You are on page 1of 6

Biag ni Lam-ang

(Epikong Ilocano)

Sa lambak ng Nalbuan sa baybayin ng Ilog Naguilian sa La Union ay may mag-asawang kilala sa pangalang Don Juan
at Namongan.

Nang malapit nang magsilang ng sanggol si Namongan, nilusob ng tribo ng Igorot ang nayon at pinatay ang
maraming tauhan ni Don Juan. Sa laki ng galit, nilusob naman ni Don Juan ang mga Igorot upang ipaghiganti ang
mga tauhan niya. Hindi na nakabalik si Don Juan sa kanyang nayon. Ang naging balita, siya ay pinugutan ng ulo ng
mga Igorot.

Isinilang ni Namongan ang kanyang anak. Ang sanggol ay nagsalita agad at siya na ang pumili ng pangalang Lam-
ang at siya na rin ang pumili ng kanyang magiging ninong.

Nang malaman ni Lam-ang ang masakit na nangyari sa kanyang ama, sumumpa siyang ipaghihiganti niya ito. Sa
gulang na siyam na buwan pa lamang, ay malakas, matipuno at malaking lalaki na siya. Ayaw man siyang payagan
ng kanyang ina upang hanapin ang bangkay ng kanyang ama, ay nagpilit din si Lam-ang na makaalis.

Kasama niya sa pagtungo sa lupain ng mga Igorot ay isang mahiwagang tandang, ang tangabaran, at mahiwagang
aso. Baon rin niya ang kanyang talisman mula sa punong saging. Sa tulong ng kanyang talisman ay madali niyang
nalakbay ang mga kabundukan at kaparangan. Sa laki ng pagod ni Lam-ang, siya ay nakatulog. Napangarap niya
ang mga Igorot na pumatay sa kanyang ama na nagsisipagsayaw at nililigiran ang pugot na ulo ng kanyang ama.
Nagpatuloy si Lam-ang sa paglalakbay at narating ang pook ng mga Igorot. Nakita niya ang ulo ni Don Juan na nasa
sarukang, isang haliging kawayan.

Hinamon ni Lam-ang ang mga Igorot. Pinauwi ng mga Igorot si Lam-ang upang sabi nila'y huwag matulad sa
ginawa nila kay Don Juan. Sumigaw ng ubos lakas si Lam-ang at nayanig ang mga kabundukan. Ang tinig niyang
naghahamon ay narinig ng marami kaya't dumating ang maraming Igorot at pinaulanan si Lam-ang ng kanilang
mga sibat. Hindi man lamang nasugatan si Lam-ang. Nang maubusan ng sibat ang mga Igorot ay si Lam-ang naman
ang kumilos. Hinugot niya ang mahaba niyang itak at para lamang siyang tumatabas ng puno ng saging, na
pinagpapatay niya ang mga nakalaban.

Umuwi si Lam-ang sa Nalbuan. Naligo siya sa Ilog Amburayan sa tulong ng mga dalaga ng tribu. Dahil sa dungis na
nanggaling kay Lam-ang, namatay ang mga isda sa Ilog Amburayan at nagsiahon ang mga igat at alimasag sa
pampang.

Matapos mamahinga ay gumayak na si Lam-ang sa pagtungo sa Kalanutian upang manligaw sa isang dilag na
nagngangalang Ines Kannoyan. Kasama ni Lam-ang ang kanyang mahiwagang tandang at mahiwagang aso.

Sa daan patungo sa Kalanutian ay nakalaban niya ang higanteng si Sumarang. Pinahipan ni Lam-ang sa hangin si
Sumarang at ito ay sinalipadpad sa ikapitong bundok.

Sa tahanan nina Ines ay maraming tao. Hindi napansin si Lam-ang. Tumahol ang mahiwagang aso ni Lam-ang.
Nabuwal ang bahay. Tumilaok ang mahiwagang tandang. Muling tumayo ang bahay. Napansin si Lam-ang.

Ipinagtapat ng tandang at aso ang kanilang layunin. Nais pakasalan ni Lam-ang si Ines. Hindi naman tumutol ang
mga magulang ni Ines kung magbibigay si Lam-ang ng panhik o bigay-kaya na kapantay ng kayamanan nina Ines.

Nagpadala si Lam-ang ng dalawang barkong puno ng ginto at nasiyahan ang mga magulang ni Ines.

