Tekstong Argumentativ: SENYOR HAYSKUL, HANDA NA BA ANG PINOY? Ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ay patuloy na tumutugon sa pangangailangang itaas ang kalidad ng edukasyon sa bansa sa pamamagitan ng isang reporma na tinatawag na K to 12 na nangangahulugang isang taong pormal na kindergarten, anim na taon sa elementarya at anim na taon din sa sekondarya. Ito ay naglalayong mailapat nang naaayon ang kurikulum tungo sa higit na masteri ng mga mag-aaral sa mga kinakailangang kompetensi. Ang karagdagang dalawang taon sa hayskul ay naglalayong matiyak na ang mga magsisipagtapos ay magtatamo ng mga kinakailangang kasanayan tungo sa ganap na kahandaan para sa kolehiyo o di kaya'y pagkakataong makapagtrabaho.
Sentro rin ng K to 12 ang paglinang sa mga ikadalawampu't isang
siglong kasanayan ng mga mag-aaral tungo sa pangkalahatan at panghabambuhay na pagkatuto.
Matatandaang ang Pilipinas na lamang sa Timog-Silangang Asya at isa
sa tatlong bansa sa buong mundo ang may sampung taon lamang na programang pang-edukasyon bago magkolehiyo. Dahil dito, naging talamak ang pagdiskrimineyt sa mga Pilipino sa ibang bansa lalo na sa oportunidad na makapagtrabaho kahit pa taglay na nila ang kinakailangang kakayahan, kwalipikasyon at propesyon.
Kaya naman, upang matugunan ng pamahalaan ang naturang isyu,
ipinanukala ang pagdaragdag ng isang taon para sa pormal na kindergarten at dalawang taon naman sa sekondarya na nilagdaan ni Pangulong Noynoy Aquino noong Mayo 15, 2013 sa panahon ng panunungkulan ni Bro. Armin Luistro na noo'y Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon. At ang naturang senyor hayskul ay sinimulang ipatupad sa buong bansa noong taong pampaaralan 2016-2017.
Sinasabing ito na marahil ang tutugon sa pangangailangan ng
ekonomiya at lipunan lalo na sa aspektong katugmaan ng pangangailangan ng mga kumpanya sa kalidad na taglay ng mga magsisipagtapos ng kolehiyo.
Gayunpaman, ang Programang Senyor Hayskul ay nakatuon sa iba't
ibang traks at istrands na maaaring pagpilian ayon sa kakayahan, interes ng mga magaaral at pangangailangan sa mga industriya na magdurugtong o tutulayan patungong kolehiyo batay sa nais nilang kurso. Ang mga ito ay ang (1) Academic Track na kinapapalooban ng General Academics (GAS), Accountancy, Business and Management (ABM), Humanities and Social Sciences (HumSS), at Science Technology, Engineering and Mathematics (STEM); (2) Techical-Vocational and Livelihood; (3) Sports; at Arts and Design. At ayon sa mga kaugnay na panukala hinggil dito, ang mga mag- aaral ay malayang makapipili ng paaralang papasukan para sa pagtataguyod nila ng senyor hayskul sapagkat hindi lahat ng traks o istrands ay maaaring matamo sa lahat ng paaralan. Kaya naman, kung nanaisin ng mag-aaral na piliing mag-aral sa pribadong paaralan o state college, may nakalaang voucher para sa kanila ang pamahalaan na magagamit nila para sa libreng pag-aaral (state scholarship) na may kaakibat na halaga depende sa lugar na papasukan.
Subalit, sa pagdagsa ng mga mag-aaral na may kabuuang bilang na
halos humigit isang milyon, paano matitiyak na maibibigay ang kalidad ng edukasyon sa mga magaaral? May sapat bang pasilidad, aklat at iba pang kagamitan at bilang ng gurong nakalaan para sa ganito karaming mag-aaral. Handa rin kaya ang mga gurong ituro ang mga asignaturang hindi naman nila pinagkadalubhasaan lalo na yaong mga bago at maging ang mga ispesyalisado. Naaangkop kaya ang kurikulum ayon sa pangangailangan dito?
Sa kasalukuyan, lumulutang ang ilang isyu hinggil sa pagpapatupad ng
naturang reporma, Sinasabing hindi pa sapat ang kakayahang maituro ang mga ispesyalisadong nilalaman ng binagong kurikulum. Gayundin, ang praktikum para sa ilang trak ay salungat sa isinasaad sa ilang saligang batas hinggil sa paggawa ayon sa itinakda ng Department of Labor and Employment (DOLE), dagdag pa rito ang kalagayan ng mga paaralang pangkolehiyo hinggil sa kawalan ng mga inaasahang mag-aaral sa panahon ng mga unang taon ng senyor hayskul.
Ilan lamang ito sa mga paunang suliranin, implikasyon at hamong
namamasid at nararanasan sa maraming paaralan hinggil sa pagpapatupad ng Senyor Hayskul. Sa gitna nito, handa nga ba ang bansa para rito?
(Halaw sa ulat-kalatas ni De Leon (2015)
MGA GABAY NA TANONG SA PAGSUSURI NG TEKSTONG ARGUMENTATIV:
1. Anong isyu ang pinapaksa at tinutukoy sa teksto? Maglapat ng mga patunay
hinggil dito.
2. Ano ang panig ng may-akda hinggil sa isyong kinatatampukan ng teksto?
Pangatwiranan at lapatan ng mga kaugnay na patunay.
3. Paano binigyang linaw at pagpapatibay ang mga inilahad na proposisyon o
panig ng may-akda hinggil sa nakalahad na kaisipan at isyung panlipunan?
4. Paano mailalarawan ang may-akda batay sa sinasalamin ng mga nakalahad
sa teksto?
5. Ano-anong anggulo hinggil sa isyu ang binigyang-diin bilang paglilinaw at
pagpapatibay rito?
6. Paano inilatag ang ganitong katwiran o argumento ng may-akda hinggil sa
kanyang panig sa isyu?
7. Ano-anong proposisyon ang inihain ng may-akda upang mapalutang niya ang
diwa ng kanyang argumento?
8. Ano ang maaaring maging implikasyon ng teksto sa mga mambabasa tungo
sa pagpapanibagong kaisipan at pananaw hinggil sa isyu?
9. Napapaniwala ka ba o nakumbinsi sa naging panig ng may-akda hinggil sa
isyu batay sa paglalahad ng kanyang panig o argumento? Kung oo, paano? At kung hindi, bakit?
10. Ano ang naging panig mo hinggil sa isyu matapos mabasa ang teksto? Ano-ano ang mga ideya o aspekto ang nakaimpluwensya sa iyo hinggil dito?