You are on page 1of 5

Muling Kilalanin

Alas-onse ng umaga nang magising si Hugo sa ospital kung saan siya’y naka-admit. Isang taon na
siyang naninirahan dito sapagkat siya ay nasa coma matapos maaksidente kasama ang magulang niya. Hindi
nabuhay ang kaniyang magulang at ang tanging nagbabayad ng kaniyang mga babayarin sa ospital ay ang
kaniyang tita na kasalukuyang wala sa Pilipinas. Kung kaya’t sa pagmulat niya ng kaniyang mga mata ay wala
siyang kasama sa kuwarto.
Inikot ni Hugo ang ulo niya upang maghanap ng kahit sinong puwedeng magsabi ng kung ano ang
nangyayari sa kadahilanang wala siyang kahit anong mga ala-ala. Gulong-gulo, dahan-dahang tumayo si Hugo
at sumilip sa bintana ng kuwarto, maraming tao ang dumadaan at naglalakad sa kalsada. Habang
pinagmamasdan ni Hugo ang mga ito, bigla niyang narinig ang pagbukas ng pinto.
“Gising ka na pala! Maupo ka po Mr. Zabin, baka bigla ka pang mapaano diyan.” Saad ng isang nars at
matapos ay tinulungan si Hugo na bumalik sa kaniyang higaan.
“This may sound really cliché and typical miss, pero ano pong nangyari sa’kin?” Tanong ng binate sa
nars.
“Normal lang po na magkaroon ng butas sa iyong memorya dahil sa aksidenteng inyong natamo, ayun
pong aksidente ay nangyari noong isang taon pa bale isang taon na po kayong comatosed. Sa aksidenteng ‘yun
ay magkasama po kayo ng magulang niyo subalit ano po…” Dahan-dahang nawala ang boses ng nars at tumigil
sa pananalita at sa halip ay patuloy na lamang na binantayan ang kalagayan ni Hugo sa mga monitor at inilista
ito.
“Hindi sila nabuhay?” Itinuloy ni Hugo nang walang halong emosyon sa kaniyang boses. Tumango
lamang ang nars kay Hugo. Tahimik at mabigat ang pakiramdam sa kuwarto hangga’t pintuol ito ng nars sa
kaniyang pagsabi:
“Mukhang ayos naman na po ang inyong kondisyon pero wala ako sa posisyon upang i-discharge ka po
kaya hintayin na lamang natin si Dok. Para sa panghuling konsulta. Dadalhin ko na po mamaya ang tanghalian
niyo, salamat po.” Tumango naman si Hugo habang nagsasalita ang nars at nanatiling tahimik. Bago pa lumabas
ang nars sa kuwarto ni Hugo ay may huli pa siyang pasabi,
“Siya nga pala, ang kuwaderno po sa tabi niyo ay isang diary na nahanap ng pulis sa pinangyarihan ng
aksidente, sa inyo po yata iyan kaya puwede niyo pong basahin upang mabalik ang iba niyong mga memorya.”
Nilingon kaagad ni Hugo ang lamesa sa tabi niya at siya’y may nasilayang kuwaderno na mukha nang sira-sira
at luma. Pinulot niya ito at may hinanda ang sarili para isa-isang basahin ang mga istoryang nakapaloob sa mga
wasak nang pahina.
Napatigil dito si Hugo sa pagbabasa sapagkat unti-unti niyang hindi nagugustuhann ang kaniyang sarili.
Lumipat siya sa ibang pahina upang maghanap ng mas magandang ala-ala. Maraming pahina ang punit na sa
gilid at iba naman ay may dumi o kung ano pa man kung kaya’t hindi mabasa ang nilalaman hanggang sa may
nahanap siya muling araw na hindi pa wasak na wasak.

“Duwag!” Isinigaw ni Hugo sa kuwadernong hawak niya. Lalo siyang napupuno ng inis patungo sa
sarili niya nang Mabasa ang mga salitang nakasulat. Hindi niya maintindihan kung paano niya nakakayanan
gawin ang mga ginawa niya noon nang wala man lang nararamdamang pagsisisi. Si Hugo ay nawawalan na ng
gana na basahin pa ang dating mga kabanata ng buhay niya. Ini-skim na lamang ni Hugo ang iba pang mga
diary entry, may iba’t iba pa siyang memoryang nakita patungkol sa buhay-pamilya at buhay-pag-ibig niya.