Si Ines at si Lam-ang ay ikinasal nang marangya at maringal sa simbahan. Pagkatapos ng kasalan, bilang pagtupad
sa kaugalian ng mga tao sa Kalanutian, kailangang manghuli si Lam-ang ng mga isdang rarang. Nakikinikinita ni
Lam-ang na may mangyayari sa kanya. Na siya ay makakain ng pating berkahan. Ipinagbilin ni Lam-ang ang dapat
gawin sakaling mangyayari ito.

Si Lam-ang ay sumisid na sa dagat. Nakain siya ng berkahan. Sinunod ni Ines ang bilin ni Lam-ang. Ipinasisid niya
ang mga buto ni Lam-ang. Tinipon ito at tinakpan ng saya ni Ines. Inikut-ikutan ng mahiwagang tandang at
mahiwagang aso. Tumilaok ang tandang at tumahol ang aso.

Walang anu-ano'y kumilos ang mga butong may takip na saya. Nagbangon si Lam-ang na parang bagong gising sa
mahimbing na pagkakatulog.

Nagyakap si Lam-ang at si Ines. Kanilang niyakap din ang aso at tandang. At namuhay silang maligaya sa mahabang
panahon.

Bidasari
(Epikong Mindanao)

Ang epikong Bidasari ng Kamindanawan ay nababatay sa isang romansang Malay. Ayon sa kanilang paniniwala,
upang tumagal ang buhay ng tao, ito'y pinaalagaan at iniingatan ng isang isda, hayop, halaman o ng punongkahoy.

Ang salaysay ng Bidasari ay ganito:

Ang kaharian ng Kembayat ay naliligalig dahil sa isang dambuhalang ibon. Ang ibong ito ay mapaminsala sa mga
pananim at maging sa buhay ng tao. Ang ibong ito ay ang ibong garuda. Kapag dumarating na ang garuda, mabilis
na nagtatakbuhan ang mga tao upang magtago sa mg yungib. Takot na takot sila sa ibong garuda pagka't ito'y
kumkain ng tao.

Sa pagtatakbuhan ng mga tao, nagkahiwalay sa pagtakbo ang sultan at sultana ng Kembayat. Ang sultana ng
Kembayat ay nagdadalantao noon. Sa laki ng takot ay naisilang niya ang sanggol na babae sa may tabi ng ilog. Dahil
sa malaking takot at pagkalito naiwan niya ang sanggol sa bangka sa ilog.

May nakapulot naman ng sanggol. Siya ay si Diyuhara, isang mangangalakal mula sa kabilang kaharian. Kanyang
pinagyaman at iniuwi sa bahay ang sanggol. Itinuring niya itong anak. Pinangalanan nila ang sanggol ng Bisari.
Habang lumalaki si Bidasari ay lalo pang gumaganda. Maligaya si Bidasari sa piling ng kanyang nakikilalang
magulang.

Sa kaharian ng Indrapura, ang sultang Mongindra ay dalawang taon pa lamang kasal kay Lila Sari. Mapanibughuin
si Lila Sari. Natatakot siyang umibig pa sa ibang babae ang sultan. Kaya lagi niyang itinatanong sa sultan, kung
siya'y mahal nito na sasagutin naman ng sultan ng : "mahal na mahal ka sa akin." Hindi pa rin nasisiyahan ang
magandang asawa ng sultan. Kaniyang itinanong na minsan sa sultan: "Hindi mo kaya ako malimutan kung may
makita kang higit na maganda kaysa akin?" Ang naging tugon ng Sultan ay: "Kung higit na maganda pa sa iyo,
ngunit ikaw ang pinakamaganda sa lahat." Nag-alala ang sultana na baka may lalo pang maganda sa kanya at ito ay
makita ng sultan. Kaya't karakarakang inutusan niya ang matapat niyang mga kabig na saliksikin anh kaharian
upang malaman kung may babaeng higit na maganda sa sultana.

Nakita ng mga tauhan ni Lila Sari si Bidasari at siya ay higit na maganda kaysa kay Lila Sari.

Inanyayahan ng Sultana si Bidasari sa palasyo upang diumano ay gagawing dama ng sultana. Ngunit pagsapit doon,
si Bidasari ay lihim na ikinulong ni Lila Sari sa isang silid at doon pinarurusahan.

