You are on page 1of 5

Nalalaman ang pagkakakilanlan ng bawat nilalang sa mundo sa

pamamagitan ng wikang kanilang sinasalita. Ika nga ng mga eksperto, ang wika
ay kaluluwa at repleksyon ng tao. Ayon pa kina Fortunato at Valdez (1995) na
naisaad sa aklat ni Badayos, P. B. (2008), ang wika ay makapangyarihan at
pangunahing kodigo sa komunikasyon. Walang mabubuong usapan kung walang
wikang nagsisilbing tulay upang magawa ito. Sa pagpasok ng modernisasyon at
pag-usbong ng teknolohiya sa mundo, makikita ang pagbabago at pag-unlad,
hindi lamang sa pananamit kundi maging sa paggamit ng wika sa
pakikipagtalastasan. Lumaki na tayo sa mundong nandyan na ang paggamit ng
midya tulad ng telebisyon, print media at radyo na nagbibigay ng mga
impormasyon, balita at kaaliwan. Samantala, sa paglipas ng ilang siglo,
umusbong ang Internet na lubos na inaasahan ng tao sa pagkuha ng mga
kaalaman maging sa pakikipag-ugnayan.

Ang Internet ay tinuturing na kakambal ng social media, na kung saan ito ang
palaging ginagamit ng mga tao ngayon sa maraming bagay. Nakadepende nang
lubos ang mga tao dito sa pagkalap ng karunungan, maging sa pakikipag-
ugnayan. Ito ay isang sistema na ginagamit nang buong mundo upang
mapagkonekta ang mga kompyuter o grupo ng mga kompyuter sa
telekomunikasyon na hindi gumagamit ng wire na kung saan maipaparating at
mababasa ng publiko ang iba’t ibang mga impormasyon. Sa panahon ngayon ay
hindi na lamang mga kompyuter ang makakakonekta sa internet kundi pati na rin
sa mga makabagong kagamitan tulad ng cellphone at tablet. Sa mabilis na pag-
unlad ng teknolohiya, kasabay nitong umusbong ang mga social media na
lumaganap at lubhang naimpluwensiyahan ang mga tao.

Mula sa We Are Social at social management platform Hootsuite (2020), ang


Pilipinas ay nanatiling nangunguna sa bansang ang mga mamamayan ay may
malaking oras na inilalaan sa paggamit ng Internet at social media. Naitala na
ang bansang Pilipinas sa isang araw ay naglalaan ng siyam na oras at
apatnapu’t limang minuto sa paggamit ng Internet na sinundan ng bansang South
Africa na sa isang araw ay gumagamit ng Internet ng siyam na oras at
dalawampu’t dalawang minuto. Tinaguriang “Social Media Capital of the World”
ang Pilipinas. Animnapu’t tatlong porsiyento ng mga Pilipino o 67 million sa total
population ng Pilipinas na aabot sa 105.7 milyon ang may access sa Internet.
Halos lahat umano ng mga Pilipino na internet users ay gumagamit ng social
media accounts tulad ng Facebook, Twitter at Instagram. Mula sa sarbey ng
Statista na inilathala ni Martha Jean Sanchez noong Disyembre, 2020, tinatayang
72.5 milyon ang gumagamit ng Facebook sa Pilipinas, ito ang pinakamadalas na
binibisitang social media site ng mga Pilipino na sinundan naman ng Google at
Youtube.

Pinaliit ng social media ang mundo, dahil dito madali na lamang ang
pakikipag-ugnayan kahit saan ka mang lugar naroroon. Ang Social Media ay
instrumentong ginagamit sa pakikipag-ugnayan sa mga tao na kung saan sila ay
lumilikha, nagbabahagi at nakikipagpalitan ng impormasyon at mga ideya sa
isang birtuwal na komunidad at mga network. Ngunit, sa taglay na adbentahe na
dala ng social media sa pakikipag-ugnayan, hindi pa rin ito maisasakatuparan
kung walang wikang nagsisilbing kaagapay upang ito’y tuluyang maisagawa.
Sa pamamagitan ng paggamit ng wika sa social media, nagkakaroon ng
pagkalap ng mga kaalaman patungkol sa nangyayari sa lipunang ginagalawan at
sa iba pang lugar, naipaparating natin ang mensahe saan mang dako ng mundo,
nakakausap ang ibang tao lalong lalo na ang mga mahal sa buhay na nasa ibang
lugar na nagiging dahilan din na kahit papaano ay hindi sila makaramdam ng
sobrang kalungkutan kahit na nasa malayo sila. Dagdag pa, dahil sa wika
nagkakaroon ng pagkakaintindihan sa mga impormasyong na maaaring babala o
paalala. Nakakatulong din ang wika sa mga gustong makahanap ng sideline
income, ito ay gamit ng mga online sellers para manghikayat sa mga mamimili na
bumili ng kanilang produktong ibinebenta sa social media. Samantala, nagagamit
din ang wika sa Social Media sa pagbibigay aliw sa mga mamayan kagaya ng
pagbabasa sa Wattpad at panonood ng drama sa Netflix.