Mayroon din siyang nakikita na pagod na raw siya sa pag-aaral. Wala na ngang kwentong anak at nobyo, tamad
pa mag-aral. Mapanghusgang inisip ni Hugo patungo sa sarili niya. Patuloy siya sa ganitong gawi hanggang sa
dumating siya sa isang pahingang hindi niya kayang lagpasan lamang. Unang pangungusap pa lamang ay
umiikot na ang sikmura ni Hugo sa kaniyang binabasa.
“Ang sama ko na ngang tao, baliw pa ako?! Anong mga boses? Ano bang pinagsasasabi ko???”
Nararamdaman ni Hugo na unti-unti siyang natataranta at hindi na nais pang makilala ang dati niyang sarili.
Pakiramdam niya’y hindi mawari sapagkat halo-halo itong galit, lungkot, at lito. Para siyang nababaliw sa
walang katapusang mga tanong na tumatakbo sa kaniyang isipan. Hanggang sa naalala niya bigla kung sino ang
nagsabi sa kaniya tungkol sa kuwadernong hawak niya.
“NARS!!! Asan ka na? Kalokohan ba ‘to?! P***ng i** naman oh! Nababaliw na ako rito. Ano bang
kabalbalan ang kuwadernong ‘to? Bumalik ka rito, sagutin mo mga tanong ko!!” Galit na pasigaw ni Hugo.
Wala siyang mahanap na masisisi kung kaya’t nabaling niya ang emosyon sa nars na nagsabi sa kaniya tungkol
sa diary.
“NARS!! Bumalik ka rito please! Sagutin mo—” Naputol ang paninigaw ni Hugo sa pagbukas ng pinto.
Isang matangkad na lalaki ang pumasok, ngiti nito’y napakalawak at ang mga mata niya’y puno ng saya.
“Hugo! OMG! You’re finally awake!” Sabi ng hindi kilalang binata. Siya’y puno ng saya ngunit ang
nadatnan niya ay isang lalaking gulong gulo na ang ekspresiyon na may hawak na ang sirang kuwaderno. Ang
sinagot lamang ni Hugo ay:
“Sino ka?” Nasaktan ang ekspresiyon na puminta sa mukha ng lalaking kakapasok lamang.
“Ako ‘to, si Elio, hindi mo ba ako naaalala?” mahinhing tanong ng binata.
“Huwag kang lumapit! Bakit mo ako kilala?” Sagot ni Hugo. Kitang kita ang takot sa mga mata nito at
tumigil naman ang lalaking nagngangalang Elio.
“Don’t be scared Hugo, ako best friend mo, araw-araw kitang binibisita rito. Ngayon pa nga mayroon pa
akong dalang tanghalian, tinawagan ako ng nars—“ naputol ang pagpapaliwanag ni Elio.
“Nars! Asan yung nars! Papuntahin mo ‘yan dito! Magtutuos kami!” pagalit na sumbat ni Hugo.
“Ikalma mo sarili mo Hugo.” dahan-dahang sinabi ni Elio ngunit hindi napapawi ang galit na dala ng
pakiramdam ni Hugo.
“Anong kalma?!”— ibinato ni Hugo ang kuwaderno at humulas ang mga pahina sa balot nito.
“Paano ako kakalma? Halos mabaliw na ako rito nang dahil sa bwiset na diary na ‘yan!” tuloy-tuloy na
pagsigaw ni Hugo. Unti-unti namang pinagpupulot ni Elio ang mga pahina ng nasabing diary.
“Nagising ako rito nang walang tao at walang memorya, ang tanging inasahan ko upang makilala muli
kung sino ako ay ang kuwadernong ‘yan at hindi ko lubos na maisip kung gaano pala ako kasahol na tao.”