Nang hindi na matiis ni Bidasari ang mga pagpaparusa sa kanya, sinabi niyang kunin ang isdang ginto sa halamanan
ng kanyang ama. Kapag araw ito'y ipinakukuwintas kay Lila Sari at sa gabi'y ibinabalik sa tubig at hindi maglalaon si
Bidasari ay mamamatay. Pumayag si Lila Sari. Kinuha niya ang isdang ginto at pinauwi na niya si Bidasari.
Isinuot nga ni Lila Sari ang kuwintas ng gintong isda sa araw at ibinabalik sa tubig kung gabi. Kaya't si Bidasari ay
nakaburol kung araw at muling nabubuhay sa gabi. Nag-alala si Diyuhara na baka tuluyang patayin si Bidasari. Kaya
nagpagawa siya ng isang magandang palasyo sa gubat at doon niya itinira nang mag-isa si Bidasari.

Isang araw, ang Sultan Mongindra ay nangaso sa gubat. Nakita niya ang isang magandang palasyo. Ito'y nakapinid.
Pinilit niyang buksan ang pinto. Pinasok niya ang mga silid. Nakita niya ang isang napakagandang babae na
natutulog. Ito ay si Bidasari. Hindi niya magising si Bidasari. Umuwi si Sultan Mongindra na hindi nakausap si
Bidasari. Bumalik ang sultan kinabukasan. Naghintay siya hanggang gabi. Kinagabihan nabuhay si Bidasari.
Nakausap siya ni Sultan Mongindra. Ipinagtapat si Bidasari ang mga ginawa ni Lila Sari. Galit na galit ang sultan.
Iniwan niya si Lila Sari sa palasyo at agad niyang pinakasalan si Bidasari. Si Bidasari na ang naging reyna.

Samantala, pagkaraan ng maraming taon ang tunay na mga magulang ni Bidasari ay matahimik nang naninirahang
muli sa Kembayat. Nagkaroon pa sila ng isang supling. Ito'y si Sinapati. Nang pumunta sa Kembayat ang isang anak
ni Diyuhara ay nakita niya si Sinapati, anak ng sultan at sultana ng Kembayat.

Si Sinapati ay kamukhang-kamukha si Bidasari. Kinaibigan nito si Sinapati at ibinalita ang kapatid niyang si Bidasari
sa kamukhang-kamukha ni Sinapati. Itinanong ni Sinipati sa mga magulang kung wala siyang kapatid na nawawalay
sa kanila. Pinasama ng ama si Sinapati sa Indrapura. Nang magkita si Bidasari at si Sinapati ay kapwa sila nangilalas
dahil sa silang dalawa ay magkamukhang-magkamukha. Natunton ng Sultan ng Kembayat ang nawawala niyang
anak na si Bidasari. Nalaman ng sultan ng Indrapura na ang kanyang pinakasalang si Bidasari ay isa palang tunay na
prinsesa.

Ibalon
(Epikong Bicolano)

Ayon sa salaysay ni Pari Jose Castaño sa narinig niyang kuwento ng isang manlalakbay na mang-aawit na si
Cadugnong, ang epikong Ibalon ay tungkol sa kabayanihan ng tatlong magigiting na lalaki ng Ibalon na sina Baltog,
Handiong, at Bantong. Ibalon ang matandang pangalan ng Bikol.

Si Baltog ay nakarating sa lupain ng Ibalon dahil sa pagtugis niya sa isang malaking baboy-ramo. Siya'y nanggaling
pa sa lupain ng Batawara. Mayaman ang lupain ng Ibalon at doon na siya nanirahan. Siya ang kinilalang hari ng
Ibalon. Naging maunlad ang pamumuhay ng mga tao. Subalit may muling kinatakutan ang mga tao, isang malaki at
mapaminsalang baboy-ramo na tuwing sumasapit ang gabi ay namiminsala ng mga pananim. Si Baltog ay matanda
na upang makilaban. Tinulungan siya ng kanyang kaibigang si Handiong.

Pinamunuan ni Handiong ang mga lalaki ng Ibalon upang kanilang lipulin ang mga dambuhalang buwaya,
mababangis na tamaraw at lumilipad na mga pating at mga halimaw na kumakain ng tao. Napatay nila ang mga ito
maliban sa isang engkantadang nakapag-aanyong magandang dalaga na may matamis na tinig. Ito ay si Oriol.
Tumulong si Oriol sa paglipol ng iba pang mga masasamang hayop sa Ibalon.