Kung ang pag-uusapan naman ay patungkol sa akademiko o edukasyon,


masasabing may malaking gampanin ang social media upang mapagkunan ng
mga kaalaman sa mga takdang aralin ng mga mag-aaral. Mabilis din ang
nagaganap na komunikasyon sa social media. Nagiging instrumento rin ito sa
mga halalan lalo na’t malaking populasyon sa bansa ang may social media
account kaya’t kung gagamiting kasangkapan para sa pangangampanya ang
social media, ito’y lubos na makakatulong. Sa pamamagitan ng social media,
maraming wika sa bansa ang patuloy na nakikilala. May mga FB page at FB
groups na gumagamit ng iba’t ibang wika na bukas na ikinakalat at
ipinapalaganap sa publiko upang makita ng mga FB users ang gandang angkin
ng wikang kanilang ginagamit.

Gayunpaman, sa taglay na kagandahan at kahalagahan ng social media na


gamit ang wika. Hindi naman maikakaila ang kaakibat nitong epekto sa tao higit
na sa paggamit ng wika. Sa mabilis na pag-usbong ng mga teknolohiya at
pagbuo ng mga social network platforms katulad ng Facebook, Twitter,
Instagram, Google, Youtube at marami pang iba na lubos na tinatangkilik ng mga
Pilipino. Akalain mo bang, araw-araw o di kaya’y oras-oras o minuto-minuto ay
todo post sila ng kahit ano-ano sa mga platforms na ito. Datapuwa’t may ibang
masasabi nating may karunungan namang ipinapalaganap, may iba naman na
impormasyon na pampersonal lamang. Nagbabala pa nga ang ibang eksperto na
ang lubos na paglalahad o pag share ay delikado. Ayon naman kay Wilma E.
Germones na isang guro, sa pananayam sa kanya ng mga mag-aaral para sa
isang dokumentaryo na pumapaksa sa “Epekto ng Social Media sa Wika” taong
2017, naisaad niya na sanhi ng katamaran ang social media sapagkat iilan na
lamang ang pumupunta talaga sa silid-aklatan para magbasa dahil ang
nangyayari, pinipili ng mag-aaral na hanapin ang sagot sa Google at ang
problema ay may pagkakataon na hindi ito nasusuri ng mabuti, copy paste ang
nangyayari basta lang may maipasa. Mayroon din naman itong negatibong
epekto sa pisikal, mental at emosyonal na aspekto. Isa sa mga impluwensiya ng
social media platform tulad ng Facebook, Twitter, Youtube, Google, Instagram at
marami pang iba ay nagiging kasangkapan nila ang wika sa Social Media sa
pamamagitan ng pangaabuso sa kapwa o mas kilala sa tawag na Cyberbullying.
Laganap na ang cyberbullying sa social media, dahil nga sa paggamit ng wika sa
social media sa maling paraan ay nagkakaroon ng epekto sa damdamin ng iba
na nagdudulot ng kapahamakan. Dapat isaisip na ang kalayaan sa paggamit ng
wika ay may hangganan at ito ay ang panahon na kung ang paggamit natin dito
ay nakakasakit na ng iba. May kalayaan tayo sa paggamit ng social media ngunit
ang sobrang pagiging malaya ay masama.
Sa paggamit ng social media, aninong maituturing ang wika na kailanman ay
hindi dapat maghiwalay. Sa lahat halos ng social media, wikang Ingles ang
ginagamit, ngunit mayroon din namang paggamit ng wikang Filipino pero
paminsan ito’y nahahaluan ng pinakapopular na wikang Ingles. Bukas na
nagbabago rin ang ibang salita sa paggamit ng social media, isinaad ni Chris
Agustin na isang vlogger sa Investigative Documentaries na may mga salitang
kanyang ibinabaliktad para makasabay sa uso at tangkilikin ng iba katulad ng erp
para sa pre at etneb para sa bente.

