You are on page 1of 3

Ang mga Likas na Yaman ng Asya

Tunay na ang Asya ay biniyayaan ng saganang likas na yaman. Ito ay yaman na makikita
sa kapaligiran tulad ng kabundukan, dagat, hayop, halaman, at mineral. Ginagamit ito ng mga tao
upang matugunan ang iba’t ibang pangangailangan sa pamumuhay ng mga Asyano. Sa lawak ng
Asya ay kapansin-pansin na magkakaiba rin ang yamang likas na taglay sa bawat rehiyon.

Hilagang Asya

Taglay ng rehiyong ito ang malawak na damuhan na mainam pagpastulan ng mga


alagang hayop gaya ng mga tupa at baka. Dahil sa mga alagang hayop, nakapagbibigay ito sa
mga tao ng lana, karne at gatas. Mayroon ding mga panananim na malapit sa mga lambak-ilog na
pinagmumulan ng mga pagkaing butil tulad ng trigo, barley at palay isama na rin ang pagtatanim
ng bulak, gulay, tabako, ubas at mansanas.
Malawak din ang yamang gubat na siyang pinagmumulan ng mga troso sa bahagi ng
Siberia. Sagana din sa yamang pangisdaan ang lugar na kung saan nakapanghuhuli sila ng
malalaking isda na tinawatag na sturgeon. Mula sa itlog ng isdang ito ang produktong caviar na
pangunahing iniluluwas ng rehiyon sa mundo.
Matatagpuan din sa rehiyong ito ang tatlong mahalagang uri ng mineral – ang metalikong
mineral, industriyal na mineral at mineral na panggatong. Sa metalikong mineral, ang
Kyrgyzstan ay pinagmumulan ng pinakamalaking deposito ng ginto habang ang Uzbekistan
naman ay isa sa mga nangunguna sa produksiyon ng ginto sa buong mundo. Idagdag pa ang
Russia at Turkmenistan na mayaman sa natural gas at langis na pinagmumulan ng mineral na
panggatong. Samantala, ang Tajikistan naman ay mayaman sa industriyal na mineral tulad ng
phosphate at iba pa.

Timog Asya

Sa India, matatagpuan ang malalawak na kapatagan at lambak na dinadaluyan ng tatlong


mahahalagang ilog – Indus, Ganges at Brahmaputra. Ang mga ilog na ito ay nagsisilbing
irigasyon o patubig sa mga sakahan. Dahil dito, ang pananim na palay ang mahalagang
produktong ng rehiyon. Idagdag pa ang trigo, jute, tubo at mga gulay.
Sa rehiyong ito ng Asya mayayabong ang yamang gubat. Sa Nepal ay matatagpuan ang
kagubatan sa mga gulod ng kabundukang Himalayas. Sa Sri Lanka, sa bahaging timog-kanlurang
nito ay sagana sa puno ng mahogany at palm. Sa hilaga at silangan nito, matatagpuan naman ang
mga puno ng ebony at satinwood gayundin sa gitnang bahagi na makikitaan naman ng
kagubatang evergreen.
Ang rehiyon ay makikitaan din ng ilan sa mga pangunahing yamang mineral tulad ng
batong apog, bakal, karbon, natural gas, langis, tanso, asin at gypsum. Ang malawak na Indian
Ocean ay pinagkukunan ng iba’t ibang yamang dagat. Malaking bahagi ng likas na yaman ng
rehiyong ay malaki ang naitutulong sa pamumuhay ng mga tao rito.
Timog-Silangang Asya