Naging payapa ang Ibalon. Ang mga tao ay umunlad. Tinuruan niya ang mga tao ng maayos na pagsasaka. Ang mga
piling tauhan ni Handiong ay tumulong sa kanyang pamamahala at pagtuturo sa mga tao ng maraming bagay.

Ang sistema ng pagsulat ay itinuro ni Sural. Itinuro ni Dinahong Pandak ang paggawa ng palayok na Iluad at ng iba
pang kagamitan sa pagluluto.

Si Hablon naman ay nagturo sa mga tao ng paghabi ng tela. Si Ginantong ay gumawa ng kauna-unahang bangka, ng
araro, itak at iba pang kasangkapan sa bahay.

Naging lalong maunlad at masagana ang Ibalon. Subalit may isang halimaw na namang sumipot. Ito ay kalahating
tao at kalahating hayop. Siya si Rabut. Nagagawa niyang bato ang mga tao o hayop na kanyang maengkanto. May
nagtangkang pumatay sa kanya subalit sinamang palad na naging bato. Nabalitaan ito ni Bantong at inihandog niya
ang sarili kay Handiong upang siyang pumatay kay Rabut.

Nalaman ni Bantong na sa araw ay tulog na tulog si Rabut. Kaniya itong pinatay habang natutulog.

Nagalit ang Diyos sa ginawang pataksil na pagpatay kay Rabut. Diumano, masama man si Rabut, dapat ay binigyan
ng pagkakataong magtanggol sa sarili nito. Pinarusahan ng Diyos ang Ibalon sa pamamagitan ng isang
napakalaking baha.

Nasira ang mga bahay at pananim. Nalunod ang maraming tao. Nakaligtas lamang ang ilang nakaakyat sa taluktok
ng matataas na bundok. Nang kumati ang tubig, iba na ang anyo ng Ibalon. Nagpanibagong buhay ang mga tao
ngayon ay sa pamumuno ni Bantong.

Agyu
(Epikong Manobo)

Ang pinanggagalingan ng kabuhayan ng mga Ilianon ay pangongolekta ng sera. Ipinapalit nila ang sera sa mga
Moro, sa kanilang mga pangunahing pangangailangan tulad ng palay, asin at asukal. Nagkaroon ng di
pagkakaunawaan si Agyu at ang datu ng mga Moro dahil sa pagkakautang nila ng isang daang tambak ng sera.
Upang maiwasan ang madugong labanan, si Agyu at ang kaniyang pamilya ay umalis sa Ayuman at pumunta ng
Ilian. Ngunit hindi hahayaan ng mga Moro na mamuhay sila ng payapa. Sinundan nila ang mga ito upang patayin
siya at ang kanyang pamilya. Lumaban si Agyu at ang kanyang pamilya ng buong tapang at lumabas na panalo sa
laban sa mga Moro. Pagkatapos ng tagumpay ay naisip ni Agyu na lisanin ang Ilian at pumunta ng Bundok ng
Pinamatun. Doon ay nagtayo sila ng mga bahay sa paanan ng bundok.

Isang araw ay pumunta si Agyu sa bundok ng Sandawa upang manghuli ng baboy ramo. Umuwi siya na dala ang
kanyang huli habang ang kanyang kapatid na lalaki na si Lono at mga kapatid na babaing sina Yambungan at
Ikwagan ay nakahanap ng pulot pukyutan. Hinati nila ang baboy ramo at pulot pukyutan sa kanila at sa kanilang
mga alipin.

"Bakit ayaw mong kumuha ng karne at pulot para sa iyo, at sa iyong asawa sa Ayuman, Banlak?" tanong ni Agyu sa
kanyang kapatid na lalaki. Ang asawa ni Banlak na si Mungan ay naiwan sa Ayuman sapagkat nagkaroon ito ng
ketong.

Hindi pumayag si Banlak sa ideya. Nagboluntaryo na lamang si Lona na pumunta sa Ayuman dala ang karne at
pulot para kay Mungan. Nang makarinig siya ng malakas na boses na nagsasabl kay Mungan na tanggapin na ang
imortalidad sa pamamagitan ng pagkain ng mga diyos.