Sa kabilang banda, sa tulong din ng social media ay nakakadiskubre tayo ng


mga nauusong salita na nakakaapekto sa wika at paguugali. Tinatawag nila itong
millennial slang tulad ng salitang “pics” na ang ibig sabihin ay pupunta ako, ang
salitang “shookt” na ang ibjg sabihin ay nagulat at ang salitang G, Slay, On Fleek
at marami pang iba. Kadalasan nakikita natin ito sa Twitter at Instagram, kung
saan upang mapadali ang paghahatid ng mensahe ay pinapaikli nila ang mga
salita upang maging cool daw basahin. Hindi rin naman maiiwasan na ang wika
natin ay nakakaranas ng pagdadaglat upang mapaikli ang pahayag. Gamit na
gamit ang pagdadaglat sa Twitter dahil may limitado lamang itong bilang ng
salitang e popost. Nagkaroon din ng paggamit ng jejemon maging ng Gay Lingo
na tinatangkilik ng ibang kabataan. Laganap din ang pagbuo ng mga balbal na
salita na gamit sa social media, sinabi naman ni Dr. Voltaire Villanueva ng
Departamento ng Sining at Wika, PNU na ang mga balbal na salita katulad ng
jeproks, japorms at bagets ay produkto ng tinatawag nating pagtanaw na ang
wika ay mayaman, dumarami at yumayabong. Bawat henerasyon ay may
nailuluwal na mga umuusbong na wika. Subalit, ayon kay Virgilo Almario, dapat
maging maingat sa paggamit ng salitang balbal dahil hindi naman di umano
laging importante ang mga salitang pangkatatawanan, pangsosyalan dahil hindi
naman ito nakakapag-ambag sa karunungan ng tao, sa karanasan ng tao bagkus
nadaragdagan lamang ang mga salitang e mememorize.

Malaki man ang ambag ng social media sa buhay na kinabibilangan natin


ngayon, may pagbabago mang nagaganap sa ating wikang Filipino, masasabi
naman na ang pagbabago na ito ay resulta rin ng pag-unlad ng ating mundo.
Binanggit ni Prop. Shedar Jocson ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng
Pilipinas, UP Diliman na kapag umiinog ang bansa at lipunan, sadyang umiinog
din ang paggamit ng wika. At ang patuloy na pagbabago ng ating wika ay
kasabay ng pagbabago ng ating kultura. Aniya pa nga ni Virgilio Almario, buhay
ang isang wika kapag nakakasabay at bumabagay sa tawag ng panahon at
nabanggit niya pa na kapag hindi nagbago ang wika at hindi sumunod sa uso,
mamatay. Ayon naman kay Dr. Voltaire Villanueva, ang teknolohikal ang
nagpapalaganap ng mga bagong salita dahil malakas na malakas ang birtuwal
na espasyo, maraming mabubuong salita na hinubog ng mga birtuwal na
pakikipagtalastasan. Katulad ng paggamit ng mga salitang maikli para maging
mabilis ang mangyayaring birtuwal na pakikipagtalastasan. Nabanggit pa nga ni
Prop. Shedar Jocson na natural lang daw ang pag-usbong ng salita depende sa
uso at hayaan na uminog ang wikang Filipino o mga wika sa Pilipinas dahil
bahagi ito ng ebolusyon natin. Wika pa niya na hayaan ang mga bata na
gumamit ng mga wika sa paraan na alam nila pero ipapaunawa natin sa kanila
na mahalaga ang paggamit ng wikang Filipino bilang wikang pambansa dahil
hindi lamang siya wika kundi ito’y repleksyon ng identidad at pagkakakilanlan
natin.
Mga Sanggunian

Badayos, P. B. (2008). Metodolohiya sa Pagtuturo at Pagkatuto ng/sa


Filipino: Mga Teorya, Simulain, at Istratehiya. Manila: Mutya Publishing
House Inc.

Magnaye, M. (2016). Ano ang Internet at Social Media? Retrieved January 5,


2021 from https://bloggerfeelssimary.wordpress.com/2016/11/13/ano-
ang-internet-at-social-media/

Llamas, C. (2020). We Are Social report: Philippines tops internet and social
media use in 2020. Retrieved January 5, 2021 from
https://www.marketing-interactive.com/we-are-social-report-philippines-
tops-internet-and-social-media-use-in-2020

Pilipino Star Ngayon (2018). Pinas, social media capital of the world!
Retrieved January 5, 2021 from https://www.philstar.com/pilipino-star-
ngayon/bansa/2018/03/17/1797574/pinas-social-media-capital-world

GMA Public Affairs. (Aug 10, 2019). Investigative Documentaries: Pagbabago


ng wikang Filipino [video file]. Retrieved from
https://youtu.be/Y0OBTGAmOYc

Steven De Castro. (Dec 15, 2017). Epekto ng Social Media sa Wika |


Documentary [video file]. Retrieved from https://youtu.be/9xrXLYTprAw

GMA Public Affairs. (Sep 1, 2016). Investigative Documentaries: Pag-usbong


ng mga bagong salita, bahagi ng pag-unlad ng wikang Filipino [video
file]. Retrieved from https://youtu.be/pcOpw0Y8rB4

GMA News. (Aug 27, 2014). Huling Hirit sa Buwan ng Wika: Ang wikang
Filipino sa modernong panahon [video file]. Retrieved from
https://youtu.be/eWkw6EsA_m8

Sanchez, M.J. (2020). Social media usage in the Philippines - statistics &
facts. Retrieved January 5, 2021 from
https://www.statista.com/topics/6759/social-media-usage-in-the-
philippines/

You might also like