atin ang mapait na balita ng mga napatay sa patuloy na kampanya ng gobyerno laban sa illegal drugs. Ngunit ang nakapukaw ng pansin at mas pinag-alab ang galit ng marami ay ang pagkamatay ni Kian Loyd delos Santos ng Caloocan City. Si Kian ang pinakabagong menor de edad na napatay sa war on drugs. Sa datos ng mga pag-aaral, 31 na ang napapatay na ang gulang ay 18 pababa, kung saan apat na taong gulang ang pinakabata. Matagal nang nababahala ang marami sa conduct of operation ng mga pulis. Tila ang nagiging pattern ay engkuwentro na nauuwi sa patayan at ang laging dahilan ay “nanlaban” diumano ang mga inaaresto. Sa agresibong pamamaraan ng police operation, bukod sa may mga nadadamay na inosenteng biktima, marami rin ang bilang ng mga napagkakamalan lamang. Sa kaso ni Kian, may mga nakasaksi sa kalye na siya ay dinampot ng mga pulis na nakasibilyan. May kuha pa ang CCTV camera kung saan kitang-kita ang dalawang pulis na may taong kinakaladkad papunta sa pinangyarihan ng krimen. Kalaunan ay inamin ng mga pulis na si Kian nga ang nakunang kinakaladkad. Bagama’t umuusad pa lamang ang imbestigasyon, tila malakas ang ebidensiya laban sa pagmamalabis ng mga umarestong pulis. Sa paulit-ulit na karahasan at patayang tulad nito, tila hindi na maaaring igiit na “normal” ang sinasabing legit police operations, lalo pa’t nasa mahigit 3,000 na ang bilang ng mga napapatay. Dagdag pa rito, maraming bilang na ng pulis ang na- relieve sa serbisyo at pinatawan ng kasong kriminal at administratibo, patunay lamang na hindi na normal at nararapat ang naging asal ng maraming pulis. Malinaw na malaki ang kailangang kumpunihin ng mga kapulisan sa kanilang procedures, intelligence and investigation, at higit sa lahat, sa kanilang moral character. Sa puntong ito, magandang ipagsigawan ng taong bayan ang accountability ng gobyerno. Kailangang maging maigting ang boses ng mamamayan, lalo na ng simbahan, na igiit ang halaga at dignidad ng bawat buhay, mapa-adik, pusher o kriminal man. Kailangang hingin ng mga mamamayan sa gobyerno ang pagsiguro nitong dadaan sa due process at iingatan ang buhay ng bawat isa. Kailangan ding ipagsigawan ang mabilis na pag-usad ng hustisya para sa lahat ng naging biktima ng war on drugs, lalo pa’t mga menor de edad at mga mahihirap ang unang tumutumba sa giyerang ito ng gobyerno. Panagutin ang mga taong nagmamalabis sa kanilang kapangyarihan at pilit binabaluktot ang batas. Kailangang hamunin ang gobyerno na hulihin ang mas malalaking isda na siyang pinagmumulan ng supply ng droga. Habulin ang mga malalaking sindikato, drug lords, mga politiko at pulis na sangkot at nagpoprotekta sa mga kanila. Kung mapuputol ang supply ng droga, sa mga lansanga’y hindi na ito aabot pa. Kaakibat ng lahat ng ito, mahalagang bigyang-diin ang panawagan na ihinto na ng pangulo ang mga pananalitang maaaring nagbibigay ng maling signal sa ilang mga kapulisan na maging trigger happy sa kanilang mga operasyon. Hindi mahirap isipin na itinutulak ng mga komento ng pangulo ang pagiging agresibo ang mga pulis at paghubog ng kultura ng karahasan sa ating lipunan. Sa huli, hindi dapat kalimutan ang malawakang pagsolusyon sa kahirapan. Ito ang siyang pangunahing dahilan kung bakit pumapasok sa kalakalan ng illegal drugs ang malaking bilang ng mahihirap. Mahalaga ring paalalahanan ang bawat pamilya na pag-ukulan ng mahusay na pagsubaybay ang bawat miyembro nito upang hindi mahulog sa droga. Hindi rin matatawaran ang papel ng simbahan sa pagtuturo ng kahalagahan ng buhay at pagdidisipulo sa mga kabataan para maiiwas sila sa ganitong uri ng bisyo. Sa war on drugs, kailangang magtulungan ng lahat ng sangay ng lipunan. Dalangin natin na wala nang susunod pang Kian.