Nang bumalik si Lono sa Panamutan, sinabi niya kay Agyu at Banlak kung ano ang narinig. Nais ni Banlak na makita
si Mungan ngunit pinigilan sila ni Agyu. Bagkus ay binagtas ni Agyu ang daan pababa ng Ayuman upang makita si
Mungan ngunit huli na ang lahat. Pumunta na si Mungan sa langit. Ang natira lamang ay isang gintong bahay. At
nang bumalik siya sa Pinamutan, iniwan nilang muli ang lugar at nagpunta sa Tigyangdang. Ngunit hindi nila nakita
ang kapayapaan sa Tigyangdang. Napakaraming kaaway ang nagpapaalis sa kanila sa Tigyangdang. At kahit anong
gawin nila ay hindi nila matalo ang kalaban.

Nang' dumating ang pang-apat na araw ng pakikipaglaban ay lumapit ang kanyang batang anak na si Tanagyaw.

"Payagan mo akong 1umaban, ama," sabi niya.


"Ngunit napakabata mo pa, anak," sinabi niya rito.
"Marahil nga ay bata ako ngunit ako ay matalino, ama," pilit ni Tanagyaw.
Humayo ka at nawa ay tulungan. ka ng mga diyos. Ingatan mo ang sarili mo!
At umalis na si Tanagyaw upang pumunta sa labanan. At natalo niya ang mga kalaban.
Nais ng pinuno ng mga kalaban na makasal si Tanagyaw sa anak nitong babae na si Buy-anon ngunit tumanggi ito
dahil napakabata pa nila. Umabot si Tanagyaw sa bayan ng Baklayon at iniligtas ang bayan laban sa mga kaaway.
Pinatay niya si Bagili, ang anak ng pinuno ng mga kaaway ng Baklayon. Nais ng datu ng Baklayon na ipakasal ang
kanyang anak na si Paniguan kay Tanagyaw ngunit hindi pa ito handa na mag-asawa. At nang bumalik si Tanagyaw
sa Tigyangdang ay nagpunta si Paniguan sa Tigyangdang, nagtungo si Paniguan sa kanya. Sinabi nito kay Agyu na
nais nitong pakasalan si Tanagyaw. Sumang-ayon-si Agyu at ikinasal sina Tanagyaw at Paniguan.

Sa kabilang dako, hindi tumigil ang pag-atake sa sambahayan ni Agyu. Paminsan-minsan ay mayroong mga kaaway
na umaatake sa mga pamayanan at pinapatay ang mga tao at mga hayop ni Agyu. Ngunit matanda na upang
lumaban si Agyu. Upang kalabanin ang mga kaaway, nagsuot si Tanagyaw ng baluti na kasing tigas ng metal na sa
lakas ay hindi maigalaw ng hangin. Pagkatapos ay kinalaban niya ang mga kaaway at lumabas na panalo. Ngunit
hindi pa handang sumuko ang mga kalaban. Sinugod ng anak ng datu si Tanagyaw gamit ang ginintuang espada.
Ginamit ni Tanagyaw ang gintong tungkod at nagawang patayin ang anak ng datu at ang kanyang mga kasama at
tumakas sa bundok dahil sa takot.

Napanuto na si Agyu. Nalalaman niya na maghahari na ang kapayapaan sa kanilang kaharian. Ngayon ay
tatamasain na nila ang magandang buhay na mailap sa kanila noong una. Ang ani ay masagana at ang mga hayop
ay dumarami na sa bilang. Isang araw tinawag niya ang anak na si Tanagyaw.

Ibinibigay ko na sa iyo ang Sunglawon. Ipagtatanggol mo ito at pamahalaan ito ng may hustisya at
pagpapahalaga sa mga tao.

"Tutuparin ko po ito sa tulong ng mga diyos, ama" sagot ni Tanagyaw.

Sa sumunod na umaga, sina Tanagyaw at Paniguan kasama ang kanilang mga alipin ay nagsimulang maglakbay
patungo sa Sunglawon. Handa na sila upang magsimula ng isang pamilya.

Indarapatra at Sulayman
(Epikong Mindanao)

Si Indarapatra ay ang matapang na hari ng Mantapuli. Nabalitaan niya ang malimit na pananalakay ng mga
dambuhalang ibon at mababangis na hayop sa ibang panig ng Mindanao. Labis niyang ikinalungkot ang mga
nangyayaring ito sa mga naninirahan sa labas ng kaharian ng Mantapuli.

