagtungo sa lupain ng mga Igorot ang isang mahiwagang
tandang, ang tangabaran, at mahiwagang aso. Baon rin niya ang kanyang talisman
mula sa punong saging. Sa tulong ng kanyang talisman ay madali niyang nalakbay ang
mga kabundukan at kaparangan. Sa laki ng pagod ni Lam-ang, siya ay nakatulog.
Napangarap niya ang mga Igorot na pumatay sa kanyang ama na nagsisipagsayaw at
nililigiran ang pugot na ulo ng kanyang ama. Nagpatuloy si Lam-ang sa paglalakbay at
narating ang pook ng mga Igorot. Nakita niya ang ulo ni Don Juan na nasa sarukang,
isang haliging kawayan.
Hinamon ni Lam-ang ang mga Igorot. Pinauwi ng mga Igorot si Lam-ang upang
huwag siyang matulad sa ginawa nila kay Don Juan. Sumigaw ng ubos lakas si Lam-ang
at nayanig ang mga kabundukan. Ang tinig niyang naghahamon ay narinig ng marami
kaya’t dumating ang maraming Igorot at pinaulanan si Lam-ang ng kanilang mga sibat.
Hindi man lamang nasugatan si Lam-ang. Nang maubusan ng sibat ang mga Igorot ay
si Lam-ang naman ang kumilos. Hinugot niya ang mahaba niyang itak at para lamang
siyang tumatabas ng puno ng saging, na pinagpapatay niya ang mga nakalaban.
Umuwi si Lam-ang sa Nalbuan. Naligo siya sa Ilog Amburayan sa tulong ng mga
dalaga ng tribu. Dahil sa dungis na nanggaling kay Lam-ang, namatay ang mga isda sa
Ilog Amburayan at nagsiahon ang mga igat at alimasag sa pampang.
Matapos mamahinga ay gumayak na si Lam-ang patungo sa Kalanutian upang
manligaw sa isang dilag na nagngangalang Ines Kannoyan. Kasama ni Lam-ang ang
kanyang mahiwagang tandang at mahiwagang aso.
Sa daan patungo sa Kalanutian ay nakalaban niya ang higanteng si Sumarang.
Pinahipan ni Lam-ang sa hangin si Sumarang at ito ay sinalipadpad sa ikapitong
bundok.
Sa tahanan nina Ines ay maraming tao. Hindi napansin si Lam-ang. Tumahol ang
mahiwagang aso ni Lam-ang. Nabuwal ang bahay. Tumilaok ang mahiwagang tandang.
Muling tumayo ang bahay. Napansin si Lam-ang.
Ipinagtapat ng tandang at aso ang kanilang layunin.  Nais pakasalan ni Lam-ang
si Ines.  Hindi naman tumutol ang mga magulang ni Ines kung magbibigay si Lam-
ang ng panhik o bigay-kaya na kapantay ng kayamanan nina Ines.
Nagpadala si Lam-ang ng dalawang barkong puno ng ginto at nasiyahan ang
mga magulang ni Ines.
Si Ines at si Lam-ang ay ikinasal nang marangya at maringal sa simbahan.
Pagkatapos ng kasalan, bilang pagtupad sa kaugalian ngmga tao sa Kalanutian,
kailangang manghuli si Lam-ang ng mga isdang rarang.  Nakikinikinita ni Lam-ang na
may mangyayari sa kanya, na siya ay makakain ng pating na berkahan.  Ipinagbilin ni
Lam-ang ang dapat gawin sakaling mangyayari ito.
Si Lam-ang ay sumisid na sa dagat.  Nakain siya ng berkahan.  Sinunod ni Ines
ang bilin ni Lam-ang.  Ipinasisid niya ang mga buto ni Lam-ang. Tinipon ito at
tinakpan ng saya ni Ines.  Inikut-ikutan ng mahiwagang tandang at mahiwagang aso.
Tumilaok ang tandang at tumahol ang aso.
Walang anu-ano’y kumilos ang mga butong may takip na saya. Nagbangon si
Lam-ang na parang bagong gising sa mahimbing na pagkakatulog.
Nagyakap si Lam-ang at si Ines.  Kanilang niyakap din ang aso at tandang.  At
namuhay silang maligaya sa mahabang panahon.

b. Macroepic – Ipinapakita lamang dito ang particular na bahagi , nag-iisang


awit halimbawa, tulad ng Tuwaang.

Tuwaang
Ang Tuwaang, epiko ng mga Bagobo, ay isang mahabang tula na nagsasalaysay
ng mga kabayanihan ni Tuwaang. Si Tuwaang ay siyang puno ng Kuaman. Balita
siya sa katapangan, lakas at kakisigan. Isang araw tumanggap si Tuwaang ng
balita na may isang dilag na nagmula sa kalangitan ng Buhong na nakarating sa
kaharian ni Batooy upang humingi ng tulong. Tinawagan ni Batooy si Tuwaang.
Nagpaalam si Tuwaang sa kapatid niyang babae na kinagigiliwan iyong tawaging
Bai, ibig niyang tulungan ang nasabing dalaga. Ayaw mang pumayag ni Bai
sapagkat ang gagawin ni Tuwaang ay lubhang mapanganib, hindi rin napigil si
Tuwaang sa gagawin niyang pagsaklolo. Sumakay si Tuwaang sa kidlat. Ang
karaniwan niyang sasakyan ay hangin. Ngunit sa pagkakataong ito'y humingi siya
ng pasintabi sa hangin na hindi ito ang gamiting sasakyan sapagkat siya'y
nagmamadali.