Lungkot ang pumalit na emosyon sa loob ni Hugo at ang tono niya’y talunan. Dahan-dahan namang lumapit si
Elio at umupo sa upuan na nasa tabi ng kama ni Hugo.
“Pasensya ka na kung ganito agad ang una kong pinakita sa’yo, hindi ko lang talaga inaasahang mabasa
ang ganoong mga storya.” Humingi ng tawad si Hugo para sa hindi kaaya-aya niyang pagbati kay Elio.
“Wag mo na isipin Hugo, ayos lang, at kung ito ang gumugulo sa utak mo— ang mga kuwentong ito,
you don’t have the full picture.” Paliwanag ni Elio habang si Hugo ay nakikinig nang mabuti.
“Bagama’t maraming sinasabi ang mga kuwentong ito, hindi nila nilalarawan ang iyong buong
pagkatao.” Patuloy na paliwanag ni Elio kay Hugo.
“Hindi mo puwedeng husgahan agad ang sarili mo nang dahil sa masasamang ala-ala, marami ka rin
namang nagawang mabuti sa buhay na ito.” Pilit na gustong maniwala ni Hugo sa mga sinasabi ni Elio, ngunit
hindi niya mahayaan ang sarili niyang gawin ito. Bakas pa rin ang kalungkutan sa mukha ni Hugo, at bago
ipagpatuloy ni Elio ang pagkukuwento ay inilabas niya na ang kanilang tanghalian at hinain ito para sa kanilang
dalawa ni Hugo. Sinigurado niyang kaya ni Hugo kumain at habang kumakain na sila ay patuloy na siyang
nagsaad ng kaniyang mga saloobin.
“Isa ba ‘to sa gumuglo sa isip mo? Na nag-away kayo ng magulang mo noong kaarawan mo?” Hawak ni
Elio ang pahina ng entry na ito habang si Hugo ay tumango lamang.
“Sige, ganito, hindi naman ikaw lamang ang may kasalanan sa away na ‘yun at lalong hindi ka
masamang anak para sa pakikipaglaban mo sa kanila” saad ni Elio, ngunit sumagot pa si Hugo.
“Pero hindi dapat—“ itinigil siya ni Elio.
“Patapusin mo muna ako. Lagi na kayong parang aso’t pusa ng magulang mo simula noong bata ka pa
lamang, pero hindi naman masama sa parte mong lumaban. Marami kang natamong hindi magandang
pangyayari nang dahil sa kanila, katulad ng abuso at kapabayaan, kaya kung mahanap mo pa ang ibang pahina
kung saan may hidwaan kayo, dinedepensahan mo lamang ang sarili mo at walang masama roon.” Nang
matapos magsalita si Elio ay hindi na alam ni Hugo ang kaniyang iisipin. Gusto niyang maniwala ngunit hindi
niya na alam ang paniniwalaan niya. Lalo pa siyang nag-tanong kay Elio.
“Kung sa ganoon, paano naman yung ibang storya? May palusot na lang ba para sa lahat? Tsaka simulan
kailan mo pa ako nakilala?” Walang tigil ang mga tanong ni Hugo.
“Ano pang mga entry ang nabasa mo? Sigurado akong alam ko maman nangyari dun sapagkat ako kaya
pinakamatalik mong kaibigan. Hindi sa ginagawan ko ng palusot ang mga masama mong ugali, sinasabi ko
lamang na hindi mo naman nagagawa ang mga ‘yun nang walang dahilan. Iilang taon na tayong magkaibigan,
siguro pito o walo na? Kilalang kilala kita Hugo Zabin.” Lahat ng tanong ni Hugo ay walang pagod na sinagot
ni Elio. Nakaramdam si Hugo ng ginhawa at naisip na siguro nga puwede niyang pagkatiwalaan si Elio.
“Uhm… salamat sa pagsasagot… Elio, may isa pa pala akong storyang nabasa na hindi ko
makalimutan.” Bahagyang nahihiyang sabi ni Hugo.
“Ano ‘yun?” sagot ni Elio.
“Tungkol kay… Jason?” Natagalan si Hugo nang kaunti bago masabi ang pangalan ni Jason. Alam
kaagad ni Elio ang tinutukoy ni Hugo at nag-iisip bago ibigay ang sagot.