Ipinatawag ni Indarapatra ang kanyang kapatid na si Sulayman, isang matapang na kawal. Inutusan ni Indarapatra
si Sulayman upang puksain ang mga ibon at hayop na namiminsala sa mga tao. Agad na sumunod si Sulayman.
Bago umalis si Sulayman, nagtanim si Indarapatra ng halawan sa may durungawan. Aniya kay Sulayman, "Sa
pamamagitan ng halamang ito ay malalaman ko ang nangyayari sa iyo. Kapag namatay ang halamang ito,
nanganaghulugang ikaw ay namatay."

Sumakay si Sulayman sa hangin. Narating niya ang Kabilalan. Wala siyang nakitang tao. Walang anu-ano ay nayanig
ang lupa, kaya pala ay dumating ang halimaw na si Kurita. Matagal at madugo ang paglalaban ni Sulayman at ni
Kurita. Sa wakas, napatay rin ni Sulayman si Kurita, sa tulong ng kanyang kris.

Nagtungo naman si Sulayman sa Matutum. Kanyang hinanap ang halimaw na kumakain ng tao, na kilala sa tawag
na Tarabusaw. Hinagupit nang hinagupit ni Tarabusaw si Sulayman sa pamamagitan ng punongkahoy. Nang
nanlalata na si Tarabusaw ay saka ito sinaksak ni Sulayman ng kanyang espada.

Pumunta si Sulayman sa Bundok ng Bita. Wala rin siyang makitang tao. Ang iba ay nakain na ng mga halimaw at
ang natirang iba ay nasa taguan. Luminga-linga pa si Sulayman nang biglang magdilim pagkat dumating ang
dambuhalang ibong Pah. Si Sulayman ang nais dagitin ng ibon. Mabilis at ubos lakas ng tinaga ito ni Sulayman.
Bumagsak at namatay ang Pah. Sa kasamaang palad nabagsakan ng pakapak ng ibon si Sulayman na siya niyang
ikinamatay.

Samantala, ang halaman ni Sulayman sa Mantapuli ay laging pinagmamasdan ni Indarapatra. Napansin niyang
nanlata ang halaman at alam niyang namatay si Sulayman.

Hinanap ni Indarapatra ang kanyang kapatid. Nagpunta siya sa Kabalalan at nakita niya ang kalansay ni Tarabusaw.
Alam niyang napatay ito ng kapatid niya. Ipinagpatuloy ni Indarapatra ang paghahanap niya kay Sulayman.
Narating niya ang bundok ng Bita. Nakita niya ang patay na ibong Pah. Inangat ni Indarapatra ang pakpak ng ibon
at nakita ang bangkay ni Sulayman. Nanangis si Indarapatra at nagdasal upang pabaliking muli ang buhay ni
Sulayman. Sa di kalayua'y may nakita siyang banga ng tubig. Winisikan niya ng tubig ang bangkay at muling
nabuhay si sulayman. Parang nagising lamang ito mula sa mahimbing na pagtulog. Nagyakap ang magkapatid dahil
sa malaking katuwaan.

Pinauwi na ni Indarapatra si Sulayman. Nagtuloy pa si Indarapatra sa Bundok Gurayu. Dito'y wala ring natagpuang
tao. Nakita niya ang kinatatakutang ibong may pitong ulo. Sa tulong ng kanyang engkantadong sibat na si juris
pakal ay madali niyang napatay ang ibon.

Hinanap niya ang mga tao. May nakit siyang isang magandang dalaga na kumukuha ng tubig sa sapa. Mabilis
naman itong nakapagtago. Isang matandang babae ang lumabas sa taguan at nakipag-usap kay Indarapatra.
Ipinagsama ng matandang babae si Indarapatra sa yungib na pinagtataguan ng lahat ng tao sa pook na iyon.
Ibinalita ni Indarapatra ang mga pakikilaban nilang dalawa ni Sulayman sa mga halimaw at dambuhalang ibon.
sinabi rin niyang maaari na silang lumabas sa kanilang pinagtataguan. Sa laki ng pasasalamat ng buong tribu,
ipinakasal kay Indarapatra ang anak ng hari, ang magandang babaeng nakita ni Indarapatra sa batisan.

You might also like