Sa rehiyong matatagpuan ang mayayabong na kagubatan tulad ng nasa Myanmar at


Brunei. Isa ang kagubatan ng Brunei na nagsisilbing kanlungan ng species na mga hayop tulad
ng mga unggoy, ibon at reptilya. Sa buong mundo, tanging ang Myanmar ang itinuturing na may
pinakamaraming puno ng teak. Samantala, sa kagubatan ng Pilipinas ay matatagpuan ang iba’t
ibang uri ng matitigas na punongkahoy tulad ng apitong, yakal, lauan, kamagong, ipil, narra, at
idagdag pa ang species ng dapo.
Ang mga ilog sa rehiyong ito, tulad ng Irrawady at Sittang River sa Myanmar at Mekong
River sa Cambodia ay nagsisilbing patubig sa malawak na sakahan. Samantalang ang malalaking
ilog ay pinagtatayuan ng dam ng ilang bansa at ginagamit para sa hydroelectric power na siya
namang pinagkukunan ng kuryente.
Ang Timog-Silangang Asya ay isang rehiyong agrikultural. Pagsasaka ang pangunahing
ikinabubuhay at palay ang pangunahing itinatanim dito. Isa sa mga bansa na nangunguna sa
buong mundo sa produksiyon ng coconut oil at kopra ay ang Pilipinas. Samantala, ang mga
kalabaw, baka, at kabayo ay karaniwang inaalagaan upang maging katuwang sa pagsasaka at
idagdag pa rito ang kambing, baboy at manok na pinagmumulan naman ng suplay sa karne.
Nangunguna sa deposito ng langis at natural gas ay Indonesia. Mahigit 80% ng langis sa
rehiyon ay nanggagaling sa bansang ito at 35 % naman ng liquefied gas sa mundo. Mayroon ding
liquefied gas sa Malaysia samantalang may deposito naman ng metal na tanso sa Pilipinas.

Silangang Asya

Ang China ang nangunguna sa produksiyon ng palay sa buong mundo. Sakop nito ang
7% ang kabuuang lupa sa buong mundo bagay na nakatutulong sa bansa upang pagtamnan ng
iba’t ibang uri ng pananim. Palay ang pangunahing butil na itinatanim sa China gayundin ang
trigo, mais at oat. Malawakan din ang pag-aalaga ng mga Tsino ng mga hayop tulad ng kalabaw,
kamelyo, kabayo, buriko, tupa at yak na katuwang nila sa paghahanapbuhay.
Bagamat salat ang Japan sa yamang mineral ay napanatili pa rin nito ang pagiging
industriyalisadong bansa. Halos lahat ng hilaw na materyal nito ay inaangkat sa ibang bansa.
Gayunpaman, ang pagmamanupaktura, paglikha ng mga kagamitang elektroniks, at
pagpoprodyus ng mga sasakyan ay nagresulta sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Kanlurang Asya

Bagamat malawak ang disyerto ng rehiyong ito ay sagana naman sa yamang mineral
partikular sa langis at petrolyo. Ito ang pangunahing produkto na iniluluwas ng mga bansa sa
rehiyong ito. Ang Saudi Arabia ay ang pinakamalaking tagapagluwas ng petrolyo sa buong
mundo. Malaki rin ang produksiyon ng langis sa mga bansang Iran, Iraq, United Arab Emirates
(UAE), Kuwait, at Oman. Sagana rin ang rehiyong ito sa iba pang yamang mineral tulad ng
natural gas, tanso, bauxite, potash, zinc, magnesium, phosphate, at iba pa.
Sa larangan ng agrikultura, ang Iran ay may walong porsiyento (8%) ng lupang taniman.
Dito itinatanim ang palay, barley, trigo at prutas. Ang Iraq ay nangunguna sa produksiyon at
pagluluwas ng bungang dates. Samantala, ang Israel ay nakapagtatanim ng prutas na dalandan.
Sa mga lugar na bulubundukina at madisyerto ay pag-aalaga naman ng hayop ang hanapbuhay
ng mga tao partikular na sa bansang Iran, Iraq, Syria, Saudi Arabia, at Turkey.
Sa pangkalahatan, magkakaiba man ang likas na yaman ng bawat rehiyon sa Asya ay
malaki pa rin ang kinalaman nito sa pamumuhay ng mga lipunang Asyano. Patuloy na sinisikap
ng mga Asyano na linangin ang mga bagay sa kanilang kapaligiran upang matamo ang inaasam
na kaunlaran.

You might also like