You are on page 1of 1

African Swine Fever, itinuring na national threat

Total ban ng entry ng live hogs at pork sa Batangas, ipinatupad

Maigting nang ipinagbabawal ang entry ng live hogs at iba pang produktong baboy sa lalawigan ng Batangas, matapos
ang idinaos na emergency meeting, na pinangunahan ng Batangas Provincial Veterinary Office (PVO) at dinaluhan ng
mga beterinaryo, industry stakeholders, at mga kinatawan ng local government units (LGUs), noong ika-20 ng Agosto
2019 sa Session Hall ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas.

Ito ay matapos magkaroon ng mga hinihinalang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bansa, na bagamat hindi pa
nakukumpirma, ay lubos nang pinag-iingat ang publiko at pinaaalalahanang sundin ang mga pinatutupad na
"precautionary measures" ng pamahalaan, lalo't higit sa kadahilanang ang Batangas, gaya ng Bulacan, ay itinuturing na
top producer sa P250 bilyong livestock industry.

Kaugnay nito, minabuti ni 4th District Board Member Jess De Veyra, Chairperson ng Committe on Agriculture, katuwang
ang ehekutibo sa pamamagitan ni Provincial Veterinarian Dr. Rommel Marasigan, na tuluyan nang ipatupad ang total
ban, matapos maitala ang tumataas na bilang ng pagkamatay ng mga alagang baboy sa bansa na siyang iniulat ng Bureau
of Animal Industry sa Department of Agrarian Reform (DAR).

Ayon kay De Veyra, bagamat wala pang namomonitor na kaso ng ASF sa lalawigan ay inaasahan ang pakikipagtulungan
ng local hograisers sa pamahalaang lokal, at agarang ipagbigay alam kung may sintomas o insidente ng ASF sa mga
alagang baboy.

Dagdag pa nito, magpapatupad ng malawakang checkpoints at farm inspection and disinfection measures sa iba't ibang
lugar sa lalawigan. Kasabay nito ay hinihinakayat naman ang LGUs na magsagawa ng information drive sa mga
munisipalidad, nang sa gayon ay maging edukado ang mga industry stakeholders patungkol sa ASF.

Samantala, ang nasabing ban ay mas pinagtibay ng inisyung Memorandum Circular No. 1 Series of 2019 o “Temporary
ban on entry of live pigs, pork products and temporary prohibition of swill feeding in the Province of Batangas” ng PVO
na inaprubahan naman ni Gov. DoDo Mandanas, epektibo mula noong August 19.

Itinuturing na national threat ang ASF, na wala mang direktang epekto sa kalusugan ng tao, ay madali namang
makaapekto at lumaganap sa mga farm at maaring makapagdulot ng malaking epekto sa industriya kung hindi
maaagapan.

Ang nasabing ban ay mananatili hanggang sa iulat ng DAR na ligtas na ang buong bansa mula sa banta ng ASF. —
Marinela Jade Maneja

You might also like