Dumaan muna si Tuwaang sa lupain ng Binata ng Pangavukad. Dinulutan si


Tuwaang ng itso (ikmo at bunga). Ang pagdudulot ng itso sa panauhin ay
kaugalian ng mga Muslim. Pumunta si Tuwaang at ang Binata ng Pangavukad sa
lupain ni Batooy. Pagdating nila roon, dahil sa kagandahang lalaki ni Tuwaang ay
halos hinimatay ang mga tao sa laki ng paghanga sa binata ng Kuaman. Pumanhik
si Tuwaang at sa laki ng pagod dahil sa paglalakbay ay nakatulog siya sa
pagkakaupo sa tabi ng dalagang may lambong ng kadiliman, ang dalaga ng
Buhong. Nang magising si Tuwaang, dinulutan ang dalawa ng itso at sila'y
ngumanga. Mula pa ng dumating sa lupain ni Batooy ay walang nais kausapin ang
dalagang may lambong ng kadiliman. Hinintay niya si Tuwaang upang dito sabihin
ang kanyang malaking suliranin. Nagkagusto ang binata ng Pangumanon sa dalaga.
Malaki naman ang pag-ayaw ng dalaga, subalit nais kunin ng Binata ng
Pangumanon ang dalaga sa dahas. Kaya napilitan siyang humingi ng saklolo kay
Tuwaang at kay Batooy.

Hindi pa gaanong natatagalan ang pag-uusap ni Tuwaang at ng dalaga ng


Buhong ay dumating naman ang Binata ng Pangumanon. Walang taros na
pinagtataga ng Binata ng Pangumanon ang tauhan ni Batooy. Para lamang
tumatabas ng puno sa isang tubuhan at sa ilang saglit nakabulagta nang lahat ang
mga kawal at tauhan ni Batooy.

Nanaog si Tuwaang at nagharap ang dalawang malakas at makapangyarihang


lalaki. Ginamit ni Tuwaang ang kanyang kampilan. Sa lakas ng pagtatagaan ay
naputol ito. Itinapon ni Tuwaang ang puluhan nito at kaagad na tumulong ang
punong malivutu. Gayon din ang nangyari sa binata ng Pangumanon. Ginamit
naman ni Tuwaang ang iba pang sandata niyang palihuma, gayon din ang balaraw
hanggang nabali rin sa puluhan ang mga ito. At sabay na nagtapon ng baling
puluhan ang dalawa at ito'y naging punong maunlapay. Nang magkaubusan na sila
ng mga armas, sinunggaban ng Binata ng Pangumanon si Tuwaang at ibig durugin
sa kanyang binti. Hindi nasaktan si Tuwaang. Sinunggaban naman ni Tuwaang
ang Binata ng Pangumanon at tinangkang ihampas sa malaking bato. Nang
sasayad na ang katawan, ang bato ay naging alabok. Tinawagan ng Binata ng
Pangumanon ang kanyang patung. Ito'y isang dangkal na bakal na ipinulupot kay
Tuwaang. Ang patung ay bumuga ng apoy. Inunat ni Tuwaang ang kamay at
namatay ang apoy. Tinawagan naman ni Tuwaang ang kanyang patung at nagliyab
ang binata ng Pangumanon at namatay.

Ngumanga si Tuwaang at ibinuga ang tabug ng nganga sa mga tauhan ni Batooy


at sila'y nabuhay na lahat. Iniuwi ni Tuwaang ang dalaga sa Kuaman. Pagdating
nila sa Kuaman ay may ligalig na nagaganap. Pagkatapos na magapi ni Tuwaang
ang kalaban, minabuti niyang doon na sila sa bayan ng Katu-san manirahang lahat.
Inilulan ni Tuwaang sa sinalimba, isang ginituang sasakyang lumilipad ang lahat
niyang tauhan. Pinasan ni Tuwaang sa magkabila niyang balikat ang dalagang
Buhong at ang kapatid na si Bai at pumunta rin sila sa Katu-san, ang lupaing walang
kamatayan.

c. Mesoepic- tawag sa epikong may katamtamang haba at may masalimuot


na pangyayari tulad ng Labaw Donggon.