“Isa ‘yan sa pinakamabigat mong naranasan, sapagkat lagi mong sinisisi ang sarili mo para da
pangyayari.” Tahimik lamang si Hugo habang nagpapaliwanag si Elio.
“Bago kasi mangyari ang nangyari, nagkaroon kayo ng alitan nun ni Jason, eh sobrang lala mo pa naman
magbiro— sabi mo pa edi tumalon nalang siya. Hindi naman sa gusto mo talaga na gawin niya ‘yun, pero
parang nasabi mo lang kasi nagbabardagulan kayo. Ngunit marami ang pinagdaraanan ni Jason sa buhay,
sumabay lamang ang away na ‘yun sa araw ng kanyang limitasyon at hindi na kinaya. Sumuko siya hindi dahil
inutos mo, kung hindi dahil hindi niya na talaga kayang dalhin ang bigat na dala ng damdamin niya. At hindi
mo kailangan sisihin ang sarili mo dahil doon.” Tahimik na prinoproseso ni Hugo ang lahat ng sinasabi ni Elio
sa kanya. Ang katahimikan ay bumalot sa kuwarto habang kumakain ang dalawang binata— hanggang sa
nagsalita muli si Elio.
“Alam mo, marami ka rin namang nagagawang mabuti.” Tinitignan lamang ni Hugo si Elio.
“Katulad na lamang tuwing gumagala tayo, kahit pa saan tayo mapunta, kapag may nakita kang
namamalimos ay sa halip nang bigyan mo ng kakaunting barya, bibilhan mo pa ng tubig at pagkain.” Natuwa si
Hugo marinig na hindi naman siya sobrang masamang tao mula sa ilalim ng puso niya.
“Tapos ikaw pa nga isa sa achievers sa school, hindi lang matalino, responsable pa! Club president pa
nga eh, at marami ang natutulong ng club nyo sa komunidad.” Unti-unting gumagaan ang pakiramdam ni Hugo
nang marinig ang mga sinasabi ni Elio.
“Salamat Elio, ha, sa paglilinaw sa akin ng mga iniisip ko. Hindi pa man bumabalik ang lahat ng
memorya ko pero nararamdaman ko na agad kung gaano ka ka-importante sa akin.” Nginitian lamang ni Elio si
Hugo at patuloy silang kumain. Nang matapos naman sila, niligpit na ni Elio ang pinagkainan nilanh dalawa.
Habang nililigpit niyo ang kuwarto, biglang nagsalita muli si Hugo.
“May isa pa pala akong tanong, totoo bang hindi ko kayang magtagal sa isang relasyon?” Natawa
kaagad si Elio nang marinig ito at kumunot naman ang noo ni Hugo.
“Oo, lagi namain ‘yun sinasabi! HAHAHA” patawang sabi ni Elio.
“Pero dahil siguro ‘yun sa mga pinagdaraanan mo sa buhay. Wala rin namang nagturo sa’yo kung ano
ang tunay na mukha ng pag-ibig. Sa magulang mo pa nga lang, ipininta nila na ang pag-ibig ay pakikibaka.”
Nakatitig lamang si Hugo habang nakikinig sa mga sinasabi ni Elio.
“Isang araw, mahahanap mo ang tunay na pag-ibig, yung makikita ka para sa kung sino ka talaga.
Marami ang nagmamahal sayo Hugo, kaya huwag na huwag mong isipin na hanggang sa masasamang
pangyayari ka na lamang. Marami ang nakakakita ng halaga mo, at isa na ako roon.”
Nang pabalik naman sa upuan si Elio, sinundan ito ng tingin ni Hugo hanggang sa biglang nagkita ang
kanilang mga mata. Halos magkaroon ng mga paputok sa tiyan ni Hugo nang magkatitigan sila ni Elio sapagkat
ang mga ala-ala ay isa-isang nagbalik. At sa unang pagkakataon, mula pa nang magising si Hugo, at nagkaroon
ng ngiti sa kaniyang mga labi.

You might also like