Labaw Donggon
Si Labaw Donggon ay anak ni Anggoy Alunsina at Buyung Paubari. Siya ay
napakakisig na lalaki na umibig kay Abyang Ginbitinan. Binigyan niya ng maraming
regalo ang ina ni Abyang Ginbitinan na si Anggoy Matang-ayon upang pumayag
lamang na makasal ang dalawa. Inimbita niya ang buong bayan sa kanilang kasal.
At hindi nagtagal ay umibig siyang muli sa isang magandang babae na
nagngangalang Anggoy Doronoon. Niligawan niya ito at hindi nagtagal ay
nagpakasal.
At muli ay umibig si Labaw sa isa pang babae na nagngangalang Nagmalitong
Yawa Sinagmaling Diwata. Ngunit ang babae ay nakasal na kay Buyung
Saragnayan na katulad niya na may kapangyarihan din.
Patayin mo muna ako bago mo makuha ang aking asawa, sabi ni Buyung
Saragnayan sa kanya.
Handa akong kalabanin ka, sagot ni Labaw kay Saragnayan.
Naglaban sila ng maraming taon gamit ang kanilang mga kapangyarihan ngunit
hindi mapatay ni Labaw si Saragnayan. Mas malakas ang kapangyarihan ni
Saragnayan kaysa kay Labaw.
Natalo si Labaw at siya ay itinali at ikinulong sa kulungan ng baboy ni
Saragnayan. Samantala ang kanyang mga asawa na si Abyang Ginbitinan at
Anggoy Doronoon ay nanganak sa kanilang panganay. Tinawag ni Abyang ang
kanyang anak na Asu Mangga at si Anggoy Doronoon na Buyung Baranugun.
Gustong makita si Labaw ng kaniyang dalawang anak at nagpasya na hanapin siya.
Sa tulong ng bolang kristal ni Buyung Barunugun ay nalaman nlla na bihag siya ni
Saragnayan. Ang dalawang magkapatid ay nagtagumpay sa pagpapalaya sa
kanilang ama na napakatanda na at ang kanyang katawan ay nababalutan na ng
mahabang buhok.
Kailangan nyo munang malaman ang sikreto ng kapangyarihan ni Saragnayan
bago ninyo siya labanan! sabi ni Labaw sa kanyang dalawang anak.
Opo ama, sagot ni Baranugun. Ipapadala ko sina Taghuy at Duwindi kay
Abyang Alunsini upang itanong ang sikreto ng kapangyarihan ni Saragnayan.
Nalaman ni Baranugun kay Abyang na ang hininga ni Saragnayan ay itinatago at
pinangangalagaan ng isang baboy ramo sa kabundukan. Siya at si Asu Mangga ay
nagtungo sa kabundukan upang patayin ang baboy ramo. Kinain nila ang puso nito
na siyang buhay ni Saragnayan.
Biglang nanghina si Saragnayan. Alam niya kung ano ang nangyari. Nagpaalam
na siya kay Nagmalitong Yawa. Handa na siyang upang kalabanin ang dalawang
anak ni Labaw. Si Baranugun lamang ang humarap sa kanya sa isang madugong
laban. Napatay siya ni Baranugun sa isang mano-manong laban. Pagkatapos ng
labanan ay hinanap nila ang kanilang ama. Nakita nila na siya ay nakasilid sa
lambat ni Saragnayan. Natakot sila sa mga kapatid ni Saragnayan. Pinatay silang
lahat ni Baranugun at pinalaya si Labaw sa lambat.
Nang makita ni Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon si Labaw ay napaiyak sila
sa pighati. Nalaman nilang hindi na makarinig si Labaw, hindi na rin nito nagamit
ang pag-iisip. Pinaliguan nila ito, binihisan at pinakain. Inalagaan nila ito ng
mabuti. Samantala, si Buyung Humadapnon at Buyung Dumalapdap, mga bayaw ni
Anggoy Ginbitinan ay ikinasal kina Burigadang Pada Sinaklang Bulawan at
Lubaylubyok Hanginon Mahuyukhuyukon. Ang dalawang babae ay ang
magagandang kapatid ni Nagmalitong Yawa.
Nang malaman ni Labaw Donggon ang kasal sinabi nito sa dalawang asawa na
nais niyang mapakasalan si Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata.
Gusto kong magkaroon ng isa pang anak na lalaki! sabi ni Labaw Donggon.
Nagulat sina Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon sa sinabi ng asawa at dahil
mahal na mahal nila ang asawa ay tinupad nila ang kahilingan nito. Humiga si
Labaw sa sahig at pumatong ang dalawang babae sa kanya, naibalik ang kanyang
lakas at sigla ng isip. Masayang-masaya si Labaw at ang kanyang tinig ay
umalingawngaw sa buong lupain.

https://www.slideshare.net/CharlieAgravanteJr/panitikan-lit1report

https://www.slideshare.net/CharlieAgravanteJr/panitikan-lit1report

https://www.scribd.com/presentation/419584751/PANITIKAN-NG-PILIPINAS-pptx

https://www.kapitbisig.com/philippines/tagalog-version-of-epics-mga-epiko-lam-ang-
epikong-ilokano_600.html

https://www.kapitbisig.com/philippines/tagalog-version-of-epics-mga-epiko-tuwaang-
epiko-ng-mga-bagobo_604.html

https://www.kapitbisig.com/philippines/tagalog-version-of-epics-mga-epiko-labaw-
donggon-epikong-bisaya_936.html/page/0/1

You might also like